Chapter 25

2732 Words
CHAPTER 25 "Saang dokumento mo nabasa na hindi na makukulong ang isang kriminal kapag tumulong sila sa kaso ng iba?! Goddamnit, Dominguez! Ikinahihiya kong kilala kita!" Muli na namang sumalo ng sandamakmak na sermon si Craig nang sabihin niya sa C.O. niya ang tungkol sa plano niyang gamitin ang grupo ni Zyx laban kay Karl Christian de Guzman at ang naging kasunduan nila ay hindi na nila ito ikukulong kapag tumulong sila sa pulis. Alam naman ni Craig ang tungkol sa sinasabi ni Ocampo, sadyang gusto niya lang ipakita sa ginoo na gumawa siya ng paraan para magtiwala sa kanya ang mga kausap. Sa bagay kasi na ito, hindi lang sapat ang bagay na magkaibigan at magkababata sila para makumbinsi ang grupo na makipagtulungan sa kanila na ayon sa mga kondisyon nila. "Ilang beses ko bang uulitin sa 'yo na tigilan mo na ang de Guzman na 'yan, hindi ka ba makaintindi na siya ang biktima rito at hindi mo siya dapat hanapan ng butas?! Paulit-ulit na 'ko sa 'yo, ako na ang naririndi sa sarili ko na marinig habang sinasabi ko 'to!" muli nitong sigaw. Napayuko na lang ang kasama at kaibigan ni Craig na si Dawin, wala na rin siyang magagawa hinggil dito dahil nasabi na ni Craig lahat. Ang tanging magagawa na lang ng binata ay samahan ang kaibigan niyang masabong muli. Hindi naman sa pabor siya sa kanilang C.O., dahil sa paniniwala niya ay dapat naman talagang ikulong si Karl dahil gaya ni Craig at gaya ng grupo ng mga magnanakaw na nakausap nila ay saksi rin siya sa kung anong kawalanghiyaan ang ginagawa ng lalaking iyon. Pero hindi rin maitatanggi na may punto rin ang ginoo sa bagay na ipinapaliwanag niya kay Craig, napapansin niyang lumalambot ang kaibigan niya sa grupong iyon dahil lang sa kababata niya ang dalawa sa kanila. "Sir, ginagawa ko lang ang trabaho ko. Kaya ko nga ito ginagawa ay para patunayan na miyembro nga siya ng sindikato!" giit naman ni Craig. Napabuntong hininga na lang ang Hepe ng pulis, tila nasa reaksyon ng mukha niya ang pagod sa pagpapaliwanag sa pulis niya kung ano ang hindi nito maintindihan. "Dominguez, alam kong magaling at maasahan kang pulis. Tapat at dedikado ka pagdating sa trabaho. Lagi ko 'yang sinasabi sa 'yo, alam mo 'yan. Pero sa pagkakataong ito, hindi ko talaga mapagbibigyan ang gusto mo. Sarado na ang kaso ni de Guzman at wala nang rason pa para buksan ang kasong iyon, ang tagal na n'on!" sagot naman ng Hepe niya. Napakamot naman ng ulo si Craig, tila naipit sa isang sitwasyon na hindi niya alam paano siya makakalabas. Bukod sa gusto niyang patunayan na totoo ang sinasabi niya, ayaw niya ring masira kung ano ang ipinangako niya sa mga bago niyang nakilalang kaibigan. "Hindi ko alam kung ano bang nangyayari sa 'yo, kung bakit ka nagkakaganyan. Pero ganito na lang, dahil mapilit ka, bibigyan kita ng pagkakataon na hulihin sa akto 'yang si de Guzman. Ibig kong sabihin, saka lang siya magkakaso kapag may nakita ka nang ginawa niya para masabing miyembro nga siya ng sindikatong sinasabi mo. Doon lang kita puwedeng suportahan, Dominguez," aniya. Isang ngiti ang sumilay sa mukha ni Craig. Sa unang pagkakataon, nakatanggap din siya ng magandang balita mula rito. Hindi man siya pinuri na nahuli na niya ang mga magnanakaw na matagal na niyang hinahanap, ayos na sa kanya na may tiyansa na siyang maikulong si Karl Christian de Guzman. "Salamat, Sir!" ani Craig. Tumaas ang kanang kamay ng kanyang CO na para bang pinapahinto siya nito sa kanyang pagpapasalamat, agad na kumunot ang noo ng binata dahil dito. "Ang sabi mo, nahuli mo na ang grupo. Nasaan na sila? Bakit hindi mo dinala rito sa prisinto?" tanong ng kanyang CO. "Dominguez, kahit sabihin mo pang may impormasyon sila laban kay de Guzman at kahit sabihin pa nila sa 'yo na may ebidensya sila. Kriminal pa rin sila, may kaso pa rin sila. Ano 'to, binigyan ka lang ng isang candy, okay na?" dagdag nito. Agad na napalunok si Craig nang marinig ang tanong na iyon. "Sir, tungkol diyan, may kasunduan kasi kami—" "Kasunduan?! Nakipagkasundo ka sa mga kriminal?! Dominguez, what is this?!" aniya tapos ay lumingon pa kay Dawin. "Alam mo ba 'to, Torres? Hinayaan mo ang partner mo na gawin ito?!" dagdag pa niya, halatang-halata ang pagkagulat sa mga sinasabi ng isang pulis na inakala niyang maaasahan niya. Hindi alam ni Dawin kung sasagot siya o hindi, ayaw niyang mangialam dahil alam niyang diskarte ito ng kaibigan niya. Pero sa kabilang banda, ayaw niya ring madamay sa problemang hindi naman niya ginusto una palang. Sinasabayan niya lang naman kung ano ang gusto ng partner niya. "Sir, pasensya na kung kumilos ako nang hindi nagsasabi sa inyo. Talagang desidido lang akong patunayan sa inyo na may anumalyang ginagawa ang de Guzman na 'yan kaya natakasan niya ang kaso niya sa pagpatay sa isang sibliyan. Ginawa ko lang naman ito kasi ito lang ang tanging paraan ko para maibalik 'yung tiwala ninyo sa akin," ani Craig. Wala nang nagawa ang kanyang Hepe kundi ang mapakamot ulo na lang, tila hindi na niya maintindihan kung ano ba talaga ang gustong patunayan ni Craig. Hindi niya maintindihan kung bakit ganito na lang ang kagustuhan ng binata na maipakulong ang de Guzman na iyon. Lumingon ang Hepe kay Dawin. "Torres, puwede bang lumabas ka muna? Gusto ko lang kausapin ng sarilinan ang partner mo," aniya. Gulat at nagtataka man, wala na nang nagawa si Dawin kundi sundin na lang din ang utos ng kanilang CO. Bago tumayo ay tumingin at tinapik muna niya ang balikat ng partner niya. Saka ito sumaludo sa kanyang CO at umalis sa kwarto. Pag-alis niya, agad na humarap ang Hepe kay Craig. "Ano ba talagang nangyayari? Bakit ba isang taon mo na 'kong kinukulit tungkol diyan kay de Guzman?" tanong niya, mahina ang kanyang boses na para bang ayaw niyang may ibang makarinig sa pag-uusapan nila. Punong-puno ng kuryosidad ang tingin niya sa binata na halos isang taon na rin niyang itinago rito. Napayuko ang binata, tila hindi niya alam kung paano niya dapat sagutin ang tanong na iyon. Sa kanyang palagay kasi, hangga't maari ay wala siyang ibang dapat ipaalam sa kanyang Hepe kundi ang kagustuhan niya lang ipakulong ang isang miyembro ng sindikato. Wala siyang sapat na tiwala rito para sabihin ang lahat ng plano niya dahil may pagdududa siyang isa ang Hepe niya sa maaring kakampi ni de Guzman sa loob ng prisintong ito kaya ito nakalaya kahit pa Murder ang ikinaso niya rito. Isang matibay niyang ebidensya na dapat itong pagdudahan ay ang mga pagkontra nito sa mga desisyon niya tungkol kay de Guzman. "Sir, gusto ko lang talaga siyang makulong dahil iyon ang dapat. Wala namang ibang rason," ani Craig. "Craig, kung ilang taon ka na sa serbisyo, iyon din ang taon mo bilang tao ko. Sa taon ba na 'yon, sa tingin mo hindi ko pa alam ang ugali mo at hindi mo pa ako kayang pagkatiwalaan? Kasi, walang maniniwala riyan sa rason mo. Sobrang babaw kumpara sa gusto mong gawin," aniya. Gulat man na tinawag siya nito sa kanyang pangalan ay hindi ito ipinahalata ng binata. Maingat siya na walang ibang bagay na makita sa kanya para makapagbigay siya ng iba pang maari nitong pagdudahan tungkol sa mga kilos niya. Buong tapang na humarap si Craig sa kausap, "Sir, kung sakaling ipasa ko sa inyo ang tanong... bakit ganoon n'yo na lang akong pagbawalan na ipakulong ang Karl Christian de Guzman na 'yan gayong nakita n'yo naman ang mga ebidensya ko laban sa kanya? Alam mong napatunayan kong kriminal din siya, at ngayong gumagawa ako paraan para lalo iyong patunayan ay panay pa rin ang pagkontra n'yo sa akin. Hindi ko lang maintindihan kung bakit parang ipinagtatanggol ninyo ang isang kriminal." Tumingin ng diretso ang Hepe kay Craig, tila ba kinukumbinsi niya ang binata na huwag nang palalimin pa ang issue na ito dahil lang sa may hindi sila mapagkaunawaang dalawa. Pero nang hindi umiwas si Craig, alam ng Hepe na hindi niya ito makukumbinsi ng ganoong kadali. Kaya siya na lang ang umiwas at siya na lang ang nagpahaba ng pasensya niya. "Dominguez, hindi ko siya ipinagtatanggol. Ang sa akin lang, sana ay maintindihan mo na kung alam mo palang miyembro siya ng sindikato, bakit hindi ka na lang manahimik? Delikado ang gusto mong pakialaman na kaso, kamatayan lang ang naghihintay sa 'yo riyan!" Napalunok ang binata nang marinig ang babalang iyon mula sa kanyang CO. Kitang-kita niya sa mukha nito ang pag-aalala at pagpipilit sa kanya na dapat niyang maintindihan kung ano ang gusto nitong mangyari at gusto nitong maunawaan niya. Napaiwas ng tingin si Craig. "Sinasabi n'yo bang natatakot kayo sa kanila, Sir?" lakas loob niyang tanong. "Hindi isang kaduwagan ang umatras sa laban na alam mong una pa lang ay wala ka nang panalo. Uulitin ko sa 'yo Dominguez, at sa 'yo na rin naman ito nanggaling... sindikato ang binabangga mo. Nang maging pulis ka, isang paa mo na ang nasa hukay, gugustuhin mo pa bang maging dalawa 'yan?! Mag-isip ka naman!" giit nito. Isang matalim at seryosong tingin ang ipinukol ni Craig sa kanyang kausap. "Sir, hindi rin kamangmangan ang lumaban kung alam mong ikaw ang tama. Kung hindi natin tatapusin ang kasamaan nila ngayon pa lang, hanggang kailan pa tayo magiging alipin ng bulok na sistema? Kaya tayo nasa posisyong ito ay para may magtanggol sa naaapi. Kung hindi natin gagawin ang trabaho natin, sinong gagawa?" Hindi agad nakasagot ang Hepe niya, tila tinamaan din siya ng mga sinabi ni Craig. Alam niya naman kung ano ang ipinaglalaban ng binata at aminado rin siyang tama naman talaga ang katwiran nito. Pero ganoon pa man, gusto niya lang namang iligtas ang isang tapat at maaasahang pulis gaya ni Craig sa kapahamakang maaring naghihintay sa kanya oras na simulan niyang bulatlating muli ang buhay ng taong gaya ni de Guzman. "Dominguez, hindi mo madadala sa langit at karangalan at medalya. Ang mabuhay ka ng matagal ang tunay mong kayamanan, hindi ang pera o kasikatan! Bakit ba hindi mo na lang 'yon tanggapin?!" Naiintindihan ni Craig kung ano ang gustong mangyari ng kanyang Hepe. Sa loob ng isang taon nitong pagpapagalit sa kanya sa mga desisyon niya tungkol dito, ngayon ay nagsisisi siyang agad niya itong hinusgahan at pinag-isipan ng hindi tama. Hiyang-hiya siya rito dahil pinagdudahan niya itong kasabwat ng sindikato kaya nito umano kinokontra ang mga balak niya kay de Guzman. Ang kaso lang, hindi kaya ni Craig na gawin ang gusto ng kanyang Hepe. Hindi niya kayang manahimik na lang kung siya mismo ang saksi sa mga ginawang kasamaan ng taong iyon. Maaring masama nga ang pagnanakaw, alam niyang dapat ding pagbayaran nina Zyx ang mga ginawa nila. Pero kung ikukulong lang din naman niya ang mga kaibigan niya, mas gusto niyang makulong din ang taong pumatay sa kaibigan niya. Gustong-gustong banggitin ni Craig sa kanyang Hepe ang tungkol kay Mirabel, gusto niyang sabihin na may halong personal ang pagpipilit niyang ipakulong si de Guzman. Pero sa kabilang banda, alam niya na kahit sabihin niya iyon ay wala namang mababago... tiyak niyang maari pa iyong maging panibagong rason para lalo siyang tutulan nito sa gusto niyang gawin. Isang bagay pa, may kung ano sa loob ng binata na hindi naaalis sa pag-iisip niyang may hindi sinasabi ang kanyang CO tungkol sa usapin kay de Guzman. Para bang iyon ang pinakarason bakit siya nito pinipigilan sa gusto niyang gawin. At kahit gaano niya kagustong itanong iyon ng diretso sa kausap niya, alam niyang hindi naman ito aamin at maaring makapagbigay pa ito ng babala sa kausap na may ideya siya sa kung ano man iyon. "Sir, hindi ko naman din hangad ang magkaroon ng mga sinasabi mo. Ginagawa ko lang talaga ito dahil sa ito ang trabaho ko. Ayokong sumweldo nang walang ginagawa. Nasasabihan na nga tayong puro palaki lang ng tiyan ang ginagawa natin dito, lalo ko pa bang ipapakita na totoo iyon?" Napailing ang Hepe niya, tila suko na talaga ito sa pagpapaliwanag kay Craig, alam na niya kung gaano katigas ang ulo ng kausap niya. "Masaya na ako na kung mamamatay man ako sa gusto kong gawin na ito, napatunayan ko naman sa sarili ko na may nagawa akong tama bago ako mamaalam. Doon lang, kuntento na ako, Sir," dagdag pa ni Craig. Isang buntong hininga ang narinig ng binata mula sa kanyang Hepe. "Sige na, ikaw na ang panalo. Kung 'yan ang gusto mo, bahala ka. Nasabi ko na rin naman ang sagot ko sa gusto mo. Basta siguraduhin mo lang na kapag wala kang napatunayan diyan sa gusto mo, ikukulong mo ang grupo ng mga magnanakaw na iyan." Isang ngiti ang gumuhit muli sa mukha ni Craig nang tumayo siya at sumaludo. "Salamat, Sir!" masigla niyang saad saka naglakad palabas ng opisina. Pero bago niya maisara ang pinto ng kwarto, napahinto pa siya nang tawagin siyang muli ng kanyang Hepe. "Iyong grupo na sinasabi mong tutulong sa 'yo na makulong si de Guzman, kahit kriminal sila, protektahan mo sila. Kapag nalaman ni de Guzman ang konkesyon nila sa 'yo, tiyak na pati sila ay nanganganib na rin ang buhay," paalala nito. Muli, isang tango at ngiti na lang ang isinagot ng binata sa kanyang kausap. Tila nabunutan siya ng tinik dahil nagkaroon silang dalawa ng ganoong pag-uusap. Walang ibang tumatakbo ngayon sa isip ni Craig kundi paano niya sisimulan ang hakbang niya laban kay de Guzman: paano niya huhulihin sa akto ang paggawa nito ng krimen. Pagpasok niya sa opisina ay naabutan niya si Dawin na naglalaro sa kanyang computer. Isang batok ang agad niyang ibinigay dito nang mapadaan siya sa likod nito papunta sa upuan niya. "Ang galing mo, sinasabo na 'ko, nakuha mo pang maglaro lang diyan," reklamo ng binata. Isang ngisi ang binigay ni Dawin sa kanya. "Ano, pare? Gusto mo bang magbanlaw?" pang-aasar niya." "Siraulo!" Isang nakakalokong tawa na lang ang isinagot ni Dawin sa kanya at muling tumingin sa nilalaro niya. "Kumusta ang pag-uusap ninyo? Anong sabi?" tanong niya kay Craig. Nagbukas ng PC si Craig, tila wala itong balak na magtrabaho dahil ginaya niya ang kaibigan niya at ini-load sa computer niya ang laro na gaya ng nilalaro nito. "Wala, narinig mo naman, 'diba? Pumayag siya basta mahuli natin sa akto," sagot niya sa kaibigan. Hindi naaalis ang tingin ni Dawin sa nilalaro niya. "Iyon naman pala, eh. Bakit ang tagal ninyong nag-usap?" Natulala na lang si Craig sa screen ng monitor niya. "Wala naman, kaunting pag-uusap lang tungkol sa grupong hawak natin ngayon," pagsisinungaling niya. Ang grupong tinutukoy niya ay ang grupo nina Zyx. Sandaling tumingin si Dawin sa kanya dahil napansin niyang may iba sa tono ng boses ng kaibigan niya, hinding-hindi talaga siya magagawang linlangin ni Craig sa kahit anong bagay. Pero hindi na lang siya nagsalita, nagpanggap na lang siyang walang nahalata dahil kahit banggitin niya iyon sa kausap niya ay itatanggi lang niya ito. "Ah, so... anong plano natin? Anong gagawin?" tanong na lang niyang muli. Nakatingin pa rin si Craig sa screen niya habang ipinapaikot ng mahina ang kanyang swivel chair, tila hinihintay ang kaibigan na matapos sa paglalaro para makasali siya. "Ang totoo, hindi ko pa alam. Kailangan ko pang mag-isip kung saan puwedeng mahanap ang mga ilegal na negosyo ng Fallen Angel para magkaroon na tayo ng matibay na ebidensya laban sa sindikatong iyon," paliwanag niya. "Iyon lang ba ang problema mo?" mayabang na tanong ni Dawin. "Balikan mo 'yung grupo ng mga magnanakaw. 'Diba kaibigan mo 'yung isa sa kanila at sinabi niyang handa siyang magbigay sa 'yo ng impormasyon laban sa Fallen Angel at kay de Guzman? E 'di, siya ang tanungin mo, sure akong madaming alam 'yon," suhestiyon niya. Tila sinampal ng katotohanan si Craig dahil doon. Nakalimutan na niya ang tungkol sa bagay na iyon dahil nasobrahan siya sa kakaisip kung paano niya mahuhuli ang sindikato. Hindi niya gustong iasa ang lahat kay Zyx o sa grupo niya, aminado si Craig na natatakot din siya sa huling babala ng CO niya tungkol sa kung ano ang kayang gawin ni de Guzman at ng sindikato. Ayaw na niyang maulit sa mga ito ang nangyari kay Mirabel. Para sa kanya ang mawalan ng isang kaibigan, kaya ngayon, gagawin niya ang lahat para maprotektahan ang mga kaibigang natitira na lang sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD