Chapter 30

2735 Words
CHAPTER 30 Naging abala sina Craig at Dawin ng mga sumunod na araw, halos hindi na sila masyadong makita sa opisina nila at halos hindi na rin nagagawa ni Craig na kausapin si Zeta kahit pa naroon din naman siya palagi sa Hideout. Masyadong naubos ang oras ng magkaibigan sa sumunod na planong naisip ni Craig. Hindi rin naman inasahan ni Dawin na magiging ganito pala iyon kakomplikado to the point na pati ang pagligo nila ay madalian na rin. "Sigurado ka bang uubra itong binabalak mo, pare? Para kasing kung ako ang nasa lagay nu'ng may-ari ng Grocery Store, kakabahan ako, eh," alalang tanong ni Dawin sa kaibigan. Nasa byahe na silang dalawa ngayon, maaga pa at halos kakasikat lang ng araw pero nasa kalsada na agad ang magkaibigan. Pareho silang galing sa Hideout at doon natulog, halos pati sarili nilang bahay ay hindi na nila magawang puntahan dahil sa mga ginagawa nila nitong mga nakaraan. Hindi naman ito ang uanng pagkakataon na naging seryoso sila ng husto sa trabaho at sa kasong hawak nila, madaming pagkakataon na ring nagsalo sila sa ganitong sitwasyon. Kaya nga ganoon na lang ang tiwala nila sa isa't isa na hindi mauuwi sa wala ang lahat ng pagsasakripisyo nila maging ang pagod, dahil subok na at madami na ang pagkakataon na naging tagumpay sila. Maaring dumarating sila sa puntong may pagkakamali rin sila kung minsan, pero hindi nagiging hadlang ang pagkakamali na iyon para tuluyan silang pumalpak sa kaso; dahil agad din naman nilang nasusulusyunan ang mga ganoong pangyayari. Mula nang araw na nag-usap sina Craig, Zyx, Wren, at Cahil tungkol sa kung paano mangbiktima si Karl ay ang tanging bagay lang na inatupag nila ay maghanap ng perpektong tindahan o tao na maari nilang makasabwat para sa planong naiisip ni Craig. At kahit pa nakakabahala ang bagay na sinabi ng kaibigan niya, alam niyang kailangan pa rin niyang sumugal... sanay na sila sa ganitong buhay at kailangan lang nilang maniwala na may mapapala sila rito kahit paano. Ang planong iyon, ay ang magkaroon sila ng isang kasabwat na negosyante na may kakayahang humarap kay Karl na kagaya ng ginagawa ni Wren—isang con-artist. Imposible, oo. Pero desidido talaga si Craig na subukan. Tumingin si Craig kay Dawin bago ito sumagot, "Ewan ko sa 'yo, ngayon mo pa talaga ako tinanong niyan?" halata ang irita sa kanyang boses. Iyon na lang ang sinabi niya dahil gusto niyang iparamdam sa kausap na wala nang atrasan ito. Ang unang naging bahagi ng plano nila ay i-locate ang mga lugar na nagawa nang bisitahin ni Karl. Ikumpara iyon sa listahan na hawak nila kung accurate ba ang dalawang ito at kung tama bang ang mga naroon ay ang mga pangalan nga ng tindahan o pwesto na pupuntahan ni Karl. At maswerte sila na mayroon sila ng tamang impormasyon. Nang makompirma nila iyon ay saka nila kinalkula kung ano ang susunod na pupuntahan ni Karl na pwesto. Ginawa nila ito para magkaroon sila ng preparasyon. Tiningnan nila ang may pinakamalayong lugar gamit ang mapa ng kanilang lugar bilang basehan kung sino ang maari nilang magamit para sa planong ito. Pagkatapos nilang mapili ang taong iyon, naghanda na sila ng mga kailangan nilang i-check para bantayan ang lokasyon. Ngayong araw nila pupuntahan ang pwestong iyon para makausap kung payag ba silang maging instrumento para sa misyong ito. Hanggang sa makarating sila ng Grocery Store ay hindi na umimik pa si Dawin, hindi na lang niya pinansin ang pagsusungit ng kaibigan niya dahil sanay naman na siya na ganoon ang inaarte nito. Ang mahalaga na lang sa kanya ngayon ay maging maayos ang plano nila para hindi masayang ang ilang araw nilang pag-uusap para paghandaan ang araw na haharap na sila sa magiging decoy. Maaga silang nagpunta para isakto na sarado pa ang tindahan at marami silang oras para makausap ang may-ari. Sigurado rin silang hindi pupunta si Karl ng ganito kaaga sa isang tindahan dahil nga sarado pa ito, hindi ganoon ang istilong ginagawa niya. Pagbaba ng sasakyan ay agad na naglibot ng paligid ang magkaibigan para hanapin ang may-ari. "Nandito na kami sa location," sabi ni Craig, kausap niya sina Zyx na nasa kabilang linya. Bago nila puntahan ang lugar, alam na nilang katabi lang ng pwesto ang bahay ng may-ari. Malakas din ang loob nilang puntahan ito ng ganitong kaaga kasi sila lang ang may pwesto rito na katabi ng bahay nila, ang iba ay mga commercial na lang ang pwesto at pupunta na lang dito kapag malapit na silang magbukas. Ibig sabihin, walang masyadong tao na makakapansin sa kanila na pumunta na sila rito. Kailangan kasi nilang maging maingat para sa ikaaayos ng kanilang plano. [Pasok kayo sa parang makipot na daan diyan, nandoon ang bahay ng target,] sagot naman ni Zyx. Naririnig din ni Dawin ang sinasabi ni Zyx, pareho sila ng kaibigan niya na nakasuot ng headset. Kaya siya na ang naunang naglakad papasok sa makipot na daang nakita niya. Madilim sa loob ng makipot na daan, natatakpan kasi ng bubong ang itaas nito kaya walang liwanag na pumapasok mula rito. Pero hindi naman ito mahirap daanan dahil diretso naman ito at nagagawa naman nilang i-adjust ang paningin nila sa dilim. Sa dulo ng makipot na daan na iyon ay bumungad sa kanila ang isang bahay, simple lang ito at parang hindi isang may-ari ng malaking Grocery Store ang nakatira. Pula ang bubong nito at may second floor kung susuriin mula sa labas ng bahay. Isang babae at isang lalaki na parehong may edad na ang nakaupo sa terrace ng bahay. Palapit palang sina Craig sa dalawa ay alam na nilang mag-asawa ito at sila ang taong hinahanap nila. Nang tuluyan silang ilabas ng madilim na makipot na daan ay nagsimulang magtahulan ang mga alaga nilang aso, tila nabulabog ng dalawang bagong dating ang payapang umaga ng mag-asawa na ngayon ay tahimik lang na nagkakape. "Anong kailangan ninyo?" tanong ng may edad na lalaki pagkatpos niyang mapatahimik ang mga alaga niyang nagtatahulan. May kuryosidad din ang tingin niya sa dalawang bagong dating. Hindi naka-uniporme ng pangpulis sina Craig at Dawin kaya wala silang pagkakakilanlan na isa silang pulis maliban sa chapa na dala nilang dalawa. "Magandang umaga po sa inyo at pasensya na rin po sa istorbo." Inilabas ni Craig ang kanyang chapa at agad itong ipinakita sa mag-asawa, kitang-kita ang gulat sa kanilang mga mukha pero hindi ito pinansin ng binata, tinuloy lang niya ang pagsasalita, "Ako po si Police Inspector Craig Dominguez, at ang kasama ko ay gaya ko ring pulis," tumingin siya sa kanyang kasama, "si Dawin Torres." Tapos ay ibinalik niyang muli ang tingin niya sa mag-asawa. "Nandito po kami dahil may gusto po kaming sabihin sa inyo na bahagi ng misyon namin, puwede po ba namin kayong makausap?" Hindi naman nagdalawang isip ang mag-asawa, agad nilang pinaunlakan ang dalawa na pumasok sa loob ng kanilang bahay. Agad silang inasikaso ng maybahay at ipinaghanda pa sila ng kape. Pagkatapos ay magsama nilang hinarap ang kanilang mga bisita. Inilibot ni Craig ang tingin sa paligid ng bahay nang makaupo siya. "Kayong dalawa lang po ba ang nakatira rito?" tanong niya nang bumalik sa mag-asawa ang tingin niya. Bago sumagot ay nagtinginan muna ang mag-asawa, nagtataka pa rin sa kung ano ba ang nangyayari. Hanggang sa nakangiting humarap ang may edad na lalaki kay Craig at sinabing, "Opo kami lang dalawa." Ngumiti si Craig sa kanila. "Ah, bago ko po kayo tanungin ulit ng ibang bagay, puwede ko ba po munang malaman ang pangalan ninyong mag-asawa?" "Ako po si Mario Solis, at ito ang asawa ko na si Marites Solis," pakilala nila habang tumatango sa kausap. Tumango na lang sina Craig at Dawin dahil tapos na silang magpakilala kanina. Itinuloy na lang nila ang pagtatanong. "Wala po ba kayong mga anak?" ani Craig. "Meron po, tatlo. Pero wala na sila rito ngayon, may kanya-kanya na pong pamilya. Bumibisita na lang kapag may okasyon," sagot naman ng may edad na babae. "Ngayong darating po bang mga araw, may okasyon po bang magaganap o di kaya ay nagsabi ba silang bibisita sila sa inyo?" si Dawin naman ang nagtanong, siya ang nagre-record ng kanilang usapan. Bumaling ang tingin ng may edad na lalaki kay Dawin. "Wala naman, Sir. Wala kaming usapan na bibisita sila." Tapos ay ibinaling naman niya ang tingin niya kay Craig para magtanong, "Mag Sir, mawalang galang na po. Pero puwede po ba naming malaman kung bakit po kayo nagtatanong sa amin ng ganito ngayon? Medyo nakakakaba po kasi, lalo na't alam naming wala kaming nilalabag na batas," aniya. Nagtinginan sina Craig at Dawin dahil sa tanong na iyon, tila alam na nilang ito na ang oras na dapat na nilang sabihin ang totoo nilang pakay. "Tatapatin po namin kayo at hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa..." panimula ni Craig, napalunok siya at inihanda ang sarili sa susunod na sasabihin. "Mayroon po kaming binabantayang malaking sindikato na kasalukuyan pong naghahanap ng kanilang magiging biktima. Hindi pa ganoon kalawak ang impormasyong alam namin tungkol sa kanila, pero napag-alaman namin na ang isa sa mga ilegal nilang negosyo ay Human Trafficking, iyon po ang kasalukuyan naming pinipigilan sa ngayon at para na rin po mahuli ang mga salarin," paliwanag niya. Naging seryoso ang tingin ng mag-asawa sa kanilang dalawang bisita, may kaba man pero mas pinili nilang alamin pa ang nangyayari. "Ano naman pong kinalaman naming mag-asawa sa sindikatong sinasabi ninyo?" Hindi inalis ni Craig ang tingin niya sa dalawa. "Ang mga target ng sindikatong ito ay ang mga gaya ninyong may negosyo, pupunta ang isang miyembro ng sindikato sa tindahan ninyo at bibili na para bang isang customer lang. Pero magsisimula siyang kausapin kayo at kwentuhan ng mga bagay na ginagawa niya sa buhay niya ngayon at sa huli ay ipagmamalaki na niyang asensadong tao na siya. At kapag nakita niyang interesado pa kayong marinig iyon, saka niya kayo iimbitahan na sumali sa organisasyon nila para umano kumita ng mas malaking pera. At kapag sumama kayo, hindi na kayo makakauwi sa pamilya ninyo." Lalong lumala ang nerbyos at takot ng kanilang mga kausap nang marinig nila ang kwentong iyon. Tila nag-uusap na kung paano sila mag-iingat na huwag mabiktima ng sinabing sindikato. "Pero bakit naman po kami ang nilapitan ninyo? Wala naman po kaming kinalaman sa sinasabi ninyo, ang totoo nga po niyan ay sa inyo lang po namin 'yan narinig," ani Mario. Basag ang kanyang boses na para bang ano mang oras ay iiyak na ito dahil sa takot. Nananatiling kalmado sina Craig at Dawin, ipinagpatuloy nila ang pagpapaliwanag. "Lumapit at nagpakilala po kami sa inyo dahil ayon sa pag-aaral namin sa mga lokasyong napuntahan na ng sindikato, isa ang lugar ninyo sa maari nilang puntahan. Partikular ang tindahan ninyo. Kaya bilang pag-iingat paghahanda, inabisuhan na namin kayo na huwag kayong magpapaloko kung sakaling may ganoong tao man ang mag-imbita sa inyo na umanib sa samahan nila na ang pangalan ay Fallen Angel," ani Craig. Agad na tumango ang mag-asawa, medyo nabawasan na ang kanilang kaba nang marinig nila kung ano ang rason ng paglapit sa kanila ng mga pulis. "Tatay Mario, hihingin ko na rin sana ang pagkakataon na ito na kayo na rin ang magpaalala sa mga kakilala ninyong may negosyo rin na mag-iingat kung sakaling makaranas sila ng ganoon," ani Dawin saka naglabas ng isang calling card. "At kapag sakaling sila naman ang mabisita ng suspect, puwede n'yo kaming tawagan sa numerong ito," dugtong niya. Agad itong tinanggap ng kausap niya habang tumatango. "Tatay Mario, Nanay Marites, may gusto pa sana akong sabihin sa inyo..." ani Craig, dahilan para mabaling sa kanya ang tingin ng mag-asawa. Inihanda ng binata ang sarili niya sa bagay na sasabihin niya, "Ang totoo pong dahilan kaya namin kayo nilapitan ay..." Tumingin muna kay Dawin, isang tingin na humihingi ng kompirmasyon kung dapat na ba niya itong sabihin, nang maintindihan naman ito ng kaibigan niya ay agad itong tumango. Kaya ibinalik ni Craig ang tingin niya sa mag-asawa at itinuloy ang kanyang sinasabi, "Para hingin ang tulong at partisipasyon ninyo sa kasong hawak namin," aniya. Kumunot ang noo ng kausap niya, pero agad din naman itong sumagot, "Ano pong kailangan naming gawin?" tanong niya. "Kailangan ninyong magpanggap na wala kayong alam tungkol sa sindikato, gagamitin namin ang tindahan ninyo para mahuli siya sa akto ng paggawa ng krimen," ani Dawin. Nagtinginan ang mag-asawa, tila pareho silang napangiwi nang marinig ang hiling ng dalawang pulis na kausap nila. "Sir, wala pong problema sa amin kung gusto ninyong gamitin ang tindahan para mahuli ang kriminal na 'yan. Pero baka hindi namin magawang harapin iyong kriminal, siyempre kakabahan na kami n'on, eh," ani Mario. Halata nga sa kanyang tingin ang takot at ang pagtanggi sa gusto nina Craig na magpanggap sila. Napabuntong hininga na lang ang binata, alam naman niyang puwede ngang mangyari ito. May backup plan din nama sila, pero nakakalungkot pa rin na hindi niya nakuha ang gusto niya talaga dahil ang balak niya sana ay pagmukhaing natural ang mga mangyayari. [Craig, no choice. Kailangan mo talaga sina Wren at Cahil,] suhestiyon ni Zyx na nasa kabilang linya. Dinig niya kasi ang usapan nila Craig. Hindi siya sinagot ng binata, tumingin lang ito kay Dawin. "Paano kaya ito, pare? Hassle rin kung ang disguise ay medyo may edad," bulong niya. [Anong medyo may edad? Gagawin ninyo akong matanda? Ayoko nga! Ang pogi ko tapos gagawin ninyo akong matanda? Paano kung may bumiling maganda? Paano naman ako—] [Manahimik ka nga, Wren! Oras ng trabaho, umayos ka!] Napapikit na langp si Craig nang marinig niya ang pagtatalo nina Wren at Cahil sa kabilang linya. Hindi na sumagot si Dawin kay Craig, hindi na rin niya pinansin ang ingay ng mga kasama nila sa kabilang linya. Bagkus ay hinarap na lang niya ang mag-asawa. "Tatay Mario, nabanggit po ninyo kanina na may tatlo kayong anak. Meron po ba kayong anak na lalaki?" tanong niya. Bumaling ang tingin ni Mario sa kanya. "Ang totoo, Sir, puro lalaki po ang anak namin. Iyon nga lang po ay gaya ng sabi ko, wala sila sa lugar na ito at tuwing may okasyon lang napupunta rito. At kahit po nandito sila, hindi ko po sigurado kung papayag ba sila na sila ang haharap sa sinasabi ninyong miyembro ng sindikato," aniya. "Naku, Sir, hindi ko rin papayagan ang anak ko na gawin iyon. Nakakatakot po 'yang ipinapagawa ninyo!" dagdag naman ni Marites. Ngumiti si Dawin sa kanila, isang ngiti na para bang kasiguraduhan na hindi iyon ang iniisip niyang gawin. "Puwede po ba kaming makahingi ng picture ng dalawa sa anak ninyo?" tanong niya. [Ayan, ganyan nga pareng Dawin! Kapag kapwa ko pogi talaga, nag-iisip, eh!] singit naman ni Wren sa kabilang linya. Napangisi na lang din si Craig nang sabihin iyon ni Wren. Sa tingin niya ay mas napaganda pa ang nangyayari. Mas nagkaroon sila ng mas maayos na plano kaysa sa orihinal na naisip nila bago sila humarap sa mga sibilyan. Agad naman na kumilos si Marites para kunin ang huling photo album nila na naglalaman ng pictures nila noong nakaraang bagong taon daw ng kanilang pamilya. Iyon na raw ang pinaka latest nilang kuha ng kanilang mga anak. Ipinagpaalam nina Craig at Dawin kung ano ang gagawin nila sa picture, sinabi nila ang magiging plano nila ngayon. Nang marinig iyon ng mag-asawa ay wala naman silang naging kontra, mas ikinatuwa pa nila iyon dahil masasabi nilang ligtas sila. Sinigurado rin nina Craig na sa araw na bumisita man ang kriminal na iyon ay may nakahanda na rin mga pulis na magbabantay sa paligid ng Grocery Store nila. Ipinakita na rin nina Craig at Dawin ang itsura ni Karl, kung sakali mang mapaaga ang pagpunta niya sa kanila. Nang matapos nilang pag-usapan ang lahat ng kailangan ay nagpaalam na rin sila Craig at Dawin, puno sila ng pasasalamat dahil handa pa rin ang mag-asawa na makipagtulungan sa kanila kahit pa aminado silang natatakot sila sa maaring mangyari. Ang laki ng pasasalamat ni Craig sa kanila dahil buo ang pagtitiwala nilang mahuhuli nila ang kriminal. Nang makasakay sa kotse ang dalawa ay hindi na muling umimik si Craig. Wala nang ibang laman ang isip niya ngayon kundi ang magiging kalalabasan ng mga plano nila. Lalo niyang ginugusto ngayon na mahuli si Karl Christian de Guzman dahil alam niyang may isang mag-asawang gaya nina Mario at Marites na umaasang matatapos na ang pambibiktima nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD