Chapter 52

2717 Words
CHAPTER 52 Mas maagang nakauwi ng bahay si Craig ngayon kumpara sa mga dati niyang oras ng uwi. Hindi siya sanay na makikita ang sarili na maagang nasa loob ng kanyang tinitirhan. Pakiramdam niya, parang may bagay siyang nakalimutang gawin sa opisina na dapat ay tapos na niya ngayong araw. Pero sa kabilang banda, alam niyang kailangan niya rin naman ito dahil naging mahaba ang araw para sa kanya. Madaming nangyari at hindi niya inasahang mangyari. Ipinagkibit-balikat na lang niya ang mga alalahanin na gumugulo sa isip niya ngayon. Mahirap mang magpahinga na may iniisip ay pipilitin niya pa rin. Sa buong araw na pagtatrabaho niya tungkol sa kasong hawak niya, itong araw na ito na yata ang masasabi niyang pinaka nakakapagod na araw. Hindi siya napagod noong pinuntahan nila ang mga lugar na dapat niyang puntahan, at lalong hindi siya napagod na nakipaglaban siya... pero ang nakakapagod, ay iyong matapos ng mahabang araw na lumipas, isang malungkot na balita ang matatanggap niya bago siya umuwi. Akala niya, kapag nalaman na niya ang tunay na nangyari kay Shaira Delos Reyes ay matatahimik na ang isip niya. Inasahan man niyang maaring hindi na talaga makabalik ang bata ay hindi niya pa rin matanggap ang kalunos-lunos na sinapit nito, at ang mas masakit pa ay sa kamay pa mismo ng kanyang sariling ama. Hindi niya lubos maisip hanggang ngayon na may ganoon palang uri ng ama, sagad ang itim ng budhi... isang nilalang na parang kulang ang init ng apoy sa impyerno para pagbayaran ang ginawa niya. Iba ang pananaw ng binata sa pigura ng isang ama, lalo na ng isang pamilya... kaya ganoon na lang ang epekto sa kanya ng nangyari sa bata. Inilugmok ni Craig ang sarili niya sa kanyang kama. Pilit niyang idiniin ang kanyang ulo sa unan na para bang ito lang ang tanging paraan na alam niya para mabura ang mga narinig niyang sinabi ni Joshua sa kanila kanina. Pero kahit yata saktan niya ang kanyang sarili ay nakadikit na sa isip niya ang boses ng lalaking iyon habang ikinukwento ang totoong nangyari... 'Nakakapagod alamin ang katotohanan,' iyon ang bagay na laman ng isip niya ngayon. Hindi niya narasanan ang makilala ang tunay niyang ama, kaya hindi niya alam kung ano ang naramdaman ni Shaira nang araw na malaman nito na ang sarili niyang ama mismo ang nagpamahak sa kanya. Pero ang hiling ni Craig... ay sana, hindi na nito nalaman ang totoo. Mas mainam nang namatay ito na walang ideya sa tunay na pait ng buhay kaysa sa mamatay nang may galit sa kanyang ama. Para sa kanya, swerte ang mga batang lumaki na kilala nila ang tunay nilang mga magulang. Prebelehiyo ang pakiramdam kapag may maisasagot sa tanong na, "Sino ang magulang mo?" Pero sa lagay ni Shaira, bagay pa bang sabihin na swerte siyang kilala niya ang mga ito? Malungkot ang hindi mo manlang alam sino ka nga ba talaga, paulit-ulit mong itatanong sa sarili mo kung saan ka nanggaling at kung paano ka napunta sa lugar kung nasaan ka ngayon... wala mang tumawag sa iyo ay ramdam mo pa rin na isa kang putok sa buho. Pero kung malaman mo naman na ang magulang mo ay isang kampon ng demonyo, mas sasaya ka bang ituring na lang ang sarili mong walang pagkakakilanlan? Madami pang naging tanong si Craig sa kanyang sarili, tila kinain siya ng kanyang emosyon at hindi niya mapigilan ang sarili na paulit-ulit na tanungin ang sarili kung bakit hindi itinadhana sa kanya ang kasong nangyari sa kaawa-awang batang iyon. Naglaro sa kanyang isip ang isang tanong na, "Kung ako ba ang pulis na naroon, magagawa ko bang iligtas si Shaira?" Nakatulog siya na ang tanging laman lang ng isip niya ay hindi na lang tungkol sa trabaho ang ginagawa niya... kundi nagkaroon siya ng bagong rason para lumaban... ipaglaban ang mga gaya ng kaawa-awang bata gaya ni Shaira at ng marami pang inosente na naging biktima ng karahasan ng ibang tao para lang sa pera. Gusto niyang simulan ang bukas na may hatid na pagbabago sa lipunan. Naniniwala siyang hindi lang pangarap niya ang rason bakit gusto niyang maging isang pulis, kundi para bigyan din ng pagkakataon ang iba na tuparin din nila kani-kanilang sariling pangarap. *** Maagang nagising si Craig, hindi niya alam kung anong oras siya nakatulog kagabi. Ang tanging naaalala niya lang ay mula nang makahiga siya sa kama ay wala nang tumakbo sa isip niya kundi ang mga bagay na pinaka ayaw niyang isipin. Tumawag siya kay Dawin na daanan na lang siya sa bahay niya kapag nakarating ito ng opisina. Kahapon bago sila umuwi ay napag-usapan nila na ngayong araw nila muling kikitain si Mrs. Delos Reyes, hindi na nila kayang itago pa ang mga nalaman nila mula kay Joshua Magno nang matagal. Wala nang pakialam pa si Craig kung wala pang nalalaman ang ginang tungkol sa kanyang asawa, dahil para sa kanya ay mas mahalaga na malaman nito ang katotohanan at saka niya pag-isipan kung ano ang susunod niyang gagawin hinggil sa nangyari. Pagsakay ni Craig sa sasakyan, pagdating ni Dawin, mata ang unang sinilip sa kanya ng kanyang kaibigan. "Natulog ka ba?" tanong niya, saka ibinalik ang tingin sa kalsada nang umusad na ang sasakyan. Hindi na umimik si Craig, pinabayaan na lang niya ang kaibigan sa kung ano man ang gusto nitong isipin na sagot sa sarili niyang tanong. Wala pang tatlumpung minuto ay nakarating na silang dalawa sa dating naging tagpuan nila kasama si Rita. Dito na lang ulit nila napiling magkita dahil ito na ang unang lugar na pinuntahan nila at wala namang rason para mag-iba pa sila ng lugar. Kagaya noong una nilang pagkikita ay mas inagahan nilang dalawa ang punta para mabantayan ang paligid bago dumating ang ginang. Gusto nilang makasiguro na walang makakaalam ng kanilang pagkikita, lalo pa ngayon na mas dapat silang mag-ingat. "Sigurado ka bang sasabihin mo sa kanya 'yung mga sinabi ni Joshua kahapon?" tanong ni Dawin, ang totoo ay nagtanong lang siya para basagin ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Kanina niya pa kasi napapansin na may hindi tama sa kaibigan niya. "Dawin, may ilang minuto pa tayong natitira bago dumating si Mrs. Delos Reyes. Kaya kung may mas maganda kang ideya kaysa sa balak ko, sabihin mo na," sagot niya. Napabuntong hininga ang binata saka nilingon ang kausap. "Wala akong ideyang iba, pero pakiramdam ko kasi—" Muli siyang napabuga ng hangin. "Kaya ba ni Mrs. Delos Reyes na marinig ang ganoong kasakit na katotohanan?" Seryoso pa rin ang ekspresyon ng mukha ni Craig, pero ibinaling niya ang tingin sa kaibigan nang sagutin niya ito, "Humingi siya ng tulong sa atin para mahanap ang kanyang anak. Ngayon, hindi na natin kasalanan kung ang mahahanap natin ay kumipirmasyon ng kamatayan ng bata at ang katotohanan sa misteryo ng pagkawala niya. Alangan namang sabihin nating alam natin kung nasaan ang bata, sa tingin mo ba hindi tayo kukulitin niyon kung magsisinungaling tayo ng ganoon?" "Alam ko naman ang ibig mong sabihin, naiintindihan ko." Napakamot na lang siya ng ulo. "Pero ang akin lang, wala bang paraan na iba maiwasan nating makasakit? Nanay kasi siya, Craig. Ilang taon siyang umasa na makikita niya pa ang anak niya tapos biglang malalaman na lang niya—" "Mas mainam nang malaman niya ang katotohanan ngayon kasya dagdagan pa natin ang oras na aasa siya sa wala," sagot ni Craig bago ito tuluyang bumaba ng sasakyan. Isang hudyat na nakita na nito ang pagdating at pagpasok ng ginang sa loob ng kainan. Napailing na lang si Dawin dahil sa inaasta ng kaibigan, hindi niya pa lubos na maunawaan kung bakit nagkakaganoon si Craig, pero alam niyang may kinalaman ito sa gagawin nila ngayong araw. Ngayon pa lang ay pinoproblema na niya kung paano pakakalamahin ang kaibigan. Pagpasok sa loob ng kainan ay naabutan nila ang ginag na nakaupo sa mas tagong pwesto, iyon bang sa unang tingin mula sa pintuan ay hindi siya mapapansin dito. Umaga pa lang, pero nakatakip na agad ang buong mukha niya at naka-sunglasses lang ito. Patunay lang na hindi niya talaga iniiwas ang sarili niya sa araw, ayaw niya talagang may ibang taong makaalam na nagpunta siya rito para makipagkita sa kung sino. Kamayan ang unang naging batian nina Craig at Rita. Ginaya na lang siya ni Dawin at sabay silang naupo sa katapat na upuan ng ginang. Muli na namang umikot ang tingin ni Rita sa paligid bago nito inilapit ang kanyang mukha sa dalawang binatang kaharap niya. Nagsalita ito na halos wala nang boses, "Bakit bigla ninyo akong pinatawag ngayong araw? Hindi ba't ang usapan ay aalamin ko ang kilos ng asawa ko at ang kapalit ay tutulungan ninyo akong hanapin ang anak ko. Huwag ninyong sabihing nagbago ang isip ninyo?" Isang araw pa lang ang nakakalipas mula nang mabuo ang kanilang kasunduan tungkol sa bagay na iyon, kaya natural lang na magtaka ang ginang kung bakit siya pinapunta ng dalawang pulis na nakausap niya sa ganitong kabilis na araw. Kaya ang tanging naiisip niya lang na rason ay maaring may bago silang hiling o hindi kaya ay ang iatras na ang kanilang kasunduan—isang bagay na hindi niya hahayaang mangyari. Ipinatong ni Craig ang kanan niyang kamay sa lamesa, nakakuyom ito habang kagat niya ang kanyang labi. Kagabi pa niya pinag-isipan kung paano niya kakausapin ang ginang tungkol sa bagay na gusto niyang sabihin. At ilang oras ang naubos niya para lang pagdesisyunan kung paano niya sisimulan ang sasabihin niya. Dahan-dahan niyang inilapit ang kamao niya sa harap ng ginang. Nang maabot na nito ang sukdulan ng kanyang kamay ay ibinuka na niya ang kanyang kamao, dahilan para malaglag sa mesa ang isang maliit na bagay na nagbigay ng pagtataka kay Rita. Binawi ng binata ang kanyang kamay at hinayaan itong muli na nakapatong sa mesa. Kumunot naman ang noo ni Rita nang makita kung ano ang iniabot sa kanya ng pulis—isang itim na flash drive. "Ano ito?" agad na tanong ng ginang. Napaiwas ng tingin si Dawin nang makita ang flash drive na iyon. Hindi pa man sinasagot ng kaibigan ang tanong ni Rita ay alam na nito kung ano ang laman nito. Napalunok si Craig bago sumagot, "Kahapon, pinuntahan namin ang bodega kung saan naganap ang palitan ninyo ng pera sa kidnapper ng anak ninyo. Nagkaroon ng imbestigasyon muli, nagbakasakali kami ng kasama ko na sa pangalawang pagkakataon ng pagbukas namin sa kaso niya ay may malalaman kami... at... hindi naman kami nagkamali." Sumilay ang isang matamis na ngiti sa labi ni Rita, isang tanda na umaasa siya sa napakagandang balita na dala ng kanyang kausap. Halo-halo ang kanyang emosyon na nararamdaman ngayon, kung mayroon mang mas hihigit pa sa saya ay maaring iyon na ang kanyang nararamdaman. "Ang bilis! Anong balita, Sir? Naroon ba ang anak ko?" Muling napalunok si Craig at napatingin pa siya sandali sa kanyang kaibigan, patuloy pa rin ang pagtingin ni Dawin sa kung saan-saan kaya alam ng binata na siya muli ang dapat sumagot sa tanong ng ginang. "Hindi namin siya nakita sa bodega," panimula niya, hindi niya na balak pang sabihin ang ilan pang detalye. Gusto na niyang matapos agad ang pag-uusap nila dahil hindi na niya kayang tagalan pang makita ang ngiti sa mukha ni Rita. "Bumalik kami sa Station at napagdesisyunan naming kausapin ang kidnapper ng anak ninyo." Nawala ang ngiti sa mukha ng ginang, napalitan na naman ito ng kunot sa kanyang noo. "Bakit kinausap n'yo na naman ang walanghiyang iyon? Wala naman siyang sasabihin kundi—" "Misis," pigil ni Craig sa kanya saka itinuro ang bagay na inabot niya sa ginang. "Ang lahat ng pinag-usapan namin naka-record at naka-save sa flash drive na 'yan, kaya ang masasabi ko na lang ay maari ninyong iuwi 'yan at pakinggan kung ano ang naging pag-uusap namin. At sa tulong din ng flash drive na 'yan, madaming tanong sa isip ninyo ang maaring masagot," paliwanag niya. Bumuka ng bahagya ang bibig ni Rita, tila hindi alam ang kanyang sasabihin. Hindi niya maintindihan kung bakit imbes na ibalita sa kanya ang mga nangyari kahapon ay binigyan lang siya ng record ng isang pag-uusap nila umano ng kriminal na dumukot sa kanyang anak. Pero naguguluhan man, kinuha niya pa rin ang flash drive at mabilis na tinago sa kanyang purse. Napalunok ang ginang at muling nagtanong, "Biglaan ang tawag ninyo, wala pa akong nadidiskubre na kahit ano tungkol as asawa ko—" "Hindi na kailangan, Misis. Hindi na namin kailangan ng tulong ninyo tungkol sa bagay na iyan, at malalaman ninyo kung bakit kapag napakinggan n'yo na ang record sa flash drive," sagot ni Craig. Lalong lumalim ang kunot sa noo ni Rita, lalo niyang hindi maintindihan kung ano ba talaga ang nangyayari. "Hindi ko na kailangang sundan ang asawa ko at hindi ko na kailangang alamin ang mga galaw niya o kung sino ang mga nakakausap niya? Bakit? At para saan ba talaga ang gusto n'yong gawin kong iyon?" sunod-sunod niyang tanong. Kitang-kita ni Craig ang pagtataka sa reaskyon ng ginang, at hindi niya masisisi kung bakit ito nagkakaganito ngayon. "May mga bagay na mahirap pang ipaliwanag sa ngayon. Ang tanging maisasagot ko lang sa iyon ay para na rin sa inyo ang sinasabi ko," sabi niya na lang. "Sige, okay. Pero, ano nang sunod na mangyayari? Kailan ko ba makikita ang anak ko? Hindi... hindi ko maintindihan, eh. Nakaraan lang ang ayos ng usapan natin, may kasunduan tayo, tapos ngayon ganito ang sasabihin ninyo sa akin at bibigyan n'yo ako ng isang flash drive. Ano ba talagang—" "Mrs. Delos Reyes," tawag ni Dawin sa kanya. "Alam naming madaming tanong ang naglalaro sa isipan ninyo ngayon. Pero kahit gusto naming sagutin iyan ay hindi pa namin magagawa 'yon hangga't hindi n'yo pa nagagawang pakinggan ang laman ng flash drive na ibinigay sa inyo ng kasama ko." Tumango ang ginang, isang hudyat para ituloy ni Dawin ang kanyang sinasabi. "Hindi po ibig sabihin nito ay hindi na tayo magkikita, binibigyan lang po namin kayo ng oras at panahon na pakinggan muna ang laman ng flash drive. At kapag nalaman n'yo na ang nasa loob niyan, kung gusto n'yong makipagkita ulit sa amin o kung may tanong po kayo, maari n'yo kaming tawagan," aniya saka nag-abot ng isang calling card kay Rita. "Nariyan po ang telepono namin sa opisina o 'di kaya ang mismong number naming dalawa. Kayo na po ang bahala sa magiging sunod ninyong desisyon. Sa ngayon po, nagpapasalamat kami sa pakikipagtulungan ninyo sa amin." Naunang tumayo ang magkaibigan pagkatapos sabihin iyon ni Dawin, naiwan ang ginang na tulala pa rin at patuloy na pinoproseso ang mga sinabi sa kanya ng dalawang pulis na nakausap. Nang makabalik sa sasakyan ang magkaibigan ay hinarap ni Dawin ang kasama pagkatapos niyang paandarin ang makina. "Mahaba pa ang araw, huwag ka munang bumusangot," bati niya. Hindi siya nililingon ni Craig, pero pinili niya ring sumagot, "Sana lang ay mapatawad niya tayo sa nagawa natin sa kanya," aniya. Kumunot ang noo ng kaibigan niya, hindi niya alam kung matatawa ba siya o hindi sa sinabi ng kausap. "Ano bang sinasabi mo? Ginawa lang natin ang trabaho natin, gusto niyang makita ang anak niya at ibinigay natin sa kanya ang sagot. Sa 'yo na nanggaling iyon, 'diba? Kaya tigilan mo nga 'yang pagmamaktol mo," ani Dawin saka umalis sa lugar. Nanatiling tahimik si Craig habang nasa byahe sila ng kaibigan niya. Ngayon pa lang ay naiisip na niya ang magiging pag-iyak ni Rita kapag narinig na niya ang laman ng flash drive, nakakaramdam na siya ng awa sa magiging sakit na idudulot nito sa kanya. Pero mas lamang ang galit dahil sa nangyari. Bumalik ang magkaibigan sa Station dahil may trabaho pa silang kailangang asikasuhin. Bukod sa kailangang sabihan ni Craig si Zyx na itigil na nito ang paghahanap ng clue tungkol kay Shaira Delos Reyes ay kailangan pa nilang gawin ang sinabi ni Joshua—ang kilalanin ang tatlong tao na kilala nilang konektado sa Fallen Angel. Pero sa pagdating nila, hindi pa man sila nakakapasok sa kanilang opisina para magpahinga, isang humahangos na pulis na mas mababa ang ranggo sa kanila ang bigla na lang lumapit sa kanila at sinabing... "Sir! Nakita namin si Joshua Magno sa loob ng selda niya, wala nang buhay!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD