Chapter 45

2721 Words
CHAPTER 45 Buong magdamag na nagbasa at nagsaliksik si Craig sa bagay na gusto niyang tuklasin, kahit mag-isa lang siyang nagtatrabaho at kahit wala ang tulong ni Dawin ay hindi niya ito pinansin. Seryoso talaga siya sa hinahanap niya. Alam din kasi niyang kapag hindi siya kumilos, lalo silang hindi makakausad sa kaso. Maaring sa unang tingin ay parang walang koneksyon ang ginagawa niya sa kasong hawak nila, pero alam niya na pagkatapos nito ay may magiging magandang resulta ang pagod niya. At gaya ng inaasahan niya ay hindi nasayang ang pagpupuyat niya dahil nalaman niya ang lahat ng kailangan niyang malaman. Isang bagay na hindi na rin naman nakakagulat para sa kagaya niyang magaling mag-imbestiga at maghanap ng clue. Madaling araw na siya nakauwi sa bahay at umidlip ng sandali, tapos ay muling pumasok na parang hindi kulang sa tulog. Ganito na ang buhay niya mula nang maging isa siyang ganap na pulis. Nakakapagod at nakakapanghina ang ganitong trabaho, pero dahil sanay na siya ay parang wala na lang sa kanya na madalas siyang pumapasok ng walang tulog o hindi kaya ay kulang sa tulog. Naniniwala siyang nababawi naman ang lahat ng ito kapag nagiging tagumpay ang mga plano niya, kaya sa ganoong bagay na lang siya bumabawi sa sarili niya... iyon na ang nagsisilbing tropeyo niya. "Ikaw na naman ba ang pinag-uusapan ng mga guard na multong pagala-gala rito kagabi?" kunot noong bati ni Dawin sa kaibigan pagdating nito. Ngumiwi pa si Dawin nang maupo sa tabi niya ang kaibigan, tila hindi na niya kailangan ng sagot dahil halatang-halata niya sa mukha nito na wala na namang maayos na tulog ang kaibigan niya. Napabuntong hininga na naman siya nang sumagi sa isip niya ang bagay na huling ginawa nito kahapon. "May nahanap ka naman ba sa sinasabi mo kahapon na konektado sa kaso?" muling tanong ni Dawin. Sa pagkakataong ito ay nilingon na siya ni Craig, kakabukas lang niya ng computer niya. Napalitan ng sigla ang tingin niya dahil sa tanong na iyon. "Meron, at iyon ang tatrabahuin natin ngayon," aniya. Bukas na rin ang computer ni Dawin, pero wala siyang ginagawa. Nasa wallpaper lang ang screen nito at walang nakabukas na tab. Tila hinihintay niya ang sasabihin ng kaibigan niya para maging hudyat kung ano ang dapat niyang gawin ngayon. Sumandal siya sa kanyang swivel chair. "Sige, ano?" tanong niya. Kinuha ni Craig ang mga papel na pinagsulatan niya ng mga bagay na nakalap niya kahapon mula sa pagbabasa sa naging kaso ni Joshua Magno at ibinigay ito sa kausap. "Nariyan na lahat ng kailangan natin, siguro naman hindi ka na mababagot dahil may gagawin na tayo," sabi pa niya. Ngumiti ng tipid si Dawin habang pinapadaan ng tingin ang mga salitang nakasulat sa papel na hawak niya. "Kung ganoon, talagang paninindigan mo na maaring may kinalaman talaga ang sindikato sa kasong iyon? Sige, I'm in!" masigla niyang sambit. Ngumisi na lang si Craig sa kanya, hindi alintana ang pagod at puyat. Tila ang tanging nararamdaman niya lang ngayon ay tuwa dahil nakumbinsi niya ang kaibigan niya na paniwalaan ang ipinakita niyang mga rason para ituloy nila ang gusto niyang pag-ungkat sa dating kasong iyon. Kahit may mga nakitang impormasyon si Craig na maaring sumuporta sa ideya niyang may kinalaman nga ang Fallen Angel sa biglang pagkawala ng batang iyon ay hindi pa rin sapat ang mga nakita niya para masabing may maitutulong nga ito sa paghahanap nila sa maaring kuta ng sindikato. Pero kahit papaano, gusto pa rin nila subukan kung saan sila dadalhin ng impormasyong nakita ni Craig. Umalis ang dalawa para puntahan ang bahay ng mga magulang ng batang naging biktima ng k********g limang taon na ang nakakalipas. Mula ng araw na iyon ay naging tahimik na ang pamilya at tila napagpasyahan na lang nilang magsimula ng bagong buhay at kalimutan na ang mapait na sinapit nila sa pagkawala ng kanilang anak. "Ang mag-asawa ay nagngangalang Marcel at Rita Delos Reyes, may apat silang anak at bunso nila ang dinukot ni Joshua Magno. Ang pangalan ng kanilang bunso ay si Shaira Delos Reyes, sampung taon gulang ito nang madukot siya," kwento ni Craig sa kaibigan. Nasa byahe na ang dalawa, si Dawin ang muling nagmamaneho. Pareho silang wala pang nagiging almusal, pero mas pinili nilang puntahan kaagad ang bahay ng mga Delos Reyes. "Saan dinukot ang bata?" tanong naman ni Dawin, nasa kalsada pa rin nakatuon ang kanyang atensyon, dahil nga nagmamaneho pa siya. Para silang sasabak sa examination kung magtanungan. Kumbaga ay wala pang review si Dawin at tinutulungan siya ni Craig na makapag-aral manlang bago ang mismong exam nila. "Sa School, pauwi na sana ang bata at naghihintay na siya ng sundo mula sa kanyang ama nang biglang dumating ang suspek at bigla na lang kinuha ang bata." "Kung ganoon, bago niya pa kunin ang bata ay alam na niya ang oras ng uwi nito. Hindi na rin masama, kung iisipin mong k********g lang talaga ang nangyari ay masasabi mong perfect ang pangyayari," komento ni Dawin habang tumatango-tango pa sa kausap. Naging seryoso ang tingin ni Craig sa kanya. "Tama ka, kung iyong anggulo nga lang ang titingnan ay talagang simpleng pangdudukot lang talaga ang nangyari. Walang mag-aakala na may iba pang maaring mangyari." Hanggang sa makarating sila sa bahay ng biktima. Ang bahay nila ay nasa loob ng isang subdivision, masasabi mo talagang mayaman ang pamilya nila sa itsura pa lang ng kanilang bahay. Nakadagdag pa sa yaman nila na may-ari sila ng dalawang franchise branch ng isang fast food chain. Magiliw silang pinapasok ng kasambahay ng maybahay. Mabuti na lang at maaga ang kanilang pagbisita at naabutan pa nila ang mag-asawa bago ito makaalis. "Gusto n'yo raw po kaming makausap, Sir? Ano po ang maitutulong namin sa inyo?" tanong ni Marcel. Umupo ang magkaibigan sa couch kaharap ang mag-asawa. Ngiti ang salubong ng may-ari ng bahay, halatang sanay silang tumanggap ng bisita base sa kung paano sila makipag-usap sa kanila. Nagpakilala naman sina Craig at Dawin bilang mga alagad ng batas at sinabi rin nila ang kasalukuyang ginagawa nilang imbestigasyon sa isang kaso. "Mr. and Mrs. Delos Reyes, pasensya na sa pang-iistorbo namin sa inyo. Pero gusto lang sana naming ipaalam sa inyo na kasalukuyan kaming may hawak na kaso ngayon tungkol sa isang sindikato, ang Fallen Angel—" "Isang sindikato ang Fallen Angel?" gulat na tanong ni Marcel. Nagulat din si Craig sa naging reaksyon nito, tila sa pagkakatanong niya ay parang kilala nito ang grupo. "Oo. Kilala n'yo ba ang grupo nila?" Napalitan ng saya ang tunog ng boses ng binata, maging ang kasama niya ay nagkaroon ng sigla dahil sa naging pagtatanong ng kausap tungkol sa grupo. Tila nagkaroon sila ng kaunting pag-asa na malaki nga ang maitutulong sa kanila ng mag-asawa. Bago sumagot ay nilingon muna niya ang kanyang asawa, pero agad din naman siyang sumagot. "Hindi kilalang-kilala. Ang totoo ay wala talaga akong alam sa kanila, narinig ko lang ang pangalan nila kung saan. Sabi nila ay ang grupong iyon daw ay nanghihikayat ng mga maliliit na tao para yumaman. Pero hindi naman ako nagkaroon ng pagkakataon na makilala ang isa manlang sa kanila, dahil maaring hindi nila kami nakitaan ng potensyal na maisali sa grupo nila. Nagulat lang ako na isa pala silang sindikato," paliwanag ni Marcel. Tumango-tango pa siya sa dalawang pulis na kaharap niya. Hindi nagpahalata ang magkaibigan na kaunti silang nadismaya sa narinig, ang tanging bagay lang na naiisip nila sa puntong ito ay tila matunog lang talaga ang pangalan ng Fallen Angel at hindi nila maiaalis sa tao na makilala ito. Pero naging rason iyon para gumala ang tingin ni Craig sa paligid ng bahay, naningkit din ang kanyang mata sa mga nakita niya. "Kung nag-iimbestiga kayo tungkol sa Fallen Angel, ano po ang maitutulong namin sa kaso nila?" tanong muli ni Marcel, may kunot din ang kanyang noo. Dahil sa tanong na iyon ay nagtinginan sina Craig at Dawin, tila hinanda na nila ang kanilang sarili tungkol sa sunod na mangyayari. Napalunok si Craig bago nagsalita, "Mr. and Mrs. Delos Reyes, pasintabi na lang din po dahil medyo personal ang sadya namin sa inyo. Mula po sa pag-aaral namin sa kaso ng sindikatong iyon, napag-alaman namin ang nangyaring pagdukot sa bunsong anak ninyo na si Shaira limang taon na ang nakakalipas. Ayon po sa files namin ay nagawa pong mahuli ang kidnapper, pero hindi n'yo nabawi ang anak ninyo dahil sabi umano ng suspek ay nawala ito. Pinuntahan din ng mga pulis ang sinasabi ni Joshua, ang kidnapper, kung saan niya iniwan ang bata. Pero sa kasamaang palad ay wala r'on ang biktima. Gusto po naming kumpirmahin sa inyo kung totoo ito at may ilan pa po kaming katanungan sa inyo hinggil dito, kung ayos lang sa inyo." Napalitan ng lungkot ang reaskyon ng mag-asawa nang mabanggit si Shaira sa kanila. Tila bakas pa rin sa kanilang mukha ang sakit ng kahapon. Hangga't maari ay gustong maiwasan nina Craig na makapagpabalik ng sakit sa kanila, pero wala siyang magagawa dahil parte ito ng kanilang imbestigasyon. "Tama ang sinabi ninyo sa nangyari sa anak ko. Pero anong kinalaman ng kaso niya sa pag-iimbestiga ninyo?" tanong ni Rita. May lungkot sa kanyang mata, pero kinailangan niyang tatagan ang kanyang loob dahil gusto niya ring malaman kung magkakaroon ba siya ng pag-asa na makita muli ang kanyang anak. Si Dawin ang sumagot sa kanya. "May kutob po kaming may kinalaman ang Fallen Angel sa pagkawala ng anak ninyo. Sa ngayon po ay gusto naming kumpirmahin kung kilala ba ng kidnapper ang sindikato o talagang totoo ang sinasabi niyang hindi niya alam kung paanong nawala ang bata sa crime scene," aniya. "Ang ibig n'yo bang sabihin, maaring hindi ang kidnapper na ipinakulong namin ang kumuha sa anak namin?" usisa niyang muli, tila tinatapangan niya ng husto ang kanyang loob para malaman ang katotohanan sa nangyari sa kanyang anak. Halata sa ginang na gusto niyang makatanggap ng magandang balita mula sa dalawang pulis na kaharap niya. "Hindi po iyon ang gusto naming sabihin, ang sinasabi lang po namin ay maaring may koneksyon sila o t-in-arget ng sindikato ang batang hawak ni Joshua. Naniniwala kaming maaring maging daan ito para maituro kami sa kinaroronan ng sindikato," paliwanag naman ni Craig. "Kapag ba nalaman ninyo kung may koneksyon sila o wala, at kung matunton n'yo ba sila. Puwede pa rin ba naming mabawi ang anak namin?" Napayuko ang magkaibigan dahil sa naging tanong na iyon ni Rita. Hindi nila intensyong bigyan ang mag-asawa ng pag-asa, pero sa nangyayari ay parang nagkakaroon sila ng pag-asa na hindi naman dapat. Seryosong nag-angat ng tingin si Craig sa mag-asawa. "Tatapatin po namin kayo, hindi kami nagpunta rito para bigyan kayo ng kasiguraduhang impormasyon tungkol sa kalagayan ng anak ninyo. Dahil gaya ninyo, hindi rin namin alam kung ano ang nangyari sa kanya. Gaya nga po ng sabi ko ay ang kaso ng sindikato ang hawak namin, hindi ang tungkol sa anak ninyo. Ang tanging bagay lang na magagawa namin sa ngayon ay subukan silang pigilan sa ilegal nilang ginagawa, iyon nga ay ang pangunguha ng biktima na walang hinihinging kapalit. Para hindi na dumami pa ang kaso na gaya ng nangyari sa anak ninyo." Hindi pa nakakasagot ang mag-asawa ay nagsalita rin si Dawin. "At ang dahilan ng pagpunta namin sa inyo ay paghingi sa inyo ng tulong sa paraan ng pagtatanong sa ilang bagay na naaalala ninyong nangyari noong araw na mangyari ang pagdukot sa anak ninyo," aniya bilang pagpapaalala sa unang bagay na sinabi na rin nila kanina. Kapansin-pansin ang pagbaba ng balikat ni Rita. Matagal na niyang natanggap na maaring hindi na makauwi ang kanilang bunsong anak, pero sa pagdating ng dalawang pulis ay tila gusto ulit niyang umasa sa isang himala. Kaya lang, agad siyang nagising sa katotohanang... walang himala ang maaring mangyari ngayon. Tumango si Marcel. "Kung ano man ang kailangan ninyo, susubukan naming sagutin. Hindi man namin mabawi ang anak namin, kahit manlang ang katarungan ay magkaroon kami. Dapat makulong ang sindikatong iyan!" aniya. Kumpara kay Rita, hindi bakas sa kanyang mukha na umaasa pa siyang makikita pa niya si Shaira. Tumango rin si Craig sa kanya. "Idetalye ninyo sa amin ang nangyari noong araw na iyon," utos niya. Hindi nagdalawang isip si Marcel na ikwento ang mga nangyari ng araw na iyon. Ikinuwento niya mula sa paano nakuha ang anak niya, ano ang mga ginawa nila para subukang hanapin ang bata, ang pagtawag ng kidnapper, at ang kasunduan nilang halaga ng ransom at kung saan sila magpapalitan ng pera. Pagkatapos ay sinabi rin niya ang paglapit nila sa pulis, ang naging plano nila paano mababawi ang bata at mahuhuli ang kriminal. Hanggang sa dumating na ang pagkakataon na babawiin na nila ang bata, silang mag-asawa ang humarap sa kidnapper habang nakapalibot ang mga pulis sa kanila. Habang nag-uusap ang kidnapper ang sila Marcel ay itinuro niya kung saan niya iniwan ang bata. May mga pulis ang agad na sumiyasat sa lugar, pero sa kasamaang palad ay hindi nga nila nakita ang bata sa lokasyong iyon. Nang mahuli ang kidnapper ay panay ang tanggi nito na itinago niya pa ang bata sa ibang lugar, pilit niyang sinasabi na r'on niya lang iniwan ang bata at wala siyang ibang kasama. Dumaan sa imbestigasyon ang nangyaring pagkawala bigla ng bata, pero hanggang sa huli ay iginiit ng kidnapper na hindi niya alam kung paano nawala ang bata sa lugar kung saan niya iniwan. Hanggang sa silang mag-asawa na lang ang napagod umasa na makikita pa nila ang bata dahil wala nang ibang tumawag sa kanila para sa lokasyon nito. At dahil nahuli rin naman ang kidnapper, tinanggap na lang nilang wala nang pag-asa na makita pa si Shaira. Doon ay isinara na ang kaso, at nahatulan ang kidnapper ng panghabang buhay na pagkakakulong. Sa huli, hindi na sinabi nina Craig at Dawin ang naging opinyon nila sa narinig nilang kwento. Nagpasalamat na lang sila sa pakikipag-cooperate ng mag-asawa, humingi rin silang muli ng pasensya sa pang-iistorbo nila at sa ginawa nilang panghihimasok muli sa tahimik na nilang buhay. Pagkatapos ng huling pag-uusap na iyon ay nagpaalam na ang magkaibigan para umalis. "Anong masasabi mo sa kwento nila?" agad na tanong ni Dawin kay Craig nang makapasok sila sa kotse. Pinaandar na rin niya ang makina. Napabuntong hininga ang kausap niya bago ito sumagot. "Wala ring saysay kahit tanungin natin si Joshua sa nangyari, tiyak na ang sasabihin lang sa atin ng lalaking iyon ay ang parehong pagtanggi niya sa biglang pagkawala ng bata. Masasayang lang ang oras natin doon," sagot ni Craig. Napakamot ng ulo si Dawin. "Hindi ba't nasayang din ang oras natin ngayon? Wala rin tayong napala sa pagpunta natin dito, hindi rin tayo nakakuha ng clue na kailangan natin," aniya. Seryosong lumingon si Craig sa kanya. "Hindi pa tayo tapos, nagsisimula pa lang tayo." "Huh? Huwag mong sabihing iniisip mo pa ring ang Fallen Angel ang kumuha sa batang iyon? Narinig mo naman ang kwento ni Marcel, 'diba? Pareho lang iyon ng ikinuwento mo sa aking nabasa mo sa files. Wala siyang kakaibang sinabi. Ibig sabihin, hindi pa rin natin kumpirmado kung ang sindikato ba talaga na 'yon ang kumuha sa bata. In short, wala tayong lead!" reklamo ni Dawin. Ang inasahang uri ng tingin ni Dawin mula kay Craig ay inis o 'di kaya ay seryoso ito, iyon bang ipipilit niya na hindi pa siya tapos sa gusto niyang mangyari. Pero napakunot na lang siya ng noo nang makitang nakangisi ang kaibigan niya pagbaling nito ng tingin sa kanya. "Hindi iyon ang tinutukoy ko," panimula niya. "Kung hindi mo napansin, kilala niya ang Fallen Angel. Para sa isang mayamang tulad niya, nakakapagtaka na kilala niya ito." Hindi nawawala ang kunot sa noo ni Dawin. "Ano namang nakakapagtaka r'on? Sikat naman talaga ang Fallen Angel, 'diba nga't sa article mo rin sila nakilala? Businessman si Marcel, natural lang naman sigurong mapansin niya iyon—" "Ang hindi natural para sa akin, ay ang makita ko ang isang display na leon na may pakpak sa gilid ng hagdan paakyat sa second floor ng kanilang bahay," ani Craig, tila naging masigla lalo ang tono ng kanyang boses. Napalitan ng gulat na tingin ang kunot sa noo ng kaibigan niya. "Huwag mong sabihing—" "Walang duda, miyembro ng Fallen Angel si Marcel Delos Reyes."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD