Chapter 32

2714 Words
CHAPTER 32 Nang makaalis si Mario, alam na nina Wren at Cahil na ito na ang simula ng totoong laban. Haharapin na nilang muli si Karl. Lahat ng paghahanda at pagpapakatatag ng loob ay dapat na nilang gawin para hindi sila maapektuhan ng presensya ng kaharap nila. Ilang misyon na ang naisagawa nila na nakaharap nila ang biktima, kaya ang kailangan na lang nilang isipin ngayon ay wala itong pinagkaiba r'on at walang dapat na ikatakot sa kaharap nila. May mga kakampi sila na handang magligtas sa kanila kung sakaling magkaroon ng kaguluhan. Walang ibang laman ang isip ng dalawang binata kundi ang masiguro na ngayon ay matatapos na ang bangungot na ibinigay sa kanila ng pinakademonyong taong nakilala nila. Kung noon ay nagawa sila nitong guluhin, ngayon ay babawiin nila ang kapayapaang meron sila. Titiyakin nilang ito na ang katapusan ni Karl! Naniniwala silang walang imposible basta susubukan lang nila, may lakas sila ng loob ngayon na hindi nila naramdaman noong una nila itong nakaharap. [Wren, Cahil, maghanda na kayo... palapit na si Karl sa pila ng mga customer. Gawin ninyo ang magagawa ninyo para hindi niya kayo mahalata,] paalala ni Zyx mula sa kabilang linya. Hindi na nagawang sumagot ng dalawa dahil nga alam nilang malapit na sa kanila ang target. Habang napapalapit ang posisyon ng target sa kanila ay lalong bumibigat ang tensyon ng paligid para sa kanilang dalawa. Walang nagsasalita sa magkaibigan, patuloy lang sila sa ginagawa nila na para bang natural na araw lang ito para sa kanila. Sa tuwing binabati sila ng mga customer ay agad nila itong sinusuklian ng ngiti, mabilis ding nagbibigay ng impormasyon si Zyx tungkol sa identity ng customer para hindi makahalata ng kakaiba ang mga tao. Kung papanoorin sa malayo ang kilos nila ay masasabi mo talagang walang kakaibang mangyayari. Samantala, kanina pa tahimik si Craig. Katabi pa rin siya ni Zyx na nasa loob ng kwarto ng binata, pero ang atensyon niya ay naka-focus lang sa galaw ni Karl. Tila sinusuri niyang mabuti kung may gagawin ba itong hindi maganda, nakatatak pa rin sa isip niya ang paalala ng kanyang C.O. na si Sir Ocampo na dapat niyang bantayan ang bawat kilos nito at hulihin sa akto ng paggawa ng krimen. Ito na ang perpektong pagkakataon para gawin niya iyon, kailangan niyang tiyakin na lahat ng gagawin ng lalaking iyon ay makukunan niya at maipiprisinta niya sa korte laban sa isang miyembro ng sindikato. Hindi bumalik sa Hideout si Dawin, tila hindi niya kayang iwan ang dalawa sa puder lang ng mga kasamahan niyang pulis. May kung ano sa loob niya na nagbibigay sa kanya ng takot sa maaring mangyari. Napakadelikadong tao ni Karl, alam niyang hindi ito magdadalawang isip na pumatay ng tao lalo na kung malalaman niya na ang dalawang taong bantay sa tindahan ay hindi ang taong gusto niyang biktimahin. Kahit wala sa plano at kahit hindi alam ni Craig, pasimple pa rin siyang nagmaneho pabalik sa bahay ng mga Solis. Nakumpirma naman nila ang galaw ni Karl bago ito pumasok sa tindahan, wala itong kasama. At kung mayroon man, tiyak na malayo iyon sa pwesto ng tindahan dahil hindi na kita sa range ng kanilang mga ikinalat na CCTV sa paligid. Ibig lang sabihin, may pagkakataon siyang pasukin ang looban ng lugar at makibalita sa mag-asawa. "Sir!" agad na salubong ni Mario kay Dawin nang makita nilang mag-asawa ang pagdating nito. "Kumusta ang kalagayan sa loob?" seryosong tanong ni Dawin sa kanila, ibinaling niya ang tingin sa tindahan. Halata sa tono ng kanyang boses ang pag-aalala. "Ilang minuto pa lang ang nakakalipas mula nang umalis ako, Sir. Pero bago ako umalis, nakumpirma ng dalawa kong mata na 'yung lalaki sa picture na ipinakita ninyo sa akin, iyon nga si Karl! Nasa loob na siya, Sir," ani Mario. Lumapit si Marites kay Dawin. "Sir, magiging ligtas ang dalawang binata na nasa loob, 'diba? Naku, ako ang ninenerbiyos para sa kaligtasan nilang dalawa!" nanginginig na sabi niya. Napalunok si Dawin, aminado siyang pare-pareho silang natatakot para sa lagay nina Cahil at Wren na nasa loob. "Magtiwala na lang tayong magiging ayos lang ang lahat, may mga kasamang pulis naman ang dalawa sa loob," aniya. Naging dahilan iyon para mapanatag ng kaunti ang mag-asawa. [Dawin? Hindi ka ba umalis sa location?] tanong ni Craig na nasa kabilang linya, ngayon lang niya napansin na wala pa ang kaibigan niya sa Hideout. Ngumisi si Dawin, humawak siya sa headset na suot niya bago sumagot, "Pare, kulang ang pogi rito. Kailangan nila ako," aniya. Sinusubukan niya lang magbiro para sa ikakagaan ng sitwasyon, kahit papaano. [Ikaw na ang bahala sa mag-asawa, maaring maling desisyon ang maisip ko na idawit sila sa plano ko. Pero ngayon, tiyakin mong hindi sila masasaktan,] pag-amin ni Craig. Nananatili pa rin siyang seryoso. "Huwag kang mag-alala." Tumingin siya sa mag-asawa. "Kung sila man ang tatanungin mo, gusto rin nilang masiguro na may ambag sila sa operation na ito. Pero goods sila, nasa bahay kami," aniya. [Good. Standby.] Habang nauubos ang mga customer na nakapila, lalong bumibilis ang t***k ng puso ni Wren. Palapit na kasi ng palapit si Karl sa kanya. Lalong nagbibigay sa kanya ng tensyon ang ngiti nito na para bang kampante pa ito sa kanyang gagawin. Noong araw na una niyang makaharap ang lalaking iyon, wala itong suot na ganoong uri ng ngiti. Seryoso ito na para bang ang dating sa kanya noon ay bitbit nito kahit saan ang propesyong meron siya. Pero ngayon, tila ibang tao na ang nakikita ni Wren... para bang gaya nila ito na sa kada misyon na pupuntahan nila ay nagpapanggap din ito dipende sa kung anong karakter ang kailangan sa eksena. Habang patuloy ang paggalaw ng kamay ni Wren, si Cahil naman ang nagpa-pack ng mga na-scan niya. Tuloy ang ginagawa nilang dalawa, pero hindi nila maiwasang hindi mapatingin sa paligid ng tindahan. Tila ba sinisiguro nila na nasa paligid pa rin ang mga pulis na ipinangako ni Craig na magbabantay at mag-iingat sa kanila kung sakaling may mangyari mang hindi maganda. Ang tanging ipinagpapasalamat na lang nilang dalawa ay mabuti nang naisip nilang paalisin si Mario. Hanggang sa dumating na ang pagkakataon na si Karl na ang kaharap nila, patuloy pa rin itong nakangiti. Tumingin ito ng mata sa mata kay Wren, kabado man ay wala nang nagawa ang binata kundi ang ngumiti na lang din. Sa karakter ni Kristian at Kristoff na mga anak ng mag-asawang Solis, hindi palakibo ang dalawang ito sa kahit na sinong customer pa ang bumili. Saka lang sila kikibo kapag unang bumati ang customer sa kanila. Gaya lang din sa ngiti, hindi nila nginigitian ang isang tao kung hindi ito ang nauna. Kaya sa palagay ni Wren, nagagawa pa rin niyang panindigan ang pagpapanggap niya kahit pa sobra na anrg kabog ng dibdib niya. "Nagtatrabaho lang ba kayo rito?" bungad na tanong ni Karl. Siya na ang kaharap ni Wren ngayon na customer. Wala nang iba pang customer. Ang tanging natitirang tao na lang sa loob ay silang tatlo at ang mga pulis na nakakalat sa paligid ng tindahan na kanina pa nagpanggap na namimili. Tila alam na ng dalawang binata na sinadya ni Karl na magpahuli para sa pagkakataong makausap niya ang dalawa. Nagtinginan muna silang dalawa bago sumagot si Wren sa kaharap, "Ah, hindi. Sa amin ang tindahan na ito, papa ko ang nagbabantay talaga rito. Nagkataon lang na nandito kaming magkapatid kaya tumulong na kami," sagot niya. Tumango si Karl, nabaling ang tingin niya sa ginagawa ni Wren na pag-scan sa mga binili niya. "Pansin ko nga na ngayon ka lang nagbantay sa tindahan na ito," komento niya. Napahinto si Wren sa ginagawa niya. Agad niyang tiningnan ang kausap. "Anong ibig mong sabihin?" nasa boses niya ang nginig, at sigurado siyang napansin iyon ng kausap niya. Gustong-gusto niyang kontrolin ang takot at kaba na nararamdaman niya kanina pa, pero lalo lang itong lumala dahil sa tanong ng kausap niya. Natawa si Karl, para bang hindi niya inasahan na ganoon ang naging reaksyon ng kaharap niya. "Oh, don't get me wrong! Ilang beses na kasi akong nakakakita ng nagtatrabaho sa counter, siyempre hindi lang naman ito ang unang beses kong namili sa isang store. Lagi ko kasing pinapanood ang mga nasa counter kung paano nila i-scan ang items, alam mo na pampatanggal ng bored habang hinihintay na matapos ang packing ng binili ko. Kaya ayon, parang alam ko na kung sanay na sa trabaho 'yung isang employee o hindi pa base sa pag-obserba ko," paliwanag niya. "Ah, akala ko regular customer ka rin ni Papa. Pasensya na, hindi kasi kita kilala. Baka kako na-offend kita na hindi kita na-recognize kung regular customer ka man dito," sagot naman ni Wren. Medyo nabawasan ang kaba sa dibdib niya. Natawa rin si Cahil. "Hindi naman kasi talaga kami gumagawa nito, kaya parang baguhan talaga ang kilos namin. Napilitan lang talaga," aniya. Nakangiti pa rin si Karl, bumaling ang tingin niya sa nagsalita. "Para sa isang beginner, base sa observation ko, hindi na rin masama ang kilos ninyong dalawa. Tingin ko pa nga ay nag-practice pa kayo. Halatang bago lang kayo, pero halata rin kung sinubukan n'yo muna bago kayo pumwesto rito. Saka isa pa, pinabayaan na kayo rito ng Papa ninyo knowing na hindi kayo sanay. Kaya tingin ko naman ay na-manage ninyo ang trabaho," aniya. Sa pakiramdam ni Wren, parang bumagal ang oras sa pagitan nilang tatlo. Dumble rin ang tingin niya sa mga item na pina-punch niya. Hindi ganoon kalakas ang aircon sa loob ng tindahan, pero lamig na lamig ang pakiramdam niya. Alam niyang hindi na maganda ang nangyayari... "Siyempre naman, nag-practice kami... kanina bago magbukas ang store. Tinuruan na rin kami ni Papa ng mga dapat gawin at binantayan niya rin kami sandali, narito pa siya kanina. Kakaalis lang niya dahil kinulit na naming dalawa na magpahinga na. Kagabi pa kasi masama ang pakiramdam niya, kaya nga kami nagprisinta na magbantay dito ngayon, eh," ani Wren. Ipinagpapasalamat niya na lang na bago umalis si Mario ay hinintay niya munang lumitaw si Karl. Kahit papaano ay nakadagdag iyon sa kanya ng kumpiyansa sa sinasabi niya ngayon. Napatango si Karl, tila nakumbinsi naman siya sa paliwanag ng dalawa. "Okay, may sakit pala ang owner. Pero narinig ko kanina sabi niya ay may tatawagan lang daw siya, at mukha namang ayos lang siya," aniya. Napalunok si Wren. Napatigil naman sa ginagawa si Cahil. Hindi na sila mapakaling dalawa dahil alam nilang may hindi na tama sa nangyayari... hindi na nila maitago ang kaba. [Huwag ninyong ipahalata ang takot! Wren, may tiwala ako sa 'yong kaya mo 'yan! Ikaw ang ace player ng grupo natin, 'diba? Kaya mo 'yan, talunin mo si Karl!] ani Zyx mula sa kabilang linya. Dahil hindi makakasagot si Wren, sinubukan na lang niyang gawin ang sinabi ni Zyxl. Kinalma niya ang sarili niya at inaalala ang mga pagkakataon na pinuri siya ng grupo dahil sa galing niyang umarte ayon sa karakter na ibinibigay sa kanya. [Kabado ka lang kasi kilala mo ang taong kaharap mo, pero maniwala ka, Wren... hindi ka niya masasaktan. Hindi niya magagawa riyan ang ginawa niya noon. Basta panindigan mo lang ang karakter mo, kaya mo siyang tapatan!] dagdag pa ni Zyx. Sinubukan ulit ni Wren na sariwain ang pagkakataon na unang beses niyang hinarap si Karl. Noong araw na iyon, wala siyang nararamdamang kaba kahit pa kasama niya ang lalaking iyon sa lugar na hindi siya pamilyar, kahit pa dalawa lang sila noon at walang pulis sa paligid para magprotekta sa kanya... nagawa niyang isagawa ng maayos ang plano. Gusto niyang kunin ng kumpiyansang meron siya noon para magamit ulit ngayon. Paulit-ulit niyang ipinaalala sa sarili niya na ang taong kaharap niya ay parehong tao lang na nakaharap din niya noon. Isiniksik niya sa isip niya na hindi ito gagawa ng panganib dahil ang laman ng isip ni Karl ngayon ay magawang makumbinsi ang pamilya Solis na sumali sa kanilang organisasyon. Alam niyang hanggang huli, iyon lang ang pakay ni Karl... Natawa ng mahina si Wren, ibinalik niya ang tingin niya sa ginagawa niya para ipagpatuloy ito. "Nagpapanggap lang siya na maayos siya. Pero ang totoo, halos maiyak na si Mama kagabi dahil sa pag-aalala sa kanya nu'ng tawagan niya kami tungkol sa nararamdaman ni Papa," aniya. Sinusubukang bawiin ang tiwala niya sa kanyang ginagawa. "Ganoon ba? Ibig mo bang sabihin, kausap ninyon dalawa ang mama ninyo kagabi? Tumawag siya sa inyo para sabihin ang lagay ng papa ninyo?" tanong niya sa dalawa. Nagtinginang muli sina Cahil at Wren, suot nilang pareho ang kunot sa kanilang noo. Tila nagtatanungan kung tama bang sang-ayunan ang tanong ni Karl. Nang ibalik nilang dalawa ang tingin nila kay Karl, alam na nila ang sagot... dahil iyon naman talaga ang ginawa nilang kwento para sa araw na ito... kunyare silang tinawagan ni Marites para sabihing may sakit si Mario. At iyon na nga ang rason bakit sila ang nagbabantay ngayon sa tindahan. Bago pa makasagot ang isa sa kanilang dalawa ay nagsalita muli si Karl, "Paano niya kayo natawagan kagabi, kung magkakasama lang tayong tatlo habang nagkakasayahan sa isang inuman?" aniya, ipinakita pa ang isang picture mula sa kanyang cellphone. Halos hindi na makagalaw sa kinatatayuan sina Wren at Cahil nang makita nila ang nasa picture... sina Kristian at Kristoff, kasama si Karl. Hindi kita kung nasaang lugar sila, pero ang nasa picture ay magkakatabi silang tatlo habang may alak na nakakalat sa isang malaking lamesa. Nakangiti silang tatlo sa picture habang may hawak pang mga alak. Ibinaba ni Karl ang cellphone, wala nang nakaimik pa kina Cahil at Wren. Isa lang ang ibig sabihin nito... naisahan na sila ni Karl. Pagpasok pa lang nito sa tindahan, alam na niyang hindi sila ang dalawang anak nina Mario at Marites. Bago pa ito pumunta sa tindahan, nakipagkaibigan muna siya sa mga anak ng mag-asawang Solis. "Hindi ko alam kung ano ang plano ninyo, pero gusto ko kayong purihin dahil nag-effort pa rin kayo. Akala n'yo ba magagawa ninyo akong isahan?" ani Karl, mahinahon ang kanyang boses. Pero kahit anong hinahon ng kanyang boses, hindi nito maiaalis sa dalawang binata ang takot sa sitwasyong kinalalagyan nila ngayon. [Cahil, Wren, umalis na kayo riyan! Hayaan na ninyo ang mga pulis ang humarap sa kanila! Takbo na!] sigaw ni Zyx sa kabilang linya. Tarantang-taranta na siya na para bang gusto niyang tumagos sa monitor para puntahan ang mga kaibigan niya at hilahin ito pabalik muli sa kabilang monitor. Pero imbes na gumalaw at sundin ang sinabi ni Zyx, nanatiling nakatayo ang dalawa. Walang may nais na gumalaw sa kanila... ngayon nila nakita kung gaano katinik ang sindikato ng Fallen Angel, at gaano katapang si Karl Christian de Guzman. "Gaya ng sabi mo, hindi mo alam ang plano namin. Hindi dahil alam mo na kung sino kami, ibig sabihin na rin ay sa 'yo na ang panalo. Hangga't narito ka sa harapan namin, hindi ka pa siguradong talo na kami," banta ni Cahil. Hindi niya alam kung saan niya nakuha ang lakas ng loob para sabihin iyon kay Karl, siguro dala na rin ng galit niya sa lalaki, nagawa niyang makapanindigan sa gusto niya kahit papaano. Napangisi si Karl at nasundan iyon ng isang tawa. "Malakas ang loob mo kasi nagkalat ang pulis sa paligid, akala mo ba dahil nag-iisa ako at marami kayo ay matatakot na ako? Kahit mahuli ninyo ako ngayon, hindi n'yo pa rin mapapatumba ang buong grupo ng ganoong kadali. Hindi n'yo pa rin kami kaya!" aniya. Napalakas ang boses niya, para bang tiwalang-tiwala siya na hindi man siya manalo, hindi pa rin ibig sabihin ay siya na ang talo. [Men, move!] Sa isang hudyat ni Craig, lahat na ng pulis sa loob ng tindahan ay nakatutok na kay Karl. "Sumuko ka na, napapaligiran ka na nila!" matapang na saad ni Wren, masama ang tingin niya sa kausap. Nananatili ang ngisi ni Karl sa kanyang labi. "Bakit naman ako susuko, kung wala pa naman akong ginagawang mali?" tanong niya, kalmado pa rin ang kanyang boses. "Maliban na lang, kung gawin ko ito..." Sa isang mabilis na pangyayari, bigla na lang bumulagta si Wren. Hindi nasundan ng kahit na sino ang nangyari, basta ang sunod na ginawa ni Karl ay umikot para harapin ang mga pulis na nakapaligid sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD