Chapter 55

2713 Words
CHAPTER 55 "Sa tingin mo, nakilala kaya ako ng Shiela na 'yon?" ani Craig. Halata sa kanyang boses ang tono ng pag-aalala, tila hindi siya matatahimik kung walang magpapakalma sa kanya ngayon. Higit sa ano pa mang bagay ay iyon ang gusto niyang masiguro ngayon. Gabi na at nakauwi na si Craig sa Hideout, sila na ngayon ni Zyx ang magkasama. At kagaya ng madalas na ginagawa ng binata pagdating ay tumabi siya sa kaibigan sa harap ng kanilang computer; animo'y nagsilbi na itong kanilang pagbibigay ng oras para sa isa't isa, upang pag-usapan ang mga kasalukyang nangyayari at sabay na pag-isipan ang susunod nilang hakbang. Ito naman talaga ang rason ng kanilang pagtira ng magkasama sa Hideout: ang aralin ang kilos ng bago nilang target at bantayan kung ano ang mga ginagawa nito na may kinalaman sa sindikato. Ugali na talaga ng binata na kahit maghapon na siyang nagtrabaho sa opisina ay pag-uwi pa rin sa bahay ay trabaho pa rin ang kanyang aatupagin. Lalo pa siyang na-engganyong gawin ang trabahong naiwan niya sa opisina ngayong may kasama siyang magpupuyat. Sandaling nag-isip si Zyx para sa isasagot niya sa tanong ng katabi. "Hindi ko masasagot 'yan. Pero kung ang sabi mo naman ay hindi n'yo pa nakakaharap sa kahit anong uri ng pagkakataon ang babaeng 'yon, may posibilidad na hindi ka pa niya kilala." Nagbigay siya ng isang ngiti sa kausap. "Saka, kung sakaling nakita ka naman niya, hindi ka naman siguro agad makikilala n'on. Kumalma ka na lang," aniya. Tumango si Craig kahit hindi niya sigurado kung dapat ba niyang paniwalaan lang ang sinabi ng kaibigan. Pero sapat naman na ang mga salitang narinig niya para kahit paano ay kumalma. Hindi na lang niya iyon pinansin pa ng husto dahil mas importante ngayon ang dapat nilang gawin. Walang basehan ang pagdududa niya kaya ayaw niya na lang iyon makagulo pa sa isip niya. Pagkatapos mapuntahan ni Craig at Dawin ang Botique ni Shiela Vicente at makumpirma na isa nga siyang miyembro ng Fallen Angel, sa pamamagitan ng pagkakakita nila ng simbolo ng sindikato na matatagpuan sa tindihan niya, agad na sinimulan ni Zyx na dagdagan ang mga impornasyong kinalap niya tungkol sa babaeng iyon. Kasama na sa mga nakuha niyang impormasyon ay kung saan ito madalas nagpupunta. "Sa tingin ko, pareho ng ginagawa sina Karl at Shiela—pareho silang nagpupunta sa kung saang maliit na negosyo para imbitahin ito na sumali sa Fallen Angel. Alam mo na, 'yung sinasabi nilang kapag sumali sa samahan ay aasenso ang kanilang buhay, kahit ang totoo ay ibebenta nila ang taong iyon," ani Craig. Binabasa niya ang papel kung saan nakalagay ang mga lugar na pinupuntahan ni Shiela, kasama na sa mga iyon ang mapa na may marka ng nasabing lugar. Ang unang bagay na pumasok sa isip ng binata ay kumpirmahin sa sarili niyang paraan kung tama ang iniisip niya, dahil kung pareho sila ng trabaho... ibig lang sabihin ay hindi sapat na pagpigil sa operasyon ng sindikato ang pagkakakulong ni Karl. "Puwede, maaring siya na ang pumalit sa trabaho ni Karl dahil nga nakakulong ito. O talagang iyon na ang ginagawa niya bago pa nakulong ang lalaking iyon," pagsang-ayon naman ni Zyx. Hindi na nakakagulat na bagay kung sakaling matuklasan nila na bukod kina Karl at Shiela ay may iba pang gumagawa ng trabaho nilang iyon, pero hindi rin naman imposible na maaring silang dalawa lang talaga ang gumagawa nito dahil iniingatan ng grupo na kumalat ng husto ang ilegal nilang gawain. "Hindi na kailangan pang saluhin ni Shiela ang trabahong ginagawa ni Karl noon kung ang trabaho niya ay pareho lang sa taong iyon. Malaki ang sindikato nila, maraming maaring pumalit pansamantala sa trabaho ni Karl." Napatunayan iyon ni Craig dahil sa mga nakilala niyang mga tao nitong mga nakaraang araw, nakumpirma niya na hindi lang sa human trafficking maaring umikot ang mundo ng grupong iyon. Madaming bagay pa silang maaring gawin para patuloy na gumalaw ang grupo, kaya ibig lang ding sabihin ay madaming tao ang miyembro nito at hindi sila malulugi kahit may nakulong na isa o dalawang miyembro. Sadyang tahimik lang talaga silang grupo pagdating sa ilegal nilang trabaho, nakakatawa lang isipin na ginawa nilang isapubliko ang pangalan ng kanilang grupo na nagpapayaman umano sa mga taong kapos sa buhay... pero heto sila at nililimitahan ang galaw huwag lang malaman ng mga tao ang kilos nila. "Kung ganoon ba, nagkataon lang ba na itong mga lugar na pinupuntahan ni Shiela ay pareho lang ng pinupuntahan ni Karl?" tanong naman ni Zyx, nakatingin siya sa isang mapa na nasa screen ng monitor niya. Sinilip ni Craig ang tinutukoy ng kausap, naningkit ang mata niya nang makumpirma na tama ang sinasabi ni Zyx. Halos lahat ng lugar na pinuntahan na ni Karl ay binabalikan nga o pinuntahan din ni Shiela. Sa anggulong iyon ay maari mo ngang isipin na ang babaeng iyon ang pansamantalang gumagawa ng trabahong naiwan ni Karl. Nakakita ng posibilidad si Craig doon na maaring si Karl lang ang bukod tanging nanghihikayat ng mga tao na umanib sa kanila, at iba na ang trabaho ng iba sa kanya. "Hindi ko masasagot ng diretso ang tanong mo, pero maaring ang mga lugar na iyan ang isa sa rason bakit nag-uusap pa rin sina Shiela at Karl sa pamamagitan ni Joshua noon," sabi naman ni Craig. Wala pa siyang basehan para masiguro na tama ang hinala niya, kaya ayaw niya munang magdagdag ng panibagong iisipin nilang dalawa. Bumalik sa alaala niya ang mga sinabi ni Joshua tungkol sa pag-uusap na ginagawa ni Shiela at Karl, hindi binanggit ng binata sa kanya ang pinag-uusapan ng dalawa dahil hindi siya nagtangkang silipin ang isa manlang sa mga sulat na iyon sa takot na maaring may magsumbong kay Karl o kay Shiela at ikapahamak niya pa. Naisip na ni Craig noon na may pinag-uusapan nga ng palihim si Karl at si Shiela na may kinalaman sa sindikato, at ngayon niya lang nakumpirma kung ano ang bagay na maari pang maging dahilan ng Fallen Angel para hindi tuluyang iwan si Karl—iyon ay ang mga naiwan niyang trabaho bago siya nakulong. Tiyak na isa si Karl sa may madaming magiging biktima at pinanghihinayang pa nilang mawala na lang iyon ng basta-basta. Lalo ring tumibay ang pag-iisip ng binata na maaring malaking tao ito ng sindikato, kapantay o mas mataas pa kay Shiela. Tumango si Zyx. "Sinasabi niya kay Shiela kada linggo kung sino ang dapat niyang sunod na puntahan at ano na ang mga nagawa niyang hakbang sa lugar na iyon, para alam ni Shiela kung saan siya magsisimula at paano niya hahawakan ang sitwasyon." Sumang-ayon si Craig. "Kaya pala isang beses lang siya kung bumisita, masyado nga namang halata kung aaraw-arawin niya ang punta," sabi niya. "Ano ngayong plano ninyo?" tanong ni Zyx, hinarap niya si Craig. Sa utak ni Craig, ang unang paraan na naisip niya ay ulitin ang bagay na ginawa nila noon kay Karl—ang hulihin ito sa akto. Ang kaso lang, wala siyang maisip na maaring gumawa n'on kundi ang grupo lang ni Zyx. Pero dahil sa nangyari, ayaw na niyang may mapahamak muli o 'di kaya ay lalong magalit si Zeta sa kanya. "Kakausapin ko na lang muna si Dawin bukas, tatawagan kita kapag may plano na kami." *** Ilang minuto nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nina Craig at Dawin, nasa opisina sila at mula nang dumating silang dalawa ay wala silang inatupag kundi ang review-hin ang mga nakalap na impormasyon ni Zyx tungkol kay Shiela Vicente. Sinusubukan nilang bumuo ng plano sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga ito. Ang problema lang, malapit nang magtanghalian pero wala pa rin silang naiisip na maaring gawin. Lalo tuloy natutukso si Craig na sabihin ang suhestiyon niyang ulitin ang dati nilang ginawa. Hanggang sa nag-angat ng tingin si Craig kay Dawin. "Iniisip ko lang," panimula niya, dahilan para lingunin siya ng kaibigan. "Ngayong pinatay na nila si Joshua, sino nang bibisitahin ni Shiela sa loob ng kulungan para maging daan na kausapin si Karl?" tanong niya. Napaisip din si Dawin sa naging tanong sa kanya ng kaibigan. "Sa tingin mo ba, direkta na niyang pupuntahan ito ngayong alam na rin naman natin ang tungkol kay Joshua?" Agad na umiling si Craig. "Hindi sila gagawa ng ganyang hakbang, masyado nang nakakapagtaka iyon kung babalik pa siya rito dahil namatay na ang dating tao na binibisita niya. Tiyak na kung uulitin man nila ang ganoong istilo nila, hindi na si Shiela ang bibista sa selda, may ibang tao ulit silang gagamitin para r'on," aniya. At nang may maalala siyang bagay ay bumalik ang tingin niya sa kausap. "Si Albert Mallari! Maaring siya na ang gamitin nilang tulay!" dagdag niya. Ngumisi si Dawin. "Tama ka, siya ang isa pang miyembro na nakakulong kasama ni Karl. Kahit magkahiwalay sila ng selda ay maraming pagkakataon na maari silang magkita," aniya. Sumeryoso ang tingin ni Craig. "Pero puwede ring hindi, may posibilidad na baguhin na nila ang taktika nila dahil alam na natin iyon." "Sa tingin ko may nakakalimutan ka," ani Dawin. Kumunot ang noo ng kausap niya. "Ano?" "Maaring bago nila patayin si Joshua, natiyak na nilang naipasa na lahat ni Karl kay Shiela ang mga impormasyong kailangan nito. At ngayong wala na ang dati nilang tulay, maaring may iba na silang gagawin kina Karl at Albert," aniya. Naningkit ang mata ni Craig sa kanya saka tumango. "Tama ka, at iyon ang sunod nating aalamin." "Kung hindi na pupunta ulit si Shiela sa kulungan para bumisita, mas magiging abala na siya sa labas." Parehong tumango ang magkaibigan, kung hindi nila maaring gawin ang dati nilang paraan sa paghuli kay Karl, ang tanging magagawa na lang nila ngayon ay sundan ang galaw ni Shiela. Tiyak nilang pareho na magiging abala ito lalo sa pag-asikaso ng trabaho niya sa loob ng sindikato. Nang araw ding iyon, nagdesisyon ang magkaibigan na balikan ang Botique Shop ni Shiela Vicente. Ayon kasi kay Zyx, na-track na niya ang GPS ng babaeng iyon at magagawa na nilang makita kung saan ito maaring magpunta. Ilang minuto ang inilagi nila sa hindi kalayuang parking lot sa shop ng kanilang target. Naghihintay sila ng pagkakataon na umalis ito, dahil ayon kay Zyx ay nasa loob pa rin siya ng kanyang Shop. Ang plano lang nila ngayon ay sundan ng palihim ang kanyang kilos, at sa oras na may makita silang gumawa na ito sa akto ay saka lang nila ito huhulihin. Halos kapareho lang ng ginawa nila kay Karl dati. "Sa tingin mo ba, kapag umaalis siya ay mag-isa lang din siya?" tanong ni Dawin kay Craig, habang nakaabang lang sa Shop na binabatanyan nila. [Huwag kang mag-alala, pareho sila ni Karl ng ginagawang pagkilos. Kaya sigurado ring wala siyang kasama,] si Zyx na ang sumagot. Nasa kabilang linya ito at kasalukuyan siyang nasa hideout. Nagkaroong ng sandaling katahimikan. Hanggang sa dumating ang pagkakataon na hinihintay nila. "Lumabas na ang target!" anunsyo ni Craig, para malaman iyon ni Zyx. Agad na pinaandar ni Dawin ang makina ng sasakyan nang makitang lumabas si Shiela at sumakay din sa kanyang sasakyan. Naningkit ang mata ni Craig nang mapansin na sandaling nagtama ang mata nila, para bang alam nito na nasa paligid lang sila. Pero nang umandar na ang sasakyan nila, hindi na lang niya ito ulit pinansin pa. [Sa tingin ko, pupunta siya sa isang shop na malapit lang din sa shop niya dahil hapon na. Pero sapat na rin iyon para makumpirma natin ang ilang mga bagay na pinaghihinalaan natin,] ani Zyx. Naka-monitor sa kanya ang galaw ng kanilang target. Kampante naman ang dalawa habang sinusundan nila ito, para bang tiwala na sila kay Zyx na magagawa nitong sabihin sa kanila lahat ng kilos ng kanilang target sa oras na mawala ito sa paningin nila. Iba ang kumpiyansa nilang magtrabaho kapag may gaya niyang nagsisilbi nilang mata sa kabuuan ng mapa. Pero mag-iisang oras na yata silang nasa byahe, at hanggang ngayon ay hindi pa rin humihinto si Shiela. "Saan ba talaga papunta ang babaeng ito? Bakit parang kadulo-duluhan pa yata ang balak bisitahin. Hindi niya naisip na hapon na at traffic na kapag ganitong oras?" reklamo ni Dawin. [Baka ang pupuntahan niya ay ang pinakamalayong shop na naka-mark na pinuntahan na rin ni Karl?] ani Zyx. Pero hindi kumbinsido si Craig sa sinasabi niya. "Parang may mali talaga, eh," aniya. Hindi siya sinagot ng dalawa, pareho silang nag-isip kung ano ang maaring maging mali sa ginagawa ni Shiela. Para sa kanila, masyado pang maaga para masabing may hindi tama sa ginagawa niya. "Ano bang mali? Sinabi naman ni Zyx na may lugar dito na pinuntahan ni Karl dati, 'diba?" ani Dawin. Umiling si Craig. "Ikaw na nagsabi, hapon na at maaring maabutan siya ng matinding traffic pag-uwi. Kaya bakit ito ang pupuntahan niya ngayon? Hindi ka ba nagtataka roon?" Napabuntong hininga ang kausap. "Sige, sabihin na nating may punto ka nga. Kaso lang, ano ngang magagawa natin kung dito siya pupunta? Mali man o tama ang tingin nating pupunta siya sa shop, ang goal naman natin dito ay sundan ang kilos niya, 'diba? Kaya sa madaling salita, walang mali. Ayaw mo ba n'on, makukumpirma natin ngayon ang ilang hinala natin kung tama?" aniya. Hindi na nakaimik pa si Craig, hindi na siya nakipagtalo dahil tama naman ang sinabi ng kaibigan niya. Ganoon din si Zyx, sumang-ayon siya sa sinasabi ni Dawin. [Ito na! Huminto siya sa isang Restaurant!] anunsyo ni Zyx. Sinabi niya kung ano ang pangalan ng Restaurant na pinaghintuan ni Shiela, tapos ay ipinarada nila ang sasakyan nila sa parking lot ng nasabing Restaurant. Hindi na sila nag-abala pang bumaba sa sasakyan, tahimik na lang silang naghintay ng maaring mangyari saka sila kikilos. "Zyx, pinuntahan na ba ni Karl ang Restaurant na ito?" tanong ni Craig. Pero ilang segundo ang nakalipas, walang sumagot sa kabilang linya. Nagtinginan ang dalawa dahil pareho na silang nag-alala, ngayon lang nangyari na hindi kaagad sumagot ang kanilang kausap. "Zyx? Zyx!" tawag ni Dawin, humawak na siya sa kanyang headset na para bang makakatulong iyon para sumagot ang kausap. "Zyx, nasaan ka? Sumagot ka!" tawag din ni Craig. Hindi na maganda ang nagiging kutob ng dalawa, hindi sila sanay na biglang nawawala sa linya ang kausap. Sa tuwing kausap nila ito, wala pang pagkakataon na umalis ito para gawin ang ibang bagay. Kaya nakakapagtaka at nakakapag-alala ang nangyayari. "Pare, wala!" tarantang saad ni Dawin. Hindi alam ni Craig ang isasagot, hindi niya rin alam kung ano ang dapat gawin. "Hindi mo ba puwedeng tawagan sina Zeta? Itanong mo kung binisita ba nila si Zyx o kung alam ba nila kung saan biglang nagpunta iyon!" suhestiyon ni Dawin. Agad na umiling si Craig. "Kapag ipinaalam natin, baka agad silang mag-aalala. Hindi pa naman natin alam ang nagyayari, baka naman may kinuha lang siya o ano—" "Dapat na talaga tayong mag-alala! Napakatahimik ng paligid, wala tayong napansin na kahit anong ingay. Bigla na lang siyang nawala. Mas maganda na 'yung mabulabog sila basta masiguro nating ligtas si Zyx, kaysa ganitong natataranta tayo!" giit niya. Mariing napakamot si Craig sa kanyang ulo, kahit sinabi na ni Dawin ang dapat niyang gawin ay wala siyang lakas ng loob na tawagan si Zeta. Sa isip niya, sa oras na masabi niya ang nangyari ay nakikita na niya ang magiging reaksyon nito. Tiyak na lalo itong magagalit sa kanya kapag may nangyaring hindi maganda kay Zyx. Bumalik ang tingin ni Craig sa Restaurant, pilit hinanap ng mata niya si Shiela kahit pa hindi niya sigurado kung makikita niya talaga ito sa loob. Pero sa isang iglap, nakita niya nga ito... nakaupo at nakatanaw sa labas. Hindi niya masyadong kita ang reaksyon ng mukha nito, pero alam niya ang ibig sabihin ng tingin na iyon... "Dawin," tawag niya. "Ano na naman ba?!" Kabado ang naging ekspresyon ng mukha niya nang bumaling ang tingin niya kay Dawin. "Pare, may posibilidad na patibong ito! Hindi talaga makikipagkita si Shiela sa mga bibikimahin nila. At mas lalong walang kinalaman ang pag-alis niya sa trabaho niya sa sindikato. Dawin, inilayo lang nila tayo kay Zyx. Nasa panganib siya ngayon!" Hindi na sumagot si Dawin, kusa na lang gumalaw ang katawan niya para paandarin ang sasakyan. Habang iniisip ang mga salitang, "Sana ligtas ka, Zyx."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD