Chapter 36

2749 Words
CHAPTER 36 Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nilang lahat nang magtama ang tingin nina Zeta at Craig. Tila kaabang-abang ang magiging unang usapan ng dalawang taong matagal na nagkalayo at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkita na. Pare-pareho nilang hindi inasahan na sa ganitong pagkakataon pa pala maghaharap ang dalawa. Hindi alam ni Craig kung ano ang unang dapat sabihin, tila siya naman ang nakalimot kung paano na magsalita. Hindi niya napaghandaan ang araw na ito dahil wala naman sa isip niya na darating na pala ang pagkakataon na magkakaharap sila ni Zeta ng ganito. Pero siyempre, masaya siya na sa wakas ay magkakaroon na siya muli ng pagkakataon na makausap ang dalaga, hindi niya itatanggi na hinintay din naman niya ang pagkakataong ito. Habang si Zeta naman, wala rin siya masabi dahil hindi rin naman nabanggit sa kanya na may bisita pala silang darating. Wala pang ideya ang dalaga kung sino ang bagong dating, hindi niya maalala kung sino ito at kung ano ang kailangan. Pero alam niya sa sarili niya na pamilyar ang presensya nito, naunahan lang siya ng hiya kaya hindi niya maitanong kung sino ito. May kutob man siya sa kung sino ang isa sa mga dumating dahil sa kahawig ito ng kababata niya ay wala siyang lakas ng loob na sabihin iyon. Nagdesisyon siyang hayaan ang mga kasama niya na sila na ang magbanggit kung sino sila. Habang ang magkakaibigan naman ay nag-oobserba lang, tila pinapanood lang nila kung ano ang naging reaksyon ng dalawa ngayong sa wakas ay magkakaharap na sila at makakapag-usap na rin. Wala silang ibang hiling kundi ang masuklian ni Zeta ang mga bagay na ginawa ni Craig para sa kanya sa pamamagitan ng pagkausap din sa kanya ngayon, maaring hindi pa iyon alam ng dalaga sa ngayon... pero alam naman nilang tatlo na wala namang hinihinging kapalit ang binata sa mga oras na kinausap niya ng sarilinan si Zeta dahil gusto niya rin iyon... hindi naman masama na hilingin na si Zeta naman sana ang gumawa niyon sa kanya. Isang himala kung ituring ni Zyx ang nangyari, wala ni isa sa kanila ang nakahula na ang pagkapahamak pala ni Wren ang maaring makapagpabalik kay Zeta. Tila nagkaroon na naman sila ng bagong 'blessing in disguise.' "Magtititigan na lang ba kayo? Ako ang naiinip sa inyo, eh," ani Wren. Binasag na niya ang katahimikang namayani sa paligid nilang pito. "Z-zeta..." ani Craig, halata sa kanyang boses ang pagkautal nito. Maging ang kaba ay bakas sa kanyang boses, hindi rin maitatanggi na natataranta niya. Napalunok si Zeta at umiwas na ng tingin, wala pa ring ideya ang dalaga kung paano niya kakausapin ang binata. Dahil ang huling alaala niya ay ang binatang iyon ang pulis na nakaharap niya nang araw na maisipan nila ni Zyx na magnakaw sa isang bahay na hindi kasama sina Cahil at Wren. Hindi niya pa rin nakakalimutan ang ginawa niyang pagbaril sa paa ng kasamahan nitong pulis. "Bakit siya nandito? Anong kailangan niya?!" mahina ang boses ng dalaga nang magtanong siya kay Wren, pero bakas din ang takot at kaba. Halatang hindi ito kumportable sa taong nakikita niya. Kumunot ang noo ni Wren sa kanya, takang-taka ang binata sa pagbulong sa kanya nito. Lalo pa siyang naguluhan dahil sa reaskyon ng mukha nito na para bang kulang na lang ay sabihin nitong paalisin ang bagong dating. Naging dahilan ang tanong niyang iyon para mabaling ang tingin ng binata kay Zyx, may kunot pa rin ang noo niya nang tumingin siya sa kaibigan. Sa pagtingin ni Wren sa kanya ay nakapagbigay na rin iyon kay Zyx ng pagtataka. Hindi niya narinig ang tanong ni Zeta kay Wren, pero base sa kanilang mga reaksyon ay alam na niyang may hindi tama. Bumaling ang tingin ni Zyx sa kanyang kapatid, kitang-kita niya ang parehong impresyon na nakita ni Wren sa dalaga. Pagkatapos ay tumingin din siya kay Craig, naawa siya ng bahagya sa binata dahil sa tingin niya ay hindi ito naalala ng kapatid niya. Pero ayaw niyang sabihin ito ng direktahan, ayaw niyang saktan ang damdamin nito lalo pa't isa ito sa naghirap para maibalik sa pagsasalita si Zeta. Nang maintindihan na ni Zyx ang nangyayari ay umabante siya palapit kay Zeta. "Bunso, tara muna sa labas. Mag-uusap lang sila sandali, usap na rin tayo," aya niya sa kapatid. Mula nang bumalik si Zeta sa kanila, hindi nila ito sinabihan ng tungkol sa nangyari sa kanya. Walang nagtangkang magbanggit na isang taon siyang walang imik at tulala lang sa kawalan, dahil takot silang malaman kung ano ang magiging reaskyon ng dalaga kapag nalaman niya iyon. Kaya mula nang magsalita ito ulit, sinakyan na lang muna nila kung anong ugali ang ipapakita ni Zeta at kung ano man ang mga bagay na naalala niya. Wala rin silang binanggit na kahit ano hangga't walang itinatanong ang dalaga, bilang pag-iingat na rin. Bumaling ang tingin ni Zeta sa kapatid na may halong pagtataka. Hindi na lang din ito nakaimik dahil hinala na siya ni Zyx para lumabas. "Kayo na munang bahala riyan, ha? Alis na muna kami, balik kami maya-maya lang!" anunsyo ni Zyx bago sila tuluyang umalis ng kanyang kapatid. Naiwan sa kwarto sina Wren, Cahil, Kristel, Craig, at Dawin. Pare-pareho silang may pagtataka pa rin kung bakit ganoon ang naging reaksyon ni Zeta nang makita ang bagong dating. Napalunok si Craig saka nagsalita, "Kailan pa siya nakapagsalita?" tanong niya habang nakatulala. Wala siyang pakialam kung sino ang may balak sumagot, kasi hindi niya rin alam kung sino ang tatanungin niya. Tumingin si Kristel kay Cahil, nakatayo lang ito at pirme ang tingin sa baba. Halatang walang balak sumagot. Ganoon din si Wren, ramdam din niyang wala itong balak sumagot dahil malikot ang mata nito. Kitang-kita na iwas na iwas ito sa pagsagot. Napabuntong hininga ang dalaga, hindi niya alam kung ayos lang ba na siya na ang sumagot. Pero dahil wala namang may balak magsalita ay siya na rin ang nagpaliwanag, "Nu'ng oras na tumawag sa akin si Zyx para iparating sa akin ang nangyari kay Wren, kasama ko si Zeta noon. Kahit gabi na iyon, dinala ko pa rin siya rito kasi alam kong pareho naming gustong malaman ang lagay niya. Habang nasa byahe kami, ipinaliwanag ko na sa kanya ang nangyari... at pagdating nga namin dito..." Bumaling na ang tingin ni Craig kay Kristel, tila abang na abang ang binata sa sunod nitong sasabihin. "Bigla na lang niyang tinawag ang pangalan ni Wren, hindi niya alam iyon kasi wala pa siyang malay. Pero kaming tatlo nina Cahil at Zyx, nadinig naman iyon. Tapos nauna na siyang lumapit sa kanya, paulit-ulit niyang binanggit ang pangalan ni Wren. Hanggang sa nakatulog siya sa tabi nito," pagtutuloy ni Kristel. Nagawa na ring magsalita ni Cahil, "Nu'ng makatulog siya, pinag-usapan naming tatlo ang nangyari. Napagkasunduan namin na hindi na dapat kami magbanggit ng kahit ano na maaring makasakit sa kanya, maliban na lang kung may itatanong siya. Sabi kasi ni Zyx, iyon din ang parehong bagay na ginawa niya sa kapatid niya mula nang bumalik siya sa pagsasalita noong mga bata pa kayo," aniya. Tumango si Wren at bumaling ang tingin kay Craig. "Nang magkamalay ako ay madaling araw na, nasa tabi ko pa rin si Zeta. Tapos ikinuwento lang nila sa akin ang nangyari. At nang magising siya at nakitang may malay na ako, hindi na siya umalis sa tabi ko," sabi niya naman. Tumango na lang din si Craig sa mga narinig niya, tapos ay naupo siya sa inuupuan ni Zeta kanina. "Ang mahalaga, bumalik na siya sa dati," iyon na lang ang nasabi niya. "Kumusta ka na? Anong sabi ng doktor sa sugat mo? Hanggang kailan ka raw dito?" tanong niya kay Wren, tila ayaw na niyang pag-usapan pa ang tungkol kay Zeta. Ngumisi si Wren sa kanya. "Ayos na 'ko, alam ko na ang pakiramdam ng mabaril. Hindi pala masaya!" Tumawa siya ng bahagya bago itinuloy ang kanyang sinasabi, "Makakalabas na nga raw ako ano mang oras ko gusto, kapag kaya ko na raw tumayo at lumakad pauwi," tuloy pa niya. Habang nag-uusap ang dalawa ay lumapit na lang din si Dawin sa kanila para makinig at makisali sa usapan nila. Masaya ang dalawang pulis dahil ramdam nilang walang sama ng loob sa kanila si Wren o si Cahil, hindi biro ang sinapit ng binata sa kamay ni Karl... pero ang mahalaga ay buhay ito at hindi siya napuruhan. Pinanood lang sila nina Cahil at Kristel habang nag-uusap silang tatlo. Maya-maya lang ay sumingit na rin si Cahil sa usapan nila, habang nanatili naman si Kristel na tahimik lang sa isang sulok. Wala na siyang nagawa kundi maupo na lang doon habang iniisip pa rin ang lagay ni Zeta. Hindi niya maiwasang hindi maging malungkot para kay Craig, hindi pa sila nag-uusap kahit na minsan ng binata pero alam niya kung sino ito sa buhay ni Zeta noong mga bata pa sila dahil ikinuwento iyon sa kanya ni Zyx. Sinabi rin nito sa kanya na si Craig din ang taong tinutukoy nilang natatanging pag-asa nila para mabalik si Zeta sa dati. Pero ngayong nakabalik ang dalaga sa dati, tila nakakalungkot isipin na para bang hindi na siya nito naaalala. Walang makasagot sa kanila ng tanong kung bakit ganoon ang naging reaskyon ni Zeta nang makita nito si Craig. Pero isa lang ang sigurado ni Kristel ngayon: Malamang ay ipinapaliwanag na ni Zyx kay Zeta ngayon kung sino nga ba ito sa buhay nila. *** "Siya?! Iyon 'yung kababata natin sa ampunan dati?! Talaga?! 'Di nga?" sunod-sunod na tanong ni Zeta kay Zyx. Gulat na gulat ang reaskyon ng mukha ng dalaga at tila hindi siya makapaniwala sa sinabi ng kapatid niya. Pag-alis nila sa kwarto ni Wren ay inaya ni Zyx ang kapatid na magpunta na lang sa Cafeteria para bumili ng maiinom. Pagkatapos ay tumambay sila r'on para maipaliwanag ni Zyx kay Zeta kung sino ang dalawang binatang bagong dating. "Oo, iyon si Craig. Nakalimutan mo na ba talaga siya?" tanong naman ni Zyx, pilit na ginagawang normal lang ang usapan kahit ang totoo ay alalang-alala na siya sa magiging reaksyon ng dalaga hinggil dito. Kumunot ang noo ni Zeta sa kanya, pagkatapos ay bumaling ang tingin nito kung saan habang sumipsip muli sa iniinom nitong iced choco. Tila nag-iisip ng isasagot sa kapatid. "Ang akala ko kasi, hindi na natin siya ulit makikita kaya nakalimutan ko na siya." Tapos ay bumaling ang tingin niya sa kausap. "Ang akala ko talaga siya 'yung pulis na nakasalubong natin noong nagnanakaw tayong dalawa!" sabi pa niya. Bahagyang natawa si Zyx dahil sa naging reaksyon ng kapatid, kitang-kita niya ang pagiging inosente nito at tila wala talagang ideya sa mga nangyari. "Siya rin ang pulis na iyon, hindi n'yo lang nakilala ang isa't isa dahil nasa ganoong sitwasyon kayo. Kahit nga ako, hindi ko rin siya nakilala noon. Nagulat na lang din ako na pulis na pala talaga siya—" "Paano kayo ulit nagkita?" putol ni Zeta sa kanya. Nasa mukha pa rin nito ang pagiging inosente at walang ideya sa mga nangyayari. Napalunok si Zyx sa naging tanong ng kausap niya. Hindi niya napaghandaan ang tanong na iyon, hindi niya alam kung ano ang isasagot. Pero sa kabilang banda, alam niyang kailangan niya itong sagutin at kailangan niyang iparamdam sa kapatid na ayos lang ang lahat. "Alam mo naman na lumipat na tayo ng bahay, 'diba? At doon ay naituloy na natin 'yung pangarap nating negosyo. Tapos..." Tumango-tango si Zeta sa kanya habang nakangiti, hawak pa rin niya ang iced choco niya pero hindi na siya umiinom dito. Tila inabangan niya talaga ang sasabihin ni Zyx. Bagay na lalong nagpakaba sa binata. Napalunok si Zyx bago itinuloy ang sasabihin niya, "Ayun, hindi inaasahan ay nagkita na lang kami ulit, kaso madami ngang nangyari kaya hindi kita agad napakilala ulit," aniya. Muli siyang napalunok nang magbago ang reaskyon ng dalaga, naging malungkot ito at bumaling ang tingin sa sahig. "Nabaril si Wren at kailangan siyang dalhin sa Hospital..." ani Zeta, malungkot ang kanyang boses. Tila nakahinga ng maluwag ang binata dahil sa naging sagot ng kausap niya. Nakampante siya na kahit paano ay napaniwala niya ang kapatid niya sa mga sinabi niya. Ayaw niya munang ipaalam sa kapatid niya kung ano ang totoong nangyayari, ayaw niyang malagay na naman sa kung anong pag-alala si Zeta at maging dahilan na naman iyon ng hindi niya pagkibo. Kailangan nilang maging maingat mula ngayon sa pagsasalita. Muling nagtanong si Zeta sa kapatid nang tumingin siya muli rito. "Sino 'yung lalaking kasama ni Craig? Kaibigan din ba natin iyon dati?" Ngumiti si Zyx sa kanya, saka umiling. "Hindi, kaibigan siya ni Craig at kasamahan sa trabaho. Ang dinig ko, siya ang naging kaibigan ni Craig mula nang mahiwalay siya sa atin." Tumango ang dalaga. "Ah, parang tayo kagaya kina Orange at Wren," aniya. "Ganoon na nga." "Sino naman 'yung babaeng kasama ninyo?" kumunot ang kanyang noo hanggang sa sumama ang tingin niya sa kapatid niya. "Huwag mong sabihing girlfriend mo 'yon, Zyx?!" Agad na natawa ang binata sa naging reaksyon nito. "Hindi ko siya girlfriend! Kaibigan siya ni Wren, customer natin sa shop. Kaya dumalaw din siya rito," aniya. Tumango-tanong naman si Zeta. "In fairness, bagay naman sila ni Wren. Dapat ligawan na niya 'yon, sayang naman. Saka para maka-move on na siya sa akin," sabi niya naman. Hindi nawawala ang ngiti ni Zyx sa kanyang labi, kahit hindi niya alam kung ano ba talaga ang mga bagay na naalala ni Zeta ngayon at kung ano ba ang mga nabago sa kanya ay masaya pa rin siya na kahit papaano ay bumalik na ito sa dati. Ang tanging hiling lang niya ay magtuloy-tuloy na talaga ito ay hindi na maulit muli ang mapait na sinapit nito. Naging desidido si Zyx na dapat na talaga silang magbagong buhay para maiwasan na talaga ang trahedyang nangyari, lalo pa ngayon na muntik nang malagay sa alanganin ang buhay ni Wren. Hindi na nila kakayanin kung may mawawala pa sa kanilang apat. Hindi na dapat madagdagan pa ang masasawi sa kanilang grupo. "Balik na tayo?" aya ni Zyx. Tango na lang ang naging sagot ni Zeta, nauna na itong tumayo at maglakad sa kapatid. Kitang-kita sa mukha at kilos nito na bumalik na nga talaga ang dati nitong sigla at tila hindi makapaniwala ni Zyx na nakikita niyang muli ang kapatid niya na ganito muli ngayon. Buong akala niya, hindi na maibabalik ang dati niyang kapatid. Pero ngayon, hindi na niya dapat isipin pa iyon... tapos na sila sa bangungot ng nakaraan. Pagpasok nila sa kwarto ay naabutan nilang bagbibiruan na sila Wren at Dawin, tila silang dalawa ang nagkasundo sa kalokohan. "Sinong may sabi sa 'yong puwede ka nang maging makulit?" pagalit ni Zeta. Natulala si Wren, tila naninibago pa siyang bumalik na ang babaeng madalas umasta ng kakaiba sa kanilang grupo. "Si Father, sabi niya—" "Nananahimik ako rito huwag ninyo akong idamay!" agad na pigil ni Cahil sa kanilang dalawa. Nagkatinginan naman sina Wren at Zeta, sabay nilang ipinagdikit at dalawa nilang kamay na para bang nananalangin at sabay din nilang sinabi ang, "Amen." Isang tawanan ang namayani sa buong kwarto, tila ang dating apat lang na miyembro ng grupo ay nadagdagan na ngayon ng tatlo. Lalong naging masaya ang pagbabalik ni Zeta. Nang matapos ang tawanan, naglakad si Zeta para lapitan si Craig. Hindi ito inaasahan ng binata, pero sa pagkakataon na makita niya ang ginawa nitong paglapit ay agad siyang tumayo at hinarap niya ang dalaga. "Sorry, kasi hindi agad kita nakilala. Malay ko bang 'yung pulis na muntik nang humili sa akin noon ay siya rin pala ang kababata ko! Pero hindi na importante iyon ngayon..." Itinaas ni Zeta ang dalawa niyang kamay, para bang ipinapakita niyang handa siyang yakapin si Craig ano mang oras. "Welcome back!" aniya. Hindi na nagdalawang isip ang binata, malugod niyang tinanggap ang alok na yakap ni Zeta sa kanya. Gaya ni Zyx ay hindi niya alam kung ano ang naalala ni Zeta tungkol sa kanya, o kung ano ang alam ng dalaga tungkol sa kanya. Pero kung ano man ang nakikita niyang kilos ni Zeta ngayon ay masaya pa rin siya... masaya siya na nakabalik na ito sa normal niyang kilos at sa muling pagsasalita nito ay mas masaya siyang kasama na niya itong muli. Madaming bagay ang maaring hindi nakita ni Craig na ginawa ni Zeta mula nang magkahiwalay sila, pero ngayon, tinitiyak niyang hindi na siya muli aalis sa tabi nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD