Iniwan ko si Den sa mga babaeng bagong kakaibiganin niya.
Kailangan kong malibot ang buong Vnight Academy para makasigurado ako na may mga pwedeng gawing lagusan palabas dito.
Mahirap makalabas sa academy, kaya kailangan kong gumawa ng paraan para makahanap ng kahit isa. Hindi pwedeng dito maggawa ng mga panlaban sa kanila. Malamang ay may nagche-check ng rooms kada weekends kaya matutuklasan agad nila iyon.
Pasimple akong naglalakad sa mga hallway. Masusing minamatyagan ko ang kabuuan nito. Sobra niya talagang laki. Daig pa nito ang mga malalaking malls. Kapag hindi ka sanay dito, malamang ay maliligaw ka.
Ang plano ko ay makakita ng isang sulok na hindi madaling mapansin o makita. Isang lugar na puwedeng mahukayan nang palihim, mula sa labas papunta rito sa loob. Secret tunnel kung baga, na nasa ilalim ng lupa. Iyon lang ang tanging paraan para makalabas-pasok ako rito sa school at maituloy ang aking mga plano. Kailangan kong bilhin ang properties na katapat ng pahuhukayan ko para duon ko palalabasin ang kabilang dulo ng tunnel.
Habang naglalakad ako patungo sa kabilang dulo ng hallway ay ma napansin ako na mga babaeng nakaluhod sa harapan ng isang mataray na babae, sa loob ng isang room.
Sumilip lang ako saglit at ipinagpatuloy ang aking paglalakad. Hindi nila ako napansin dahil nagsisigawan sila roon sa loob.
Nakita kong sinampal nang pagkalakas-lakas ng babaeng nakatayo ang mga nakaluhod sa harapan niya. Parang takot na takot ang mga babaeng kaniyang sinasaktan.
"Tama na! Pakiusap!" Ika ng isang nakaluhod.
Narinig kong sumisigaw siya ng pagmamakaawa doon sa isang nakatayo. Bago ako makalayo ay narinig kong muli na may lumagabog. Hindi ko na nakita kung ano iyon at hindi ko na rin sinubukang tingnan, dahil hanggat maaari ang kailangan kong umiwas sa mga ganoong klaseng kaganapan.
Hula ko ay malakas ang babae na iyon kaya ganiyan siya, malakas ang loob na manakit dahil may kapit rin sa kung sino. May mga kasama rin ang babae na nanakit kaya hindi lumalaban ang mga sinasaktan niya. Ano kaya ang nangyari sa kanila, bakit sila sinasaktan ng babaeng iyon?
Tinandaan ko lang ang mukha niya para alam ko kung sino ang mga iiwasan namin ni Den dito sa school. May mga bampira talaga na kahit may batas sa academy na ito, kaya pa rin nilang labagin nang walang ibang nakakaalam. Nakakatakot rin kung tutuusin, kasi kaya nilang gawin ang mga bagay na gustuhin nila.
Medyo malayo na rin ako sa kanila kaya nakahinga ako nang maluwag. Wala masyadong tao o bampira sa padulo na part na ito. Napansin ko rin na malapit ito sa aking dorm. Siguro dito na ako maghahanap ng magandang pwesto para sa aking planong tunnel.
Dahil nga mataas ang aking rank sa exam, nailipat ako sa dorm na nakahiwalay sa mga lower ranks. Parang hiwa-hiwalay na dorm pa nga ito. Isang bahay na siya kung tutuusin, magkaka-iba lang mga kwarto ng mga nakatira doon. Kasya ang limang katao kaya bakit kaya may special treatment pa ang mga top 10 students? Pwede na nga pagsama-samahin doon kung tutuusin.
Actually, may space sa likuran ng mga dorms. Hindi ito nakadikit sa pader. For safety purpose na rin siguro ng mga estudyante. Medyo mataas rin ang bakod dito, pang dagdag seguridad sa mga nakatira rito.
Sakto namang may malaking puno na nakaharang sa gilid ng aking dorm. Pangalawa sa dulo ito at mukhang mas malaki ang dorm na nasa dulo. Para siyang magandang bahay na kung tutuusin.
Tamang-tama lang pala na naging top 2 ako, at least hindi masyadong dulo ang pinaglagyang dorm sa akin, malamang hindi mahahalata nino man na may naghuhukay sa ilalim nito.
Palalagyan ko ng kung ano sa ibabaw na pwedeng maingay para ma-distract ang mga bampira sa iba pang tunog at hindi nila paghihinalaan na may kakaibang ingay dito kapag nagsimula na akong mag hukay.
Bumalik ako sa aking dorm para matantya ang sukat ang bunganga ng gagawin kong tunnel. Pwede kong ipadiretso sa loob ng aking kwarto ang lagusan. Malamang ay sa sulok ng kwarto na nakapwesto sa gitna ang aking gagawin, para hindi mahalata masyado. Tatakpan ko ito ng kabinet o table na hindi maiisipang galawin ng mga naglilinis.
Kinuha ko ang aking cellphone at tinawagan ang pinagkakatiwalaan ko, para i-note ang lahat ng mga materials na gagamitin at kailangan kong ipabili at ipagawa.
"Hello? Kausapin mo na ang kukunan natin ng mga materials na kailangan ko pata sa pagpapagawa ko ng isang proyekto. Nag-send ako sa e-mail mo ng list of materials at instructions," ika ko sa sekretarya ko sa Vampire Hunter Clan, na nasa kabilang linya.
"Okay po Ma'am Minlei, titingnan ko agad ngayon ang email na pinadala mo," ika ng aking sekretarya. Narinig kong may mga pinipindot-pindot siya. Ilang sandali pa ay nakita na niya ang pinadala ko. "Natanggap ko na po ang e-mail na pinadala mo Ma'am Minlei, ako na po ang bahala sa mga ito. Sinisiguro ko naman pong maihahanda ko agad lahat ng kailangan nyo sa susunod na linggo."
Ibababa ko na sana ang aking cellphone nang biglang nagsalita pa ang aking sekretarya, ika niya, "Ma'am Minlei, magiingat ka sa iyong mga ginagawa. Lagi kang maging alerto. Alam naman natin kung gaano katuso ang ibang mga bampira. Magingat po kayo palagi ni Den."
"Salamat sa pag papaalala mo. Naiintindihan ko ang gusto mong ipatating, huwag ka mag alala at palagi kaming alerto rito," ika ko.
Nagpaalam na rin ako dahil mahirap na kung may makarinig pa ng usapan namin.
Kailangan kong mapasimulan ang plano ko sa lalong madaling panahon, kaya napagpasiyahan kong gawin na agad ito next week. Tutal ay napagplanuhan ko na rin naman ito ng mabuti. Materials na lang ang kulang at masisimulan ko na rin ang secret project kong lagusan.
Makakalabas lang kasi ako sa tuwing may mahabang bakasyon o kapag aprubado ng lahat ng guro ang paalam ko sa gagawin kong paglabas. Napakahigpit talaga rito, lahat ng bagay ay mino-monitor nila ng maigi.
Lumabas na ako sa aking dorm, para pumasok na ulit sa klase. Medyo nagmamadali ako kasi baka mahuli ako sa klase. Napatagal ang pagpunta ko sa dorm.
Papunta na sana ako sa aking klase nang biglang makasalubong ko si Den sa daanan, kaya napatigil ako sa kaniyang harapan.
"Minlei, nakakunot na naman ang noo mo. Wala pa ang mga exams, pero mukha ka na agad stressed. Cheer up!" biro sa akin ni Den, sabay kindat sa akin.
Alam ko na biro lang ito dahil bawal kaming maging direct to the point ni Den. Malakas ang pandinig ng mga bampira kaya kailangan namin mag-ingat nang mabuti. Kaya meron din kaming mga senyasan na kaming dalawa lang ang nakakaalam.
Inaya ko siyang sumabay na sa akin sa paglalakad. "Halika, Den. Sumabay ka na sa akin sa paglalakad, papasok na rin ako sa klase. Bilisan natin at baka mahuli pa tayo," ika ko sa kaniya.
Tumango lang siya at sumabay sa aking paglalakad.
Habang naglalakad kami ay mau nakita kaming isang babae, napatingin kami sa babae na tinitingnan ng iba. Taas noong naglalakad ito na walang pakialam sa nasa paligid. Kusang lumalayo ang mga tao at bampira sa kaniya.
Siya ang babae na sumampal sa mga hindi ko namukhaan na nakaluhod sa kaniyang unahan noong nagmamatyag ako sa hallway. Halatang maraming takot sa kaniya.
Hinila ko si Den palayo sa babaeng iyon, na naglalakad patungo sa lugar kung nasaan kami. Kailangan namin siyang iwasan, dahil baka mapasabit kami sa kaniya at gawan niya kami ng masama. Iyon ang iniiwasan ko sa lahat, ang maging matunog masiyado ang aking pangalan.
Dinala ko si Den sa may field. Halatang nagtataka siya sa aking ginawa.
"Bakit mo naman ako biglang hinila papunta rito? May kailangan ka bang sabihin?" Tanong ni Den.
"May sasabihin ako sa iyo. Kunin mo ang cellphone mo. May ise-send ako sa iyong mensahe," saad ko. Kinuha ko ang cellphone ko at nag type. Pagkatapos nito ay ipinadala ko sa kaniya ang nakasulat na mensahe.
Sinunod naman niya ako. Naghihintay siyang matapos ang tina-type ko sa aking cellphone. Pagka-send ko sa kaniya ay agad niya itong binasa nang mabuti.
Pinag-iingat ko siya sa babae na iyon. Kailangan namin siyang iwasan hanggang maaari. Iyon ang nakalagay sa mensaheng ipinadala ko sa kaniya.
"Kaya pala ganiyon ang datingan niya. Sa totoo lang ay gusto ko rin sabihin sa iyo ito. Kaso nag-iingat ako at kumukuha pa ng tiyempo para mapagusapan natin iyon," sabi ni Den.
Mukhang parehas kami nang iniisip. May pag-irap pa siya pagkatapos mabasa ang mensahe ko.
"Bampy siguro, ano?" Bulong na tanong ni Den.
Bampy ang tawag namin sa mga bampira para hindi masyadong halata kapag nag-uusap kami.
"Malamang, maraming takot sa kaniya e. Tara na nga at pumasok. Sana ay hindi natin siya kaklase. Hindi ko kasi napansin ang iba pa nating kasama," saad ko. Nagmadali na kaming pumunta sa aming klase.
Totoo na hindi ko napansin kung sino ang mga kaklase namin. Si Mio Clarence lang ang natatandaan ko na kaklase namin. Siya ang pinaka tumatak sa aking isip.
Nagsimula nang maglakad si Den. "Buti pala nabago ang sistema rito, ano? Isang classroom lang tayo at bahala na ang professor ang pumunta. Ibig sabihin ay ang mga kaklase natin sa unang subject ay kaklase na rin natin sa iba pang subject," pagpapaliwanag niya.
Oo nga pala, ganito na nga pala ang kalakaran dito. Ang mga normal na estudyante lang ang palipat-lipat ng rooms.
"Hindi nga lang natin makikilatis ang iba. Paano darami ang mga kaibigan natin?" pagkukunwaring tanong ko habang nakangiti sa kaniya.
Medyo natawa siya sa aking sinabi at reaksyon ng mukha ko. Hindi kasi ako mahilig makipagkaibigan. Tatlo lang silang kaibigan ko. Ang dalawa naming kaibigan ay nasa ibang bansa pa, pero plano rin nilang lumipat dito sa susunod na taon.
"Ewan ko sa iyo, Shin Minlei. Tingnan natin kung may magiging kaibigan ka talaga, bilisan na nga natin," biro niya sa akin.
Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lang kami sa paglalakad. Pagkapasok namin sa room ay napansin ko agad siya na nakaupo, hindi ko akalain na kaklase pala namin ang babae na iyon.
Nagkunwari ako na hindi ko siya nakita. Pinangunahan ko si Den at umupo kami sa kabilang side, kung saan malayo sa kaniya.
Ilang minuto ay dumating rin naman si Mio at sa likuran namin ito umupo. Kita ko sa gilid ng aking mata na nakatingin ang babae dito sa side namin, kay Mio yata siya nakatingin.
Habang nagtuturo ang professor ay pasimple akong lumilingon sa room, sinasaulo ko ang mga mukha ng aming mga kaklase. Kailangan akong maging pamilyae sa kanila, para madali kong malaman kung sino ang tao at bampira.
Saktong namang napatapat ang tingin ko sa babae kanina. Nakatingin din siya sa akin, pero nakakunot lang ang kaniyang noo. Parang masama ang tingin niya sa akin.
Umiwas ako nang tingin sa kaniya. Bakit ang galing ng pagkakataon na siya pa ang makatitigan ko? O baka malakas ang pakiramdam niya? Minamatyagan niya rin ba ako? Kailangan ko pang mas magingat pa.
Lumipas ang isang lingo na parang normal lang ang lahat. Ngayon ay weekend kaya mas makakagalaw ako ngayon at mas madali kong maisasagawa ang mga plano ko.
Pumunta ako sa office, kung saan ay pwedeng magpaalam tungkol sa paglabas ng academy. Magpapaalam ako dahil may kailangan akong gawin sa labas.
"Anong maitutulong namin sa iyo, Iha?" tanong ng isang member ng admin habang nakaupo sa kaniyang desk at nag babasa ng parang libro o listahan.
Inayos ko ang aking reaction. Kunwari ay nag-aalala ako. Pakiusap ko, "May sakit po ang aking Dad. Kailangan ko pong tulungan siya sa pag-aayos ng kumpanya, magpapaalam po sana akong lumabas ng school."
Tumaas ang kilay niya sa akin na parang hindi naniniwala. Sinarado niya ang kaniyang binabasa at humarap sa akin. "Paano ko malalaman kung nagsasabi ka ng totoo? Baka gusto mo lang talaga lumabas?" Tanong niya. "Kailangan rin malaman muna ng iyong magulang na lalabas ka sa academy," dagdag niya pa.
Napaghandaan ko na ito, kaya bawat tanong niya ay masasagot ko. Kailangan ko lang talaga makalabas ngayon.
"May sundo na po ako sa labas. Nandiyan na po si Mom. Hinihintay na niya po ako. Pwede niyo po siyang kausapin kung kinakailangan. Cellphone lang din po ang aking dadalhin. Hindi na po ako mag dadala ng ibang mga gamit, mahihirapan lang po ako. Maaga ko naman na po natapos ang mga kailangang kong gawin for this coming week. Sa lunes ng umaga po sana ang aking balik," pagpilit ko.
Tumaas ang kaniyang kilay sa akin, mukhang mataray ang staff na ito. Nag isip siya ng kaniyang gagawin. Inabot ko sa kaniya ang isa ko pang phone na walang lamang mga balak at plano ko. Nandoon ang mga pekeng messages namin ni Tita. Planado na rin namin iyon. Si Tito ay sang-ayon sa aking plano, pero kinakabahan pa rin siya sa gagawin kong risk.
Tumayo siya sa kaniyang upuan at pumunta sa isang filer cabinet sa tabi. Binuksan niyanang isang drawer at tila ba ay may hinahanap. Hinahanap niya yata ang record ko dito sa school.
"Ano nga ulit ang iyong pangalan?" tanong niya.
"Shin Minlei Young po," sagot ko.
At muli siyang naghalungkat doon sa drawer.
Matapos niya mahanap ang record ko ay tinignan niya ito at binasang mabuti.
"Sige. Pagbibigyan ka namin sa pagkakataong ito. Sa susunod ay hindi ka muna makakalabas ng weekend. Susundin mo muna ang schedule na pwedeng lumabas, at sa susunod na dalawang buwan pa iyon. Kapag sobrang mahalaga lang, tsaka ka lang namin papayagan ulit. Kailangan kasi naming iwasan ang sabay sabay na pag labas ng mga mag aaral," paalala niya sa akin.
"Yes!" bulong ko.
"Ha? Ano iyon?" Tanong ng staff.
Masaya akong tumingin sa kaniya. "Ah, wala po. Maraming salamat po. Matutuwa po si Dad kapag nakita ako. Napakalaking bagay po nito para sa akin," pagsisinungaling ko.
"Ay siya, umalis ka na at naghihintay pa ang Mom mo. Eto ang card para makalabas ka. Ibalik mo sa guards natin sa Monday kapag nakabalik ka na," utos niya.
Yumuko-yuko bilang pasasalamat. Nagmadali na rin akong umalis sa office. Paglabas ko sa office ay medyo napatalon pa ako sa tuwa. Mabilis akong naglakad palayo at bumalik ako sa aking dorm.
Naghihintay sa akin si Den doon sa dorm. Pagkarating ko sa dorm ay sinalubong agad ako ni Den.
Nakahalukipkip siya habang nakatingin sa akin. Sabi niya, "Mukha kang masaya ah? Approved ba?"
Tumango ako. Pinakita ko sa kaniya ang card para makalabas. Sinigurado talaga ng Vnight Academy na hindi madaling gayahin ito. Kakaiba ang disenyo nito.
"Dito ka na muna sa dorm ko matutulog ngayong weekend. Tatawagan kita at ite-text para sa mga instructions ko. Kailangan ko nang masimulan ang mga dapat tapusin ngayong weekend," ika ko.
Plano na talaga namin ni Den na siya ang magga-guide sa amin sa labas para sa gagawin tunnel.
"Mag-iingat kang babae ka. Delikado sa labas, alam mo na. Kailangan mong magdoble ingat, maraming masasamang loob at hindi mo pa rin alam ang pasikut-sikot sa lugar na ito. Galing kang ibang bansa, remember?" paalala niya.
Napangiti ako sa sinabi niya. Kailangan ko talagang magdoble ingat dahil papasukin ko ang Vnight Academy mula sa ilalim. Kailangan kong palihim na lumabas-labas para sa proyekto namin laban sa mga bampira.
Bago ako umalis ay sinigurado ko muna na nasaayos na ang lahat sa dorm. Ipinagkatiwala ko muna ito kay Den. Pagkatapos ko masiguro ang lahat ay nagpaalam na rin ako kay Den. Lumabas na ako ng Dorm.
Habang naglalakad ako palabas ng school ay naabutan ko si Mio Clarence na nakaupo at nakatulala, nakatingin sa langit. May problema ba siya?
Nasa tapat siya ng pinakamalaking dorm dito na mukhang malaking bahay na. Mukha siyang hindi pa masaya sa lagay na iyan. Kung sabagay, hindi nakakatuwang makulong sa paaralan ng ilang buwan.
Medyo sumisikat ang paaralan na ito kaya maraming mayayaman na rin ang pumapasok. Akala nila ay ganoon kadali rito, nagkakamali sila roon.
Lalapitan ko sana siya nang bigla kong nakita ang Zoe Samantha, na tinatawag nila, na lumampas sa gilid ko.
"Mio, for you. Are you okay?" tanong niya kay Mio Clarence habang nag aabot ng isang can na may laman na kung ano. Inabot naman iyon ni Mio
Tao ang Zoe Samantha na ito. Mukhang mas matanda sila sa amin. Ngayon ay kakilala pala niya pa si Mio, ano ang kinalaman nila sa isa't-isa?
Gusto ko silang maging kaibigan, para malaman ang rason kung bakit sila nandito.
Napatingin sa akin si Zoe. Kumaway siya sa akin, sincere na ngumiti sa akin.
Tumango lang ako. Bago pa lumingon si Mio ay naglakad na ako sa opposite na direction. Palabas na rin kasi ako ng academy. Hindi ko na sasayangin ang pagkakataon na ito.
Pagkalabas ko ng gate ay agad akong tumakbo papunta sa kotse na naka-abang sa akin. Nandoon si Tita na kunwari ay Mom ko.
"Kamusta ka na, Iha? Ayos ka lang ba? Pinag-aalala mo kami," malungkot na sabi niya.
Ang isa nilang anak ang isa pa sa malapit na kaibigan namin ni Den. Pinsan ko ito at nakasama ko na sa ibang bansa. Mas matanda lang ako ng isang taon.
Bumyahe na kami pabalik sa mansion ko. Minsan ay doon din tumitigil sila Tito at Tita. Hindi alam ng iba na may mansion kami sa lugar na iyon. Hindi alam ng mga kaaway na may iba pa kaming properties. Nakapangalan na agad kasi sa akin ang mga ito.
"Mahirap po makisama, pero kakayanin naman po namin ni Den. May rule din po sila na bawal saktan ang mga tao. Pasimple ko po iyong nalaman sa iba. Ang nagkakasakitan lang po ay ang mga kapwa bampira. Ayaw po nilang magka-conflict sa mga tao at baka masira sila," paliwanag ko.
Sisiguraduhin kong mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aking mga magulang.
Hindi ako makakapayag na pamunuan nila ang aming mundo.