Chapter 42

2734 Words
CHAPTER 42 Tuluyan nang nahatulan si Karl, nagtagumpay ang magkaibigan na sina Craig at Dawin na patunayan sa batas na totoong nagkasala nga si Karl. Nabawi na nila ang dangal nilang nadusingan noong unang beses na nakaharap nila ito. Alam ng magkaibigan na ang tagumpay na iyon ay hindi lang para sa kanilang dalawa, kundi tagumpay na rin iyon ng ibang pulis na nakasama nila nang araw na hulihin nila ang lalaking iyon; maging ng buong departamento. Ibig lang nitong sabihin ay hindi rin nasayang ang buhay na naisakripisyo ng kasamahan nilang namatay nang araw na iyon, at kahit hindi naman nito mapapakinabangan ang tagumpay at karangalan na nagawa niya para sa kaso at para makulong ang isang delikadong tao gaya ni Karl, alam ni Craig na masaya na rin ito na may napuntahang maganda ang pagkawala niya. Nabigyan na rin ni Craig ng katarungan ang ginawa ng taong iyon na pagpatay sa kakabata at kaibigan niyang si Mirabel. Maaring hindi na alam ng dalaga ang ginawa niya para lang maipakulong ang taong pumatay sa kanya, pero masaya pa rin si Craig na may nagawa siya para sa dalaga. Huli man ang aksyon niya para mailigtas ito, pero alam niya na kung may paraan man para malaman nito ang ginawa ni Craig para sa kanya ay ikatutuwa na niya iyon. "Salamat sa nagawa mo para sa kanya, Craig," iyon lang ang naging komento ni Zyx nang malaman niya ang naging huling pasya ng Judge sa kaso ni Karl. Sa telepono na lang ibinalita ni Craig kay Zyx ang naging resulta ng kaso, wala rin kasi silang oras para pumunta pa sa bahay ng kaibigan niya dahil madami rin silang dapat gawin. Isa pa, iniiwasan din niyang marinig ni Zeta ang tungkol kay Mirabel. Maaring hindi pa niya naalala muli ang sinapit ng kaibigan nila, pero hiling din niya na dumating ang pagkakataon na matanggap din nito ang katotohanan. Hindi na dapat pa marinig ng dalaga ang tungkol sa bagay na iyon dahil nakakatakot na maaring magpabalik iyon sa trauma niya. Ibinagay na lang ni Craig kay Zyx ang pagkakataon na ibalita kay Zeta ang update sa naging paglilitis kay Karl. Tiyak niyang magiging masaya ito dahil hindi napunta sa wala ang pagtaya ni Wren ng buhay niya para sa kaso. Hindi rin sayang ang paghihirap nilang isagawa ang delikadong plano na nagawa nila. "Dominguez, hindi rito nagtatapos ang trabaho mo. Isang tao pa lang ang nahuhuli mo, huwag mong kakalimutan na grupo pa ang haharapin mo. Tatagan mo ang loob mo dahil dito na magsisimula ang totoo mong laban," paalala ni Ocampo sa binata, ang kanyang C.O. Naikuyom ni Craig ang kanyang kamao, sa tuwing sumasagi sa isip niya ang tungkol sa pagbangga niya sa isang grupo ay parang nagbibigay iyon sa kanya ng malakas na dating. Para bang isang delubyong kailangan niyang paghandaan. Kinuha ni Craig ang paalalang iyon hindi lang para sa kanya, gusto niyang ipasa ang paalalang iyon sa grupong naging kasama niyang simulan ang labang ito. Pati na rin ang pamilya Solis na muntik nang maging biktima ni Karl. At sa mga susunod pang sibilyan na maaring muling maging parte ng kanilang mga susunod na hakbang. "Yes, Sir. Maraming salamat din sa pagtitiwala sa akin na hawakan ko ang kasong ito. Sinisiguro ko sa 'yong isusunod ko ang Fallen Angel na ikukulong kasama ni de Guzman," matapang na sagot ni Craig. Matindi na ang naging unang laban na kinaharap ni Craig, at alam niya at alam din ni Dawin na mas matindi pa ang susunod nilang laban na haharapin. Nanatiling seryoso ang mukha ng kanyang Hepe, tila hindi ito nagkaroon ng kumpiyansa manlang sa salitang binitiwan ng kanyang tao. Hindi man niya sabihin sa salita ay gusto niya ring iparating sa binata na hangad niya ang tagumpay nito. "Huwag kang magsalita ng tapos, gawin mo na lang," aniya. Tila ang tunog ng kanyang boses ay ayaw niya munang umasa, dahil wala pa namang sunod na hakbang na nagagawa sina Craig matapos makulong si Karl. Pero sa loob niya, palagi niyang hinihiling na sana ay dumating na ang pagkakataon na matapos na ang problemang ito. Hindi nagpaepekto ang magkaibigan sa tono ng boses ng kanilang C.O. "Asahan n'yo, Sir," ani Dawin. Doon na rin natapos ang pag-uusap nina Craig, Dawin, at ng C.O. nila. Pagkatapos nilang sumaludo ay sabay na nagpaalam ang dalawa para lumabas sa opisina nito. Muling bumalik ang magkaibigan sa kanilang opisina, para ngayon ay harapin na ng tuluyan ang mga naiwan nilang plano para sa paghuli sa Fallen Angel. Kinailangan kasi nilang puntahan ang lahat ng Hearing para sa kaso ni Karl, kaya r'on napunta ang atensyon nilang nitong mga nakaraang araw pagkatapos nilang makausap ang lalaking iyon. "Ngayon, ang kailangan na lang natin gawin ay kilalanin ang mga naging bisita ng mga presong kasama ni Karl. Maaring isa sa kanila o ilan sa kanila ang mga tao rin ng sindikato at palihim na nakikipag-usap kay Karl gamit ang ibang preso," panimula ni Craig, pag-alala na rin sa naiwan nilang pag-uusap bago ang mahabang araw ng pagharap sa husgado. Kinuha nila sa bantay ng kulungan ang record ng mga taong bumibisita sa mga presong tinutukoy ni Craig. Kinuha rin nila ang listahan ng pangalan ng mga taong kasama ni Karl sa selda niya. Ang una nilang dapat gawin ay kunin mismo sa mga listahan na ito ang magkatugma—sa ganitong paraan ay makikilala nila ang koneksyon ng mga taong nasa listahan. Ang duda nina Craig at Dawin ay ipinadadaan sa sulat na simpleng iniaabot ng bisita sa preso para makarating ang mensahe kay Karl. Kaya hindi na nga kailangan pang humarap din ng lalaking iyon sa naturang bisita, iyong preso na ang bahalang mag-abot sa kanya ng mensahe. Isang paraan din iyon para maiwasang magkaroon ng ideya ang preso sa kung ano ang bagay na pinag-uusapan ng sindikato at ni Karl. Dalawang araw ang iginugugol nila para makuha ang lahat ng pangalan ng mga presong kasama ni Karl na mayroong bisita. Regular man o madalang na bisita ay kinuha pa rin nila ang pangalan, basta iyon lang kasama ni Karl sa mismong selda niya. Tumagal sila sa trabahong iyon dahil bukod doon ay may iba pa silang ginagawa. Matapos nilang makuha ang mga pangalan ay ipinasa nila ito kay Zyx para humingi ng tulong sa kanya na i-track ang buhay o pamumuhay ng mga iyon. Siya lang ang tanging maaasahan nila sa ganitong bagay, dahil alam nilang pareho na mas sanay ang lalaking iyon pagdating sa pag-alam ng personal na impormasyon ng isang tao. Kilala man itong tao o hindi. "Zyx, ang alamin mo lang ay ang mga taong may posibilidad na pareho ng ginagawa ni Karl. O 'di kaya ay 'yung gaya niya na may simbolo ng Fallen Angel," ani Craig. Kausap niya ngayong muli si Zyx sa telepono. [Sigurado ka bang uubra pa ang bagay na 'yan? Hindi pa ba alam ni Karl na alam n'yo na ang tungkol sa bagay na iyan?] tanong ni Zyx na nasa kabilang linya. Tinutukoy niya ay maaring alam na ni Karl ang tungkol sa kaya nilang gawin para kumuha ng impormasyon. Ngumisi si Craig kahit hindi iyon nakikita ng kausap niya. "Hindi namin binanggit sa korte o kahit sa kanya mismo ang tungkol sa alam natin ang tungkol sa simbolo, hindi rin niya alam ang tungkol sa pagpasok ninyo sa restaurant ng kapwa niya miyembro ng sindikato. Kaya tiwala akong hindi niya pa nadidiskubre ang paraan natin para tingnan kung sino ang iba nilang kasama," paliwanag niya. Wala nang naging tutol pa si Zyx, naniwala na siyang mainam ang naiisip ni Craig na ideya. Minsan ay kailangan niya ring maniwala sa kasama niya para sa misyon, at kailangan din niyang sumunod para may direksyon siya sa kung ano ang dapat niyang gawin. Pagkatapos nilang mag-usap na dalawa ay si Dawin naman ang humarap kay Craig. "Pagkatapos nating makumpirma na isa nga sa mga taong iyon ay miyembro nga ng sindikato, sabihin na nating napatunayan nating tama ang hula natin. Ano nang susunod nating gagawin?" tanong niya. Patuloy lang si Craig sa ginagawa niya, nakaharap pa rin siya sa harap ng kanyang PC. "Simple lang, siya naman ang susundan natin. Siya na ang magtuturo sa atin kung ano ang binabalak ni Karl," aniya. Kumunot ang noo ni Dawin. "Teka, si Karl na naman? Hindi ba tayo mag mu-move on sa kanya? 'Diba nga ang dapat nating atupagin ngayon ay ang paghuli na sa sindikato? Bakit hindi pa rin tayo naalis sa problema natin sa kanya?" Sa pagkakataong ito ay binitiwan na ni Craig ang ginagawa niya at hinarap ang kaibigan. "Pare, hindi dahil nakakulong na si Karl ay tapos na ang problema natin sa kanya. Kailangan muna nating alamin kung may binabalak ba ang lalaking iyon laban sa atin o sa grupo ng asset natin. Kailangan nating masiguro na tayo ang makakaisa at hindi siya. At ang tanging paraan para masiguro iyon ay ang bantayan ang bawat kilos niya," paliwanag niya. Sandaling napatulala si Dawin para i-proseso ang isinagot sa kanya ng kaibigan. "Paano kung habang binabantayan natin siya ay tayo naman ang pinagpaplanuhan ng Fallen Angel? Baka nakakalimutan mo na sila ang malaya, sila ang dapat nating katakutan at hindi ang isang tao lang na nakakulong pa," katiwiran niya naman. "Huwag kang mag-alala, pare. Hindi ko naman nakakalimutan ang tungkol sa maaring gawin ng Fallen Angel. Kaya nga nakita mo namang ipinasa ko kay Zyx ang trabahong alamin ang tungkol sa mga bumibisita sa mga kasama ni Karl sa kulungan, 'diba?" ani Craig, ibinalik na niya ang tingin niya screen ng kanyang monitor. Agad na lumapad ang ngiti ni Dawin, inilapit niya ang kanyang swivel chair sa kaibigan para ipakitang interesado siya sa sunod na sasabihin ng kausap niya. "Ah, iyon pala iyon. So, anong plano natin ngayon?" Napabuntong hininga si Craig. "Ang totoo, nakakalungkot mang sabihin pero ang tanging magagawa na lang natin ngayon ay muling review-hin ang mga impormasyong meron tayo tungkol kay Karl, dahil iyon lang ang bagay na alam nating konektado sa sindikato. Mula sa parteng iyon ay saka lang natin malalaman kung ano ang susunod nating gawin," sagot niya. Sumimangot si Dawin. "Iyon lang ang gagawin natin? Wala na bang iba? 'Diba puwede naman nating ipagawa kay Zyx ang tungkol diyan? Bakit kailangang tayo pa ang gumawa?" Humarap muli si Craig sa kanya. "Dawin, baka nakakalimutan mong kakabigay ko lang sa kanya ng trabahong dapat niyang gawin? At isa pa, asset lang sila. Ibig sabihin, hindi lahat ng trabaho ay sila na ang gagawa. Ang tanging parte lang nila sa misyong ito ay tumulong magbigay ng impormasyon, pero huwag mong kakalimutan na tayo ang may hawak sa kaso at hindi sila. Kaya tayo ang dapat magtrabaho para rito, maliwanag?" aniya. Napabuntong hininga na lang si Dawin, sumuko na siyang sumagot pa dahil alam niyang hindi naman siya mananalo sa kaibigan at may katuwiran naman talaga ito. Inisip na lang niya na bumabalik na naman ito sa dati nitong ugali na walang ibang inintindi kundi ang trabaho. Tiningnan na lang niya ang bagay na iyon na magandang dulot sa kaibigan niya kaysa makita niya itong nababaliw na kakaisip kay Zeta. Wala na siyang ibang nagawa kundi umayos ng pagkakaupo at harapin ang kanyang PC. Oras na para gawin ang sinabi ng kaibigan niya—balikan ang mga impormasyong alam nila tungkol sa sindikato at doon ay pagtagpi-tagpiin nila ang mga nangyari para makabuo ng bagong impormasyon tungkol sa Fallen Angel. Ilang minutong katahimikan ang namayani sa magkaibigan, tila pareho silang kinakain ng pag-iisip tungkol sa sindikato at kung ano pa ang ibang alam nila tungkol dito. "Sa tingin mo, kung meron man talagang pinag-uusapan sina Karl at ang Fallen Angel. Ano 'yon?" tanong ni Dawin. Naging dahilan iyon para makuha niya ang atensyon ni Craig, tumingin ito sa kanya na may kunot sa noo. Hindi na niya hinintay na makapagsalita pa ang binata, itinuloy na lang niya ang kanyang sinasabi, "Napag-usapan kasi natin dati, na isang miyembro lang si Karl. Hindi siya ganoon kahalaga sa kanila at hindi talaga kawalan kahit alisin siya sa sindikato. Makalaya man siya o hindi ay magagawang lusutan ng Fallen Angel kung sakaling mahayag man na isa silang sindikato. Pero ngayon, sinusubukan pa rin nating alamin kung may koneksyon pa rin ba sila. Kung meron man, ano naman kaya ang makukuhang pakinabang ng grupo sa kanya ngayong nakakulong na siya?" Tila nagising si Craig sa naging tanong ni Dawin na iyon, bumalik din sa alaala niya ang naging pag-uusap nilang dalawa tungkol doon bago nila unang beses na bisitahin si Karl sa Interrogation Room. Itananong din niya sa sarili niya ang parehong tanong na iyon. Tumango si Craig sa kausap niya na para bang naiintindihan niya ang ipinapahiwatig nito. "Tama ka, maaring may inalok si Karl na pabor sa sindikato kaya nananatiling kampante ang dalawang panig. Gusto nilang isipin natin na wala siyang balak na tumakas o wala silang gagawin tungkol sa bagay na iyon. Gusto nilang ituloy natin ang pag-iimbestiga natin sa sindikato, ituloy ang balak nating hulihin sila." Isang ngiti ang tuluyang sumilay sa labi ni Dawin. "Iyan ang gusto ko sa 'yo, nagkakaintindihan tayo!" aniya. Ang tanging plano lang sana nila ay kumuha ng impormasyon tungkol sa Fallen Angel gamit si Karl, dahil siya lang naman ang paraan na alam nila para makuha ang kailangan nila. Pero pareho na lang silang napangiti nang bigla na lang nilang naisip na may hindi pa rin tama sa nangyayari, bukod sa impormasyong kailangan nila tungkol sa sindikato ay may kailangan pa silang tuklasing bagay. "Kung ikaw ba ang nasa posisyon ni Karl, ano ang bagay na maari mong ialok sa akin para hindi mawala ang samahan natin?" nakangising tanong ni Craig sa kaibigan, para bang ginagawa na lang niyang laro ang kanilang ginagawang pagtatrabaho. Natatawa pa si Dawin nang sumagot siya, "Siyempre, walang iba kundi ang kasiguraduhan na kakampi mo pa rin ako kahit wala na ako sa tabi mo. At gagawin ko ang makakaya ko para patunayan iyon sa 'yo!" aniya. Hindi nawawala ang ngisi sa labi ni Craig. "At ang tanging paraan para patunayan iyon ay..." Naging tipid ang ngiti sa labi ni Dawin. "Maging malapit sa kaaway at dahan-dahan silang puruhan," aniya, malalim at seryoso ang tono ng kanyang boses. Sa sagot niyang iyon, bumalik ang tingin ni Craig sa screen ng kanyang monitor. Hindi na siya nakangisi ngayon, pero may kaunti ring ngiti sa labi niya. "Hindi natin maaring alisin ang tingin kay Karl, ginagamit nila ang pagkakakulong niya para gumawa ng planong bweltahan tayo." "Pare, sa tingin ko, mas tama na hindi na talaga natin ialis ang tingin natin sa kanya kahit anong mangyari. Siya ang magdadala sa atin para mahuli ang grupo niya," giit naman ni Dawin. Tango ang isinagot ni Craig sa kanya. "Kung may mata ang sindikato rito sa departamento, kailangang may mata rin tayo sa kanya," suhestiyon ng binata. Kunot ng noo ang unang naging rekasyon ni Dawin. "Paano? May ipapasok tayong asset sa loob ng kulungan? O huwag mong sabihing ipapasok mo ang isa sa magkakaibigan?" Napalingon kaagad si Craig nang banggitin iyon ni Dawin, hindi niya alam kung sadya ba ng kausap niya na ipaalala sa kanya ang ideyang iyon o talagang tulutulong lang siya sa pag-iisip ng magandang dapat gawin. Pero isa lang ang sagot niya, "Hindi natin sila ikukulong. Gusto mo bang mamatay na ang isa sa kanila? Alam mo ba kung gaano kadali para kay Karl ang pumatay, tapos ang ihaharap mo sa kanya ay gaya noong tatlong iyon na kahit kaharap na nila ay hindi nila kayang saktan? Dawin, magnanakaw lang sila. Hindi mamamatay-tao. Masyadong delikado ang sinasabi mo," paliwanag niya. Napabuntong hininga na lang si Dawin, hindi na lang siya sumagot pa sa sinabi ng kausap niya. Ang tanging laman lang ng isip niya ay, "Hindi na maitatanggi sa akin ni Craig na masyado niyang pinapaboran ang grupong iyon." Hindi na rin nagsalita pa si Craig tungkol sa bagay na iyon. "Siguro, maghintay na lang muna tayo ng tawag mula kay Zyx tungkol sa iniutos natin sa kanya," suhestiyon niya. Ngumisi si Dawin. "Akala ko ba huwag natin iasa ng husto sa kanila ang trabahong dapat ay tayo ang gumagawa?" Seryoso ang naging tingin ni Craig sa kanya. Pinili niyang huwag na lang sumagot dahil nakita niya sa reaksyon nitong nang-aasar lang ang kaibigan. Ayaw na lang niyang pahabain pa ang usapan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD