Naka lagpas isang linggo na ang nakalilipas, pero hindi pa rin pumapasok ang babaeng nakausap namin.
Inayos ko rin ang suot ko para hindi mapuna ng Chelly na sinasabi niya. Lagi lang akong nakaitim na t-shirt o blouse na may ternong pantalon na itim.
Gusto ko sanang tanungin si Mio kung may alam siya sa nangyari sa babaeng iyon. Nag-aalala kasi ako na dahil baka sa sugat na ginawa niya ay talagang napahamak siya.
Hindi pa rin ako sigurado kung connected si Mio sa babae na iyon. Kailangan ko pa ring mag-ingat sa mga itatanong sa kanila.
Naghiwalay muna kami ni Den ng landas. Hindi pwedeng kami palagi ang magkasama. Sinusubukan niya ring makisama sa ibang mga lalaki at babae.
Nakasalubong ko si Zoe at Levi. Magkasintahan ba sila? Tumango lang ako sa kanila.
Lalampasan ko na sana sila nang bigla akong hinigit ni Levi. Nagulat ako sa kaniyang ginawa. Hindi pa naman kami nagkakausap para ganituhin niya ako.
"May problema po ba?" tanong ko.
Napatingin ako kay Zoe. Baka mamaya ay masama na ang tingin niya sa akin dahil sa paghila ni Levi.
"Mali ka ng direksiyon na pupuntahan. Bawal diyan ang estudyante," paliwanag ni Levi.
Napatingin ako sa tinutukoy niya. Sa dami kong iniisip, hindi ko na napansin ang dinadaanan ko.
"Ang dami ko kasing iniisip. Hindi ko na napansin ang daanan. Pasensiya na po," saad ko.
Yumuko ako sa kanila bilang paghingi ng paumanhin.
Bumalik ako sa dinadaanan ko. Pumunta ako pakaliwa dahil sa library ang pakay ko. Kailangan kong hanapin ang babaeng nakausap namin.
Napansin ko na nasa likod ko rin ang dalawa kanina. Mukhang parehas kami ng direction na pupuntahan. Hinayaan ko na lang sila.
Pumasok ako sa library na hindi na nililingon ang dalawa. Kailangan kong pasimpleng mahanap ang babaeng nakausap namin. Imposible namang hindi namin siya kaklase.
Napansin ko si Mio na nakaupo sa bandang dulo. Relax na relax ang pagkakaupo niya sa sofa habang nagbabasa ng libro.
Umupo sa tabi niya si Zoe at Levi. Nagbatian lang sila. Magkakakilala silang tatlo?
Nagsimula na akong maghanap. Masyadong malaki ang library na ito, kaya baka magkasalisihan kami kung sakali.
Nalibot ko na ang buong library, pero ni anino niya ay hindi ko nakita. Ano na ang nangyayari sa kaniya?
Hindi naman siya isang guni-guni lamang dahil dalawa kami ni Den ang nakausap niya.
Pagharap ko ay bumungad sa akin si Mio. Halos mapakapit ako sa kaniya dahil muntik na akong madulas.
"Gulat na gulat ka ata?" saad nito.
Umayos ako nang pagkakatayo. Ika ko, "Sino ba naman hindi magugulat? Bigla-bigla kang lumilitaw sa likuran ko. Ano ba kasing ginagawa mo rito?"
Tinaasan niya lang ako ng kilay. Ibinalik niya ang libro sa may likuran ko sa may bandang taas.
Nakaramdam ako ng hiya kaya umalis ako at lumipat ng pwesto.
Napatingin ako sa mga librong napuwestuhan ko. Saktong tungkol sa mga bampira ang area na ito.
Nagbuklat ako ng ilang libro. Sinubukan kong maghanap pa ng ibang kaalaman tungkol sa kanila.
May isa akong nakitang kakaiba. Pwede ka itong mahiram kahit isang araw lang?
Ang book na ito ay parang mamahalin at luma na. Kulay gold ito na kumikinang kapag nasisinagan ng araw.
Napunta ako sa isang pagina kung saan nakasulat doon ang pangontra sa mga malalakas na bampira.
May isang kakaibang patalim ang nakalarawan doon. Kinuha ko muna ang aking cellphone at patago itong kinunan ng litrato.
Ibinalik ko agad sa libro sa kaniyang pinaglagyan. Pasimple ulit akong lumipat ng kabilang bookshelf.
Sinilip ko kung nasaan si Mio. Kausap niya na ulit ang dalawa sa sofa. May ibang libro na siyang hawak.
Hindi na ako magtataka kung bakit siya ang top 1 namin. Mahilig siyang mag-explore ng mga bagong kaalaman.
Wala na akong pakialam kung hindi ako ang highest. Mas mahalaga sa akin ay ma-maintain na nasa top 10 ako para hindi ako mapunta sa magulong dorm.
Mas madali ma-obserbahan ang mga nasa top. Si Chelly ay sigurado na akong isa siyang bampira.
Masyado pa lang maaga para atakihin ito. Kailangan makasiguro na marami na akong nalalaman bago unahin ang mga kilala kong bampira.
Kumuha ako ng isang libro na pwedeng mahiram para hindi halata.
Tungkol naman ito sa Chemistry. Makakatulong ang ganitong libro sa mga ginagawa kong experiments.
Inabot ko ang libro sa librarian para i-record niya ito na hihiramin ko.
"Ma'am, wala po kayong nakikitang babae na maiksi at kulay blonde ang buhok? Kaklase ko po kasi siya at lagpas isang linggo ko na po siyang hindi nakikita," tanong ko sa kaniya.
Paglingon ko sa aking gilid ay natyempuhan ko na nakatingin sa akin sila Mio at ang dalawa pa. Malamang ay pinag-uusapan na nila ako.
"Si Minari ata ang tinutukoy mo. Naku, Iha, hindi na nga siya nagpapakita sa akin. Palagi iyang nakatambay dito. Ano na kayang nangyari sa bata na iyon? Ngayon ko lang nalaman na hindi na pala siya pumapasok," saad ng librarian.
Bigo naman akong makakalap ng impormasyon sa tinatawag niyang Minari. Iyon pala ang pangalan ng babae.
"Nakausap ko pa po kasi siya bago siya sunud-sunod na um-absest sa klase. Babalitaan ko na lang po kayo kapag nakita ko siya," saad ko.
"Mabuti pa nga, Iha. Sana nga ay ikaw ang maging kauna-unahan niyang maging kaibigan. Palagi na lang kasing mag-isa ang bata na iyon. Ang lungkot niyang tingnan," ika niya.
Akala ko ay connected siya kay Mio, hindi pala. Nagkataon lang na magkasunod lang silang lumabas ng araw na iyon.
"Gagawin ko po ang makakaya ko para maging malapit sa kaniya. Maraming salamat po," saad ko.
Nagpaalam na rin ako sa kaniya. Napapa-isip tuloy ako kung ang lahat ng mga nagtatrabaho rito ay bampira.
Masyadong mabait ang librarian na iyon, at kilala pa ang babaeng tinutukoy ko na si Minari pala. Kung sabagay, lagi namang nasa library si Minari kaya paniguradong matatandaan siya noon.
Umalis na rin ako ng library. Plano kong bumalik na sa aking dorm para mabasa ang kinunan ko ng litrato.
Halos alas diyes na ng gabi kaya kailangan kong makarating agad dorm. Delikado na ang ganitong oras.
Dali-dali akong naglakad. Aminado ako na hindi pa rin ako ganoon kakampante makipaglaban sa mga bampira.
Nadaanan ko ang clinic dito. Malamang ay tao ang mga nandito dahil kung bampira, maaakit lang ang mga ito sa dugo ng tao na maaaksidente o kung ano man.
Bumalik ako at naisip kong tanungin ang mga nandoon kung may alam tungkol kay Minari.
Bumungad sa akin ang isang duguan na estudyante. Agad nilang sinarado ang pintuan pagkapasok ko. Ini-lock na rin nila ito.
Medyo nag-panic sila sa presensiya ko. Akala siguro ay isa akong bampira.
"Anong maitutulong namin sa iyo, Iha?" tanong ng isang nurse.
In-assist niya ako papunta sa kabilang kwarto.
"Magtatanong lang sana po ako. Hindi ko po sinasadyang makakita ng ganoong pangyayari," saad ko.
Kumuha siya ng stethoscopes kaya ako nagtataka. Tiningnan niya kung normal ang t***k ng aking puso.
Inaalam din niya kung bampira ako o hindi. Ako rin, gusto kong malaman kung bampira sila. Hindi ako sigurado kung mabilis silang nakapag-adjust sa amoy ng dugo.
"Normal ka naman," saad nito.
Gusto kong matawa sa kaniyang sinabi. Hindi naman ako nagpapa-check ng pakiramdam.
"Magtatanong lang po talaga ako kung may kilala po kayong Minari," saad ko.
Natawa siya bigla. "Pasensiya na, medyo praning lang. Medyo malala kasi ang lagay ng pasiyente namin ngayon," ika niya.
May kinuha siyang file sa isang cabinet. Inilahad niya sa akin ang record ni Minari. Totoong Minari nga ang pangalan niya. Nagulat ako na parehas kami ng apilyedo.
Minari Young at 20 years old na siya. Matanda siya sa akin ng dalawang taon.
"May sakit siya na kailangang gamutin sa ibang bansa. Babalik din siya kapag naging successful ang operation niya. Nakakaawa nga ang bata na iyon e. Walang masyadong kaibigan, tapos ganoon pa ang nangyayari sa kaniya," kuwento niya.
Kaya pala siya biglaang nawala. Nauna na ang paalala niya sa amin bago siya umalis.
"Ano po ba ang sakit niya?" tanong ko.
"Hindi ko pwedeng sabihin e. Kung kaibigan mo siya, siya na lang ang kausapin mo pagbalik niya. Sana nga ay maayos na ang kalagayan niya," malungkot na sabi ng nurse.
Kaya ba niya sinabi na baka hindi siya matanggap sa clan namin ay dahil doon? May sakit siya at hindi niya kayang makakilos masyado para sa pakikipaglaban?
"Sige po. Ipagdarasal ko na lang din po na sana ay okay na ang kaniyang kalagayan," saad ko.
Maya-maya ay sumisigaw ang lalaking duguan kanina. Nasasaktan siguro sa paggagamot sa kaniya.
"Kung okay lang pong tanungin, ano po ang nangyari sa lalaking duguan kanina?" tanong ko.
Tumingin ang nurse sa labas, sabay balik ng atensiyon sa akin. Saad niya, "Dinala lang siya ni Sir Mio rito. Buti nga po ay siya ang nakakita. Kung iba ay baka pinaglalamayan na siya. Si Chelly Eisaia ang pinaghihinalaan na gumawa sa kaniya niyan. Mag-iingat ka sa babae na iyon. Kung makakasalubong mo man, kailangan mong magparaya at magbigay pugay. Ayaw niya na sinasagot at may nagmamataas sa kaniya."
Ang daming pumapasok sa aking isipan. Nagagawang saktan ni Chelly ang mga normal na tao rito na hindi man lang binibigyan ng action ng namamahala rito?
Kahit pa sabihin na pamangkin siya ng may-ari, hindi tama na ganito ang treatment niya sa mga kapwa estudyante.
Si Mio, mabuti na lang ay nakita niya ang lalaki na ito. Kung hindi siguro niya nadala agad dito ang lalaki, malamang ay pinagpipiyestahan na siya ng mga bampira.
Hindi naakit ng dugo si Mio ng lalaki, ibig bang sabihin nito ay totoong tao si Mio?
Nakainom kaya ng dugo si Chelly sa lalaking ito kaya hindi niya tinuluyan ito?
"Pwede ko po bang masilip ang lalaki?" tanong ko.
"Sige, pagkatapos niyang gamutin. Makikiusap na rin sana ako sa iyo na i-guide siya. Baka na-trauma na sa nangyari, kailangan niya ng mga bagong makakasama," pakiusap ng nurse.
Sumang-ayon na lang ako sa kaniya. Malaking opportunity sa akin na ma-recruit ang lalaki na ito sa aming clan. Malamang ay alam na niya ang tungkol sa mga bampira.
Pagkatapos niyang linisan, pinapasok na ako sa kaniyang kwarto.
Sinuri kong mabuti ang kaniyang mga sugat. Wala naman siyang kagat sa leeg kaya nakampante ako na ligtas na siya.
Ang iba niyang mga sugat ay mula sa kalmot siguro ng mga kuko. Natatakot ako na baka ganito ang mangyari sa amin ni Den kapag hindi kami lumaban.
Hinawakan ko ang kaniyang palapulsuhan. Normal ang t***k ng kaniyang puso.
Sa itsura pa lang ng lalaki ay halatang nakikipaglaban ito. Hindi siguro siya aabot sa ganitong punto kung hindi siya sumasagot o lumalaban kay Chelly.
Napansin kong nagsisimula na siyang imulat ang kaniyang mga mata.
"Gising ka na pala," saad ko.