Chapter 50

2764 Words
CHAPTER 50 May ilang minuto nang nakatambay ang magkaibigan sa kanilang opisina, pero hanggang ngayon ay walang may balak na magsalita isa man sa kanila. Parehong okupado ang isip nila ng nangyaring imbestigasyon. Masyadong marami ang nangyari para sa araw na ito, para bang sa takbo nito ay marami pang dapat abangan na mangyari. Hindi manlang nila nagawang makapagpahinga manlang. Pareho nilang alam na maganda ang nangyari nang maisip nilang puntahan ang abandonadong bodega na iyon, iyon nga lang ay may naging kapalit ito: maaring alam na ng pulis na asset ng sindikato na may mga tao silang nahuli na nila. Maaring ang ordinaryong pulis na walang kinalaman o walang alam sa kaso nila ay walang pakialam sa kung sino ang mga taong dinala nila sa presinto, pero ang pulis na tagasumbong ng sindikato ay hindi iyon maaring palampasin. Pero hindi iyon ang bagay na gumugulo ngayon sa isip nilang dalawa, dahil may mas importante pa silang dapat isip ngayon... Binasag ni Dawin ang katahimikan. "Parang ayokong maniwala sa sinabi ng Albert na iyon na siya ang nagbigay ng pera sa apat pang lalaki, kasi 'diba sabi ni Kurt ay ngayon lang din niya nakilala ang mga nakasama niya? Ibig sabihin, iba ang lalaking nag-abot sa kanya ng pera at iba rin ang mga kasama niya. Baka niloloko lang tayo ng Albert na iyon para magmukha siyang maangas," aniya. Sinusubukang magbiro ng kasama niya, pero si Craig ay nananatiling seryoso. Walang pakialam ang binata sa kung ano man ang totoo tungkol sa sinabing rason ni Kurt dahil wala na iyong kinalaman sa nangyayari ngayon. Sinusubukan na niyang ipagtagpi-tagpi ang mga kwento ng mga nakausap niya para malaman kung ano talaga ang totoo. Hanggang sa iabot na lang niya kay Dawin ang kanyang telepono para ipakita ang isang picture na ni-send ng mga kasama nilang nag-iimbestiga pa rin sa bodega na kanina pa niya tinitingnan. Kumunot ang noo ni Dawin nang kunin niya ang iniabot sa kanya ng kaibigan niya, wala siyang ibang nakita kundi ang picture ng simbolo ng Fallen Angel na nakadisplay sa hindi pamilyar na lugar sa kanya. "Leon na may pakpak? Saan nila ito nakita?" usisa niya. Binawi ni Craig ang telepono niya at saka sumagot, "Pagkatapos nating kausapin ang dalawang nahuli natin sa bodega, sinabihan ko ang mga nag-iimbestiga roon na huwag titigilan ang bodega hangga't wala silang nakikitang anong bagay doon. Hanggang sa nakita nila ito sa isa sa mga silid doon," paliwanag niya. Alam ni Craig na malalaman at malalaman din naman ng pulis sa loob ang kilos nila at ipaparating na niya iyon agad sa sindikato, kaya wala nang rason pa para itago ang halata naman na. Wala na siyang pakialam kung malaman pa ng Fallen Angel ang iba nilang kilos, ang importante ay makakuha sila ng sagot sa nangyari ngayon. Napalunok ang kaibigan niya bago sumagot, "Kung ganoon, hindi nagsisinungaling si Albert na miyembro nga siya ng Fallen Angel at maaring tama rin ang sinabi niya na siya ang nag-abot ng pera sa mga lalaking kasama niya. At totoo rin ang sinabi ni Kurt na may mga bagay na nakatago sa loob ng bodega," aniya. Hindi niya inasahan na magkakaroon ng ganoong bagay sa bodegang iyon, dahil sa naaalala niyang lagay nito ay puro sira at luma na ang mga gamit doon. Ang itsura ng leon na may pakpak na nakita sa bodega ay parang bago lang, tila palagi itong nililinis o 'di kaya ay kalalagay lang nito roon. Pero mas mataas ang tiyansa na inilagay lang iyon ng kung sino roon dahil nga may kutob na ang sindikato na pupuntahan nila Craig ang lugar. Lalong nakakabahala para kay Craig ang bagay na iyon, doon niya napatunayan na tunay ngang mataas ang tingin ng sindikato sa kung ano ang kaya nilang gawin. Sa ginawa nilang iyon ay parang hinahamon nila ang kapulisan na huwag na nilang subukan pang banggain ang kanilang grupo. "Oo. Pero walang kahit na anong silid sa lugar ang naka-lock. Sadyang wala lang talagang ibang tao na pumupunta roon maliban sa atin, kaya tayo ang unang nakadiskubre ng bagay na iyon doon... na para bang siguradong-sigurado talaga silang tayo ang makakakita nito," ani Craig. Nagkaroon muli ng katahimikan sa pagitan nilang dalawa, alam nilang sa puntong ito ay seryoso na ang kalaban nila. Natural lang na kung ginugulo nila ang ilegal nilang negosyo ay lumaban sila pabalik. At sa pagsisimula ng pangugugulo nila ay ito ang malinaw nilang sagot. Naikuyom ni Craig ang kanyang kamao nang maalala niya na naduwag na naman siya kanina, nadala siya ng takot sa maaring gawin ng sindikato sa mga taong importante sa kanya. Kahit kailan, hindi siya tatablan ng takot sa mga demonyong tulad ng Fallen Angel. Pero aminado siyang ang tanging kaba na meron siya ay ang madamay sina Zeta. Kaya ngayon, imbes na maduwag siyang muli ay lalo niyang ginustong mahuli at mapatumba ang grupong iyon. Muli na namang binasag ni Dawin ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa, "Pare, kung miyembro rin siya ng Fallen Angel at kung malapit ang bahay niya sa bodega, malamang ay may kinalaman din siya sa pagkawala ng batang si Shaira," aniya. Bumaling ang atensyon ni Craig sa kanya. "Kung meron man, abangan natin ang iba pang mga bagay na makikita ng mga kasamahan nating pulis sa bodega. Tiyakin nating kapag kinausap natin siya ulit ay may maipapakita tayong ebidensya para hindi siya makatanggi," sagot niya naman. Madaming bagay ang gumugulo sa isip ni Craig ngayon, para bang sa lalong pagtagal ay hindi na kinakaya ng utak niya ang mga impormasyong nalalaman niya. Habang hinuhukay niya ang kaso ay lalong dumadami ang misteryo at nangangailangan ng sagot. Hindi niya na alam kung saan siya magsisimula o kung ano ang itutuloy niya. "Bakit hindi na lang natin balikan ang bodega? Kung ayaw niyang magsalita, tayo na mismo ang humanap ng sagot sa mga tanong natin," suhestiyon ni Dawin. Hindi naman tumanggi si Craig sa inalok sa kanya ng kaibigan, gaya nito ay hindi na rin naman siya mapakali sa nangyayari. Kailangan niya rin ng sagot sa maraming tanong sa kanyang isip. Unang-una na dapat mabigyan ng sagot ay ang misteryo sa pagkawala ng batang si Shaira Delos Reyes. Sa pakiwari ng binata ay nasa batang iyon ang sagot sa ibang mga tanong niya sa kanyang isip. "Kumusta pala 'yung mga ipinadala mong kasamahan natin sa bahay ni Albert? May nalaman na ba sila?" tanong ni Dawin. Nasa kaso pa rin nakatuon ang isip niya kahit nagmamaneho siya. Ganoon di naman si Craig, kahit anong ginagawa niya ay nakatuon ang isip niya sa kaso. Kahit nga hindi oras ng trabaho ay iyon pa rin ang iniisip niya hanggang sa pagtulog. Tila ba ayaw niyang mawala ang atensyon niya sa trabaho kahit pa dapat ay oras ng pahinga. "Wala pang tawag o update ulit mula sa kanila, sa tingin ko naman ay kapag may nalaman sila ay agad nila tayong sasabihan," sagot naman ni Craig. "Sa tingin ko nga ay nagsisinungaling lang 'yung lalaking nagbigay ng trabaho kay Kurt. Nag-amoy mayaman at nag-ayos mayaman lang siguro iyon para mapaniwala ang mga kawawang lalaking iyon na disenteng trabaho ang alok sa kanila." Bumaling ang tingin ni Craig sa kaibigan. "Sabihin na nating nagsisinungaling nga siya sa estado ng buhay niya. Huwag mo lang kakalimutan na seryoso pa rin ito na gusto nilang pabantayan ang bodega. Dahil hindi sila mag-aabalang gawin iyon kung wala tayong mahahanap na kung ano roon." Nagkibit-balikat lang ang kasama niya. "Alam ko naman iyon. Pero isipin mo rin, kung talagang importante nga ang nasa loob ng bodega, bakit mga kung sinong tao lang ang pinabantay nila?" aniya. Hindi na nakasagot pa si Craig nang sabihin iyon ni Dawin. May punto kasi ang sinabi nito, maaring ang balak lang talaga ng sindikato ay balaan sila sa ginagawa nilang pangingialam sa mga ilegal nilang trabaho. Ang pag-iiwan nila ng kanilang simbolo sa lugar ay maaring pagpapakita na sila nga ang grupong nasa likod ng nangyaring barilan. At bukod doon, wala nang iba pang bagay na maari silang malaman. Sa dami ng mga misteryong nalaman nila, sapat na ang mga iyon para sabihin hindi mangmang ang sino mang namumuno ng Fallen Angel. Muli nang tumahimik ang magkaibigan pagkatapos ng pag-uusap na iyon hanggang sa may tumawag na kasamahan nilang pulis na nag-imbestiga mula sa bahay ng isa sa mga suspek na si Albert Mallari. Ang bahay niya ay matatagpuan sa looban ng Squatter Area, ibig lang sabihin ay madaming tao ang nakakalat sa paligid ng lugar. Kaya iyon ang naging rason ni Craig kung bakit niya naisipang magpadala ng kasamahan nila roon para magtanong sa mga taong nakatira rin doon tungkol sa suspek. [Sir!] bati ng isang kasamahan niyang pulis sa kanya mula sa kabilang linya nang sagutin niya ito. Tumingin muna si Craig sa kaibigang hanggang ngayon ay nagmamaneho pa rin bago nito i-loudspeaker ang telepono niya at saka sumagot, "Anong balita riyan? May nalaman na ba kayo tungkol sa lalaking iyon?" tanong ni Craig. Mabilis na sumagot ang kausap niya sa kabilang linya, [Ayon sa mga kapitbahay niya, hindi raw marunong makihalubilo ang lalaking iyon sa kanila kahit pa sa mismong kadikit ng bahay niya. Wala itong kinakausap at wala rin halos nakakapansin na lumalabas siya ng bahay. Palagi rin daw sarado ang bahay niya. Sa madaling salita, wala silang alam tungkol sa suspek,] paliwanag nito. Sandaling nag-isip si Craig hinggil sa mga narinig niya mula sa kasamang pulis. Kung may kinalaman man si Albert sa nangyaring pagdukot sa batang si Shaira Delos Reyes, sigurado siyang hindi dadalhin ng lalaking iyon ang bata roon sa bahay niya dahil nasa loob nga ng isang mataong lugar ang lokasyong iyon. Pero hindi pa rin naaalis ang duda ng binata tungkol sa kanyang koneksyon sa nangyari limang taon na ang nakakalipas. Tumango si Craig saka sumagot, "Sige, kung wala naman kayong makukuhang impormasyon diyan ay bumalik na kayo sa bodega. Pabalik na rin kami roon," aniya. [Yes, Sir!] aniya saka ibinaba ang tawag. Pagbaba sa tawag ay sakto rin naman ang pagdating nila sa lugar, abala pa rin ang mga kasamahan nilang pulis sa paghalughog sa buong lugar. Binati nilang dalawa ang mga kasamahan nila na narito at naghiwalay sila sa paglilibot sa loob ng bodega. Hindi napansin ni Craig kung saan banda pumunta si Dawin, pero ang binata ay pinuntahan ang lugar kung saan bumagsak ang katawan ng dalawang lalaking hinihinala niyang sibilyan lang din kagaya ni Kurt. Nakapalibot sa pwesto ng may dugo ang sketch ng katawan ng mga namatay, kung paano ang naging posisyon nila nang mahulog ito. Sa paligid nito ay may nakapalibot ding dilaw na tape na ang nakasulat ay, "Police line do not cross." Hindi na sinubukan pang lapitan ng husto ni Craig ang pwestong iyon, ilang dipa ang naging layo niya roon. Gusto lang niya itong titigan habang iniisip ang mga nangyari habang kaharap niya ang limang lalaking iyon. Hindi niya lang maintindihan kung bakit ganoon na lang makipaglaban ang mga lalaking nakaharap nila kung ito man ay isang sibilyan. Para bang hindi takot mamatay ang mga ito, at handa pa silang isugal ang sarili nilang buhay para lang sa sinabi ng kung sinong lalaki sa kanila na may importanteng bagay silang dapat bantayan dito. Hindi niya alam kung nakita ba ng mga taong iyon ang sinasabing importanteng bagay na iyon, pero para sa kanya ay hindi sapat ang dalawampung piso para maging kapalit ng buhay nila. Gusto niyang pagdudahan ang sinabi ni Kurt na nilapitan lang ito ng kung sinong tao at inalok siya ng trabaho. Pero pagdudahan man niya iyon o hindi, mapatunayan man niyang totoo iyon o hindi, wala na rin iyong saysay ngayon. Patay na ang dalawa sa kanila at hindi na maibabalik ng katotohanan ang buhay nila. Muli na naman bumalik sa isip ni Craig ang paraan ng ginagawa niyang pag-iimbestiga sa kaso ng Fallen Angel. Desidido pa rin siyang hulihin at sugpuin ang grupong iyon, pero sa pakiwari niya ay kulang ang ginagawa niya para hulihin ang mga ito... parang may hindi siya magawang bagay na makakapagpabilis ng usad ng kaso. Dahil sa tingin niya, kung ganito nang ganito lang ang mangyayari ay hindi lang ang dalawang lalaking iyon ang maaring mamatay o madamay sa galit ng sindikato. At hindi malabong mangyari ang kinakatakutan niyang madadamay si Zeta at ang mga kaibigan nito. Hanggang sa dinala siya ng kanyang isip sa kasalukyang nangyayari. Inalala niya ang mga taong nasangkot na sa kasong hawak niya at kung ano-ano na ang narinig niya sa mga ito. Alam ni Craig na hindi niya pa napipiga ang mga ito, hindi pa lahat ay nagawang isiwalat ang mga alam nila na makakatulong sa kanyang makagawa ng bagong hakbang. At isang bagay lang naman ang tingin niyang dapat niyang sunod na gawin ngayon... "Pare," bati ni Dawin sa kanya nang lapitan siya nito. Bumaling ang tingin niya sa kaibigan, seryoso ang tingin niya na para bang ipinapakita niya sa kaibigan niyang may kung ano siyang iniisip hinggil sa kaso at nakagulo siya rito. Hindi pinansin ng binata ang naging reaksyon ng kaibigan. "Nagtanong-tanong ako sa mga kasama natin, pero bukod doon sa pang-display na leon na may pakpak ay wala na silang nakita pa na ano pang bagay. Sinubukan ko na ring libutin ang paligid, pero wala rin akong nakitang kakaiba rito. Lahat ng narito ay sira o luma nang bagay o gamit, wala nang pakinabang. Isa na lang talaga itong abandonadong bodega," dagdag pa ni Dawin. Hindi kayang tanggapin ni Craig na ganoon lang ang mapapala nila ngayong araw. Wala pa silang lead sa pagkawala ng bata, ibig sabihin ay wala silang mukhang maihaharap kay Rita Delos Reyes sa oras na may matuklasan na ito tungkol sa asawa nito. Gusto niyang kapag nagkaharap silang dalawa ay sunod na niyang aasikasuhin ang sasabihin ng ginang. Kumunot ang noo niya sa kausap. "Hindi ba nila natuklasan kung may bata bang dinala rito limang taon na ang nakakalipas?" tanong niya. Kumunot din ang noo ni Dawin sa kanya. "Anong ibig mong sabihin?" "Ang lugar na ito ang nagsilbing tagpuan nina Joshua at ng mga magulang ng bata. At kung sinasabi niyang dito niya rin iniwan sa loob ng bodega si Shaira bago ito nawala, ibig lang sabihin ay dapat may makikita manlang tayong palatandaan na nanggaling nga rito ang bata. Halimbawa na lang ay gamit sa pagkain, upuan, lubid, panyo, o kung ano pa mang maaring gamitin sa oras ng paglalagi nila rito," paliwanag ni Craig. "Pare, puwede namang dito lang ang naging tagpuan at hindi rito itinago ang bata—" "Kung hindi rito itinago ang bata, saang lugar naman siya puwedeng dalhin?" Hindi agad nakaimik ang kausap niya, tila pinoproseso nito ang naging tanong ni Craig sa kanya. Hanggang sa kumunot ang kanyang noo na para bang nalilinawan na siya sa mga nangyayari. "Hindi pa natin natatanong si Zyx kung may nakita na siyang update tungkol sa pagkawala ng bata, 'diba? Baka naman siya na ang makasagot ng tanong mo," ani Dawin. Gumala ang mata ni Craig sa paligid ng bodega. Tiningnan niya ang bawat sulok na maabot ng mata niya. "May isa pa tayong tao na hindi natatanong tungkol sa pagkawala ng bata. At sa tingin ko, siya lang ang maaring makasagot ng tanong ko." "Sino?" "Si Joshua Magno mismo, dahil siya lang ang suspek natin sa kasong ito." Napabuntong hininga si Dawin. "Akala ko ba hindi na natin siya dapat kausapin dahil halata na agad kung anong isasagot niya sa mga tanong natin?" "Oo, at sinabi ko iyon bilang pag-iingat na rin na baka makarating kay Karl na inuungkat natin ang kaso ng taong iyon at mabalaan niya ang mensahero nila at malaman iyon ng Fallen Angel. Pero sa nangyaring ito, wala na tayong dapat pang isipin dahil halata na rin naman sigurong alam na ng sindikato ang ginagawa natin, 'diba?" Desperado na si Craig, wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang balikan ang taong iyon. Lalo pang nagtulak sa kanya ang mga nangyari ngayon para ituloy ang dapat ay matagal na nilang balak. Ngumiti si Dawin sa kaibigan saka tinapik ang balikat nito. "Alam mo, gusto ko ang sinasabi mo kapag gigil ang mukha mo," biro nito. Hindi siya sinagot ni Craig, sa halip ay nauna na itong bumalik sa kanilang sasakyan. Ang tanging laman ng isip niya ngayon ay makausap si Joshua Magno tungkol sa nangyaring pagdukot noon kay Shaira Delos Reyes. May duda pa rin siyang ang pagkawala ng bata ang makakasagot sa ilang tanong niya, at maaring maging daan din ang sagot na iyon para mas mapabilis ang pag-usad ng kaso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD