“MUKHANG masaya ka ngayon, Maryey.”
Nginitian niya si Mylene. “Oo. Dahil makikita ko na uli ang Kuya ko.”
Tumabi sa kanya si Mylene. “Guwapo rin ba?”
“Super,” natatawa niyang wika bago inayos ang naka-display na electric kettle sa glass cabinet. Nahirapan pa siyang yumuko dahil sa suot niyang mini skirt kaya medyo nag-squat siya paupo at inayos ang nasa pinaka-ibabang parte ng glass cabinet. Pagtayo niya ay siya namang daan ng mukhang fresh na fresh na si Sergio Delavin. “Hi, Sir,” bati pa niya rito at bahagya itong nginitian. Nagtuloy-tuloy lang ito sa paglalakad na ikinayamot niya. Animo hindi siya nakita. Minsan na nga lang siyang bumati rito na may kasamang ngiti ay in-snob pa siya. “Madapa ka sana.”
Huminto ito at nilingon siya. “Narinig ko ‘yon.”
Nginitian lang niya ito ng ubod tamis bago tinalikuran. Dumiretso siya sa stock room at baka balikan siya nito. Hindi sila close para tratuhin niya ito ng ganoon. Hindi lang niya napigilan ang sarili dahil sa pang-i-snob nito.
Pagkatapos mag-lunch ay todo retouch ang ginawa niya. Tinawagan na rin niya ang kanyang ina na alas tres ng hapon ang simula ng endorsement ng kanyang kapatid na si Alfie Natividad. He’s an actor and in demand commercial model kaya naman marami ang nakakakilala rito kahit na dalawang taon pa lang ito sa mundo ng showbiz.
Nang makabalik sa selling area ay sunod-sunod ang naging pag-a-assist niya dahil sa dami ng customer ng hapong iyon. Palibhasa ay araw ng Linggo.
“Excited na akong makita si Alfie Natividad.”
“Mamaya lang makikita mo na rin ‘yon,” nakangiting wika ni Maryey kay Mylene.
“Hindi ko na mahintay. Naku, haharangin ko talaga ‘yon at iki-kiss ko kapag dumaan dito sa atin.”
“As if naman ay posible? Maraming security guard ang nakapalibot doon.” Napabuntong-hininga siya sa naisip.
“Malay mo may himala mamaya. Ma’am Mabel, nakalabas na naman ang pang-mais mo.”
Napatawa siya dahil na rin nadala siya sa tawa ni Ma’am Mabel nang dumaan ito sa puwesto nila, regular ito ng Home Fashion.
“Busy ako sa glassware,” anito na nagpaalam na sa kanila.
“Lagi naman.”
“Kung gusto ninyo ay tulungan niyo ako.”
“’Wag na at hinihintay namin ang pagdaan ni Alfie Natividad dito.”
Napaharap sa kanila si Ma’am Mabel. “Oo nga pala. Mamaya babalik ako. Andiyan na raw sabi ng mga SAG,” anito bago nagmamadali na itong pumunta sa may glassware.
SAG ang tawag sa mga security guard na naka-civilian attire na pagala-gala sa buong department store, Security Acting Group. Akala mo ay isang mamimili lang pero guard pala.
“Magkikita na kami!” impit na tili ni Mylene.
Maging siya ay nakaramdam ng pagka-excite dahil sa nalalapit na pagdating ng kanyang kapatid. Sa wakas makikita rin niya ito ng personal.
Makalipas pa ang ilang sandali ay sunod-sunod na ang paglabas ng mga security guard sa daanan ng mga empleyado. Napalunok siya. Lahat ng mga demo at customer ay nagpuntahan sa gilid ng hallway kung saan dadaan ang mga ito.
“Kuya,” anas niya nang masilayan ito. Ang guwapo nito lalo ngayon. Mukhang hindi niya magagawa ang planong paglapit dito dahil sa daming nakapalibot ditong guard. May mga kasama rin ito.
“Alfie Natividad!” hindi napigilang palirit ng ilan.
Nakasunod din dito ang ilang Departmen Manager. Hindi niya maialis ang tingin sa kanyang kapatid. Hoping na tumingin ito sa gawi niya ngunit hindi iyon nangyari. Pero sa kabila niyon ay nasa puso pa rin niya ang saya na makita ito. Malayo na nga ang narating ng kanyang kapatid. Masaya siya para dito. Kaya lang naman galit dito ang Ate Nati niya ay dahil ito ang dapat na gumagawa ng ginagawa ngayon ng kanyang Ate sa opisina.
Bahala na ang kanyang ina na mangamusta rito. Gusto sana niyang harangan ang dinaanan kanina ng kanyang Kuya Alfie para makita siya nito. Hindi lang niya ginawa dahil sa sinabi ni Nati sa kanya.
“Naku, Maryey, mahihiya ‘yong lapitan ka ‘pag nagkataon. Panira sa image niya na may kapatid siyang sales clerk sa department store. Hindi ‘yon proud na ‘yon ang trabaho mo.”
Napabuntong hininga siya nang maalala ang sinabi ng kanyang kapatid. Hindi naman ganoon ang kuya niya.
Patunay na noong umuwi siya sa kanila ng gabing iyon at makita sa kusina ang panganay na kapatid na sobrang ikinagulat niya. Kaya pala hindi nagre-reply ang kanyang ina sa text niya dahil busy ito sa pagluluto ng paborito ng Kuya niya.
MATAPOS mag-time-in sa krono kung saan isina-swipe nila ang kanilang ID ay naglakad na si Maryey sa pasilyo papuntang selling area. Bago tuluyang lumiko ay huminto muna siya sa isang wall na salamin at tinitigan ang sarili mula ulo hanggang paa.
Napabuntong-hininga siya. “Malapit na akong mag-end of contract. Mami-miss ko ang lahat dito. Ang selling area, locker, pagtambay sa recreation area. Lalo na ang pagpasok sa stock room. At pagtitig sa sarili ko kapag naglalakad dito sa pasilyong ito,” mahina niyang anas habang tinititigan ang sarili.
“Mabasag ‘yang salamin.”
Nahigit niya ang paghinga. Hindi rin siya nakaimik nang matitigan ang fresh na fresh at guwapong-gwapong si Sergio. Naka-all white ito. Kung magdala ito ng kahit na anong kasuotan animo nagmo-modelo lang. Sinuri din nito ang sariling repleksiyon sa salamin. Hindi niya napansin ang paglapit nito dahil busy siya sa pagtitig sa kanyang sarili. Kaya naman ganoon na lang ang gulat niya sa bigla nitong pagsulpot.
Naramdaman niya ang biglang pagtahip ng dibdib niya habang pasimpleng nakatingin sa kaguwapuhan nito. Tumikhim siya sa pag-aakalang mawawala iyon. Ngunit naroon pa rin. “As if naman sa akin mababasag ang salamin na ‘yan?” hindi niya napigilang sabihin. Kunway binistaan niya ang suot nito. “Sir, ingat ha? Baka kasi matapunan ‘yang puting-puti mong suot ng juice or any kind of liquid. Ikaw rin,” aniya na ngiting-ngiti bago mabilis na lumayo rito.
Ngunit ang heroides na Acting Manager na si Sergio ay gumanti pa talaga sa kanya. Dahil ng magpi-pledge na sila ng umagang iyon ay siya pa ang pinapunta nito sa unahan para gawin ang pledge na sasabayan ng lahat.
Pasalamat na lang siya at memoryado niya iyon dahil kung hindi ay tiyak na mapapahiya siya. Nang matapos ay nginitian pa niya ito ng matamis bago bumalik sa hanay nila.
“Akala naman niya ay hindi ko magagawa. Ako pa ba, Mr. Delavin?”
“For the first time nag-pledge ka. At ikaw pa talaga ang napili ni Sir Pogi, ha?”
Nginitian lang ni Maryey si Mylene ng maasim.
Kinahapunan, malapit na silang mag-time-out nang mapansing kulang ang ID na suot ni Maryey. Dapat ay dalawa iyon ngunit nawawala ang isa sa ID lace niya. At iyong pang-time in at time out pa talaga niya sa krono.
“Shan, napansin mo ba ‘yong isa kong ID? ‘Yong pang time-in at time out ko sa krono nawawala, eh.”
Umiling ito. “Hindi.”
“Mylene, ikaw, napansin mo ba ‘yong ID ko?”
“Hindi rin.”
Tinanong na niya lahat ngunit hindi napansin ng mga kasamahan niya. Nanlulumong napasandal siya sa glass cabinet kahit na bawal iyon. Maraming bawal gawin sa Department Store. Bawal umupo, sumandal sa kahit saan at makipagdaldalan dahil sa nakapaligid na CCTV camera.
“Paano na ito?” Naiiyak na siya nang marinig ang paging mula sa customer service.
“Miss Maryey Natividad of Home Fashion Department. Please proceed to the Department Store Manager Office to claim your ID.”
Napatayo siya ng tuwid. Siya ang tinutukoy ng customer service.
“Punta na, Devon,” ani Ma’am Lani.
Tumango siya bago nagmamadaling pumunta sa back office. Nagpa-frisking o nagpakapkap muna siya sa babaeng SAG bago pumasok sa back office. Nagtataka pa rin siya kung paanong napunta ang ID niya sa opisina ni Sergio Delavin. Puwede naman iyong i-surrender sa CRC para doon niya i-claim.
Kumatok muna siya bago pinihit pabukas ang door knob. Prenteng nakaupo sa swivel chair si Sergio at matamang nakatingin sa kanya. Nakita rin niya sa lamesa nito ang ID niya. Huminga muna siya ng malalim bago ito nilapitan. Nakaramdam siya ng bahagyang pagkaasiwa dahil ni hindi nito inaalis ang tingin sa mukha niya.
“S-Sir, ‘yong ID ko ho. Kukunin ko na.”
“Careless,” anito bago iniabot sa kanya ang pakay niya.
“Hindi ko naman ho sinasadya na maiwala ito.” Nang maikabit niya sa ID lace ang kanyang ID ay napakunot-noo pa siya. “Paano ho napunta sa inyo ang ID ko?”
Humalukipkip ito at pinanatiling pormal ang mukha. “May nakapulot dahil pakalat-kalat sa kung saan.”
“Eh, bakit nga ho nasa inyo? Puwede namang sa CRC dalhin para doon ko na lang kunin.” Doon kasi kinukuha ang mga nawawalang gamit o ano pa man sa Department Store.
“Ang dami mo pang sinasabi. Bakit hindi ka na lang magpasalamat dahil nasa iyo na uli ‘yan?” Magsasalita sana si Maryey nang muling magsalita si Sergio. “Makakalabas ka na.”
Sa huli ay hindi na siya nakipagtalo pa. “Thank you,” sa wakas ay nasabi rin niya.
“Whatever.”
Pagtalikod niya rito ay siya namang pasok ni Sir Jin. “Good afternoon, Sir Jin,” magiliw pa niyang bati rito na ikinasalubong ng mga kilay ni Sergio. Dahil siguro sa tono ng boses niya.
“Good afternoon,” ganting bati nito.
Bago niya isara ang pintuan ay nagkasalubong pa ang mga tingin nila ni Sergio. That moment hindi niya ma-explain ang kabang biglang naramdaman sa dibdib. Para saan iyon?