Chapter 38

2725 Words
CHAPTER 38 Kinabukasan, paggising ng nila ay alam na nilang magbabago na ang lahat. Ngayon ay wala na silang iintindihin na alagain at bantayin dahil maayos na ang lagay ni Zeta at nakabalik na siya sa kanyang normal na pagsasalita. Ang tanging iintindihin na lang nila ngayon ay kung ano ang magiging takbo ng buhay nila ngayong nagbalik na ang dalaga. "Zeta, ayos lang ba kung ikaw na muna ang magbantay sa Computer Shop ngayon? Hindi pa kasi puwedeng magtrabaho si Wren," utos ni Zyx. Sandaling kumunot ang noo ng dalaga, hindi pa siya sanay sa buhay na meron sila ngayon. Tila sa pagkakaalala niya ay hindi pa niya nasusubukang magbantay ng computer shop, kaya wala siyang ideya kung paano iyon gagawin. Pero ayaw niyang lumabas na walang kayang gawin, kaya kahit hindi siya komportable sa inuutos ng kapatid niya ay handa naman siyang pag-aralan kung anong bagay ang dapat niyang malaman sa pagbabantay nito. "Zyx, kung ako ang magbabantay, sino magluluto ng pagkain natin?" tanong niya nang maalala niya ang tungkol sa kakainin nila ngayong araw, dahil sa huling naaalala niya ay iyon ang trabahong palaging iniuutos sa kanya ng kapatid. Bumuka ng bahagya ang bibig ng kapatid niya, tila nawala sa isip niya na ngayon pa nga lang pala ma-a-adapt ng dalaga ang mga ginagawa nila araw-araw. Hindi niya alam kung ano ba ang tumatakbo sa isip ng dalaga ngayon, ayaw niyang iparamdam dito na may kakaibang nangyari sa kanya kaya madaming pagbabago ang nasasaksihan niya. Ayaw din niyang iparamdam sa dalaga na may nagbago sa bahay, ayaw niyang iparating dito na dati ay nasa kwarto lang siya palagi. Iniiwasan niyang banggitin kay Zeta ang dati nitong ginagawa, lalo na ang katotohanang bumalik ang trauma niya at ngayon lang siya bumalik sa normal. Gusto niyang itrato ang nangyari bilang kahapon na hindi na dapat pang pag-usapan. "Naghahatid ng pagkain si Kristel sa atin, siya na ang bahala r'on," aniya. Sinabi niya iyon sa normal niyang boses na para bang wala talagang nangyaring kakaiba. Hindi na sumagot pa si Zeta, sinunod na lang niya ang kapatid niya sa dapat niyang gawin. Tinulungan naman siya ni Cahil kung ano ang mga dapat niyang gawin kapag siya ang bantay sa Computer Shop, kahit gustuhin niya man na magpanggap kagaya ng ginagawa ni Zyx ay hindi niya iyon magagawa habang inaalala kung ano ang magagawa ni Zeta kung wala pa siyang ideya sa dapat niyang gawin doon. Sa ayaw at sa gusto nila, kailangan nilang tanggapin na mahahalata rin ni Zeta ang mga nagbago sa buhay nila. Kailangan nilang magawang ipaunawa sa dalaga ang lahat ng bagay na kailangan niyang magawa na hindi niya ginagawa dati nang hindi ito nasasaktan o nag-iisip na may mga pagbabagong biglaan na lang na hindi niya naiisip na dumaan siya sa trauma kaya hindi niya alam. Habang tinuturuan ni Cahil si Zeta ng mga dapat gawin sa Computer Shop ay sakto namang labas ni Wren mula sa kanyang kwarto. Bumungad sa kanya ang ginagawa ng dalawa at agad siyang nakaramdam ng paga-alala dahil dito, agad na naproseso ng isip niya kung ano ang mga maaring mangyari sa nakikita niya. Nang pagkakataon ding iyon ay agad niyang nilapitan si Zyx na ngayon ay nag-aayos sa Repair Shop nila, hindi niya ito nagagawa dati dahil sa pag-aalaga kay Zeta kaya ngayon na langl siyang bumabawi. "Zyx, tama bang ituro agad kay Zeta ang mga bagay na ginagawa sa Shop? Hindi ba 'yon makakasama sa kalagayan niya?" alalang tanong ni Wren nang makalapit siya sa kausap. Dahan-dahan lang din siyang magsalita dahil tumutugon sa sugat niya ang bawat kilos niya. Huminto si Zyx sa pagkilos at hinarap ang kausap. "Nag-aalala rin naman ako, pero kailangan niyang matutunan iyon para magawa niyang makagalaw din ng normal sa bahay. Kasi kung hindi natin iyon gagawin, mas lalo niyang tatanungin ang sarili niya kung ano ba ang ginagawa niya dati. Hindi natin alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya, Wren. Kaya gawin na lang natin ang ano mang makakaya natin," paliwanag niya. Hindi agad nakaimik ang binata, alam niyang may punto ang sinabi ng kausap niya at sang-ayon din naman siyang iyon lang ang magagawa nila sa ngayon. Sandaling napatingin si Wren sa labas ng Shop, malapit nang mag-umaga at kailangan na nilang bumalik sa normal nilang trabaho. Wala silang dapat sayangin na oras. "Sige, sasamahan ko na lang si Zeta sa kabilang Shop. Tuturuan ko siya ng bagay na hindi naituro ni Cahil," ani Wren, saka nagsimulang maglakad papunta sa kabilang shop. "Hoy, sandali! 'Diba dapat nagpapahinga ka? Hayaan mo na 'yung dalawa r'on, ako na ang magbabantay dito," giit ni Zyx. Bahagyang lumingon si Wren sa kanya. "Gaya ni Zeta, hindi ka rin pamilyar sa lahat ng ginagawa sa Shop dahil busy kang mag-alaga sa kanya noon. Kaya pareho kayong kailangan ng kasama. Huwag kang mag-alala, limitado naman din ang magiging kilos ko dahil sugat ko mismo ang pipigil sa akin gumalaw. Sasamahan ko lang talaga siya r'on," paglilinaw niya, saka nagsimula nang maglakad muli. Wala nang nagawa at nasabi si Zyx, hinayaan na lang niya ang kaibigan dahil alam niya rin namang maiinip lang ito kung walang gagawin. Naisip niya ring may punto rin ang kanyang sinabi. Sa pag-alis ni Wren at naging mag-isa na lang ang binata sa loob ng Repair Shop, bumalik sa alaala niya ang mga pinag-usapan nila nina Craig noong nakaraang gabi... hindi niya maiwasang hindi mag-alala para sa kaligtasan nilang apat—lalo na para sa kalagayan ni Kristel. Alam niyang mas naging delikado ang kalagayan nilang lahat ngayon dahil mas mainit na ang mata ng sindikato sa kanila ngayon. Ngayong araw ay simula na rin ng pagkilos ni Craig para sa kaso ni Karl, kailangan na nilang maghanda para sa darating na paglilitis sa kaso niya. Kaya ibig sabihin, wala ring ibang gagawin ang grupo kundi bumalik sa dati nilang trabaho habang naghihintay ng balita mula sa dalawang kaibigan nilang pulis tungkol sa kung ano ang naging lagay ng kaso ng lalaking iyon. Hindi naman sila maaring magpakita sa korte kaya wala silang ibang magagawa kundi ang bumalik na lang sa dati nilang ginagawa. Dahil malalim ang iniisip ni Zyx, hindi niya agad namalayan ang pagdating ni Cahil. Napansin niya na lang ang pagsulpot ng binata sa madalas nitong upuan sa counter. "Sabi ni Wren, siya na raw ang magtuturo kay Zeta ng mga dapat gawin. Kaya bumalik na 'ko rito, kasi kailangan din kitang turuan," bati ni Cahil sa kanya. Napabuntong hininga si Zyx, hindi naman niya maitatanggi sa binata na kailangan niya nga ng tulong dito. Aminado rin siyang nahihirapan siyang mag-adjust ngayong dito na lang mauubos sa Shop ang oras niya. "Kumusta si Zeta?" bungad niyang tanong kay Cahil, tila hindi na pinansin ang bati sa kanya ng bagong dating. Hindi alam ni Cahil kung paano ipapaliwanag ang naging obserbasyon niya kay Zeta, pero sa isip niya ay alam niyang hindi nagpapanggap ang dalaga na walang alam sa mga nangyayari... tila mas magandang itawag na itinatanggi niya sa sarili niya na alam niya kung ano ang nangyari sa kanya. "Tinuturuan na siya ni Wren, pero nakaupo naman sila pareho kaya walang dapat ipag-alala. Puwede mo rin naman silang i-check kung gusto mo," sagot ni Cahil. Hindi na muling umimik pa si Zyx, naging panatag na lang din siya dahil sa sinabi ng kaibigan. Madami siyang alalahanin bukod kay Zeta, pero ayaw niya munang isipin iyon sa ngayon dahil gusto niya munang masubukan kahit ngayong araw lang ang magkaroon ng oras para sa trabaho. Dahil sa isang taon nila rito, ngayon lang niya magagawa ito. Habang sina Wren at Zeta naman ay nagagawa nang makapag-adjust doon sa kabilang Shop. Tila alam na agad ng dalaga ang mga dapat niyang gawin, masayang-masaya siya dahil sa mga itinuro sa kanya nina Cahil at Wren. Masaya rin siya dahil ang gagawin lang niya ay magbantay ng Computer Shop, tapos ay makakagamit pa siya ng computer maghapon na walang ibang iintindihin dahil sinabi rin sa kanya ni Zyx ay may maghahatid naman ng pagkain sa kanila ngayon. Tinuro rin ni Wren sa kanya na dapat na silang magbukas ng shop dahil magliliwanag na. Kalimitan ay alas nuwebe sila ng umaga nagbubukas, pero gusto nilang magbukas ng maaga ngayon bilang pambawi sa ilang araw nilang pagsara ng shop dahil sa dami ng mga nangyari. Pagkatapos n'on ay tinawag ni Wren si Zeta, dahilan para tumabi sa kanya ang dalaga. "May sasabihin sa 'yo, ang totoo kasi ay hindi ka kilala ng mga customer... kaya kapag may nagtanong sa 'yo kung sino ka, sabihin mong—" "Kapatid ako ni Zyx at galing ako sa kabilang bahay, dahil doon naman talaga ako nakatira. Lumipat lang ako rito dahil nagkasakit ka at kailangan mo ng kasama, tama?" ani Zeta. Gulat ang naging reaskyon ni Wren sa naging sagot ng kausap niya sa kanya, tila hindi niya inasahan na ganoon ang magiging sagot nito sa kanya. Palaisipan para sa kanya kung paano pinoproseso ni Zeta ang mga nangyayari, gayong isang taon siyang tahimik at tulala lang sa kwarto. Gustong-gusto itanong ni Wren kung alam ba nito ang mga nangyari ng mga panahong ganoon ang kondisyon niya, pero pilit niyang pinipigil ang sarili niya dahil natatakot siyang maging sanhi iyon para bumalik ang trauma ni Zeta. Kaya imbes na magtanong, kinumbinsi na lang niya ang kanyang sarili na umarte na lang ng normal gaya ng ginagawa ni Zyx. Maya-maya lang ay may dumating na agad na mga customer, sila ang grupo ng mga kabataan na palaging kalaro ni Wren kapag pustahan na. Napangiti ang binata dahil nagawa niya munang kausapin si Zeta bago dumating ang mga ito. "Buti na naman nagbukas na kayo, tagal naming nagtiis sa bulok na computer nila Burek, eh," bati ng isang bata at naupo sa PC kung saan paborito niyang maglaro. Kusang gumalaw ang katawan ni Zeta para asikasuhin ang mga bagong dating, kinalikot niya ang Server PC sa harap niya para buksan ang mga PC kung saan nakaupo ang mga customer. "Regular customer mo ba sila? Ilang oras ang ise-set ko?" tanong ni Zeta sa katabi. "Ah—" "Uy, chicks! Syota mo, Wren? Akala ko ba gusto mo si Kristel? Babaero ka pala, eh!" Hindi na nagawang makapagsalita ni Wren para ipaliwanag kay Zeta kung paano ang gagawin niya sa mga regular customer niya dahil mabilis itong tumayo sa upuan nang marinig niya ang boses ng babae. Agad nitong inusisa ang dalawa dahil bukod sa ngayon niya lang nakita si Zeta ay magkatabi pa sila sa upuan, iyon nga naman ang una nilang iisipin. Hinarap siya ni Zeta. "Hindi kami mag-syota, magkaibigan lang kami ni Wren. Mahirap i-explain, pero parang magkapatid na rin ang turing namin sa isa't isa at alam na ni Kristel 'yon," aniya. Ngumisi si Wren sa binatilyo. "Ngayon lang siya nagpakita rito pero co-owner din namin siya rito sa Shop, kapatid siya ni Zyx," singit niya. "Ah, ganoon ba. E 'di, sorry! Buksan mo n'yo na nga lang 'yung PC ko!" aniya at bumalik na sa upuan niya. Nakahinga ng maluwag si Wren dahil hindi na nangulit ang binatilyo, laking pasasalamat niya na kahit papaano ay nahiya ito na makiusisa dahil hindi niya alam kung paano siya magpapaliwanag. Nang hindi pa naaalis ang trauma ni Zeta, hindi hinayaan ni Zyx na makita ng mga tao si Zeta na pagala-gala sa dalawang shop. Dahil inihahanda niya nga ang kapatid niya kapag dumating na pagkakataong ito na makakapagsalita na siya, ayaw niyang may magtanong mula sa ibang tao na, "Nakakapagsalita ka na?" Dahil tiyak na hindi nila magugustuhan ang maaring maging epekto nito kay Zeta. Habang inaasikaso ni Zeta ang grupo ng kabataang magrerenta ng kanilang PC ay itinituro lang ni Wren ang dapat niyang gawin. Pagkatapos n'on ay nakangiti nang humarap ang dalaga kay Wren. "Madali lang naman pala ang ginagawa rito, puwede mo na 'kong iwan para makapagpahinga ka," aniya. "Kaya ko ang sarili ko, hindi ko kailangan ng pahinga. Saka isa pa, lalo akong manghihina kapag humiga ako," ani Wren. Tumingin ang dalaga sa sahig, napansin naman ni Wren na parang lumungkot ang ekspresyon nito. "Bakit? May nasabi ba akong hindi mo nagustuhan?" tanong niya. Wala sa natural na pag-uugali ni Wren ang makipag-usap kay Zeta ng mahinahon gaya ng ginagawa niya ngayon, pero dahil kababalik lang ng normal na pagsasalita nito ay tila naninibago pa siyang kausapin ito. Isa pa, parte na rin ng pag-iingat nila kaya kinakausap muna nila ito ng mahinahon. Napagdesisyunan nilang itatrato nila si Zeta base sa ipinapakita nitong pag-uugali. Agad na bumaling ang tingin ni Zeta sa kanya, para bang iniiwasan niyang magbigay ng alalahanin sa kausap. "Hindi ba talaga bagay sa atin ang mamuhay ng normal? Kailangan n'yo ba talagang bumalik sa dati nating ginagawa?" Napalunok si Wren dahil sa naging tanong ng kausap, tila alam nito ang mga ginawa nila... dahil maaring narinig ni Zeta ang mga pinag-usapan nila tungkol kay Karl o 'di kaya ay ang pagkukwento ni Zyx kay Kristel tungkol sa mga nangyari. Natatakot siyang sagutin ang tanong na iyon, pero alam niyang kailangan niya iyong sagutin. "Hindi natin makukuha ang gusto nating mabuhay ng normal kung pagala-gala ang sindikato sa paligid. Kaya para magawa natin ang gusto natin ng malaya, kailangan natin silang ipakulong," pag-amin ni Wren. Mahina ang kanilang boses habang nag-uusap, kailangan nilang iwasan na marinig sila ng mga customer nga ngayon ay abala na sa paglalaro. Kailangan nilang maiwasan na may ibang makarinig sa kanilang pinag-uusapan, alam din ni Zeta iyon. "Naisip ko lang kasi, ngayon lang nangyari 'yan sa 'yo. At saka, ngayon lang din nangyari na may ibang taong nag-alala para sa 'yo." Umangat ang tingin ni Zeta kay Wren, ngumiti ito na gaya ng isang ngiti niya dati kapag gusto niyang maglambing sa binata. "Kitang-kita ko kung paano nag-alala si Kristel para sa 'yo, sign na 'yon para ligawan mo na siya," aniya. Pagak na natawa si Wren dahil sa sinabi ng kausap, hindi niya naman itatanggi na may gusto nga siya sa dalaga. Alam din naman nina Zyx at Cahil ang tungkol doon kahit hindi niya pa aminin, dahil tiyak niyang nahahalata na nila iyon. "Ikaw din naman, eh. Halata kong patay na patay pa rin sa 'yo si Craig. Na-starstruck nga siya nu'ng makita ka niya ulit," pang-aasar niya kay Zeta. Ang inasahan ni Wren ay matatawa ang dalaga sa naging biro niya, pero ang tanging naging reasksyon lang nito ay pilit na ngiti. Para bang alangan pa ito kung tama bang maging laman ng usapan nila ang lalaking iyon. "Ngayon lang siya nagpakita, Wren. Hindi naman natin alam kung ano ang balak niya. Narinig ko kay Zyx na pinag-uusapan nilang dalawa si Karl, paano kung ang gusto niya pala sa atin ay ang tulong na ibinibigay ninyo sa kanya para mahuli ang sindikato? Pagkatapos n'on ay ikukulong niya rin tayo? Madami nang nangyari sa paglipas ng taon, puwedeng hindi na siya ang Craig na kababata namin ni Zyx," ani Zeta, seryoso ang tono ng kanyang boses. Hindi agad nakaimik si Wren, sa buwan na nakalipas na nakasama niya si Craig, ngayon lang niya napag-isip-isip ang tungkol sa bagay na sinabi ni Zeta sa kanya. Masyado siyang naging kampante na kilala ni Zyx ang taong iyon at hindi ito gagawa ng hindi nila magugustuhan dahil tiwala nga siyang kabisado ng kasamahan niya nag pagkilos nito. Ngayon na galing kay Zeta ang mga salitang iyon, isang kababata rin ni Craig, tila umusbong ang pagdududa sa loob ni Wren. Para bang sa isang iglap ay nagsisi siya na ipinaalam agad nila sa dalawang pulis ang bago nilang bahay, wala na silang tatakbuhan kung sakaling magkaroon man ng gulo muli. Napalunok si Wren bago muling nagsalita, "Anong mainam nating dapat gawin? Sasabihin mo ba 'yan kay Zyx?" tanong niya. Umiling ang dalaga. "Ngayong nandito na ako, gusto kong ako na ang magmatiyag sa magiging kilos nina Craig at ng kaibigan niya. Payag ako na ipakulong ang Fallen Angel, pero dapat pa rin tayong mag-ingat sa maaring maging kapalit ng pakikipagtulungan natin sa pulis." Seryoso ang naging tingin ni Zeta kay Wren. "Huwag mo munang sasabihin ito kay Zyx o kay Cahil, gusto ko lang talaga makasiguro na hindi tayo tatraydurin ng dalawang iyon," aniya. Hindi na umimik pa si Wren, tumango na lang siya habang umaasa na makukumpirma nga ng dalaga ang impormasyong kailangan nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD