Chapter 23

2722 Words
CHAPTER 23 "Craig, alam mong hindi puwedeng ganoon na lang iyon. Buong akala ko, maaasahan kitang mahuli pati ang sindikato niya, iyon pala ay mismong si Karl ay malaya pa rin?! Hinayaan mong maging malaya 'yung taong pumatay kay Mirabel?!" pagalit ni Zyx. Halata sa boses ng binata na hindi siya mapakali ngayong nalaman niyang nasa labas pa si Karl. Bigla na lang ay bumalik sa ala-ala niya ang lahat ng ginawa nila mula nang araw na tumakas sila sa mga pulis hanggang ngayon. Ang tanging hiling lang niya ay sa haba ng panahon na 'yon, hindi pa sila nakikita ng kalaban kahit napakaimposibleng bagay man iyon. "Hindi ko 'yon gusto! At sa maniwala ka't sa hindi, kung ako ang masusunod, siyempre gagawin ko ang lahat para mabulok siya sa kulungan." Napayuko si Craig bago itinuloy ang sinasabi niya. "Pero gaya nga ng sabi ko sa 'yo kanina, wala ako sa posisyon para gawin iyon," dagdag niya. Nangagalaiti si Zyx habang nakatingin siya sa kausap, para bang sa pakiramdam niya... pinagmukha silang tanga ng sindikato lalo na ni Karl. Hindi malabong hindi alam ng kalaban kung nasaan sila, dahil noong ngang ilang araw o linggo lang ang nakalipas pagkatapos nilang nakawan ang taong iyon ay nahanap sila agad, walang pinagkaiba iyon sa sitwasyon ngayon. Hindi siya dapat pakampante kahit pa sabihing wala pa itong ginagawang hakbang ngayon. "Craig, kalimutan mo na muna 'yung sinabi kong gusto kong matiyak na ligtas ang mga kaibigan ko at si Zeta. Kung pagala-gala lang din si Karl, kahit masiguro kong ligtas nga sila sa 'yo, hindi pa rin tiyak ang kaligtasan nila. Gusto ko munang makulong ang hayop na 'yon!" giit niya. Kahit anong sisi ang gawin ni Zyx kay Craig ay wala na rin iyong magagawa sa ngayon. Masyado niyang inintindi ang kaligtasan ng mga kaibigan niya sa kamay ng mga pulis, at hindi niya akalain na may isa pa pala siyang dapat harapin. Pero maswerte pa rin sila dahil si Craig ang pulis na hinihingian niya ng tulong, dahil kahit pa isang pulis ang kaharap niya ay mas masisiguro niyang ligtas sila sa puder nito kaysa ang lumaban mag-isa kay Karl. Hindi na rin masama na nagkita sila bago pa malaman ni Karl kung nasaan sila. Pero hindi rin siya dapat pakasiguro, kailangan niya munang matiyak na mawawala na nga sa landas nila ang lalaking iyon. Naging masama ang tingin ng binata kay Zyx, tila nakaramdam siya ng hindi maganda sa kausap. "Hindi ka ba makaintindi? Sinabi ko nang—" "Gawan natin ng paraan! Hindi puwedeng ganito na lang ito! Craig, alam kong kahit matagal nang hindi mo nakikita si Zeta, importante pa rin siya sa 'yo dahil naging pamilya mo rin siya sa ampunan noon. Sa puntong ito, pareho tayo ng taong gustong protektahan. Kaya maniwala ka, hindi natin puwedeng hayaan na ganito na lang ito, makinig ka naman sana!" muling giit ni Zyx. Hindi maintindihan ni Craig kung bakit bigla ay nagbago ang tingin ni Zyx sa kanya, para bang kulang na lang ay lumuhod ito sa kanya bilang pakikiusap na gawin nila ang dapat gawin kay Karl. "Bakit parang sa tono mo, si Zeta lang ang target ni Karl? May iba pa ba kayong ginawa sa kanya bukod sa pagnanakaw kaya ganyan ang takot mo?" tanong ni Craig habang nakakunot ang kanyang noo sa kausap. Napayuko si Zyx, tila tinatanong ang sarili kung dapat ba niyang sabihin ang mga nangyari. Pero sa isang banda, alam niyang wala rin naman siyang magagawa kundi magtiwala na lang na makukumbinsi niya ang kausap niya kapag sinagot niya ang tanong nito. "Si Zeta ang personal na pumasok sa bahay ni Karl, kaya sa aming apat, sa kanya siya pinaka galit." Tumingin siya sa kausap niya bago niya itinuloy ang sinasabi niya, "Kaya Craig, kung talagang may malasakit ka pa sa kapatid ko, magtulungan tayong makulong ang Karl na 'yon at sirain natin ang Fallen Angel," ani Zyx. Sa puntong ito, si Craig naman ang napayuko habang nakatingin sa dalawang palad niya. Bumalik sa ala-ala niya ang mga naging pagkakamali niya nang araw bago niya malamang nakalaya si Karl. Tila pati siya ay nagdududa na sa sarili niyang kakayahan. "Hindi ko kayang sumuway sa—" "Kung hindi ka susuway, hindi lang si Mirabel ang puwedeng mawala sa 'yo, Craig. Alam mo 'yan," muling giit ni Zyx. *** Habang nag-uusap ang dating magkaibigan sa loob ng hideout, sina Cahil at Wren naman ay tumambay na lang sa loob ng sasakyan at tiwalang naghintay na makukuha nila kung ano man ang pinagplanuhan nila. "Sa tingin mo, uubra kaya ang plano ninyo ni Zyx? Mauuto niya kaya 'yung pulis na iyon?" tanong ni Wren sa kasama niyang si Cahil. Nakatanaw lang si Cahil sa hideout nila, walang ibang laman ang isip niya ngayon kundi ang pag-aalala sa kung ano ang maaring kalabasan ng pag-uusap nina Zyx at ng pulis na si Craig. Aminado ang binata na alam niyang hindi ganoon kadaling mauto ang isang gaya ng lalaking iyon na isang Police Inspector, pero naniniwala siya na kakayanin ni Zyx na kumbinsihin ito dahil datil silang magkaibigan. "Hindi naman pang-uuto ang gagawin ni Zyx, makikipagpalitan lang siya ng bagay sa lalaking iyon. Wala namang masama sa naisip naming paraan paano siya makukumbinsi," aniya. Dahil hindi naaalis ang tingin ni Cahil sa hideout, napalingon na lang din si Wren doon. Gaya ng kasama niya ay tila lumipad na rin ang isip niya, pero ang iniisip niya ay kung sino ba si Craig sa buhay ni Zeta. Alam ng binata na dating naging magkakasama sina Zeta, Zyx, Craig, at Mirabel sa ampunan. Pero ni minsan, hindi naikwento ni Zeta si Craig sa kanila. Kahit si Zyx, hindi niya nababanggit si Zyx kahit sa kapatid niya. Kinakain tuloy siya ng kuryosidad sa kung ano ang nangyari sa kanila noong magkakasama pa ang mga ito. Pakiramdam niya kasi, maaring makaapekto ang nakaraan nila sa maaring mangyari ngayon sa kasalukuyan. Hindi na sinagot ni Wren si Cahil, para bang nananalangin sila ng sabay sa isip na maging maayos nawa ang ginagawang pag-uusap ng dalawa sa loob, hanggang sa isang pamilyar na lalaki ang biglang lumitaw sa kanan ni Wren na nasa passenger seat. Nagpakita sa bintana ang lalaking iyong at nakangiti pa siya habang kumakatok dito. Kumunot ang noo ni Wren, pero hindi na siya nagdalawang isip na buksan ang bintana niya. Ni hindi niya rin muna kinunsulta si Cahil kung tama bang harapin si Dawin, ang kasama ni Craig, isa ring pulis. "Busy ba kayo? Baka naman puwedeng habang nagkukwentuhan sila ay magkwentuhan din tayo. Nakakainip kasing maghintay sa kanila, ang tagal, eh," ani Dawin. Hindi sumagot si Wren, ito na ang pagkakataon na napalingon na lang siya sa kasama na para bang gusto niyang ipahiwatig na may kung anong balak ang pulis na lumapit sa kanila at dapat silang mag-ingat na dalawa. Isang tingin lang din ang isinukli ni Cahil sa kanya, tapos ay ibinalik na niyang muli ang tingin niya sa hideout na para bang ipinapakita niyang tuloy pa rin ang paghihintay niya at wala siyang balak na kausapin ang bagong dating. Habang si Wren, hindi alam kung ano ang gagawin. Wala naman siyang rason para kabahan sa paglapit ng isang pulis, pero ayaw niya rin namang kasaupin ito. Kaso lang, mas maigi pa ring hindi maging bastos para maiwasan ang makapagsimula ng gulo. "Gusto ko lang sanang itanong, saan n'yo dinadala 'yung perang nananakaw ninyo?" ani Dawin, walang kaabog-abog ang pagtatanong niya na para bang nasa interrogation room lang sila. Wala siyang pakialam kahit hindi interesado ang dalawang nasa loob ng kotse sa kanya. Tumingin si Wren kay Dawin nang sumilip ito sa kanya, alam niyang nagpapahiwatig ito na naghihintay siya ng isasagot nila. Kaya para matapos na lang ito, sumagot na lang siya, "Siguro mas maganda kung huwag mo na lang itanong. Baka kasi kahit sagutin ko, hindi ka lang din maniwala," aniya, nasa tono ng boses niya na talagang ipinaparamdam niyang ayaw niyang kausap ang binata. Muling umayos ng tayo si Dawin, ipinatong niya ang braso niya sa bandang itaas ng bintana ni Wren para magkaroon siya ng balanse. "Grabe naman, magtatanong ba 'ko kung hindi ko naman paniniwalaan ang sagot mo? Huwag kang mag-alala, usapang magkakilala lang ito at labas dito ang trabaho ko bilang pulis. Curious lang talaga ako," aniya habang nakangiti at nakatingin sa kausap. Napaiwas ng tingin si Wren, ibinaling niya ang tingin sa kung saan lang basta mailayo lang iyon kay Dawin. Pakiramdam niya, hindi niya dapat pagkatiwalaan ang uri ng pagtatanong sa kanya ng pulis na ito. Hindi man nito direktang aminin, alam niyang hinuhuli lang siya nito sa pagkukwento dahil may iba silang balak at maaring iyon na ang sinasabi ni Craig kay Zyx sa loob. Kaya kahit walang ginagawang hakbang ang pulis para hulihin sila, kailangan niya pa ring maging alerto. "Paano mo nagagawang kausapin kami na naitatago mo ang galit sa amin? Talento mo ba 'yan?" ani Cahil. Napatingin na lang si Wren sa kasama dahil napansin niya sa tono ng kasama niyang naghahanap ito ng away. Natawa naman si Dawin, aminado siyang nagawa ng kausap niyang mahalata na may galit siya sa mga ito. Halata namang hindi nila magagawang maging magkaibigan kahit pa sabihing normal lang itong usapan. "Sabihin na nating... kailangan kong gawin ito para hindi masira ang mga diskarte ng kasama ko. Pero seryoso ako sa tanong ko, ha," sagot ni Dawin. Napakamot na lang ng ulo si Wren dahil naramdaman niyang may kakulitan pala ang kausap nila. Para bang ngayon ay gusto na lang niyang lumabas ng sasakyan at layuan si Dawin. "Wala kaming balak na sagutin ang tanong mo, nag-aaksaya ka lang ng oras," matapang na sagot ni Cahil. Napalunok si Wren, lalong tumitindi ang kagustuhan niyang lumayo sa pulis na kausap nila. Pero alam niya na kapag ginawa niya iyon ay maaring magpang-abot ang dalawa, kaya hindi pa rin siya puwedeng umalis. Ayaw niyang makasira rin sila ng diskarte ni Zyx. "Ayos lang naman kahit hindi n'yo sagutin. Actually, may naisip lang ako kanina bago ko kayo nilapitan... tanong ito ulit—" "Sinabi ko na, 'diba? Hindi ka namin sasagutin, ano mang klaseng tanong 'yan," giit ni Cahil. "Alam mo, pare, mas mabuti pang bumalik ka na lang sa pwesto mo. Huwag ka na lang gumawa ng rason para magkainitan tayo rito," dagdag naman ni Wren. Sinusubukan niyang pumagitna sa dalawang kasama niya. "Bakit naman tayo magkakainitan? Maayos naman akong lumapit sa inyo at maayos ko rin kayong kinakausap. Ang pagsabihan mo, 'yang kasama mo—" "Manahimik ka na lang," sagot na naman ni Cahil. Masama na ang tingin niya kay Dawin kahit hindi ito napapansin ng kausap. Hinawakan ni Wren sa kanang braso si Cahil para pakalmahin, desidido pa rin siyang pigilan ang maaring away na puwedeng magsimula kung ipagpapatuloy pa nila ang pag-uusap na ito. "Sige, kung ayaw n'yong sagutin ang tanong ko... may sasabihin na lang ako," ani Dawin. Agad na napakamot ng ulo si Wren habang pinipigilan ang sariling mawala ang kontrol niya, pakiramdam niya kasi ay talagang nananadya ang kausap nila. Habang si Cahil naman ay napaiwas na lang din ng tingin at pilit iniiwasang makapagsalita pa, naisip niyang aalis ang pulis kapag wala nang nagsalita sa kanilang dalawa ni Wren. "Kasi... nagtataka lang ako. Itong bahay na 'to—" Lumingon pa si Dawin sa hideout habang nakaturo, tapos ibinalik niya agad ang tingin sa dalawang kausap niya saka itinuloy ang sinasabi niya, "—dito kayo nakatira, 'diba? Nagtataka lang talaga ako, bakit mas pinili ninyong dito manatili sa kotse? Kasi kung bahay n'yo talaga ito, dapat may lugar sa loob na puwedeng—" "Ano ba talagang gusto mo?!" ani Cahil. Mabilis itong lumabas sa kotse at tumingin ng masama kay Dawin. Agad namang kumilos si Wren para lumabas din ng kotse at pigilan ang kasama niya na handa nang sumugod. Dahil nasa pintuan sa kanan nakatayo si Dawin, kinailangan pa ni Wren na lumipat sa upuan ni Cahil para makalabas at makalapit agad sa kasama. Ayaw niyang madikit sa pulis na kumukulit sa kanila dahil iniiwasan niyang baka siya naman ang mapikon. Humarap si Dawin kay Cahil, nakangisi ito at talagang halata sa ekspresyon ng mukha niya na gusto niya lang mang-asar. "Wala naman, sinasabi ko lang 'yung napansin ko. Masama ba 'yon?" aniya. Naging matalim na rin ang tingin ni Wren kay Dawin. Alam nilang pareho ni Cahil na wala naman talagang big deal sa tanong na iyon, pinalabas sila nina Zyx at Craig kaya natural lang na sumunod sila rito at wala naman silang ibang puwedeng puntahan na lugar. Tiyak nilang pareho na ginagawan lang sila ng rason ni Dawin para madulas sa mga iniingatan nilang huwag sabihin. "Ganyan ka ba ka-desperado na masabing nahuli mo na kami?" biglang banat ni Wren. Pagak na natawa si Dawin. "Ano bang sinasabi mo? Napakababaw naman ng mga sinabi ko para iyan ang isipin mo. Para kang bata!" sagot naman nito. Nagpakita ng ngising nakakaloko si Wren. "Ikaw ang parang bata, ganyang bagay lang ang ibabato mo sa amin? Bored na bored ka ba pare, para makipaglaro ka ng ganyan? Palibhasa wala ka nang maisip na paraan para mahuli kami, eh," aniya. Imbes na maasar kagaya ng inaasahan ni Wren, ngumiti lang si Dawin sa kanila. Isang ngiti na para bang ipinapakita niyang wala lang sa kanya ang sinabi ng kausap niya, hindi niya ito tinitingnan na isang insulto. Hindi na sinagot pa ng pulis ang ibinatong sagot ni Wren sa kanya, bagkus ay naglakad ito palapit sa dalawang lalaking kausap niya na hanggang ngayon ay may ngiti pa rin sa mukha niya. "Hindi pa yata tayo nakakapagpakilala ng pormal sa isa't isa," ani Dawin, inilahad niya ang kamay niya para makipagkamayan sa dalawang lalaki. "Dawin Torres, isang pulis at kaibigan ni Craig na kasama ng kaibigan n'yo sa loob. Nice to meet you two," sabi pa nito. May kunot sa noo ang magkaibigan nang gawin iyon ng lalaking kanina lang ay parang gumagawa ng rason para mag-away sila. Nakikita nilang magiliw ang ngiti ng binata sa kanila na para bang ipinapakita niyang totoo ang pakikipagkamay niya sa kanilang dalawa. Naguguluhan man, tinanggap na ito ng isa sa kanila, "Wren," tipid niyang sagot nang magkamayan sila. "Wala kang apelido?" tanong na naman ni Dawin. Hindi siya sinagot nito, inalis lang niya ang kamay niyang nakahawak kay Dawin habang nakatingin ng seryoso sa kaharap nila. Nagkibit balikat na lang siya dahil sa inasta ni Wren sa kanya. Hindi binawi ni Dawin ang kamay niya, itinapat niya lang ito sa kasama ni Wren na seryoso rin ang tingin sa kanya. Alam niyang naguguluhan lang ito at umaasa siyang gaya ni Wren ay hindi siya nito ipapahiya. Hanggang sa abutin na lang din niya ang kamay ni Dawin. "Cahil," pakilala niya sa kanyang sarili. Lumapad ang ngisi ni Dawin, tila nakamit niya ang balak niya sa parteng iyon—ang makipagkilala lang sa dalawa. Wala naman siyang balak na hulihin o gumawa ng away una palang, gusto niya lang talaga gumawa ng topic para magkaroon silang tatlo ng pagkakataon na makilala ang isa't isa. "Ayan, magkakakilala na tayo. Siguro naman wala nang rason para mag-away pa tayo, 'diba?" ani Dawin, nananatili ang ngisi sa mukha niya. Seryoso pa rin ang tingin nina Cahil at Wren sa kanya habang may kunot pa rin sa noo nila. Hindi nila malaman kung bakit ganoon na lang bigla ang ginawa ng pulis na kaharap nila ngayon, dahil buong akala nila ay nagsisimula lang ito ng bagong away para madagdagan ang rason nilang hulihin sila. Dahil nakuha na ni Dawin ang gusto niya, pabalik na siya sa unahang kotse na dala nila ni Craig. Pero pagharap palang niya sa gawing iyon, napahinto na agad siya sa paglalakad at napatingin na lang sa hideout ng grupo dahil sa wakas ay lumabas na ang dalawang dating magkaibigan. Ibig lang sabihin, tapos na silang mag-usap. Agad na nag-unahan ang tatlo para lapitan ang dalawang kakalabas lang ng hideout. Seryoso ang pareho nilang mukha at nakapagbigay iyon ng tensyon sa pagitan nila. "Pumasok na kayong tatlo, may pag-uusapan pa tayo," ani Craig. Tapos ay nauna na siyang pumasok sa loob ng hideout. Bago sumunod ang grupo, hinayaan muna nilang mauna si Dawin na sumunod sa kasama niya. Naiwan ang tatlo habang nagkatinginan pa sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD