Hindi ko na alam ang mga nasabi ko kanina. Ang alam ko lang ay nasasaktan ako.
Nagpaalam na rin si Den. Siya na raw ang kakausap kay Kaliex.
Aminado na mali ang ginawa ko kanina. Bigla-bigla na lang akong nagagalit kahit wala naman silang ginagawang masama.
Kinabukasan ay inayos ko ang aking sarili. Ngayon namin sisimulan ang proyekto para sa isa naming subject.
Napatingin ako sa toxic bomb na balak kong gamitin. Nagsuot ako ng dress na maluwag at may bulsa. Doon ko inilagay ang isang piraso para hindi mahalata.
Secret pocket din ito kaya hindi halatang may bulsa ang aking dress. Kapag marami akong time ay ako na rin ang nagtatahi ng iba kong mga damit.
May maliit akong sewing machine dito sa dorm. In-allow naman ito ng ng management ng academy.
Minsan lang kami lalabas kaya kailangan namin ng mga ganitong kagamitan. Hindi rin kami pwedeng mag-receive ng mga gamit sa iba.
Nandito ako sa secret room sa tunnel. Kumuha ako ng mga extra toxic bomb. Mabuti na lang at hindi alam ni Kaliex ang tungkol sa secret room at toxic bomb.
Naka-receive na ako ng message mula kay Xaphier kaya agad akong pumanhik sa aking dorm.
Kumuha lang ako ng isang notebook at ballpen para dalhin doon. Kailangan ko ring magpanggap na may ginagawa ako.
Lumabas na ako ng dorm. Hinintay ko muna ang dalawa sa labas. Nakakahiya kung ako ang mauunang papasok sa dorm ni Mio. Baka mabuking pa lalo ako sa aking plano.
Napansin ko si Chelly sa hindi kalayuan. Kalmado lang siyang naglalakad at may hawak na libro. Mukha siyang normal na estudyante na masipag mag-aral, pero sa likod nito ay ang totoong masamang ugali niya.
Iniwas ko ang tingin sa kaniya. Katabi ko pala ang kaniyang dorm. Hindi ko napansin na siya ang top 3. Buong akala ko ay si Minari iyon.
Sa Monday ay malalaman na ulit ang bagong rank. Katatapos lang kasi ng exam sa lahat ng subjects.
Nawala na si Chelly sa aking paningin. Baka katatapos lang nila sa proyekto nila. Dumiretso na kasi siya sa kaniyang dorm.
"O tara na, Minlei. Tulala ka pa riyan." Biglang litaw ni Xaphier at Vika sa aking harapan.
Kanina pa pala ako nakatulala sa dorm ni Chelly. Mabuti nga't hindi niya ako napansin.
"Kanina ko pa kayo hinihintay. Nahihiya ako na mauna kaya hinintay ko na kayo," saad ko.
Mukhang mabait itong Xaphier at Vika. Umakbay sa amin si Xaphier at pakanta-kanta pa habang naglalakad patungo sa katabing dorm.
Si Vika na ang pumindot ng doorbell. Bumungad sa amin si Mio na bagong ligo. Tumutulo pa ang tubig mula sa kaniyang buhok.
"Ang aga niyo. Pasensiya na kung ganito niyo ako nadatnan," ika ni Mio.
"Ano ka ba? Ayos lang sa amin. Ang gwapo mo nga lalong tingnan e," biro ni Xaphier.
Wala talagang preno ang kaniyang bibig. Kung anong gusto niyang sabihin ay sasabihin niya.
"Tuloy kayo," pag-aanyaya ni Mio.
Pagkapasok namin ay agad naming inibot ang aming mga mata.
Ang linis ng kaniyang dorm. Parang daig pa ang kalinisan ng aking dorm. Parang babae ang may-ari nito sa linis at ayos ng mga gamit.
"Wow! Nice dorm. Mabuti na lang at ang dorm mo ang napagkasunduan natin. Walang-wala ang aking dorm ha?" puri ni Xaphier, halatang manghang-mangha sa kaniyang nakikita.
Sadyang mas malaki ang dorm ni Mio, pero hindi niya masyadong ginamit ang space nito.
"May TV ka na pala? Pwede na ba iyan dito? Plano ko pa lang kasi magpalagay. Minsan nabo-bore na ako sa dorm. Wala na ibang magawa e," saad ko.
Nagulat talaga ako na may TV siya. Akala ko ay bawal ito rito. O baka kasi top 1 siya kaya in-allow na magkaroon?
Napatingin din sila Xaphier at Vika sa sinasabi ko. Mukha naman silang hindi makapaniwala sa akin.
"Sis, wala kang TV sa dorm mo? Matagal na rin kaming may TV. Pagkapasok pa lang namin dito ay tinanong na namin ang admin kung pwedeng magkaroon ng TV at ng iba pang gamit," ika ni Xaphier.
Ibig sabihin ay kami nga ang magpo-provide noon? Ang dami pala naming nakalampasan ni Den.
"Ako na mismo ang bibili ng mga gamit, ganoon?" tanong ko pa para malinawan.
Umiling si Xaphier. Sagot niya, "Magsasabi ka lang ng request mo, kapag allowed ang kailangan mo ay sila na mismo ang magpo-provide nito."
Ilang buwan na kami ni Den dito, hindi pa namin malalaman kung hindi makakapasok sa ibang dorm.
Umayos naman para pag-usapan na ang gagawin namin. Nandito kami ngayon sa sofa ng tatanungan ng mga positive at negative sides ng aming napagkasunduan.
"Ang swerte namin ni Vika, kayo ang naging kagrupo namin. Halos kayo na ang nag-isip ng project natin e," saad ni Xaphier.
Sinubukan kong matawa para hindi naman mukhang masungit. Hindi ngayon ang tamang panahon para ipakita ang totoo kong ugali.
Pumunta si Mio sa kusina. Gagawa raw siya ng dinner para sa amin. Si Xaphier naman ay binubusisi ang ilang artworks na nakasabit sa dingding.
Si Vika ay umidlip naman. Bakit siya natutulog sa ganitong oras? Tao kaya siya?
Paano kung ngayon ko na gamitin ang toxic bomb? Malalaman ko kung sino ang matitira sa kanilang tatlo.
Hinawakan ko ang aking palda. Kalmado akong huminga nang malalim.
Napabitaw ako sa king palda nang lumabas si Mio sa kaniyang kusina.
Panay gulay ang kaniyang niluto. Chopseuy at pinakbet. Inilapag niya iyon sa lamesa. Bumalik din agad siya sa kusina.
Napakagat ako sa aking labi. Kailangan ko nang magdesisyon ngayon, dahil matatapos na agad namin ang proyekto.
May dala naman ngayon na beef broccoli mushroom si Mio. Mga normal na pagkain ng tao ang mga inihain niya.
"Kain na. Nakahain na ang pagkain," anyaya ni Mio sa amin.
Ginising ko si Vika para kumain. Nagulat pa siya sa pagsundot ko sa kaniyang tagiliran.
"Nakakagulat ka naman, Minlei. Hindi ko namalayang naka-idlip ako," saad niya.
Mabilis na pumwesto si Xaphier sa tabi ni Mio. Kaming dalawa tuloy ni Mio ngayon ang magkatapat, habang si Vika ay katabi ko.
Sinimulan ni Vika magdasal para sa pasasalamat sa pagkain at pagsasama-sama naming apat.
Iminulat ko ang aking mga mata. Napansin ko na lahat sila ay taimtim na nakapikit habang nananalangin.
Masigla silang kumain gawa na rin sa kadaldalan ni Xaphier. Siya talaga ang nagdadala ng mood ng pagsasama naming apat.
Napangiti ako nang makita na nagtatawanan sila sa isang simpleng joke.
Hindi ko ma-imagine na bampira sila. Malaki ang tyansa na tao sila. Ang sarap nilang panoorin.
Para silang inosente at walang alam sa mga nangyayari sa pinapasukan nila.
Ang mga bampira ay umiinom ng alternatibong dugo para pampalakas sa kanila. Hindi sila kumakain ng mga ganitong pagkain.
Halos maubos namin ang pagkain na inihanda ni Mio. Aminado ako na masarap siyang magluto.
"O bakit ikaw lang ang malungkot dito, Minlei?" tanong ni Vika.
Lahat tuloy ng atensiyon nila ay napunta sa akin.
Ngumiti ako sa kanila. Sagot ko, "Wala naman. Naaalala ko lang ang masaya kong pamilya sa inyo. Ganitong-ganito rin kami kapag magkakasama. Nami-miss ko na rin ang luto ng mga magulang ko."
Halatang nalungkot sila para sa akin. Hinimas-himas ni Vika ang aking likod para i-comfort.
"Nasaan ba sila?" tanong naman ni Mio.
Hindi ko pwedeng ipakita sa kanila ang larawan ng aking mga magulang. Hindi rin nila pwedeng malaman na dahil sa bampira kaya namatay ang aking mga magulang.
"Busy sila sa business nila. Nasanay ako na palagi kaming magkakasama. Kung pwede nga lang sana na dumalaw sila, edi sana kahit isa sa isang linggo ay makikita ko sila," saad ko.
Oo nga pala, ang mga Tita at Tito ko ang pinakilala kong mga magulang. Buti at naalala ko ang mga iyon.
"Same, Minlei. Nasanay ako na nakadepende kila Mom at Dad. Sila nga ang nagpumilit sa akin na pumasok dito. Maganda raw kasi ang aral dito. Hindi naman sila nagkakamali," ika ni Xaphier.
Natutuwa na talaga ako sa kaniya. Akala ko noong una ay typical rich girl lang siya at normal na maarte.
Maganda ang pagiging madadal niya dahil pinapatay niya ang awkward na paligid. Friendly rin siya na tipong kahit sino talaga ay kakausapin.
"Ako naman, wala na ang mga magulang ko. Nakasama sila sa isang malaking pagsabog. Ngayon ay kuya ko na lang ang nag-aasikaso sa akin. Siya ang nagpapatakbo ngayon ng kumpanya namin. Matanda sa akin si Kuya ng anim na taon," saad naman ni Vika.
Masaya ako na nag-o-open sila tungkol sa kanilang pamilya. Ako lang ata ang hindi nagsasabi ng totoo.
Ano kaya ang pagsabog na sinasabi niya? May kinalaman kaya ito sa naganap na pagsabog na ikinamatay ng marami naming members, kasama na sila Mom at Dad?
Napansin kong nag-aabang ang dalawa sa sasabihin ni Mio. Nagkibit-balikat tuloy si Mio.
"Natutunan kong maging independent dahil busy ang aking mga magulang sa kanilang business. Pinilit lang din ako na mag-aral dito. Sa ibang bansa sana ako mag-aaral, napilitan lang ako rito," sagot ni Mio.
Interesting. Magkakaiba kami ng kuwento. Kahit ako ay hindi gugustuhin na sa Vnight Academy mag-aral. Napilitan lang ako para sa kagustuhan na makapaghiganti.
Pagkatapos namin kumain ay tinuloy namin ang proyekto. Nang matapos namin ito ay nanood muna kami ng isang movie.
Napahawak ako sa bulsa ng aking palda. Itutuloy ko ba ang plano ko na pasabugin ito?
Horror ang pinapanood namin kaya napapayakap si Xaphier kay Vika.
Napatanggal ang pagkakahawak ko sa toxic bomb. Hindi ko kayang gawin ito ngayon. Hindi naman ako ganoon kasama para sirain ang kasiyahan nila.
Kung normal na tao man sila, baka magsisi ako sa aking gagawin sa kanila.
Napuno ng usok ang paligid. Nag-panic ako dahil hindi ko namalayan na nahila ko na pala iyon.
Umuubo-ubo na sila. Kinapa ko sila para mailabas sa dorm. Sobra akong nagsisisi. Maling-mali na naman ang aking nagawa.
Napansin ko na parang hinihika si Xaphier. Kinuha ko siya at inilabas ng dorm. Ang usok ay lumabas ng dorm.
Patago kong itinapon ang bola ng toxic bomb sa halamanan
Bumalik ako sa loob para hanapin ang dalawa. Halos wala na akong makita.
"Vika! Mio! Nasaan na kayo?" sigaw ko.
Sinubukan kong mangapa sa paligid. Nadapa ako sa katawan na aking nadaanan.
Bumangon agad ako para kapain kung sino ang nakahiga. Napansin ko na si Mio pala iyon.
Sinubukan ko siyang hilahin palabas ng dorm. Dumating si Den at siya ang tumulong sa akin palabas kay Mio.
"Anong nangyayari?" tanong ni Xaphier na hinihingal pa rin ngayon.
Iniwan ko si Mio kila Den at Xaphier. Nanakbo ulit ako papuntang dorm ni Mio.
"Minlei!" sigaw ni Xaphier.
Hindi alintana ang usok, sinubukan ko pa ring hanapin si Vika. Halos ubuhin na rin ako sa usok.
Akala ko ay wala itong masamang epekto sa tao. Parang normal na usok ito ng apoy.
Pinilas ko ang laylayan ng aking dress para itakip sa aking ilong at bibig.
Maya-maya ay may humila na sa akin palabas. Napatingin ako sa humila sa akin. Si Kaliex pala iyon.
Saktong umulan. Pinapasok ko muna sa aking dorm si Xaphier at Mio. Tumawag na rin kami ng Doctor sa clinic para matingnan ang dalawa.
Lumabas pa rin ako ng dorm. Hindi ko alintana ang ulan. Napansin ko na nawawala na ang usok gawa ng ulan.
Wala rin masyadong nandito sa labas kanina dahil duluhan ang lugar namin.
Pumasok ako sa dorm. Ni anino ni Vika ay wala akong nakita. Nasaan na siya?
Napatingin ako sa sofa kung saan siya nakaupo kanina habang nakayakap sa kaniya si Xaphier.
Nalungkot ako sa pag-iisip na bampira si Vika. Napaluha ako sa aking ginawa. Kung sa tuwa o lungkot, hindi ko rin alam ang sagot doon.
May mga nagdatingan na mga opisyal ng Academy. Isa sa kanila ay nilagyan ako ng Jacket. Ngayon ko lang naramdaman ang ginaw sa aking katawan. Nanginginig na ako sa lamig at kaba.
"Nasaan si Mio?" tanong ng isang opisyal.
Nagpanggap ako na takot na takot ako para magmukhang inosente ako sa nangyari.
"Nasa dorm ko po kasama ni Xaphier. Wala pong malay si Mio. Si Vika naman po ay nawawala. Kanina ko pa po siya hinahanap," naluluha kong sabi.
Inalalayan nila ako palabas ng dorm. Tuluy-tuloy pa rin ang aking pagpapanggap.
"Kami na ang bahala rito, Iha. Kailangan mo munang magpahinga. Dadalhin ka na rin namin sa Clinic para makasigurado na ligtas ka," saad ng isang babae.
Tumango ako at sumunod sa kanila. Kailangan ko pa ring magpanggap hanggang sa makarating sa Clinic.
"Hanapin niyo po si Vika, please?" pakiusap ko sa kanila.
Gagawin naman daw nila ang lahat para mahanap si Vika.
Kung namatay nga si Vika dahil bampira siya, malamang ay hindi nila malalaman na ang usok na galing sa toxic bomb ay laban sa mga bampira.
Mabilis na nawala ang usok, sinigurado ko agad na hahalo iyon sa hangin sa labas. Hindi masyadong effective ang usok kapag malawak na ang sakop nito.
Ang ginagawa pa lang namin na pinakamalakas ang makakasakop sa buong Academy.
Si Vika ang ituturing nilang traydor. Ang abo naman na ni Vika ay wala ni isang bakas sa dorm ni Mio. Kusang naglalaho ang mga ito, sa pagkakaalam ko lang.
Pagkarating namin sa Clinic ng naghatid sa akin ay agad akong inasikaso ng mga nandoon.
"Anong nangyari, Iha? Hindi ko akalain na kasama ka pa sa napahamak. Ngayon lang nangyari ito sa dorm," saad ng Nurse na dati ko nang nakausap dito.
Hindi ako nagsalita. Mabuting hindi na masyadong magkuwento. Tama na ang admin ang may alam sa nangyari.
Kasama ko na ngayon si Xaphier. Nasisigurado ko na tao siya at wala siyang alam sa nangyayari.
"Hindi ko nahanap si Vika. Hinanap ko siya sa abot ng makakaya ko, pero bigo ako. Natatakot ako na baka kung ano ang mangyari sa kaniya," pagsisinungaling ko.
Medyo nalungkot ako sa katotohanan na bampira si Vika. Umasa ako na lahat sila ay tao.
Hindi ko sinasadyang mahila ang toxic bomb. Hindi rin nila malalaman na nanggaling sa akin ang bagay na iyon.
"Ginawa mo ang makakaya mo, Minlei. Hanga nga ako sa iyo na binuwis mo pa ang buhay mo sa amin ni Mio, mailigtas lang kami. Malaki talaga ang pasasalamat namin sa iyo," masayang sabi ni Xaphier, pero kita sa kaniyang mga mata ang lungkot.
I am so sorry, Vika. Kung bampira ka man, iyan na ang nararapat sa iyo.
Isa siguro ang mga magulang niya sa may pakana ng pagkamatay ng aking mga magulang.
Isang malaking pagsabog lang naman ang naganap nitong taon. Nakasisigurado ako na involved sila sa nangyari na iyon.
Tumingin ako sa aking kwintas na pinaka-iniingatan. Mom, Dad, isa pa lang ito sa mga paghihiganti ko para makamtan ang hustisya ninyo.
"Okay ka lang, Minlei? Kanina ka pa tulala," nangangambang tanong ng Nurse.
Hindi ko iyon pinansin para magmukhang na-trauma ako.
Sa loob-loob ko ay natutuwa ako na nasimulan ko na ang paghihiganti.