Chapter 43

2734 Words
CHAPTER 43 Abala ang grupo sa pag-aasikaso ng kanilang dalawang Shop. Pero nitong nakaraang araw lang ay sina Cahil at Zeta na lang ang natirang nagbantay sa dalawang tindahan dahil nga may iniutos si Craig kay Zyx na kailangan niyang gawin. Habang si Wren naman ay nagpapahinga pa rin sa kanyang kwarto, pero ngayon ay nagagawa na rin naman niyang sumilip sa shop at kumain kasabay nila. Gabi na at sarado na ang shop, hindi na nagpadala pa ng order ang grupo kay Kristel dahil halos hating-gabi na sila kumain. Halos madaming customer ang bumisita sa shop nila hanggang gabi kaya hindi na nila naharap ang kumain ng tama sa oras. Dahil dalawa nga lang sina Cahil at Zeta na bantay sa shop ay hindi iyon naging madali para sa kanilang dalawa. "Pagod na pagod ako! Parang ayoko na magbantay bukas ng shop," reklamo ni Zeta. Isinandal na niya ang kanyang likod sa upuan. Biglang gumuhit ang nakakalokong ngisi sa labi ni Wren na kaharap niya lang sa lamesa. "Totoo ba? Nakakapagod kumain ng oishi maghapon habang nanonood—" Hindi na niya natapos pa ang sinasabi dahil umakma na si Zeta na babatuhin na niya si Wren. Tawa na lang ang naging sagot niya sa ginawa ng dalaga. Habang sina Cahil at Zyx naman ay hindi rin naiwasang matawa na lang. Pang-aasar man ang ginawa ni Wren pero alam nilang pareho na iyon nga ang tanging ginawa ni Zeta buong araw. "Ikaw kaya mag-asikaso ng sandamakmak na tao sa computer shop natin? Tingnan natin kung hindi ka maloka!" muling reklamo ni Zeta habang masama ang tingin kay Wren. Hawak pa rin niya ang platong ipupukpok niya dapat sa kausap. Hindi naamn niya itatanggi ang sinabi ni Wren sa kanya, naaasar man siya dahil sa tono nito ay aminado naman talaga siyang isa sa naging libangan niya kapag nagbabantay siya ng shop ay kumain ng paborito niyang oishi at isasawsaw sa kalamansi—pareho ng giangawa niya noon pang bago sila lumipat dito. Marami mang customer ang nagpunta sa shop ay hindi naman ibig sabihin lahat na ng oras niya ng nakain na sa pag-asikaso sa kanila. Dahil pagkatapos niyang gawin kung ano ang gusto ng customer ay babalik na siya sa ginagawa niyang pagkain at panonood. Iyon nga lang, paputol-putol iyon dahil nga dinagsa sila ng tao. "Ginawa ko na 'yan, hindi naman ako napagod kasi paglalaro lang ginagawa ko r'on. Tapos—" Dahil nakakapang-asar na muli si Wren ay tiyak na ng grupo na bumubuti na ang lagay niya, kasi kung hindi ay hindi rin nito magagawang ihanda ang sarili laban sa mga hampas at kurot ni Zeta sa kanya sa tuwing mapipikon ito sa sinasabi niya laban sa dalaga. Naging masama ang tingin ni Zeta sa kanila. "Hindi ka titigil?" Pilit inalis ni Wren ang ngisi sa kanyang mukha kahit mahirap, hindi niya mapigilan ang sarili na matawa dahil nagagalit si Zeta. Pero hindi na iyon pinansin ng dalaga, bumaling na lang ang tingin niya sa katabi niya sa kaliwa niya para kausapin ito. "Zyx, kailangan mo pa rin ba talagang gawin ang sinabi ni Craig?" kunot noo niyang tanong. Naging seryoso ang paligid dahil sa tanong na iyon, alam nilang tatlo na kung meron mang hindi makakaintindi sa nangyayari ay si Zeta iyon. Hindi niya alam ang ginawa nilang pakikipagkasundo sa dalawang pulis na iyon, hindi nila magawang masabi dahil iniiwasan nilang magtanong ang dalaga ng kung ano-ano na maaring may koneksyon sa naging kondisyon niya noon. Ayaw na nilang balikan pa ang bagay na iyon at ayaw din nilang malaman iyon ni Zeta, kaya kapag nagkakaroon ng ganitong usapin ay halos tikom ang bibig nilang lahat. Umikot ang tingin ni Zyx sa dalawa niyang kasama na para bang nanghihingi siya ng tulong sa mga ito na tulungan siyang magpaliwanag kay Zeta, pero napabuntong hininga na lang siya dahil alam niya rin namang walang maglalakas loob na sagutin ang dalaga kundi siya lang. "Zeta, alam mo namang kaibigan natin si Craig, 'diba? Kailangan niya ang tulong natin. At isa pa, 'diba sinabi ko na rin naman sa 'yo na para na rin ito sa atin. Kapag nagawa nating ipakulong ang Fallen Angel, wala nang sagabal sa payapa nating buhay," paliwanag ni Zyx. Napaiwas ng tingin ang dalaga. "Alam ko naman 'yon, eh. Kaya lang, natatakot kasi ako na baka ikaw naman ang masaktan kapag ipinagpatuloy mo 'yan," sambit niya, bakas sa kanyang boses ang pag-aalala. Pagak na natawa ang kanyang kausap na para bang pinapagaan niya ang kanilang pag-uusap. Hinawakan ni Zyx sa ulo si Zeta na para bang pinapakalma niya ang kapatid niya. "Paano naman nila ako masasaktan kung nakaharap lang naman ako sa computer ko at nakakulong ako sa kwarto ko maghapon? Huwag kang mag-alala, hindi na mauulit ang nangyari kay Wren. Hindi na tayo muli haharap sa kalaban," paglilinaw niya. Hindi magawang maamin ni Zeta kay Zyx na hindi iyon mismo ang ibig niyang sabihin. Dahil ang totoo ay ayaw niya lang talaga na mapalapit pa lalo si Zyx sa dalawang iyon, ayaw niyang magkaroon pa ng koneksyon ang grupo niya sa pulis dahil hindi niya nakakalimutan na dati pa rin silang magnanakaw at ang kausap niya ay dalawang pulis. Hindi pa rin siya kumbinsido na hindi sila magtatraydor sa kanila. Bumaling ang tingin ni Zeta kay Wren, dahil nakatingin din ang binata sa kanya ay ngumiti ito sa kanya na para bang sinasabi niyang, "Ayos lang ang lahat, huwag ka nang mag-alala." Natapos ang pagkain nila at pumunta na sila sa kani-kanilang kwarto. Oras na dapat ng pahinga dahil hating-gabi na. Pero sa halip na mahiga sa kama at subukang matulog, umupo muli si Zyx sa harap ng kanyang computer at ipinagpatuloy ang ginagawa niyang pag-alam sa katauhan ng mga nakalistang pangalan na ipinasa sa kanya ni Craig. Hindi masipag na tao si Zyx, hindi rin siya ang tipo ng tao na dedikado sa trabaho. Pero nagsisikap siyang gawin ang lahat ng makakaya niya para makatulong sa pagpapakulong sa Fallen Angel dahil gusto niyang masiguro na hindi na sila makakalapit pa sa kanila, hindi na niya makakaya kung mapahamak pang muli si Zeta dahil sa kanila. Walang laman ang isip niya kundi ang kaligtasan ng kapatid niya. Kinabukasan, ganoon pa rin ang ginagawa ni Zyx. Wala pa siyang tulog at tinapos niya talaga ang dapat niyang tapusin. Pero nang kumain sila ng umagahan at tanghalian na dala ni Kristel ay hindi siya nagpahalata sa mga kasama niya na hindi pa siya natutulog, alam niyang mapapagalitan siya ni Zeta kapag nalaman iyon ng kapatid niya. Pero hindi siya maaring huminto, matatapos na niya iyon at kapag nangyari iyon ay makakapagpahinga na siya. At pagdating ng hapon, sa wakas ay natapos na ni Zyx ang ginagawa niya. Ngayon ay magagawa na niyang sabihin kay Craig ang mga nalaman niyang impormasyon at makakapagpahinga na siya. Hindi na niya kailangan pang tawagan ang kaibigan niyang pulis hinggil as impormasyong ipinasa niya, ang kailangan lang niyang gawin ang i-send ito sa binata at tapos na ang trabahon niya. Sila Craig na ang bahalang magbasa at kumilala sa mga iyon. Nang matapos siya ay agad siyang tumayo sa harap ng computer niya para matulog, dalawang araw siyang halos walang maayos na tulog kaya ito na ang tamang pagkakataon para sulitin ang pahinga. Kaso lang, hindi pa siya nakakahiga ay may biglang kumatok na sa pinto ng kwarto niya. "Bukas 'yan," aniya. Ang inasahan ni Zyx na papasok sa kwarto niya ay si Zeta, akala niya ay sisilipin siyang muli nito para kumustahin sa kanyang ginagawa. Madalas niya kasi itong gawin kapag nagagawa ni Wren na sumilip sa Computer Shop, pumupuslit si Zeta para tingnan kung may ginagawa pa si Zyx. Pero mali ang inakala ng binata, ang dumating ay si Wren. "Nakakaistorbo ba ako?" ani Wren pagpasok niya ng kwarto. Ngumiti si Zyx. "Hindi naman, pare. Tapos na 'ko sa ginagawa ko, kaya ayos lang," aniya. Tumango ang binata at naglakad para umupo sa swivel chair niya na kaharap ng computer. Alam ni Zyx na kapag ganoon ang reaskyon ni Wren ay may gusto itong sabihin sa kanya na importante, kaya hindi na siya umimik at naupo na lang din siya sa kanyang kama. "Tapos ka na? Ibig mo bang sabihin ay doon sa pinapagawa sa 'yo ni Craig?" muling usisa ni Wren sa kaibigan. Tumango ang kausap niya. "Kaka-send ko lang sa kanya ng kailangan niya," aniya. Lalong naging seryoso ang tingin ni Wren sa kanya, tila naging hudyat iyon para maihanda niya ang kanyang sarili sa gusto niyang sabihin kay Zyx. "Pare, ang totoo kasi, may naging usapan kami ni Zeta noong nakaraang linggo. Ayokong sabihin ito sa 'yo dahil nangako ako sa kanyang hindi ko sasabihin ito sa 'yo, ang kaso... hindi ko kayang mawalan ng kibo sa ganitong bagay," panimula niya. Napalunok si Zyx nang sabihin iyon ni Wren. Sa dalawang kaibigan nila ni Zeta, alam ng binata na si Wren ang may pinakamalaking pag-alala para kay Zeta. Nagkakasundo sila pagdating sa kapatid niya, halos pareho na nga silang tunay na kapatid na talaga ang turing sa dalaga. "Ano bang nangyayari?" ani Zyx, pinilit niya ang kanyang sarili na maging kalmado. "Halata mo naman siguro, hindi pabor si Zeta sa ginagawa nating pagtulong sa dalawang pulis na iyon. Ang sabi niya, kahit daw kababata ninyo si Craig ay hindi na rason iyon para magtiwala tayo sa kanya. At aminado akong sang-ayon ako sa sinabi niyang sa paglipas ng panahon ay maraming maaring magbago sa isang tao. Pare, alanganin na rin ako, eh. Tama pa ba 'tong ginagawa natin?" Napaiwas ng tingin si Zyx, hindi niya alam kung paano ba siya dapat sasagot kay Wren. Alam niya ang punto ng kaibigan niya, hindi simpleng bagay lang ang pagtulong sa pulis para sa kaso ng ibang kriminal. Lalo pa kung ang kriminal na gusto nilang hulihin ay kagaya ng Fallen Angel na isang malakas na sindikato. Ibig lang sabihin, walang kasiguraduhan na magiging ligtas nga sila kahit nakikipagtulungan sila sa mga ito. Delikado pa rin ang buhay nila. "Tama man o hindi, ito lang ang alam kong paraan para iligtas si Zeta," ani Zyx. Iyon lang ang tanging bagay na nasabi niya. "Pare, hindi lang ito tungkol kay Zeta. Tungkol din ito sa ating tatlo. Lahat tayo puwedeng mamatay sa ginagawa nating ito! Hindi ka ba natatakot sa tuwing tinatawagan ka ni Craig? Hindi ka ba nag-aalala na dumating na lang ang isang araw ay sindikato naman ang susunod na tatawag sa 'yo dahil diyan sa pakikipagtulungan mo sa pulis? Zyx, walang kapangyarihan si Craig. Kung ako nga lang ay muntik nang mamatay sa kamay lang ni Karl at wala siyang nagawa para pigilan iyon, sa kamay pa kaya ng sindikato? Baka maguilat na lang tayo, hinagisan na pala ng bomba itong bahay natin!" Napapikit si Zyx dahil sa mga sinabi ng kaibigan niya, matagal na niyang naisip ang tungkol sa bagay na iyon. Noon pa man bago pa niya harapin si Craig ay naisip na niya ang mga bagay na maaring mangyari. Pero dahil desperado siya noon na mailigtas si Zeta, ipinagsawalang bahala niya ang mga alalahanin niya at buong tapang na hinarap ang desisyong pinili niya. "Magaling na si Zeta, natulungan na rin naman natin sina Craig ng maraming beses. Hindi pa ba sapat iyon? Zyx, may oras pa tayo para muling tumakas. Umalis na tayo rito, puwede pa naman tayong magsimula ulit ng bago sa ibang lugar, eh," suhestiyon niya pa. Naikuyom niya ang kanyang kamao at seryosong hinarap ang kausap. "Wren, hindi ganoon kadali ang gusto mong mangyari." "Bakit hindi naging madali? Parehas lang naman ito ng ginawa nating pagtakas noon, 'diba? Baka kaya hindi madali para sa 'yo ay dahil iniisip mo pa ang sasabihin ni Craig sa 'yo? Pare, isipin mo rin ang buhay natin, ang buhay mo! Mas importante iyon kaysa sa pagkakaibigan ninyo!" Hinampas ni Zyx ang kanyang hita nang magsalita siya. "Wren, hindi iyon ang ibig kong sabihin! Nagsisimula na tayo, eh. Ito na nga, may shop na tayo. Nagkakaroon na tayo ng madaming regular customer, unti-unti ay natatanggap na tayo ng lugar na ito, at nagkakaroon na tayo ng bagong kaibigan dito. Ganoon na lang ba kadali para sa 'yo ang iwan si Kristel?" "Siyempre, ayokong iwan si Kristel. Pero kung ako ang papipiliin para mailigtas siya, iba ang gagawin ko at hindi gaya ng ginagawa mo... mas pipiliin kong lumayo na lang sa kanya para malayo siya sa panganib. Mas masisiguro ko ang kaligtasan niya kung magkalayo kami!" "Wren, huwag mong ikumpara si Zeta kay Kristel. Magkaiba ang sitwasyon nila, hindi naman natin kasama ang babaeng iyon noong gumawa tayo ng kalokohan, natural lang na iyon ang gawin mo. Pero si Zeta, kabilang siya sa grupo at isa rin siya sa maaring mapahamak kapag hindi tayo sumubok na lumaban!" "Laban? Lalaban ka? Kaya mo bang lumaban?" "Gusto mo bang habangbuhay na lang tayong nagtatago? Gusto mo bang sa araw-araw na gigising ka, ang unang bagay na papasok sa isip mo ay kung ano na ang mangyayari sa iyo sa araw na iyon? Pare, aminado akong wala akong lakas para harapin ang sindikato. Pero hindi ako duwag! Ayokong buong buhay ko ay may takot at kaba ako sa kanila. Kaya para matapos na 'yung bangungot natin sa kanila, dapat harapin natin sila at puksain. At ang tanging paraan lang para gawin iyon ay ang harapin sila, sa tulong ng dalawang pulis na hinuhusgahan ninyo." Hindi na muling nakaimik pa si Wren, tila natikom na ang kanyang bibig dahil naiintindihan na niya ang katwiran ni Zyx. Nahiya siya sa kanyang sarili dahil nang marinig niya ang tungkol sa karuwagan, tila hindi niya napansin na dahil lang sa pag-iwas niya sa kapahamakan ay nagiging duwag na pala siyang harapin ang panganib. Napabuntong hininga si Zyx nang hindi na nakaimik pa ang kausap niya. "Hindi ko intensyong magsabi ng ikakasama ng loob mo, gusto ko lang talaga maintindihan mo kung bakit ko ito ginagawa. Huwag mo sana mamasamain ang mga sinabi ko," aniya. Mas mahinahon na ang boses niya kumpara kanina. Inayos ni Wren ang kanyang sarili saka siya tumayo. "Ayos lang, wala kang dapat ihingi ng dispensa. Ako rin naman ang naunang magbukas na pag-usapan 'yan. Huwag kang mag-alala, naiintindihan ko ang lahat ng sinabi mo," aniya. Paalis na sana si Wren, pero agad siyang pinigil ni Zyx. "Pare, sandali. Puwede bang huwag mo na sabihin kay Zeta na kinausap mo ako tungkol diyan? Nangako ka rin naman sa kanya na hindi mo sasabihin sa akin, kaya mas maganda kung hindi rin makarating sa kanya na nag-usap tayo, 'diba? Ayoko lang bigyan ng alalahanin ang kapatid ko, alam mo naman ang kondisyon niya, eh," aniya. Mabilis na tumango si Wren at lumabas na ng kwarto niya. Nang pumasok siya sa kwarto ni Zyx, ang tanging laman lang ng isip niya ay kumbinsihin ang kaibigan na dapat na silang lumayo kina Craig dahil nasiguro naman na nila ang kalayaan nila ngayon. Pero paglabas niya, tila binago siya ng mga sinabi nito... para bang sa isang iglap ay naintindihan na niya ang ipinaglalaban nito. Aminado si Wren na noong oras na matikman niya ang sakit ng matamaan ng bala sa katawan, walang ibang tumakbo sa isip niya noon kundi ang tanong na: "Bakit ba ako puamayag na malagay sa ganitong sitwasyon? Gusto kong masiguro ang kaligtasan ko, pero ligtas pa ba ako sa lagay na ito?" Halos isumpa niya ang sarili niyang desisyon sa pagpayag sa misyon habang nararamdaman niya ang sakit ng sugat niya. Itinaga niya sa bato na huling beses na siyang sasabak sa gulo na gaya niyon. Buong akala niya, kapag nakausap niya si Zyx ay magkakaroon siya ng kapayapaan sa kanyang isip. Pero ngayon, wala siyang ibang naramdaman kundi ang pagsisisi na bakit hindi siya naging matapang para harapin ang kasalanang sila rin naman ang may gawa? Ni minsan, hindi niya sinisi si Zeta o Zyx kung bakit sila nalagay sa ganitong sitwasyon. Alam niya sa sarili niya na kasama siyang pumayag na gawin nila ang pagnanakaw kay Karl noon. Pero hindi niya napansin na maaring hanggang ngayon ay sinisisi pa rin ni Zyx ang sarili niya kaya ginagawa niya ang makakaya niya para pagbayaran ang pagkakamali niya noon. Pagpasok ni Wren sa kanyang kwarto ay nakabuo na rin siya ng desisyon... na sa susunod na gagawing pagtulong ni Zyx kina Craig at Dawin, sisiguraduhin niyang kasama na siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD