Chapter 51

2747 Words
CHAPTER 51 Walang pinalampas na sandali si Craig; kasama niya si Dawin na naghihintay sa ipinatawag nila, halos magdidilim na ang langit pero imbes na bigyan ng pahinga ang sarili ay mas pinili niyang sumugod sa Interrogation Room para makausap ang isang importanteng tao. Para sa kanya, ang ganitong bagay ay hindi na makakapaghintay ng kinabukasan, at kahit ipahinga niya pa ang sarili niya ay patuloy lang itong maglalaro sa isipan niya; ibig lang sabihin ay hindi rin siya makakatulog. . Hanggang sa dumating na ang pagkakataon na makaharap nila mismo ang kidnapper na si Joshua Magno, ang lalaking dumukot sa isang batang babae limang taon na ang nakakalipas. Ang nakikita niyang tao na maaring magbigay sa kanya ng isang panibagong clue. Naglalakad pa lang palapit sa kanila ang lalaki ay hindi na mapakali si Craig, kung ano-ano na ang tumatakbo sa isip niya. Halos sasabog na rin ang isip niya dahil hindi na niya malaman kung ano ang una niyang itatanong. Sana lang ay makatulog pa rin siya ng mahimbing ngayong gabi pagkatapos niyang makausap ang lalaking makakaharap niya. Sa oras na makaupo ito sa tapat nila, nagtama ang paningin nina Joshua at Craig. Pansin na pansin ang pakiramdaman ng dalawa, tila pareho nilang sinusukat kung tama bang kausapin o paniwalaan manlang ang mga sasabihin ng isa't isa. Sanay na si Craig na kumausap ng madaming kriminal sa lugar na ito, pero ngayon lang niya nararanasan na kumausap ng mga tao na may nalalaman tungkol sa isang nakakatakot na grupo ng sindikato. At hindi itatanggi ng binata na sa tuwing haharap siya sa mga ganitong uri ng tao ay mas pinapakalma niya ang sarili niya kaysa ang mag-isip ng magandang uri ng tanong. Dahil kung magtatanong siya ng kabado, wala rin siyang maitatanong na maganda. Si Dawin ang unang nagsalita, "Joshua, maaring hindi mo kami kilala. Pero sa tingin ko naman ay may ideya ka na kung bakit gusto ka namin makausap, 'diba?" tanong niya. Ilang segundo ang lumipas, nakatingin lang ang lalaki sa dalawang pulis na kaharap niya habang may ngisi sa kanyang mukha. Tila sa isip ng binata ay hindi siya makapaniwala na ang dalawang pulis na kaharap niya ngayon ang uri ng pulis na nababalitaan niyang kumikilos para hulihin ang isang mailap at nakakatakot na sindikato kagaya na lang ng Fallen Angel. "Mabibigo lang kayo sa gusto ninyong gawin, kaya habang maaga pa ay tantanan n'yo na 'yan," sagot ni Joshua. Kunot ng noo ang unang naging reaksyon ni Craig, nakatingin lang siya sa lalaking nagsalita habang binabalikan ang mga pagdududa niya noon sa taong iyon—kasama na 'yung pagkakataon na ayaw niya itong kausapin dahil sa pag-iingat niyang malaman ng Fallen Angel ang mga plano nilang gawin. Pero ngayong kaharap na nila ang taong iniiwasan nila, sa pakiwari niya ay hindi lang ito dapat magtapos dito... kailangan niyang mas lalo pang pag-igihan dahil kung babalikan ang mga nangyari ay malayo na ang narating nila. "Hindi ka ba natatakot sa ginagawa mo?" tanong ni Craig sa kaharap niya. Sabay na napalingon sina Joshua at Dawin sa kanya, pareho silang naguluhan sa bagay na pinupunto ng binata. Naging dahilan iyon para ipagpatuloy niya ang sinasabi niya, "Paano kung dumating ang araw na hindi mo na magawa ang bagay na ipagawa nila sa 'yo... at ang maging kapalit niyon ay buhay mo o 'di kaya ng pamilya mo. Magagawa mo ba silang ipagtanggol kung narito ka sa loob ng kulungan?" Sa halip na maapektuhan sa itinanong niya ay tinawanan pa siya ng kausap niya. "Bata pa kayong mga pulis, ang mga ganyang klaseng tanong ay hindi na bumibenta sa mga kagaya ko," aniya. "Kilala namin ang pamilya mo, at alam kong kilala rin ng grupong iyon ang tinutukoy ko. Higit sa amin, mas alam mo kung ano ang kayang gawin ng mga taong tinutukoy ko," sabi pa ni Craig. Hindi nagbabago ang uri ng tingin niya kay Joshua, tila gusto niyang ipakita sa kausap na seryoso talaga siyang ipaunawa sa kanya kung ano ang ibig niyang sabihin. Hindi tumitigil sa pagtawa si Joshua. "Anong grupo ba ang sinasabi mo? Wala akong alam sa sinasabi ninyo—ah, alam ko na! Akala n'yo ba ay may grupo ako bago ako napadpad sa impyerno ito?" Naningkit ang mata ni Craig sa kanya, tila sinusuri niya kung nagmamaang-maangan lang ba ito o sadyang wala talaga itong ideya sa kanyang sinasabi. Kahit gusto niyang banggitin ang mismong pangalan ng sindikatong tinutukoy niya ay ayaw niyang sabihin iyon, dahil kung magaling magsinungaling ang kaharap niya ay mas magiging dehado sila sa laban kapag nagbigay pa siya ng impormasyon na alam niya tungkol sa grupong iyon. "Kung wala kang grupo, ipaliwanag mo sa amin kung paano ang ginawa mong himala para hindi na lumitaw ang batang dinukot mo," singit ni Dawin. Sandaling napalingon si Craig sa kaibigan, balak niya sana itong pigilan na huwag biglain ang kausap nila tungkol sa totoong pakay nila. Pero huli na ang lahat para gawin niya iyon dahil nasabi niya na ang bagay na hindi niya pa dapat sabihin. Nakangising sumagot si Joshua. "Sinasabi ko na nga ba at hindi talaga makakalimot ang mga iyon sa pagkawala ng anak nila. Bakit ba hindi na lang sila gumawa ng bago para tigilan na nila ako? Pinakulong na nga nila ako, kukulitin pa rin ako? Hindi puwedeng mangarap ng katahimikan ang isang kriminal?" reklamo niya. "Hindi ba ito ang unang beses na may nagtanong sa 'yo tungkol sa batang dinukot mo?" usisa ni Dawin. Umiling ang kausap. "Dati, halos araw-araw akong kulitin nu'ng nanay, eh. Anong magagawa ko kung hindi ko nga alam?" "Kailan ka huling pinuntahan ni Mrs. Delos Reyes?" Tumingala si Joshua, para bang naghahanap ng sagot mula sa kisame. "Malay ko, ilang taon na rin siguro iyon. Hindi ko na maalala, eh. Pero lagi niya ako kinukulit na sabihin ko na raw kung nasaan ang anak niya, ilang beses ko na ngang inulit na hindi ko alam, eh!" "Siya lang ba ang nagpupunta, hindi kasama ang asawa niya?" "Hindi. Mabuti nga ang asawa niya ay naka-move on na. Siya na lang ang hindi." Nagkatinginan sina Craig at Dawin dahil sa mga sinabi ni Joshua sa kanila. Tila naging rason ang mga salita niyang iyon para patunayan na hindi si Rita ang miyembro ang Fallen Angel, nagsasabi ito ng totoo tungkol sa kwento niya nang makausap nila ito sa isang kainan. Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan ng magkaibigan, nakatingin pa rin sila kay Joshua pero hindi sila umiimik. Naging dahilan naman iyon para kumunot ang noo ng binata sa kanila. "Ano? May kailangan pa ba kayo sa akin? Puwede na ba 'kong bumalik sa selda ko?" tanong niya. "Anong koneksyon mo kay Albert Mallari?" Sa tanong na iyon ay kusang naglaho ang kaunting ngiti ni Joshua sa kanyang labi. Hindi niya alam kung bakit iyon itinatanong sa kanya ng pulis, pero isa lang ang naiisip niyang dahilan ng maaring mangyari ngayon... hindi na siya ligtas. Gusto niyang subukan na makatakas at gusto niyang subukan na iwasan ang tanong na iyon. Para bang mas pipiliin na lang niyang masaktan ng pisikal kaysa manggaling sa kanya ang sagot sa tanong. Pero sa kabilang banda, para bang may nagtutulak sa kanyang magsalita. "Paano ninyo nakilala ang lalaking iyon?" buong tapang niyang tanong. Si Craig ang sumagot. "Binalikan namin ang bodegang pinagdalhan mo sa batang dinukot mo. At ang tumambad sa amin ay limang lalaki may baril. Sa pag-iimbestiga, nakilala namin ang apat sa kanila na isang sibilyan. Pero ang isa sa kanila ay si Albert Mallari, nakatira malapit sa abandonadong bodegang iyon." Ngumiti ng pait si Joshua. "Dahil malapit ang bahay niya sa bodegang iyon at naroon din siya sa parehong lugar, inisip n'yo na agad na kasabwat ko siya? Ganoon ba?" paniniguro niya. Ilang segundo ang nakalipas bago nagsalita muli si Craig. "May natagpuan na bagay sa loob ng bodega. Kumpara sa mga gamit na naroon, bago pa ang itsura nito at malinis... halatang may naglagay lang doon bago namin bisitahin ang lugar." Nagtitigan silang dalawa bago niya itinuloy ang sinasabi niya. "Hindi ko na kailangan pang banggitin kung anong bagay ang tinutukoy ko. Ang nakakapagtaka lang dito, kasama mo sa selda ang kriminal na kami mismo ang humuli—isang kumpirmadong miyembro ng sindikato. Mayroon din siya ng simbolong iyon..." Napalunok si Joshua, tila hindi na niya gustong marinig pa ang susunod na maririnig mula sa pulis na kaharap niya. Muling nagsalita si Craig, "Hindi ba't nakakapagduda lang ang mga nangyari... nagkataon lang ba, o talagang may koneksyon ka sa mga taong iyon?" Umiwas ng tingin si Joshua, hindi niya na alam kung paano niya pa lulusutan ang mga tanong sa kanya ng pulis na kausap niya. Wala siyang ka-ide-ideya na ganitong uri ng tanong ang tatambad sa kanya ngayon araw. Dahil kung alam niya, maaring hindi na siya pumayag na harapin ang mga ito. "Joshua Magno, umamin ka, saan mo ba talaga dinala si Shaira Delos Reyes? Bakit hindi na siya nakabalik sa mga magulang niya?" Napayuko ang binata. Hindi niya kayang sagutin ang mga tanong na iyon, dahil alam niyang kapag sinagot niya iyon ay tapos na rin ang buhay niya. Hanggang sa hindi na nakapagkontrol ng sarili si Craig. Hinigit niya sa damit ang lalaking kaharap niya. "Sumagot ka!" sigaw niya habang hinihila pa nito ang damit nito. "Craig, kumalma ka!" agad naman na awat ni Dawin sa kanya. Tila walang naririnig si Craig, patuloy lang siya sa paghila kay Joshua na para bang pinipilit niya talaga itong magsalita. Hindi niya maitatanggi na nauubos na talaga ang pasensya niya. "Sumagot ka sabi—" "Hindi ako ang nagbigay ng bata sa sindikato, si Marcel ang gumawa n'on!" sigaw ni Joshua. Natulala si Craig nang marinig ang inamin sa kanya ng kaharap niya. Naging rason naman iyon para tuluyang mailayo siya ni Dawin sa kaharap nilang lalaki. "Anong sabi mo?" naguguluhang tanong ni Craig kay Joshua. Pareho silang tatlo na nananatiling nakatayo, tila hindi sila makahinga ng maayos dahil sa isang malaking rebelasyong iyon. Nakaposas ang kamay ni Joshua sa kanyang likod kaya ang tanging nagawa na lang niya para maiiwas ang kanyang mukha sa dalawang kaharap ay yumuko. Tila hindi niya na kayang lingunin pa ang dalawa. "Ginawa niya iyon para makabayad siya ng utang niya sa mga miyembro ng sindikato. Binayaran niya ako para palabasing may nang-kidnap sa anak niya. 'Yung ransom money na hiningi ko sa pamilya nila ay iyon mismo ang bayad niya sa akin sa ginawa kong pagdukot sa anak niya. Pero hindi ko naman inasahan na babaliktarin niya ako, eh. Ipinakulong niya rin ako nang makuha na ng sindikato ang bata. Tapos tinakot ako na huwag daw ako magsasalita kung ayaw kong mamatay dito sa loob, nangako rin sila na ilalabas din nila ako paglipas ng ilang buwan. Kaya lang, ilang taon na hindi pa rin nila ako inilalabas. Kaya ngayong may nagtanong ulit sa akin ng nangyari noon, aaminin ko na lahat. Kasi alam ko naman na papatayin din nila ako, kaya bago nila ako mapatay, ang mahalaga ay nagawa kong aminin ang totoo." Hindi alam ni Craig at Dawin kung ano ang sunod nilang sasabihin, hindi nila inakala na ang isang ama na gaya ni Marcel Delos Reyes ay magagawa iyon sa kanyang anak para lang makabayad siya ng utang. Gaano man kalaki ang utang na iyon ay hindi dapat isang buhay ang maging kapalit nito. Walang katumbas na halaga ang buhay ng tao, lalo pa kung ito ay sarili mong dugo at laman. Napaupo na lang si Craig dala ng panghihina. Hindi niya maatim na sabihin ito kay Rita, hindi niya kayang ipaalam sa ginang na mismong kanyang asawa ang nagbenta sa kanilang anak para lang sa materyal na bagay. "Paano niya nagawa iyon sa sarili niyang anak?" ani Dawin. Gaya ng kaibigan ay napaupo na lang din siya dahil sa narinig. Nananatiling nakatayo si Joshua. "Sindikato ang kaharap niya, natural lang na magawa niya ang ganoong uri ng bagay. At sa totoo lang, dapat sisihin ninyo si Albert Mallari dahil siya ang taong nagpakilala ng sindikato kay Marcel." "Kung ganoon, si Albert ang nagpasok sa kanya sa sindikato?" paglilinaw ni Dawin. Kumunot ang noo ni Joshua sa kanya. "Nagpasok? Miyembro rin ng sindikato si Marcel?" "Hindi mo alam?" Natulala ng ilang segundo si Joshua, napaupo siya habang pinoproseso niya ang mga nalaman. "Si Albert ang nagpakilala sa akin kay Marcel, dahil nga naghahanap siya ng maaring k-um-idnap sa bata. Akala ko, siya rin ang nagpakilala kay Marcel sa sindikato. Pero hindi ko alam na miyembro siya," aniya. "Huwag mong sabihing hanggang ngayon ay miyembro siya ng sindikatong pumatay sa anak niya?" Napatakip na lang ng mukha si Craig. Lalo niyang hindi makayanan ang kalunos-lunos na sinapit ng bata sa kamay ng sarili niyang ama. Hindi nila akalain na may kagaya ni Marcel, isang demonyong nilalang na nagpapanggap na mabait sa harap ng marami." "Maaring si Marcel at Albert ay pareho lang ng trabaho kay Karl," ani Dawin, mahina ang boses niya habang kinakausap ang kaibigan. Narinig din ni Joshua ang sinabi niya. "Tama ka, pareho ang dalawang hayop na iyon na naghahanap ng mahihirap para magkaroon sila ng biktima. Pero si Marcel, hindi ko alam na kasali siya sa kalokohan ng dalawang iyon. Sabagay, hindi na nakakagulat iyon dahil mayaman siya," aniya, sa tono ng boses niya ay parang kaibigan na niya ang mga pulis na kausap niya. Naningkit ang mata ni Dawin sa kanya. "Paano naman kami maniniwala sa 'yong hindi ka miyembro ng sindikato?" Ngumisi si Joshua sa kanya. "Alam kong masamang d**o ako, pero hindi ako kasing sama ng iniisip mo. At isa pa, kahit matagal nang nasa hukay ang isang paa ko... hindi pa ako nababaliw para lalong ilagay sa peligro ang buhay ko. Dahil kapag nasa loob ka na ng sindikato, kamatayan na lang ang maghihiwalay sa 'yo sa kanila." Hindi na sumagot pa si Dawin, sapat na sa kanya ang mga narinig na sinabi ng lalaking kaharap niya para mapaniwala siyang hindi nga ito ng sindikato. "Kaya lang," muling nagsalita si Joshua, dahilan para bumaling muli ang tingin ng dalawang pulis sa kanya. "Sa tingin ko, paglabas ko sa kwartong ito, buong katawan ko na ang nasa hukay." "Anong ibig mong sabihin?" Hindi nawawala ang ngisi sa mukha ni Joshua, wala siyang pinagsisisihan na nagawa niyang sabihin lahat sa mga pulis lahat ng nalalaman niya. Dahil para sa kanya, ang pagtagal niya ng ilang taon dito ay para na rin siyang namatay. Alam niyang kahit makalabas siya ng kulungan ay wala nang naghihintay na pamilya sa kanya. Kaya kahit manlang makabawas sa mga kasalanan niya, gusto na niyang sabihin ang lahat ng alam niya para sa huling sandali ay malagay naman siya sa tama. "May isang babaeng laging bumibisita sa akin dito, linggo-linggo iyon. Bumisita siya sa akin para tiyakin at ipaalala sa akin na totoo si kamatayan," panimula niya. "Pero bukod doon, ang trabaho niya rin ay maging tulay ni Karl sa mga kasama niya. Ako inuutusan niyang mag-abot ng mga sulat—" "Anong mga pinag-uusapan nila?" agad na tanong ni Dawin sa kanya, tila lalo siyang naging interesado sa mga sasabihin ng kaharap niya. Pagak na natawa si Joshua. "Malay ko! Hindi ko naman puwedeng silipin ang sulat dahil mananagot ako, ang trabaho ko lang ay iabot iyon kay Karl. Tapos kung may sagot si Karl ay iaabot ko sa babaeng iyon," paliwanag niya. Nagkatinginan sina Craig at Dawin nang sabihin niya iyon, pareho sila ng iniisip sa puntong ito—na tama sila sa mga una nilang hinala tungkol sa babaeng palaging bumibisita kay Joshua. "Ano pang alam mo sa sindikato?" sa pagkakataong ito ay nagawa nang magtanong muli ni Craig. "Wala na, iyon lang ang alam ko. Pero kung gusto n'yo pang madagdagan ang alam ninyo tungkol sa grupong iyon, tanungin ninyo 'yung mga taong nabanggit ko kanina: Albert, Marcel, at 'yung babae—si Shiela. Sigurado akong marami ang malalaman ninyo sa kanila dahil miyembro sila ng sindikato," sagot niya. "Kailangan ka naming ilipat ng selda, dahil kung hindi—" "Papatayin nila ako? Matagal ko nang hinihintay iyon! Sabi ko nga lang sa sarili ko noon, 'kung mauna ang kamatayan kaysa sa pag-amin ko sa mga kasalanan ko, malugod kong tatanggpin iyon.' Ang kaso, nauna ang pag-amin ko bago nangyari iyon... kaya ang swerte ninyo. Pero ngayong nagsalita ako sa inyo, tiyak na ang kamatayan ko at huwag n'yo nang pigilan pang mangyari, dahil gusto ko na rin mamatay," aniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD