Kabanata 3

1204 Words
Third person POV Matapos ang panimulang pananalita ng tagapamahala ay nagpatuloy na siya para sa pagpili ng kalahok sa Tournament. "Ngayon tayo ay magsimula na para sa pinaka-inaabangan ng lahat. Ito ay ang pagpili ng magiging opisyal na miyembro, para sa gaganapin na Tournament at magrerepresinta sa siyudad ng Demi." Huminto sa pagsasalita ang Tagapamahala at inilibot ang kanyang paningin. Huminto ang kanyang mga mata sa lalaking may itim na itim na buhok na medyo may kahabaan. Ang lalaking may lakas ng loob na titigan siya at iparamdam sa kanya ang diskontento nito sa Tournament. Ang lalaking may pulang mga mata, ang lalaking nag ngangalang Dark Taylor. Tumaas ang isang sulok ng labi ni Raphael ng makita niyang nakatitig sa kanya ng husto ang binata. Ang berdeng mata nito na ngayon ay nakatitig kay Dark, naghahamon ito sa binata. Sinasambit na kung diskontento siya sa Tournament at sa maharlik angkan ay bakit hindi siya mag boluntaryo bilang napili at ng mailabas niya ang kanyang sama ng loob. Ngunit mukhang binaliwala lang ito ng binata, matapos kasing makipagtitigan nito ay agad nitong binaling sa iba ang tingin. Hindi ito gumalaw sa kanyang kinalalagyan, tila walang balak na magboluntaryo. Kaya naman napabuntong hininga na lamang si Raphael at nagpatuloy na lamang sa pagsasalita. "Mga minamahal kong mamamayan ng Grandi, tayo'y tumingin sa screen na nasa tabi ng entablado. Upang malaman natin kung sino ang mapipili bilang isa sa mga miyembro ng grupo na lalahok sa Tournament" Matapos niyang magsalita ay ibinaling naman ng mga mamamayan ang kanilang atensiyon sa isang screen, na may katamtamang laki. Makikita sa screen ang bawat mukha ng mga mamamayan sa bayan ng Grandi. Sa baba ng kanilang larawan makikita ang kanilang pangalan at edad. Nagsimula nang mamili ang screen ng magiging kalahok sa tournament. Makikita ang mabilis na pag-galaw ng mga larawan. Mapapansin na tahimik at tensyonado ang mga mamamayan ng Grandi na naroroon, mabibigat na hininga ang maririnig na pinapakawalan nila. Bawat isa ay nagdadasal na hindi sila ang mapili para sa tournament. Sino nga ba ang nagnanais na mapasali roon? Marahil ang mga karatig na bayan ay ninanais ang ganoong klaseng Tournament, ngunit ibahin mo ang mamamayan ng Grandi. Hindi sila sinanay upang makipaglaban, wala silang sapat na kaalaman patungkol sa kapangyarihang taglay nila. Tanging patungkol lamang sa pagbabanat ng buto ang kanilang nalalaman at wala ng iba pa. Wala rin silang oras na magsanay, sapagkat bawat oras sa isang araw ay nilalaan nila sa pagbabanat ng buto. Kung uunahin nila ang pagsasanay ay tiyak na wala silang kakainin sa buong araw, sa hirap ng buhay sa bayan ng Grandi ang pagsasanay sa kanila ay isang karangyaan. Unti-unting bumagal ang galaw ng mga larawan, hanggang sa tuluyan na itong huminto. Lahat ng mga nasa sentro ng bayan ay mayroong iba't-ibang reaksyon patungkol sa napili. Ang iba ay naging masaya dahil hindi sila ang napili, ngunit karamihan sa mga naroroon ay hindi sang-ayon sa napiling kalahok. Nagkaroon ng sari-saring pahayag ang lahat. Unti-unting lumakas ang kaninang bulungan patungkol sa napili. Muling nagsalita ang Tagapamahala upang patigilin ang mga naroroon patungkol sa kanilang opinyon. "Ang napili ngayong taon na ito ay walang iba kungdi si Lukas Mayein. Lukas, halika at lumapit sa entablado upang magpakilala" sambit ni Raphael, makikita sa screen ang isang bata na nasa edad trese. Payat ang mukha nito at may kayumangging balat. May maamong mukha ang bata na parang isang patalim na hindi pa nahahasa. Mapurol at hindi kayang manakit. Iyan ang wangis ni Lukas. "Bata sinabi ko naman sayo dapat mag--" napatigil si Allan sa pagsasalita ng lumingon siya ay wala na si Lukas sa kanyang kinatatayuan. Nagulat si Allan sa nakita at agad pumasok sa isip nito na tumakas si Lukas. "Lukas Mayein lumapit ka na rito sa entablado" sambit ni Raphael ng mapansin niyang walang bata ang lumapit sa entablado. "Tagapamahala tumakas si Lukas!" malakas na sambit ni Allan. Dahil sa sinambit ay umingay ang paligid, iba't ibang opinyon at mga salita ang sinasambit ng mga taga Grandi. Pinalibutan ng mga kawal ang mga mamamayan ng Grandi, dahil rito ay nanahimik ang mga taga Grandi. "Kilala mo ba si Lukas?" tanong ni Raphael. "Tagapamahala kilala ko si Lukas at kanina lamang ay nasa likuran ko siya. Ngunit bigla siyang nawala matapos mapili ang larawan niya sa screen. Ibig sabihin lamang nito ay tumakas siya!" "Sa tingin mo ba ay matatakasan niya ang mga kawal na naririto ngayon?" "Tagapamahala si Lukas ay may exousia na Speed Enhancement. Kaya niyang tumakbo ng mabilis at hindi mo mararamdaman pati ang hangin kapag siya ay tumakbo. Ang hinala ko ay tumakas siya" sinserong sambit ni Allan habang nakayuko ang ulo nito, ngunit gayunpaman ay nakangiti ito ng malapad simula pa lang ng nalaman niya na si Lukas ang napili ay hindi na mapaglagyan ang kanyang kasiyahan. Matagal na siyang naiinis sa batang iyon, lagi na lamang nito siyang kinokontra. Nasisira lagi ang araw nito sa tuwing bumubuka ang bibig ng bata. Kung hindi nga lamang tinuturing ni Lukas si Dark bilang nakatatandang kapatid ay matagal na niyang sinaktan ang bata. Hindi niya lamang iyon ginagawa dahil magaling makipaglaban si Dark. Kahit na hindi nito ginagamit ang exousia nito ay natatapatan pa rin siya ng binata. "Mga kawal hanapin si Lukas Mayein at dalhin rito ang kanyang mga magulang. Sa oras na hindi magpakita ang batang iyon sa loob ng dalawang oras ay mapaparusahan ang kanyang mga magulang" malakas na sambit ni Raphael. "Sa oras na hindi ito mahanap ay napaparusahan ang kanyang nga magulang pati na ang lahat ng mga exousian ng Grandi" dugtong pa niya. "Ano? Bakit pati tayo ay mapapahamak?!" angal ng isang matandang lalaki. "Kay bata pa ni Lukas bakit kailangan siya pa ang maging napili" sambit ng isang ginang. "Gusto mo ba na palitan siya?" Hindi nakasagot ang ginang sa narinig, tunay ngang naaawa siya sa kahihinatnan ni Lukas ngunit mas pinahahalagahan niya ng husto ang kanyang buhay. "Kung ganun ay hanapin natin si Lukas upang hindi maparusahan" wika muli ng ginang. Kay bilis nitong magbago ng ugali lalo kung buhay nito ang nakataya. Matanda na siya at kung sakaling maparusahan ang lahat ng mga taga Grandi ay hindi niya alam kung kakayanin niya ito. "Kay bilis mo namang magbago ng pag iisip. Mabait na bata si Lukas, marami pa siyang magagawa lalo na at bata pa siya, hindi katulad natin" "Kung ganoon ay magboluntaryo ka" Sa kabilang banda habang nagkakaroon ng pagtatalo ang mga taga Grandi ay ang mga kawal ay pinaghahanap si Lukas. Isang bata ang mabilis na tumatakbo patungo sa kagubatan, na tila may tinatakasan ito. Tinatakasan niya ang kanyang kapalaran. Pumasok sa kagubatan si Lukas, bahagyang bumagal ang pagtakbo ng bata at makikita ang namuong pawis sa kanyang noo. Ito ang unang beses na tumakbo si Lukas ng ganito kabilis, siguro dahil na rin sa ayaw niyang sumali sa Tournament kaya naman nailabas niya ang lahat ng kanyang potensiyal, ngunit isang minuto pa lamang siya nagpapahinga ay may isang lalaki ang humarang sa kanya. "Saan ka pupunta bata? Hindi ba't sinabi ko sayo na sa oras na ikaw ang mapili ay ako mismo ang huhuli at maghahatid sayo sa entablado"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD