Lumapit ako sa bampira na nagsasalita.
Para lang siyang tao kung titingnan, hindi katulad sa mga LCV na nag-iiba talaga ang mukha at balat. Mayroon din silang maliit na pakpak sa likuran.
Kahit ano mang sabihin ng bampira na ito ay hinding-hindi ako makikinig sa kaniya. Diyan sila magaling, magmanipula ng mga tao.
"Hindi na ako magtataka kung ganiyan ang maririnig ko mula sa iyo, Mister. Hindi ba ganiyan talaga kayong mga bampira? Mapagmanipula? Diyan kayo masaya, hindi ba?" natatawang sabi ko sa kaniga.
Na-trigger ko ata siya, kaya bigla niyang sinuntok-suntok ang glass na nakaharang.
"Kahit ibuhos mo pa ang lakas mo diyan, hindi ka sisikatan ng araw. Ipanalangin mo na lang ang sarili mo sa mga huling oras ng buhay mo," dagdag ko pa.
Napatingin ako kay Den na mukhang naaawa sa bampira. Hinampas ko naman ang kaniyang kamay na halos kagat-kagatin na niya sa awa.
"Kahit kailan ay hindi niyo na mababago ang mundo. Nandiyan na talaga ang mga bampira. Sigurado ako na hindi pa kayo pinapanganak, may bampira na. Nilalahat ninyo ang mga bampira sa kasamaan ninyo. Hindi lahat ay masasama!" sigaw niya sa amin.
Mas lumapit pa ako sa kaniya para asarin siya. Anlakas ng loob niyang magsabi ng ganiyan.
"Marami ka nang pinatay at ginawang LCV, paano ako maniniwala sa iyo na may mga mabubuti kang ka-uri?" tanong ko sa kaniya.
Tumigil siya sa pagwawala. Natatawa na rin siya sa akin. Proof na nawawala talaga sila sa katinuan.
"Bakit? Nakilala mo na ba ang lahat ng bampira? Oo, masama ako, pero hindi ibig sabihin noon ay lahat na ng bampira ay katulad ko. Maraming bampira ang tumutulong sa mga katulad ninyo na tao. Binigyan ninyo ba ng halaga iyon? Hindi naman, kaya bakit ninyo huhusgahan ang lahat ng mga bampira na lahat ay masama?" inis na sabi niya.
Umupo ako sa may table na malapit sa kaniya. Makikinig muna ako sa mga rants niya.
"Ang mga pag-iisip niyo ang masasama! Kinain na kayo ng hinanakit sa puso ninyo. Pinaniwala ninyo ang inyong sarili, pati na rin ang ibang mga tao, na masasama ang lahat ng bampira. Hindi ninyo napapansin na marami sa mga bampira ang tumutulong sa katulad ni yong mga nilalang. Mas nauna pa kaming mabuhay kaysa sa mga tao. Kaya wala kayong karapatan na ubusin ang lahi namin. Kayo ang tunay na masasama!" dagdag niya pa.
Biglang uminit ang ulo ko sa kaniya. Ang dami niyang sinabi na walang kabuluhan.
Ang gagaling talaga nilang gumawa ng kuwento. Hindi na ako magtataka kung bakit maraming magaling magpanggap na tao.
"Anong masasabi mo nga ulit sa pagpatay mo sa mga tao? Bakit mo iyon ginagawa? Ngayon naman ay dine-defend mo ang mga kauri mo? Ang galing mo ha?" sunud-sunod na tanong ko sa kaniya.
Mas humagulgol ng iyak ang lalaki nang makitang inihahanda na ng mga Scientists ang toxic bomb na gagamitin sa trial namin sa kaniya.
Siya lang ang normal na bampira ang nakuha namin, kaya sinigurado namin na talagang effective ito sa mga LCV.
"Kaya ko lang iyon ginawa dahil sa pambu-bully na ginawa ng iyong mga ka-uri. Hindi ko naman gagawin iyon kung hindi nila sinimulan. Believe it or not, hindi ko pinapakialaman ang mga taong walang atraso sa akin," paliwanag niya.
"Ibig mo bang sabihin ay maraming nam-bully sa iyo kaya ka maraming pinatay at ginawang LCV? Pansin ko ay mayayaman lang ang pinapatay mo," saad ko.
Kumunot ang noo niya. Natutuwa ako sa pagpapanggap na kainosentihan niya.
"Paano mo nalaman iyan? Sila ang madalas mangutya sa akin. Masisisi mo ba ako kung mababa ang pasensiya ko?" naguguluhang sabi niya.
Mamamatay na nga lang siya, nagagawa niya pang ipahiya ang kaniyang sarili.
"Matagal ka nang minamatyagan ng aking mga magulang. Malas mo na ikaw natiyempuhan nila. Baka nga ang pagkawala mo ang dahilan nang pagsugod ng mga ka-uri mo sa clan namin. Alam mo bang maraming namatay na mga tao dahil doon?" paliwanag ko sa kaniya.
"Wala akong alam sa sinasabi mo. Matagal na nga akong nandito, hindi ba? Sa tingin mo ba ay makakausap ko pa ang mga kakilala kong bampira? Malamang ay mayroon may galit sa inyo kaya iyon ginawa. At ikaw pala ang anak ng dalawang kupal na iyon? Ang bait niyong tingnan, pero malasadimonyo ang pag-uugali," saad niya.
Napatayo ako sa kaniyang sinabi. Hinding-hindi ako makakapayag na nilalait niya ang aking mga magulang.
"Hindi masama ang aking mga magulang! Pinaglalalaban lang nila ang tama at kabutihan para sa mga tao. Kayo ang sumira ng buhay namin! Si Chelly Eisaia kilala mo? Siya na ang isusunod ko sa iyo," pagbabanta ko.
Gustong-gusto talaga niyang ginagalit ako ah? Pwes, maya-maya lang ay maglalaho ka na sa mundong ito.
Sabihin na niya ang gusto niyang panglalait at masasamang salita, bukas ay hindi niya iyon masasabi pa.
"Hindi niyo matatalo ang angkan nila Chelly. Pagsisisihan niyo lang ang mga kahibangan na sinimulan ninyo!" Umiiyak pa rin siya habang sinabi iyon.
"Minlei, sigurado ka ba na ngayon mo na iyan gagawin? Mukhang marami pa siyang nalalaman na pwede niyang masabi sa atin," singit ni Den.
Hindi na ako aasa na may maitutulong pa sa amin ang bampira na ito. Matagal na siyang nandito, pero hindi siya nagsabi ng kahit anong impormasyon na makatutulong sa amin.
"Wala na tayong mapapala sa kaniya, Den. Habang maaga pa lang ay kailangan na nating malaman kung epektibo ang toxic bomb na ginawa nila," saad ko.
Lumapit ako kay Sir Collin at kinuha ang maliit na toxic bomb. Napaliwanag na rin nila noon na kayang pumatay ng mga bampira ang ganitong kaliit sa isang maliit na lugar.
"Kayo ang tunay na napakadimonyo. Pagsisisihan niyo ang gagawing kalapastangan sa akin. Hindi kayo magtatagumpay sa pagpatay sa lahat ng mga bampira!" sigaw niya.
Nagwawala na siya. Para na siyang nasisiraan ng bait nang makitang hawak ko na ang papatay sa kaniya.
Ngumiti ako sa kaniya. Akala niya ba ay hindi ko siya kayang patayin? Nagkakamali siya.
Kita ko ang reflection ni Den sa glass. Sobrang nag-aalala siya sa aking gagawin.
Lumapit ulit ako sa bampira. Pang-aasar ko, "Any last words? May gusto ka bang iparating sa mga mahal mo sa buhay? Hayaan mo, sasabihin ko iyan bago sila mamatay."
Natatawa ako sa hindi maipintang mukha niya. Kung tao siya at iba ang nasa puwesto ko, malamang naiiyak na rin ako sa napapanood ko.
Minsan lang akong magalit, kaya sulitin na niya ang aking paghihiganti.
"Magsisisi ka! Napakasama mong tao! Ikaw ang pinakamasamang nakilala ko. Mas masama ka pa sa mga magulang mo!" sigaw niya sa akin.
Sa sobrang inis ko ay tinanggal ko na ang nakakabit sa toxic bomb at agad iyong inihulog sa loob.
Nagsilayuan naman kami. Nagsisimula na iyon umusok.
Nag-set ako ng segundo sa aking relo para mapatunayan na sampung segundo lang talaga iyon.
Humihingal na siya habang nagsisisigaw. Humihingi siya ng tulong.
"Humanda ka sa Prinsipe!" sigaw niya.
Tuluyan na siyang naging abo matapos ang sampung segundo. Actually, hindi pa nga umabot iyon sa maximum second. Kasama na ang pagiging abo niya sa oras.
"May sinasabi siyang Prinsipe, Minlei. Narinig mo ba iyon?" tanong sa akin ni Den.
Tumango ako sa kaniya. Alam ko naman na ang Prinsipe ay ang ama ni Chelly.
"Hindi ba ang ama ni Chelly iyon?" tanong ko sa kaniya.
"Hindi, Minlei! Pamangkin si Chelly ng may-ari ng Vnight Academy. Ibig sabihin ay dalawa ang namumuno sa mga bampira. Isa ring Prinsesa si Chelly, pero baka hindi siya ang pinaka-pure blooded royalty na sinasabi nila," paliwanag ni Den.
Para siyang nagpa-panic at medyo natakot sa sinabi ng bampira kanina.
"Baka mini-mislead niya lang tayo, Den. Oo, iba ang may-ari, pero anak si Chelly ng Prinsipe. Iyon ang alam ko na narinig ko kila Mom. Sa iba pinamana ang Vnight Academy dahil ayaw tanggapin ng pamilya nila Chelly. Ngayon ay alam na natin kung sino ang tinutukoy nilang miyembro ng pamilya na iyon. Kailangan na lang natin malaman kung sino ang kaniyang mga magulang, ang tinatawag na White Prince," saad ko.
May White at Dark Prince silang sinasabi dati. Iyon daw ang dalawang Prinsipe na medyo magkaaway daw noon. Ang pagkakaalam namin ay napakasalan ng Dark Prince ang kambal ng White Prince.
Ngayon, aalamin namin kung alin sa dalawa ang ama ni Chelly.
Alam din namin nagka-anak ang isa sa dalawang Prinsipe. Walang balita sa isa. Ang alam ko lang na apilyedo ay Park at Eisaia.
"Minsan nga ay napapaisip ako kung si Mio ba ay anak ng Prinsipe. Mukhang malabo naman dahil wala siyang pagkakakilanlan ng isang bampira," dagdag ko pa.
"Minlei, common ang Park sa apilyedo. Dalawa nga ang Park sa klase natin. Baka sa buong academy ay marami sila. Pero naniniwala ako na hindi lang si Chelly ang dapat nating iwasan. Malamang ay King at Queen na ang tawag sa henerasyon ng mga magulang ni Chelly," pagpupumilit ni Den.
Naiintindihan ko naman siya na medyo nakakapraning talaga ang mga bampira, lalo na ngayon na hindi pa namin nahahanap ang mga nasa mataas na posisyon.
"Ipagpalagay na nga natin na ganoon, kailangan ba natin subukan ang mga Park ang apilyedo sa academy? Si Chelly naman ay nag-iisang Eisaia. Nakita ko na rin ang list ng mga estudyante, base iyan sa mga ranking," saad ko.
Bigla akong may na-realize na gawin para mapatunayan na tao nga si Mio.
Sana nga ay tao siya, para makasiguro ako na pwede namin siyang gawing kakampi.
"Ano na naman ang nginingiti-ngiti mo, Minlei? Nakakatakot na minsan ang mga plano mo ha? Delikado na at high risk minsan," pag-aalala ni Den.
Lumapit ako sa mga maliliit na toxic bombs. Kumuha ako ng isa para titigan ito.
Marami silang ginawa kaya okay lang magdala ng maraming ganito para baunin namin ni Den papuntang Academy.
"Huwag mong sabihin na papasabugan mo si Mio niyan?" takot na tanong sa akin ni Den.
Ngumiti ulit ako sa kaniya. Kuha naman pala niya ang gusto kong gawin.
"Mag-iimbak tayo sa tunnel ng mga toxic bombs. Sakto na may secret room akong pinagawa sa ilalim ng aking dorm. Hindi ko pa iyon napupuntahan," ika ko.
Nauna na siyang pumanhik paitaas. May hindi ako sinasabi sa kaniya na malaking plano ko.
Ayokong maunahan ng awa ang puso ni Den. Kailangan maiayon sa plano ang mga nasimulan ko na.
"Sir Collin, ginagawa niyo na po ba ang pinakamalakas na toxic bomb?" tanong ko rito.
Itinuro niya ang isang room na madalang pasukin ng iba. Pumunta kami roon para i-check ang aking lihim na pinapagawa.
"Sa loob ng isang buwan ay magagawa na namin ito. Kaunting tiis na lang. Ito ang pinakamalakas at ang siguradong kikitil sa maraming buhay ng lahat ng bampira na nasa Academy ninyo," saad niya.
Halos kasing laki ito ng melon na maliit. Mukhang kaya ko naman iyon bitbitin. Unlike sa ginamit namin kanina na kasing laki ng ping pong ball, mas malaki talaga ang isang ito.
Nagpagawa ako ng toxic bomb na masasakop ang buong Academy. Iyon ay kung magagawa na nila ang saglitang pagpatay sa mga LCV sa trials.
Mahirap na kung makatakas pa sila sa usok na papatay sa kanila. Mahihirapan lalo kaming pugsain sila kapag lumipat pa sila ng lugar.
"Malapit nang matapos ang kahibangan ng mga bampira na iyan," ika ko.
"Makakapaghiganti na tayo, Ma'am Minlei. Nararapat lang talaga sa kanila na mawala sa mundo natin. Sila ang gumugulo sa nananahimik na buhay natin. Kamatayan ang kaparusan na nararapat para sa kanila," saad ng isang Scientist.
Lahat ng kinuha kong Scientists ay mga namatayan ng mahal sa buhay nang dahil sa mga bampira.
Mas effective kasi na sila ang gagawa para dedicated talaga sila sa kanilang gagawin.
May anak si Sir Collin na baby pa lang ay namatay na. Ang asawa niya ang target talaga ng bampira na patay na patay dito. Nakuhanan sa CCTV ang nangyari sa pagpatay sa mag-ina dahil sa pagtanggi nito na sumama sa bampira.
Sobrang loyal ng asawa ni Sir Collin, na kahit may banta sa buhay nila ay pinaglaban niya ang pagmamahal sa kaniyang asawa.
Isang anak lang ni Sir Collin ang naiwan sa kaniya. Ngayon ay nasa pangangalaga iyon nila Tita. Sila na rin ang nag-aasikaso sa pag-aaral ng bata. Sa mansion pa iyon tinuturuan dahil apat na taon pa lamang ang bata.
"Gagawin natin ang lahat para makapaghiganti sa kanila. Marami na silang buhay na kinuha, panahon naman para makabawi tayo sa kanila," ika ko.
Kumuha ako ng isang box ng toxic bombs. Iyon ang dadalhin ko papunta sa tunnel. Maaga pa lang ay babyahe na kami, basta may sikat na ng araw.
Kahit sabihin pa na mapuno sa lugar ng academy, hindi pa rin maiiwasan ang sinag ng araw. Pinaputol ko pa ang mga puno na nakapalibot sa tunnel at sa dalawang bahay.
Pagpanhik ko sa itaas ay napansin ko si Den na nakasalampak sa sofa sa living room.
Halatang stressed na stressed siya sa mga nangyari ngayon.
Hinayaan ko muna siyang magpahinga roon. Inilagay ko sa kwarto ko ang box para hindi na rin makita ng iba.
Sinubukan ko ulit tingnan ang aking cellphone para malaman kung may mga nagse-send sa aking ng messages.
Bigo na naman ako sa pag-asang papansinin ni Kaliex ang mga messages ko noong mga nakaraang araw.
Nilakasan ko na ang aking loob para i-chat siya ulit. Kinakamusta ko siya na may halong biro para hindi magulat. Malaman niya rin na hindi naman ako ganoon nagtatampo sa kaniya.
Nadismaya ako nang magkaroon ng shade ang bilog sa ibaba ng aking chat. Ibig sabihin noon ay active siya, pero hindi pa nabubuksan ang aking message.
Napadapa na lang ako sa aking kama. Ano bang ginawa kong kasalanan kay Kaliex para ganituhin ako?
Kung ang pagbabantay sa tatlong tao na naging LCV ang problema, mapag-uusapan naman namin iyon.
Hindi ko alam kung bakit niya ako iniiwasan. Si Den ay nagawa niya pang kausapin sa chat, na may kasamang pagpapasensiya, samantalang ako na pinakamalapit sa kaniya ay hindi man lang niya kinamusta.
Nangako pa siya sa akin na magkikita kami, pero anong nangyari?
Hindi ko namalayan na nakatuloy na pala ako. Inilabas ko na ang mga dadalhin ko patungo sa Academy.
Ang box ng toxic bombs ay inilagay ko sa isang paper bag na malaki. Hindi naman ito gaanong kabigat.
Ang ilang mga libro rin na kakailanganin ko ay inilagay ko na rin sa aking bag.
Pagkalabas ko ay sumalubong agad sa akin si Den. Kinuha niya ang bitbit ko na bag. Ang paper bag ay ako na rin ang nagbitbit.
"Talagang dinala mo ang mga iyan, ano? Nakakaloka ka, Minlei. Nagri-risk ka ng sarili mong buhay. Pwede mo naman iyan gawin sa ibang lugar. Maganda sana kung may timer at itatanim mo sa iba't-ibang lugar sa Academy, makakampante pa ako," mataray na sabi niya.
May punto siya roon. Saad ko, "Magandang ideya iyan, Den. Sa susunod ay iyan ang aking ipagagawa. Sa ngayon ay kailangan lang natin ng panglaban kapag nanganib ang buhay natin. Kailangan mong magdala kahit dalawa hanggang limang piraso sa iyong dorm. Huwag kang makulit!"
Nag-okay sign lang siya. Wala rin naman siyang magagawa sa kakulitan ko.
Nagpaalam na rin kami sa ibang miyembro, pati na kila Tita.
Nagpasalamat ako sa kanilang mga magandang naitulong.