CHAPTER 5

2233 Words
Umaandar ang bus na magkahalong berde at puti ang kulay. Tinatahak nito ang daan patungo sa malayong probinsya. Sa loob ng bus, halos mapuno ng pasahero ang mga upuan na meron. Sa dulo, bandang kaliwa malapit sa bintana ay nakapwesto si David. Nakatingin lamang ang mga mata ni David sa labas. Tinitingnan ang taglay na ganda ng paligid. Nakasilay ang masayang ngiti sa kanyang labi. Pakiramdam ni David ay malayang-malaya na siya. Hindi pa man niya alam ang kanyang susunod na gagawin ngayong malayo na siya kay Bertrant ay hindi na niya muna alintana iyon dahil ang mas mahalaga sa kanya ngayon ay ang makalayo na at hindi na makita pa ng asawa. Ngunit hindi pa siya dapat makampante. Sa mga oras na ito, alam niyang hinahanap na siya at nalaman na ni Bertrant ang mga nangyari. Kailangang makapag-isip na siya ng susunod niyang hakbang para mas maging matagumpay ang kanyang pagtakas at hindi na pagpapakita pa kay Bertrant. Huminga nang malalim si David. Mula sa bulsa ay hinugot niya ang kanyang phone at wallet. Tinitigan niya ang kanyang cellphone at nakita niyang marami ng missed calls galing sa mga body guard niya. Pinatay niya iyon. Sunod niyang tiningnan ang wallet niya. Sa bilang niya ng perang nakapaloob, sa tingin niya ay hindi sasapat ang mga iyon para ipambuhay niya sa sarili sa loob ng isang linggo. Muli niyang itinago ang mga gamit niyang iyon sa bulsa. Problema na nga sa puder ni Bertrant pero problema rin ngayong nakatakas siya, ang pagkakaiba nga lang... masaya siya ngayon dahil malaya na siya kahit kinakapitan pa rin siya ng problema. “Mag-isip ka na David ng mga susunod mong gagawin,” bulong niya sa hangin. “Kailangan mo nang makaisip ng mga bagong plano,” mahinang dagdag pa niya. Mahinang nagbuga nang hininga si David. Muli niyang tiningnan ang view sa labas ng bintana. --- “Mga tanga!!! Si David na nga lang ang babantayan niyo pero hindi niyo pa nagawa nang maayos ang trabaho niyo!!! Mga inutil!!! Natakasan kayo ng iisang tao na mas mahina pa sa inyo!!!” galit na galit na sigaw nang malakas ni Bertrant sa kanyang cellphone na nakatapat sa tenga niya. Dumagundong sa loob ng hotel room na tinutuluyan niya dito sa Cebu ang malakas na boses niya. Galit na galit ang mga ugat sa leeg niya dahil malakas na pagsigaw. Nanlilisik ang mga mata nito na nakatitig sa salamin at namumula ang balat dahil sa galit sa narinig na balitang nawawala si David. Hindi siya makapaniwalang matatakasan na naman sila nito. “Pasensya na Sir-” “Mga p*tang ina niyo!!! Hanapin niyo siya sa kahit saan mang sulok ng Pilipinas dahil kung hindi niyo siya mahanap ay sisiguraduhin kong malilintikan kayo sa aking lahat!!!” sigaw kaagad ni Bertrant. Dumidiin ang hawak niya sa cellphone. “Hanapin niyo siya kahit sa impyerno at ibalik sa akin!!!” Muling dumagundong sa loob ng silid ang malakas na boses ni Bertrant. “Opo Sir-” “Kunin niyo ang mga CCTV footage ng mall at i-track ninyo ang phone niya para mahanap siya!!!” malakas at puno ng otoridad na utos ni Bertrant. “Babalik na rin ako diyan,” dagdag pa niya. Akala niya okay na ang araw niya dahil nakuha niya ang deal sa mga nakausap niyang investors sa meeting nila kanina pero malalaman-laman niyang tumakas si David na sisira ng todo sa araw niya. “Opo Sir Ber-” Kaagad na ibinaba ni Bertrant ang tawag na pumutol sa iba pa sanang sasabihin ng kausap at tinanggal sa tapat ng tenga niya ang kanyang cellphone. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin sa salamin na nasa harapan lamang niya. “Hayop ka David! Talagang pinagplanuhan mo ang lahat para takasan ako. Pwes, kahit sa impyerno ka pa pumunta ay susugod ako dun para kunin ka! Kahit si Satanas pa ang makalaban ko, kukunin kita sa kanyang hayop ka,” nanggigigil na wika ni Bertrant. “Sisiguraduhin ko sayong mahahanap kita!” malakas na sigaw pa niya. Sa sobrang galit at panggigigil, malakas na inihagis ni Bertrant ang kanyang cellphone. Lumikha iyon ng nakakabasag-tengang ingay dahil bukod sa cellphone, nagkandabasag-basag din ang salamin na tinamaan nito. “Aaarrrggghhh!!!” malakas na sigaw ni Bertrant. “Daaavvviiiddd!!!” --- Nakarating na si David sa isang hindi pamilyar sa kanyang probinsya. Sa halos isang oras na paglalakad, napadpad ang mga paa niya sa tabi ng dagat. Tumayo siya sa mga batuhan na nasa tabi ng dagat. Ipinikit ang mga mata at nilanghap ang sariwa at amoy alat na simoy ng hangin. Naririnig niya ang mahihinang hampas ng alon. Napangiti siya dahil sa gaan ng pakiramdam na hatid nito. Muling dumilat ang mga mata ni David. Tiningnan ang maaliwalas na paligid. Ang araw na sa kasalukuyan ay kulay kahel na dahil sa nalalapit nitong paglubog. Napakaganda ng repleksyon nito sa tubig dagat na dumagdag sa gandang taglay ng paligid. “Nasa paraiso na ba ako?” pagtatanong ni David sa sarili. Napangiti si David. Kuminang ang mga mata niya. Naisip ni David na maupo na muna sa batuhan para makapagpahinga. Pinagmasdan ang ganda ng paligid. Hanggang sa mapatingala si David sa kalangitang malapit ng magdilim. “Dad,” mahinang pagtawag niya sa kanyang ama. Bigla itong sumagi sa isipan niya. “Salamat sa paggabay at pagbabantay sa akin.” Alam niya na bukod sa Diyos, kasama niya pa rin ang kanyang ama kahit na hindi na niya alam kung nasaang lupalop na ito ng mundo. Malalim na bumuntong-hininga si David. Mula sa bulsa ay kinuha niya muli ang wallet at cellphone niya. Kahit ang card holder na dala niya. Tiningnan niya iyon isa-isa. May pait ang naging ngiti niya. “Simula ngayong araw na ito. Magbabago na ang buhay ko. Hindi ko na kayo kailangan pa,” mahinang sambit ni David. Isa-isa niyang inilapag ang mga hawak sa katabing bato. Tinitigan niya ang mga iyon pagkatapos. “Hindi ko sasayangin ang kalayaan kong ito. Simula ngayon ay ako na ang hahawak sa buhay ko at hindi hahayaang makuha muli ito.” Ngumiti si David matapos sabihin iyon. Buo na ang loob niya na hawakan at kontrolin ang sariling buhay. Tumayo si David mula sa pagkakaupo sa batuhan. Isa-isa niyang tinanggal sa pagkakabutones ang suot niyang polo saka hinubad iyon. Natira ang puting t-shirt na kanyang suot sa panloob. Inilapag niya ang hinubad na polo katabi ng iba pa niyang gamit na nilapag sa batuhan. Napangiti siya. Muli nitong tiningnan ang malawak na dagat. Nagbuga siya ng hangin saka sumilay ang masayang ngiti sa kanyang labi. --- “Nahanap niyo na ba siya?” mariing pagtatanong ni Bertrant sa tauhan niya. “Hindi pa, President. Sa kasalukuyan patuloy pa rin siyang pinaghahanap,” sagot sa kanya ng tauhan niya mula sa kabilang linya. Napahinto sa paglalakad sa loob ng airport si Bertrant. Bukas pa sana siya babalik pero dahil sa nangyari ay napaaga ang mga balak niya. “Ang kukupad ninyo! Ang cellphone niya, na-track niyo na ba dahil kung mata-track niyo iyon, mas magiging madali lang ang paghahanap sa kanya.” “I’m sorry President pero out of reach na ang cellphone ni Sir David kaya nahihirapan din kaming ma-locate siya. Sa ngayon President ay iniimbestigahan na ang mga CCTV footages ng mga lugar na napuntahan niya bago siya mawala. ‘Yun na lang kasi ang tanging magagamit sa ngayon para malaman kung nasaan nga ba talaga siya,” magalang na pagpapaliwanag ng tauhan ni Bertrant. Madiin na napapikit ng mga mata si Bertrant pero dumilat rin siya kaagad. “Lintik talaga!” galit na singhal nito. “Sige in a few hours ay nakabalik na ako. Kailangan may bago kayong ibalita sa akin. Saka si Ismael at Ryan, iharap mo sa akin ang mga tangang ‘yan.” “Yes, President,” sagot ng tauhan sa kabilang linya. Kaagad na ibinaba na ni Bertrant ang tawag. Tinago sa bulsa niya ang cellphone niya. Dalawa ang dala niyang phone kaya hindi naging problema sa kanya ang communication. Marahas na nagbuga nang hangin si Bertrant saka mabilis na naglakad papunta sa ticketing booth ng paliparan. --- Lakad-takbo si David sa gitna ng kagubatan. Madilim na ang kalangitan kaya bukod sa kaba ay nakakaramdam na rin siya ng takot lalo na at pakiramdam niya ay may sumusunod at nakatingin sa kanya saan man siyang magawing bahagi ng kagubatan. Hindi niya alam kung tao ba iyon o hayop at hindi na niya kailangan pang malaman iyon dahil ang mas dapat niyang alalahanin ay ang makaalis na sa lugar na ito. Patingin-tingin si David sa paligid. Naglilikot ang mga mata niya. Puro matataas na puno at naapakang mga tuyong dahon ang karaniwang nakikita ng kanyang mga mata na nahihirapan na rin dahil sa tanging liwanag na lamang ng buwan ang nagiging ilaw sa paligid. Hindi na nga niya alam kung may hayop na bang sumusunod sa kanya o bigla na lang lumitaw sa harapan niya. “Ikaw kasi David, naisipan mo pang mamasyal dito... ito tuloy,” paninisi ni David sa sarili. Matapos niya kasing pumunta sa tabing dagat ay naglakad-lakad pa siya dahil wala rin naman siya talagang mapupuntahan hanggang sa makarating siya sa kagubatan kung saan namangha siya sa angking kagandahan nito kaya hindi niya namalayang nagpatuloy siya sa paglalakad papasok hanggang sa maligaw na nga siya at abutan na ng kadiliman. Marahas na napabuntong-hininga na lamang si David. “Relax lang David at makakalabas ka rin dito,” pangungumbinsi niya sa sarili. Pinapalakas na lamang niya ang kanyang loob sa kabila ng gutom, antok, hingal at pagod dahil sa tagal nang paglalakad at pagtakbo niya. Samantala, nakatutok ang mga chinitong mata ni Maxwell sa daan habang minamaneho niya ang kanyang itim na kotse. Sa tulong ng ilaw na nanggagaling sa headlights sa harapan ng kotse niya ay nabibigyang liwanag kahit papaano ang madilim na dinaraanan niya. Pauwi na siya sa bahay. Galing siyang grocery dahil namili siya ng mga pagkain at gagamitin niya. Medyo malayo ang lugar ng pamilihan kaya marami-rami na rin ang binili niya na aabot ng dalawang linggo. Ganito talaga kapag sa probinsya, malalayo ang lugar. Baagyang kumunot ang noo ni Maxwell at nagsalubong rin ang magkabilang makapal at itim na itim na kulay ng kilay niya dahil sa pagtataka. Parang may nakikita siyang tao sa gilid ng daan. Medyo nakaramdam pa siya ng takot dahil baka ibang nilalang na iyon. Hindi naman siya takot sa mga multo o engkanto dahil hindi pa siya nakakakita nito kaya hindi rin siya naniniwala pero baka maiba rin ang takbo ng pakiramdam niya kapag nakakita na siya ng tunay na mga ito. Hanggang sa manlaki ang mga mata ni Maxwell dahil sa gulat nang nakita niyang humarang sa daanan ang nakita niyang tao o ano. Hindi pa niya masyadong maaninag ang mukha pero sa tingin niya ay lalaki dahil na rin sa bulto ng katawan nito. Nakasuot ng puting t-shirt at pantalon. Nang malapit na si Maxwell ay kaagad siyang nag-preno kaya huminto ang kotse niya. Napatingin si Maxwell sa mukha ng lalaking nakaharang ngayon sa daan. Halata ang paghingal at pagod dito pero hindi niya maikakailang magandang lalaki ito. Napatunayan na niyang tao ito at hindi multo o engkanto. Halos mapatalon naman sa gulat si Maxwell habang nakaupo dahil biglang hinampas ng lalaki gamit ang dalawang kamay nito ang harapan ng kotse niya. “Lintik! Ano bang trip niya?! Tsk!” Napapalatak pa si Maxwell dahil sa pagkainis. Tinanggal ni Maxwell ang seatbelt sa katawan niya at mabilis na binuksan ang pintuan ng driver’s seat. Lumabas siya sa kanyang kotse saka kaagad na nilapitan ang lalaki. Nakatingin lamang si Maxwell sa lalaki na nakayuko pa rin at nakapatong ang magkabilang kamay sa harapan ng kotse niya. Hinihingal ito at sa tingin niya ay kinakalma ang sarili. Magtatanong na sana si Maxwell pero napatigil siya dahil dahan-dahang nag-angat ng mukha ang lalaki at tumingin ang mapupungay nitong mga mata sa kanya. Halata na rin sa mga mata nito ang pagod. Nakaramdam nang pag-aalala si Maxwell sa lalaki dahil sa tingin niya ay hindi maganda ang kondisyon nito. Nawala ang pagkainis niya at lumambot ang itsura ng mukha niya. “Okay ka lang ba?” mahinahong pagtatanong ni Maxwell sa lalaki. Hindi na niya ito pinagsalitaan dahil sa ginawang pagharang ng biglaan sa daan at paghampas pa sa kotse niya. Nanatili namang nakatingin lamang ang lalaki kay Maxwell hanggang sa magulat na lamang si Maxwell at mabilis na kumilos para saluhin ang lalaki dahil bigla itong nanghina at babagsak na sa lupa. Nakayuko si Maxwell habang hawak niya sa braso ang lalaki. Nakatitig sa mata ng isa’t-isa. “Tulungan mo ako... tulungan mo ako,” nanghihina at nagmamakaawang sambit ng lalaki. Mabilis na napatango-tango na lamang si Maxwell. Kargo de konsensya pa niya kung hindi niya ito tutulungan. Kung masama man itong tao na tumatakas lang ay kaya naman niya itong labanan at isuplong sa otoridad. Maliit na napangiti ang lalaki. “Salamat,” nanghihinang wika nito. Wala pang isang minuto ay nanlaki na lamang ang mga mata ni Maxwell dahil biglang nawalan ng malay ang lalaki. Mapapaluhod na sana ito sa lupa pero mabilis na kumilos si Maxwell at hinawakan niya ito sa baywang at dahan-dahan itong inangat patayo at ipinatong sa katawan niya. “Uy! Uy! Gising!” natatarantang sigaw ni Maxwell habang marahan niyang pinapalo ang likod nito para magising.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD