Chapter 40

2718 Words
CHAPTER 40 Malapit na ang araw ng paglilitis para kay Karl, babasahin na ang desisyon ng husgado para sa kanya. Hindi pa man ito nahahayag sa publiko ay malakas na ang pakiramdam nina Craig at Dawin na panig sa kanila ang batas, alam nilang sa pagkakataong ito ay nanalo na ang kabutihan. At tiyak din nilang alam din iyon ni Karl. Hindi nasayang ang hirap nila para mahuli siya. Sa paggaling ni Zeta ay parang unti-unti ay nakakaramdam na sila ng kaligayahan na sa wakas ay may napapala rin sila sa pinaghihirapan nilang gawin. "Sa tingin mo kaya may pinaplano si Karl o ang sindikato para sa kalayaan niya?" tanong ni Dawin kay Craig. Nasa opisina silang dalawa, kagaya ng madalas nilang ginagawa ay tumatambay sila rito para mag-usap na dalawa tungkol sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa hawak nilang kaso. Kahit nakakulong na si Karl, hindi pa rin naman dito natatapos ang laban nila dahil malaya pa rin ang Fallen Angel at hindi pa rin nila kilala ang pinaka ulo ng sindikatong ito, patuloy pa rin ang paghahasik nila ng panloloko sa mga tao. At ang bagay na itinatanong ni Dawin ay posible talagang mangyari. Maaring hinayaan lang ni Karl na humantong siya sa puntong lilitisin na siya para hindi nila mahalata na may iba siyang plano, kaya hindi sila dapat magpakampante sa kilos ng lalaking iyon. Nakatulala si Craig sa screen ng kanyang monitor, tila lumilipad ang isip niya at hindi agad naintindihan ang itinatanong ni Dawin sa kanya. Okupado ang isip niya ng kung ano-anong bagay na may kinalaman kay Zeta, lalong-lalo na ang naging usapan nila noong nakaraang gabi na nagpunta sila ni Dawin doon para bumisita. Alam naman niyang hindi agad-agad ay maibabalik ang dati nilang samahan, pero ganoon pa man ay higit pa r'on ang inaasahan niyang magiging samahan nila... pero sa nangyari, para bang mas tanggap pa siya ng tatlong binata kaysa ni Zeta. Hindi niya alam kung ano ang tunay na pinagdaanan ng dalaga, kaya hindi niya rin ito makompronta ng husto sa pakikitungo nito sa kanya. Ilang segundong nakatingin si Dawin sa kausap, pero hanggang sa napabuntong hininga na lang siya dahil wala pa ring nagiging sagot ang kausap. Hindi niya alam kung ano talaga ang tumatakbo sa isip ng binata, pero isa lang ang sigurado niya... hindi iyon tungkol sa bagay na gusto niyang pag-usapan ngayon. At kung hahayaan niya lang na ganito ang gagawin ng kasama niya, walang mangyayari sa trabaho nila. "Pare, may oras tayo para sa personal sa bagay. Puwede bang trabaho muna ang intindihin natin ngayon? Mula nang mahuli natin si Karl, wala na tayong naging sunod na report. Gusto mo na naman bang mapagalitan?" ani Dawin para gisingin ang isip ni Craig. Agad namang naramdaman ni Craig ang pagalit ni Dawin sa kanya, lumingon ito sa kausap at umayos ng pagkakaupo. Ginawa niya ang makakaya niya para hindi maipakita sa kasama niya na naapektuhan siya ng pagalit nito kaya ito kumilos. Ayaw niyang malaman ni Dawin na si Zeta ang nagiging sagabal sa pagtatrabaho niya. "Hindi ko lang kasi maintindihan kung bakit walang naging kilos ang sindikato, babasahin na ang desisyon ng husgado tungkol sa kaso ni Karl at tiyak kong tayo na ang panalo. Pero bakit parang wala talagang pakialam ang Fallen Angel tungkol dito?" ani Craig, tila nagdidiwang siya sa kanyang isip na naging perpekto ang pag-iiba niya sa usapan at natakpan niya na ang paglutang ng isip niya. Hindi niya kasi kayang alisin sa kanyang isip si Zeta, hanggang ngayon kasi ay apektado pa rin siya sa mga narinig niyang ipinahayag ng dalaga noong gabing mag-usap sila. Nang muling makapagsalita ang dalaga, noon lang nagawa ng dalawa na makapag-usap ng silang dalawa lang. Pero hindi niya inakala na magiging ganoong kapait pala ang kanilang unang pag-uusap. Gustong-gusto niyang maburas sa isip ng dalaga na may agwat sa pagitan nila at may nagbago sa kanya. Maaring walang ideya si Zeta sa sinabi niya noong mga bata pa sila, at maaring hindi niya rin alam ang ginawa ni Craig sa kanya nang araw na makita niya ito noon. Pero buo ang desisyon ng binata na ulitin ang dalawang bagay na iyon para lang maalis kung anong pader man ang nakaharang sa pagitan nilang dalawa. Sa ngayon, pilit inilalagay ni Craig ang sarili sa trabaho. Hindi man niya kayang iwaksi si Zeta sa isip niya ngayon, dapat pa rin niyang subukan na mag-isip para sa plano nilang paghuli naman sa Fallen Angel. Napakamot ng ulo si Dawin, tila nakaramdam siya ng sakit ng ulo dahil sa sinabi ng kaibigan niya. "Hindi ko pa nga alam ang sagot sa sarili kong tanong, dinagdagan mo pa," aniya. Aburidong-aburido ito dahil kitang-kita ito ni Craig sa reaksyon ng mukha niya. Seryoso ang tingin ni Craig kanya, tila ipinapaunawa nito sa kanya na dapat din siyang magseryoso at walang oras para mainis sa nangyayari. "Pare, tingnan mo kasi ang nangyayari... hindi ba sila kinakabahan na lalo silang malagay sa alanganin ngayong may miyembro silang hawak natin? At kapag tuluyang nakulong si Karl, lalong mahahayag ang sindikato nila at lalo silang magiging wanted. Sobrang kampante nila," ani Craig. Ibinalik niya sandali ang tingin sa screen ng monitor niya. "Isang miyembro lang si Karl, hindi siya ganoon kabigat na tao para sa kanila. Baka iyon ang rason kaya wala silang ginagawang hakbang? O kaya, baka kaya naman ni Karl ang sarili niya," sagot ni Dawin. "Kung kaya niya ang sarili niya, hindi ba dapat noon pa ay sinubukan na niyang tumakas? Alam mo, nahihiwagaan talaga ako sa taong 'yan, hindi talaga ako kampante sa nangyayaring ito ngayon." Sumandal si Craig sa kanyang swivel chair at para bang sinisilihan ang kanyang puwetan dahil sa kanyang paglikot. Pansin nga iyon ng kanyang kausap na hindi ito mapalagay sa maaring mangyari. Naging hudyat ang kilos ni Craig na iyon para mag-isip si Dawin na maaring nagplaplano si Karl ng pagtakas sa mismong araw ng pagbabasa sa sintensya niya. Para bang nakikita niya na ang pambabastos na muli nitong gagawin sa kanila. "Kailangan nating masiguro na walang gagawing kalokohan ang taong 'yan, dapat mapigilan natin kung ano man ang binabalak niyan," ani Craig. Hindi na nagsayang ng pagkakataon ang magkaibigan, agad silang kumilos at nagtungo sa kulungan para muling harapin si Karl. Noong unang paghaharap nila ay nag-init agad ang ulo nila sa lalaking iyon dahil wala silang nakitang kahit kaunting pagsisisi manlang sa mga nagawa nitong krimen. Pero ngayon ay inihanda nila ang kanilang sarili para muling harapin ang taong iyon at para makuha na rin ang gusto nilang impormasyon. Muli nilang hinarap sa Interrogation Room si Karl, dito nila ito gustong harapin dahil tiyak nilang hindi nito magagawang makatakas dito kung balakin man niya dahil maliit lang ang kwarto nito at mahigpit ang seguridad dito kumpara sa lugar kung saan talaga ang punta ng normal na bisita ng mga preso. Habang naghihintay sa pagdating ni Karl at sa pulis na sumundo sa kanya ay tahimik at seryoso lang sina Craig at Dawin. Gusto nilang maramdaman ang presensiya ng lugar para hindi sila madala ng galit kung sakaling magsalita ng hindi maganda si Karl, kailangan nila ng kontrol para makuha nila ang bagay na kailangan nila. Hawak ni Craig ang personal record ni Karl. Tila inaaral niya ang mga nakasulat doon para alamin kung may bagay pa bang hindi niya pa alam tungkol sa binata. Naningkit ang mata niya habang binabasa ito, bumalik sa alaala niya ang mga nabasa niyang impormasyon tungkol kay Karl na si Zyx ang naghanap, wala itong pinagkaiba r'on—dahilan para bumilib siya sa kaibigan. Hindi niya maitatanggi na magaling talaga ito sa mga ganoong uri ng bagay. Hanggang sa dumating na ang pinakahihintay nilang dalawa, sabay silang napalingon sa pagbukas ng pinto. Pumasok si Karl na nakaposas pa rin, pero malapad ang ngisi sa kanilang dalawa. Seryoso pa rin ang mukha nilang dalawa habang hinihintay na makaupo si Karl. "Long time no see, ang saya naman na may bisita ako," bati ni Karl sa kanilang dalawa. Napalunok si Craig, napag-alaman din kasi nila ni Dawin na mula nang makulong si Karl ay wala ring bumisita sa kanya. Kahit manlang kamag-anak niya ay hindi nakaalalang tingnan ang lagay niya rito. Gustong usisain iyon ni Craig sa kanya pero bukod sa hindi iyon ang pakay nila, hindi rin iyon makakatulong sa kaso. Kaya hindi na lang niya iyon inintinding muli. Ipinatong ni Dawin ang kanyang magkabilang braso sa lamesa habang nakangiti sa kaharap. "Masaya rin kaming makita ka nag-e-enjoy dito. Gusto ka lang naming kumustahin ngayong malapit na nating malaman ang katapusan mo," aniya. Bumaling ang tingin ni Karl sa kanya, hindi nawawala ang ngisi sa kanyang mukha na para bang lalo niyang ipinapakita na hindi siya apektado ano man ang sabihin sa kanya ng kaharap niya. "Madami na akong kaibigan sa loob, nakagawa na rin ako ng sarili kong kaharian. Lahat sila ay humihiling na mag-expand pa ang kingdom namin," aniya. Para sa isang kriminal na kinakausap ng isang pulis, bihira ang kagaya ni Karl na ipagmamalaki niyang may mga ka-alyansa siya sa loob. Sa tunog ng boses niya ay parang sinasabi niya nang may balak silang tumakas ng mga ito at sila ang tutulong sa kanya para makalaya. Lalong naging rason iyon para pag-igihan pa nila Craig ang pagkilatis sa kausap nila. Sumingit sa usapan si Craig, "Bakit naman preso lang ang ginagawa mong kaibigan? Puwede mo rin naman kaming maging kaibigan. Basta ba magkakasundo tayo, 'diba?" aniya. Naningkit ang mata ni Karl sa kanya, nasa labi pa rin ang ngisi pero mas tipid na ito kumpara sa kanina niyang ngiti pagpasok niya sa loob. Tila alam na niya kung ano ang binabalak ng dalawang pulis na kaharap niya ngayon. "Sige nga, ano ba 'yan?" tanong niya. Nakaramdam ng tensyon ni Dawin, agad siyang panalunok at para bang nanuyo ang kanyang lalamunan dahilan para hindi siya makapagsalita. Para bang sa puntong ito ay naubusan siya ng ideya sa dapat niyang sabihin. Pasimple siyang tumingin sa katabi niya, para bang inaasa na lang niya kay Craig ang pagsasalita. Ramdam naman ni Craig ang tingin ni Dawin sa kanya, at kahit hindi ito tumingin sa kanya ay alam naman niyang siya ang dapat sumagot sa tanong ni Karl. "Kung iniwan ka na ng mga dati mong kaibigan at sumusubok kang makipagkaibigan muli sa iba ngayon, gusto rin naming subukan ang pakikipagkaibigan na 'yan... bakit hindi natin subukang magsanib pwersa na para pabagsakin ang grupong nag-abandona sa 'yo? Para naman mabawian mo sila sa pang-iiwan nila sa 'yo," alok niya. Bumilis ang kabog ng dibdib ni Dawin nang mailapag na ni Craig ang tanong niya kay Karl. Ang tanging hiling lang niya ay kumagat ito sa alok nila... para mabasa nila kung ano ang magiging susunod na hakbang na dapat nilang gawin. "Oh," iyon ang naging reaksyon ni Karl sa alok ni Craig, animo'y parang inasahan na niyang aalukin siya ng ganito ng mga pulis na humili sa kanya. Dahil iyon ang tipikal na ginagawa ng isang pulis, kinakaibigan nila ang mga kriminal para sila mismo ang magkaluno sa mga kasama nila. Alam na alam na niya ang mga ganoong galawan ng mga ito. Ang hindi alam ni Karl, wala talaga sa plano nila Craig ang makipagkasundo sa kanya. Hinding-hindi nila babalakin na makipagkasundo sa kanya na kapalit ng impormasyong alam niya ay ang kalayaan niya. Alam ni Craig kung gaano ka-tuso si Karl, tiyak na magagawa nitong makaisa sa kanila kapag pinayagan nila itong makagalaw. Paraan nila ang bagay na iyon para basahin ang mga kilos na gagawin ni Karl sa mga bagay na sasabihin niya. Ang kailangan lang nilang gawin ay pag-igihan ang pagpapanggap para hindi nito malaman ang balak nila, isa pang kailangan nilang magawa ay ang mapatanggi ang kaharap nila. "So, ipinapares n'yo ba 'ko sa grupo ng magnanakaw na nagpapauto sa inyo?" Pagak na natawa si Karl. "Akala n'yo ba ganoon ako ka-uto-uto para maniwala na talagang palalayain ninyo ako kapag nakipagtulungan ako sa inyo?" sagot niya. Pinigil ni Craig na mapangiti, ngayon pa lang ay nakamit na niya ang balak nilang dapat ay tumanggi si Karl sa alok nila. Kailangan na lang nilang gawin ay hintayin kung ano pa ang dapat nitong sabihin. "Hindi nakakulong ang grupo ng mga magnanakaw na sinasabi mo, hindi pa ba sapat na katunayan iyon na marunong kaming tumupad sa usapan?" tanong ni Dawin, sa wakas ay nagawa na niyang mabawi ang sarili para makasali muli sa usapan. Masama ang naging tingin ni Karl sa kanya. "Hindi ako mangmang para magpa-uto sa inyo! Hindi n'yo ako mapapakinabangan!" giit niya. Tila nawala sa postura si Karl dahil sa pag-alala niya sa grupo nila Zeta, pansin ni Craig na matindi pa rin ang galit niya sa grupong iyon at kumbinsido siya na kapag nakalaya si Karl ay tiyak na babalikan niya ang mga iyon. Kailangan talagang magdoble ingat sila. "Hindi ka ba naiinis na matapos kang pakinabangan ng sindikato, ngayong kailangan mo sila ay hindi ka manlang nila tinulungan?" pag-iiba ni Craig sa usapan. Hindi nila dapat palampasin ang pagkakataong ito na naitanim na nila sa isip ni Karl kung ano ang gusto nilang kunin sa kanya. Bumaling ang tingin ni Karl sa kanya, may ngisi sa kanyang mukha. "Kahit ano pang sabihin ninyo, hindi ako magbibigay sa inyo ng ano mang kailangan ninyong tulong. Wala kayong malalaman sa akin!" aniya. Nagkatinginan sina Craig at Dawin. Sa ipinapakita ni Karl, maaring alam din nitong may balak silang basahin ang mga sinasabi niya. Maaring ginagawa niya rin ang makakaya niya para wala siyang mailabas na impormasyon tungkol sa grupo. Hindi na nangulit pa ang magkaibigan, iniwan na nila si Karl dahil sinukuan na nila ang balak nilang alamin ang ano man sa kanya. Sapat na rin para kay Craig na malaman na kailangan niya ring mailigtas ang mga kaibigan niya lalo na si Zeta... maaring hindi nga dinadalawa si Karl ng mga miyembro ng sindikato, pero hindi ibig sabihin ay dapat silang makampante. "Matalino talaga ang unggoy na 'yon, walang kwenta kausap," ani Dawin. Naglalakad na sila pabalik sa kanilang opisina. "Duda ako sa sinasabi niyang pakikipagkaibigan niya sa mga kapwa niya preso," komento ni Craig. Sandali siyang nilingon ni Dawin. "Anong iniisip mo? Gagawin niya talaga ang pagtakas sa kulungan kasama ang mga ibang preso?" Umiling si Craig, pero diretso pa rin ang tingin niya sa daan at seryoso pa rin siya habang naglalakad. "Hindi ugaling pogante si Karl, mataas ang tingin niya sa sarili niya at sigurado akong hindi niya gugustuhing maging wanted kapag nakalaya nga siya gamit ang pagtakas. May iba siyang plano, sigurado ako r'on," aniya. "Anong plano naman iyon?" "Matalino at maingat ang sindikato, sa obserbasyon ko sa kilos ni Karl... kampante siya at parang wala lang sa kanya kahit sinabi pa nating inabandona na siya ng Fallen Angel. Para bang alam niyang hindi iyon totoo," ani Craig. "Pero wala siyang naging bisita mula nu'ng nakulong siya. Kahit nga ang abogado niya ay bigay ng Gobyerno. Kaya imposibleng may pakialam pa ang sindikato sa kanya, talagang iniwan na siya ng mga ito dahil miyembro lang siya... hindi siya ganoong importanteng tao para sa kanila," giit naman ni Dawin. "Kagaya ng sabi ko sa 'yo, mataas ang tingin ni Karl sa sarili niya. Sigurado akong hindi siya papayag na basta na lang siyang iiwan ng grupo. Saka sa asta niya kanina, sigurado akong may plano siya. Umaarte lang siya para hindi natin mapansin ang totoo niyang balak." "Kung ganoon, ano sa tingin mo ang balak ng unggoy na 'yon?" kunot noong tanong ni Dawin sa kanya. Nakarating na sila sa kanilang opisina. Hawak na ni Craig ang door knob nito, pero hindi niya ito pinihit, bagkus ay hinarap niya pa ang kaibigan at seryosong sumagot, "Ang tanging alam lang natin, wala siyang naging bisita. Pero hindi natin alam ang record ng ibang preso, hindi natin iyon sinilip kasi sa kanya lang tayo naka-focus..." Nanlaki ang mata ni Dawin nang marinig ang ideya ni Craig, kahit hindi na ito magsalita, alam na niya ang ibig sabihin nito... "Sa ibang preso ipinapadaan ang impormasyon mula sa labas, may posibilidad na may koneksyon pa rin si Karl sa Fallen Angel!" anunsyo ni Dawin. Dahil doon, pareho silang napangiti dahil hindi nasayang ang oras nila sa pagkausap nila kay Karl.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD