Dark POV
Kailangan ko ng matulog, ngunit kahit anong gawin ko ay hindi ako dinalaw ng antok. Tiningnan ko ang orasan na nasa nakasabit sa pader, na katapat ng aking higaan.
10:00 p.m.
Lumalalim na ang gabi at kailangan ko ng makatulog dahil may ensayo pa kami bukas. Ipinatong ko ang aking braso sa aking noo at bumuntong hininga. Unti unting nagbalik sa akin ang mga ala-ala noong bata pa lamang ako.
Flashback
Narito ako ngayon sa gilid ng tarangkahan sa bahay ni Sinclaire. Lagi ako dito nag-aabang sa kanya upang makapaglaro kami. Nais niyang makipag laro, hindi ko inaasahan na magtatagal ang ganitong pakikitungong niya sa akin. Malaki-laki ang bahay nila kung titingnan sa labas. Hindi pa ako nakakapasok sa loob ng kanilang bahay simula ng naging magkaibigan kami, dalawang taon na ang nakararaan simula ng magkakilala kami. Ayaw sa akin ng kanyang ina't ama, kahit na iniligtas ko ang buhay ni Sinclaire noon. Siguro dahil sa wala akong kaya sa buhay, walang pamilya at walang maipagmamalaki. Pareho kaming sampung taong gulang ngayon.
Sa loob ng dalawang taon na iyon ay tila ba may nagbigay ng isang lampara sa madilim na silid na kinalalagyan ko. Si Sinclaire ang lampara na iyon, isang ilaw sa madilim kong buhay, siya lamang ang nag iisang apoy na nagbibigay init sa isang walang pakiramdam na katulad ko. Sampung taong gulang pa lang ako ngayon ngunit sa dami ng aking pinagdaanan at lahat ng bagay na nawala sa akin ay ganito na ako kumilos. Tila ba isang bangkay na walang emosyon dahil sa namanhid na ako. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kung mawawala ang lampara na iyon sa madilim kong paligid. Sa tingin ko sasakupin ako ng dilim na iyon at mahihirapang makalabas.
Hindi ko sinasabi kay Sinclaire ang mga nararamdaman at mga boses na bumubulong sa isip ko. Hindi ko nais na matakot siya sa akin, hindi ko nais na lumayo siya sa akin. Siguro kung lumayo si Sinclaire ay tiyak na may bubulong sa aking isipan na itali siya upang hindi ito umalis sa buhay ko.
Ilang sandali pa ay nakita ko siyang papalabas ng kanilang pintuan. Katulad ng dati ay marahan siyang umakyat sa kanilang tarangkahan, pagkadating niya sa tuktok ay tatalon siya at ako naman ang siyang sasalo sa kanya ng maayos. Patago kami kung magkita, hindi kasi ako gusto ng kanilang mga magulang. Pinagbabawalan din siya na makipagkita sa akin at makipaglaro, ngunit palagi niya iyong sinusuway. Simula kasi ng malaman niyang nag-iisa na ako sa buhay ay nangako siya sa akin na kailanman ay hindi niya ako iiwan.
'
Sa totoo lang masarap sa pakiramdam na marinig ang pangako niyang iyon sa akin ngunit sa kabilang banda, hindi ko nais iyong marinig sapagkat sa oras na umalis siya sa buhay ko ay tiyak na mababaliw ako. Siya lang ang kinakapitan ko ngayon, nawala sa akin ang lahat lahat ng mayroon ako. At hindi maganda sa pakiramdam ang mawalan'
Mabilis kaming tumakbo patungo sa silangang bahagi. Naroon ang kagubatan kung saan kami unang nagkita. Masaya kaming tumatakbo habang humahampas sa hangin ang kanyang kulay abong buhok. Nang makarating sa kagubatan ay umakyat kami sa isang puno, marunong na siyang umakyat dahil sa akin. Nagpaturo kasi siya, kahit naman na ayaw ko siyang turuan dahil delikado ito lalo na at pwede siyang mahulog. Hindi pa rin ito nagpatinag, matigas ang kanyang bungo kaya wala na akong nagawa pa.
Umupo kami sa isang matibay na sanga at tinanaw ang buong lugar. May maliit na lawa rin dito na makikita sa dulong bahagi ng kagubatan, kulay asul na kalangitan at preskong hangin.
"Ano ang gusto mong gawin ngayon Sinclaire?" malambing na saad ko sa kanya. Tumingin naman siya sa akin bago nagsalita.
"Hmm, gusto kong manghuli ng isda sa lawa. Pagkatapos lutuin natin, ano sa tingin mo?" balik na tanong nito
"Mukhang maganda iyang naisip mo, halika na" yaya ko naman dito. Tumayo ako sa sanga at ibinalanse ang aking katawan, hinigit ko ang kanyang mga kamay at binuhat siya. Tumalon-talon ako sa mga sanga na nasa ibaba namin. Hanggang makarating kami sa lupa, ibinaba ko na si Sinclaire at mabilis kaming tumakbo patungo sa lawa.
Namangha pa ako sa ganda nito, malinaw ang tubig at mukhang ligtas itong inumin. Bumaling ako kay Sinclaire at nagsalita.
"Ako na lang ang manghuhuli ng isda, dito ka lang at hintayin ako. Huwag kang aalis baka makakita ka ng mga Demon Beast rito sa kagubatan" marahang wika ko, ngumiti naman ito sa akin bago tumango.
Mabilis akong naghubad ng damit, at itinali ko ito upang magsilbing lagayan ng isdang mahuhuli ko. Inalis ko rin ang aking patalim at itinabi ito sa gilid. Tumalon na ako sa lawa at nagpunta sa gitnang bahagi. Hindi naman masyadong malalim ang gitnang bahagi, ngunit kung lalayo pa ako. Mas malalim na parte ng lawa ang mabubungaran ko. Agad akong sumisid sa ilalim at napansing may iilang isda rito. Sa ilalim ng lawa ay may mga bato na kulay puti, nagtatago ang ilang mga isda roon. Dahan-dahan akong gumalaw sa ilalim ng tubig upang hindi umalis ang mga isda.
Ilang minuto pa ang nakalipas at nakahuli lamang ako ng dalawang pirasong isda. Malalaki naman ang mga ito kaya sa tingin ko ay kasya na ito para sa amin ni Sinclaire. Umahon na ako sa tubig at pumunta sa pangpang. Inilibot ko ang aking paningin ngunit hindi ko makita si Sinclaire. Kinabahan ako sa sandaling iyon.
"TULONG PULA!!!!!!!" isang sigaw ang aking narinig sa di kalayuan. Binitawan ko ang aking dala at agad na napatakbo sa
kinaroroonan ng sigaw. Ramdam ko ang kaba at takot sa aking dibdib, alam kong nakakatakot ngayon ang tingin ko. Hindi ko nais muling mawalan. Nang makarating ako roon ay nabungaran ko ang isang oso. Pinamumugaran ang kagubatan ng iba't-ibang klaseng Demon Beast.
Ngunit ang oso na nakikita ko ay di hamak na mas malaki sa ibang mga oso na nasagupa ko na noon. Kulay abo ang balahibo nito at mayroong pulang mga mata. Napansin ko naman na nakahiga na si Sinclaire sa lupa at makikitaan ng mantsa ng dugo ang kanyang suot. Dahil dito ay mabilis akong pumunta sa kinaroroonan ni Sinclaire at dinaluhan siya. Agad ko itong inakay ngunit kapansin-pansin ang pagdurogo ng kanyang hita. Dahil sa nakita ay nagdilim ang aking paningin.
Inakay ko ito sa isang puno bago humarap sa oso. Pansin ko ang matatalim na titig nito sa amin. Agad kong kinuha ang aking patalim ngunit wala akong makapa.
'Malas!'
Naalala ko na kasama ang patalim sa iniwan ko noong ako lumusong sa lawa. Ngayon wala akong ibang pagpipilian kung hindi gamitin ang aking exousia. Pero hangga't maari ay hindi ko ito gagamitin. Hindi ko pa ito masyadong gamay, ayaw kong may mapahamak dahil sa akin. Mabilis ang naging kilos ng lobo pasugod sa akin, agad ako nitong inambahan gamit ang matutulis na kuko. Bahagya akong umatras ngunit natamaan parin ako sa aking tiyan. Hindi na akong nag abala pa na tingnan ang aking sugat. Kahit imposibleng masaktan ko ang oso gamit ang suntok lamang, ay ginawa ko pa rin. Inipon ko ang aking lakas at kinuyom ko ang kanang kamao ko. Isang malakas na suntok ang inamba ko sa bandang mukha ng oso. Tumalon pa ako upang maabot lamang ito.
Kung katawan kasi ang titirahin ko, tiyak na wala itong magiging epekto. Matibay ang katawan ng mga oso. Dahil na rin sa makakapal nilang balat na nagsisilbing proteksiyon. Nagtagumpay ako sa pagtama sa kanyang mukha. Bahagya pang napaatras ang lobo sa pagsuntok ko sa kanya. Ramdam ko naman ang pamamaga ng aking kamao.
Nagpakawala ng isang malakas na ingay ang oso. Galit ito dahil sa aking ginawa, ngunit mas galit ako dahil sinaktan niya si Sinclaire. Walang maaaring manakit kay Sinclaire.
Mabilis itong sumugod sa akin, mas mabilis kaysa kanina kaya naman hindi ko masyadong nasabayan ang kanyang ginawa. Binunggo ng kanyang katawan ang aking maliit na katawan. Ramdam ko ang sakit na dulot nito, tumama ako sa isang puno na may nakausling sanga. Nadama ko na lang na may tumutulong likido sa aking likod. Nanghihina ang aking tuhod at matinding sakit ang nararamdaman ko sa aking likod. Alam kong may nakatarak na matulis na sanga. Mabuti na lang at hindi ito tumagos sa harap ng aking katawan.
Pansin ko ang paglapit ng oso kay Sinclaire. Kahit masakit ay pinilit kong maialis ang aking katawan sa matulis na sanga.
"Ugh" isang daing ang lumanas sa aking bibig, itinikom ko ang aking bibig at kinagat ang aking labi upang pigilin ang aking daing. Sanga ng isang puno ang nakatusok sa aking likod, kaya naman para maialis ang aking sarili kailangan kong humakbang at pwersahang umalis sa sangang nakatusok sa akin. Isang malalim na buntong hininga ang ginawa ko at muling humakbang.
Tumalim ang tingin ko sa oso. Kumuyom ang aking kamay.
'Ipaparamdam ko sa oso ang pakiramdam na nais niya ng mamatay ngunit hindi maaari hanggan't hindi ko sinasabi'
Binigla ko ang paghakbang upang maialis ang aking katawan sa sanga. Bumigay ang aking tuhod dahil sa panghihina. Nanlalabo na rin ang aking paningin dahil sa sakit na aking nadarama.
Ngunit pilit kong idinidilat ang aking mata. Nalasahan ko ang dugo sa aking bibig.
'Ganito pala ang lasa ng iyong sariling dugo'
"PULA!" sigaw ni Sinclaire, tumingin ako sa kanyang direksiyon at napansin na nakaamba ang matutulis na kuko ng oso. Pinilit kong makatayo at pinakawalan ang aking Exousia. Simulang gumapang ang kakaibang pakiramdam na nararamdaman ko tuwing ginagamit ko ang aking exousia. Binalot ng kulay itim na usok ang aking dalawang kamay na nakatutok ngayon sa oso. Mabilis na gumalaw ang usok patungo sa kinalalagyan ng oso. Ngunit ganun na lang ang pagkagulat ko ng bigla itong lumiko. Hindi ko mapigilan ang aking exousia at tumama ito kay Sinclaire.
Nanlaki ang aking mga mata, pansin ko ang pagkasunog ng binti ni Sinclaire dahil sa pagtama ng aking kapangyarihan sa kanya. Mabuti ay daplis lamang ito at hindi ganun kalakas na Exousia ang pinakawalan ko, gayunpaman pumalahaw si Sinclaire. Dahil dito ay mas lalong nag-init ang aking ulo.
Ramdam ko ang paglamig ng temperatura ng aking katawan. Isang masamang tingin ang binigay ko sa oso. Alam kong naaapektuhan ng aking exousia ang aking emosyon, tila ba isang demonyo ang pilit na kumakawala sa aking dibdib. Binalingan ko ng tingin ang oso, kung nagkataon na hindi lang daplis ang tumama kay Sinclaire, tiyak na ang pag-aagaw buhay nito. Kinuyom ko ang aking mga palad. Unti-unting binalutan ng itim na usok ang aking kamao. Alam ko ring nagiging itim ang puting bahagi ng aking mata. Ramdam ko ito. Mabilis akong kumilos patungo sa oso at sinuntok ito sa mukha. Nakailag ito ngunit natamaan ng itim na usok ang kanyang tenga. Napangisi ako dahil doon.
Ilang sandali pa ay unti-unting naging parang upos ang kanyang tenga at tinatangay ng hangin. Nagpakawala na naman ito ng ingay, hindi na ako nag aksaya pa ng panahon at hinawakan ko ang kanyang katawan. Unti-unting kumalat ang usok na kanina lamang ay nasa kamay ko. Ang usok na dumidikit sa kanyang katawan ay nagiging sanhi ng pagiging abo nito. Bawat daanan ng usok ay nagiging abo at tinatangay ng hangin. Huminto ang ingay na pinapakawala ng oso.
Ang kaninang malaking oso ay naging abo na lang. Bahagyang kumirot ang sugat ko sa likuran, pagod na pagod ako. Tumingin ako sa kinaroroonan ni Sinclaire at nabahala sa aking nakita. Nakapikit ito at parang hirap huminga. Kahit masakit pa ang aking sugat at tumutulo ang dugo niyon, ay mabilis akong lumapit sa kanyang kinaroroonan. Tinapik ko pa ng bahagya ang kanyang mukha.
"Sinclaire! Sinclaire gumising ka!"
Ngunit kahit anong gawin ko ay ayaw niyang magising. Kinabahan ako, parang lulukso ang aking puso palabas sa aking dibdib dahil sa takot at kaba. Dali-dali ko siyang binuhat at patakbong inilabas sa kagubatan. Wala na akong pakialam sa aking kalagayan. Ngunit pagkalabas ko pa lang ng kagubatan ay agad kong namataan ang nakakatandang kapatid ni Sinclaire. Si Kyle, ng mapansin kami ay agad niyang kinuha sa aking bisig si Sinclaire.
Sinamaan niya ako ng tingin bago nagwika.
"Ilang beses ka na naming sinabihan na layuan mo si Sinclaire. Wala siyang mapapala sayo kungdi kapahamakan!" madiing wika niya. Mabilis siyang umalis sa kinatatayuan ko.
Napatulala na lamang ako. Napakuyom ang aking kamao at nagbaba ako ng tingin.
'Wala talaga akong kwenta. Palagi na lang'
Kasalanan ko kung bakit nagkaganun si Sinclaire, kahit na daplis lang ang pagkatama ng aking Exousia sa kanya. Mapanganib pa rin ito, kahit na pagkasunog lang ang makikita mo sa kanyang balat. Sa loob naman ng katawan ng Exousian iba ang epekto nito. Tumatagos ang itim na usok sa katawan ng Exousian at unti-unti nitong sisirain ang loob ng iyong katawan. Ngunit sana, sana ay maging ligtas siya. Bigla na lamang nandilim ang aking paningin at nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa bumigay na ang aking katawan.
___
Nagising ako na masakit ang aking likod. Bahagya ko pang ipinikit ang aking mga mata at iminulat iyon. Inilibot ko ang aking paningin at bumungad sa akin ang kwarto na gawa sa kahoy. Hindi ganoon kalawak ang silid ngunit hindi rin ito ganoon kaliit. Tama lamang ang sukat nito. Narinig ko ang pagbukas ng pinto sa gawing kaliwa ko, kaya nilingon ko ito. Isang lalaki ang nakita ko, katamtaman ang laki ng katawan nito at may kulay tsokolateng buhok.
Lumapit ito sa akin ng mapansin niya na uupo ako. Inalalayan niya ako sa aking pagupo at pinagmasdan.
"Mabuti naman at gising ka na. Ako nga pala si Mang Ted" usal niya sa akin. Bahagya pang nangunot ang aking noo tanda ng pagkalito.
"Bakit ako nandito?" mahinang wika ko.
"Natagpuan kasi kita sa labas ng kagubatan na walang malay. Nagdurugo pa ang iyong sugat, kaya dinala kita rito upang gamutin. Kataka-taka lamang na ang dugong inilalabas ng iyong sugat ay kulay itim at may kasamang itim na usok" nagtatakang sambit niya sa akin.
"Wala akong perang pambayad sa inyo. Kaya nam---"
"Huwag kang mag-alala, walang kapalit yang pagtulong ko sa iyo. Kung wala kang pera maari kang magtrabaho sa akin, hindi nga lang kalakihan ang sahod na maibibigay ko sa iyo" putol niya sa sasabihin ko.
Napaisip ako sa sinabi niya. Magiging malaking tulong kung makakapgtrabaho ako at kumita ng pera. Kung magkakaroon ako ng pera kahit papaano ay makakabili ako ng aking mga pangangailangan. Hindi ko naman kasi ginagastos ang perang dala-dala ko nung nakatakas ako sa pumaslang kina ama at ina.
Ibinaling ko ang aking atensiyon sa lalaki at bahagyang tumango bilang pagsang-ayon. Mapapansin ang ngiting iginawad niya sa akin. Ngunit mabilis akong napabalikwas ng maalala ko si Sinclaire. Kumirot pa ang aking sugat kaya napadaing ako.
"Sandali dahan-dahan ka lang bata" nag-aalalang sambit sa akin ni Mang Ted.
"Kailangan ko na pong umalis, babalik na lang po ako bukas para sa trabahong inaalok niyo. Maraming salamat po" yumuko ako bilang pag galang at agad lumabas sa kanyang tahanan.
Pag kalabas ko ay napansin kong malapit lang pala kina Sinclaire ang tahanan ni Mang Ted. Tumakbo ako patungo kila Sinclaire at napansin ang isang karwahe. Nang makalapit ako, agad kong napansin ang kurtina sa bandang bintana ng karwahe. May bakal na nakaharang sa bintana. Bahagya ko itong sinilip at nakita ko si Sinclaire. Medyo maayos ang kalagayan niya ng makita ko.
"Sinclaire" pabulong na wika ko. Pansin ko pa ang paglinga nito na tila hinahanap ang boses na pinanggalingan.
"Sinclaire andito ako sa bandang bintana" tumingin siya sa gawi ko at binuksan ang kurtinang nakaharang kanina. Tanging bakal na lamang ang nakaharang sa amin.
Ngumiti ako sa kanya ngunit agad iyong napawi ng maalala ang nangyari kanina.
"Kamusta na ang pakiramdam mo?" mahinang wika ko sa kanya.
"Maayos na ako pula. Huwag ka ng mag-alala. May healer na dumating kanina kaya ayos na ako" dahil sa narinig ay nawala ang aking pag-aalala. Ngunit malungkot parin ako.
"Patawad. Patawad Sinclaire dahil sa akin ay napahamak ka" malungkot na pahayag ko. Umiling-iling pa ito, pansin ko ang pamumuo ng luha sa knyang mga mata. Nagtaka ako dahil dito.
"Bakit ka lumuluha Sinclaire. May masakit ba sa iyo?" sambit ko sa kanya na may kalakip na pag-aalala sa aking boses.
"Patawad pula. Hindi ko na matutupad ang pangako ko sa iyo"
Nagtaka ako sa sinambit niya.
"Anong ibig mong sab--" Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko ng mapansin ko ang Ina at ang kuya ni Sinclaire na sumakay sa karwahe.
Nasa bandang kanan ang pintuan ng karwahe at ang bintana ay sa kaliwang bahagi. Nasa kaliwang bahagi ako at pumasok ang ina at kuya ni Sinclaire sa pintuan.
Natigilan naman kaming dalawa ni Sinclaire ng makapasok ang kanyang Ina at kapatid.
"Ikaw! Ano ang ginagawa mo rito? Puro kapahamakan at kamalasan ang dala mo sa aking anak. Mas makakabuti kung ilalayo na namin siya sa iyo" galit na sambit sa akin ng ina ni Sinclaire.
Natigilan ako sa sinambit niya at namumuo na ang luha sa aking mga mata. Meron na akong ideya kung bakit humihingi ng kapatawaran si Sinclaire sa akin, ngunit sana ay mali ako. Tumingin ako kay Sinclaire na may nangungusap na mga mata. Ngunit malungkot na umiling lang ito. Dahil doon ay tuluyan ng tumulo ang aking mga luha.
'Mawawala siya' iyan ang paulit-ulit na sinasambit ng aking isipan. Takot akong ipakita ang totoong ako sa harapan ni Sinclaire sa takot na mawala siya pero sa huli ay aalis din siya. Naantala lamang ang paglisan ni Sinclaire ngunit sa huli ay aalis din siya.
Isipin ko lamang na mawawalay sa akin si Sinclaire ay nasasaktan na ako. Lumalakas ang mga tinig sa aking isipan na nagsasabi na hindi siya maaaring umalis at kailangan na kunin ko siya at ikulong upang manatili sa tabi ko. Ang mga tinig na iyon, nakakairita sila sa aking pandinig.
Siya ang tanging kaibigan at kakampi na meron ako. Matapos mawala ang aking magulang at kapatid, naging malungkot ang aking buhay. Ngunit ng dumating si Sinclaire sa akin ay nagbago ito. Naranasan ko ng ngumiti at tumawa. Hindi ko matanggap na iiwan niya ako katulad ng pag iwan ng aking mga magulang sa akin.
"Sinclaire" hikbing pahayag ko. Malungkot na tumingin lamang siya sa akin at hinawakan ang kamay ko na nakahawak sa bakal na nagsisilbing harang sa bintana.
"Patawad pula" matapos niyang sambitin iyon ay siya na mismo ang nagkalas sa aking mga kamay na nakahawak sa bakal. Umandar na ang karwahe na kanyang sinasakyan, nakatanaw lamang ako rito. Nais kong habulin ang karwahe ngunit hindi ko maihakbang ang aking mga paa. Tila nakapako ito sa lupang kinatatayuan ko.
Katulad ng lampara si Sinclaire. Nauubos ang ilaw nito at nawawala ang liwanag na dulot nito, gaya ng paglisan ni Sinclaire. At ngayon ramdam ko na unti unti kong niyakap ang dilim sa silid kung saan ako nakakulong ngayon. Sapagkat ngayon ay napagtanto ko, dito ako nabibilang. Hindi ko na dapat labanan pa ang mga tinig na aking naririnig, ang yapos ng dilim sa aking pagkatao sapagkat sa huli dito rin ako babagsak.
Ang araw na iyon ay tumatak sa aking isipan. Ka'y sakit isipin na iniwan ako ng aking mga magulang upang mailigtas ako sa kapahamakan. Iniwan naman ako ni Sinclaire upang mailigtas siya ng kanyang mga magulang sa kapahamakang hatid ko.
Kahit pagbalik-baliktarin pareho nila akong iniwan. Para sa kaligtasan ko man o para sa kaligtasan nila.
End of flashback
Muli akong napabuntong hininga. Upang hindi muling mapag iwanan natuto akong maging matigas, gumawa ng desisyon na hindi isinasama ang aking damdamin, umarte sa harap ng iba. Natuto rin akong umiwas sa ibang exousian. Hindi ko gustong makipag kaibigan o makisalamuha sa iba. Dahil kung wala kang pinahahalagahang exousian, hindi ka nila masasaktan kung sakaling umalis sila sa buhay mo.
Ngunit may nakalapit pa rin sa buhay ko. Siguro dahil ang katulad ko ay naghahangad pa rin ng kaunting liwanag kaya naman hindi ko natiis ang aking damdamin. Kung sana ay hindi ako nakialam, hindi sana ako mapapasama sa Tournament na ito.