Naglakad si Kaliex papunta sa aming lugar.
Medyo kinakabahan ako sa hindi malamang dahilan.
Ngumuti ako sa kaniya, pero seryoso lang siyang nakatingin sa amin nang diretso.
Sinundan ko lang siya ng tingin. Parehas kami ni Den na nagulat sa kaniyang ginawa.
Hinila niya si Minari patayo, sabay niyakap ito. Parang matagal na silang magkakilala.
Napapikit si Minari. Nakayakap na rin ito kay Kaliex. May luhang pumapatak sa kaniyang mga mata habang nakapikit.
Sa sobrang gulong-gulo ng aking isipan ay lumabas ako ng classroom. Mabilis akong tumakbo palayo roon.
Pumunta ako sa field kahit gabi na. Ibinuhos ko ang aking mga luha na kanina pa nagbabadya.
Hindi kami napansin ni Kaliex dahil nakay Minari lang ang buo niyang atensiyon.
Akala ko ay nasa ibang bansa siya? Bakit siya nandito sa Vnight Academy?
Tiningnan ko ang aking cellphone. Wala pa rin siyang message kahit isa. Wala siyang sinasabi na pupunta siya rito.
Sinubsob ko ang mukha ko sa aking mga tuhod. Masyado kong dinibdib ang mga nakita ko kanina. Hindi ko pa naman napapakinggan ang paliwanag ni Kaliex.
Oo nga pala, kailangan niya nga bang magpaliwanag sa akin? Kaibigan niya lang ako at hindi kasintahan.
Kailangan akong masampal ng katotohanan na wala namang ginawang mali si Kaliex.
Pag-angat ko ng aking tingin ay may biglang nag-abot ng panyo.
Tiningnan ko muna kung sino ang may hawak nito. Si Mio pala ang may hawak ng panyo.
Kinuha ko iyon. Nakatingin lang siya sa field kahit na inabutan niya ako ng panyo.
"Kanina ka pa nandiyan?" tanong ko kay Mio.
Umupo siya sa tabi ko na hindi pa rin tumitingin sa akin.
"Yep. Nauna pa ako sa iyong tumbay dito. Nasa likod lang ako ng puno na sinasandalan mo," sagot niya.
Nahiya tuloy ako na nakita niya pa ang kadramahan ko. Nakakatuwa na sobrang bait niya sa akin.
"Hindi na kita napansin, pasensiya na. Masyado akong focus sa aking kadramahan. Nakakahiya tuloy na nakita mo akong umiiyak. Kalimutan mo na lang na nakita mo ang kahinaan ko," ika ko sa kaniya.
Hawak ko ang panyo na kaniyang binigay. Hindi ko alam kung gagamitin ko ba ito. Baka mamaya kung ano pa ang mangyari sa akin kapag ginamit ito.
Tiningnan ko si Mio. Nakasandal na siya sa puno. Matiwasay siyang nakapikit at mukhang sanay na siyang dito tumatambay.
Marami rin ang napapatingin sa amin. Baka mapagkamalan pa na may namamagitan sa aming dalawa.
Sikat si Mio dahil siya ang nag top 1 sa exam noon. Ganito pala rito, makikilala ka kapag ikaw ang nasa unang rank. Kapag mga sumunod nasa rank 1 ay hindi na pinapansin.
Naalala ko si Denver, sikat siya sa sinundan namin na batch. Nitong mga nakaraang linggo ay napapansin ko na pinag-usapan siya ng ilang babae.
Napansin ko lang si Denver nang makilala ko siya. Ganito pala kalaki ang impact ng rank 1 sa buong batch.
Nakakapagtaka lang na parehas tao ang nasa una. Ayan ay kung mapapatunayan ko na tao nga si Mio.
Pinanood kong matulog si Mio. Ngayon ko lang napansin ang hugis ng kaniyang mukha. Halatang hindi purong pinoy ang kaniyang lahi.
Matangos ang ilong niya at mapupula ang labi. Mahahaba rin ang kaniyang mga pilikmata at ang kilay niya ay katamtaman lang ang kapal.
May humarang sa ilaw nagbibigay liwanag sa mukha ni Mio. Napatingin ako sa aking gilid.
Napatayo ako nang makita si Denver. Nakapamulsa siya habang nagpapalipat-lipat ang tingin niya sa amin ni Mio.
"Denver! Ang tagal kitang hindi nakita ah? Kamusta ka naman?" Masaya akong kinamusta siya.
Matagal ko siyang inabangan, ngayong nagdadrama naman ako tsaka siya magpapakita.
"Anong nangyari sa mga mata mo? Umiyak ka ba?" tanong niya.
Sumimangot ako dahil hindi niya pinansin ang pangangamusta niya sa akin.
"Halatang-halata ba na umiyak ako?" Ako naman ulit ang nagtanong sa kaniya.
Tumango siya. Hinawakan niya ang aking pisngi, sabay pawi pa sa basang parte ng aking pisngi.
"Sinong nagpaiyak sa iyo? Siya ba?" Tinuro niya si Mio.
Napansin ko na nakatayo na rin pala si Mio. Nakahalukipkip lang siya at nakasandal sa puno.
Umiling ako. Hindi ko nga rin sinasabi kay Mio ang dahilan kung bakit ako umiyak.
"Hindi. Nandiyan nga siya para pagaanin din ang loob ko. Inabutan pa nga ako ng panyo." Pinakita ko sa kaniya ang panyo na inabot sa akin ni Mio. "Sadyang madrama lang ako ngayong gabi. Miss ko lang ang aking mga magulang," dagdag ko pa.
Masamang tumingin si Denver kay Mio. Mayroon bang alitan sa dalawang ito? Parehas naman silang top 1 sa kani-kanilang batch. Dapat nga ay sila ang nagkakasundo.
Medyo lumayo ako nang kaunti sa kanila nang mapansin ko na dumarami ang tumitigil sa harapan namin para makinig sa usapan namin. Ayokong nai-issue kaya kailangan ko na ring magpaalam sa kanila.
"Kanina pa kita hinahanap, Minlei. Anong ginagawa mo kasama ang dalawa na iyan? Halika na nga. Sorry na kung nasaktan ko ang damdamin mo, pangakong hindi na mauulit," singit ni Den.
Hinila niya ako, sabay yakap. Medyo nagukat ako sa kaniyang ginawa. Sa isip-isip ko ay natatawa na ako. Sinasalba niya lang kasi ako sa dalawang ito. Alam din naman niyang tao si Denver, pero marami na kasing nakikinood sa usapan namin.
Nakakainis at gusto ko silang pagsabihan na sana ay matutong magbigay ng privacy, pero baka mamaya ay ma-trigger ko agad ang ibang bampira.
Naglakad na kami ni Den palayo sa kanila. Nang makalayu-layo ako ay napangiti ako.
"Nakakaloka ka. Nagulat ako sa ginawa mo. Akalain mo na gagawin mo ang pag-aako na ikaw ang nagpa-iyak sa akin," biro ko sa kaniya nang makarating na kami sa aking dorm.
Inirapan na naman niya ako. Ika niya, "Para kasi kayong high school kanina na mukhang may pinag-aagawan na babae. Ang dami pa namang umuusyoso. Mabuti at nakita agad kita. Ikaw ay mag-iiwas-iwas sa ganiyan, Minlei. Alam mong maraming humahanga sa dalawa na iyan. Gwapo kasi!"
May punto si Den. Hindi ko pa nga rin napapatunayan na totoong tao si Mio. Napatingin ulit ako sa panyo na binigay ni Mio. Hawak-hawak ko pa rin pala ito. Ibabalik ko ito kapag naabutan ko ulit siyang pauwi o papasok.
"Hindi naman ako interesado sa kanilang dalawa, Den. Alam mo naman kung sino ang gusto ko simula pa lang sa una. Hindi naman iyon basta-basta magbabago kahit na makita kong may iba siyang kayakap," malungkot na sabi ko.
Nagawa ko pa ngang umalis sa lugar na iyon dahil lang nasasaktan ako. Hindi ko kasi kayang makita na para silang matagal na magkasintahan na.
"Hay nako, Minlei. Hindi ka pa ba nadala sa nakita mo kanina?" hindi makapaniwalang tanong niya.
Kahit siya rin pala ay iniisip na may something kay Minari at Kaliex.
"Anong nangyari pagkatapos kong umalis? Napansin niya ba tayo?" Ako naman ang nagtanong sa kaniya.
Sobrang curious ako sa nangyari kanina. Bakit nagyakapan nag dalawa na parang wala kami sa paligid?
"Ayun na nga, Sis. Hindi niya tayo napansin. Si Minari lang ata ang tanging nakikita niya. Nag-stay ata ako ng isang minuto, tapos sumunod na rin ako sa iyo. Ang bilis mo lang talagang nawala sa paningin ko," sagot niya.
"Nakapagtataka na may iba pa pala siyang kakilala rito, pero hindi man lang niya nasabi sa atin. Ano kayang mayroon sa dalawa na iyon?" saad ko.
Sinubukan kong hanapin ang social media accounts ni Minari gamit ang pangalan niya na nakalagay sa bulletin board.
Wala akong nakita na account niya. Baka iba ang pangalan na ginagamit niya katulad namin ni Den.
"Ang nakapagtataka pa, sinabi niya na nasa ibang bansa siya. Ngayon ay nandito na pala at wala man lang pasabi sa atin na papasok siya rito. Paano kung napahamak siya?" Halatang dismayado si Den sa tono niya.
Bakit ba nag-iba ang trato sa amin ni Kaliex? Wala rin naman siyang nakukwento tungkol sa relasyon na mayroon siya.
"Sinubukan ko nga kanina mag-chat sa group chat nating lima. Tinitingnan ko kung mababasa niya. Ang mga pinsan mo lang ang nag-reply. Malapit na raw sila umuwi," kuwento ni Den.
Hindi ko naalalang tingnan muli ang group chat na sinasabi niya. Kaming tatlo ni Den at Kaliex ay miyembro roon, kasama na rin ang dalawa kong pinsan.
Kasama ng dalawa kong pinsan si Kaliex sa bansa na pinag-stay-an nila para mag-aral.
Tinanong ko ang dalawa kung may kilala silang Minari. Kaming tatlo ay may hiwalay na group chat din, bilang magpipinsan.
"Wala raw silang kilalang Minari. Ang alam lang nila ay focus si Kaliex sa pag-aaral at pag-aasikaso ng business nila roon," saad ko.
Parehas kaming bigo ni Den. Wala kaming ideya sa mga ginagawa na ni Kaliex.
Imposibleng mag-aaral ulit siya rito dahil naka-graduate na siya. Malamang ay hindi siya rito magma-masteral, dahil hindi naman siya nagkolhiyo rito.
"Ano kaya ang ginawa niyang palusot para makapasok sa Vnight Academy?" bigla kong tanong.
Nakatulala lang ako sa kisame. Iniisip nang mabuti ang mga posibleng sagot.
"Hindi kaya ay magtuturo siya rito?" sagot ko sa sarili kong tanong.
"Posible iyan, Minlei. Matalino si Kaliex, malamang ay pasok siya sa standard ng Vnight Academy. Kagrupo ko rin naman si Minari sa project kaya malalaman pa natin ang koneksiyon nilang dalawa," saad ni Den.
Nalimutan ko pa lang itanong sa kaniya kung sino ang mga kagrupo niya. Sakto pala na si Minari ang isa roon.
"Hindi mo naman siguro kagrupo si Chelly ano? Delikado kayong dalawa ni Minari kapag nagkataon," nag-aalalang tanong ko.
Umiling siya kaya nawala ang kaba ko. Ika niya, "Mabuti nga't wala ni isa sa ating dalawa ay nakagrupo ang malditang babae na iyon. Hinding-hindi ko gugustuhin na makasama siya. Never!"
Pilit akong tumawa sa sinabi niya. Gusto kong mapalitan ang lungkot ko ng kasiyahan. Ang hirap na palagi kong dadamdamin ang nangyayari. Hindi dapat ito ang magpahina sa akin.
"Binigyan pa tayo ni Kaliex ng isa pang isipin. Nakakainis siya ha? Bahala nga siya riyan, malaki na siya at alam na niya ang dapat gagawin," singhal ni Den.
"Hayaan mo na. Kaibigan pa rin niya tayo at handa pa ring tulungan siya kapag nalagay sa alanganin. Hindi naman mawawala ang pag-aalala natin sa kaniya," saad ko.
Kung mahalaga sa kaniya si Minari ay malugod ko iyong tatanggapin. Mas mahalaga na siguro na madadagdagan ang miyembro ng clan.
Mas kailangan ko ngayon ay mag-focus sa pinaka-goal namin sa pagpasok dito sa Vnight Academy.
"Gagawin natin ang lahat para maituloy ang ating plano rito. Hindi na dapat magiging hadlang ang pagtataka natin kay Kaliex. Sana lang ay walang makaka-alam ng secret tunnel na ating ginawa," dagdag ko pa.
Delikado kung malalaman ni Minari ang tungkol dito. Dapat kami lang ni Den at Kaliex ang makakagamit nito.
Hindi rin naman alam ni Kaliex kung saan banda ang aming dorm. Kahit si Minari ay hindi ko pa nakikita sa parte na ito.
Alam ko ay kasama siya sa Top 10, pero hindi siya rito tumutuloy. Baka nasa mga normal na dorm lang siya.
Mas madali nga naman malaman kung sinu-sino ang mga bampira sa lugar na iyon. Nasa iisang building lang kasi ang mga babae. Sa tapat naman noon ay ang building ng mga lalaki.
Mas ginusto ko lang na sa top students na dorm tumuloy. Mas sasang-ayon kasi ang plano ko kapag nakahiwalay.
"Kailangan pa rin natin prangkahin si Kaliex tungkol dito. Dapat ay maagapan natin na hindi niya ito masabi kay Minari," ika ni Den.
Tama siya, dapat maagapan. Bukas na bukas din ay hahanapin ko siya bago ang group activities namin.
"Bukas na bukas din ay matapang ko siyang kakausapin. Balitaan mo ako kapag ikaw ang unang nakakita sa kaniya. Pakisabi na kakausapin ko siya nang masinsinan," pakiusap ko kay Den.
"Kailangan talaga natin siyang mahanap sa lalong madaling panahon. Delikado na kumalat ang tungkol sa pinagawa natin na secret tunnel. Malaking kaparusahan ang naghihintay sa atin, alam mo iyan. Lumabag tayo sa rules ng paaralan natin," pagpapaalala niya.
Isa ito sa pinakapinagbabawal na gawin. Hindi pwedeng gumawa ng kahit anong bagay na walang pahintulot nila.
Hindi sinabi kung anong klaseng kaparusahan ang ipapataw. Nakasisigurado ako na kamatayan ang kapalit noon.
Wala naman akong pakialam kung malaman nila. Basta kapag nalaman nila, dapat nakahanda na ang pinakamalaking surpresa ko sa kanila.
Ako na mismo ang magsasabi sa kanila ng mga ginawa kong labag sa rules nila, kapalit ang mga buhay nila.
"Nakakatakot ka talaga kapag ngumingiti kang mag-isa, Minlei. Ano na naman ang iniisip mo?" puna ni Den.
Oo nga pa, hindi niya alam ang tungkol sa malaking surpresa ko. Gusto ko ay masurpresa rin siya sa gagawin kong pasabog, totoong pasabog ng pinakamalakas na toxic bomb.
Ito lang ang bagay na hindi ko kayang ipagsabi, kahit na sa sobrang malapit sa akin, gaya ni Den at ng Tita at Tito ko.
Alam ko kasing may awa pa rin sa mga puso nila. Minsan ay iniisip nilang may mga mabubuting bampira. Hindi ako naniniwalang may mabuti dahil sa simula pa lang ay panay pasakit na ang binigay nila sa mundong ito.
Palabas na sana si Den ng aking dorm nang biglang makita namin si Kaliex at Minari sa labas, mado-doorbell na sana.
Bumalik sa loob si Den, pero nagtatakang nakatingin pa rin sa dalawa.
Napataas ang isa kong kilay sa nadatnan ko. Medyo napa-atras si Minari at napahawak sa bisig ni Kaliex.
Akala ko ba ay wala siyang kaibigan? Anong mayroon sa kanila ni Kaliex? Ibang-iba ata ang description ng Librarian at Nurse kay Minari. Parehas nilang gusto na sana ako ang unang maging kaibigan nito.
"Anong ginagawa niyo rito?" Seryoso ang tanong ko sa kanila na siyang ikinagulat nila.
Kahit si Den ay hindi inaasahan ang asta ko. Hindi ko rin sinasadya na maging ganoon ang aking tono.
Hindi dapat malaman ni Minari ang mga sikreto namin. Hindi basta-basta ang pagtitiwala ko sa isang tao. Pinaghihirapan iyon makuha, sinisigurado ko iyon.
"Minlei, I am so sorry about not informing you. Gusto ko lang naman na hindi ka mag-alala sa akin. Pasensiya na kung hindi ko nasabi ang tungkol sa pagpasok ko bilang guro sa Academy na ito," paliwanag ni Kaliex.
Baka kung ano pa ang masabi niya, marinig pa ng ibang bampira. Sumignal si Minari sa kaniya na huwag masyadong maingay.
Ngumiti ako dahil buti tanda niya pa na hindi dapat masyadong vocal sa labas kapag magpapahayag.
"It is okay, Kaliex. Not my right to know your whereabouts anyway. It is up to you," sagot ko sa kaniya.
Malungkot ang kaniyang naging reaction. Walang-wala ang reaction niya sa naramdaman ko nang malaman ko na umalis siya nang walang reply sa akin, ngayon ay nandito siya na walang pasabi sa amin para tulungan siya.
Pagod na akong maging plastic sa aking nararamamdaman.
"I am really sorry, Min---"
"Please stop! I am too tired hearing sorry from everyone. You can leave now."