Chapter 53

2721 Words
CHAPTER 53 "Hindi ko akalain na ganoon kabilis," ani Dawin. Ilang minutong katahimikan ang namayani sa pagitan ng magkaibigan. Nasa Morgue sila at tinitingnan ang katawan ni Joshua, walang kahit na anong sugat sa katawan niya—walang kahit anong magpapakita na sinaktan muna siya bago namatay. Pero kahit hindi pa nila nakikita ang autopsy report at kahit walang makitang ebidensya sa katawan ng biktima, nakakatiyak pa rin silang pinatay ito. Maging ang mga pulis na bantay ng selda nito ay naniniwalang pinatay ito, dahil saksi sila na mabuti pa ang lagay nito nang kausapin siya nina Craig. Ang pinagkaiba lang ng dalawang magkaibigan sa mga pulis na ito ay alam nila kung sino ang pumatay sa kay Joshua. Hindi magawang makaimik ni Craig, bumabalik lang sa alaala niya ang mga sinabi ni Joshua, na para bang kakasabi niya lang kani-kanina lanng. Kahit isang kriminal ang gaya niya, binibigyan pa rin niya ng respeto ang desisyon nito. Masaya siyang namatay dahil nagawa niyang aminin ang mga kasalanang nagawa niya. Hindi man niya binigkas ang salitang 'patawad' ay higit pa roon ang nagawa niya nang sabihin niya ang lahat ng nalalaman niya. Ang pagpapahayag ng totoo ay hindi nangangahulugang mabait ka, bagkus ay pagpapakita ito ng paggawa ng kabutihan. Para kay Craig ay ginawa iyon ni Joshua dahil gusto niyang ipakita na kahit manlang isang beses sa buong buhay niya ay may ginawa siyang tama—kahit manlang sa huling pagkakataon ay naipakita niyang kaya niya ring magbigay ng hustisya para sa isang inosenteng bata. Hindi na maibabalik ng mga sinabi niya ang buhay na nawala, pero magagawa ng mga salitang iyon na pagbayarin kahit papaano ang tunay na may sala. Hindi man niya masasaksihan na magbayad ang mga taong iyon sa kasalanang nagawa nila ay ayos na sa kanya na nakarating sa tamang tao ang alam niya para dalhin sila sa kulungan. Maaring naging parte si Joshua ng karahasan at pait na sinapit ni Shaira, pero para kay Craig ay isa lang din siyang biktima ng pang-aalipin ng mga taong nang-aabuso sa kanilang kapangyarihan. Isa pa, pinagbayaran na ng lalaking iyon ang nagawa niyang pagkakasala; nakulong na siya at nabigyan ng kaso. Idagdag pa ang pagsingil sa kanyang buhay, hindi alam ni Craig kung tama bang sabihin na sapat na kabayaran ang nangyari sa kanya; dahil hindi naman batas ang gumawa nito sa kanya. Walang ideya si Craig sa tunay na rason ni Joshua bakit niya napiling tanggapin ang trabaho gaya n'on, pero isa lang ang alam niya: ang rason na iyon ay walang kinalaman sa bagay na nangyari sa isang bata. Gaya ng sinoman ay hindi niya intensyong makapahamak, tiningnan niya ang pangyayari bilang isang trabaho at hindi isang personal na bagay. Oo nga't hindi makatuwiran, pero hindi rin iyon ang basehan para sa kanya ibunton lahat ng sisi. Gaya nga ng unang paliwanag: parte lang siya ng nangyari, pero hindi siya ang nagsimula at hindi rin siya ang tumapos. Kung bubusisiin ang nangyari, maaring marami ang magtapon ng galit kay Joshua. Pero ano pa ba ang magagawa ng galit kung nangyari naman na? Mas mainam nang ibaon na lang sa limot ang lahat, kasama ng pagbaon sa kanyang nananahimik na katawan. Bago tuluyang umalis ang magkaibigan ay walang ibang naramdaman si Craig sa namatay kundi awa. Isang awa dahil huli na ang lahat para sa kanya, kung kailan lumagay siya sa tama ay saka naman siya binawian ng buhay. Hindi manlang niya naranasan ng matagal ang pakiramdam ng may ginawa kang tama, hindi manlang niya makikita o maririnig manlang kung ano ang magiging resulta ng ginawa niya. Pagbalik ng magkaibigan sa kanilang opisina ay alam na nila ang sasalubong sa kanila rito: isang trabaho... walang katapusang trabaho. Hinawakan ni Craig ang papel kung saan niya sinulat ang ilan sa mga bagay na sinabi ni Joshua sa kanya, bukod sa kopya ng record na hawak niya ay pinili niya ring isulat ang mga mahahalagang bagay para lagi niyang maalala. Kung meron man siyang ituturing na habilin ng namatay ay iyon ang sinabi nitong, "Kung gusto n'yo pang madagdagan ang alam ninyo tungkol sa Fallen Angel, tanungin ninyo 'yung mga taong nabanggit ko: sina Albert, Marcel, at si Shiela." Ipinakita ni Craig kay Dawin ang papel na hawak niya. "Sinong gusto mong unahin?" tanong niya. Kumunot ang noo ng kausap niya habang nakatingin sa papel, para bang pinag-iisipan niyang mabuti ang isasagot niya. "Si Albert, nakakulong na at puwede naman nating puntahan kahit anong oras. Si Marcel, gusto ko mung hintayin kung ano ang gagawin ng asawa niya sa kanya kaya hahayaan ko na muna silang dalawa. Kaya ang napili ko ay 'yang babaeng si... Shiela Vicente." *** Malapit nang maghating-gabi, pero mas pinili pa ni Craig na puntahan ang bahay nina Zeta kaysa ang umuwi. Hindi siya nagsabi sa mga ito na bibisita siya, pero dahil biglaan lang din ay hinayaan na lang niya kung ano ang magiging reaksyon ng mga taong maaabutan niya. Akmang pipindutin na sana niya ang doorbell ng gate, pero agad itong bumukas at tumambad sa kanya si Zeta na may hawak na itim na malaking plastic—isang garbage bag. "Ah! Pasensya na, bumisita lang ako para—" "Si Zyx ba? Nasa loob siya, pasok ka na lang," ani Zeta at nilagpasan siya. Tahimik itong naglakad papunta sa tatapunan niya ng hawak niya, pinanood siya sandali ni Craig bago nagdesisyong mauna nang pumasok sa loob. Hindi niya itatanggi sa kanyang sarili na nakaramdam siya ng lungkot sa pagkikita nilang iyon, dahil may parte sa kanya na umaasa na ang sasalubong sa kanya ay isang ngiti dahil sa ilang araw nilang hindi pagkikita ay muli silang magkikita ngayon. Pero hindi, para lang siyang kung sino na dumating. Sa isip pa ng binata ay kung hindi sila nagkasalubong sa harapan ng gate ay maaring hindi pa siya nito pinansin. Tumuloy si Craig papasok sa loob ng bahay, inalis na lang niya sa kanyang isip ang bagay na nangyari sa kanila ni Zeta. Naabutan niya ang tatlo na nagbibiruan pa sa harap ng mesa. "Uy, Craig! Nandito ka pala, kaso late ka ng kaunti dumating tapos na kaming kumain, eh," bati ni Zyx. "Sayang, hindi mo naabutan kung paano naasar si Zeta, palagi ko kasi siyang natatalo!" natatawang sambit naman ni Wren. Tumingin naman siya kay Cahil ay binigyan lang siya nito ng matipid na tango at ngiti. Tapos ay naupo na siya sa tabi ni Zyx. "Ayos lang, hindi naman ako gutom. Bumisita lang ako dahil ilang araw kaming naging abala sa trabaho," ani Craig. Wala sa bokubolaryo ng binata ang bumisita sa bahay ng kaibigan, dahil mula noon ay tanging si Dawin lang naman ang naging kaibigan niya at palagi na silang magkasama hanggang ngayon. Kaya wala siyang dahilan para bisitahin ito, dahil kulang na lang ay magsama sila sa iisang bahay. Pero ngayong nakita niya muli ang dalawa sa una niyang mga naging kaibigan noong bata pa siya, nagkaroon na siya ng ibang taong maaring bisitahin o kumustahin. Kahit malamig ang pakikitungo sa kanya ni Zeta ay gusto niya pa ring bisitahin ang mga ito, dahil sila pa rin ang mga dati niyang naging kaibigan... hanggang ngayon. Patuloy pa rin ang pakikipagkulitan ni Wren sa mga kasama, siya ang halos nagpapa-ingay sa kanilang apat. Hanggang sa nakabalik na si Zeta ay makulit pa rin ito. Bumaling ang tingin ni Zyx kay Craig. "Kumusta nga pala, ngayon ka na lang ulit nabisita rito. Kumusta ang trabaho?" Napangiti ang binata sa kanya, iyon ang uri ng tanong na gusto niyang marinig sa taong binibisita niya: "Kumusta?" Ang mga kinikilalalang magulang ni Craig ay nagdesisyon nang lumipat sa ibang bansa para doon na manirahan. Malaki ang pasasalamat ng binata sa kanila dahil buong buhay ng mga ito ay sa kanya halos inalay, kahit hindi siya tunay na Dominguez ay ibinigay ito sa kanya ng mga ito. Bukod sa pagkatao, ibinigay din ng mga magulang niya ang pagmamahal, atensyon, at anomang bagay na gusto niya. Buong buhay niya ay ipinagpasalamat niya na sila ang mag-asawang kumupkop sa kanila. Lalo pa ngayon na utang na loob niya sa mga ito na natupad niya ang pangarap niyang maging pulis dahil sa kanila. Pero nang maretiro sa trabaho ang kinilala niyang ama ay gusto nitong mamuhay ng tahimik, at magagawa lang nito ang makuha ang kanilang gusto kapag lumayo sila sa bansa. Dahil kung kasama nila si Craig, araw-araw silang kakabahan kapag aalis ang kanilang anak. Kaya kahit ayaw niya ay pinayagan na lang niya ang kanyang pamilya na lumayo. Dahil doon, wala nang iba pang nangangamusta sa kanya pag-uwi niya ng bahay. Malugod na ikinuwento ni Craig kay Zyx ang mga nangyari sa trabaho niya, sinimulan niya ang kanyang kwento sa mga nangyari na hindi niya nabanggit noong nakaraang punta niya. Tapos ay itinuloy niya ang kwento sa pakikipagkita nila kay Mrs. Delos Reyes, kung ano ang naging kasunduan nila at kung ano ang hiningi nilang kapalit. Sinabi niya rin ang pagpunta nila sa bodega kung saan umano dinala ang dinukot na anak ng pamilya Delos Reyes. Ang pagkakatuklas niya sa mga taong nakalaban nila sa bodega at sa pagkakakilala niya kay Albert Mallari. At tinapos niya ang kwento sa mga bagay na sinabi ni Joshua Magno sa kanila, hanggang sa pagkamatay nito. "At least, kahit namatay siya, nasabi niya kung sino ang dapat mong harapin ngayon," ani Wren. Ngayon lang napansin ni Craig na nakinig na rin pala ang tatlo sa kwentuhan nila ni Craig. "Kaya ka ba bumisita rito ay para humingi ulit ng tulong kay Zyx?" "Zeta!" saway ni Zyx. "Ano?" kunot noong tanong ng dalaga sa kanya. Napahawak na lang sa noo ang kapatid niya at napabuntong hininga. Mahina rin itong umiling dahil ayaw na niyang patulan pa ang pag-iisip bata ng kapatid niya. Ngumiti si Craig kay Zeta, hindi niya pa alam kung bakit malamig ang pakikitungo sa kanya ng dalaga. Pero sa totoo lang ay nakakaramdam na siya ng hiya sa grupo dahil alam niya kung anong abala ang ginagawa niya. Dahil mula nang malaman niya na sina Zeta at Zyx ang taong nasa likod ng mga pagnanakaw, kinalimutan na niya ang kasong iyon. Wala na siyang balak na ipakulong ang mga ito dahil mas nangingibabaw sa kanya ang kanilang samahan. "Bumisita ako rito kasi mga kaibigan ko kayo, iyon lang ang dahilan, Zeta," ani Craig. Nagkaroon ng ilang segundong katahimikan sa pagitan nilang lima. Walang may gustong tablahin ang seryoso at nagdududang tingin ni Zeta sa binata. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakikita kay Craig ang sinasabi niyang, "kaibigan." Hanggang sa si Zyx na ang bumasag sa katahimikan iyon, "Pero kung kailangan mo ng tulong ko, puwede naman. Sabihin mo lang kung ano ang kailangan mo o kung ano ang gagawin ko." aniya pagharap niya sa katabi niya. Napairap na lang si Zeta dahil doon. Walang pumansin sa naging reaksyon ni Zeta sa naging sagot ni Zyx kay Craig, kaya wala nang nagawa ang dalaga kundi iwan ang mga lalaking kasama niya at padabog na umalis sa kusina. Napayuko sina Cahil at Wren sa ginawa nitong pag-walkout. Walang ibang naramdaman ang magkaibigan kundi hiya dahil sa inasal nito, pero hindi nila ito masisisi dahil alam nila pare-parehong walang ideya si Zeta sa mga bagay na nangyari noon. "Huwag mo na lang pansinin ang kapatid ko, alam mo namang—" "Ayos lang, naiintindihan ko," awat ni Craig kay Zyx. Gustong sabihin ni Zyx na gusto niyang damayan si Craig dahil sa tuwing pumupunta siya sa kanila ay sinusungitan siya nito, alam niya at nakikita niya na ang rason ng binatay ay para mapalapit kay Zeta... pero kitang-kita naman kung paano siya itaboy ng dalaga. At ang mahirap pa rito ay hindi niya alam kung paano ito susuyuin, dahil maski ang rason bakit ito nagkakaganito ay hindi niya alam. Tumango si Zyx. "Ang totoo, balak ko nang bumalik sa dati naming hideout," aniya. Agad na napalingon sina Cahil, Wren, at Craig sa kanya. Lahat sila ay may gulat na tingin sa kanya. "Huh? Bakit?" tanong ni Craig. Ngumiti ang binata. "Hindi mo man binabanggit, pero hindi ko nakakalimutan ang kasunduan natin. Hindi namin magagawa ang mga bagay na gusto namin kung hindi mo kami binigyan ng kalayaan. Pero kung patuloy kang susungitan ni Zeta, malamang ikaw na ang mahihiyang magsabi sa akin ng dapat gawin. Kaya kung malayo ako, mas madali na para sa 'yo—" "Sandali, Zyx," singit ni Cahil sa usapan, dahilan para mabaling sa kanya ang tingin ng lahat. "Alam ba ni Zeta 'yan?" alalang tanong niya. "Hindi pa, pero balak ko rin namang sabihin sa kanya. Hinintay ko lang talaga ang pagkakataon na makausap ko si Craig at kayo na wala siya," paliwanag ni Zyx. "Pare, alam mo naman ang babaeng 'yon, kahit payagan ka namin ni Cahil tiyak na tututol pa rin siya. At kapag hindi siya pumayag, pare, wala na kaming magagawa r'on," sabi naman ni Wren. Pagak na natawa si Zyx. "Alam ko, pero huwag kayong mag-alala dahil ako na ang bahala sa kapatid ko. Gusto ko lang talagang magpaalam lang din sa inyo," aniya. Seryosong nag-angat ng tingin si Craig sa kanya. "Bakit bigla mong naisip 'yan? Hindi mo naman kailangang layuan si Zeta para lang sa kasunduang sinasabi mo. Sabi mo nga, puwede naman kitang tawagan. Hindi na kailangan na umalis ka pa rito," aniya. "Nakita mo naman si Zeta, 'diba? Pansin mo naman kung paano siya mainis kapag nababanggit ang Fallen Angel o ang tungkol sa pagtulong ko sa 'yo. Hindi lang halata, pero alalang-alala iyon sa tuwing nag-uusap tayo. Maaring nakakapagsalita na siya ulit, pero hindi natin maaalis sa kanya na may trauma siya lalo na't ang aksidente ni Wren ang nagpabalik sa kanya sa dati. Kaya kung kasama ko siya habang ginagawa ko ang parte ko sa kasong tinatrabaho mo, araw-araw lang niya akong kukulitin na tigilan ko na ang patulong sa 'yo," paliwanag ni Zyx. Tumango si Craig. "Tama ka, nag-aalala siya sa 'yo," aniya. Gusto niyang idugtong na, "Pero sa akin ay hindi." Ang kaso, wala pa siyang lakas ng loob na sabihin iyon. Wala pa hanggang hindi pa niya naaayos kung ano man ang problema na meron sa pagitan nilang dalawa ni Zeta. "Kailan mo naman balak umalis?" tanong ni Wren, nakatingin siya kay Zyx. Sandaling nilingon ni Zyx si Craig. "Dipende kung kailan niya kailangan ang tulong ko," aniya pagbaling ng tingin sa kausap. "Pero bago ka umalis, siguraduhin mo munang maiintindihan talaga ni Zeta ang gagawin mo, ha. Baka mamaya, madamay kami riyan, eh," sabi naman ni Cahil. Alam naman ni Zeta na ang ginagawa ni Zyx ay para rin sa kanilang grupo, para sa kanilang habambuhay na kaligtasan. Mula nang nakawan nila si Karl Christian de Guzman, alam niya na ang panganib na nakaamba sa buhay nila at kahit nakakulong ito ay hindi ibig sabihin niyon ay tapos na rin ang problema nila sa kanya. Dahil hanggang malaya ang Fallen Angel, hindi pa tapos ang kanilang kalbaryo. Hindi lang talaga madali para sa kanya na tanggapin na kailangang magsakripisyo ng mga kasama niya para lang mabura sa landas nila ang isang nakakatakot na sindikatong gaya ng Fallen Angel. Natatakot siyang isipin na sa bawat tulong na ibinibigay ni Zyx sa pulis ay mas nalalapit ito sa kapahamahakan. Ayaw na ayaw niya nang may masaktan muli sa mga kaibigan niya, kaya ganoon na lang ang pagtutol niya sa ginagawa ni Zyx. "Isang bagay pa Zyx," ani Craig. Bumaling ang tingin ng kausap niya sa kanya dahilan para ipagpatuloy niya ang sinasabi niya. "Kapag lumipat ka sa hideout, siguro mas mabuti kung samahan na kita roon," aniya. Gulat na tumingin sa kanya ang tatlong binatang kaharap niya. Pare-pareho nilang hindi inasahan na sasabihin niya iyon. "Pare, hindi mo kailangang gawin iyon," giit ni Zyx. "Mas makakabuti sa 'yo na may kasama ka, ngayon nga lang na narito kay delikado na buhay mo, eh. Iyon pa kayang nag-iisa ka lang doon? At isa pa, 'diba nga kaya ka lilipat doon ay para makatulong sa kaso? Kung ganoon, mas madali kung magkasama na tayo. Hindi na natin kailangang magtawagan pa para lang pag-usapan ang plano, magkasama lang tayo sa bahay para harapan iyong solusyunan," suhestiyon ni Craig. Hindi na nakatanggi pa si Zyx, maging sina Cahil at Wren kasi may punto naman ang sinabi ng kaibigan nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD