Chapter 37

2716 Words
CHAPTER 37 Inabutan na ng dilim sina Craig at Dawin sa Hospital dahil napagdesisyunan na ni Wren na gusto na niyang umuwi, kaya na raw niyang maglakad at kaya na niya ang sarili niya para magtrabaho. Ang bilin lang naman ng doktor ay huwag niya lang masyadong pupwersahin ang katawan niya para maiwasan ang pagbuka o pagdugo ng sugat niya. Isa pa, ayaw niya ring makadagdag alalahanin pa sa mga kasama niya lalo na kay Zeta. Kahit hindi sabihin ni Zyx ay alam niyang kailangan ng dalaga na makahinga sa mga nangyayari, at hindi nito magagawa ang bagay na iyon kung magbabantay din siya sa Hospital. Maaring hindi ito nagtatanong sa mga kaganapan pero hindi naman ito mangmang para hindi makatunog sa mga nakikita niya. Kailangan nilang ilayo si Zeta sa bagay na maaring magdulot ulit sa kanya ng sakit. At magagawa lang nila iyon kapag nakauwi na sila sa bahay. Bukod sa kanya, kailangan din ni Zeta ng tuluyang paggaling. Dahil sa biglaang desisyon ni Wren, hindi na umalis ang magkaibigan dahil nagbilin si Zyx na ipapakita na nila sa kanila kung nasaan na ang bago nilang bahay ngayon bukod doon sa Hideout na pinupuntahan nila. Tiwala na kasi silang hindi na nila kailangan pang itago sa dalawang ito ang lugar na iyon dahil alam nilang hindi ipapahamak ni Craig si Zeta. Idagdag pa na sapat na para sa binata ang mga nakita nilang kilos ng dalawa para masabing hindi na isang kriminal lang ang turing nito sa kanila. Bago isiwalat nina Zyx ang bago nilang Hideout, pinag-usapan muna nilang tatlo nina Wren at Cahil kung tama bang sabihin na sa dalawa ang tungkol dito. Hindi kasi puwedeng pagbasehan lang ang pakiramdam ni Zyx sa dalawa, kailangan nilang pag-isipang mabuti at pag-usapan ng masinsinan kung wala ba silang pagsisisihan sa huli kapag ginawa nila ito. Kaya iginiit ni Zyx sa kanila na wala nang rason pa para itago ito lalo pa't para na rin sa kapakanan ni Zeta ito. At kahit hindi tuluyang payag ang dalawa, para na lang din kay Zeta, pumayag na lang din sila. Wala silang magagawa kundi ang magtiwala na tama ang desisyon ni Zyx. Isang bagay pa na ginawa nila ay sinabi na rin nila kay Kristel kung sino sila at kung ano ang tunay na nangyari kay Zeta at kay Wren. Dahil sa pagkakabaril kay Wren, alam nilang hindi na rin nila maitatago sa dalaga ang mga nangyayari. Isang sugal ito para sa kanila, dahil maaring mawala sa kanila ang presensya ng dalaga... pero wala silang ibang pagpipilian kundi ang aminin ang lahat. Laking pasasalamat na lang nila na kahit alam na ni Kristel ang lahat ay nanatili pa rin siya sa grupo, tila may bukas itong pag-iisip na hindi sukatan ang pagkakamali nila sa nakalipas para husgahan sila ngayon. Katwiran ng dalaga, magnanakaw man sila noon ay wala naman siyang nakitang dahilan para kamuhian ang grupo. Lalo pa't kita niya naman na nagbago na ang grupo at gusto na nito na magbagong buhay. Lalong naging rason ito para mapalapit ang loob nila sa dalaga. Gabi na rin nang makauwi sila, nang makarating sila sa lugar ay nagkaroon ng kaunting celebration ang grupo, madami silang dapat ipagdiwang ngayon: una na riyan ay ang kasirguraduhang makukulong na si Karl at hindi na nito maloloko ang batas dahil sa patong-patong na kasong inihain sa kanya at sa dami ng ebindensyang hawak nina Craig, dahil sa tulong ng grupo. Pangalawa ay muli nang nakakapagsalita si Zeta, bumalik na ng tuluyan ang sigla niya at iyon ang pinakahigit nilang pinagpapasalamat sa ngayon. At ang pangatlo, ay ang paglabas ni Wren sa Hospital. Masaya ang grupo na ito lang ang sinapit ng binata at ngayon ay magpapalakas na lang siya. Tuloy-tuloy ang naging kasiyahan nila. Tila ayaw na nilang matapos ang gabing ito na puno ng kasiyahan na sa wakas ay nakumpleto sila at may bago pa silang nakasama. Para bang isang bagong buhay para sa lahat... isang bagong buhay na dapat ilaban hanggang sa huli. Nang matapos ang kasiyahan ay inihatid na lang ni Zyx si Kristel pauwi sa kanila dahil hindi pa kaya ni Wren na maglakad o magmaneho kahit pa malapit lang ang bahay ng dalaga. Kaya kahit gustuhin niya man na ihatid ito ay hindi niya magagawa. "Matutulog na rin ako," paalam ni Zeta. Pero bago makatayo ang dalaga ay mabilis na hinawakan ni Craig ang kamay niya. Tila ayaw niyang paalisin ang dalaga dahil sa takot na baka kinabukasan paggising nila ay bumalik ito sa dati at malaman niyang panaginip lang pala ang lahat ng nangyayari. "Bakit?" tanong ng dalaga. Naging hudyat ang tanong na iyon para bumitiw si Craig sa braso niya. "Ah, wala. Sige, good night," iyon na lang ang nasabi niya. Nginitian siya ni Zeta at saka naglakad na paalis. Nakaramdam ng bahagyang lungkot si Craig, dahil alam niyang ilag ito sa kanya dahil hindi siya nito lubos na maalala. Para bang kasama sa trauma na inabot nito ay ang pagkalimot niya sa mga bagay na hindi na niya gustong maalala pa. At ang mas nakakalungkot doon, ay kasama siya sa mga bagay na iyon. "Matutulog na rin ako, magiging good boy muna ako habang hindi pa magaling ng husto ang sugat ko. Maiwan ko na kayo," paalam din ni Wren. Inalalayan pa siya ni Cahil na makatayo. Ang tanging natira na lang sa lamesa ay sina Cahil, Craig, at Dawin. Hinihintay nila ang pagbabalik ni Zyx. "Tama ba itong ginagawa natin?" nakangising tanong ni Dawin. Binasag na rin niya ang katahimikan sa pagitan nilang tatlo. Agad na kumunot ang noo ni Craig sa kanya. "Ang alin? Ano bang sinasabi mo?" "Nagkakasayahan tayo rito, kahit na alam nating hindi pa naman tapos talaga ang kaso. Nakakulong lang si Karl, pero hindi pa siya nalilitis. May pag-asa pang makalaya ang lokong 'yon," sagot niya. Sumagot si Cahil, "Akala ko ba matibay ang mga ebidensyang hawak ninyo laban sa kanya? Bakit ngayon ay nag-aalala ka?" Sandaling lumingon si Craig sa nagsalita saka ibinalik ang tingin kay Dawin. Inobserbahan niya kung ano ang magiging reaksyon nito sa narinig niya. May punto silang dalawa, alam ni Craig ang dalawang bagay na sinabi nila. Hindi nga naman sila dapat magpakampante ng ganito kahit pa sabihing nagawa nila itong hulihin at kahit pa may ebidensya sila. Kaya ang tanging magagawa na lang nila ay umasa at maniwala na hindi na talaga ito makakawala pa. "Magaling gumawa ng himala ang taong iyon. Isa pa, sa palagay namin ni Craig ay may kasabwat pa siyang pulis na may mataas na posisyon sa departamento. Kaya hindi na 'ko magtataka kung darating ang araw na malalaman na lang namin, nakalaya na siya," aniya. Sumingit si Craig sa usapan, "Huwag kang magsalita ng ganyan. Hindi na niya magagawang lapitan pa kung sino man ang pulis na kasabwat niya. Kahit pa burahin nito ang mga ebidensyang hawak natin laban sa kanya, madami tayong paraan para ituloy ang pagdiin sa kanya," giit niya. Naisip na rin ni Craig ang tungkol sa bagay na sinasabi ni Dawin, tuso si Karl at tiyak na may plano talaga iyon para mapalaya siya. Pero tapos na niyang isipan ng solusyon lahat ng paraang maaring gawin ng taong iyon kaya gusto niyang ipaunawa sa mga kasama niya na dapat silang maging kampante. "At anong paraan naman 'yan?" kunot noong tanong ni Dawin sa kanya. Biglang lumitaw sa eksena si Zyx. "Alam ni Karl na ipit na siya sa kaso at wala siyang oras na mahagilap ang mga ebidensyang hawak ninyo laban sa kanya. Isa pa, kapag nawala ang mga ebidensyang hawak ninyo, maaring mapagbintangan pa siya o 'di kaya ay mabisto ang tungkol sa may kasabwat siyang pulis sa loob. Tuso siya kaya alam niyang tuso rin kayo..." aniya. Tapos ay naupo na siya muli sa upuan niya kanina para sumama sa usapan. Napalunok si Craig at siya na ang nagtuloy sa sinasabi ni Zyx. "Napag-usapan na naming dalawa ang maaring ibang paraang gawin ni Karl tungkol sa paglusot na maari niyang gawin. Una, maaring lumapit siya sa sindikato at ito na ang kikilos para sa kanya. Pero sa tingin namin, maliit ang tiyansa na sumali ang sindikato para sa kaso niya dahil pati ang kanilang ilegal na gawain ay maaring mabuking din. Kaya ang pangalawang ideya ang naiisip naming maaring gawin niya..." Kumunot ang noo nina Cahil at Dawin sa kanilang dalawa, pareho nilang hindi inakala na ganito na pala kalayo ang plano ng dalawa nilang kasama hinggil sa kasong ito. Tila handa talaga silang gawin ang lahat para lang masiguro na hindi na makakalabas si Karl. Itinuloy muli ni Zyx ang sinasabi ng kasama niya, "Sa tingin namin ni Craig, susubukan ni Karl na suhulan ang pamilya ng Solis para manahimik hinggil sa kaso. Maaring suhulan niya rin ang judge o ang abogado ng kabilang panig para pumabor sa kanya ang paglilitis. At ang huling mari niyang gawin ay magbayad ng ibang tao na magsisilbing witness niya para ma-abswelto siya," aniya. "Hindi ba parang imposible naman yata na iyan ang gawin niya? Miyembro siya ng sindikato, hindi papasok sa isip niya ang ganyang kabagal na proseso para sa paglaya niya," giit ni Dawin. Bumaling ang tingin ni Craig sa kanya. "Nakakalimutan mo na yata ang mga ginawa niya noong nakaraang kaso niya? Hindi ba't nagulat na lang tayo na na-abswelto na siya sa kaso nang ganoon na lang kadali? May tahimik siyang paraan para gawin iyon, Pare," pagtatama niya sa kaibigan. Napalunok na lang si Dawin nang maalala ang mga ginawa ni Karl na kalokohan para lang makalusot ito sa dati niyang kaso. Muntik nang mawala sa alaala niya ang mga pandarayang ginawa nito noon. "Kailangan pa ba naming tumestigo?" tanong ni Cahil. Agad na umiling si Craig sa kanya. "Hindi n'yo na kailangang pumunta pa roon, tapos na ang pagtulong ninyo sa amin, nahuli na si Karl kaya tapos na rin ang misyon ninyo. Kami nang bahala mula rito." "Pero paano kung banggitin kami ni Karl laban sa inyo? Nakita niya kami at alam niyang kami ang nagnakaw sa kanya. Kahit hindi niya kami makita sa korte, tiyak na alam niyang kami ang kasabwat mo," sabi pa ni Cahil. Tila binuhusan ng malamig na tubig sa kanyang kinauupuan si Craig nang marinig ang tanong na iyon. Hindi niya kayang aminin sa kanila na hanggang ngayon ay hindi niya alam kung ano ang isasagot sa tanong na iyon. "Kung ganoon, kailangan pa rin pala naming makulong?" mahinang tanong ni Zyx. Napayuko si Craig habang nakakuyom ang kanyang kamao. "Ayokong makulong kayo. Kung may paraan lang para hindi na kayo makulong, gagawin ko! Pero..." Walang nakaimik sa kanilang lahat, alam nila na si Karl ang may hawak ng kapangyarihan para ma-abswelto sila sa kaso. Kahit naisauli na nila ang perang ninakaw nila rito, kung hindi pa rin iniuurong ni Karl ang kaso laban sa kanila ay hindi pa rin sila ligtas sa pagkakakulong. Sa lagay na ito, tiyak na wala silang pag-asa na makipag-areglo pa. Nagsisisi si Craig na pinaabot niya sa puntong ganito ang lahat, na magiging mitsa ang grupo para malagay din sa alanganin ang kaso pati na rin siya mismo. Nakalimutan na niyang asikasuhin ito dahil walang ibang laman ang isip niya kundi ang mahuli at maipakulong si Karl. "Bakit hindi na lang tayo mag-isip ng paraan para hindi sila makulong?" Napatingin sina Cahil, Zyx, at Craig kay Dawin nang magsalita siya. Blangko lang ang reaksyon ng binata nang harapin nila ito, para bang kung magsalita ito ay napakadali lang ng kanyang gustong mangyari. "Bakit? Iyon ang pinoproblema ninyo, 'diba?" walang buhay niyang saad. Napapikit na lang si Craig at napaiwas na lang ng tingin, tila ayaw na lang niyang patulan ang kaibigan kaya hindi na lang niya ito sinagot. "Dawin, iyon na nga ang sinusubukan naming isipan ng solusyon ngayon," sagot ni Zyx. Pagak na natawa ang binata. "Ah, iyon ba? E 'di, maghanap tayo ng magpapanggap na ibang kayo. Tapos iyon ang ipakulong natin," aniya. Agad na napalingon si Craig sa kanya. "Anong sabi mo?" "Hindi pa rin naman alam ni Karl kung ano ang tunay na mukha nilang grupo, 'diba? Kahit nu'ng araw na harapin n'yo siya nang araw na mamatay ang isang kaibigan ninyo, naka-disguise rin kayo. Kaya bakit hindi na lang tayo kumuha ng apat na taong palabasin nating nagnakaw sa kanya?" suhestiyon ni Dawin. Nagtinginan ang tatlo dahil sa suhestiyon ni Dawin, tila iniisip nila kung tama bang seryosohin ang sinasabi nito. "Saan naman tayo hahanap ng apat na taong magpapanggap na silang apat?" tanong ni Craig sa kaibigan. "Pare, kung magtanong ka parang hindi ka pulis. Madali na lang diskartehan 'yan!" sagot ni Dawin. Alam ni Craig na gaya niya ay hindi rin gusto ni Dawin na ipakulong ang grupo, hindi niya sigurado kung maayos ang pakikitungo niya rito o kung nakikita niya ba ang grupo gaya ng pagtingin niya rito bilang isang kaibigan. Pero bukod sa bagay na ito, hindi pa talaga maaring makulong ang apat dahil kailangan pa nila ng serbisyo ng mga ito para mahuli ng tuluyan ang sindikato. Dahil sila lang ang tanging asset na meron sila para mahuli ito. "Sa tingin mo ba mapapaniwala natin silang ang ipapakulong natin ay ang grupo nila Zyx?" "Craig, hindi natin kailangang patunayan kay Karl na ipinakulong natin ang grupo. Kasi alam naman niyang ginagamit natin sila para hulihin ang sindikato niya. Gagawin lang natin ang sinabi ko para kung sakaling gamitin niya ang mga nagnakaw sa kanya laban sa atin, hindi niya tayo mapupuruhan. Naiintindihan mo ba 'ko?" Hindi na muling sumagot si Craig, tumango na lang siya sa kaibigan bilang pagsang-ayon. "Masyado n'yo kasing inaalala ang tungkol sa bagay na 'yan. Pero sa totoo lang, hindi na sisilipin ni Karl ang tungkol diyan dahil nga hindi rin iyon makakatulong sa kaso niya. Kaya mag-relax lang kayo. Hindi iyon ang problema natin, okay?" ani Dawin. Nasa tono ng boses niya ang pagiging tiwala na ayos lang hayaan na ang tungkol sa usaping iyon. "Kung ganoon, ano ang problema?" kunot noong tanong ni Cahil kay Dawin. Sumeryoso bigla ang mukha ni Dawin sa kanya. "Ang ganti ng sindikato. Iyon ang malaking problema." Napalunok silang tatlo nang marinig ang sinabi ni Dawin na iyon, tila sa isang salita lang niya ay naintindihan na nilang lahat ang totoong problema. Ngayon ay sa ibang direksyon na nakatuon ang isip nila, at kung ito nga ang bibigyan ng pansin ay tiyak na hindi nga nila problema sa ngayon ang kaso nila Zyx. "Kung ganoon, hindi na kami ligtas dito," ani Cahil. "Puwede namin kayong mailagay sa Witness Protection Program. Pero si Zeta at si Kristel..." Agad na napalingon si Craig kay Dawin. "Anong ibig mong sabihin?" "Sa tindi ng itim ng budhi ng mga taong iyon, maaring idamay nila ang mga mahihinang gaya nila. Kahit magnanakaw si Zeta, hindi niya kayang labanan ang grupo ng sindikato kung sakaling atakihin siya. Lalo naman si Kristel," sagot ni Dawin. Walang nakaimik para kontrahin ang sinabi ni Dawin, alam nilang may punto ang sinabi niya. May posibilidad talagang kapag nangialam ang sindikato ay delikado ang buhay nilang lahat. "Kung ganoon, hindi nga tayo dapat magssaya agad ng ganito. Kailangan na rin nating pagplanuhan ang Fallen Angel. Kailangang sumunod na sila agad kay Karl sa kulungan sa lalong madaling panahon!" ani Zyx. Bumaling ang tingin ni Craig sa kanya. "Madaling sabihin 'yan, pero alam mong napakahirap gawin! Iyon nga lang paghuli kay Karl ay napakahirap na nating ginawa, isang sindikato pa kaya?" paalala niya sa kausap. Naikuyom ni Zyx ang kanyang kamao. "Alam ko naman iyon, pero hindi ako matatahimik hangga't alam kong nasa panganib ang buhay ng kapatid ko! Hindi ako dapat maupo na lang dito kung alam kong maari pa rin siyang mapahamak." Napalunok siya at muling nagsalita, "Craig, alam mong ngayon lang nagawa ni Zeta na makapagsalita muli, huwag mo naman sanang hayaan na mabawi ulit iyon sa atin. Gawin mo naman ang makakaya mo para maingatan siya!" Alam ni Craig kung ano ang sinasabi ni Zyx. At kung tutuusin ay matagal na niyang naisip na dapat talaga ay kumilos na rin sila kaagad para mahuli ang sindikato. Kasi hindi malabong kumikilos na ang mga ito para gumanti. Hindi man nila makita ang mga planong hakbang ng grupo ay tiyak nilang hindi ito basta na lang mananahimik.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD