ADONIS:
PASADO alastres na ng madaling araw akong nakauwi ng bahay. Inaantok na rin ako dahil wala pa akong naging tulog. Sinilip ko na muna si Nanay sa silid nito at nakitang nahihimbing pa.
Maingat bawat yabag kong lumapit at naupo sa gilid ng kama nito. Napangiti na hinaplos siya sa ulo.
Kung tutuusin ay napakaganda din naman ni Nanay. Lalo na noong dalaga pa siya. Hindi siya nag-aayos pero makikita mo ang natural niyang ganda sa likod ng pagiging simple nitong babae. Hindi na rin ito sumubok pang umibig at sa akin lang umikot ang buhay.
Kaya gano'n na lamang ang kagustuhan kong makapag-ipon at maiahon ito sa hirap. 'Yong hindi na niya kailangan pang magtrabaho dahil hindi problema ang pera. Pangarap kong mabigyan siya ng isang maginhawang buhay balang araw. Kaya kulang na lang pati gabi ay gawin kong araw sa pagtatrabaho makaipon lang.
Gusto ko nga sanang sa abroad magtrabaho para mas mabilis ang pag-iipon ko pero ayaw nito. Naiintindihan ko naman na hindi niya kayang mawalay sa akin dahil sa tanang buhay ko ay hindi pa ako nailalayo dito.
"Salamat po sa lahat-lahat, Nay. Mahal na mahal ko po kayo," bulong ko na humalik sa noo nito bago inayos ang kanyang kumot.
Napahaplos pa ako sa kanyang pisngi bago maingat na lumabas at nagtungo ng kusina. Dumampot ng can beer sa maliit naming refrigerator bago pumasok ng silid ko.
Tanging boxer brief ko lang ang saplot na sumampa ng kama. Napasandal ng dingding at binuksan ang beer ko. Napapailing na lamang ako na naiisip na naman ang walanghiya kong ama. Nasaan na kaya ang taong 'yon? Buhay pa kaya siya?
Ang tipid lang kasi ng detalye ni Nanay tungkol dito. Isang linggo niya lang daw nakita at nakasama noon si Tatay sa hacienda ng mga Mondragon kung saan ito noon nagtatrabaho. Bumisita lang daw noon si Mr McLaren sa hacienda na kasama ang fiancee. At sa huling gabi nga nito sa hacienda ay may nangyari sa kanila ni Nanay na nag-iwan ng bunga. At 'yon ay ako.
Isa rin ito sa dahilan kaya gusto kong umasenso. Para pagdating ng araw na magtagpo kami ng ama ko ay may maipagmamalaki ako dito na kahit inabandona niya kami ay may narating kami ni Nanay mula sa aming pagsisikap. Na nakaya naming mabuhay ng matiwasay kahit wala itong naging ambag maski pisong duling sa aming mag-ina niya.
Ilang minuto lang ay nakadama na ako ng antok na maubos ko ang dalawang can beer na inumin ko. Umayos na ako ng higa na napadantay ng braso sa noo. Napatitig sa kisame na napapaisip sa mga bagay-bagay.
Unti-unting sumilay ang ngiti sa mga labi ko na sumagi sa isipan ko ang mapusok at malalim naming halikan kanina ni Madam. Kung paano niya tugunin ang mga labi ko at angkinin na parang kanya ako. Ang mga napag-usapan namin na lalong ikinangiti ko.
May puwang sa puso ko na malamang may pagtingin din ito sa akin. Pero ayoko namang samantalahin ang pagkakataon. Dahil kahit malinis at tapat ang nadarama ko para dito? Iba at iba ang iisipin ng mga tao at paniguradong mamatain lang nila ako. Na dahil sa yaman nito kaya ako nagkagusto dito. Bagay na hindi naman totoo. Dahil kahit walang manahin si Madam ay malugod ko itong mamahalin at tatanggapin pa rin. Wala naman akong pakialam sa yaman at kasikatan nito. Dahil siya mismo ang nagustuhan ko. Hindi sa kung anong meron ito.
"Hwag mo ng subukan, Adonis. Isang malaking sampal na sa'yo ang katotohanan na hindi nababagay ang mahirap sa mayaman katulad sa nangyari sa mga magulang mo," kastigo ko sa sarili na nagpatangay na lamang sa antok.
KINABUKASAN ay pasado alas-otso na ako nagising. Kapag gan'tong oras ay nasa palengke na sila Nanay at abala sa pagluluto. Mabigat ang katawan na bumangon na ako at lumabas ng silid.
Napangiti na lamang akong kakamot-kamot sa buhok kong sabog-sabog pa na makitang nakahanda na ang agahan ko sa mesa. Ugali na kasi ito ni Nanay. Na bago umalis ng bahay ay nakahanda na ang agahan ko. Ayaw na ayaw kasi nito na kape at tinapay lang ang kinakain ko sa umaga. Sabi nga nila. . . breakfast is the important meal of the day.
Matapos kong maghilamos at sipilyo ay nagtimpla na ako ng kape ko para makagayak na rin. Wala akong nasahod kagabi sa Bar dahil sa paglabas namin ni Madam. At paniguradong nakakaamoy na naman ang manager namin doon. Baka mamaya ay lalo niya akong pag-initan na mapag-alamang may namamagitan sa amin ng boss namin. Kung kay Sandara nga na GRO lang namin ay banas na banas na ito at gusto akong tanggalin sa trabaho? Paano pa kaya kung ang boss namin ang magkagusto sa akin? Baka naman tuluyan na itong mag-alboroto na parang bulkang sasabog!
Naiiling na lamang akong mabilis kumain ng makagayak na. Kailangan kong bumawi ngayon sa pagde-deliver para may maidagdag ako sa iniipon ko.
Palabas na ako ng compound namin nang mahagip ng paningin ko ang mga tambay na ginulpi si Tyago noong nakaraang linggo. Tila may hinihintay ang mga ito na palinga-linga sa paligid.
"s**t! Naman oh!" bulalas ko.
Nakatayo kasi ang mga ito sa mismong tapat ng motor ko kaya tiyak akong ako ang hinihintay. Nagtawag pa naman sila ng ibang makakasama.
Hinugot ko ang cellphone ko sa bulsa at mabilis na tinawagan si Tyago. Pucha! Nasa sampu ba namang sanggano ang naghihintay sa akin. Mga lintek!
"Tol," bungad ko.
"Napatawag ka, tol?'
Napahinga ako ng malalim na nakakubli sa poste at napapasilip sa mga sanggano.
"Um. . . tol, tanda mo 'yong mga nakasagupa mo noong nakaraang linggo?" aniko.
Saglit itong natahimik na tila napaisip.
"Ah, sila ba? Oo, tol. Bakit?" sagot nito.
Napahinga ako ng malalim na napakamot sa kilay.
"Tol, inaabangan nila ako eh. Nagtawag pa sila ng makakasama," pagtatapat ko.
"Ano!?"
Nailayo ko ang aparatong nakalapat sa tainga ko na napalakas ang boses nito sa kabilang linya.
"Hwag ka namang manigaw. Ang sakit sa tainga," ingos ko.
Mahina itong natawa at saglit lang ay in-start na nito ang motor niya na ikinangiti ko.
"Hintayin mo ako, tol. Tayo ang haharap sa mga kumag na 'yan," saad nitong ikinangiti at tango ko.
"Sige, tol. Salamat. Nandidito sila sa labasan."
ILANG minuto lang naman ay dumating nga ito kaya lumabas na ako. Napansin naman kaagad ito ng mga sanggano na napatuwid ng tayo. Napangisi akong malalaki ang hakbang na nilapitan si Tyago na bagong dating.
"Tol," anito na nakipag-goosebump sa akin.
"Kaya ba natin?" bulong nito na ikinangisi ko.
"Oo naman. Tayo pa ba?" sagot ko na tinapik ito sa balikat.
Magkasabay kaming tuwid na naglakad na sinalubong ang mga sanggano. Kitang kami nga ang sadya ng mga ito na napakasiga nilang maglakad. Kabado ako pero hindi ko pinapahalata at pinanatiling matapang ang itsura.
"Kayo na naman? Hindi pa ba kayo nadadala?" nakangising pang-aasar ko sa mga lalakeng binugbog ko noong nakaraan.
"Boss, sila ang hari dito. Ang dalawang 'yan. Sila ang dumali sa amin noong nakaraan," ani ng isa na nagsusumbong sa leader nila.
Napatitig ako sa pinuno ng mga ito. Lahat naman sila ay malalaking tao na maskulado pa. Maraming tattoo sa katawan at sa isang tingin ay masasabi mo talagang hindi sila mapagkakatiwaan.
"Kayo pala ang dumali sa mga alaga ko dito," ani ng pinuno nila na ikinangisi ko.
"Bakit, gusto mo bang isunod kitang balian ng buto?" sarkastikong tanong ko.
Pagak itong natawa na napailing. Maging ang mga kasama nito ay sumasabay ding nakikitawa. Mga sipsip ang puta.
"Masyadong matalas ang dila mo, bata. Marami ka pang kakaining bigas para mabalian ng buto ang isang katulad ko," maangas nitong saad na ikinangisi namin ni Tyago.
"Hoy, Manong. Hindi kami kumakain nitong utol ko ng bigas. Tanga ka ba? Sinasaing muna namin 'yon para maging kanin. Saka namin kakainin," natatawang pang-aasar ni Tyago na ikinabungisngis ko.
"Oo nga naman, boss. Hindi naman nakakain ang bigas. Kailangan mo munang iluto at maging kanin," pagtatama ng isa sa mga alipores nitong sinamaan niya ng tingin.
"Sorry po, boss." Kaagad na paumanhin nito na kitang takot sa amo.
"Sige na, lumpuhin niyo ang dalawang 'yan!" utos nito na ikinasunod ng mga tauhan.
Napaayos kami ng posisyon ni Tyago na tumalikod sa isa't-isa na magkadikit. Pinalibutan naman kami ng mga ito na naghahandang sugurin kami. Kuyom na kuyom ang aming kamao at nakikipag tagisan ng tingin sa mga itong parang mga asong gala ang itsura.
Nang isa-isa na silang sumugod ay mabilis ang kilos namin ni Tyago na nakipag bardagulan sa mga ito. Sanay na kami ni Tyago sa suntukan. Sumasali pa nga kami ng mix martial art sa mga fiesta sa bayan.
NAPAILAG ako na malakas akong sinalubong ng suntok ng isang lalake. Mabuti na lang at maliksi ako kaya sinalubong ko rin ito ng kamao ko. Nasapul ito sa bibig na ikinaputok ng labi nito at nabungi ng isang ngipin. Kitang nahilo ito na napaatras kaya sinamantala ko. Muli ko itong sinapak sa panga na tuluyang ikinabagsak nito sa semento.
Hindi pa ako nakakabawi nang may sumipa sa akin sa tyan.
"Urghh!"
Napadaing ako na napayuko bahagya sapo ang tyan ko. Napalingon naman si Tyago na mabilis akong binak-up-an.
"Gago ka! Pipingasan mo pa ang utol ko!" sikmat nito sa sumipa sa akin at mabilis na napalipad ng ere.
Parang nag-slow-mo ang paligid sa pag-apply nito ng kanyang malakasang flying back kick! Tumilapon ang lalake sa pader sa lakas ng pagsipa ni Tyago dito. Impit itong napadaing na sinapo ang sikmurang napuruhan ni Tyago.
"Tol!" aniko na hinila ito sa akmang pagpalo sa kanya ng tubo ng isa pang lalake.
"Gago ka ah!" sikmat ko na malakas itong tinadyakan sa dibdib!
Napaatras ito na ikinangisi kong mabilis sinugod ng suntok na magkakasunod sa mukha! Hinatak ko ito sa braso at buong lakas na ibinalibag sa sementong ikinadaing nito. Hindi pa ako nakuntento at sinakyan ito sa dibdib na pinagsusuntok sa mukha kahit duguan na.
Nang mawalan na ito ng malay ay saka ako tumayo. Akmang magpapagpag ako ng pantalon ko nang may sumalubong na tuhod sa mukha kong nailagan ko.
"Adonis, sa likod mo!" ani Tyago na malingunan ako habang nakikipag bugbugan ito sa dalawang lalake.
Napailag ako na malingunan ang akmang paghampas sa akin ng dos por dos na kahoy ng isa pang kalaban!
Sa lakas ng paghampas nito ay muntik pang masubsob na sinabayan ko. Malakas ko itong inundayan ng kamao ko na ikinasalampak nito sa semento. Titingala sana ito pero mabilis kong tinuhod sa panga na ikinahilo nitong natumba ng semento.
Sunod kong binalingan ang isa pang kalaban ni Tyago na mabilis kong nahatak sa kwelyo ng damit nito at buong lakas na ibinalibag sa semento. Maging si Tyago ay dakma na nito ang kalaban niya at malayang pinagsusuntok ito sa mukha kahit umaagos na ang dugo doon.
Hinatak niya ito sa braso at walang awang binali ang braso ng lalaking napahiyaw sa sakit!
"Aahhh!"
"Gago! Dapat lang 'yan sa'yo!" sikmat ni Tyago na ibinalibag din ito sa semento.
Nagkatawanan kaming hinarap ang dalawang lalake na natitirang nakatayo. Bakas ang takot sa mga mata dahil sa mga natamo ng kasamaan nila.
Bawat sipa, suntok at tadyak na pinapakawalan naming dalawa ay sapul na sapul sa mga kalaban namin. Walang kalaban-laban ang mga ito sa bilis at liksi naming kumilos ni Tyago. Napapatameme na lamang sa gilid ang pinuno nila na namamangha kung paano namin balian ng braso at binti ang mga tauhan nito.
Duguan na rin ang mukha nila at bagsak sa semento na dumadaing. Naiiling na lamang kami ni Tyago na nag-apiran at naliligo na ng pawis.
"Ano, Manong. Sugod na," ngisi ni Tyago dito.
Napalunok ito na makikitaan na ng takot sa mga mata dahil bagsak lahat ng tauhan nito. Napangisi kami ni Tyago na dahan-dahang humakbang palapit ditong napaatras.
"Ano, naduduwag ka na ba? Akala ko ba kailangan ko pang kumain ng maraming bigas para mabalian kita. Subukan na natin," panghahamon ko dito.
"Boom!" paggulat ni Tyago dito na ikinakaripas nito ng takbo.
Malutong kaming nagkatawanan at apiran na napasunod ng tingin sa pinuno ng mga sangganong kalaban namin na parang asong kalyeng takot na takot!
"Salamat sa pag-back-up, tol!" aniko na tinapik ito sa balikat.
"Ikaw pa ba? Malakas ka kaya sa akin," ngisi nitong tinapik din ako sa balikat.
"Adonis!"
"Tyago!"
Namilog ang mga mata namin na marinig ang boses ng aming ina. Nagkukumpulan na rin ang mga kapitbahay namin na nagbubulungan na makita kami ni Tyago na nakipag basag-ulo na naman.
"Ang titigas talaga ng ulo niyo!" sikmat ni Nanay Glenda na piningot si Tyago.
"Aw! Nay naman, kami ang inaway."
"At ikaw, nakipag basag-ulo ka na naman!" singhal din ni Nanay sa akin na piningot ako sa tainga.
"Nay, lumaban lang kami. Kami ang inaaway," pagtatanggol ko sa sarili.
Nagtatawanan tuloy ang mga kapitbahay namin na napasunod ng tingin sa amin. Paano? Para kaming mga bata ni Tyago na kinukurot at pinipingot ng aming mga Nanay habang pauwi ng bahay. Natatawa na lamang kaming napapaiktad at ilag sa bawat pingot at kurot ng mga ito sa amin.
Napauwi pa tuloy sila mula sa palengke na malamang napalaban na naman kami ni Tyago. Hindi naman na bago ito kila Nanay.
Para kaming mga batang sinundo ng mga ina sa rambol ni Tyago na natatawa sa bawat kurot at pingot na natatanggap naming dalawa mula kina Nanay. Kahit mga binata na kami at kami ni Tyago ang kilalang matapang at katapat ng mga siga dito sa amin, pagdating sa aming mga ina ay tumitiklop kaming magkaibigan.
Tatawa-tawa kaming inakbayan na ang mga ito na nagbubuga pa rin ng apoy. Kabisado na namin sina Nanay. Galit lang sila pero konting lambing lang namin ay lumalamig din ang ulo nila. Ayaw na ayaw lang naman nila na nakikipag-away kami sa mga siga at dayo dito sa lugar namin.