Chapter 24

2728 Words
CHAPTER 24 Pagpasok muli ni Craig sa loob ay agad siyang naupo sa single couch. Diretso lang ang tingin niya habang naghihintay sa grupo nina Zyx na naiwan sa labas. Tila nagkukumustahan pa sila ng naging takbo ng usapan nila ni Zyx. At habang abala pa ang magkakaibigan sa labas ay hindi niya mapigilang igala ang mata sa paligid, paraan niya ito para sandaling libangin ang sarili. Sinundan siya ni Dawin, nakatingin ito sa kanya habang papalapit sa kanya. Kahit ramdam niya ang tingin na iyon ay hindi niya ito nilingon o pinansin, patuloy lang siya sa pagkilatis ng paligid na animo'y may hinahanap kahit wala naman. Pareho nilang hindi alam kung ano iniisip ng isa't isa, pero ayaw ni Craig na siya ang unang magsalita hinggil sa mga bagay na nangyari ngayon. Hanggang sa naupo na lang ang kaibigan niya sa mahabang couch na nasa kaliwang banda niya. "Anong nangyari sa pinag-usapan ninyo? May sinabi ba siya kung saan na sila lumipat ngayon?" agad na tanong ni Dawin. Umpisa pa lang na mag-usap sa telepono sina Zyx at Craig ay may kutob na ang magkaibigan na ang lokasyong itinuro nito ay hindi ang mismong pinagtataguan nila. Hindi niya sigurado kung inayos lang ba nila ang lugar na ito, pero base sa nakita nilang nanggaling ito sa ibang lugar at sa ayos ng bahay nang bisitahin nila ito ng maaga... halata na sinadya lang na ipakitang dati nang may nakatira rito, pero ang totoo ay nasa ibang lokasyon talaga ang bahay nila. "Wala kaming pinag-usapang ganoon," sagot ni Craig sa kaibigan. Tumingin pa siya sa kausap para ipakitang nagsasabi siya ng totoo. Wala rin namang balak na usisain pa ni Craig si Zyx sa bagay na iyon, kilala niya ang kaibigan niya at alam niyang hindi rin magtatagal ay sasabihin niya rin ito sa kanya. Ayaw niyang masira ang tiwala ng mga taong masasabi nilang alas nila sa ngayon dahil lang sa iisang maliit na bagay. "Eh, anong pinag-usapan ninyo?" muling tanong kausap niya. Kanina pa kasi siya hindi mapakali kung ano ba ang naging takbo ng naging pag-uusap nila. Ayaw niyang maipit sa pabor si Craig. Para sa kanya, hindi puwedeng siya pa ang mag-adjust para sa mga kriminal, dahil sa paniniwala niya ay kaibigan niya man ang mga ito o hindi ay sila pa rin ang dapat masunod sa lahat ng bagay dahil sila ang kakampi ng batas. Agad na ikinuwento ni Craig kay Dawin ang tungkol sa nangyari kay Zeta na sinabi ni Zyx, sinabi na rin niya ang gusto ni Zyx na ipakulong si Karl dahil sa mga ginawa nito sa kanilang grupo. Hindi na niya isinama sa kwento ang tungkol kay Mirabel kahit pinag-usapan din nila iyon dahil alam na iyon ni Dawin. "Anong sinagot mo?" aniya habang nakatingin lang ng diretso at seryoso sa kausap. Sandaling napatingin si Craig sa kaibigan bago ito napatingin sa ibang direksyon. Tila nag-iisip ito kung paano niya ba sasagutin ang tanong na iyon. Sandali lang ang naging pag-uusap nila ni Zyx, pero pakiramdam niya, tumagal na ito ng isang araw dahil sa bigat ng hiningi ng dati niyang kaibigan na kahit gusto niyang ibigay ay hindi niya magawa dahil nga nakatali ang mga kamay niya. "Alam mo naman kung ano ang sagot ko," ani Craig. Wala siyang naisip na maaring ibang dapat sabihin dahil iyon lang ang tingin niyang dapat gamitin bilang sagot. Buntong hininga na lang ang naging tugon ni Dawin, may ideya naman siya kung ano ang mga iyon at may parte sa kanya na sinasabihan niya ang sarili niyang hindi na dapat siya nagtanong. Alam din naman ni Dawin na gusto ring makita ni Craig 'yung isa pa niyang kababata na si Zeta, kaya tiyak niyang kahit walang maging kapalit ay agad na pupuntahan iyon ng binata oras na malaman niya kung saan siya puwedeng makita. Lalo tuloy siyang na-curious sa pagkatao ng babaeng iyon. Samantala, nang maiwan naman ang grupo nina Zyx sa labas ay gaya ni Craig, inulan din ng tanong si Zyx sa naging usapan nila ng pulis na kababata niya. Hindi rin sila mapakali dahil ang nakasalalay sa pag-uusap na iyon ay ang buhay nila at ang kalayaang meron sila ngayon. "Sinabi ko 'yung mga pinag-usapan nating dapat niyang malaman," ani Zyx. Tinutukoy niya ang mga bagay na pinagplanuhan din nila ni Cahil. "Tapos? Ano sabi?" usisa ni Wren. Nakaabang lang si Cahil sa isasagot ng kaibigan nila, pero may halong kaba at pag-aalala ang bawat tingin niya kay Zyx. "Desidido naman siyang makita at makausap si Zeta, hindi ako nagkamali sa parteng iyon na sinubukan ko siyang lapitan para sa kapatid ko. Handa siyang maging tulay ulit para makabalik 'yung kapatid ko sa dati niyang sigla." Nakaramdam ng panandaliang saya si Zyx sa parteng iyon, para bang sa mga oras na ito ay sigurado na niyang gagaling na angg kapatid niya. Pero nang magsalita siyang muli ay nawala ang sayang iyon. "Kaya lang..." "Kaya lang ano?" muling tanong ni Wren, halata sa boses niya ang pag-aalala dahil naramdaman niya sa tono ng boses ni Zyx ang pagkabalisa nito. Alam niyang may napag-usapan ang dalawang iyon na hindi nila magugustuhan. Hindi na nagpaliguy-ligoy pa si Zyx, sinabi niya sa dalawang kaibigan niya ang ibinalita ni Craig sa kanya na hindi naman nakulong si Karl kahit pa nakapatay ito. Napalitan pa nga ng inis ang reaskyon ng binata habang nagkuweknto dahil naalala niya na namang walang alam si Craig kung ano ang naging takbo ng kaso ng lalaking iyon. Pagkatapos magkwento ni Zyx, wala nang nakaimik sa dalawa, walang nakapagbigay ng reaksyon. Sinarili nilang dalawa ang inis at pagkadismaya sa mga narinig nila. "Pumasok na tayo sa loob, naghihintay na sila. May kailangan pa tayong pag-usapan," basag ni Zyx sa katahimikan at nauna na itong maglakad papasok. Sumunod naman sina Wren at Cahil sa kanya kahit wala silang pareho ideya sa kung ano ba ang dapat nilang pag-usapan pa. Tumayo naman si Dawin sa mahabang couch at naupo na lang sa katapat na couch ni Craig. Tapos ay doon na naupo ang grupo ni Zyx, nanatili siyang gitna ng dalawa niyang kaibigan. "Ano bang kailangan pang pag-usapan? Ito na ba 'yung parteng huhulihin n'yo na kami at kami pa ang makukulong kaysa sa isang mamamatay tao at miyembro ng sindikato?" inis na tanong ni Wren. Agad siyang nilingon ni Craig na may inis sa tingin niya. "Baka nakakalimutan mong dapat lang talaga kayong makulong dahil mga magnanakaw kayo?" paalala niya. "Tama na 'yan, diretsuhin n'yo na kung anong kailangang pag-usapan para matapos na," awat ni Cahil. Kumalma si Craig dahil doon. "Kung desidido talaga kayong ipakulong si Karl, kayo mismo ang dapat magpatunay na dapat siyang makulong," aniya. "Bakit kami ang magpapatunay? 'Diba kayo ang pulis? Dapat kayo ang gumagawa n'on," sabi naman ni Wren. Talagang hindi na niya mapigilan ang sarili na magsalita ng pabalang dahil hindi niya makalimutan ang sinabi ni Zyx na hindi nakulong si Karl. Napakamot naman ng ulo si Zyx, para bang naiinis siya dahil nagiging matigas ang ulo ng mga kasama niya at wala itong pagkalma. Alam niya namang nakakapikon talaga ang ibinalita niya, pero hindi makakatulong ang pagpapakita nila ng inis nila dahil maaring kapag napikon din si Craig ay hindi na matuloy ang balak nilang dalawa. "Wren, kumalma ka muna. Kontrolado ang kilos ni Craig kaya hindi niya magagawa ang sinasabi mo. Kaya kailangan nating makipagtulungan sa kanila para magawa nating maipakulong si Karl," ani Zyx. Gulat na tumingin si Cahil kay Zyx. "Makipagtulungan?! Makikipagtulungan tayo sa pulis?! Zyx, nababaliw ka na ba?! Wala naman sa usapan natin ito, ah?" aniya. Gaya ni Wren ay hindi na rin niya mapigil ang inis niya at lalo pa siyang nanggigil nang marinig iyon. Ang tanging usapan lang nila ay kukumbinsihin dapat ni Zyx si Craig na tulungan si Zeta, malayong-malayo na iyon sa nangyayari ngayon. "Kailangan nating magtiwala kay Craig, siya lang ang makakatulong sa atin para mapabagsak si Karl," ani Zyx, nagpapalit-palit ang tingin niya sa dalawa niyang kaibigan. "Kung wala ang tulong niya, hindi natin magagawang labanan ng harapan si Karl dahil nakita n'yo naman kung ano ang kaya niyang gawin, 'diba? Kaya kung gusto n'yong masiguro na wala na siya sa landas natin, kailangan nating tapatan o higitan pa ang ginagawa niya," paliwanag ni Zyx. Tumahimik na si Cahil nang marinig niya iyon, sa isang iglap ay nagising siya dahil tama ang katiwirang sinabi ng kausap niya. Pero si Wren, hindi pa rin siya mapakali sa mga nangyayari... "Akala ko ba walang magagawa ang dalawang 'yan, anong tulong naman ang magagawa nila para sa atin?" ani Wren. "Lalabas tayo, ipapakilala natin sa publiko ang sarili natin bilang grupo ng magnanakaw na nanloob sa bahay ni Karl." "Tala bang nababaliw ka na, Zyx?! Ano 'to, nagtago at nagsimula tayo ng bagong buhay tapos panandalian lang pala? Ngayon gusto mo na ay makulong na tayo?! Ano bang pinagsasabi mo?!" muli na namang sigaw ni Wren. Nasa ekspresyon ng mukha niya na hindi niya matatanggap ang sinasabi ni Zyx. Nanatiling kalmado si Cahil, naningkit lang ang mata niya nang mapansin niyang nakangiti lang si Dawin habang nakatingin sa dalawang kasama niyang nag-uusap. Para bang pinagmamasdan nito kung ano ang pag-uugali nilang tatlo at gusto niyang obserbahan ang lahat ng galaw nila. Kahit aminado siyang pareho sila ni Wren ng reaksyon, ayaw niya itong ipakita para hindi makuha ni Dawin kung ano man ang binabalak niya. Naging kalmado rin si Zyx nang sinagot niya ang kaibigan, "Lalabas tayo, pero hindi tayo makukulong. Sinigurado iyon ni Craig dahil gagamitin niya tayo para ibulgar natin ang ginawa ni Karl pati na rin ang sindikato niya." Sandali siyang huminto para sandaling tumingin kay Cahil at itinuloy ang sinasabi niya. "Sa ganitong paraan natin siya lalabanan, maniwala kayong magiging ligtas tayo sa puder ng mga pulis," aniya. "Paano si Zeta?" tanong muli ni Wren. "Huwag kang mag-alala, una palang ay desidido na 'kong makita siyang muli. Kapag nagawa kong mapagsalita siyang muli, sinisiguro ko sa 'yong kasama mo akong magse-celebrate dahil mahalaga rin siya sa akin. Hindi ko rin siya pababayaan," sagot naman ni Craig. Tumingin lang sandali si Wren sa kanya at sandaling tumango. Tapos ay ibinalik na niya ang tingin niya kay Zyx. "Makakasiguro ka bang tama na lumitaw tayo sa madla? Alam mo namang hindi lang si Karl ang nabiktima natin, sigurado akong kapag nalaman nila ang paglitaw natin, pati sila ay magiging kalaban na rin natin. Pare, mayayaman ang iyon at hindi malabong magawa rin nila ang nagagawa ni Karl. Delikado tayo riyan!" paalala niya. Sa pagkakataong ito ay si Dawin na ang sumagot, "As long as hindi natin sasabihin sa media na kayo rin ang nagnakaw sa mga sinasabi ninyong ibang nabiktima ninyo, wala kayong magiging problema sa kanila. Wala kayong alyas o pangalan ng grupo, kaya mapanatag kang hindi maiisip ng mga iyon na kayo rin ang grupong nanloko sa kanila," aniya habang nakangiti. Tumingin si Cahil sa kanya at tumango ito bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. "Isa pa, naka-disguise naman tayo nu'ng mga araw na ninakawan natin sila. At puwede ring gamitin pa natin 'yung disguise na ginamit natin nu'ng makita tayo ni Karl," dagdag niya. "Hindi tayo lalantad na gamit ang totoong mukha natin? Bakit?" tanong naman ni Wren. Masama ang naging tingin ni Zyx sa kanya. "Sira ka ba? Gusto mo bang wala na tayong maging lusot kung sakaling pumalpak ang plano nating ito? Alam mo namang disguise ang naging proteksyon natin hanggang ngayon, 'diba?" aniya. Umismid si Craig saka nagsalita, "Ibig bang sabihin niyan, payag kayo sa plano namin ni Zyx?" aniya. Naging tahimik sandali si Wren at Cahil, tumingin sila ng seryoso kay Craig, Dawin, at Zyx. Tapos ay nagtinginan naman sina Wren at Cahil saka tumango sa isa't isa. "Payag na sila," ani Zyx habang nakangiti at nakatingin kay Craig. Hindi rin napigilan ni Craig ang mapangiti pagtango niya. Ngayong hawak na niya ang mga magnanakaw na isang tao na niyang hinahanap, may kumpiyansa na siyang makakahawak na siya ng bago pang kaso at iyon ay walang iba kundi ang pagbagsak ng Fallen Angel sa kamy niya, lalong-lalo na ang paglalagay niya kay Karl sa dapat nitong kalagyan. "Kailan namin kailangang lumitaw?" tanong muli ni Zyx na para bang handang-handa na talaga siyang harapin ang sindikato. "Puwede anytime, kung kailan kayo maging handa," nakangising sagot ni Dawin. "Ipiprisinta ko kayo sa Hepe ng pulis namin. Ipapakita ko sa kanya na dapat nila kayong pagtiwalaan at hindi ako papayag na hindi siya papayag sa gusto ko. Dahil kapag hindi siya pumayag, tandaan n'yo ang sasabihin ko, ako mismo ang tutulong sa inyong makatakas at sinisiguro kong hindi ko hahayaang makulong kayo," ani Craig, seryoso ang tingin niya sa tatlong magkakaibigan. "Craig! Ano bang sinasabi mo?!" agad na reklamo ni Dawin. Bumaling nag tingin ni Craig sa kanya, seryoso pa rin ito nang sinagot niya ang tanong ng kausap, "Pare, alam mo namang umpisa palang ay may pagdududa na tayo kay Hepe. Kaya kung sa pagkakataong ito ay kumontra pa rin siya sa gusto ko, wala na 'kong gana na sundin ang gaya niya at mas gugustuhin ko pang maging kaaway na lang din ng batas kaysa patuloy na maging tau-tauhan lang ng kagaya niya," giit niya. Kumunot ang noo ni Dawin sa kanya. "Ipagpapalit mo 'yung posisyon mo para lang sa katwirang 'yan? Naririnig mo ba ang sinasabi mo?" hindi makapaniwalang tanong niya. Walang ano-ano'y tumango si Craig sa kanya, para bang hindi na niya pinag-isipan ang isasaogot niya dahil meron na agad siyang sagot sa tanong na iyon bago pa iyon itanong sa kanya. "Naabot ko na ang gusto kong maging pulis ako, sapat na sa akin iyon. Oras na ngayon para balikan ang mga kaibigan kong iniwan ko noon," aniya. Hindi napigilan ni Zyx na mapangiti sa mga salitang binitiwan ni Craig, sigurado siyang kung nandito lang si Zeta at narinig ang sinabi niyang iyon, tiyak na matutuwa rin ito. Samantala, iba ang naging tugon ni Dawin sa sagot ni Craig na iyon. Hindi niya ito nagustuhan dahil ayaw niyang mapariwara ang kaibigan niya. "Sige, kung 'yan ang gusto mo... siyempre, hindi ko hahayaang mawala ka sa serbisyo. Kasama mo akong kukumbinsi sa CO natin para pakinggan ang gusto mo. Ayoko namang mawalan ng kaibigan at partner dahil lang sa plano ninyo," aniya, kahit pilit ay sinubukan pa rin niyang ngumiti sa kaibigan. Ngumiti rin si Craig sa kanya, halos abot tainga ang ngiting iyon dahil masaya siyang naintindihan siyang muli ng kaibigan niya at handa pa itong sumuporta sa gusto niyang gawin. "Salamat, pare," sabi pa niya. Habang patuloy na nakangiti, tumango na lang si Dawin. Aminadong nag-aalala sa gusto ng kaibigan niya. Pero alam niyang wala siyang choice kundi suportahan ito dahil gaya ni Craig, mga bagay din siyang gustong patunayan. Ibinaling na ng binata ang tingin niya kay Zyx. "Ngayon, siguro naman ay may balak na kayong sabihin sa akin kung nasaan si Zeta. Puwede ko na ba siyang makita?" tanong naman ni Craig. Seryoso ang tingin ng tatlong magkakaibigan kay Craig, para bang kinikilatis pa nila kung dapat ba nitong malaman ang lokasyon ng shop nila. Alam nilang tatlo kung gaano ka-importante ang magkaroon ng lugar na gaya ng bago nilang nilapatan para pagtaguan. Kaya malinaw lang na hindi nila iyon puwedeng ipaalam kahit kanino, kahit pa sabihing totoong kaibigan si Craig. "Kukunin ko na si Zeta kapag naayos natin ang mga dapat munang asikasuhin, puwede mo na siyang mabisita rito kapag nasiguro na nating pumayag ang Hepe ninyo sa plano natin," ani Zyx. Hindi nakaangal si Craig, alam niyang may punto rin ito at may posibilidad pang malagay pa sa laganganin ang buhay ni Zeta kapag nagkataon na inilitaw siya na wala pa silang nagagawa maski isang hakbang para sa plano nila. Doon natapos ang pag-uusap nilang lima. Maayos na nagpaalam sina Craig at Dawin habang umaasa na maayos na ang lahat sa pagitan ng dalawang grupo. Pag-alis ng dalawang pulis, hindi umalis sina Zyx sa dati nilang hideout. Nag-ingat sila dahil sa pag-iisip na maaring nag-aabanga lang sina Craig sa kung saan para sundan sila kung saan sila pupunta. Hindi pa nila puwedeng pagkatiwalaan ng husto ang taong iyon. Kay Zyx na mismo nanggaling na kahit kababata niya si Craig, hindi pa rin maitatangging pulis ito at maaring may gusto itong malaman sa kanila na hindi pa nila puwedeng ibulgar.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD