Dark POV
Naririto ako ngayon sa loob ng isang karwahe. Papunta sa istasyon ng tren, ako ngayon ang malas na napili para sa Tournament. O mas tamang sabihing ang baliw na nagboluntaryo na palitan ang napili. Ilang minuto lang ang naging paglalakbay. Hindi naman ganun kalayo ang istasyon sa sentro, kaya madali lang makarating dito. Matapos huminto ang karwahe ay lumabas na ang Tagapamahala. Matapos niyang makababa ay sumunod naman ako. Inilibot ko ang aking paningin, ang istasyon ng tren ay isa sa mga simbolo ng kahirapan ng aming bayan.
Makikita rito ang lumang riles at ang lugar kong saan hihintayin ang tren. May bubong ito na gawa sa yero, ngunit mapapansin ang mga butas rito. Ang haligi na sumusuporta rito ay gawa sa kahoy, na kahit papaano ay matibay naman. Mayroon namang mga upuan na gawa sa kahoy, na mapaghahalataang luma na. Ang lugar na kinatatayuan ko naman ay hindi sementado, sa katunayan ang lugar sa paligid ng riles ay maalikabok.
"Sumunod ka sa akin" isang tinig ang nagpahinto sa akin sa pagtingin sa buong paligid. Yun ay ang tinig ng Tagapamahala, sinundan ko lamang siya. Hanggang sa makarating kami sa isang tren na kulay itim, simple lamang ang itsura nito. May nakalagay na simbolo sa gilid ng tren, makikita rito ang isang anino ng kastilyo at sa ibaba nito nakasulat ang pangalan ng aming bayan. Grandi.
"Halika ka na at pumasok sa loob" sambit sa akin ng Tagapamahala. Nauna na siyang pumasok sa tren, inilibot ko ang aking paningin sa aking bayan. Susulitin ko na ang pagkakataong ito, dahil walang kasiguraduhan kung makakabalik pa ba ako ng buhay. Ang totoo niyan ay natatakot ako. Natatakot ako, hindi dahil sa nakataya ang buhay ko sa paligsahan kung hindi, natatakot akong mamatay ng hindi ko man lang nakikita ang pag-unlad ng aking bayan.
Ang bayan na puno ng kasiyahan kahit na naghihirap ang mga naninirahan rito, kahit na hinahamak nila kami. Patuloy pa rin ang pag ikot ng aming pamumuhay. Pinagmasdan ko pa ng husto ang lugar, na tila natatakot akong makalimutan ang itsura ng pinagmulan ko.
Nagsimula na akong humakbang patungo sa tren.
Isang hakbang....
Dalawa.....
Tatlo.....
Kakayanin ko ba talaga itong desisyong ginawa ko.
Apat....
Mabubuhay pa kaya ako?
Lima....
Natatakot ako!
'Isa akong lalaki pero ramdam ko ang takot at kaba sa aking dibdib. Alam kong kaduwagan ang pagtakbo, ngunit iyon ang sinasambit ng isip ko ngayon.'
'Ngunit buong buhay ko ay tanging pagtakbo lamang ang kaya kong gawin'
'Tumakbo ka! Tumakbo ka! Huwag kang aapak sa tren kung hindi ay hindi ka na makakabalik pa ng buhay.'
Nakakairita ang boses na iyon sa isipan ko.
Anim....
Gusto ko pang mabuhay!
Kaya tumakbo ka!
Pito.....
Pero sa bawat hakbang ko ay papalapit ako ka'y kamatayan. Bakit nga ba ako nagpapakabayani?
Tumakbo ka!
Walo....
'Gusto ko pang makabalik sa bayan ko kaya, kailangan kong manalo. Kahit anong mangyari mananalo ako! Hindi ako tatakbo!
Matapos akong makapagdesisyon ay agad na nawala sa aking isip ang tinig na nagsasabing tumakbo ako.
Tuloy-tuloy ang ginawa kong hakbang patungo sa tren. Dala-dala ang lakas ng loob at pag-asa sa aking damdamin. Ang tren na ito ay masasabing sa bayan ng Grandi talaga nagmula. Katulad ng sa istasyon kani-kanina lang, may mga upuan ito ngunit gawa naman sa bakal, kung pagmamasdan ay maayos pa naman ang pintura na bumabalot rito.
Lumakad ako patungo sa isa sa mga upuan, ng paupo na ako ay nagsalita ang Tagapamahala.
"Sand-" ngunit hindi niya natapos ang kanyang pagsasalita nang makaupo ako at sa hindi inaasahan ay bumigay ang upuan. Dahilan ng pagkasalampak ko sa sahig.
Ang sakit nun ha!
Marupok na pala ang bakal.
Hindi halata.
Hindi naman ako mabigat kaya paniguradong marupok ang bakal.
Tinulungan naman ako ng tagapamahala na tumayo.
"Sasabihan pa naman sana kita na maru-rupok ang ilan sa mga upuan sa tren. Para makapag-ingat ka ngunit nahuli ako" kamot batok na sinabi niya sa akin. Tumango na lamang ako bilang tugon at pumili uli ng mauupuan na mas matibay.
Matapos kong umupo, bumalik na sa kanyang pwesto ang tagapamahala. Inilibot ko naman ang aking paningin sa loob ng tren. Mayroong lamesa sa gitna na pinatungan ng mantel, ngayon ko lang ito napansin. Sa gilid rin naman nito ang dalawang lumang upuan na gawa rin sa bakal. Napansin kong doon umupo ang tagapamahala. May mga puting kurtina ang bawat bintana ng tren. Wala namang kakaiba sa itsura ng mismong tren, normal lang naman ito.
Paniguradong mas maganda ang mga tren ng karatig bayan, kahit hindi ko pa naman ito nakikita. Ngunit panigurado iyon.
"Halika rito" sambit ng tagapamahala habang isinesenyas ang katapat niyang upuan. Agad naman akong sumunod sa kanya.
Umupo ako sa katapat niyang upuan at tinignan siya. Ang Tagapamahala ay may berdeng mga mata at itim na buhok, ngunit kapansin-pansin din ang iilang hibla ng kanyang buhok na kakulay ng kanyang mga mata. Matipuno ang kanyang pangangatawan, at hindi mapaghahalataang nasa trenta na siya. Sa katunayan bali-balita sa aming bayan na siya daw ang pinakabatang tagapamahala, sa kanyang henerasyon.
Ang bawat bayan ay may kanya-kanyang Tagapamahala. Sila ang gumagabay sa kalahok ng bayan kung saan sila naatasan patungkol sa Tournament. Malas nga lamang siya dahil kahit kailan ay hindi pa siya nakatamasa ng panalo, dahil hindi sanay ang aming bayan sa pakikipaglaban. Kaya ganun na lang ang takot ng mga taga Grandi, dahil ang mga napipili sa bayan namin ay wala pang nakakabalik ng buhay.
"Nais kong pormal na magpakilala sa iyo. Ako si Raphael ang isa sa mga Tagapamahala, at ang gagabay sayo patungkol sa Tournament" pakilala niya sa akin. Nagpakilala rin ako sa kanya bilang tugon.
"Ako si Dark Taylor, isa sa mamamayan ng Grandi" blankong turan ko sa kanya. Tumango-tango pa siya bilang tugon.
"Hmm, Dark Taylor. Kakaibang pangalan, ang ganung pangalan ay mukhang espesyal para sa isang mamamayan lang ng Grandi. Nais ko tuloy malaman kung saan nagmula ang iyong pangalan" sambit niya habang nakatingin ng diretso sa aking mga mata. Tinitigan ko rin siya bago magwika.
"Walang espesyal sa pangalan ko" blankong tugon ko rito, habang hindi parin inaalis ang tingin ko sa kanya.
"Taylor, sa pagkakaalam ko ay walang Taylor na pamilya ang nasa bayan ng Grandi na nakatira?" Pagtatanong niya pa sa akin. Umiwas naman ako ng tingin bago nagsalita.
"Mayroong Taylor na nakatira sa bayan ng Grandi, at ako iyon. Wala nga lang pamilya, dahil wala pa akong balak mag-asawa" sambit ko naman, bago tumingin ulit sa kanya. Ngumisi naman siya sa akin bago nagsalita.
"Hindi yun ang ibig kong sabihin, pero mukhang ayaw mong pag usapan ang bagay na iyon. Dark Taylor, alam mo bang nakakamangha ang kulay pula mong mga mata" mula sa ngisi ay sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.
"Kakaiba, may alam akong pamilya na may ganyang klaseng mga mata. Ngunit mukhang kinalimutan na sila ng bawat mamamayan sa buong kaharian" dagdag niya pa. Kinuyom ko ang aking mga kamay, nag tiim din ang aking mga bagang tanda ng pagpigil ng galit, na pilit kumakawala sa akin. Huminga ako ng malalim, hindi dapat ako magpadala sa emosyon ko.
"Bakit ba iba ang pinaguusapan natin. Hindi ba dapat bigyan mo ako ng payo para manatiling buhay sa Tournament" pag-iiba ko ng usapan.
"Walang kahit na anong payo magpapanatili sayo ng buhay sa Tournament. Ang kailangan mo lang gawin ay manalo, yan ang lagi mong tatandaan" seryosong wika niya sa akin.
"Manalo ka para sa sarili mo"
"Manalo ka para sa bayan mo"
"At Manalo ka para mabuhay"
Seryosong dagdag niya pa. Napatigil ang aming usapan ng huminto ang tren.
"Oh, andito na pala tayo sa siyudad ng Demi" tumayo siya at nag-inat. Tumingin siya sa akin bago muling nagsalita.
"Halika na, naghihintay ang sasakyan para makarating tayo sa akademya" sabi niya at tuluyan ng lumabas ng tren ng magbukas ang pintuan nito. Huminga ako ng malalim bago tumayo. Pinagmasdan ko pa ang loob ng tren, bago tuluyang lumabas.
Napatigil ako ng makalabas na ako ng tren. Nakakamangha, may mga naliliit na screen sa bawat gilid at makikita rito ang bawat galaw ng mga exousian na nasa istasyon ng tren. May nakalagay pang 'Maligayang pagdating Grandi' sa isang screen sa itaas na bahagi sa haligi ng istasyon. Sementado ang aking inaapakan, na naghihiwalay sa riles at paligid ng istasyon.
Mukhang matibay ang bawat haligi, ang bubungan naman sa aking itaas ay kulay berde. Nagtuloy tuloy ako sa paglalakad, hindi ko alam kung paano ko ba ilalarawan ang aking nakikita. Sa bayan kasi naman ay walang gani-ganito. Para akong taga-ibang kaharian dahil sa pagkamangha. Nang makalabas na ako ay mas lalo pa akong namangha. May mga iba't ibang halaman sa paligid. Sa gitna ay may fountain na pinalilibutan din ng mga bulaklak. Mukhang ang istasyon ng kanilang tren ay matatagpuan sa sentro ng siyudad.
May iba't ibang mga tindahan din sa paligid. Malalaking establisyemento. At mga mararangyang mamamayan, base narin sa mga nagagandahang suot nila. Ang ganda ng paligid, nakakabighani ngunit kahit na ganun ay may namuo paring galit sa aking dibdib. Galit dahil sa sobrang unlad ng siyudad na ito, na parang ang kaniyang bayan na nasasakupan ay maunlad rin. Ngunit ang totoo ay hindi. Ang bayan ng Grandi ay palaging nasa huli.
Natanaw ko ang Tagapamahalang si Raphael sa di kalayuan, nakatayo siya sa gilid ng isang marangyang sasakyan. Lumapit naman ako rito, at mas lalo akong nabighani sa itsura ng sasakyan. Kulay itim ito, at kumikintab pa. Malayong-malayo sa karwahe na ginagamit na transportasyon namin sa aking bayan.
"Ang tagal mo naman, halika na para makarating na tayo sa akademya. Doon ka mamamalagi sa loob ng tatlong buwan" sambit niya sa akin. Nauna na siyang pumasok sa loob ng sasakyan, sumunod naman ako sa kanya. Nang makapasok ay napanganga ako. Ang lawak sa loob ng sasakyan, at malambot ang upuan. May kalamigan rin sa loob at napaka bango ng amoy na parang gumamit ng pabango.
Sa tapat ko nakaupo ang Tagapamahala. Sa likod niya at may harang na nakalagay, nagsisilbing division sa amin at sa nagmamaneho.
"Napakaganda ng sasakyan na ito hindi ba?" Sabi niya sa akin, matapos makita ang aking itsura. Isinara ko naman ang aking bibig, at tumikhim dahil sa kakahiyan. Tanging tango lang ang aking naging sagot.
"Hahahaha, ayos lang yan. Huwag kang mahiya, ang sasakyang ito ay pagmamay-ari ng siyudad. Malapit lang ang akademya rito kaya saglit lang ang biyahe" masayang wika niya, tumango naman ako at tumingin sa labas ng sasakyan.
Nadaanan namin ang iba't-ibang bahay na naglalakihan, mga batang naglalaro. Nakakamangha ang lugar pero may inggit akong nadadama. Puro maliliit na bahay na gawa sa kahoy lang ang meron sa bayan namin. Hindi rin nakakapaglaro ang mga bata roon, dahil mas nais nilang magbanat ng buto para kumita dahil sa hirap ng buhay.
Patuloy lang ako sa ginagawa kong pagmamasid. Hanggang sa may natanaw akong malaking gate na gawa sa bakal. Kulay pula ito, at talagang mapapansin kahit nasa malayo. Pumasok ang sinasakyan kong sasakyan sa loob at huminto ito sa gitna ng isang parang palasyo. Nagtaka ako, sa pagkaka-alam ko sa akademya kami pupunta at hindi sa isang palasyo. Tumingin ako sa Tagapamahala ng nagtatanong.
"Nandito na tayo sa akademya Dark, ang parang palasyo na iyan ay ang mismong akademya" nakangiting pahayag niya sa akin. Natulala naman ako sa kanyang sinabi at prinoseso ng aking utak ang mga katagang kanyang sinambit.
'Seryoso!'
'Palasyong akademya, napakayaman talaga ng siyudad!'
"Halika na, pumasok na tayo sa loob" sambit niya sa akin. Nauna siyang lumabas. Huminga ako ng malalim bago sumunod sa kanya. Inilibot ko naman ang aking paningin, at napansing walang estudyante sa paligid. Mukhang nagkaklase sila ngayon. Naglakad naman papasok ang tagapamahala at sinenyasan akong sumunod sa kanya.
Nang makapasok ay mas lalo pa akong namangha. Ang lawak ng paligid, sa mismong daraanan ay may pulang carpet. May mga naglalakihang pulang kurtina sa mga bintana. May mga gintong chandelier sa bawat daraanan namin. Sa gilid naman ay mayroong mumunting ilaw rin. Kulay puti ang mga haligi at dingding na naaayon naman sa pula at gintong mga palamuti.
Dumiretso sa isang pinto ang tagapamahala at binuksan ito. Sumunod naman ako sa kanya. Nang makapasok ay may narinig akong nagsalita.
"Sa wakas dumating din ang piniling galing sa walang kwentang bayan ng Grandi" dahil roon ay nagpantig ang tenga ko, at tumingin ng masama sa taong nagsalita nito. Sumalubong sa akin ang kulay asul na mga mata.