Dark POV
Ang sentro ng Demi ay talagang nakakamangha. May fountain na matatagpuan sa gitna at may nakapalibot na halaman rito. Ang halamang ito ay tinatawag na Rhaeliya, namumukadkad ang mga bulaklak nito tuwing maaraw. Kapag umuulan naman ay tumitiklop ang mga bulaklak nito at tumitingkad ang kulay ng kanyang mga dahon.
Ang Rhaeliya ay matatagpuan lamang sa Demi. Hindi kasi ito nabubuhay sa ibang lupain, at tanging sa Demi lamang ito tumutubo. Maraming iba't-ibang paninda ang nasa sentro. Ito kasi ang pook pamilihan ng mga exousian, marami rin ang gustong mamasyal rito katulad namin.
Sa dulo ng sentro ay may isang malaking tore na may malaking orasan sa gitna. Kitang kita ito sa buong lugar.
Tahimik lamang kaming naglalakad ngayon. Huminto kami sa isang mahabang upuan. Umupo si Samantha, ng mapansin niya na tatabi sa kanya si Thalione ay sinakop niya ang buong upuan. Pansin ito ni Thalione ngunit hindi na lamang ito nagsalita.
"Maghiwa hiwalay na muna tayo. Libutin niyo na ang sentro at mamimili ng mga nais niyo. Ngunit sa oras tumapat ang maliit na kamay ng orasan na iyon ng tore sa numero apat, ay dapat na bumalik na kayo rito. Hihintayin ko kayo sa fountain" sambit ni Samantha.
Sumang-ayon naman kami sa sinabi niya. Mabuti na rin iyon upang maiwasan ang gulo sa pagitan namin ng mga taga Yule. Masyado silang mapagmataas at inihihiya nila ang aming mga kakayahan. Alam kong nagpipigil lamang ang aking mga kasamahan kanina pati na rin ako, ngunit talagang matalas ang kanilang mga dila.
"Mamasyal ka rin ba Samantha?" Nakangiting tanong ni Thalione rito.
"Oo naman" maikiling pahayag naman ni Samantha. Halatang hindi niya nais makipag usap kay Thalione base na rin sa itsura nito ngayon.
"Maaari ba akong sumama sa iyo. Baka kasi maligaw kami ng mga kasamahan ko, hindi namin kabisado ang lugar"
"Thalione tama ba?" tanong na wika ni Samantha. Ngumiti naman si Thalione ng matamis at tumango ito.
"Hindi kita gustong makasama. Ang iyong kahambugan at ang pangmamaliit mo sa grupo ng Demi ay nakakasukang pakinggan. Ilebel mo ang iyong kayabangan sa taglay mong lakas. Huwag kang magyabang lalo na kung hindi ka kalakasan" mapanginsultong pahayag ni Samantha. Nag igting ang panga ni Thalione, tanda ng galit. Pansin ko rin ang pagkuyom ng kanyang mga kamao.
"Wala kang karapatang insultohin ako!"
"At wala ka ring karapatang insultohin ang aming napili, sa mismong harapan ng lahat ng mga taga akademya!" Madiin na wika ni Samantha rito.
"Mag libot na kayo. Sulitin mo ang pagkakataong ito dahil baka hindi ka na makalabas ng tournament" dugtong pa nito.
"Hindi dahil sa nakakaakit ka ay may karapatan ka ng maliitin ako. Magpasalamat ka at hinahangaan ko ang iyong kaanyuan, dahil kung hindi ay mal---"
"Hindi ko kailangan ng paghanga mo. Hindi mababawasan ang kagandahan ko kung hindi mo ako hahangaan" putol ni Samantha kay Thalione. Matapos nito ay mabilis na umalis si Samantha.
Nagpipigil naman ng tawa ang aking mga kasamahan. Nang mapansin ito ni Thalione ay matalim niya kaming tinitigan, matapos nito ay umalis na rin siya kasama ng kanyang grupo.
Nagtinginan naman kami at sabay-sabay na tumawa si Zaker,Crey at Jermaine. Ngumiti rin si Sinclaire samantalang itinuon ko sa ibang direksiyon ang aking sarili.
'Kahit papaano pala ay may maganda ring lumalabas sa bibig ng babaeng iyon' ngising pahayag ko sa aking isipan.
Matapos ang ilang sandaling pagtawa ng aking mga kasamahan ay nag usap kami.
"Maghihiwalay rin ba tayo sa pamamasyal?" tanong ni Jermaine
"Pwede tayong maghiwalay tapos magkita-kita na lamang tayo rito mamaya" pahayag ni Zaker, umalma naman rito si Crey.
"Sama-sama na lang tayo baka tambangan tayo ng mga taga Yule kapag nagkahiwa-hiwalay tayo. At saka para mabantayan natin si Crey baka pumunta lang ito sa bahay aliwan" birong sambit ni Crey Natawa naman sila sa sinabi niya.
'Hah! Nakakatawa ang isa mong kaibigan' rinig kong sambit ng isang boses na pamilyar sa aking isipan. Si Gabriel.
Ngunit ang boses ni Gabriel ay iba sa mga boses na naririnig ng aking tenga. Tila ba mga bubuyog sila na bulong ng bulong sa aking tenga. Nakakairita lamang!
'Sinong kaibigan? Wala ka naman niyon'
'Hindi mo siya kaibigan, huwag kang magtitiwala basta basta'
'Hindi nakakatawa ang mga sinambit niya. Tignan mo ang mga mata ng lalaking iyan, tila ba may binabalak siya' dahil sa narinig ay pinagmasdan ko ang mata ni Crey, kita ko na nanunukso ang mga mata nito at may halong galak ang nakikita ko rito ngunit dahil sa mga boses na patuloy na bumabagabag sa akin ay tila ba isang ilusyon lamang ang nakita ko sa mga mata ni Crey at bigla itong nagbago na may nakakapangilabot na plano ang aking nakita sa kanyang mga mata.
'Kaasar!'
'Hindi sila tumitigil, nais kong tanggalin ang mga tenga ko upang hindi sila marinig!'
'Ayos ka lang?' rinig ko ang pag aalala sa tinig ni Gabriel. Bigla akong natauhan.
'Hindi mo dapat pinapakinggan ang mga boses na iyong naririnig. Huwag kang magpa apekto sa exousia mo' payo sa akin ni Gabriel.
'Alam ko' simpleng saad ko rito.
"Hindi ako pumupunta sa lugar na iyon" rinig kong sambit ni Zaker sa seryosong boses.
"Talaga lang ha! Sige kunwaring naniniwala kami sa iyo" tumatawang pahayag ni Crey.
Nagulat naman ako ng akbayan ako ni Crey. Nasa kaliwa niya ako at nakaakbay din siya kay Crey sa kanan. Pansin ko naman ang pag akbay ni Crey kay Jermaine. Matapos nito ay tiningnan ako ng tatlo. Nagtaka naman ako ngunit kalaunan ay naintindihan ko ang ipinahihiwatig ng kanilang mga tingin.
Bumaling ako kay Sinclaire at inakbayan din siya.
'Nililinlang ka lang nila. Iiwan ka rin ng mga iyan sa huli' rinig ko nanaman sa aking isipan.
'Sumakay ka lang, magpanggap ka. Para naman hindi ka nila iwan sa huli hehehehehe' itinagilid ko ng bahagya ang aking ulo upang alisin ang nakakainis na tawang iyon.
'Pag nalaman nila ang totoo mong ugali ay tiyak na pandidirihan ka nila. Kahit kaunting dampi lamang ng balat mo sa kanila ay aayawan nila kung malalaman nila ang nasa isip at puso mo' muli na namang pahayag ng boses sa aking isipan. Kalmado ang mukha ko ngunit hindi ang aking nararamdaman. Ang dilim sa silid na unti-unting kinakain ang aking pagkatao ay nais kumawala. Pilit kong sinasara ang mga bintana at pintuan ng silid na iyon upang hindi makalabas ang dilim na nasa silid.
Matapos namin kumain ay nagpunta naman kami sa pamilihan ng mga sandata at libro patungkol sa iba't ibang Exousia. Luma na ang gusali kung saan matatagpuan ang tindahang ito. Ang sabi ni Jermaine ang mga sandatang tinitinda daw sa loob ay matitibay, at tanging malalakas na mga exousian lamang ang nagkakaroon ng sandata na itinitinda rito.
Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin. Nang pumasok kami sa tindahan ay inilibot ko ang aking paningin. Malinis ang kabuoan ng lugar. Kulay pula ang pader na may itim na linyang disenyo. May napansin din akong hagdan patungong ikalawang palapag.
May isang matandang lalaki ang bumaba roon. Nang mapansin niya kami ay ngumiti ito, lumapit siya sa amin at ng mapansin niya ang suot naming uniporme ay makikitaan ng paghanga ang kanyang mga mata.
"Ikinagagalak ko ang inyong pagpasok sa aking munting tindahan."wika niya sa amin.
"Nais po sana naming bumili ng magiging sandata namin para sa darating na Tournament" magalang na wika ni Zaker sa matanda. Ngumiti naman ang matanda sa kanyang narinig
"Tamang-tama ang inyong pinuntahan. Matatagpuan dito sa unang palapag ang iba't-ibang klaseng armas. Pumili kayo ng armas na nababagay sa inyo. May mga libro rin kayong makikita patungkol sa iba't ibang exousia. Ipinapayo kong bilhin niyo ang libro na patungkol sa inyong exousia, upang makatulong sa inyo sa pagpapalakas ng inyong kapangyarihan" mahabang lintaya niya sa amin.
"Ano naman po ang nasa ikalawang palapag?" nagtatakang tanong ni Crey.
"Ah sa ikalawang palapag ba? Naroon ang mga lumang armas na matagal ng hindi nagagamit. Mayroon ring lumang libro doon tungkol sa exousia na matagal ng nawala sa mundo o kaya naman kaunti na lamang ang bilang na may ganoong exousia. Kung nais niyong makita ang mga iyon ay maari kayong bumisita sa ikalawang palapag" matapos niyang magsalita ay nagpaalam na siya sa amin. Naghiwahiwalay kami upang maghanap ng aming magiging sandata.
Una akong pumunta sa bandang dulo ng tindahan. Ang mga espada ay nasa bandang dulo ng tindahan, ang mga pana ay sa kaliwang bahagi, may mga spear din akong nakita. Mukhang kumpleto ang tindahan na ito sa mga klase ng sandata na ipinagbibili nila.
Nakasabit sa dingding ang ibang espadang. Para itong nakadikit doon. Ang iba naman ay nakalagay sa mga lalagyan at nakahilera ng maayos. Iba't ibang klaseng espada ang naririto. Lahat ng naririto ay pawang magagandang klaseng espada. Ngunit para sa akin ay masyadong malaki ang halaga ng mga ito. Ang pinakamurang espadang nakita ko ay nagkakahalaga ng isang daang bronze o isang pilak na barya. Maganda naman ang kalidad ng mga espada ngunit mahal pa rin ito para sa akin.
Masyado itong malaking halaga sa akin, nasa limang daang mahigit na bronze o may halaga na limang pirasong pilak lamang ang aking naiipon. Ilang taon ko ring inipon iyon, kaya naman napakahirap sa akin na gastusin ito. Nagiipon kasi ako upang bumili ng maayos-ayos na tirahan. Ngunit kulang pa ang aking naiipon, masyadong mahal ang lupa at tirahan sa Grandi.
Mayroon naman akong perang naitago maliban sa aking naipon. Galing ito sa aking ama, ibinigay niya ito sa akin bago pa siya mapaslang. Napabuntong hininga na lamang ako. Kung ganito ka mahal ang mga bilihin dito tiyak wala akong mabibili. Masyado akong nanghihinayang sa aking gagastusin.
Umakyat ako sa ikalawang palapag. Malawak ang espasyo sa loob ngunit hindi ito maihahalintulad sa unang palapag. Puro mga lumang kagamitan ang naririto. May mga kalasag pa at iba't ibang uri ng sandata na kinakalawang na. Naglakad ako sa hanay ng mga libro. May mga alikabok na ang mga ito. Ngunit kahit papaano ay nababasa ko pa naman ang pamagat na nakalagay sa gilid nito.
Curses, Angel form,. Ito ang mga nakalagay na pamagat sa mga libro. Mukhang malalakas na Exousia ang mga ito. Sa pagkakaalam ko tinugis ang mga exousian na may mga ganitong kakayahan, dahil na rin sa banta na maaari nilang wakasan ang isang buong kontinente. Ilang libong taon na rin nawala ang ganitong kakayahan.
Nahinto ang aking paningin sa isang libro. Demonic form ang pamagat nito, dahil sa kuryosidad ay kinuha ko ito. Walang nakalagay na presyo ngunit gayunpaman nais ko itong bilhin. Naghanap pa ako ng librong makakatulong sa pagpapalakas ng aking Exousia. Ngunit napatigil ako ng makita ko si Samantha na may isang librong hawak hawak.
Nilapitan ko ito at mukhang napansin niya naman ako. Agad itong sumimangot ng masilayan ako. Nakakapagtaka talaga ang babae na ito. Napakasungit kahit wala naman akong ginagawa sa kanya.
'Siguro alam niyang nagpapanggap ka' muli na namang sambit sa akin ng mga boses
"Tungkol saan ang librong iyan?" magalang na tanong ko sa kanya.
"Mythical Summoner. Patungkol sa mga exousian na may kakayahang mag summon ng mga mythical beast na galing sa ibang dimensyon" mataray na pahayag niya. Gayunpaman nakuha nito ang aking atensiyon.
Ang librong ito!
"Maraming ganitong libro sa dulong bahagi kung gusto mong magbasa. Patungkol doon magtungo ka roon sapagkat lahat ng libro sa dulong bahagi ay patungkol sa Summoning" dugtong pa nito. Ngumiti ako ng ubod ng tamis rito.
"Samahan mo ako"
Kumunot naman ang noo niya at tumaas ang kilay nito. Itinuro pa nito ang kanyang sarili.
Grabe ang reaksyon nito. Krimen ba ang magpasama sa isang Samantha North. Hindi ko na hinintay ang sagot nito at basta ko na lamang siyang kinaladkad. Nang makarating sa dulong bahagi ay mas matindi ang alikabok na naroroon. Ngunit hindi ko makita ang librong tinutukoy niya. Tiningnan ko naman ito at mukhang nakuha niya ang ibig kong sabihin.
Nagulat ako ng hawakan nito ang aking kamay at hinila sa isang sulok.
"Andito oh" mataray na wika niya. Ngunit hindi pa rin ako nagsasalita at nakatingin lamang ako sa aming mga kamay. Mukhang napansin niya naman ito at agad binitiwan ng pabalya ang kamay ko. Tumikhim pa siya bago magsalita.
'Gusto ka niya!'
'Magagamit mo siya hehehehe'
"Titingnan mo na lamang ba ako?!" tanong pa nito. May kaunting inis sa tono nito ngunit hindi nakaligtas sa aking paningin ang pagkulay pula ng kanyang mga pisngi. Saglit lamang iyon ngunit sigurado ako sa aking nakita.
'Magagamit mo siya'
'Magagamit mo siya!'
'Magagamit mo siya!!'
'Magagamit mo siya!!!'
Tinagilid ko ang aking ulo upang alisin ang mga tinig na iyon sa aking boses. Nakakairita!
Itinuon ko na lamang ang aking atensiyon sa mga librong aking nakikita. Tama nga siya dito banda sa sulok nakalagay ang mga patungkol sa Summoning. Advance:Summoning, Mythical Beast to Summon, Summoning: Merge, Summoning Techniques beginner. Apat na libro ang kinuha ko kung isasama ang Demonic form ay nasa limang libro ang binabalak ko ngayong bilhin.
Matapos makuha ang mga libro ay tumingin ako sa direksyon ni Samantha. Pansin ko ang nagtataka noting tingin.
"May balak ka bang bilhin ang mga yan?"
"Oo, bakit mo naitanong?"
"Payo ko lang na mas mainam kung bibili ka ng libro patungkol sa exousia mo. Makakatulong sayo ng mga ganung klaseng libro"
"Kaya nga bibilhin ko ang mga ito"
"Kakasabi ko lang na bilh--" hindi na nito natapos ang kanyang sasabihin ng maintindihan nito ang aking ipinahihiwatig. Nanlaki pa ang singkit nitong mga mata at bahagya pang nakabuka ang kanyang labi.
Lumapit ako dito at hinawakan ang kanyang baba. Marahan kong itinikom ang kanyang bibig at ngumisi rito.
"Tama ka ng iniisip Samantha North. Isa akong Summoner"
'Ngayon ay hindi mo na ako dapat maliitin dahil kahit galing ako sa mahirap na bayan. May malakas naman akong exousia'
'Isa akong summoner'