Dark POV
Panibagong araw. Panibagong paghihirap sa ensayo, hindi naman sa umaangal ako. Totoong mahirap ang mga pagsasanay na pinapagawa sa amin. Ngunit lahat ng iyon ay nakakaya namin kahit papaano. Matapos naming magusap ni Sinclaire kahapon hindi ko alam kung titigil na siya sa pagpapaalala ng nakaraan ko. Hindi ko alam kung nainis siya sa ipinakita ko kahapon, ngunit para rin iyon sa kanya, para iyon sa grupo. Sana lamang ay maintindihan niya. Alam ko din na hindi ako galit kay Sinclaire dahil sa pag iwan niya sa akin noon, galit ako sa sarili ko kasi nagpadala ako sa liwanag ng lampara, gayong alam ko naman na panandalian lang ang lahat. Masyado akong nadala sa isang panaginip na alam kong gigising din naman ako sa huli. Ngayon ay mas nananaig lamang sa akin ang pagkagusto ko na manalo sa Tournament.
Ngunit kahit na ganun, may galit parin ang kalooban ko. Galit sa mayamang angkan dahil sa ginawa nila sa aking ama. Ikinuyom ko ang aking kamao ng maalala ang tagpong iyon sa aking nakaraan. Huminga ako ng malalim upang maikalma ang aking sarili. Ipinikit ko ang aking mga mata habang pinapakalama ang aking kalooban. Matapos ang ilang sandali ay nagtagumpay naman ako. Nagmulat ako ng paningin matapos kumalma.
Nandito ako ngayon sa likod ng akademya. Kung saan kami nag eensayo. Hindi pa dumadating si Tagapamahalang Dreigh at ang ibang mga napili. Tangi ako pa lang ang naririto kasama ang apat na Tagapamahala. Binati ko sila isa-isa at umupo sa lupa. Ilang sandali pa ay dumating na si Sinclaire. Ngumiti siya sa akin na ginantihan ko naman ng isang tipid na ngiti. Umupo rin siya sa aking tabi.
"Magandang umaga" malumanay na wika niya. Nilingon ko naman siya at bahagya pang nagulat sa lapit ng aming distansya. Bahagya din siyang lumayo ng kaunti sa akin, hindi niya siguro inaakala na lilingon ako sa kanya.
"Hmm. Magandang umaga" tanging wika ko. Sumilay naman ang ngiti sa kanyang mapupulang labi. Nakatingin parin siya sa aking mga mata habang nakangiti, ganun din ako sa kanya. May nakikita akong kislap sa kanyang mga mata ngunit isinawalang bahala ko lamang ito.
'Gising ka na ngayon kaya huwag kang mananaginip muli' usal ko sa aking isipan
Ilang sandali pa ay dumating na ang iba naming kasamahan. Kasabay nito ang pag dating din ni Tagapamahalang Dreigh na may dala-dalang bola. Katamtaman lamang ang laki nito. Tumayo na kami ni Sinclaire at agad na humilera. Nasa harapan namin ang mga Tagapamahala, ngunit nagtataka parin ako kung para saan ang bola.
"Magandang umaga mga napili" sambit ni Tagapamahalang Dreigh sa aming lahat. Bumati rin kami rito pabalik. Pansin niya rin ang aming nagtatakang tingin kaya naman ay ipinaliwanag niya ang silbi ng bola.
"Ngayong araw na ito. Ang pagsasanay natin ay nakasentro sa bilis, sa isang labanan ang bilis ng pagkilos ay isang malaking bagay. Kaya naman maglalaro tayo ngayon ng habulan. Ngunit hindi lamang ito ordinaryong habulan, dahil kailangan ninyong protektahan ang bolang hawak ko, upang hindi ito makuha sa inyo. Hahabulin kayo ng inyong makakalaban at kukunin ang bola sa inyo. Kinakailangan na mapanatili niyong hawak ang bola hanggang alas-singko ng hapon. Kapag nagtagumpay kayo, walang pagsasanay na magaganap bukas at maari kayong maglibot sa Siyudad ng Demi. Ngunit kapag kayo ay nabigo doble ang magiging ensayo niyo bukas" mahabang wika ni Tagapamahalang Dreigh.
"Tagapamahala paano kung makuha ng kalaban ang bola sa amin, ngunit may natitirang oras pa kami para sa laro?" tanong ni Zaker
"Maari niyo pang bawiin ang bola sa kanila. Kahit ilang beses pa nilang nakuha ang bola sa inyo ang mahalaga ay mabawi niyo ito at hawak-hawak matapos ang itinakdang oras. Ang buong lugar ng akademya ang magsisilbing lugar ng paglalaruan. Ibig sabihin hindi limitado sa pook sanayan ang maaari niyong puntahan upang mapangalagaan ang bola. Maari kayong pumunta sa loob ng akademya o kaya naman sa hardin." tumango-tango naman kami bilang pagsang-ayon.
Ibinato naman ng Tagapamahala ang bola sa akin. Nagulat pa ako sa kanyang ginawa ngunit agad naman akong nakabawi.
"Mayroon kayong dalawang minuto upang mag-isip ng estratehiya. At bago ko makalimutan, kaming mga Tagapamahala ang makakalaban niyo. Kaya ingatan niyo ang bola ng hindi namin makuha" ngising pahayag pa niya sa amin.
'Kung sila ang makakalaban namin, tiyak na mahihirapan kami!
Tumalikod na kami at nagpulong para sa estratehiya na aming gagawin.
"Paano natin pangangalagaan iyang bola. Mabibilis ang mga Tagapamahala mahihirapan tayo nito" wika ni Crey sa amin.
"Itago na lang kaya natin yung bola. Ano sa tingin niyo?" mungkahi naman ni Jermaine. Nagkaroon ng iba't ibang mungkahi ang bawat isa sa amin, ngunit wala pang napagkakasunduan kung ano ang gagawin.
"Kahit na umisip tayo ng estratehiya paniguradong makukuha pa rin ng mga Tagapamahala ang bola. Ang kailangan natin gawin ay bilisan ang ating kilos. Ako ang hahawak ng bola, Crey pumunta ka sa bubungan ng akademya, Jermaine sa hilagang bahagi ka naman magtungo, Zaker sa timog bahagi ka at Sinclaire sa kanlurang bahagi ka naman. Pupuntahan ko kayo sa mga lugar na sinambit ko mamaya. Ipapasa ko sa inyo ang bola at dapat mabilis kayong umalis. Matapos kong ipasa ang bola sa inyo ay mag hihintay ako rito. At sisimulan na natin ang planong naisip ko" mahabang paliwanag ko sa kanila.
Ipininaliwanag ko sa kanila ang aking plano. Tumango silang lahat matapos malaman ang plano ngunit nagdagdag ng suhestiyon si Jermaine na sinang ayunan naman namin. Natapos ang oras na binigay nila sa amin at handa na kami sa pagsasanay.
Humarap na kami sa mga Tagapamahala. Bahagya pa silang nagulat dahil ang bola na ibinigay nila ay nakabalot sa isang tela na hindi ko alam kung saan kinuha ni Jermaine. Lahat kami ay may dala dalang tela na nakaumbok upang magmukhang naroroon ang bola. Pinaghalong kaba at pagkasabik ang nadarama ko ngayon. Plano ni Jermaine ito na lituhin ang mga Tagapamahala upang mapilitan silang maghiwa-hiwalay. Umihip ang hangin, at lumilipad ang mga tuyong dahon sa paligid. Ilang sandali pa ay mabilis na lumapit sa amin ang mga Tagapamahala.
Nagtinginan kaming mga napili at tumango. Mabilis kaming naghihiwalay ng lugar. Tumalon ako sa mga sanga ng puno. Pansin ko na naghiwa-hiwalay ang mga Tagapamahala.
'Naayon ang lahat sa plano.'
Yakap-yakap ko ang tela at nagpapalit palit ako ng puno na tinutungtungan. Pansin ko ang mabilis na paghabol sa akin ng mga Tagapamahala. Hanggang sa naaninag ko ang isang Exousian na nakatayo na di kalayuan sa akin. Nakatungtong din ito sa isang sanga ng puno. Mukhang inaabangan ako, mabilis akong lumapit sa kanya, ng mapansin niyang kaunti na lang ang destinasya sa pagitan namin, ay mabilis niya akong sinalubong. Pansin ko ang pag-amba ng kanyang isang kamay upang makuha ang bola. Alam kong mabilis si Tagapamahalang Dreigh kaya naman, mabilis kong inihulog ang tela sa ibaba ng punong kinatutungan ko.
Pansin ko ang pagkagulat niya ngunit ngumisi rin siya. Mabilis akong tumalon pababa. Pansin ko naman na hindi siya sumunod sa akin, kampante siguro siya na makukuha niya ang bola. Ibinaliktad ko ang aking sarili, nakaharap ang aking mukha sa lupa na pagbabagsakan ko. Sa pamamagitan nito ay mas mabilis akong makakababa. Mabilis na bumaba si Tagapamahalang Dreigh maabutan na sana ako nito pababa ng mabilis kong kinuha ang bola gamit ang aking isang kaliwang kamay, samantala ng malapit na ako sa lupa ay ginamit ko ang aking kanang kamay. Inilapat ko ang aking kanang kamay sa lupa at itinulak ang aking sarili. Mabilis kong iniikot ang aking katawan upang bumagsak ang aking mga paa sa lupa.
Mabilis akong tumakbo patungong dulo ng lugar ensayuhan. Dahil napapaligiran ng puno ang lugar ay nagmumukha na itong kagubatan. Sa dulo nito ay isang malaking pader. Pansin ko naman ang pagsunod ni Tagapamahalang Dreigh sa akin. Pabilis ng pabilis ang kanyang kilos. Naririnig ko ang bawat hakbang niya, mas lalo ko pang binilisan nang maaninag ko ang pader. Pansin ko naman ang mabilis niyang pagsunod sa akin. Napangisi ako dahil doon. Isinentro ko ang aking lakas sa aking mga binti. Umakyat ako sa pader at mabilis na umikot sa ere. Alam kong hindi ito inaasahan ng Tagapamahala. Lumapag ako sa likuran ni Tagapamahalang Dreigh. Sinipa ko ang kanyang paa na naging sanhi ng kanyang pagluhod.
Tumalon ako pataas ng puno at binagtas ang daan pabalik sa lugar kanina.
Ngayon gagawin ko na ang unang plano.
Bahagyang tumaas ang isang sulok ng aking labi.