Chapter 44

2727 Words
CHAPTER 44 Inilaan nila Craig at Dawin ang araw na ito para basahin at pag-aralan ang ibinigay na impormasyon ni Zyx hinggil sa bagay na ipinagawa nila sa kanya. Ito ay ang kilalanin ang mga pangalan ng mga taong kasama ni Karl sa loob ng selda niya at kung sino ang mga bumibisita sa kanila. Tiwala silang may bagay silang malalaman sa gagawin nilang ito, hanggang ngayon ay desidido pa rin silang alamin kung nagkakausap pa rin ba ang Fallen Angel at si Karl. Mula r'on naman ay aalamin nila kung paano pa nila lubos na makikilala ang sindikatong iyon. Malakas ang kutob ng magkaibigan na hindi basta-basta magtataopos lang sa pagkakakulong ni Karl ang koneksyon niya sa sindikato, bukod pa roon ay dapat nilang samantalahin ang bagay na iyon para makasingit sila ng pagpasok sa mundo ng Fallen Angel; isang paraan na makakatulong sa kanila sa paggaan ng trabaho nila. Pinagtulungan na nilang dalawa ang pagbasa sa mga papel na hawak nila, ni-print nila ito para mas madaling hawakan at basahin. Magkasama ang dalawa sa kanilang opisina, hapon na at alam nilang sa ganitong oras ay ito ang tamang pagkakataon para sa ganitong trabaho. Nakakahilo ang magbasa ng mga ganitong impormasyon, pero pinagtiyagaan nilang dalawa dahil nga ito lang ang paraan na mayroon sila ngayon para kahit paano ay may gawin sila tungkol sa hawak nilang kaso. Habang nagbabasa, hindi maiwasan ni Craig ang isipin ang kanyang hininging pabor kay Zyx. Kahit papaano ay nahihiya rin siya na ang trabahong dapat ay sila ang gumagawa ay ipinagawa niya pa sa kaibigan niya. Pero wala rin siyang magawa sa bagay na iyon kundi ang iasa talaga sa kaibigan niya ang ganoong uri ng trabaho, dahil mas maalam si Zyx sa mga ganoong bagay kumpara sa kanila ni Dawin. At alam din naman niyang iyon talaga ang dahilan bakit sila nagkaroon ng kasunduan una pa lang. Nahihiya man siyang aminin pero daig pa siya nito pagdating sa mga ganitong usapin, subok na niya iyon at napatunayan na niya ng ilang beses iyon. Maswerte na lang din siya at nagkaroon sila ng kakilalang gaya ng binata na madaming maaring pagkuhanan ng impormasyon. "Sino ba talaga ang hinahanap natin dito?" tanong ni Dawin nang mag-angat siya ng tingin kay Craig, tila napagod na ang mata niya kakabasa sa hawak niyang papel. At tinamad na rin siyang daanan ng basa ang impormasyon ng mga taong maaring wala namang magiging dagdag tulong sa kaso nila. Tiyak din niya na pareho lang sila ng kaibigan niya na walang napapala sa pagbabasa nila ng hawak nila. Mabilis mainip si Dawin sa mga ganitong trabaho, siya ang tipo ng pulis na mas gusto ng askyon kaysa ang mga ganitong trabaho na gagamit ng utak para kilalanin ang suspek. Mas naniniwala siyang aksyon ang tunay na paraan para mahuli ang mga kriminal, kaya nga noong nakaraan ay pinipilit niya si Craig na iasa na lang lahat ng ganitong trabaho kay Zyx dahil mas bagay ito sa kanya kaysa sa kanilang dalawa—bagay na hindi rin naman sinang-ayunan ng kaibigan niya. Maaasahan din sa aksyon si Craig, at gaya rin siya ni Dawin na gusto niya rin ng aksyon. Lalo na kung ang pag-uusapan ay paghuli na mismo sa kriminal. Pero ang pinagkaiba nilang dalawa ay gusto muna ni Craig na araling mabuti ang mga bagay bago siya kumilos, naniniwala siyang mas mapapabilis ang pagresolba nila sa kaso kung may laman ang isip nila tungkol dito. Kaya madalas ay lahat ng plano siya ang nag-iisip, dahil madami siyang natutunan sa pagbabasa o pag-obserba sa giangawa ng ibang pulis. Hindi inaalis ni Craig ang tingin niya sa papel, abala pa rin ito sa paghahanap ng clue na kailangan nila. "Hanapin mo 'yung taong sa tingin mo ay maaring konektado kay Karl. Puwedeng nakasama niya na, naging katrabaho, kaibigan, isang owner ng mga negosyong kasama sa listahan na nakuha nila Zyx sa Restaurant noon, o 'yung mismong owner ng Restaurant na iyon. Kahit ano, basta 'yung sa tingin mo ay nakakapagtaka," paliwanag niya. Mas mabilis ang ginagawa niyang scan kumpara kay Dawin. Ang problema lang ni Craig, mahina siya sa mga usaping may kinalaman sa computer. Hindi niya naiintindihan kung paano nagagawa ni Zyx na makahanap ng mga impormasyong gaya ng hawak nila. Dahil kung alam lang niya, maaring hindi na sila nakipagkasundo sa grupo ni Zyx at siya na mismo ang gumagawa ng mga bagay na ginagawa ni Zyx. Napangiwi naman ang mukha ng binata nang marinig niya ang naging sagot ng kausap niya. "Salamat ha, laking tulong ng sagot mo," sagot niya. Naging tahimik na sila pagkatapos n'on, pareho na nilang inabala ang sarili nila sa pagbabasa ng mga papel na hawak nila. Ang kasama ni Karl na preso sa loob ay labing-pitong katao. At ang bilang ng taong iyon ay may dalawa o higit pang natatanggap na bisita araw-araw. Hindi naman mahirap kunin ang mga pangalan ng mga iyon, dahil ang kailangan lang naman nila ay ang mga naging bisita nila mula nang araw na makulong si Karl. Sa labing-pitong taong iyon, ay naghati sina Craig at Dawin sa pagbabasa ng impormasyon tungkol sa mga presong iyon at pati sa mga naging bisita nila. Kasama na rin kung ano ang koneksyon ng mga bisitang iyon sa kanila. "Joshua Magno," ani Craig. Kumunot ang noo ni Dawin nang marinig niya ang mahinang sinabi ng kaibigan niya. "Sino 'yun?" tanong niya. "Preso rin siya, kasamahan ni Karl sa kulungan. Ang kaso niya ay k********g, nagawang ihanda ng pamilya ng dinukot niya ang ransom na hinihingi niya at tumawag din sila ng pulis para umalalay sa kanila sa pagbawi ng anak nila. Pero nang magpunta sila sa lugar kung saan nila dapat babawiin ang bata ay hindi na nila nakuha ang biktima. Nahuli man si Joshua at ngayon ay pinagdurusahan niya ang ginawa niya, hindi naman nabawi ng pamilya niya ang kamag-anak nilang kinuha nito," kwento ni Craig, iyon ang isa sa mga impormasyong nabasa niya sa papel na hawak niya. "Paanong hindi nabawi ang bata? Kung nahuli ang kidnapper?" tanong ni Dawin. "Hindi raw iyon masagot ni Joshua, ang sabi niya sa mga pulis ay iniwan niya sa loob ng bodega ang bata. Umalis lang siya para kunin ang perang kailangan niya at maari na siyang puntahan ng pamilya niya pagkatapos. Iyon daw ang paraan niya para makuha ang perang kailangan niya at makatakas. Pero nang puntahan nila ang lugar na itinuro ng suspek ay wala silang batang naabutan doon." "Sinasabi mo bang maaring may ibang kumuha sa biktima? At wala talagang balak na isoli ng suspek ang bata?" "Hindi ko alam, wala nang kasunod ang statement. Pero nakakaduda kasi ang nangyari, bakit biglang nawala ang bata? At hanggang ngayon, kahit nakakulong na ang suspek ay hindi na ito talaga nakita." Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan ng dalawa, tila ang pareho silang nag-iisip ng maaring sagot sa nangyari. "Human Trafficking ang ilegal na negosyo ng Fallen Angel... hindi kaya..." ani Dawin. Tumango si Craig. "Iyon din ang iniisip ko, ang batang hindi na nabawi ng pamilya ay kinuha ng sindikato. Posibleng nagkukunyari lang si Joshua na hindi niya alam kung saan napunta ang biktima. Maaring alibi niya lang ang maari nila iyong puntahan sa loob ng bodega kapalit ng pagtakas niya, pero ang totoo ay wala na talaga r'on ang bata. Kinuha niya lang ang pera kaya siya nakipagkita sa pamilya nito," aniya. "Pero dahil may mga kasamang pulis ang mga magulang ng bata, hindi niya rin nagawang makatakas. Nabawi muli ang pera at naikulong ang suspek, pero walang batang nakauwi sa kanila." Tumango si Dawin at tumingin sa kaibigan bago muling nagtanong, "Sino ang palaging bumibisita sa kanya?" Bumalik ang tingin ni Craig sa papel. "Mula nang makulong si Karl, dalawa ang laging bumibisita sa kanya. Sina Robert Medina at Shiela Vicente." Sinubukang hanapin ng dalawa ang mga papel kung saan nakasulat ang impormasyon tungkol sa dalawang pangalang nabanggit. Parehong hawak iyon ni Dawin. "Si Robert Medina ay asawa ng kapatid ni Joshua, siya ang palaging dumadalaw sa kanya dahil nasa ibang bansa ang kapatid niya. OFW siya sa Taiwan, pitong taon na siya roon. Si Robert ang paraan para makumusta ni Joshua ang kapatid niya roon. Pareho nang patay ang mga magulang nila," basa ni Dawin sa impormasyong nasa papel. "Sino naman 'yung isa?" "Shiela Vicente, may-ari siya ng Botique Shop. Bumibisita siya kay Joshua isang beses sa isang linggo," ani Dawin. Kumunot ang noo ni Craig sa kanya. "Iyon lang? Anong koneksyon nila sa isa't isa?" "Ang nakalagay lang ay magkaibigan sila," aniya. Naningkit ang mata ni Craig. "Ang dating trabaho ni Joshua ay Construction Worker, paano siya naging malapit kay Shiela Vicente na owner ng Botique Shop? Wala ba silang relasyon? Dating asawa, kaklase, kapitbahay, o 'di kaya ay may koneksyon sa pamilya niya. Wala bang ganoon?" Agad na umiling si Dawin. "Magkaibigan lang talaga, eh. Baka naman si Joshua ang Foreman ng Botique niya? Doon sila nagsimulang maging magkaibigan?" Tumingin sa kanya si Craig na may tingin na parang nagbitiw ng isang salita si Dawin na sobrang hirap paniwalaan. "May-ari ng Botique Shop, magiging kaibigan ng isang Consttruction Worker dahil lang siya ang gumawa ng shop niya? At aabot pa talaga sa puntong bibisitahin niya ito linggo-linggo? Bakit? Para saan?" Napakamot ng ulo si Dawin, tila hindi nga kapani-paniwala kung iyon lang ang magiging rason kung paano naging malapit ang dalawa sa isa't isa. Tiyak na may mas malalim pang rason iyon. "Sandali nga, sigurado ka bang tama itong ginagawa natin? Parang pinag-uusapan na natin 'yung personal na buhay nu'ng dalawa, eh. Hindi na yata ito konektado sa kasong sinusubukan nating resolbahan," sabi naman ni Dawin. Ibinalik ni Craig ang tingin niya sa papel na hawak niya para isipin ang bagay na sinabi ni Dawin. Maaring namamanipula na nila ang sarili nilang isip dahil sa pag-aakala nilang maaring isa sa mga kasama ni Karl sa selda ang magiging mensahero niya sa loob para makausap pa rin ang Fallen Angel. May posibilidad na may bagay pa silang nakakalimutan bukod dito, isang importanteng bagay... Napabuntong hininga ang binata nang sagutin niya ang kaibigan. "Tama ka, unang nakulong ng taon si Joshua bago nakulong si Karl. Imposible namang pabor sa kanya ang makakasama niyang preso sa loob, baka nga nagkataon lang ang mga nangyari," ani Craig. Napagpasyahan ng magkaibigan na ibalik na lang ang atensyon sa ginagawa nila, kailangan nilang maghanap ng bagong ebidensyang magtuturo sa kanila ng clue. Pero kahit anong gawin ni Craig para maibalik ang isip niya sa pagbabasa ay hindi mawala ang tingin niya kay Joshua, tila hinahatak talaga siya ng litrato nito para muling balikan ang papel niya. Napansin ni Dawin na kinuha na naman ni Craig ang papel na naglalaman ng impormasyon tungkol kay Joshua, kaya inilayo niya ang tingin niya sa binabasa at saka ibinaling ang kanyang atensyon sa kaibigan. "Bakit hawak mo na naman 'yan?" usisa niya. Habang patuloy na nakatingin sa mukha ni Joshua ay sumagot ang binata, "Nahihiwagaan pa rin kasi ako sa kwento niya. Paanong nawala ang ki-ni-dnap niya? Saan napunta iyong bata?" Napabuntong hininga si Dawin, tila nakaramdam siya ng pagod dahil hindi pa rin nakaka-move on ang kausap niya tungkol sa bagay na iyon. Napakamot ito ng ulo bago sumagot, "Pare, kung ano man ang nangyari sa batang iyon ay wala nang kinalaman sa kasong hawak natin iyon. Saka isa pa, sarado na ang kasong 'yan at hindi na muling nagtangka pa ang pamilya niya na hanapin 'yung batang nawala. Ibig sabihin, tanggap na nila. Kaya tanggapin mo na lang din, okay? 'Yung trabaho natin ang atupagin mo, huwag na 'yan!" suway niya rito. Mahinang umiling si Craig saka seryosong nilingon ang kaibigan. "Hindi, Dawin. Kakaiba talaga ang nararamdaman ko sa taong iyon at sa nangyari. Para bang—" "Para bang Fallen Angel ang kumuha sa bata? Ganoon ba ang ibig mong sabihin?" ani Dawin. Napakagat ng labi si Craig, tila hindi na siya mapakali dahil narinig na naman niya ang pangalan ng sindikatong iyon. "Pare, hindi talaga ako matatahimik kung hindi natin ito aalamin, eh," aniya. Muli na namang napakamot ng ulo si Dawin at saka napailing, tila kusa na lang niyang tinanggap sa sarili niya na mahilig talagang mangialam sa ibang bagay ang kaibigan niya. At alam niya na kapag hindi niya ito pinagbigyan ay hindi talaga ito matatahimik, ganito rin kasi ang nangyari sa kanila noong nalaman nila ang tungkol sa sindikato ng Fallen Angel. Muling napabuntong hininga si Dawin. "Sige na, anong gusto mong gawin natin ngayon?" tanong niya. Hindi na nagsalita pa si Craig, kusa na lang gumalaw ang katawan niya para harapin ang computer niya at magtipa ng kung anong bagay doon. Pinanood lang siya ni Dawin sa ginagawa niya. Pero hindi nakuntento ang binata, tumayo ito at lumabas ng opisina. Wala ring nagawa ang kaibigan niya at sinundan niya na lang ito. "Saan na naman tayo pupunta?" bago na tanong ni Dawin sa kanya. "Sa Records Room. Babasahin ko ang file ni Joshua Magno," tipid na sagot ng binata. Hinayaan na siya ng kaibigan, alam niya namang hindi na niya ito mapipigilan sa ngayon. Pagpasok pa lang ng binata sa loob ng kwartong sadya niya ay agad na siyang kumilos para hanapin ang kailangan niya, habang si Dawin naman ay napapakamot na lang ng ulo habang pinapanood ang kaibigan sa kanyang ginagawa. "Ano ba kasing mapapala natin kung malalaman natin ang nangyari sa nakaraang kaso ng lalaking iyon?" inis na ang tono ng boses ni Dawin, tila ang tanging tumatakbo lang sa isip niya sa ngayon ay sayang lang ang oras nilang dalawa sa kahibangan ng kasama niya. Habang patuloy na naghahanap ay sumagot si Craig. "Malakas talaga ang kutob ko na Fallen Angel ang may pakana kung bakit hindi na lumitaw ang bata sa Crime Scene, o kung bakit hindi na siya nakabalik sa pamilya niya. Hindi ko sigurado kung miyembro nga ba si Joshua Magno ng sindikatong iyon o talagang hindi niya alam kung paanong nawala ang bata. Pero hindi ako matatahimik hangga't hindi ko nalalaman ang totoo," aniya. Hanggang sa nakita na niya ang file na hinahanap niya—ang file ng naging takbo ng kaso ni Joshua Magno. Sinilip niya ang mga naging report sa kaso nito. Tiningnan niya at binasa niya ang mga bagay na konektado sa kwentong nabasa niya mula sa nahanap na impormasyon ni Zyx. Dahil naging tahimik si Craig sa pagbabasa, at hindi interasado r'on si Dawin, tinawag niya ang atensyon ng kaibigan. "Pare, dahil abala ka naman sa ibang bagay, mauuna na akong umuwi sa 'yo, ha. Kita na lang tayo bukas!" paalam niya, sinilip niya pa ang kanyang wrist watch bago tuluyang umalis. Hindi na siya pinansin ni Craig, sanay na siyang palagi siyang iniiwan ni Dawin kapag nakakaradam ito na para bang hindi na umano konketado ang hinahanap niya sa kasong hawak niya. Hindi na lang niya ipinamumukha sa kaibigan na sa ginagawa niyang ito ay nalalaman nila kung paano nila mahuhuli ang kriminal, dahil kaibigan niya ito ay hinahayaan na lang niya. Katwiran niya ay sa huli, nagtutulungan pa rin naman silang matapos ang mismong kaso. Kinuha ni Craig ang pangalan ng batang nabiktima, ang mga magulang nito, at pati na rin ang ilang bagay pang konektado rito. Lahat ng imporasyong sa tingin niya ay makakatulong sa kanyang mapanatag hinggil sa kaso ay kinuha niya. Ganoon siya kadeterminadong patunayan na may kung anong anumalyang nangyari sa kasong iyon. Habang patuloy na nagbabasa ay hindi maiwasang isipin ni Craig ang kaninang naging pag-uusap din nila ni Dawin... tungkol sa bagay na maaring sinadya na maging magkasama sila Joshua at Karl sa seldang iyon. Hindi pa rin niya nakakalimutan na maaring si Joshua at ang dalawang madalas niyang bisita ang ginagamit ng lalaking iyon para makausap pa rin ang sindikato. Pero sa ngayon ay hindi muna iyon masyadong inintindi ni Craig, mas importante sa kanya ngayon ang bagay na kinakaharap niya. Kilala ni Craig ang sarili niya, alam niya na kapag hindi siya mapakali sa isang bagay ay may kung ano siyang matutuklasan doon kaya kailangan niyang iwan sandali ang hinahanap niya para halukayin ang bagay na gumugulo sa isip niya. Sa ilang taon niya sa serbisyo ay hindi pa siya nagkamali sa ganitong pagdududa, kaya mataas talaga ang kumpiyansa niya sa kutob niya na may malalaman siyang bagay dito na konektado sa kaso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD