By Michael Juha
----------------------
Dahil tatlo kaming grupo, iyon na rin ang grouping namin sa competition ng iba’t-ibang impromptu na mga palaro. May tug-of-war, may obstacle relay, may impromptu cheering at talent contests, at ang culmination nito ay ang search for Mr. Prince Charming and Miss Princess of the night na ang mga judges ay kami-kami rin lang.
Sobrang saya at enjoy ang lahat. Pero syempre, nandoon pa rin ang pagsisimangot ko at pang-iisnub kay Lito kapag pareho kaming kasali sa laro. Ewan… asal-bata man ito ngunit may matinding galit pa rin ako sa kanya.
Pareho kaming contestant ni Lito sa search for Prince Charming of the night. Sa pag-introduce ko pa lang sa sarili, binanatan ko siya, “Ako ang piliin ninyo dahil sigurado ako sa aking seksuwalidad!” sabay tingin ng patama sa kanya. Tawanan at palakpakan ang lahat. At noong ibinaba na ang hatol, ako ang nanalo at si Lito ay pangalawa lamang. Noong nilapitan niya ako at kakamayan sana, bigla ko siyang tinalikuran.
Pagkatapos ng palaro, binigyan kami ng 30 minutes na break upang makapagpahinga at kumain. Susunod na raw ang sinasabi nilang “deepening”.
Alas dose na ng gabi nang pinalabas kami sa mga cottages namin. Pina-upo kaming lahat ng. Malapit na sa full moon ang gabing iyon kung kaya may sinag pa rin ang buwan na siyang nagsilbing liwanag sa paligid. Sinadya raw ng mga organizers na sa ganoong oras at set-up ang deepening, medyo madilim-dilim at tahimik ang ambiance. “Ano kayang mayroon?” ang tanong ko sa sarili. Hindi ko pa kasi naranasan ang deepening na sinasabi.
Nagsalita ang moderator. “Mga buddies…” ang pag-greet niya. Iyon kasi ang tawagan namin sa kapwa myembro. “Ang tawag natin sa activity na ito ay ‘Deepening’; the main objective, as the word implies, is to enable us to know deeper the person we call ‘buddy’. I won’t expound on the subject but let me just begin by saying that what we say or do here, let it stay here. Let us open our minds and our hearts and let the white sands and the wind in this island bear witness to everything we do or say. Let this activity help each one of us to know each other better, to learn lessons from the experiences that our buddies unravel, appreciate the values and meaning of life, find our true selves, and finally, become better persons. Lahat tayo ay may kanya-kanyang kuwento at drama sa buhay. Mayroon tayong little secrets, big secrets, skeletons in the closets. Mayroon tayong kanya-kanyang nastiness, mga pagkakamali, as well as struggles, pains, insecurities, feras... Normal lamang ang mga ito. Kung wala ito, hindi natin malalaman kung gaano tayo katapang, katatag; kung gaano kahalaga ang buhay. Minsan, naitatanong natin sa ating sarili kung normal pa ba ang mga nangyayaring ito sa atin, kung bakit tayo pa, or if we deserve to have all these… Pero ang mahalaga ay patuloy pa rin tayong bumabangon, lumalaban sa mga pagsubok at unos... Because that is life – full of challenges, full of struggles, full of unanswered questions. Kaya let each of us unveil our that story, so that it may serve as an inspiration or shining example to your fellow buddies; to give your buddies the opportunity to know you better, to accept and embrace you for what you are, in spite of what you’ve gone through. This is your chance to unload, to unmask the real person behind what your buddies thought of you. Lahat tayo ay magsasalita and I encourage you to speak from the heart. Whatever emotions come out, let it flow freely - walang takot, walang pangamba, walang pagdadalawang-isip. Let there be trust among us. Let there be understanding and acceptance and compassion. Sa gitna ng napakagandang obra ng kalikasang nakapaligid sa atin, let us set ourselves free…”
Ramdam ko ang pagkabog ng aking dibdib sa sinabi na iyon ng moderator. Ito ay dahil sa nangyari sa amin ni Lito. May gumapang tuloy na pagsisisi kung bakit pa ako sumali sa activity na iyon.
“Sa mga laro natin kanina, napakasaya natin.” Ang pagpatuloy ng moderator. “Pero may halo rin itong downside lalo na kapag natatalo tayo. Di’ ba sa totoong buhay ay masasabi nating ganoon din? Ang buhay kasi ay para ring isang laro. May mga challenges at palagi, gusto nating manalo. Kapag nanalo tayo, sobrang saya ang ating nararamdaman. Ngunit kapag natalo naman tayo, may lungkot din itong hatid, minsan ay galit. Halimbawa kung ihalintulad natin ang pagkatalo sa laro sa ating karanasan sa buhay, ano ang pinaka-lowest part na naranasan mo sa iyong buhay; iyong pinakapuntong nasabi mo sa sarili na sana ay hindi ka na lang ipinanganak sa mundong ito? O kaya’y nakapag-isip ka na magpakamatay na lang? Nalampasan mo ba ito? O tuloy pa rin ba ang ‘laban’ mo hanggang sa sandaling ito? Ano ang mga aral na natutunan mo kung mayroon man? Sa kabilang banda naman, kung may mga ‘panalo’ kang maituturing sa laro ng buhay, kailan mo naranasan ang sobrang saya? Mas marami bang masasayang parte ang buhay mo kaysa malulungkot…? Iyan ang mga tanong na dapat mong sagutin sa pagbabahagi nating ito. Pero bago iyan, bibigyan ko kayo ng ilang minuto upang i-examine ang mga sarili ninyo, masagot ng maigi ang mga katanungan, at maibahagi ang mga ito ng maayos...”
Noong gumitara na at kumanta ang singer na aming kasama, lahat kami ay natahimik, ang karamihan ay nagsimulang mag-iyakan.
Hindi ko naman lubos maintindihan ang naramdaman sa pagkakataong iyon. Bagamat pilit na pinigilan ko ang sariling huwag magpadala sa emosyon, wala rin akong nagawa. Kusa na lang pumatak ang aking mga luha. Hinayaan ko na lang ang mga ito na dumaloy. At kung ano mang emosyon ang lalabas habang pinakinggan kong maigi at hinimay ang kahulugan ng bawat salita ng kanta, binigyang-laya ko ang lahat.
“Lead me Lord,
lead me by the hand and make me face the rising sun
Comfort me through all the pain that life may bring
There's no other hope that I can lean upon
Lead me Lord, lead me all my life.
Walk by me.
Walk by me across the lonely road of every day
Take my arms and let your hand show me the way…”
Tila walang humpay ang pag-agos ng aking mga luha habang patuloy na kinakanta ang “Lead Me Lord”. Ang bawat kataga nito ay mistulang mga sibat na tumatama sa aking puso.
Ewan ko kung ano ang nasa isip ng mga kapwa kong “buddies“ pero sa kanta pa lang ay nanumbalik ang katinuan ng aking pag-iisip. Pakiwari ko ay may gumagapang na lungkot at awa sa aking buong katauhan, may kung anong hinahanap sa kaibuturan ng aking pagkatao. “Bakit nga pala narito ako sa mundong ito na ni minsan ay hindi ko naman pinili o ginusto? Sino ba ang nagdesisyon nito para sa akin? At bakit? Bakit sa bahagi pa ng mundong ito ako isinilang? At sino ang pumili ng mga magulang ko para sa akin, ng ganitong klaseng buhay, ng ganitong anyo…? Ano purpose ko sa mundong ito?
“Shiiiiiittttt! Bakit ba ako napasali pa dito!” ang sigaw ko sa sarili. Naramdaman ko kasi na balde-baldeng luha ang dadaloy kapag nagpatuloy pa ang activity na iyon. Ayaw ko kasi ng iyakan o sobrang drama. Gusto ko lang ay masaya, mga katatawanan, mga biro at kantyawan, mga bangkaan ng kung anu-anong kuwento ng kabulastugan.
Nagsalita ang aming moderator. “Gawin muna nating semi-circle ang arrangement ng ating pag-upo…”
“Patay… this is it…” ang bulong ko sa sarili.
Tumayo kami at nag-adjust sa pag-upo sa mabuhanging aplaya upang ma-porma ang semi-circle sa sinabi, karamihan ay naka cross-leg. Noong makapwesto na ang lahat, pumuwesto naman sa bakanteng lugar paharap sa amin ang moderator at naupo sa sentro nito.
“Itong lugar na inuupuan ko paharap sa inyo ay tatawagin nating ‘hot seat’. Kung sino ang magsasalita o magsi-share ay dito uupo. Ang sequence naman ng pagsi-share ay through lottery. Pagkatapos nang kung sino ang nagsasalita, siya ang bubunot sa pangalan ng susunod na mag-share. Dito bubunutin ang pangalan.” Inangat niya ang garapon kung saan nakalagay ang mga pangalan namin. “Wala bang tanong?”
Walang sumagot.
“At… oo nga pala, libre kayong magbigay ng katanungan, kumento, reaksyon, o payo. Ngunit bawal ang criticism o ang makikipag-argumento. May tanong pa ba?”
Tahimik.
“OK, ako ang bubunot sa pangalan ng unang magsasalita” Dumukot ang moderator ng isang papel mula sa garapon.
Noong binasa niya ang nakasulat, pangalan ng isang babae. Siya iyong baguhan sa school na galing Maynila at bagamat nakikita namin sa panlabas niyang anyo na isa siyang magandang babae, sexy, magaling magdamit, at pang beauty queen o model material ang porma, isang masayahing kaibigan, palabiro at sweet sa lahat ng mga myembro. Ngunit hindi pa namin talaga siya masyadong kilala.
Tumayo siya at pumwesto na sa lugar kung saan unang nakaupo ang moderator. Ang moderator naman ay lumipat ng upuan, pumalit sa inuupuan ng babaeng nasa “hot seat”.
Nang naupo na ang babaeng “buddy” naming iyon, sobrang tahimik ng lahat; animoy pinipigil ng bawat isa ang kung ano mang emosyon na maaaring umapaw sa sandaling iyon.
“Ano naman kayang puwedeng ibahagi nito?” ang tanong ng isip ko. Kung titingnan mo kasi sa panlabas na anyo, tila wala na itong mahihiling pa sa buhay.
“Magandang gabi –“
“Magandang umaga!” ang pagbutt-in ng moderator, pansin ang pagka-alerto niya at kasanayan.
“Ay… umaga na pala. Good morning!” ang pagtama ng buddy naming iyon, napangiti sa kanyang pagkakamali. At natawa naman ang lahat, bagay na nagpagaan sa mabigat at seryosong tagpong iyon.
“Ok…” ang pagsimula uli ng buddy naming nasa hot seat na tila ay humugot muna ng lakas bago magsimula. “Ang pinaka-mababang parte ng buhay ko na hanggang ngayon ay nand’yan pa rin ang bakas ay iyong…” napahinto siya ng sandali, pinigilan ang pag-crack ng boses
Pigil-hininga naman kaming mga nakikinig.
“…naanakan ako.”
Napa-“Huwatttt?” naman ako sa loob-loob ko. Sa ganda at sexy niya at batang tingnan, hindi mo akalaing may anak na.
Nagpatuloy siya, “…Aaminin ko sa inyo na kaya ako lumipat ng school ay dahil gusto kong iwasan ang mga masasakit na alaalang iyon ng buhay ko na iyon. Nang nalaman ng boyfriend ko na nagbunga ang patago naming relasyon, gusto niyang ipalaglag ang bata. Hindi ko sinunod ang gusto niya. Nang nalaman niyang sinuway ko ang gusto niya, iniwan niya ako. Ang masaklap, nadiskubre kong may asawa pala siya. Sinugod ako ng asawa niya sa eskuwelahan at nag-eskandalo. Tuloy, nalaman ng buong campus na naging kabit ako at nabuntis. Sa hiya, hindi ko na tinapos pa ang semester. Galit na galit sa akin ang papa ko at pinalayas ako sa bahay. Iyon ang panahon na pakiramdam ko ay gumuho ang mundo at mga pangarap ko. Sa puntong iyon, hindi ko na naramdaman pang may pag-asa pa ako sa buhay. Pakiwari ko ay may galit ang lahat ng tao sa akin, pinagtatawanan nila ako, pinagkaisahan, kinukutya, hinusgahan. Sa totoo lang, ilang beses ko ring pinag-isipan ang magpkamatay. Mabuti na lang at kahit papaano, naroon ang mama ko at patuloy niya akong pinapayuhan. Naramdaman ko ang pagmamahal, ang pagdepensa niya sa mga paninira sa akin. Kinausap niya ang tita na doon muna ako pansamantalang tumira sa kanila – hanggang sa panganganak ko… Pinilit kong itago sa mga kaibigan ko ang mapait na kalagayan at masakit karanasan sa takot na baka hindi nila ako maintindihan o matanggap. Kaya lumipat ako ng paaralan dito sa probinsya. Ngunit ang hirap pala kapag may itinatago ka… sobrang bigat ng kalooban.” Huminto siya ng sandali, pinahid ang mga luha sa kanyang mga mata at noong tila nahimasmasan, binitiwan ang isang pilit na ngiti. “Ngunit hindi ko pinagsisihan ang pagsuway sa boyfriend ko na ipalaglag ang bata. Isang taon na ang baby ko ngayon. Malusog na batang lalaki, bibo, makulit... Siya ang inspirasyon ko ngayon at bubuhayin ko siya kahit ano man ang mangyari…”
(Itutuloy)