Dark POV
Madilim na ang paligid ngunit narito pa rin ako at nag-eensayo sa lugar kung saan nakipaglaban kami sa mga Tagapamahala. Kung nais kong manalo ay kinakailangan na magsipag ako sa pag eensayo. Sa bayan ng Grandi walang guro ang nagtuturo sa amin kung paano makipag laban. Ang tanging tinuturo lamang sa amin ay pagtukoy sa mga halaman na maaaring gamitin bilang pag gamot at mga halaman na may lason, mga iba't ibang Demon Beast at mga exousia. Tanging paunang kaalaman lamang ang tinuturo sa amin. Kaya kung gusto kong makahabol at manalo kailangan kong gugulin ang bawat minuto at oras na meron ako upang magpalakas.
Tumigil ako ng saglit upang magpahinga matapos kong magsanay. Tanging pagsipa, pagsuntok at pag gamit ng patalim ang sinasanay ko dahil doon ako sanay. Umupo ako sa tapat ng puno at isinandal ang aking likuran, nagulat ako ng may mag abot sa akin ng panyo. Tinignan ko kung sino ang nag abot nito sa akin. Sumalubong sa akin ang kanyang asul na mata. Kumunot ang noo ko at binigyan siya ng nagtatakang tingin. Mabilis niyang pinunasan ang aking noo, agad ko namang hinawakan ang kanyang pulsuhan upang pigilan siya. Inalis ko ang kamay niya at tumayo na para pumasok sa loob ng akademya.
"Bakit ba pilit mo akong iniiwasan?" tanong ni Sinclaire may halong hinanakit ang kanyang tinig. Napatigil ako ng saglit ngunit lumakad muli ako.
'Alam niyang iniiwasan ko siya pero lapit parin siya ng lapit. Nakakainis na!'
"Pula, ano ba ang dapat kong gawin upang mapatawad mo ako?" hinarap ko siya
"May ginawa ka bang kasalanan para patawarin kita Binibining Sinclaire? Kung meron man napatawad na kita kung ganun" sambit ko at binigyan siya ng maliit na ngiti. Tapos ay tumalikod na sa kanya. Ngunit bago pa ako makalakad ay hinawakan niya ang braso ko at pilit akong hinarap sa kanya. Nagulat pa ako ng magsalubong ang kilay nito tila ba naiirita siya sa pakikitungo ko sa kanya.
"Bakit tila hindi mo ako matandaan o baka naman ayaw mo akong matandaan?" tanong nito sa akin, tinitigan ko siya at hindi ito sinagot. Pilit kong inalis ang kamay niya sa braso ko.
"Akala ko ba ay magkaibigan tayo? Umalis ako, pero ikaw ang unang naging kaibigan ko kaya pinapahalagahan ko iyon. Kaya kahit matagal kitang hindi nakita, kaibigan pa rin ang turing ko sayo. Ikaw ba? Kinalimutan mo ba ang pagkakaibigan natin" seryosong tanong nito sa akin. Tinitigan ko siya at muling nagbalik ang ala-ala ng nakaraan sa akin. Isang ala-ala kung saan nagsimula ang isang simple at ordinaryong pagkakaibigan.
Flashback
Andito ako ngayon sa kagubatan, sa lugar kasi ng Grandi sa bandang silangan kagubatan ang mabubungaran. Nakaupo ako ngayon sa isang sanga. Sinasamyo ang hangin, naalala ko noon hindi ako pinapayagang lumabas sa aming lugar. Ipinagbabawal yun ni ama, masaya na may halong lungkot dahil malaya na akong gawin ang gusto ko. Wala ng magbabawal sa akin. Dahil wala na sila, wala na si ama, ina at ang aking nakatatandang kapatid.
Ikinuyom ko ang aking mga kamay, balang araw ay babawiin ko kung ano ang akin. Naging alerto ako ng may narinig akong kaluskos, normal na sa kagubatan ang mga naglipanang mga Demon Beast. Papalapit ng papalapit ang ingay na aking naririnig.
"Tulong! Ina, tulungan mo ako!" iyak ng batang babae, tumatakbo ito para sa kanyang buhay. May humahabol sa kanyang isang lobo. Isa itong itim na lobo, mas malaki ito sa bata ng tatlong beses. May matutulis na pangil, naglalaway ito habang nanlilisik ang mata. Natumba ang batang babae kaya hindi nag-aksaya ng panahon ang lobo at sinunggaban ito. Ngunit bago siya nakarating sa bata ay mabilis akong kumilos. Hawak hawak ang isang maliit na patalim. Nasugatan ko ang kanyang mukha, na ikinagalit ng husto ng lobo. Sa tingin ko ay malalim ang natamo nitong sugat na ginawa ko.
"Magtago ka bata, ako ang bahala rito" sambit ko habang nakatingin parin sa lobo. Rinig ko ang ginawa nitong hakbang, at nagtago ito sa isang puno na hindi kalayuan.
Tumalon naman ang lobo papunta sa akin, handang gawing hapunan ang aking katawan. Dumapa ako upang iwasan ito, at kumuha ng lakas upang dumausdos ako habang nakadapa. Agad akong bumangon at humarap sa aking likuran, pansin ko ang lalong panlilisik ng mga mata nito.
'Kahit bata ako ay kaya kitang talunin'
Tumakbo ito papunta sa akin, mabilis ang pagtakbo ng lobo. Ngunit kita ko parin ang kilos nito, nang makalapit ito sa akin ay tumalon ako ng paikot. Upang makasakay sa likuran ng lobo, hinawakan ko ang dalawang tenga nito at hinila ng ubod ng lakas. Nagpupumiglas pa ito, iginalaw galaw nito ang kanyang ulo at katawan upang malaglag ako. Todo naman ang kapit ko sa tenga nito upang hindi mahulog. Hindi parin ito tumitigil sa ginagawa kaya nainis ako, ang patalim na hanggang ngayon ay hawak hawak ko parin habang nakakapit sa tenga ng lobo ay aking ginamit. Binitawan ko ang isang tenga nito kaya nahirapan akong magbalanse, agad ko namang isinaksak ang patalim sa leeg nito. Nagpakawala ang lobo ng isang impit na ungol, siguradong maririnig ito ng kanyang mga kalahi. Kaya naman paulit-ulit ko itong sinaksak sa ulo at leeg. Hindi ko na inaalala ang kanyang dugo na tumatalsik sa aking mukha.
Tuluyan na itong bumigay at nawalan ng buhay. Habol ko ang aking hininga sa aking ginawa. Nakaupo parin ako sa bangkay ng lobo. Ramdam ko ang pinaghalong pawis at dugo sa aking mukha. Humugot ako ng lakas bago tumayo, tiningnan ko ang puno kung saan nagtatago ang batang babae. Napansin kong nakasilip ito sa aking kanaroroonan. Nang mapansin niyang nakatingin ako sa kanya ay nagtago ito sa puno. Mukhang natatakot siya sa akin. Dahan-dahan akong lumapit sa kanyang kinaroroonan.
"Lumabas ka na riyan. Huwag kang matakot sa akin" sambit ko sa malumanay na boses. Nakita kong sumilip ulit siya. Kaya huminto ako sa paglapit, at dun ko lang napansin ang kanyang asul na mga mata. Nakakamangha, mukhang tadhana na pinagtagpo kami. Ang sa kanya ay asul sa akin ay pula. Hindi ko alam kung bakit masaya ako na isipin iyon. Pansin kong nag aalangan siya sa paglapit sa akin, ngunit ilang sandali pa ay lumabas na siya sa punong pinagtataguan.
Maingat ang kanyang mga hakbang. Nang makalapit siya sa akin ay doon ko lang pinagmasdan ang kanyang itsura. Makapal na kilay, matangos na ilong at mapulang labi. Ang kanyang kulay abong buhok ay hanggang bewang niya. Napansin ko naman ang dumi sa kanyang ulo, marahil nakuha niya ito sa pagkadapa kanina. Iniangat ko ang aking kamay upang tanggalin ito. Pansin kong nagtaka siya ngunit nginitian ko lang ito, at nginuso ang dumi sa kanyang ulo. Hindi ko alam kung naintindihan niya ako, ngunit pinagpatuloy ko ang pagtanggal ng dumi.
"Ayan wala na" nakangiting saad ko
"S-Salamat sa iyo" mahinang wika niya. Tumango lamang ako bilang tugon sa kanya, ngunit nagtataka parin ako kung paano siya napadpad sa kagubatan.
"Bakit ka nga pala nandito? Delikado ang lugar na ito para sa mga batang kagaya mo" nagtatakang sambit ko.
"Ang totoo niyan ay naliligaw ako. Bago lang kami sa lugar na ito, kaya hindi ko ito kabisado. Akala ko ay may daan sa lugar na ito upang mapabilis ang pagtungo ko sa sentro ng Grandi" nahihiyang sambit niya.
"Ang lugar na ito ay nasa silangang bahagi. Mali ang tinahak mong daan Binibini" mariing wika ko habang nakatingin sa kanya. Ngumiti ito sa akin.
"Sinclaire. Sinclaire Augustus, ang pangalan ko" nakangiting pahayag niya sa akin. Inilahad pa niya ang kanyang kamay sa akin.
"Dark. Dark Taylor" wika ko naman rito at bahagyang tumango. Kita ko ang pag lungkot nito ng makita na hindi ko inabot ang kanyang kamay.
'Tsk! Bata nga naman'
"Pasensya ka na kung hindi ako nakipagkamay sa iyo. Puno kasi ng dugo ang aking mga kamay. Kaya yumuko na lamang ako bilang pagkilala" nakangiti paring pahayag ko. Ngunit kung titingnan ng maigi ay walang emosyon ang makikita sa aking mata.
"Wala iyon pula" nagtaka naman ako sa sinambit nito. Napansin niya siguro ang nagtataka kong tingin kaya nagpaliwanag siya.
"Pula. Kakulay ng mga mata mo. Ang gaganda nila alam mo ba yun" nagulat ako sinabi niya.
'Ang mga mata ko. Maganda? Lahat ng nakakakita ng mata ko ay nagsasabing nakakakilabot daw itong pagmasdan'
"Kakaiba. Ikaw lang ang nagsabi sa akin na maganda ang aking mga mata" mahinang saad ko rito. Mas lalo pang lumawak ang kanyang ngiti dahil sa narinig
"Talaga!?" masayang wika pa niya. Tumango naman ako bilang tugon.
"Maaari ba kitang maging kaibigan, pula?" tanong nito sa akin nagulat naman ako sa sinabi niya. Nais niyang makipagkaibigan sa akin gayong kakakilala pa lamang namin.
"Huwag mo sanang masamain ang hangarin ko. Bago lamang ako sa bayan na ito kaya nais kong magkaroon ng kaibigan dito" muli nitong wika.
'Kaibigan, heh! Sige pagbibigyan kita hanggang magsawa ka katulad ng iba ring bata na nais akong maging kaibigan sa simula'
Tumango ako sa kanyang sinambit na nagpalawak sa kanyang ngiti.
"Halika na Sinclaire, ihahatid kita sa inyo. Mas mabuting magpahinga ka kaysa pumunta sa sentro. Paniguradong pagod ka dahil sa paghabol sa iyo ng lobo" tumango naman siya bilang tugon sa akin.
Hinawakan niya ang dulo ng aking damit. Tinignan ko naman siya at ngumiti ito. Matapos niyon ay sabay kaming lumabas ng kagubatan.
End of Flashback
"Pula" tawag sa akin ni Sinclaire na nagpabalik sa akin sa kasalukuyan. Tinitigan ko siya at sinambit ang ngalan ko habang nakatitig sa kanyang mata.
"Dark. Dark Taylor" mariing wika ko.
'Sinclaire, hindi ko inaakala na ituturing mo akong kaibigan hanggang ngayon pero, hindi ko iyan kailangan! Hindi ko kailangan ng kaibigan na tinutukoy mo. Hindi na tayo mga bata upang pagbigyan kita!'
"Sinclaire, sa isang Tournament wala kang kaibigan kungdi ang sarili mo lang. Dahil kung magtitiwala ka sa iba hindi mo alam kung paano ka mamamatay" mapanganib na sambit ko, bahagya itong nagulat sa inasta ko.
"Magkagrupo tayo Pula. Magkakampi"
"Talaga ba? Pero hindi ako tinuturing na kagrupo ng iba. At hindi ko kailangan ng grupo. Kung mananalo ako sa Tournament iyon ay dahil sa sarili kong kakayahan, hindi dahil sa grupong sinasabi mo" lumuwag ang hawak niya sa braso ko at ginamit ko iyong pagkakataon upang maalis ang kamay niya, matapos ay umalis na ako.
'Sinclaire sa Tournament ang sarili mo lang ang aasahan mo. Sana maintindihan mo iyon'
'Huwag kang magtitiwala kahit kanino. Pati na rin sa akin'