Nandito kami ngayon sa harapan ng gate ng VA.
Pinakita muna namin ang ID na pinadala nila bago magpasukan.
Napangiwi na lang ako nang makitang tinatatakan ng itim na tattoo sa leeg ang mga estudyante.
Pinagmasdan ko sila. May mga hindi apektado na parang wala lang ito sa kanila. Malamang ay bampira sila. Tinandaan ko ang kanilang mga mukha.
"Ayoko ng ganan," kabadong sabi ni Den. "Pwede bang hindi magpatatak?"
Umiling naman ako.
"Wala tayong choice. Ganiyan ang patakaran dito," paliwanag ko.
Kita ko namang napalunok siya ng laway. Nakipagpalit muna ako ng pwesto sa kanya para ako ang unang malalagyan ng tatak. Kailangan maging matapang ni Den.
"Next," tawag noong guro.
Kabado talaga ako dahil hindi ako sanay na masugatan o masaktan.
Nagpigil ako ng hininga nang iukit na sa aking leeg ang VA. Sobrang sakit niya. Hindi ko alam kung bakit kinakailangan pang may ganito kung may I.D naman.
Hindi ko pinahalata kay Den na nasaktan ako. Medyo naawa ako sa lagay niya ngayon na pinipigilan ang pagsigaw.
"Congrats!" biro ko.
Inirapan naman niya ako. Pinawi ko ang mga luha sa kanyang mga mata.
"Bakit hindi natin agad nalaman ito?" tanong niya.
"Baka bagong policy nila. Hindi pa natin alam paano pinapatakbo ang paaralan na ito," ika ko.
"Ang sakit noon ha! Hindi nakakatuwa!" singhal niya.
"Wala na tayong magagawa," sabi ko. "Kailangan nating makisakay sa mga kalokohan at plano nila para hindi tayo mabuking."
May room naman na ibinigay sa amin. Lalaki si Den kaya magkaiba kami ng building. Magkatapat lang naman.
"Mag-iingat ka kapag hindi tayo magkasama," payo ko.
Tumango naman siya. Nagpaalam muna kami sa isa't-isa. May nag-assist naman sa amin papunta sa dorm. Hindi naman ako nahirapan sa mga gamit ko.
"Salamat po," ika ko.
Alam kong bampira ang isang ito.
Pansin ko naman na magkakakilala na ang ibang ka-floor ko sa building na ito. Hinayaan ko na lang sila.
Napatingin ako sa kabuuan ng dorm. Malaki ito. Parang condo na nga kung titingnan. Sobrang linis din. Siguro ay dahil mayayaman din ang pumapasok dito.
Makalipas ang ilang araw, pasukan na. Nagsuot naman ako ng simpleng t-shirt at pantalon na itim. Required kasi dito na naka puti, itim or dark blue. Dati ay itim lang, ngayon naman ay dinagdagan na.
Magkasama kami ngayon ni Den.
"Good luck sa exam," ika niya.
Ngayon ang exam namin. Exam kung saan ay basihan ng ranking. Kailangan namin ni Den na mapasama sa top 30 students para sa highest section ng business course.
Pagkatapos ng isang oras ay natapos ko na ang apat na exams.
Hinintay ko pa si Den sa labas. Napansin ko namang marami ang nahihirapan. Naguguluhan ako. Ine-expect ko na saglit lang ito sa mga bampira. Bakit nauna pa ako sa lahat?
May napansin lang ako na isang lalaking estudyante. Halos nauna lang ako sa kanya ng isang minuto sa exam. Parang malalim ang iniisip niya, problemado ganoon?
Kung tao ang lalaking iyon, pwede siyang maging asset ng clan. Mukhang madilim ang paningin nito na mukhang may galit din sa mga bampira. Gusto ko siyang maging ka-close.
"Sis, let's go!" ika ni Den.
"Kamusta ang exam?" tanong ko.
"Mahirap na madali? Ang dami lang talagang kailangan basahin," reklamo niya.
Sigurado naman akong makakapasok kaming dalawa. Sobrang talino rin ni Den.
Sa ngayon ay kailangan niyang magpanggap na straight siya. Kailangan niya rin kasing makuha ang mga loob ng babaeng bampira.
Wala pang dalawang oras ay lumabas na ang resulta. May automatic na machine na nagche-check ng mga exams.
Nagulat ako. Napalingon ako kay Den na nakatulala lang sa listahan.
Ito ang unang beses na hindi ako ang nasa unang listahan. Napatingin ako sa nangunguna, Mio Clarence Park ang pangalan niya. Pumangalawa lang ako. Si Den naman ay nasa pang labing-anim.
Wala naman sa akin kung pangalawa ako. Gusto ko lang malaman kung sino ang lalaking iyon.
"Nakakaloka! Hindi ikaw ang top 1?" takang tanong ni Den. "Kung sabagay, mga bampira ang nandito kaya malamang ay may milagrong nangyari."
Nginitian ko naman siya. Sinabi ko, "Wala naman sa akin iyon. Ang mahalaga ay nagawa natin ang unang task sa loob ng Acadmy."
"Sino kaya ang Mio na iyon? Bampira kaya?" tanong niya.
"Hindi tayo nakasisiguro. May isa akong kasabay na lalaki," ulat ko. "Ramdam kong siya ang Mio na iyon."
"Ang gwapo ha?" bulong niya.
Napalingon naman ako sa sinasabi niya. Halos ang mga babae sa paligid ay nakuha niya ang atensiyon.
May kasama itong babae. Mukhang maamo at masayahin. Nginingitian niya ang mga bumabati sa kanya. Siguro ay nasa ibang taon na ito ng college.
Iniwas ko naman ang aking tingin. Ayokong isipin na pati ako ay humahanga sa kanila.
"Tara na," yakag ko kay Den.
Maingat naman kaming magsalita dito. Matalas ang pandinig nila. Mahirap na kung mabubuking kami. Mawawala ang mga pinaghirapan namin.
Kinabukasan ay sabay ulit kaming pumasok ni Den. Nahanap agad namin ang room na naka-assign. Ang maganda sa section na ito ay hindi na namin kailangang lumipat ng ibang room. Professors na ang bahalang pumunta.
Isa-isa naman kaming nagpakilala. Kita ko naman na halos lahat dito ay mukhang inosente.
Ang bilis nilang maka-adapt sa environment ng mga tao. Hindi mo na alam kung sino ang totoong tao at bampira.
Huling nagpakilala ay si Mio. Hindi ako nagkakamali, siya nga ang lalaking tinutukoy ko kahapon. Simpleng tumugo lang siya.
Nasa dulo siya na parang walang kaibigan. Bago lang din siguro.
Pansin ko naman ang paghanga ng mga tao sa kanya. Sabagay, sino bang hindi hahanga kung siya ang top student.
Unang araw pa lamang ay marami agad sa aming pinagawa. Sanay naman na ako.
Hindi ko maiwasang hindi mapatingin kay Mio. Sana ay hindi siya bampira. Kailangan ko rin kasing maka-recruit ng bagong members sa aming clan, yung mga may potential.
Siya ang una kong iimbestigahan.
Itong lalaki kanina na may kasamang babae ay malakas ang kutob ko na bampira sila. Wala ang kasiguraduhan pero may kakaiba sa kanila.
May mga artista rin daw na nag-aaral dito. Sumikat na pala ang VNIGHT academy dati pa. Kumuha lang ng pruweba ang mga magulang namin ni Den na pugad nga ito ng mga bampira.
Sa kasamaang palad, namatay ang estudyante na pinapasok nila dito. Mabuti na lang at nasabi agad nito ang mga impormasyon na kailangan nila.
Sinakripisyo niya ang buhay niya. Hanga ako sa kanya. Isa siya sa nagbigay ng lakas ng loob sa akin na ipagpatuloy ang pagpasok dito.
"Hi! I am Zoe Samantha," bati sa akin ng isang babae.
Siya yung kasama noong lalaki kanina na medyo sikat at pansinin ng mga tao.
"Shin Minlei," sagot ko.
Malamang ay mas matanda siya sa akin o iba ang kurso.
"Nahulog mo kasi ito kanina," ika niya. "Baka mahalaga sa iyo."
Nanlaki ang aking mga mata. Hindi ko napansin na nalaglag ang aking kwintas.
"Thank you," ika ko.
Nahawakan niya ang kwintas ko.
Hindi siya bampira.