Chapter 49

2726 Words
CHAPTER 49 Nang madala sa Police Station ang mga nahuli nilang mga miyembro ng sindikato ay agad na nag-report ang magkaibigan sa kanilang C.O. tungkol sa nangyari. Importanteng bagay ang maipalaam agad nila ito sa nakakataas para maagang masimulan ang pagtatanong sa mga suspek. Ito ay isang pangyayaring hindi nila dapat palampasin, ilang araw na silang puro ideya lang ang nagpapatakbo sa kasong hawak nila, kaya isang malaking tulong ang may mahuli sila na konektado sa kaso. "Kumusta ang kasong hawak ninyo?" tanong ni Ocampo. Kagaya ng palagi nitong pwesto ay nakaupo siya sa kanyang swivel chairt at kaharap sina Craig at Dawin. Bukod sa dalawang pulis na kaharap niya ay siya lang ang bukod tanging may alam sa kabuuan ng kaso. Walang ibang nakakaalam na ang hawak na kaso ng dalawa ngayon ay tungkol sa isang sindikato, ang tanging ipinaalam lang nila sa mga kasamahan ay 'yung mga magnanakaw pa rin na matinik at mahirap mahuli ang kaso nila kaya matagal matapos. Hanggang ngayon kasi ay may kutob pa rin si Craig na may kasama silang pulis sa loob ng departamento na miyembro rin ng sindikato, kaya kung lihim ang kaso ay madali na lang nilang matutukoy kung sino ang asset ng sindikato sa loob kapag nanggaling sa pulisya ang kilos; ibig lang sabihin, sa paraang ito nila mapoposasan ang mga pulis na iyon para hindi nila sila nito malabanan. Alam din iyon ni Ocampo, kaya kapag tinatanong niya ang dalawa tungkol sa development ng kaso ay mas pinipili niyang kausapin ang magkaibigan kapag sila mismo ang bibisita sa kanya. "On going pa rin, Sir. Pero ngayon, mas madaming tao na ang involve at mas nakikilala namin. Ipapasa ko ang susunod naming report sa inyo mamaya," sagot ni Craig. Napabuntong hininga si Ocampo nang marining niya ang naging sagot sa kanya ng binata, sa tuwing makakatanggap kasi siya ng report mula rito ay kaba at pag-aalala ang una niyang nararamdaman. Hindi pa rin niya kayang tanggapin ng maluwag sa loob niya na ganitong uri ng kaso ang hawak ng isa sa mga magagaling niyang pulis, pero alam din naman niyang wala na talagang ibang pulis na may kaya nito kundi silang dalawang magkaibigan lang. "Sino 'yung dalawang lalaking ipinasok ninyo kanina? Anong kinalaman nila sa kaso?" usisa niya. Nakarating sa kanya na may naka-engkwentro sina Craig na limang armadong lalaki sa isang abandonadong bodega sa tabing ilog. Narinig niya sa radio ang report ng mga pulis na tinawag nilang dalawa umano bilang backup. Dalawa ang patay, at ang isa ay sinugod sa Hospital dahil may tama ito. "Hindi pa namin sigurado, Sir. Ang abandonadong bodega na iyon ay ang lugar kung saan dinala ang batang dinukot limang taon na ang nakakalipas. Ang kidnapper ay si Joshua Magno, at ang biktima ay si Shaira Delos Reyes. Binalikan namin ang lugar dahil nagdududa kami sa nangyaring pagkahuli sa suspek, pero hindi nakabalik ang bata," paliwanag ni Craig. Kumunot ang noo ni Ocampo. "Si Joshua Magno, paano n'yo naman naisip na buksan ang kaso niya?" Ipinaliwanag ni Craig sa kanyang C.O. ang mga nalaman nila nitong mga nakaraang araw. Mula sa rason na magkasama sina Karl at Joshua sa isang selda, ang bisita nitong nakakapagduda, at ang tungkol sa kaso niyang pag-kidnap sa bata. Hanggang sa dinala na nga sila sa pamilya ng bata na kung saan ay nakitaan nila ng simbolo ng Fallen Angel ang bahay ng biktima. Sinabi rin ng binata ang tungkol sa kasunduan nila ng ina ng bata para malaman nila ang kilos ng ama nito na pinaghihinalaan nilang miyembro rin ng sindikato. "Sa tingin ko, Sir, ang limang lalaki na iyon ang nagbabantay sa abandonadong bodega. Ang hindi ko lang sigurado ay kung bakit handa silang itaya ang buhay nila para sa isang ganoong uri ng lugar. Patuloy pa ring sinusuyod ng mga tauhan natin ang bodega, dahil hindi talaga maganda ang pakiramdam ko sa lugar na iyon," dagdag pa ni Craig. Tumango si Ocampo. "Sabihan mo agad ako kapag may bago kang nalaman tungkol sa kaso," aniya. Sabay na tumayo ang magkaibigan at sabay din silang sumaludo sa kanilang C.O. Isa lang ang susunod na pupuntahan ng magkaibigan: ang Interrogation Room. Kailangan nilang himayin ng husto ang dalawang lalaking nahuli nila. Tiniyak ni Craig na ang dalawang nahuli nila ay hindi mapapasama sa selda ni Karl at Joshua bilang pag-iingat. Hindi nila alam kung ano ang maaring sabihin ni Karl sa kanila o di kaya ay kung ano ang maari niyang gawin sa dalawang iyon kapag nakita niya. Pagpasok nila sa loob ng silid ay agad na binasa ng magkaibigan ang files tungkol sa dalawang preso. Ang unang lalaki ay si Kurt dela Cruz. Dating salesman sa isang mall, dalawang taon ang naging trabaho niya roon at nang matapos ang kontrata niya ay hindi na muling naghanap ng bagong trabahoo. Mag-iisang taon na siyang hindi empleyado ngayon. Ang address ng bahay niya ay malayo sa abandonadong bodega, kaya pinagtatakahan ni Craig kung paano siya napadpad sa lugar na iyon. Dinala ang lalaki sa silid para makausap nilang dalawa. Mas matangkad ito sa kaysa sa kanilang dalawa at di hamak na mas malaki rin ang katawan. Kung tutuusin, bagay nga sa kanya ang maging isang guwardiya. "Anong ginagawa mo sa loob ng bodegang iyon?" tanong ni Dawin sa lalaking bagong dating. Nakaposas pa rin ang lalaki, may kaunting ngiti sa kanyang labi nang maupo siya. "Ano ba sa tingin ninyo? Nakikipaglaro ng baril-barilan sa pulis?" aniya. Napabuntong hininga si Dawin para pakalmahin ang sarili. Sanay na siya sa mga bastos sumagot na kriminal, pero hindi niya pa rin maiwasang mapikon kapag may gumagawa n'on sa kanya. Pero imbes na patulan, tumingin na lang siya kay Craig para iparating na ipinapasa na niya sa kaibigan niya ang buong proseso ng pagtatanong. Ngumisi na lang ang kasama niya dahil naiintindihan niya ang ibig sabihin ng tingin na iyon. "Napansin ko sa personal record mo na malayo ang address ng bahay mo sa lugar ng bodega, paano ka napadpad doon?" kunot noong tanong naman ni Craig. Bumaling ang tingin ng preso sa kanya. "Pinuntahan ko ang bahay ng barkada ko para makipag-inuman. Tapos may dumating na lalaki, hindi ko kilala at hindi rin kilala ng kasama ko. Inalok kami na kung gusto raw namin ng trabaho ay bibigyan niya kami. Bantayan lang daw namin ang isang abandonadong bodega sa loob lang ng isang linggo," aniya. Pabalang pa rin ang tono ng kanyang boses, pero kahit paano ay maayos naman ang naging sagot niya. Kumunot ang noo ni Craig. "Magkano ang inalok sa inyong bayad?" "Malaki! Pareho kaming inabutan ng dalawampung libong piso. Basta ang sabi niya lang ay kapag may nagtangkang pumasok sa loob ay takutin daw namin." "Hindi ka manlang nag-alangan na tanggapin ang trabaho? Inabutan ka ng baril at sinabihan kang takutin mo ang sinomang magtatangka, hindi mo ba naisip na baka masamang tao iyon?" usisa ni Craig. "Tumanggi ang kasama ko nu'ng ipinakita na niya 'yung baril. Pero ako, dahil kaibigan ko ang guwardiya sa pinagtrabahuan kong mall ay nakakita na ako ng baril at sanay na akong gumamit niyon kaya tinanggap ko ang trabaho. Saka, hindi siya mukhang masamang tao kasi mamahalin ang amoy, eh. Tauhan daw siya ng may-ari nu'ng bodega at may mga nakatago raw na importanteng gamit sa loob kaya kailangang bantayan. Minsan na raw silang nanakawan doon kaya kailangan ng bantay," paliwanag niya. "Kailan n'yo pa binabantayan ang bodega?" "Ngayon lang din, kasi kagabi namin nakausap 'yung lalaking nag-alok ng trabaho, eh," aniya. Naningkit ang mata ni Craig at saka nilingon ang kaibigan. Kahapon lang nila nakausap ang mag-asawang Delos Reyes, pero kinagabihan ay agad na may kumilos para bantayan ang bodegang iyon. Tila agad nilang natunugan na pupuntahan nila ang bodegang iyon. "Kilala mo ba iyong apat na kasama mo?" muling tanong ni Craig. Umiling ang lalaki. "Hindi. Kaninang umaga pagpunta ko sa bodega ay saka ko lang sila nakilala. Bago kayo dumating ay nakapagkwentuhan kami at nalaman naming pare-pareho kami na sinabihan lang din nu'ng lalaki na sinabi ko kanina," sagot niya. Tumango si Craig, dito ay nakumpirma niya na kinuha lang kung saan ang mga nakalaban nila. Naintindihan na niya kung bakit ganoon na lang makipaglaban ang mga nakaharap niya. Naikuyom na lang niya ang kanyang kamao, nakapatay siya ng inosente dahil sa utos ng sindikato. Nangagalaiti siya sa naiisip niyang rason bakit ito nangyari: maaring babala ito ng sindikato sa kanila na kapag hindi sila tumigil sa pag-iimbestiga sa Fallen Angel ay marami pang inosente ang maaring madamay. At alam ni Craig na hindi lang inosente ang maaring madamay sa nangyayari, maari ring manganib ang buhay nilang lahat. "Pakakawalan n'yo na ba 'ko? Sige na, wala naman akong ginagawang kasalanan sa inyo, eh. Trabaho lang talaga ang gusto ko. Iyong mga nabaril ninyo, kasalanan naman nila iyon dahil lumaban sila sa inyo, hindi ko naman kayo binaril kanina, eh," ani Kurt. Kung kanina ay pabalang at maangas ang kanyang pakikipag-usap, ngayon ay nagmamakaawa na ang tono nito. Si Dawin na ang sumagot sa kanya. "Anong hindi bumaril? Limang putok ang sumalubong sa amin kanina. At kahit hindi ka pa bumaril, humawak ka pa rin. May kaso pa rin dahil wala namang papel ang baril na ibinagay sa 'yo ng taong sinasabi mo!" aniya, may halong pang-aasar ang tono ng kanyang boses. "Sir, naman! Kailangan ko lang naman 'yung pera kaya ko tinanggap 'yung alok niya, eh!" pakiusap niya. Hinarap siya ni Craig. "May ibang mag-aasikaso ng kaso mo, sa ngayon ay ibabalik ka muna sa selda mo," aniya. Hanggang sa kunin ng ibang pulis ang preso ay nagmamakaawa ito na palabasin siya ng kulungan. Pero hindi na lang umimik pa ang magkaibigan. At ang tanging tumatakbo lang sa isip ni Craig ngayon ay kilala na sila ng sindikato. "Sir, dadalhin ko pa ba 'yung isa rito?" tanong ng isang pulis sa kanilang dalawa. Dahil nakayuko si Craig ay si Dawin na ang sumagot. "Sige, para matapos na. Salamat!" aniya. Sumaludo lang ang pulis na nakausap niya at umalis na rin ito. Napansin ni Dawin ang pananahimik ng kaibigan kaya agad niya itong tinapik sa balikat. "Pare, ayos ka lang ba?" "Maingat talaga sila, wala silang balak na iharap mismo sa atin ang mga tauhan nila." Sumeryoso ang tingin ni Dawin sa kanya, kahit sa ibang direksyon nakatingin ang kaibigan niya ay pinili niya pa ring sagutin ito, "Kaya nga mas dapat nating pagsipakan na matapos ang kalokohan nila, eh. Madaming inosente ang puwede pang madamay." Sa puntong ito ay lumingon na si Craig sa kaibigan. "Pare, tama pa ba itong ginagawa natin? Isang malaking sindikato ang kaharap namin, dalawa lang tayo!" Ngumiti si Dawin sa kanya. "Sino naman may sabi sa 'yong malaki sila at dalawa lang tayo? Kita mo nga, hindi nila magawang iharap ang sarili nila sa atin. Hindi sila nakikipaglaban ng patas. Alam mo kung bakit? Kasi takot sila sa atin. At hindi totoo na dalawa lang tayo, buong kapulisan ang kalaban nila... madami tayo kumpara sa kanila. Kaya huwag ka nang mag-isip ng kung ano-ano riyan at ayusin mo na ang sarili mo dahil may trabaho pa tayo," aniya. Hindi na lang sumagot si Craig at napailing na lang sa sinabi ng kaibigan niya, alam niya namang pinapalakas lang nito at loob niya. Hanggang sa ipinasok na nga ang pangawalang preso na kasamahan ng mga nakalaban nila sa bodega. Kumpara sa unang presong iniharap sa kanilang dalawa, mas kalmado ang presensiya nito. Para bang bago siya dinala rito ay nagawa na muna niyang pakalmahin ang sarili niya at nagawa na rin niyang ihanda ang kanyang mga isasagot. Bumuntong hininga si Craig nang maupo na sa harap niya ang bagong dating na preso. Pero pansin ni Dawin na hindi pa maayos ang takbo ng isip ng kaibigan niya. Pansin pa sa binata na apektado pa ito ng mga nalaman niya sa unang presong nakausap niya. Kaya bilang mas magaan naman ang pakiramdam niya kaysa sa kasama ay siya na ang humarap sa lalaki. Hinawakan ni Dawin ang papel kung saan naka-print ang personal record ng lalaki. Ang pangalan ng kanilang kaharap ngayon ay si Albert Mallari. Hindi siya gaya ni Kurt na dayo lang sa lugar, ang address ng kanyang tinitirhan ay halos malapit lang sa abandonadong bodega. Huminga ng malalim si Dawin bago nagtanong, tila paghahanda niya iyon sa kanyang sarili para hindi siya maasar kung sakaling sumagot muli ng bastos ang kaharap niya. "Sinabi ng kasamahan mo kanina, na hindi raw kayo magkakakilala. Nagkita at nagkasama lang daw kayo ngayong umaga. Totoo ba 'yon?" tanong niya. Nakatingin lang sa ibaba ang lalaki, para bang wala siya sa huwisyo habang kinakausap siya. Nasa likuran ang kanyang kamay dahil nga ito ay nakaposas, pero hindi niya ito alintana at parang wala siyang pakialam sa nangyayari. Kumunot ang noo ni Dawin sa kanya dahil paglipas ng ilang segundo ay hindi pa rin ito sumasagot. Hanggang sa nakuha na rin ng lalaki ang atensyon ni Craig, nilingon niya rin ito at napakunot na lang din ang noo niya dahil parang walang naririnig ang kausap nila. Nagkatinginan ang magkaibigan na para bang sa pamamagitan ng tingin na iyon ay nagtatanungan sila kung bakit ganoon ang inaasta ng lalaki. Pero pareho silang walang nakuhang sagot sa isa't isa kaya sabay na lang din nilang ibinalik ang tingin nila sa lalaking. Mahaba pa ang pasensya ni Dawin, nagawa niyang makapagtanong pang muli ng isa pa, "Sino ang nag-utos sa inyo na bantayan ang bodegang iyon at bakit nila kayo binigyan ng baril?" Sa puntaong iyon ay bumaling na ang tingin sa kanya ng lalaking kaharap niya. "Kung sino man ang nasa isip mo, 'yun na 'yun," aniya. Malalim ang mahina ang kanyang boses, para bang sa asta nito ay sanay itong makipag-usap ng sikreto o patago. Naningkit ang mata ni Craig nang muli niyang titigan ang lalaki, sinusubukan niyang basahin ang pag-uugali nito gamit ang kanyang tingin. Kung pagbabasehan ang laman ng isip ng magkaibigan, wala namang ibang maaring tumakbo sa utak ng dalawa kundi ang sindikato. Pero hindi nila gustong ipalagay ang sagot sa kung ano ang saloobin nila, gusto nilang lahat ng malalaman nila ngayong araw ay galing mismo sa bibig ng kriminal na kausap nila. "Sumagot ka nga ng maayos!" babala ni Dawin, medyo iritable na ang kanyang boses pero sinusubukan niyang kumalma. Gusto niyang panindigan na siya ang magtatanong sa lalaking kaharap niya. "Ngayong nakahuli ulit kayo ng isang miyembro ng grupo nila, sa tingin n'yo ba ay panalo ulit kayo?" Malamig ang kanyang boses, sa paraan ng pananalita niya ay halatang madami siyang alam tungkol sa grupong sinasabi niya. Madaling maintindihan ang sinasabi ni Albert, madaling isipin na ang miyembrong tinutukoy niya ay ang kanyang sarili. At ang grupong kinabibilangan niya ay ang Fallen Angel. Pero ang nakakabahala sa sinasabi niya ay ang pagbabanta niya sa huling sinabi niya. "Hangga't malaya pa ang grupo ninyo, wala pa sa amin ang panalo. Pero hindi ibig sabihin na nakakalaya pa ang marami sa inyo ay nasa inyo ang panalo. Nagsisimula pa lang ang laban, wala pang tumutumba sa magkabilang panig," ani Craig. Naramdaman niyang kailangan niyang sumagot kaya buong tapang siyang nagsalita. Bumaling ang tingin ni Albert sa kanya, nakangisi ito na para bang natuwa sa isinagot niya. "Ako ang taong nagbigay ng pera sa apat na lalaking kasama ko sa bodega. Kung iniisip ninyong miyembro ako ng sindikato ay hindi kayo nagkakamali. At alam ko namang ngayon pa lang ay alam n'yo na kung bakit ito nangyari—may gustong iparating sa inyo ang ulo ng aming samahan. Kaya kung naintindihan n'yo naman kung ano iyon, mas mabuti nang sumunod na lang kayo bago pa mahuli ang lahat." Humawak si Craig sa lamesa at buong tapang na tinitigan ng mata sa mata ang lalaking kaharap niya. "Hindi ako natatakot sa kayang gawin ng pinagmamalaki mong ulo. Hindi niya alam kung ano ang kaya kong gawin," aniya. Nasa labi pa rin ni Albert ang ngisi. "Sige, sabihin na nating tama ka at mali ang tingin ko sa 'yo. Pero pasensya na, wala kayong makukuhang impormasyon sa akin. Hindi tanga ang grupo para magpadala sila ng taong madaming alam tungkol sa kanila. Isa lang akong langgam kumpara sa ibang miyembro, at ang tanging misyon ko lang ay harapin kayo. Ngayong tapos na ang trabaho ko, tapos na rin ang papel ko sa kasong ito."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD