Third person POV
Hindi nagustuhan ng mga tagapamahala ng Demi ang kanilang narinig. Malinaw na ito ay isang pagbabanta. At talagang malakas ang loob ng binatang ito na sambitin ang mga katagang iyon. Nasa loob sila ng akademya ng Demi, ibig sabihin malaki ang tiyansa na pag initan sila ng mga nasa loob ng akademya.
"Thalione, huwag mong masyadong takutin. Baka mabahag ang buntot ng mga yan" wika ng isa sa mga Tagapamahala ng Yule. Mapapansin ang puti nitong buhok, bahagyang may kulubot rin ang kanyang noo. Matalim ang kanyang mga titig sa mga taga Demi. Ang kanyang sinabi ay isang pang iinsulto. Ikinuyom ng mga Tagapamahala ng Demi ang kanilang mga kamay. Hindi nila nais patulan ang kahambugan ng mga ito, hindi ito maaari lalo na at kalahok ang mga ito sa Tournament.
Rinig sa loob ng bulwagan ang mga sinambit ng taga Yule. Ang mga estudyante na naroroon ay nagngitngit sa inis. Masyadong mataas ang kumpiyansa ng mga ito. Nagsalita si Tagapamahalang Raphael.
"Nais naming malaman ang ipinunta niyo rito. Mga Tagapamahala ng siyudad Yule" mahinahong wika nito. Tila ba walang nangyaring tensyon kanina lamang at tila hindi ininsulto ng mga taga Yule ang mga napili ng kanilang siyudad.
"Ah tama. Nais kasi naming makilala ang mga napili na magiging hadlang sa amin upang makamit ang pagkapanalo sa Tournament" bahagyang tumango ang mga Tagapamahala ng Demi sa narinig. Kung ganun ay itinuturing silang banta, ibig sabihin ay hindi na sila nito minamaliit ngayon.
"Ang kaso mukhang nagkamali kami ng pinuntahan" dugtong naman nito. Kung kanina ay natuwa ang mga estudyante ng Demi sa kanilang narinig, ngayon ay umusbong na naman ang kanilang inis.
Hinahamak ang mga napili ng Demi sa harap mismo nila, na mga estudyante. Panghahamak na rin ito sa akademya. Isa itong kahihiyan!
Nag ngingit-ngit ang kanilang kalooban ngayon sa pagkainis. Lahat ng mga nasa bulwagan ay narinig ang sinabi ng matandang Tagapamahala. Hinahamak nila ang mga taga Demi at sa mismong teritoryo pa ng mga ito. Nais ng lahat na patulan na ang mga sinabi nito ngunit kung magkakaroon ng away lalo na at nasa Demi sila. Ang mismong siyudad ng Demi ang mapaparusahan, kahit na hindi sila ang nagsimula. Responsibilidad nila na pangalagaan ang sino mang exousian na bumisita sa kanilang siyudad. At ang patulan ang mga ito ay isang pagkakamali.
Bawat isang naroroon ay pinakalama ang kanilang mga sarili. Sadyang mayayabang talaga ang mga taga Yule, para sa mga Tagapamahala ay isang langaw ang Yule na nakatungtong sa sungay ng isang Demon Beast, ang Demon Beast na ito ay ang Irioas at dahil dito akala nila ay mataas na sila. Dinala ng mga ito ang kanilang pag unlad sa kanilang ulo.
"Nais ng aming mga napili na makipag tagisan ng kakayahan sa inyong mga napili ng Demi" wika naman ng isang babaeng tagapamahala ng Yule. Mahinahon ang pagsasalita nito at hindi makikitaan ng pagkahambog. Umiling-iling naman ang mga Tagapamahala ng Demi bago nagwika.
"Hindi maari ang iyong suhestiyon. Sa tournament na lamang sila magsagupaan, mas maganda iyon hindi ba? Ang pakikipagtagisan bago ang Tournament ay nangangahulugang pagkuha ng impormasyon sa mga kalaban" sambit ni Tagapamahalang Dreigh.
"Wala namang kautusan na nagsasaad na hindi maaring makipaglaban sa mga ibang kalahok ng Tournament bago ito ganapin. At huwag kayong mag alala, hindi naman ito seseryosohin ng aming mga napili" sagot ng kabilang panig.
"Tama at isa pa huwag kayong matakot dahil dalawampung porsyento lamang ng lakas namin ang ilalaan namin sa inyo. Hindi magandang maging duwag sa isang simpleng tagisan ng kakayahan" mayabang na wika ni Thalione.
Sobrang panghahamak na ang ginagawa ng mga ito sa kanila. Humakbang paabante si Zaker upang tanggapin ang hamon, ngunit bago ito makalapit kay Thalione ay pinigilan na siya ni Dark. Pinukulan niya naman ng naiinis na tingin ang binata. Ngunit tinitigan lamang ni Dark si Zaker at wala itong balak na tanggalin ang pagkakahwak sa braso ni Zaker. Alam ni Dark ang gustong mangyari ng kabilang grupo. Iniinis sila ng mga ito upang tanggapiin ang hamon. Kung ipapakita nila ang kakayahan sa mga ito ngayon, siguradong magpaplano ang mga ito para sa kanilang kahinaan. Maghahanap ng butas ang mga taga Yule sa kanilang kakayahan. At hindi ito dapat na mangyari.
Higit sa lahat kahit na hindi tanggapin ng Demi ang hamon, tiyak na ngayon pa lang ay nakakuha na ng impormasyon ang kabilang grupo sa kanila base sa kanilang reaksyon. Inoobserbahan sila ng mga ito upang malaman ang paguugali nila at magamit iyon sa Tournament.
"Mawalang galang na ngunit hindi namin tatanggapin ang inyong alok. Sa Tournament na lamang tayo maglaban-laban, doon ay mailalabas natin ang lahat ng ating kakayahan. Magpatayan pa tayo kung gusto mo, maghintay ka na lamang ng ilang buwan upang mawakasan ko ang buhay mo" seryosong wika ni Dark kay Thalione. Hindi niya hahayaan na hamakin lamang sila nito. Nais ng kabilang grupo na makakuha ng reaksyon galing sa kanila at iyon ginawa niya. Isang binata na may mainit na ulo ang pinapalabas niyang ugali. Kung magiging kalmado siya ngayon ay tiyak na pagtutuunan siya ng atensiyon. Kailangang itago ni Dark ang kanyang totoong ugali upang hindi siya mabasa ng mga ito.
Tumawa naman si Thalione ng nakakainsulto, kasabay ng kanyang paghalakhak ay ang pagngisi ng kanyang mga kasamahan.
'Ganyang nga, sumakay lang kayo' wika ni Dark sa kanyang isipan.
Samantala seryoso lamang ang itsura ni Dark, ngunit makikita ang apoy sa mga mata nito.
'
'Heh! Pagdating sa pag arte ay magaling ako, kung makalabas ako ng Tournament ay maaari akong mag teatro' ngisi sa isip ni Dark.
Matapos tumawa ni Thalione ay ngumisi ito ng nakakaloko.
"Mukhang nababahag ang inyong mga buntot. Kung ganun ay hindi na namin kayo pipilitin, sayang naman ang aming pagpunta rito." nanghihinayang na wika nito. Ngunit may kalakip na pangiinsulto ang mahihimigan dito.
"Ipasyal niyo na lamang kaya kami sa siyudad ng Demi, tutal ngayon pa lamang kami nakarating dito. Nais namin makita ng aking mga kasama ang ipinagmamalaking lugar ng Demi. Kahit na mas maganda ang aming siyudad ay mas mainam kung makapasyal kami sa mga karatig siyudad. Ano sa tingin niyo?" saad pa nito.
Napabuntong hininga naman ang mga Tagapamahala ng Demi, kahit ano atang sambitin ng binatang ito ay may halo paring kayabangan.
"Hmm... Mainam, sasamahan kayo ng aming mga napili at ng ilang mga piling estudyante. Sabay niyo na lamang libutin ng aming mga napili ang siyudad Demi." wika ni Tagapamahalang Raphael na tinanguan naman ng kanyang mga kasamahan.
Inilibot nito ang kanyang mga mata sa loob ng bulwagan at namataan niya ang isa sa pinakamahusay na estudyante sa akademya. Ang dalagang ito ay may berdeng mga mata na nahahawig sa kagubatan. May maganda ngunit masungit itong mukha na nakakaakit. Nakasuot ito ng itim na uniporme ng akademya. Ngunit nagmumukha itong modelo imbes na estudyante. Ang dalagang ito ay walang iba kundi si Samantha North. Ang hinahangaan ng kalalakihan dahil sa karikitan nito, ngunit ang mga humahangang ito sa kanya ay nababahag ang buntot, sa tuwing tumataas na ang isang kilay ni Samantha, hudyat ng kanyang pagkainis o pagkairita.
Tinawag ni Tagapamaalang Raphael si Samantha. Lumakad naman ito ng malamodelo, hindi talaga maitatanggi ang ganda nito. Ang mga Taga Yule naman ay makikitaan ng paghanga sa kanilang mga mata. Hindi nila inaasahan na makakakita sila ng dalawang nag gagandahang dilag sa isang araw at parehong lugar.
Ngumiti naman ng mabini si Samantha ng makatapat niya ang mga tagapamahala. Inilibot niya ang kanyang paningin at isa isang tiningnan ang mga taga Yule mula ulo hanggang paa. Nang dumako ang kanyang paningin kay Thalione ay ngumiti ito sa kanya ng matamis. Ngunit hindi siya gumanti ng kahit na ano mang ekspresyon. Lumagpas ang kanyang paningin at tumingin sa mga napili ng Demi, nakilala niya ang mga ito noon ng pormal maliban lamang sa isang binata. Dahil nasa pagamutan ito noong mga panahong iyon.
Huminto saglit ang kanyang paningin kay Sinclaire. Hindi maipagkakaila ang karikitan nito. Nang dumating ito sa kanilang akademya, ay usap-usapan ito ng mga kalalakihan na humahanga at pati naman ng mga kababaihan na naiingit. Si Sinclaire at ang binatang nag ngangalang Dark ay lagi niyang naririnig kaya naman ninais niya itong makilala. Pinag uusapan si Sinclaire dahil sa gandang taglay nito ngunit pinag uusapan naman si Dark dahil nagkakaroon ng pustahan ang mga estudyante kung ilang araw lamang ito magtatagal sa Tournament.
Noong hindi niya nakita ang binata ng pinakilala siya ng mga tagapamahala sa mga napili. Gumawa siya ng paraan, dahil sa kuryosidad ay nanatili siya sa klinika, kung saan naroroon si Dark. Sakto naman na tinamaan siya ng katamaran kaya doon muna siya naglagi. Noong araw na iyon ay nalaman niya kung bakit ito naging usap-usapan. May maamo itong mukha at magandang pangangatawan. Hindi ito nagmukhang mamamayan ng Grandi dahil sa itsura nito. Mukha kasing galing ito sa mayamang angkan.
Gayunpaman tanging panlabas na wangis lamang ang mga ito, para sa mga estudyante ng akademya higit na mas importante ang lakas at lugar na pinanggalingan. Dahil taga Grandi si Dark ay nagkaroon ng pustahan kung gaano siya katagal magtatagal sa Tournament. Isang katuwaan para sa mga estudyante.
Matapos tignan si Sinclaire ay pinagmasdan nito ang katabi nito. Ang lalaking may kulay pulang mga mata. Tumaas ang sulok ng labi ni Samantha kasabay niyon ang pagtaas ng isang kilay nito. Napansin naman iyon ni Dark.
'
Pamilyar. Napaka pamilyar niya'
'Nakita ko na noon ang pulang mata na iyan'