Chapter 54

2724 Words
CHAPTER 54 Hindi na pinatagal pa ni Zyx ang pagkakataon, agad siyang nagpaalam kay Zeta na balak niyang lumipat pansamantala sa dati nilang hideout at ipinaliwanag niya ang rason kung bakit. Siyempre, inasahan ng binata na ang unang magiging reaksyon ng kapatid niya ay magagalit ito at hindi siya papayagan, kaya kung sakali man ay inihanda na niya ang kanyang paliwanag para maintindihan siya nito ng mas maigi para sa huli ay para payagan na siya. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, ang tanging bagay lang na sinabi ng dalaga sa kanya ay, "Sige. Mag-iingat ka r'on." Ang akala ni Zyx nu'ng una ay patibong ito ni Zeta para makonsensya siya, pero wala itong ibang sinabi kundi iyon lang. Sanay kasi siya sa ugali ng dalaga na kapag alam nitong hindi masusunod ang gusto niya ay ipaparamdam niya sa kausap na hindi siya dapat suwayin nito. Pero sa nakikita niyang itsura nito, tila totoong pumapayag ito ng ganoong kadali na hindi na siya nahihirapang paliwanagan. Bago sa kanya ang ganoong reaksyon ng kapatid, pero hindi na niya pinalampas ang pagkakataon na pinayagan siya nito; agad siyang nag-ayos ng gamit niya para maghanda sa paglipat bago pa ito bawiin ng dalaga. Sumama pa nga siya sa paghatid ng mga kaibigan nila kay Zyx. Pagdating sa dating hideout, inilibot ni Zeta ang tingin niya sa buong paligid. Bumalik sa alaala niya ang madaming bagay na ginawa niya noong dito pa sila nakatira. Ngayon niya na-realize na para bang ang tagal na niyang hindi nakabisita sa lugar na ito at na-miss niya ng husto ang ambiyansa ng paligid. Alam din ni Zeta na makakasama ni Zyx si Craig sa bahay na ito, at gaya ng unang ipinaalam sa kanya ng kapatid ay wala siyang naging pagtutol. Hinayaan niya lang ang kapatid niya sa balak nitong gawin. Maigi pang tinulungan ni Zeta si Zyx sa pag-aayos niya ng gamit. Nagtataka man sa pagiging tahimik ng kapatid ay hinayaan na lang iyon ng binata, ayaw niya rin namang magsimula siya ng bagay na hindi naman dapat gawan pa ng issue. Ang mahalaga sa kanya ay pumayag ito ng walang sapilitang nangyari. "Kuya." Agad na natigil si Zyx sa ginagawa niya nang tawagin siya ni Zeta sa ganoong tawag, at alam niya na may kakaibang mangyayari kapag ganoon ang tono ng boses ng kapatid niya. Hindi siya umimik, bagkus ay tiningnan niya lang ang kapatid niya at hinintay ang sunod nitong sasabihin. Pero sa halip sa magsalita, umiyak ito na parang bata. Mabilis na lumapit si Zyx at ikinulong sa kanyang mga bisig ang nakakabatang kapatid. Walang kahit na anong salita ang lumabas sa bibig nilang dalawa, at ang tanging maririnig mo lang na ingay ay ang mahinang paghikbi ni Zeta. *** Kinagabihan, nag-asikaso na rin ng gamit si Craig. Kanina, buong araw niya kasama si Dawin. At bago sila naghiwalay para sa pag-uwi ay nagpaalam siya rito na lilipat siya ng titirhan. Sinabi niya ang kwento ng nangyari noong gabing nagkausap sina Craig at ang grupo. "Bakit hindi natin naisip na..." ani Dawin, nakatayo siya sa pinto ng kwarto ni Craig. Pinapanood niya ang kanyang kaibigan na nag-aayos ng gamit. "...alam mo na, 'yung gaya ng naisip ninyo ni Zyx," aniya. Patuloy lang si Craig sa kanyang ginagawa, pero mahina itong natawa bago nagsalita. "Kasi palagi naman tayong magkasama. Siguro kung ganoon man ang mangyari, mapagkakamalan na tayong may relasyon," biro niya pa. Tumango si Dawin saka nagkibit-balikat. "Sabagay," aniya. *** Katirikan muli ng araw, pero sina Craig at Dawin ay nasa harap ng isang hindi pamilyar na parte ng kanilang trabaho—ang magmasid sa Botique Shop ni Shiela Vicente. Dahil nga isinantabi muna nilang dalawa ang tungkol kina Albert Mallari at Marcel Delos Reyes, nakatuon ngayon ang atensyon nilang dalawa sa isa pang kilala nilang miyembro ng Fallen Angel. [Walang mangyayari kung nariyan lang kayo sa labas, wala kayong makikitang kahit ano riyan,] reklamo ni Zyx. Nasa hideout siya at siya ang nagsisilbing mata ng dalawa mula sa paligid ng shop. Ang tanging plano lang nilang ngayong araw ay bantayan ang kilos ni Shiela. Ang problema nga lang, may isang oras na silang nakatambay sa harap ng tindahan nito pero wala pa rin silang napapala na kahit ano. Kanina pa sila sinasabihan ni Zyx na maari nilang pasukin ang shop nang walang magdududa sa gagawin nila dahil hindi naman sila naka-uniporme. Pero dahil nga hindi sila pamilyar sa isang Botique Shop, hindi nila alam kung ano ang gagawin nilang kilos sa loob. "Ikaw na kaya, Dawin? Mas madaldal ka naman sa akin, eh," ani Craig. Naging masama ang tingin ng binata sa kanya. "Kapag usapang pakikipag-socialize, ako agad? Anong kinalaman ng pagiging madaldal ko sa gagawin sa loob? Hindi ba dapat ikaw ang pumasok, dahil mas malinaw ang mata mo sa akin?" suhestiyon naman niya. Napakamot ng ulo si Craig dahil alam niyang hindi madaling pilitin ang kaibigan niya. At sa totoo lang ay pareho silang walang balak na pumasok sa loob. At ang totoong rason ay dahil puro babae ang mga customer na nasa loob. Inilapit ng kaunti ni Craig ang mukha niya sa kaibigan para bumulong, "Iyong pang-display na leon na may pakpak lang naman ang titingnan mo sa loob, gaano ba kahirap gawin iyon? Kayang-kaya mo naman 'yon, sige na!" pilit niya. Agad na inilayo ni Dawin ang mukha niya sa kaibigan. "Pare, utusan mo na lang akong bumilo ng kape mo sa ganito kainit na panahon, huwag lang ang pumasok sa loob ng Botique Shop na 'yan!" giit naman ng binata. [Ano bang agenda natin ngayong araw? Pagalingan gumawa ng rason o kumpirmahin ang pagkatao ni Shiela?] sarkastikong singit naman ni Zyx na nasa kabilang linya. Napunta sila sa ganitong sitwasyon dahil nitong umaga, bago pumasok si Craig sa trabaho ay naitanong ni Zyx sa kanya kung: "Nagawa n'yo bang kumpirmahin kung totoo bang miyembro si Shiela ng Fallen Angel?" Doon naisip ni Craig na bukod sa sinabi ni Joshua at sa impormasyong nakalap ni Zyx tungkol sa babaeng iyon, wala pa silang ibang alam tungkol sa kanya. Hindi naman kasama sa alam nila ang tungkol sa pang-display na iyon na simbolo ng kanilang sindiakto. Kaya para umusad ang kaso, kailangan muna nilang kumpirmahin ang bagay na iyon saka nila itutuloy ang pag-iimbestiga sa kanya. Sa madaling salita, ito ang unang hakbang nila sa sunod nilang trabaho. Walang sumagot kay Zyx, dahil pare-pareho nilang alam kung ano ang sagot sa sinabi nito. Nakatayo sila sa tapat mismo ng Shop, sa likuran nila ay may isang bakanteng upuan na nagsisilbing tambayan ng mga taong maaring napapagod sa paglalakad—isang public bench, kumbaga. Naka-park ang kotse nila 'di kalayuan sa Shop. "Kung sana ganito pala ang naisip ninyong kalokohan, bakit hindi ninyo hiningi tulong ni Zeta?" reklamo ni Dawin. Napatingin si Craig sa kanya, tila bumalik na naman sa alaala niya ang pagsusungit ng dalaga sa kanya pati ang bagay na ipinakita nitong ugali nang gabi na bumisita siya sa bahay nila. Hindi na lang niya sinagot ang kaibigan, pero tinitiyak niya na sa pangyayaring iyon ay hinding-hindi papayag si Zeta na tulungan sila sa bagay— "Tama ka, si Zeta!" biglang saad ni Craig, nakangisi siya sa kaibigan. Kumunot ang noo ng kaibigan niya sa kanya. "Anong kademonyohan na naman 'yang naiisip mo?" Dinuro niya ang kaibigan. "Hoy, kahit sinabi ko kaninang handa kitang ibili ng kape sa kainitan ng araw ay hindi ibig sabihin n'on ay gagawin ko talaga 'yon. Kaya kung naiisip mong ipasundo sa akin si Zeta, hindi ko rin iyon gagawin! Aba, ang layo kaya nito sa bahay nila—" "Hindi iyon ang ibig kong sabihin! Ang sinasabi ko, siya ang gagamitin mong rason para makapasok ka sa loob ng Shop!" suhestiyon ni Craig, tila tuwang-tuwa ang tono ng kanyang boses dahil nakaisip na siya ng dahilan bakit sila papasok sa loob. [Tama! Sabihin ninyong may bibilhin kayo para sa kaibigan o kapatid ninyong babae! Tapos si Zeta ang isipin ninyong babae na iyon para makagala kayo sa loob, kasi 'diba ganoon ang ginagawa ng mga lalaki para sa—sa... kapatid o kaibigan nilang babae?] singit naman ni Zyx. Samantala, hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo ni Dawin. "Anong 'mo'? Bakit ako? Hindi ba mas maganda kung ikaw ang papasok sa loob, kasi close kayo ni Zeta? Mas alam mo ang gusto niya!" giit naman nito. Sa pagkakataong ito ay si Craig naman ang kumunot ang noo sa kanya. "Anong kinalaman ng pagiging magkababata namin ni Zeta rito? Irarason mo lang siya, Dawin. Sa isip mo lang naman iyon! Hindi mo kailangang ipaliwanag sa lahat ng tao sa loob na ibibili mo siya ng kung ano roon!" "Hindi, pare. Mas bagay sa 'yo ang trabaho, kasi mas maiisip mo siya kaysa sa akin at mas makakapagpaggap ka ng maayos kasi magiging parang totoo ang dating. Kaya sige na, do the honour!" "Bakit ba ako ang—" [Craig, sa tingin ko tama si Dawin. Mas maganda kung ikaw na ang pumasok sa loob,] ani Zyx. "Dahil kay Zeta?" [Hindi. Dahil mas kaya mong magmatiyag sa paligid,] paglilinaw niya. Napakamot ng ulo si Craig nang tumingin siyang muli kay Dawin. May malawak itong ngisi sa kanyang labi dahil tuwang-tuwa ito na kinampihan siya ni Zyx. Kaya wala nang nagawa ang binata kundi ang tumawid at ihanda ang sarili na pumasok sa loob ng isang pambabaeng tindahan—para sa kanya. Bago tuluyang pumasok sa loob ng Shop ay nilingon pa niya si Dawin na ngayon ay prenteng nakaupo sa upuan kung saan niya ito iniwan, nang magtama ang tingin niya ay nagawa pa siya nitong ngitian na kulang na lang ay literal na umabot ang kanyang labi sa tainga nito. Napailing na lang si Craig at tuluyan nang pumasok sa loob ng shop. Pagpasok niya, isang nakangiting dalaga ang bumati sa kanya, "Welcome, Sir!" aniya. Kaswal na pang-alis ang suot ng babae, hindi ito gaya ng inaasahan niya na naka-uniform gaya sa isang mall. Ngiti at tango ang isinagot ni Craig sa kanya. At agad na umikot ang mata niya sa paligid ng Shop. Sa unang tingin pa lang, kung pinuntahan nila ito bago pa nila nakausap si Joshua, hindi talaga ito ang tipo ng lugar na masasabi niyang may konekta sa taong iyon. Ang makikita sa loob ng Shop ay kung ano-anong bagay, hindi niya matukoy ang bawat section ng nasa loob kagaya nakikita niya sa mga mall. Sinubukan niyang maglibot sa paligid, sari-sari ang mga bagay na nakikita niya—alahas, damit, sapatos, sumbrero, at kung ano-ano pang gamit na madalas ginagamit ng isang babae. Kagaya ng nakita niya mula sa kabilang kalsada ay halos puro babae ang customer ng shop, ang iba ay grupo ng mga babae o 'di kaya ay pares o tatlo sila. Meron ding mga naka-uniporme na maaring galing o papasok pa lang ng eskwelahan. May iilan din namang mga lalaki, pero lahat ng nakita niya ay may kasamang babae at silang dalawa lang. Biglang naisip ni Craig na, "Puwede rin kaya naming gawin ni Zeta ang ganoong bagay? Lumabas ng kaming dalawa lang?" Pero agad niyang inalis sa isip niya ang bagay na iyon, alam niyang hangga't hindi naalis ang kung anong pader sa pagitan nilang dalawa ay hinding-hindi mangyayari ang iniisip niya. Kaya ang mas mainam niyang gawin sa ngayon ay mag-focus sa dapat niyang gawin dito. Pansin na pansin na tanging siya lang ang nag-iisang lalaki sa loob ng Shop na walang kasamang babae, pero hindi na lang niya binigyan iyon ng pansin. Bagkus ay itinuloy niya na lang ang pagmamasid sa paligid, nagkukunyaring naghahanap ng bagay na maaring ibigay man kung kanino. [Kumusta sa loob? Nakahanap ka na ba ng ibibigay mo kay Zeta?] pang-aasar ni Dawin na nasa kabilang linya. May suot siyang headset sa loob, at hindi naman ito mukhang nakakapagduda. Pareho sila ni Dawin na may suot na headset, para magawa nilang makausap at marinig si Zyx na naiwan sa Hideout. Hindi niya ito sinagot, umirap lang ito sa hangin na para bang kaharap niya lang si Dawin. Akmang pahakbang na sana si Craig, pero natigil siya sa paglalakad nang mapansin na sa pwesto niya ay nalampasan na niya ang counter, pero sa gilid nito, isang malaking display ang bumungad sa kanya—ang display na hinahanap nila... ang simbolo ng Fallen Angel. "Kita ko na!" mahinang sambit ni Craig, pero sapat na para marinig ng dalawang kausap niya sa headset. At sa oras na muling tumingin ang binata sa counter, isang pamilyar na mukha ang nakita niya roon... si Shiela. "Nandito rin ang target!" anunsyo ni Craig. [Umalis ka na riyan, pare! Baka mamukhaan ka niyan!] giit ni Dawin. Tumango si Craig at agad na yumuko, alam niyang hindi madaling lumabas. Kailangan niya munang umarte na parang wala siyang napili bago siya lumabas. At sa kanyang pagharap sa daan papuntang pintuan— "Excuse me, Sir. May napili na ba kayo?" nakangiting tanong sa kanya ng babaeng bumati rin sa kanya pagpasok sa shop. [Patay,] ani Dawin. [Hayaan mo na, sakyan mo na lang kung ano ang sasabihin niya sa 'yo,] suhestiyon naman ni Zyx. Lumikot ang mata ni Craig, tila sinilip niya kung naroon pa ba sa counter si Shiela. Pero hindi na niya iyon nakita sa pwesto kung saan niya ito unang nakita, kaya hindi na lang muna niya iyon pinansin at ibinalik na lang niya ang tingin sa babaeng nasa harap niya. "Ah, ang totoo niyan..." panimula niya, tila hindi alam kung ano ang sasabihin niya. Hanggang sa napatingin siya sa lalaki at babaeng magkahawak kamay na ngayon ay palabas na ng shop. Saka siya muling nagsalita, "Sinusubukan kong maghanap ng bagay na puwede kong ibigay sa girlfriend ko, kaso hindi ko talaga alam kung anong bibilhin ko. Kaya naisip ko na tanungin ko na lang siguro siya sa kung ano ang gusto niya—" "Naku, Sir. Iyan ang bagay na pinakaayaw naming mga babae. For sure, magagalit sa 'yo ang girlfriend mo kapag tinanong mo siya ng ganyan at sasagutin ka pa ng, 'Saan ka nakakita ng gift na itatanong mo sa taong pagbibigyan mo?' But don't worry, Sir! Tutulungan kita!" aniya saka humarap sa mga paninda nilang nasa kanan ni Craig. Kumuha ang babae ng isang kwintas. Silver ang chain nito at ang pendant ay isang kulay jade green na four leaf clover. Magiliw na ipinakita ng Saleslady kay Craig ang hawak niya. "Kanina ko pa kasi napapansin na nakatuon ang atensyon mo sa mga necklaces namin, Sir. At kung ako ang tatanungin mo, ito ang pinakamaganda sa mga 'yan," paliwanag niya. Kinain naman ng kuryosidad si Craig, bilang parte na rin ng pag-arte niyang may gusto nga siyang bilhin. "Bakit?" tanong niya. "Ang ibig sabihin kasi nito, kapag ibinigay mo 'to sa girlfriend mo ay parang ipinaparamdam mo sa kanya na ang swerte mo to have her kasi nga four leaf clover siya. And the color of the pendant represents 'protection' which is jade green, na kahit wala ka sa tabi niya ay parang sinasabi mo na palagi kang nandiyan para sa kanya." Hindi napigilan ni Craig ang sarili niya na mapangiti, iisang babae lang ang pumasok sa isip niya nang sabihin iyon ng babaeng kaharap niya. Noon pa man, gustong-gusto niya nang sabihin kay Zeta ang mga bagay na gaya ng sinabi nito, pero wala siyang lakas ng loob para sabihin iyon ng harapan. "Sige, iyan na lang ang kukunin ko. Thank you," ani Craig. "Okay, Sir! Ang cute n'yo po, kitang-kita ko sa smile ninyo na si girlfriend talaga ang iniisip ninyo while looking at this necklace!" sabi pa ng babae. Hindi na siya sinagot ni Craig, nginitian na lang niya ito muli. Mabilis namang lumapit sa counter ang babae para ipabalot ang binili niya. "Sir! Puwede po ba naming malaman ang name ng girlfriend mo? Para masama namin sa pag-design ng wrapping," sabi naman ng lalaking nasa counter. Alangan man ay lumapit na rin siya sa counter. Hindi siya nag-alangan na lumapit dahil kay Shiela at sa pagkakataon na maari siyang makita nito, nag-alangan siya dahil sa tanong ng lalaking magbabalot ng binili niya. Nag-aalalangan siya sa maaring maging reaskyon ni Zyx kapag sinagot niya ang tanong ng kausap niya. Pero ano pa man ang mangyari, ngumiti si Craig sa kaharap niya at buong tapang na sinabi, "Zeta. Iyon ang pangalan ng girlfriend ko."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD