Chapter 41

2749 Words
CHAPTER 41 Ilang araw na ang nakakalipas at nagawa nang makapag-adjust ni Zeta ng tuluyan sa bago niyang buhay. Maski ang mga customer ng Shop nila ay nagagawa na ring makipagbiruan sa kanya at nagagawa na rin niyang makisabay sa mga nilalaro ng mga ito. Hindi nga lang kasing galing ni Wren, pero ginagawa niya ang makakaya niya para subukan ito. Gusto niya ring ma-enjoy ang pagbabantay niya gaya ng ginagawa ng kaibigan niya. Bukod sa bagay na kailangan niyang gawin sa shop ay itinuro rin sa kanya ng mga naging kaibigan ni Wren kung paano sila maglaro na dalawa at kung ano ang premyo kapag nanalo. Lalong namulat si Zeta sa katotohanan kung bakit mas gusto ni Wren ang magbantay ng computer shop nila kaysa sa repair shop. "Kapag ako ang nanalo, libre na dalawang oras ko, ah," ani Mark. Ang isa sa mga binatilyong palaging laman ng Computer Shop nila Zeta. Alam ng dalaga na inuuto lang siya ng binatilyong iyon, bago lang siyang nagbabantay dito at kakaturo lang sa kanya ng laro. Kaya malamang ay may posibilidad siyang matalo, at kapag natalo siya ay makakalibre na agad ng oras si Mark. Sinabi rin ni Wren na sa uri ng trabaho nilang ito ay hindi maiiwasang may customer siyang makakaharap gaya ng binatilyong iyon. Kahit mas marami ang oras na nag-aasaran sila ng binata ay nagpapasalamat pa rin siya na hindi ito nakakalimot na magpaalala sa kanya ng mga dapat at hindi niya dapat gawin kapag siya ang bantay, lalo na ngayon na naglalaro na rin siya ng mga nilalaro ng mga customer nila. At bukod sa kung ano ang mga dapat niyang tandaan bilang bantay ng shop ay may pagkakataon din na nagtuturo si Wren sa kanya ng technique sa laro, kung paano siya mananalo, kung paano ang gagawin niya kapag may kalaban, ano nag mga dapat niyang bilhing item o kung ano ang dapat niyang palakasin na skill, at marami pang iba. Tila nagkaroon silang dalawa ng bonding dahil sa laro. "Ayoko ng ganyang premyo, ikaw lang sasaya sa ganyan, eh," giit ni Zeta. Agad na sumimangot si Mark sa kanya. "Ang daya mo naman, si Wren nga ay pumapayag sa ganoong pustahan," aniya. Maaring nadismaya niya ang kausap, pero desidido si Zeta na huwag ituloy ang kasunduang meron sila dati dahil ayaw niyang mapagalitan ni Cahil o ni Zyx kapag nalamang naisahan siya ng mas bata sa kanya. Sumimangot din ang dalaga kay Mark. "Ikaw nga ang madaya, eh. Hindi naman ako naglalaro ng ganyan, eh," ani Zeta. Napakamot ulo na lang ang binatilyo at naupo na sa kanyang paboritong pwesto na PC. Hindi na siya muling nakipagtalo dahil alam niyang hindi niya mapipilit si Zeta na sumakay sa gusto niya, dahil nga sa hindi naman talaga ito naglalaro ng ganoong game. Wala na siyang nagawa kundi ang maglaro na lang ng mag-isa habang umaasa sa mabilis na paggaling ni Wren para magkaroon na siya ng kalaro. Natahimik naman si Zeta pag-alis niya, kaya itinuloy na lang ng dalaga ang panonood niya dahil wala naman siyang iba pang gagawin. Kapag walang customer o wala siyang dapat intindihin, iyon na lang ang ginagawa niya para pampalipas oras. Nasanay na siya na ganito na lang ang ginagawa kapag narito siya sa Shop, aminado siyang minsan siyang nakakaramdam ng boring at minsan din siyang nag-iisip na sana nga ay mabilis ang maging paggaling ni Wren dahil hindi siya sanay na wala siyang kasamang makulit. Pero sa kabilang banda, gusto niya rin naman ang ginagawa niya... dahil ito ang buhay na pangarap nilang grupo. Mula nang matutunan na ni Zeta ang mga bagay na dapat niyang gawin habang nagbabantay ng Computer Shop nila ay nagkaroon na rin ng pagkakataon na nagpapahinga si Wren. Hindi na niya pinupwersa pa ang sarili na magpunta muna sa shop dahil sumasakit ang parte ng sugat niya kapag ginagawa niya iyon. Kaya mula noon ay palagi nang naiiwan si Zeta na mag-isang nagbabantay. Hindi niya rin kasi maaasahan si Zyx na samahan siya dahil abala naman ang kapatid niya sa pag-asikaso sa Repair Shop nila kasama si Cahil. Tiwala rin naman ang dalawa na alam na ni Zeta ang ginagawa niya. Mabilis naman ang paggaling ni Wren, mabisa ang mga gamot na iniinom niya para sa paghilom ng sugat niya. Ang kaso nga lang ay talagang kailangan niya iyong sabayan ng pagpapahinga. Ang ikinatutuwa lang ni Zeta ay nagiging daan iyon para lalong mapalapit sina Wren at Kristel, walang nagsasabi sa dalaga na dapat niyang alagaan ang binata. Pero siya ang kusang nagbibigay ng pagkain dito at siya rin ang tumutulong na maglinis o magpalit ng gasa ng sugat nito. Si Zeta na lang talaga ang naiinip sa progreso ng kanilang namumuong pagtitinginan. Hanggang sa may bagong dumating na customer. Nabaling ang tingin ni Zeta sa kanya dahil hindi pamilyar ang dalaga sa bagong dating na binata, tila sa tingin niya ay ngayon lang ito napadpad dito. Pagala-gala ang tingin ng bagong dating na para bang nag-iisip pa kung ano ang una niyang dapat gawin. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Zeta, agad siyang tumayo at hinarap ang bagong dating na binata. "Hello! Balak mo bang mag-rent ng PC?" tanong niya, habang nakangiti. Hindi maitatanggi na may itsura ang lalaki at sa tingin ni Zeta at ka-edad niya lang ito. Mukha rin itong may kaya sa buhay dahil sa pananamit nito at sa amoy niya, pansin din ng dalaga na siya ang uri ng binata na madalang lang kung lumabas ng bahay dahil hindi nito alam ang mga tipikal na ginagawa kapag nasa loob siya ng Computer Shop. Bumaling ang tingin ng binata kay Zeta, gaya niya ay ngumiti rin ito. Bakas sa kanyang tingin na para bang ipinapahiwatig niya na, "Salamat at may lumapit din sa akin para matulungan ako sa sadya ko rito." "Gusto ko sanang mag-rent ng PC ninyo, dahil nasira ang PC ko. Saan ba ang availble rito?" tanong ng binata. Napatango si Zeta, tila sa kanyang isip ay walang ibang bagay na tumatakbo kundi: "Tama ang hinala ko sa kanya!" Bumaling ang tingin ng dalaga sa tabi ni Mark. "Available ang pwestong iyon, puwedeng iyon na lang ang rentahan mo," ani Zeta. Tumingin din ang binata sa pwestong iyon. "Ah, thank you," aniya saka humakbang palapit sa itinuro ng dalaga. "Pero, wait!" pigil ni Zeta, dahilan para lumingon sa kanya ang binata na may kunot sa kanyang noo. "Sabi mo ay sira ang PC mo, 'diba? Kung wala pa namang ibang mag-aayos niyon, mayroon din kaming Repair Shop na katabi lang nitong Computer Shop na nariyan lang sa kabila. Kung interesado kang ipaayos sa amin, puwede kitang samahan doon," alok niya. Sa pagngiti ng binata ay halos magtatatalon na si Zeta sa tuwa sa kanyang isip dahil nagawa niyang kumausap ng customer para ialok ang kanilang serbisyo. Alam niyang tama ang kanyang ginagawa, ito ang normal na buhay na gusto niyang gawin. "Sure, thanks. Pero sa ngayon, siguro ay magre-renta na lang muna ako. Saka ko na poproblemahin ang tungkol sa PC ko," aniya. Sandaling kumunot ang noo ni Zeta sa naging sagot ng kausap niya, perko agad din niya itong binawi dahil maaring mukha lang mayaman ang kausap pero maaring nagkamali siya. O 'di kaya ay may balak na itong bumili na lang bago. Kung ano man ang sagot ay hindi na iyon inintindi ng dalaga, nang pumwesto na ang binata sa itinuro niyang pwesto ay bumalik na rin siya sa server computer para buksan ang PC na rerentahan ng bagong dating. *** Lumipas pa ang ilang araw, si Zeta pa rin ang nagbabantay ng mag-isa sa kanilang Computer Shop. "Kumusta naman sa kabilang shop, kaya mo bang mag-isa r'on?" tanong ni Zyx sa kapatid. Hapunan na at magkakasabay na kumain sina Zyx, Zeta, at Cahil. Habang si Wren naman ay nasa kwarto pa rin at doon na piniling kumain, talagang wala pa rin siyang balak na gumawa ng malaking kilos dahil gusto niyang bumilis ang kanyang paggaling. Naniniwala siyang mas dadali ito kapag nanahimik siya sa isang tabi. Tumingin si Zeta sa kapatid niya, katabi niya lang ito at ramdam niya sa tingin nito ang pag-aalala. "Ayos lang ako r'on, huwag mo akong intindihin. Saka alam mo bang close ko na ang mga regular customer ni Wren? Wala kayong dapat isipin tungkol sa akin at sa pagbabantay ko r'on, kayang-kaya ko iyon!" sagot niya, tila mataas ang kompiyansa niya sa kanyang sarili na totoo lang ang sinasabi niya. Si Cahil ang sumagot sa kanya, "Madaming tropa si Wren na mahilig makipagpustahan sa kanya kapalit ng libreng oras sa shop, huwag kang papatol doon, ha?" bilin niya. Nasa tingin niya ang pagbababala sa dalaga. Agad na ngumisi sa kanya ang kausap. "Don't worry, Orange! Kung mautak sila, mas mautak naman ako. Saka, hindi ako nakikipaglaro sa kanila dahil hindi ko alam laruin iyong game. Alam din naman nila iyon, kaya wala silang magagawa kundi ang hintayin na gumaling si Wren," ani Zeta. Tumango na lang si Cahil sa kanya at bumalik na siya sa pagkain. Pinili na lang niyang maniwala sa mga sinabi ni Zeta sa kanya kaysa mag-alala sa wala. "Ah, oo nga pala," ani Zeta, dahilan para mapatingin sa kanya ang dalawa. "Feeling ko may bago ulit na lipat dito sa lugar natin," dagdag niya. "Sino naman?" usisa ni Zyx. Umakto si Zeta na parang nag-iisip. "Hindi ko alam ang pangalan niya, pero ngayon ko lang kasi siya nakita rito sa shop. Kasi 'diba ang sabi ninyo, halos pare-parehas lang ang customer natin dito? Kaya ayon, napansin ko lang na iba siya sa mga nagpupunta rito." Nagtinginan sina Zyx at Cahil, tila nakaramdam sila ng pagtataka sa bagay na sinasabi ng dalaga. May punto siya na madalang silang magkaroon ng bagong customer, ang huling naging bagong customer nila ay si Kristel. At mula noon ay wala nang sumunod. Walang dapat ipag-alala, pero ngayong nanggaling ito kay Zeta ay parang nagbibigay ito ng rason sa kanila para isipin iyon. Hinawakan ni Zyx ang balikat ng kapatid. "Zeta, kapag may mga ganyang bagong customer, kung hindi tungkol sa shop ang itinatanong ay huwag mong sasagutin, ha?" Agad na tumawa si Zeta sa kanya. "Siyempre naman! Hindi naman ako bata para bilinan ninyo, na-share ko lang naman. Wala namang ibang ibig sabihin iyon," aniya saka ibinalik ang atensyon sa pagkain. Sa huling pagkakataon ay muling nagtinginan sina Zyx at Cahil bago nila ibalik ang atensyon nila sa pagkain. Sa tingin na iyon ay pareho nilang napagdesisyunan ang mag-isip ng masama dahil wala rin naman silang dapat alalahanin. Maaring maingat sila pagdating kay Zeta, pero sobra na siguro kung pati iyon ay iisipin pa nila. *** "Mayroon din ba kayong printer dito?" Ngumiti si Zeta sa kausap. "Oo, meron. Save mo lang 'yung file sa folder sa my documents na 'for print' para makita ko rin dito ang file at ma-print ko," aniya. Tumango ang binata at bumalik sa upuan niya para gawin ang sinabi ng kausap niya. Hinintay naman ni Zeta na gawin nito ang sinabi niya. Ang lalaking kausap ni Zeta ay ang parehong lalaki na ngayon ay bagong customer na niya. Ito na ang pangalawang beses nitong pagpunta sa shop. Wala namang kakaibang bagay na giangawa ito kaya walang dapat ipag-alala, hindi lang maintindihan ng dalaga kung bakit sa pagtatanong at pagbibilin nina Zyx at Cahil noong nakarang gabi ay dapat na siyang mag-ingat sa dapat nitong gawin. Ramdam ni Zeta na kakaiba kung mag-alala ang mga kasama niya sa bahay kumpara sa dati nilang trato sa kanya. Para bang sa kaunting bagay lang na sabihin niya ay may iba na agad itong ibig sabihin sa kanila. Matagal na niyang napapansin na parang nag-iiba ang trato ng mga ito sa kanya, pero pilit niyang ipinagsasawalang bahala dahil ayaw niya namang bigyan pa iyon ng mataas na pansin. Sandaling sinilip ni Zeta ang binata, walang ibang laman ang isip niya kundi ang pag-aalala nina Zyx at Cahil tungkol sa biglang pagsulpot niya. Kaya may pakiramdam siya na dapat niyang patunayan sa mga ito na wala silang dapat isiping kakaiba tungkol sa taong iyon. Nakikita ni Zeta ang lalaking iyon gaya ng paano niya nakikita si Kristel, alam niyang pareho sila ng lalaking iyon na bago nilang customer. Kaya sa tingin niya, kung siya ay naging malapit kay Wren ay maari niya rin iyong gawin. Walang interes si Zeta sa binata na kagaya ng interes ni Wren kay Kristel. Wala siyang balak na magbigay ng ganoong impresyon sa taong ngayon lang niya nakilala. Isang bagay pa, nasa isip pa niya na dapat pa rin siyang mag-ingat. Gusto lang niyang patunayan kina Cahil at Zyx na walang dapat ipag-alala sa mga nagiging bagong customer nila. "Nakita mo na ba ang file?" tanong muli ng binata, lumapit muli ito kay Zeta. Nang mga oras naman na iyon ay nasa screen na ang laman ng folder na 'for print' at naghihintay lang siya na lumabas doon ang file na gusto i-print ng binata. "Ito bang file na may pangalang 'james'?" tanong ng dalaga, nakaturo ang arrow ng mouse sa file na iyon. Ngumiti ang binata at tumango. "Iyan nga," sabi pa niya. In-open naman ni Zeta ang file na iyon para tingnan kung ilang pages ba iyon at kung may colored ba sa file. Pero kahit naka-open iyon ay hindi niya inintindi ang laman ng file. Siya man ang magpi-print nito ay wala pa rin siyang dapat basahin kung ano iyon. Tahimik lang silang dalawa habang nagpi-print ang file. Nang matapos ang pag-print ay may sinabi ang binata, "Puwede bang ipa-delete ang file sa computer mo? Medyo hindi kasi ako kumportable na naka-save siya sa ibang computer," aniya. Ngumiti naman si Zeta sa kanya. "Sure, sige," iyon na lang ang isinagot niya at ipinakita na rin niya ang ginawa niyang pag-permanent delete sa file. Hindi niya iyon kadalasang ginagawa, dahil bukod sa binata ay wala namang nagsasabi niyon sa kanya. "Thanks," aniya. "Oo pala, maitanong ko na rin since bago lang akong nagre-rent sa inyo. Open ba ang shop ninyo 24/7? Malapit kasi ang shop n'yo sa bahay namin at kailangan ko talaga ng computer ngayon. Makakapag-rent ba 'ko rito anytime?" tanong niya, malumanay ang kanyang boses. Sa tingin ni Zeta ay binata lang ang lalaki at dahil tingin niya ay parang ka-edad niya ito ay maaring sa opisina nagtatrabaho ang bago niyang customer. Iyon ang tingin niya base sa kulay nito na medyo maputi, nasa postura rin ng lalaki na hindi ito gaya ng ibang customer nila na madalang lang maligo o 'di kaya ay maghapon lang nakaupo sa harap ng PC. Ngumiti siya sa kausap. "Naku, hindi kami 24/7, eh. Hanggang 10PM lang bukas ang shop namin, pero araw-araw naman kami bukas," ani Zeta. Tumango ang kausap, seryoso ang kanyang reaksyon. "Okay, thank you again." Bago ito umalis ay nagpakilala muna siya sa dalaga. "By the way, I'm James Natividad. Bago lang akong nakatira sa lugar na ito at wala akong masyadong kakilala, kaya heto ako trying to befriend you, at least," dagdag niya. Nakalahad ang kamay niya at naghihintay na abutin ito ni Zeta para makipagkamay. Wala namang kaso sa dalaga kung makikipagkamay man siya rito, sanay siya sa tao dahil sa dati nilang trabaho sa pagnanakaw. At alam niya na mas nakakapagtaka ang mangyayari kung hindi niya aabutin ito, isa pa ay dagdag customer din si James na dapat niyang ingatan. "Ako naman si Zeta," matipid niyang sagot sa pagitan ng kamayan nila. Pero sa pagitan ng kamayang iyon ay may kakaibang naramdaman ang dalaga nang mapatingin siya sa nakangiting si James. Naging dahilan iyon para siya ang unang bumitiw sa kanilang kamayan. "Nice meeting you," ani Zeta, sinusubukan niyang alisin ang awkwardness na nararamdaman niya habang nakaharap si James. "Nice to meet you too," sagot naman ng binata. Pagkatapos ng tagpong iyon ay nagpaalam na si James na kailangan na niyang umuwi dahil tapos na siya sa dapat niyang gawin sa Computer Shop. Sa pag-alis niya ay parang hindi na mapakali ang dalaga, tila nanlamig siya nang hawakan niya ang kamay nito. Pero hindi iyon binigyan ng malaking pansin ni Zeta, inisip niya na maaring dala lang ng lamig ng aircon dito sa loob ng shop kaya nakaramdam siya ng panlalamig. At isa pa, matagal na rin kasi mula nang makipagkamay siya sa ibang tao kaya naisip din niyang maaring nanibago lang siya. Mabait at mukhang respetadong tao ang dating ni James sa kanya, ang ganoong uri ng tao ang hindi niya dapat pag-isipan ng hindi maganda.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD