Chapter 26

2737 Words
CHAPTER 26 Ilang araw pagkatapos ng pag-uusap nina Craig at ng kanyang C.O., naging abala ang binata sa mga pagkalap ng impormasyon tungkol sa Fallen Angel. Tila ito ang mga araw na tunay na niyang pinupursige na malaman ang lahat ng ilegal na gawain ng sindikatong ito. Nakadagdag ng lakas ng loob ng binata na patumbahin at hulihin ito ang pagkakaroon nila ng pagkakaintindihan ng kanyang Hepe. Kahit na minsan, hindi pa nagawa ni Craig na kausapin ang kanyang Hepe na gaya ng pag-uusap nila ng ganoon... na para bang hindi na ito tungkol sa trabaho, kundi sa kung ano ang tingin mo o opinyon mo sa isang bagay. Naging daan ang pag-uusap na iyon para mas makilala pa nila ang isa't isa. Tila lalong lumalim ang pagkakakilala nila sa isa't isa nang matapos silang mag-usap, naintindihan nila ng husto ang ipinaglalaban na katwiran ng isa't isa. Sa taon na itinagal ng binata sa ilalim ng pamamahala ni Sir Ocampo, ngayon lang din niya ginawa ang ipaglaban ang isang kaso na ni minsan ay hindi naman na-assign sa kanya. Kaya ganoon na lang din nag pagtutol nito sa kagustuhan niya, lalo pa't alam ni Ocampo na delikado ang ganoong uri ng kaso. Hindi itatanggi ng isang Police Chief Inspector na matagal na niyang kilala ang Fallen Angel. Mas matagal siya sa serbisyo kay Craig at di hamak na mas matanda sa edad. Madami na siyang napagdaanan at madami na siyang nakilalang tao, kriminal man o kagaya nilang pulis. Sa dami ng nasaksihan niyang laban, iyon ang naging basehan niya para kontrahin ang gusto ni Craig na hulihin kahit manlang isang miyembro ng sindikato. Sa tagal niya sa serbisyo, ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya na dapat ay pagbayarin ang mga ganoon kasamang tao para sa mga kasalanan nila sa batas. Kasi ang paniniwala niya nga, kung hindi mo kaya labanan ang isang grupo, hayaan mong may ibang taong lumaban para sa 'yo. Hindi lang siya ang pulis, hindi lang siya ang may trabahong humuli ng kriminal, at lalong hindi lang siya ang may kapangyarihan tumapos sa kasamaan... kaya matibay ang katiwiran niya na hindi lahat ay dapat siya ang gagawa. Isang nakakatakot at nakakabahala ang makakita o makakilala ng isang sindikato. Para bang kapag ito ang nakasalubong mo sa daan, dalawang bagay lang ang maari mong gawin: ang umiwas, o magpanggap na hindi mo sila kilala. Walang nakakatakas sa mata nila kung ikaw ay naging isang kaaway nila. Kaya para kay Ocampo, kabaliwan lang ang naiisip ni Craig. Hinding-hindi niya isusuong sa isang giyera ang isang matinong pulis na gaya ni Craig kung alam niyang ikamamatay ito ng binata. Alam niya na may posibilidad na pinagdudahan na siya ng binata sa puntong pinipigilan niya ito na hulihin ang isang malaking sindikato gaya ng Fallen Angel. Kitang-kita niya sa mata ni Craig na sarado ang isip nito na tumanggap ng eksplenasyon kung bakit panay ang pagtutol niya sa gusto niyang gawin. Ayaw man niyang haluan ng personal na issue ang pag-uusap nila ay wala na siyang ibang magagawa pa kundi ang piliin ito para lang matapos ang diskusyon nila. Minsan kasi ay hindi lang dapat puro tungkol sa propesyon ang pinapairal, kailangan din ng puso para maintindihan ang opinyo n ng iyong katrabaho. At kita naman na tama lang ang naging desisyon niya... naging maayos ang lahat sa pagitan nila ni Craig. Ang kaso lang, hindi lahat ng bagay ay naaayon sa gusto niya. Lalo pa't nagbago ang tingin niya kay Craig, ang dating masunurin at masipag na pulis sa paningin niya ay napalitan at makulit at tila tumapang ng wala sa lugar. Isang masakit sa ulo na tauhan. Hindi pagkakatintindihan ang naging pinaka rason bakit ang pag-uusap nila sa loob ng isang taon ay nauuwi palagi sa sigawan at away. Lumala ang away na iyon at dumating nga sa puntong pareho na silang walang tiwala sa isa't isa. Pero si Ocampo ang nakaisip na kung magiging ganito lang sila, walang mangyayari at walang maaayos. Kaya nagpapasalamat siya na nagkaroon sila ng pag-uusap na talagang bumago sa nangyayari na kagaya ng gusto niya. Wala pa rin siyang ideya sa kung ano talaga ang pinaka rason ni Craig bakit nito pinipilit na labanan o talunin ang Fallen Angel. Pero hindi na iyon ang mahalaga sa ngayon, ang tanging pinanghahawakan na lang niya ay ang natitira niyang tiwala sa binata na ang rason na iyon ang magtuturo sa kanya sa kung ano ang tama o maling desisyon niyang gagawin habang kinakaharap ang pagsubok na siya rin naman ang pumili. Ang tanging hiling lang niya ay sana... maging daan ang pag-uusap nilang iyon at ang kasong iyon para bumalik ng unti-unti ang tiwala nila sa isa't isa lalong-lalo na sa dati nilang pag-uusap tungkol sa trabaho. Si Craig ang tipo ng taong kapag may gustong patuanayan, hindi niya talaga ito lulubayan hangga't hindi niya nagagawa. Kung sa tingin ng iba ay mababaw lang ang ipaghiganti ang kamatayan ng isang kababata niya sa kamay ng isang sindikato kumpara sa buhay niyang malalagay sa panganib kapag ginawa niya ito, para sa binata, mas maigi nang piliin ang lumaban kaysa maghintay ng himala. Naniniwala siyang ito ang unang hakbang para lalo kang lumakas at tumapang, kumbaga ay para mas gumaling pa siya bilang isang pulis. Sa ilang araw na paghahanap ng impormasyon ni Craig tungkol sa Fallen Angel, iisa lang ang tanging itinuturo ng mga impormasyong iyon: ang sindikatong iyon ay para ring isang grupo ng magnanakaw, nang-eenganyo sila ng taong sasali sa grupo nila para sa madaliang pagyaman. At ang hindi alam ng biktima, iyon na pala ang huling araw na mangangarap sila... dahil iyon na rin ang katapusan at pamamaalam nila sa mundo. Karumal-dumal ang mga sinasapit ng mga taong nabibiktima ng Fallen Angel, para silang literal na mga anghel na naging demonyo na bumaba rito sa lupa para umubos ng mga nilalang na nabubuhay dito sa mundo. Para silang mga lason na patuloy na sumisira sa balanse ng kabutihan at kasamaan ng mundo. Walang sinoman ang nanaising banggain ang isang gaya nila kung alam nila kung ano ang kayang gawin ng grupo. Para bang ito na ang pinakamadaling daan tungo sa kamatayan. Pero para kay Craig, hindi ito ang dapat maging konsepto ng buhay, dapat ay hindi ganitong uri ng kasawian ang maranasan ng tao... gusto niyang ang maging huling biktima ng Fallen Angel ay si Mirabel na. Dapat nang tapusin ang paghahasik nila rito sa mundo. Walang malinaw na datos si Craig kung saan nga ba maaring makita ang mga gaya ni Karl na miyembro ng Fallen Angel, kahit ilang araw na siyang naghahanap ng impormasyon tungkol sa grupo ay wala pa rin siyang ideya kung paano ba nagtatrabaho ang organisasyon. Samakatuwid, wala siyang ibang nalaman kundi kung ano lang ang ginagawa nilang ilegal. Kaya katwiran niya, ito na ang tamang pagkakataon para muli niyang tawagan at kitain ang grupo ni Zyx. Alam niyang sila lang ang maaring makatulong sa kanya pagdating sa ganitong problema. "Tinanong mo 'ko dati kung puwede bang impormasyon na lang ang maging kapalit ng kaligtasan ng mga kasama mo, 'diba? Anong impormasyon ba 'yung alam mo?" ani Craig. Kausap niya si Zyx, pinuntahan niya ang binata na ngayon ay nasa dating hideout. Naging usapan ng kanilang grupo na habang may kasunduan sila kay Craig, hindi pa rin dapat mapabayaan ang negosyo nila. Kaya sina Wren at Cahil pa rin ang abala sa kanilang shop. "Wala akong hawak na kahit anong impormasyon, pero alam ko kung paano iyon mahahanap," mayabang na sagot naman ni Zyx. Siya lang ang nandito sa dating hideout, napag-usapan nila ng grupo na mas mainam na maglagi na lang siya rito para kung sakaling manggulat man ng bisita si Craig gaya ngayon, hindi ito mag-iisip na hagilapin pa ang isa nilang hideout. Tumango si Craig. "Iyon din ba ang ginamit mo para mapasok ang unit ni Karl? Ibig mo bang sabihin, bago n'yo pa nakawan ang taong 'yon, kilala n'yo na siya bilang miyembro ng sindikato?" aniya. Habang nagtatanong, hindi maiwasan ni Craig na igala ang tingin niya sa paligid. Tila ba nagbabaka sakali siyang makikita niya si Zeta sa paligid, umaasa siyang narito na ang dalaga kahit pa alam naman niya na hindi pa ito basta-basta ibibigay ni Zyx sa kanya. Si Zeta ay naiwan pa rin sa bago nilang Hideout, si Kristel ang kasalukuyang nagbabantay sa kanya. Tumingin ng diretso si Zyx kay Craig bago siya sumagot. "Ang totoo, wala pang ideya ang grupo kung sino siya nu'ng mga oras na ninanakawan namin siya. Oras lang kasi ang ginawa naming preparasyon para pasukin ang bahay niya, hindi gaya sa iba naming misyon na inaabot ng linggo o buwan bago namin matapos ang trabaho," paliwanag niya. Napangisi si Craig, hindi niya akalain na makikitaan niya si Zyx na sugapa pala ito sa pera. Napansin niya iyon sa kausap base sa kung paano ito magkwento, sa punto palang na alam na niyang miyembro ng sindikato si Karl bago pa mangyari ang nakawan at hindi nito pagpapaalam sa mga kasama niya ay patunay lang na talagang hinabol niya ng malala ang perang maari nilang makuha rito. "Saan natin puwedeng malaman kung paano ba sila magtrabaho?" Sa pagkakataong ito, si Zyx naman ang napangisi. Wala pa man silang nasisimulang trabaho ay gusto na niya ang nangyayari. "Pareho kami ng istilo ng kalokohan, gumagamit din sila ng mga normal na negosyo para mang-enganyo ng biktima," ani Zyx. Humarap siya sa monitor ng kanyang PC at may kung anong kinatikot doon. Nang dumikit sa kanya si Craig ay muli siyang nagsalita, "Gaya na lang ng Condo na tinitirahan ni Karl na pinasok namin, nang tumira siya r'on, tapos na 'yung interview sa kanya paano siya yumaman ng ganoong kabilis. Lahat ng tao sa paligid ng condo o 'yung mga kapitbahay niya ay naging curious sa kanya, kaya ang tendency ay sila mismo ang gumawa ng paraan para makausap nila si Karl. Iyon din ang ginamit naming paraan para magkaharap si Wren bilang taong mahilig sa pabango at si Karl," paliwanag niya. "Pabango? Anong kinalaman n'on sa pagnanakaw ninyo?" usisa ni Craig. "Kung gusto mong isahan ang isang tao, dapat madami kang alam tungkol sa kanya. Ang alam ni Karl, gumawa ng paraan si Wren noon para makausap siya tungkol sa paano siya yumaman. Hanggang sa nagkayayaan na sila sa Coffee Shop, ginamit ni Karl ang paraan na iyon para makumbinsi si Wren na sumali rin sa samahan nila. Ang hindi niya alam, siya ang nililibang ni Wren para mapasok namin ang bahay niya," ani Zyx. Kumunot ang noo ni Craig. "Sinasabi mo bang, si Karl ay isa lang agent ng Fallen Angel na nag-eengganyo ng mga taong gusto ring yumaman?" tanong niya. Tumaas ang kaliwang kamay ni Zyx habang nakaturo ang hintuturo niya paitaas. "Kuha mo! Mababang miyembro lang si Karl ng kanilang sindikato. At madaming gaya niya ang nagpapanggap na isang business man para makahiyakat ng mabibiktima." Naningkit ang mata ni Craig. Ngayon ay nagkakaroon na siya ng ideya sa kung anong klaseng paraan ang ginagawa ng Fallen Angel. Naisip din ng binata na sa galing at yabang ni Karl nang makalaban nila ito noong araw na mapatay si Mirabel, hindi niya akalain na 'yung posisyon niya pala noon ay isang mababang miyebro lang ng sindikato. Pero kahit nasa baba lang siya, may mga tauhan na siya noon. Ibig lang sabihin, mas malalaki pa ang nasa taas. "Sinasabi mo bang business man lahat ng miyembro nila?" Kumunot ang noo ni Zyx na para bang nag-iisip siya ng sagot, inilagay pa niya ang kaliwa niyang kamay sa baba para mas maipakitang nag-iisip talaga siya. "Hindi ko sigurado, pero karamihan ng alam ko ay mga business man talaga," aniya. "Bakit inalam mo 'yun? Anong kinalaman ng mga kasama ni Karl na agent ng Fallen Angel sa plano n'yong nakawan siya? Huwag mong sabihing balak n'yo rin silang nakawan?" hindi makapaniwalang tanong ni Craig. Pagak na tumawa si Zyx. "Hindi, ah! Hindi naman kami magsu-suicide. Inalam ko lang noon kasi kailangan kong iwasan ang mga kasama niya para sa pagtakas namin sa kanila." Hindi kaagad nakapagsalita si Craig, tila hindi niya agad na-proseso sa utak niya kung paanong nagkaroon ng ideya si Zyx sa ganoong kahirap na impormasyon. Siya na isang pulis, hirap na hirap siyang mangalap ng impormasyon tungkol sa sindikato. Pero para sa kausap niya, para lang itong isang laro na kapag nasip niya ay gagawin niya. "Paano mong—" hindi na alam ni Craig paano pa siya magtatanong. Tumingin si Zyx sa kanya. "Ang pinakaimportante sa isang hacker o analyst, dapat maski maliliit na bagay ay bibigyan mo ng pansin. Siyempre, si Karl lang ang alam kong source ko para makilala pa ng husto ang sindikato. Kaya siya lang ang ginamit ko para malaman ang ibang bagay na gusto ko pang ungkatin," paliwanag niya. Ibinalik niya ang tingin sa monitor ng PC niya bago muling nagsalita, "Binalikan ko 'yung kopya ng data ko sa unit ni Karl, tumingin ako sa paligid ng design ng bahay niya at tiningnan ko ulit 'yung lugar kung saang lugar siya na-interview. Kaya dahil doon, nalaman ko kung ano ang simbolo ng kanilang samahan..." Agad na nagkatinginan ang magkaibigan nang mabanggit ang tungkol sa simbolo. Hindi na umimik pa si Craig, hinintay na lang niyang magsalita muli ang kausap niya. "At ang simbolong napansin ko na pareho sila ay.... isang leon na may pakpak. Iyon ang simbolo ng Fallen Angel," ani Zyx. Tila kinalabutan si Craig nang marinig iyon. Para bang sa puntong ito, nagkaroon siya ng linaw sa mga bagay-bagay... tila ang impormasyong iyon ang nagbigay sa kanya ng pakiramdam na sa wakas ay umusad na ang kasong sinusubukan niyang i-resolba. Itinuloy ni Zyx ang sinasabi niya pagharap niyang muli sa PC niya. Kinatikot niya ito para ipaktia kay Craig ang mga impormasyong nalaman niya nu'ng mga panahong pinaplano pa lang nilang tumakas sa Fallen Angel. "Kaya ang ginawa ko lang noon ay inalam ang mga lugar o taong may kapareho ng simbolong iyon. Pero ang nakakalungkot, isang lugar lang ang nakita kong meron..." Tapos ay ipinakita ni Zyx ang picture ng Restaurant na pinuntahan nina Zeta noon. "Kaya ang tanging pumasok lang sa isip ko ay maaring may listahan sila ng iba pang negosyong gaya niya na kasamahan niya sa Fallen Angel. At hindi naman ako nagkamali ng hinala, nakuha namin iyon!" masigla niyang saad. Hindi na talaga nakapagsalita si Craig, sobra niyang hinangaan ang kausap niya. Sa buong talambuhay niya, ngayon lang siya humanga sa abilidad at talino ng isang kriminal... lalong-lalo na ng isang magnanakaw. Habang patuloy na ipinapaliwanag ni Zyx kung ano pa ang ibang impormasyong kailangan nila sa misyong ito ay hindi maiwasan ni Craig na mapaisip kung ano ang maaring maiambag ng kaibigan niya sa gobyerno o kahit sa departamento na lang nila kung ganito siya katalino. Ngayon niya naiintindihan kung bakit walang sinomang pulis ang nakahuli sa kanilang grupo, sobrang galing ng kanilang utak na halos hindi ka na maniniwalang iyon ang ginawa nila para makatakas sila sa humuhuli sa kanila. Natapos ang pag-uusap ng dalawa sa mga lugar na nalaman nila at kung sino-sinong mga tao ang may hawak ng negosyong iyon. Ang sunod na lang nilang dapat gawin ngayon ay alamin kung ano ang pagkakapareho ng mga ito para makumpirmang miyembro nga sila ng sindikato dahil wala nga sila nu'ng simbolong sinabi ni Zyx. Paglabas ni Craig sa Hideout, pagsakay niya ng sasakyan, isang tao ang kanyang tinawagan. "Pare, tapos na kami mag-usap. May nakuha na rin akong impormasyon. Ikaw, kumusta?" Ang kausap niya ay si Dawin, ang partner at nag-iisa niyang kaibigan sa kapulisan. [Ayos na pare, alam ko na kung saan itinatago ni Zyx si Zeta. Nakita ko si Wren na lumabas sa isang shop kasama isang magandang babae,] aniya mula sa kabilang linya. Kumunot ang noo ni Craig. "Babae? Si Zeta na ba 'yon?" tanong niya. [Tingin ko, hindi. Nakakapagsalita 'yung babae at mas bata siya tingnan kumpara kay Wren. Sa tingin ko, ito ang nag-aalaga kay Zeta ngayon. Mukhang kaibigan nila, eh.] Kahit hindi nakikita ng kausap, napatango si Craig. "Sige pare, salamat. Kita na lang tayo sa opisina," aniya saka ibinaba ang tawag. Walang balak traydurin ni Craig si Zyx, wala rin siyang balak na sirain ang usapan nila. Pero sadyang hindi lang makapaghintay ang binata na makita na muli ang iisang babae na nagkaroon ng espesyal na parte sa puso niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD