Chapter 31

2738 Words
CHAPTER 31 Sa orihinal na plano, sumugal si Craig sa pag-asa na maari nilang mahingi ang tulong ng may-ari ng tindahan para sa gagawing paghuli ngayon kay Karl. Tila nawala sa isip ng binata na maaring makaramdam ng takot ang mga taong makakausap nila. Minsan talagang darating ka sa punto na makakalimutan mo ang maliliit na detalye ng isang bagay dahil sa pag-iisip mo ng husto sa bagay na kailangan mong gawin. Iyon ang isa sa mga napagtanto niya ngayon lang. Hindi niya inasahan na darating sila sa parte na mas makakaisip pa sila ng mas magandang plano, isang plano na mas epektibo pa kaysa sa naisip niya. At ang pinaka hindi niya inasahan sa lahat ay nanggaling ang ideyang iyon sa mga taong akala niya ay hindi niya na magiging kaibigan ulit. Pero ngayon ay unti-unti na silang nakakabuo ng magandang samahan. Sa Hideout na muli natulog sina Craig at Dawin, tumutuloy sila rito hindi na lang dahil sa misyon nila... pinaramdam sa kanila ng grupo na tanggap sila sa bahay nila kahit pa magkaaway ng natural ang propesyon nila; isang bagay na malayo sa pag-iisip niya noong una na ang mga taong ito ay nakikita niya lang na mga 'magnanakaw na gagamitin namin para mahuli ang totoong may sala.' Habang tumatagal ay mas napapalapit ang loob ng binata sa mga taong iba ang mundo sa kanya, hindi niya namamalayan na nakakabuo na pala sila ng isang solidong samahan higit pa sa isang grupo na may iisang misyon lang; at ang tawag niya sa samahang iyon ay: kaibigan. Nang matapos makausap nina Craig ang mag-asawang Solis ay agad na ni-report ni Craig ang mga pangyayari sa kanyang C.O. bilang pagsasabi na rin ng kanilang magiging plano para mahuli si Karl. Sa tulong ni Sir Ocampo, nakakuha ng suporta si Craig sa ibang pulis bilang mga bantay sa paligid ng tindahan. Nagpagawa na rin sila ng mga maskarang gagamitin nina Wren at Cahil bilang disguise sa pagharap kay Karl na kamukha ng dalawa sa anak ng mag-asawang Solis. Ngayong handa na ang lahat, handa na rin silang magbantay sa tindahan para abangan ang pagdating ng araw na bibisita na si Karl sa tindahan na iyon. Naka-monitor naman kay Zyx kung saan na nakarating si Karl, kaya natiyantiya na rin nila kung kailangan mapapadaan si Karl sa Grocery Store ng mga Solis. Bago magsimula ang trabaho, pinuntahan muna ni Craig si Zeta para kumustahin. Sa ganitong pagkakataon na lang kasi niya mabibisita ang dalaga dahil abala na nga siya sa pagtatrabaho. Naabutan niya ang dalaga na nakaupo na sa kanyang kama, kagaya ng mga nakaraan ay nakatulala lang ito kung saan at wala pa ring imik. Sa tuwing nakikita siya ni Craig na ganito ang lagay ay hindi niya maiwasang hindi masaktan, pero kailangan niyang tatagan ang kanyang loob para maiparamdam sa dalaga na naghihintay siya sa paggaling nito. "Magtatrabaho ulit kami, kasama ko ulit sina Zyx. Sana sa susunod, kasama ka na rin namin," bati ni Craig nang makaupo siya sa tabi ng dalaga. Muli niyang hinawakan ang kamay ni Zeta, sa ganitong paraan niya ipinaparamdam sa dalaga na nakatabi na siya rito. Tapos ay hinahalikan niya ito, gusto niyang iyon ang tumatak sa isip ni Zeta... na siya lang ang tanging gumagawa ng bagay na iyon para sa kanya. "Dito ka lang, ha? Babalik ako mamaya," ani Craig. Iniwan na niya ang dalaga saka nagtungo sa kabilang kwarto kung nasaan si Zyx. "Kumusta? Nasaan na sila?" ani Craig pagpasok pa lang. Nilingon siya sandali ni Zyx, tapos ay ibinalik na rin ang tingin sa monitor. "Papunta na sina Wren at Cahil sa location. Gaya ng plano, ihahatid lang sila ni Dawin papunta r'on," paliwanag niya. "Kumusta ang mga kasamahan mong pulis?" tanong niya pa. Madilim pa sa labas, sakto lang ang labas nila dahil wala pa halos tao sa paligid, walang makakapansin ng pagpunta nila sa bahay ng mag-asawang Solis. Dahil kasabwat ang mag-asawa, papapasukin nila sa loob ng bahay nila ang dalawa at doon nila isusuot ang disguise nila. Kasama na sa naging preparasyon nina Wren ay inaral din nila kung paano magsalita o kumilos ang mga karakter na ginagaya nila, itinuro ito ng mag-asawa. Kailangan nilang maging perpektong anak ng dalawa para kung sakali ay hindi mahalata ni Karl na sila rin ang parehong tao na nakaharap niya noon. Nag-check ng phone si Craig bago niya sinagot ang kausap. "Papunta na rin sila, gaya rin ng plano ay hindi sila naka-uniporme at magpapanggap din silang mga sibilyan o tambay sa paligid ng tindahan," sagot niya. Maiiwan si Craig dito sa hideout kasama ni Zyx dahil hindi siya puwedeng makita ni Karl dahil kilala siya nito. Maging si Dawin ay kailangan ding bumalik ng hideout pagkatapos niyang ihatid ang dalawa. Si Craig na rin ang magsisilbing operator para sa mga kasamahan niyang pulis, kasama niya si Dawin mamaya. "Pare," tawag ni Zyx sa katabi niya. "Good luck," aniya, nag-alok pa ng fist bump. Ito ang unang beses na may makakasama siya sa loob ng kwarto niya para sa misyon. Hindi inasahan ni Zyx na darating ang ganitong pagkakataon, lalo pa na si Craig ang kasama niya. Ngumiti si Craig nang makita niya ang kamao ng kaibigan, agad siyang tumugon dito. "Sa 'yo rin, good luck." Nagkaroon na ng katahimikan sa pagitan ng dalawa pagkatapos n'on. Samantala, nakarating na sina Wren at Cahil sa tindahan. Pagbaba nila ng sasakyan ay sinuri muna nila ang paligid. Ilang beses na silang nakarating dito pero kailangan pa rin nilang mag-ingat, hindi nila alam kung kailan aatake ang kalaban. "Pare, ingat kayo," ani Dawin. Naging dahilan iyon para mapahinto sa paglalakad sina Wren at Cahil, sabay silang napalingon sa kasama nila na may pagtataka sa kanilang mga mukha dahil sinabihan sila ng ganoon ng taong hindi nila inaasahang magsasabi n'on. Ilang sandali lang ay ngumiti na rin si Wren sa kanya, lumapit ito para makipag-appear kay Dawin na nasa loob ng sasakyan. "Ikaw din pare, ingat," aniya. Tinanggap naman ni Dawin ang kamay niya. Nananatiling nakatayo si Cahil. "Ingat ka, huwag kang gagaya kay Wren na hindi nag-iisip kapag nagmamaneho," aniya, nakaharap siya kay Dawin. Agad na sumama ang tingin ni Wren sa kanya. "Manahimik ka nga, ikaw nga laging nagmamaneho para sa atin tapos ako sasabihin mo niyan?" reklamo niya. Bumaling din ang tingin ni Cahil sa kanya. "Ngayon alam mo na kung bakit ako lagi," aniya. Nauna na rin siyang tumalikod kay Dawin para simulan nang maglakad papunta sa bahay ng mga Solis. Naging rason iyon para ulanin siya ng salita mula kay Wren, tila panay ito reklamo ng kung ano-ano at hindi na lang niya pinansin. Naiwan si Dawin na nakangiti habang iniisip na, 'Hindi rin naman pala masamang maging kaibigan ang mga gaya nila.' Nang makalayo na ang magkaibigan ay pinaandar na muli ni Dawin ang sasakyan. Nang nakabalik siya sa highway ay nagsalita siya ng, "Naihatid ko na sila. Standby na kayo," aniya. Kausap niya ang mga pulis na kanina pa nasa paligid ng bahay at ng tindahan. [Copy, Sir!] halos sabay-sabay na sagot ng mga kasamahan niya. Narinig din iyon ni Craig, sa kanya naka-konekta ang mga mic ng mga pulis. Habang si Zyx naman ang naka-monitor sa mic nina Cahil at Wren. Hanggang sa dumating na ang pagsikat ng araw. Ala-sais pa lang ng umaga ay handa na sina Wren at Cahil, suot na nila ang disguise nila at alam na nila ang dapat unang gawin. Si Mario ang nagbukas ng tindahan, siya rin muna ang magbabantay dito habang maaga pa. Kahit kabado pa rin siya ay hindi niya rin naman kayang pabayaan ang tindahan niya, kailangan din niyang umarte ng matapang dahil alam niyang pumayag siya sa kasunduang pakikipatulungan sa pulis. Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na dapat na lang siyang magtiwala sa dami ng pulis na nakakalat sa paligid ng kanilang bahay at tindahan. Hanggang sa pumasok na sa eksena si Wren. "Papa, ako na lang ang magbantay ng tindahan. 'Diba masama ang pakiramdam ninyo kagabi pa?" aniya, hinawakan niya pa ang kaliwang balikat ng matanda habang kinakausap ito. Ginawa ito ni Wren dahil may mga customer na sa paligid, kailangan na niyang umarte bilang anak ni Mario. "Aba, Kristian! Narito ka pala! Kailan ka pa dumating?" bati ng isang customer na nakapila sa counter. Sandaling nagitla si Wren, nabanggit ng mag-asawa sa kanila na ilan sa mga regular customers ng tindahan ay kilala na ang kanilang pamilya. Kaya hindi nila maiiwasang hindi ma-encounter ang mga gaya nito. [Ester ang pangalan niya, sa tindahan na 'yan madalas ang takbo niya para bumili ng ulam nila para sa almusal,] ani Zyx na nasa kabilang linya. Napalunok si Wren, hinarap ang may edad na babaeng nagngangalang Ester. "Kagabi po. Nataranta kasi ako sa tawag ni Mama na masama raw ang pakiramdam ni Papa at maaga raw itong natulog, kaya napasugod ako ng biglaan dito. Mainit po kasi ang panahon, eh. Natatakot ako baka umatake ang highbloob niya," aniya. Pagak na natawa ang ginang. "Naku, ikaw talagang bata ka. Normal na sa mga gaya naming may edad ang matulog ng maaga. Paano naman ang mag-ina mo? Iniwan mo r'on." Malapit na sa pila ang ginang, habang si Mario ay patuloy lang sa pag-scan ng mga binili ng mga customer na nasa pila. Pinipilit na umarte ng normal. Hindi naaalis ang ngiti sa labi ni Wren. "Babalik naman po ako mamayang hapon, eh. Talaga tiningnan ko lang ang lagay ni Papa." Sumingit na sa usapan si Mario, "Akala ko kapag may pamilya na, hindi na magiging makulit. Kaso ang kulit pa rin, um-absent pa sa trabaho para lang puntahan ako. Sinabi ko naman kagabi na ayos lang ako," aniya habang nakatingin kay Ester, nakangiti rin ito. Halata ang kaba sa kanyang ngiti pero ginagawa ang makakakaya para hindi ito mapansin ng iba. Tumingin si Wren sa kanya habang nakangiti, natutuwa siya dahil sa katapangang ipinapakita ni Mario. Ginagawa niya talaga ang makakakaya niya para makatulong kahit papaano. "Papa, nanginignig ang boses mo. Hindi ka maayos. Kaya sige na, ako na riyan. Dati ko na rin namang ginawa ang ginagawa mo, kaya ko na 'yan." Tumingin si Mario sa kanya, sandaling nag-alala nang marinig ang sinabi ng lalaking nagpapanggap na anak niya na nanginginig ang boses niya, napalunok siya dahil doon. Pero dahil nakangiti ang kaharap niya, inisip niya sinabi niya lang ito para ipakita talaga sa mga taong hindi maganda ang lagay niya. "Sige na nga, puntahan ko na lang ang mama mo. Ikaw na bahala riyan, ha," ani Mario. Hinawakan pa sa balikat ang binata na para bang ito talaga ang anak niya. [Cahil,] tawag ni Zyx sa kabilang linya. Hindi na sumagot ang binata, kusa na lang siyang lumabas ng bahay at pumunta sa tindahan. "Papa!" tawag niya. Kumunot ang noo ni Mario, sinusubukan pa ring isipin na mga anak niya nga ang kasama niya ngayon. "Kristoff! Anong ginagawa mo rito? Sinong kasama mo?" aniya, tila tumingin pa sa paligid para tingnan kung may kasama ito. Si Wren na ang humalili kay Mario sa counter, sanay na siya sa ginagawa niya dahil nag-practice siya nito bago ang araw na ito. "Aba, mukhang araw ng bisita ng mga anak mo ngayon, Mario! Kagabi, panganay mo ang dumating. Ngayon naman ang bunso mo. Iyong pangalawa mo na lang ang kulang!" sabi naman ni Ester. Siya na ngayon ang inaasikaso ni Wren. Lumingon si Mario sa kanya, nagbigay ito tawa bilang sagot sa ginang. Tapos ay ibinalik din agad ang tingin kay Cahil. "Alam ba ng asawa mo na narito ka?" tanong pa niya. Wala ito sa plano nila, pero gusto niya pa ring subukan na makadagdag sa eksena. Ngumiti si Cahil sa kanya, naintindihan niya agad kung ano ang gustong gawin ng matanda. "Ang totoo niyan, Papa... nag-away kami. Kaya gusto ko munang mag-stay dito habang pinapalamig ko pa ang ulo niya. Alam na rin ni Mama," aniya. Pagkatapos n'on ay nagkaroon ng biruan mula sa mga customer. Isang patunay na nakumbinsi nila ang mga tao na silang dalawa nga ang mga anak ni Mario, hindi na sila ngayon mahihirapang gumalaw. Nang makaalis na ang mga customer, silang tatlo na lang ang naiwan sa loob ng Grocery Store. Pare-pareho silang nasa counter at naghihintay ng susunod na papasok na customer. "Tatay Mario, mas maigi siguro kung pumasok na kayo sa loob. Hindi natin sigurado ang mga susunod na mangyayari, mas maigi na 'yung nag-ingat kayo," ani Wren, binasag niya ang katahimikan sa pagitan nilang tatlo. Bumaling din ang tingin ni Cahil kay Mario. "Magaling ang mga ipinakita ninyo, tamang-tama lang ang arte ninyo. Ayos na 'yun, kaya na namin ito," dagdag niya. Ngumiti ang matanda. "Hindi ko itatanggi sa inyo na hanggang ngayon ay kabado pa rin ako, pero ayokong magtago na lang at iasa sa inyo ang trabaho. Gusto ko pa ring magkaroon ng bahagi rito," giit niya. "Baka kasi hindi namin kayo madepensahan kung sakaling may mangyari mang hindi maganda, ngayon lang kami magkakaroon ng kasamang walang alam sa ganitong trabaho. Kabado rin kami, Tatay!" pag-amin ni Wren. Natawa ng pagak si Mario, tila naging rason ang sinabi ng binata para kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya. "Hayaan ninyo. Kapag dumating na ang taong hinihintay natin, saka ako aalis. Gusto ko lang masiguro na pupunta nga siya rito." Hindi na lang umimik sina Wren at Cahil, dahil maya-maya lang ay mga ilan na ulit na pumasok na custmer. Kailangan na ulit nilang magpanggap na isa silang pamilya. [Cahil, Wren, Tatay Mario, maghanda kayo... nakita ko na sa mapa ang target. Papunta na siya riyan!] ani Zyx. Napalunok si Wren, habang si Cahil naman ay hindi na mapalagay at umiikot na ang tingin sa paligid. Sa loob ng isang taon, ngayon na lang ulit nila makakaharap ang lalaking sumira sa payapa nilang buhay. Nanatiling nakatayo si Mario, sinusubukan magpanggap na nag-aayos siya ng ilang stocks na narito sa counter. Habang si Cahil naman ay umarte na ring tinutulungan niya ang kanyang ama, o di kaya ay bagger kapag may customer na. Habang si Wren naman ay nasa counter pa rin. Nagkaroon ulit ng pila, mas madami ang naging tao ngayon kaysa kaninang kakabukas lang nila. [Wren, Cahil, sinabi ni Craig sa akin na ang ilan daw sa mga taong nasa loob ay mga pulis nila. Kaya mapanatag kayo, magiging maayos lang ang lahat,] sabi muli ni Zyx sa kabilang linya. Walang sumagot sa kanilang dalawa, alam nilang wala na silang pagkakataon na sumagot ngayon dahil ano mang oras ay maari nang pumasok ang target sa loob ng Grocery Store. Kailangan na lang nilang magtiwala sa nakikita nina Craig at Zyx sa CCTV na ginagawa nila sa loob ng tindahan. Hanggang sa dumating ang pagkakataon na pinakahihintay nila... sa pagtunog muli ng bell mula sa pinto ng tindahan, isang nakakapangilabot na tao ang pumasok sa loob nito. Hindi nagpahalata ang tatlo, alam nilang pare-pareho kung sino ang bagong dating... si Karl Christian de Guzman. Narito na ang target! Dahil sa kaba at takot ni Wren, agad niyang hinarap si Mario. "Papa, kanina ka pa riyan. Narito naman kami ni Kristoff, kami nang bahala rito. Magpahinga na muna kayo sa loob, sige na," pilit niya. Pinakita niya sa tingin niya sa matanda na totoo na ngayon ang pagpipilit niyang pumasok na ito sa loob ng bahay dahil nakita na rin naman niya ang target na naggagala na sa loob ng tindahan niya. Hindi sigurado ni Mario kung nasaan banda pumunta si Karl, kung saan ito banda naghanap ng mabibili. Alam niyang hindi magnanakaw ang target nila, pero hindi niya maiwasang hindi kabahan habang iniisip kung ano nga ba ang mga kinukuha nito. Nang mahagip ang mata niya ang target, nakita niya itong naghahanap ng mabibili mula sa section ng mga pabango. Alam niya na ito ang hilig ni Karl, kaya talagang hindi naalis ang mata niya sa section na iyon. Tiwala si Mario na mula sa pwesto ng mga pabango ay maririnig sila ni Karl sa kanilang magiging pag-uusap. Kaya hinarap niya si Wren. "Sige, ayusin n'yo lang ang pagbabantay, ha. Baka kaya n'yo lang ako pinapaalis dahil may binabalak kayong hindi maganda. Tinuan n'yo lang pauuwiin ko kayo sa inyo." Binitiwan niya ang mga hawak niyang produkto na kunyareng inaayos niya kanina. "Tatawag lang ako sa supplier natin, babalik din ako," aniya saka umalis. Habang naglalakad palabas ng tindahan ay walang ibang hiling si Mario kundi ang maging maayos ang maging takbo ng kanilang plano.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD