Chapter 22

2723 Words
CHAPTER 22 "Para masigurong hindi siya madadamay sa magiging gulo kung sakaling maging palpak ang plano naming kausapin ka," diretsong sagot ni Zyx kay Craig. Nakipagtitigan ang binata sa kausap niya na para bang pinapakita niyang hindi siya nagsisinungaling sa isinagot niya. Hindi rin naman nagpatalo si Craig, nakipaglaban din siya ng titig para ipakita naman na hindi niya inaatrasan ang kung ano mang gustong patunayan ng kausap niya. Pareho nilang hindi inasahan na ganito pala kaseryoso ang magiging usapan nila, tila nawala na ang dati nilang pagkakaibigan kung saan puro biruan at laro lang ang ginagawa nila... maaring malayo na nga talaga sila sa dati nilang buhay. "Wala kang dapat ikabahala, wala naman akong planong manlaglag ng kaibigan. Sa batas lang kayo may sala, hindi sa akin," sagot ni Craig. Mula sa puso ang sinabi niya at ipinaramdam niya iyon sa malambot na tono ng boses niya. Nakakalungkot mang isipin ay wala na ring magagwa si Craig kundi tanggapin na lang ang kapalarang sinapit ng mga kaibigan niya. Ngayon niya lalong napagtanto na madami talaga maaring magbago sa paglipas ng panahon. Magkaibang landas ang tinahak nilang dalawa at alam na niyang maaring magkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan dulot ng magkaiba sila ng propesyon. Pero ni minsan ay hindi sumanggi sa isip niya na ganitong klaseng pagkakaiba ng mundo pala ang sasalubong sa kanila. Agad na ngumiti si Zyx. Hindi na niya napigilan ang sarili niyang tumayo at makipagkamay sa kanyang kababata. "Masaya akong nagkita ulit tayo," aniya. Bago abutin ang kamay ni Zyx, tinitigan muna ito ni Craig. Tila pinag-isipan niya muna kung tama bang ganoon ang sinabi niya. Pero paglipas ng ilang segundo, buong tapang niyang pinangaralan ang sarili niyang dapat niyang pangatawanan ang sinabi niya lalo pa't alam niyang totoo naman iyon. Tinanggap niya ang kamay ng kaharap. "Salamat dahil nagtiwala ka pa ring makipagkita sa akin, kahit magkaiba na tayo ng mundo," sagot naman niya. Pagkatapos ng kamayang iyon, humiling si Zyx na kung maari ay makausap niya ng sarilinan si Craig. Pinagbigyan naman sila ng mga kasama nila, hindi nagdalawang isip sina Wren at Cahil na lumabas muna. Habang si Dawin naman ay hindi na nila inintindi nu'ng lumabas din ito. Nag-aalala man na baka mag-abot ang tatlo sa labas ay hinayaan na lang sila ni Craig. "Congrats pala, natupad mo ang pangarap mong maging pulis," masiglang sabi ni Zyx. Hindi napigilang mapangiti ni Craig dahil sa magiliw na boses ni Zyx. Tila naramdaman niya na para bang bumalik sila sa dati nilang pagkakaibigan na hindi iniintindi kung ano na ang katayuan nila ngayon sa buhay. Naupo si Craig sa single couch, sinundan na rin siya ng upo ni Zyx sa katapat nitong couch. "Salamat. Sayang lang dahil napunta ko sa posisyon na 'to, hindi ko pa rin kayo nakikita," ani Craig. Agad na sumagot si Zyx, "Paano mo naman kami makikita kung hindi mo naman kami hinanap?" nasa tono ng boses niya ang pagkatampo sa kausap. Naalala ni Zyx 'yung panahon na umalis si Craig sa ampunan, nagpaalam man ito at nangako na magkikita pa rin sila ay hindi naman naging kasiguraduhan iyon para sa kanya dahil hindi ito nag-iwan ng address o numero manlang para matawagan at makumusta siya. Dahil doon, inisip na talaga niyang tuluyan na silang nakalimutan nito. "Nu'ng mag-college ako, binalikan ko kayo sa ampunan. Doon lang naman ang lugar na alam kong maari ko kayong makita, eh," sagot ni Craig, ipinahatid niya sa tono ng boses niya na sincere siya sa sinabi niya. Napaiwas ng tingin si Zyx, hindi niya gustong magkaroon ng ganitong pait sa usapan nilang dalawa, pero ang usapang ito ang nagbalik sa alaala niya ng mga panahong madalas hanapin ni Zeta si Craig noon pero hindi niya alam ang isasagot. Kung siya lang ang tatanungin, wala naman sa kanya kahit umalis ito noon, si Zeta lang naman a ng rason bakit naging ganito ang mga sinasabi niya ngayon. "Nagbabago ang tao, Craig. Hindi naman puwedeng habang buhay na lang kami sa ampunan. Kailangan din naming mamuhay sa labas nito kagaya ng ginawa mo." "Bakit hindi manlang kayo nag-iwan ng letter manlang para sa akin para alam ko kung saan ko kayo pupuntahan?" tanong ni Craig. Pinipilit pa rin niyang maintindihan siya ng kausap. Ibinaling na ni Zyx ang tingin niya sa kausap. "Nu'ng mga panahon na umalis kami ni Zeta sa ampunan, hindi rin namin alam kung saan kami pupunta. Kaya wala rin kaming naiwan na address," pag-amin nito. Napatango si Craig. "Kumusta siya?" Isang ngisi ang gumuhit sa labi ni Zyx. "Nang-aasar ka ba?" aniya. Tila nag-iba ang tono ng boses niya dahil alam ng binata kung sino ang kinukumusta ng kaibigan. Nainis siya sa tono ng tanong na ito na para bang hindi niya ipinagpauna kanina kung ano ang kalagay ni Zeta ngayon. Binasa ni Craig ang labi niya bago nagsalita, "Ang ibig kong sabihin, bago bumalik 'yung—" hindi niya na magawang ituloy ang sasabihin niya, napaiwas na lang din siya ng tingin dahil naalala niya na naman ang sinapit ng dalawang babaeng kababata niya. "Hindi ko inalagaan si Zeta para ikwento sa 'yo ang lagay niya kapag nagkita na tayo. Kung gusto mo talaga siyang kumustahin, siya dapat mismo ang harapin mo," diretsong sagot ni Zyx. "Paano ba ang gusto mong gawin ko? Pahirapan akong makita siya? Siya ang gusto mong makita ko pero ikaw din mismo ang nagtago sa kanya sa akin. Ang labo mo rin, eh!" ani Craig paglingon niyang muli sa kausap. "Iniingatan ko lang ang kapatid ko. Malay ko ba kung hindi na ikaw ang Craig na naging kasama namin sa ampunan noon. Sa estado palang nating dalawa, mahirap ka nang pagkatiwalaan." Tila nakaramdam ng insulto si Craig sa sinabing iyon ni Zyx. "Kung ganyan pala ang tingin mo, sana una pa lang hindi ka na nakipagkita sa akin ngayon," aniya. "Kung puwede lang, bakit hindi? Kaso... ginagawa ko ito para sa kapatid ko. Handa akong gawin ang lahat para sa kanya, kasi ako na lang ang meron siya at siya na lang ang meron ako." Nawala bigla ang inis na nararamdaman ni Craig nang marinig ang mga salitang iyon. Kahit hindi pa niya nakikita ang lagay ni Zeta at kahit hindi sinagot ni Zyx ang tanong niya ng pangungumusta sa dalaga, nababasa naman niya sa mga sinasabi ng kausap na maayos ito at walang ibang dapat ipag-alala bukod sa pagbalik ng trauma nito. Masaya na siyang marinig na sa ilang taon nilang nagkawalay, na-enjoy niya naman ang naging buhay niya mula nang makapagsalita siya muli noon. "Kailan ko ba puwedeng makita si Zeta?" tanong ni Craig. Diretso ang naging tingin ni Zyx sa kanya. Si Zeta ang rason bakit siya nakipagkita sa dati nilang kaibigan, pero ngayong mismong ang binata na ang nagtatanong tungkol sa kapatid niya ay hindi niya maiwasang hindi kabahan na maaring mangyari. "Kailangan muna nating magkasundo sa maraming bagay, alam mo naman kung gaano kahalaga sa akin si Zeta. Kahit ako pa ang lumapit sa 'yo, hindi ko siya ganoon kadaling ipapakita sa 'yo," amin ng binata. Isang ngisi ang gumuhit sa labi ng kausap niya. "Sabi ko na, eh. Hindi ka pa rin nagbabago." Bahagyang umangat ang ulo niya bago muling nagsalita, "Sige, ano bang kasunduan ang gusto mo?" Napalunok si Zyx bago nagsalita. "Kung anomang balak mo sa amin ngayong nakita mo ang mga magnanakaw na pumasok sa unit ni Karl, gusto kong huwag mong idadamay si Zeta at ang dalawang kaibigan namin. Ako lang ang may gustong lumantad sa 'yo, hindi lang nila matiis na mag-isa lang akong haharap sa 'yo kaya nandito rin sila," paliwanag niya. Sandaling nablangko si Craig, para bang nakaramdam siya ng inggit naging ganoon kalalim ang pagsasama nina Zyx at ng mga kaibigan niya ngayon. Tila ba nagsisi siya na umalis siya at iniwan ang mga kaibigan niya sa ampunan. "Paano mo nasisigurong papayag ako sa gusto mo?" tanong ni Craig. Naningkit ang mata ni Zyx dahil doon, napag-isipan na niya ang isasagot kapag ganito ang ibinato sa kanya ng kausap. "Bibigyan kita ng mga impormasyong alam ko tungkol sa sindikato ni Karl Christian de Guzman, kapalit ng kalayaan nilang tatlo,"matapang na saad ni Zyx. Walang ideya si Zyx kung may alam ba si Craig na miyembro ng sindikato ang taong nanakawan nila, pero gusto niyang gamitin ang mga nalalaman niya para madiin ang lalaking iyon. Napakalaki ng kasalanan ni Karl sa grupo ni Zyx, kung may kakayahan lang ang grupo ay balak nila itong gantihan, pero dahil mga magnanakaw lang sila at sindikato ang makakalaban nila, mas pinili na lang ng grupo na mamuhay ng tahimik at ligtas. Naningkit ang mata ni Craig nang marinig ang tungkol sa alok sa kanya ng kausap. Hindi naman siya nagulat na may alam ito sa pagkatao ng lalaking iyon dahil nga sa ninakawan na nila ito. Pero ang hindi sigurado ng binata ay kung dapat ba niyang bigyan ng interes ang sinasabi nito. "Pasensya na, Zyx. Pero hindi dahil pulis ako ay interesado na ako sa impormasyon galing sa kagaya mo. Hawak ko ang kaso ninyo bilang magnanakaw na pumuslit sa vault ni Karl. Ibig sabihin, biktima ang tingin ko sa kanya at hindi gaya ng iniisip mo," aniya. Mahigpit ang bilin ng CO ni Craig na hindi niya kailanman dapat pakialaman ang tungkol sa buhay ni de Guzman, alam niyang hindi niya rin naman magagamit ang mga impormasyong iyon kahit lahat pa ng tungkol sa sindikato ay alam ni Zyx. Hindi niya gustong tumanggi dahil magandang alok iyon at puwede niyang gawing star witness ang grupo para sa kaso, ang problema lang, hindi niya iyon magagawang ilaban ngayon. "Sinasabi mo ba 'yan dahil natatakot kang harapin ang gaya niya? O may kinalaman ka sa mga anumalyang ginagawa niya?" nagdududang tanong ni Zyx. Agad na kumunot ang noo ng binata, tila ipinapahiwatig ng kausap niya sa pananalita nito kung gaano karami o kalalim ang impormasyong alam niya sa sindikato ng Fallen Angel. "Kilala mo ako. At alam mo kung ano sagot sa tanong mo," aniya, tila prente pa itong sumagot na parang kampante siyang agad siyang paniniwalaan ng kausap niya. Napalitan ang kunot ng noo niya ng isang ngisi nang muli siyang magsalita. "Hindi ba dapat ako ang magduda sa 'yo?" Ngayon, si Zyx naman ang nagpakita ng kunot ng noo sa kanya. "Anong ibig mong sabihin?" Nanatili ang ngisi sa labi ni Craig. "Sa tingin ko sa 'yo, madami kang alam tungkol kay Karl. Bakit? Dahil ba kailangan n'yo 'yan nu'ng panahong nanakawan n'yo siya? O dahil kasali ka sa sindikatong iyon bago mo siya naisipang nakawan?" tanong niya. Napalunok na lang si Zyx nang ibato sa kanya ang tanong na iyon, halata ng binata na gumaganti ang kausap niya sa paghuli kung ano ang koneksyon niya sa sindikato. Pero sa huli, isa lang ang tingin niyang tama—hindi kasali si Craig sa sindikatong iyon kaya malinaw na may ibang rason kung bakit nito tinatanggihan ang alok niyang impormasyon kapalit ng kasiguraduhang kalayaan ng mga kasama niya. "Ang tanging gusto ko lang ay magkasundo tayo sa mga bagay na gusto natin parehong mangyari. Kahit magnanakaw kami, hinding-hindi kami papatay ng tao para lang makakulimbat ng pera. Malayong-malayo kami sa mga demonyong gaya nila," ani Zyx. Hindi nakatakas sa tingin ni Craig ang pagkuyom ng kamao ng binata, sa puntong iyon ay para bang alam na niya kung saang bagay silang magkakasundong dalawa. Umangat ang tingin niya kay Zyx. "Tama ka, isa siyang demonyo na dapat balatan ng buhay. Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga atraso sa akin ng lalaking iyon," ani Craig. "Pinatay niya si Mirabel. At dahil sa pagkamatay ng isang kaibigan natin, bumalik ang truma ni Zeta. Hinding-hindi ko mapapatawad ang lalaking iyon sa ginawa niya sa grupo namin, kasalanan niya rin bakit kami naipit ngayon!" Nasa mukha ni Zyx ang galit sa taong tinutukoy niya. At hindi maitatanggi ni Craig na may galit din siya sa lalaking iyon. Hindi pa rin natatanggap ni Craig na nakalusot sa kaso si de Guzman hinggil sa ginawa nito sa kababata niya. Masakit din para sa kanya na hindi niya magawang makakilos ng malaya dahil nakatali siya sa batas. Isa siyang pulis, pero parang siya pa ang nakatali ang mga kamay kumpara kay Karl Christian de Guzman na isang miyembro ng sindikato. "Kung may isang bagay tayong pagkakasunduan, iyon ay ang tapusin ang taong iyon. At magagawa lang nating tapusin ang gaya niya kung kasama niyang guguho ang sindikatong kinabibilangan niya at ang mga sumusuporta sa kanilang alagad din ng batas," ani Craig. Tila hindi na niya napigilan ang sarili na makapagsalita ng hinanakit niya gaya ni Zyx. Seryosong tumingin kay Craig ang kausap niya na para bang naiintindihan na niya kung saan pupunta ang usapan. "Kung ganoon, hindi impormasyon ang kailangan mo. Pareho lang pala tayo ng gustong mangyari, pinahirapan pa natin ang isa't isa," aniya. Napayuko si Craig, tila nag-isip kung tama bang ipaalam niya kay Zyx ang mga bagay na iniisip niya na mula pa nang araw na hawakan niya ang kaso nilang pagnanakaw kay Karl. "Tama ka. Pero hindi ganoon kadali ang pabagsakin ang sindikatong gaya niya, lalo pa't wala ako sa posisyong gawin iyon," ani Craig pag-angat ng tingin niya. Ngumisi si Zyx. "Pero gusto mo pa rin, 'diba?" Hindi kaagad nakasagot si Craig. Hindi na niya alam ngayon kung tama pa bang ganito ang pinag-uusapan nila gayong ang dahilan naman bakit sila nagkita ngayon ay tungkol kay Zeta. Ang hindi alam ng binata, ginagamitan na siya ni Zyx ng pagmamanipula. Totoo na gusto ni Zyx na magkita silang muli ni Craig para kay Zeta, dahil naniniwala siyang ang lalaking iyon lang ang tanging pag-asa niya para mapagsalita at mabalik muli sa normal ang kapatid niya. Pero hindi iyon ganoon kadali, hindi sapat na rason ang pagkakaibigang meron sila para makuha niya ng ganoong kadali ang kailangan niya kay Craig. Hindi niya talaga maaring isugal ang kaligtasan ng grupo lalo na ni Zeta, kaya kailangan niyang galingan sa mga sasabihin niya ngayon, dito nakasalalay ang lahat. Kaya kasama sa preparasyong ginawa ng grupo ay umisip ng mga stratehiyang maaring magpalito kay Craig sa kaso nila, gusto niyang isipin nito na imbes na ikulong ang gaya nilang magnanakaw, mas mainam na pakinabangan ang mga nalalaman nila tungkol sa sindikato. Ang unang bahagi ng plano ni Zyx ay gaya ng pag-alok niya ng impormasyon. At dahil hindi iyon tinanggap ni Craig, nandito na siya sa pangalawang plano: Ang kumbinsihin itong magtulungan silang pabagsakin ang Fallen Angel. Ayaw sanang makisali ni Zyx sa kalokohang pabagsakin ang sindikato dahil alam niyang kabaliwan iyon, ano ba ang magagawa ng isang grupo ng magnanakaw gaya nila kumpara sa malaking grupo na walang kaluluwa kung pumatay? Pero kailangan nilang sumugal, isang taon na rin naman silang nagtatago... hindi magiging payapa ang buhay nila kung hindi nila haharapin ang totoong pagsubok na dumating sa kanila ngayon. "Kahit sabihin kong gusto ko, wala akong magagawa dahil wala nang kaso si de Guzman—" "Anong sabi mo?!" gulat na tanong ni Zyx. Wala siyang kaalam-alam na matagal nang sarado ang kaso ni Karl at nagawa nitong manalo sa kinasangkutan niyang kaso. Napaiwas ng tingin si Craig, tila hiyang-hiya sa kausap dahil sa tono ng boses nito ay parang hinayaan niyang mangyari iyon. "Hindi mo maiintindihan kahit ipaliwanag ko, dahil ako mismo, hindi ko alam kung paanong nakalusot siya sa kasong malinaw naman na sangkot siya," ani Craig. "Paanong nangyaring wala kang alam? 'Diba nandoon ka na nu'ng napatay si Mirabel at alam mong si Karl lang ang taong nandoon na may dalang baril bago dumating ang mga kasamahan niya? Kaya paanong—" "Hindi ibinigay sa akin ang kaso niya dahil kasalukuyan ko pa raw hawak ang kaso ninyo. Nawalan sa akin ng tiwala ang Hepe namin dahil hindi ko kayo mahuli-huli. Kaya wala akong malinaw na ideya sa naging takbo ng kaso niya sa husgado. Nabalitaan ko na lang, tapos na ito," paliwanag ni Craig. Naikuyom na lang niya ang kamao dahil sa nagiging takbo ng usapan nila. Hindi inasahan ni Zyx na ganoong balita ang maririnig niya. Dahil buong akala niya, kaya nananatili silang ligtas sa loob ng isang taon ay dahil nakulong si Karl. Galit man ang binata, tila gumapang pa rin ang takot at pangamba niya na maaring naghihintay lang ang taong iyon ng pagkakataon na mapatay sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD