Chapter 21

2720 Words
CHAPTER 21 "Kristel, salamat talaga sa gagawin mo para sa amin, ha. Malaking tulong na may magbantay kay Zeta habang wala kami, salamat talaga." Walang humpay na pasasalamat ang ipinarating ni Zyx sa dalaga, dahil sa pagkakataong ito ay iyon lang ang maibibigay niya sa kausap. Hindi niya akalain na hindi lang pala buhay ni Wren ang mababago ni Kristel, hindi man niya sabihin ay ipinagpapasalamat talaga niya ng lubos ang pagdating niya sa buhay nila. Naging mas maginhawa na ngayon ang buhay nila dahil sa tulong niya. Isang ngiti ang isinukli ng dalaga kay Zyx saka ito sumagot, "Ayos lang, wala naman kaso sa akin kasi hindi naman siya alagain. Saka, ganoon naman talaga ang magkakaibigan, nagtutulungan," aniya. Hindi na siya sinagot ni Zyx, ngumiti na lang din siya rito. Bumaling ang tingin niya sa kapatid niya, nakatayo lang ang dalaga sa gilid ng gate at gaya ng nakasanayan na niyang gawin ay nakatulala pa rin siya sa kung saan. Ganoon pa man, tila nasa mukha niya ang pag-aalala na para bang alam niya kung saan pupunta ang mga kaibigan niya. Naramdaman naman ng lungkot si Zyx habang naiisip kung ano ang maaring tumatakbo sa isip ng kapatid niya ngayon, maaring mahirap ang posisyon niya na gusto man niyang pigilan ang mga kaibigan na sumuong sa panganib ay wala siyang magawa dahil sa kondisyon niya. Hinawakan ni Zyx ang kamy niya. "Huwag ka masyado maglalakad-lakad, ha. Pero huwag kang mag-alala, may makakasama ka naman, eh," aniya saka ngumiti ulit kay Kristel. Hindi na nagtagal ang tatlo, sa huling pagkakataon ay nagpaalam na sila kay Zeta at Kristel tapos ay sumakay na sila sa sasakyan. Si Cahil ang nagmamaneho, nasa passenger's seat naman nakaupo si Wren at si Zyx ang nasa back seat. Nang makalampas ang kotse sa bahay nila ay pinanood pa ni Zyx si Kristel habang inaalalayan ang kapatid niya sa pagpasok sa bahay. Kampante naman siyang iwan ang kapatid niya sa dalaga dahil kahit bago palang nilang nakakasama ito ay alam na niyang mabait at maaasahan naman itong tao. Tiwala siyang hindi nito pababayaan si Zeta. Napansin ni Wren ang pagpipilit ni Zyx na matanaw sina Zeta nang mawala na ito sa paningin niya. Alam niya kung gaanong nag-alala ang kaibigan niya para sa dalaga dahil ito ang unang beses na aalis sila ng bahay iiwan nila ito ng mag-isa kasama ang ibang tao. Pero gaya ni Zyx, may tiwala rin naman siyang magiging maayos lang ang kanilang kinakapatid na kasama si Kristel. "Zyx, siguraduhin mo lang na si Zeta ang sinisipat mo riyan, ha. Isang pagkakamali lang ng sipat tutusukin ko mata mo," biro na lang ni Wren sa kaibigan. Agad na inalis ni Zyx ang tingin mula sa likuran nang lumiko na ang kotse nila at nasa highway na sila ngayon. "Sira, wala 'kong interes sa babaeng 'yon, iyong-iyo na," sagot niya. Ngumisi ang kausap niya. "Dapat lang, pare," aniya saka tumingin na rin sa harapan. Sarado ang dalawang shop dahil may importanteng lakad ang grupo. Ito na ang araw na pinakahihintay ni Zyx... ang makausap at makaharap si Craig. Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nilang tatlo, pare-pareho silang nag-iisip kung ano ang kahahantungan ng pag-uusap na ito. Pero ang tanging hiling lang nila, makuha nila ang gusto nila at huwag mauwi sa bagay na kinakatakot nila. Nang makausap ni Wren si Kristel isang linggo na ang nakakalipas, hindi nagdalawang isip ang binata na buksan ulit sa grupo ang usapin tungkol sa gusto ni Zyx na makipagkita kay Craig para makausap at humingi ng pabor na subukang kausapin si Zeta para subukan kung mapapabilis ba nito ang paggaling niya. "Pare, ayoko rin naman talagang makipagkita sa taong 'yon, alam kong puwede talagang masayang lahat ng pinaghirapan natin dahil kapag lumantad tayo siguradong makukulong tayo. Kaya lang, hindi ko na talaga kayang tiisin na malaya nga tayo, parang hindi naman tayo masaya kasi nagkaganyan si Zeta. Hindi mo ba 'yun nararamdaman?" ani Wren. Tutol pa rin si Cahil nang pag-usapan ulit nila ang tungkol kay Craig. Wala na siyang pakialam kung ang tingin sa kanya ng dalawa niyang kasama ay makasarili o parang walang pakialam sa nangyari kay Zeta, pero gusto niyang linawin sa mga kasama niya na para rin sa ikabubuti ng lahat ang pagtutol niya. Pilit ding kinumbinsi ni Zyx si Cahil. "Kung ayaw mong lumantad para kay Zeta, hayaan mo na lang akong kaming dalawa na lang ng kapatid ko ang magpakita kay Craig. Siguro naman hindi ko na—" "Tama na. Sige na, payag na 'ko. Sama-sama na tayong haharap sa pulis na 'yon, kung 'yan ang gusto n'yo. Pero, kung ano man ang masamang mangyari... sisiguruhin kong kayong dalawa ang mananagot," ani Cahil. Iyon ang salitang hindi makakalimutan nina Zyx at Wren. Naintindihan nila kung ano ang gustong ipahiwating ng kaibigan nila sa banta niyang iyon, pero sa huli, alam din nilang hindi rin talaga nito matitiis ang gusto nila. Lalo pa ngayon na wala na siyang kakampi. Pinag-usapan nilang tatlo kung paano sila haharap kay Craig. Una nilang ginawa ay sila ang namili ng lugar—sa dati nilang hideout. Dito rin nila balak dalhin si Zeta kapag pumayag si Craig na magkita ulit sila ng dalaga. Kailangan nilang mag-ingat na hindi mahalata ng pulis na iyon na may iba silang bahay, paraan nila ito para may pag-asa pang makatakas sila kung sakaling magkaroon man ng gipitan. Mabuti na lang talaga at hindi nila naisipang ibenta ang dati nilang lugar kahit lumipat na sila. Si Cahil ang nakaisip na maari pa nila itong magamit sa hinaharap kung sakaling magkaroon man ng gipitan. At sa tingin nilang tatlo, ito na ang araw na iyon. Dahil isang taon na nilang naiwan ang hideout, inayos at niligpit muna nila ito at pinagmukhang dito pa rin talaga sila nakatira. Kailangan nilang ipakita sa pulis na iyon na ganito sila katiwala sa kanya na matutulungan sila nito. Paraan din nila ito para makumbinsi si Craig na ang tanging gusto lang nila ay mapagaling si Zeta. Nang maihanda nila ang lugar, dito na nila sinubukang tawagan si Craig para sabihing gusto nila itong makausap. Siyempre, para sa kaligtasan at dobleng pag-iingat na rin, sa hideout na sila tumawag. Samantala, nang tumawag sila kay Craig ay kasalukuyan namang abala ang binata sa plano niyang sikretong bantayan pa rin si Karl. Halata naman kasi ang mga ginawa nitong anumalya para hindi siya makulong at matakasan ang mga pangyayari. Isa pa sa binabantayan ng binata ay ang kilos ng kanyang CO. May kutob siyang may kung ano rin itong tinatago sa kanila. "Hindi pa rin ako makapaniwala na sila mismo ang nag-contact sa 'yo para makipagkita. Nasa kalayaan na sila, anong nakapagpabago sa isip nila na sumuko?" tanong ni Dawin sa kaibigan. Kunot noong tumingin sa kanya si Craig. "Wala silang sinabi na gusto nilang sumuko, ang gusto lang nilang mangyari ay ang makausap ako. Nagpakilala lang ang tumawag na siya si Zyx na kababata ko," aniya. "Pupunta ka ba?" diretsong tanong ng kausap niya. Hindi nawawala ang kunot sa kanyang noo, nakatitig ito sa numero ng tumawag sa kanya habang nakaupo na naman sa harap ng monitor niya rito sa kanyang opisina. "Hindi natin malalaman ang pakay natin kung hindi natin sila pupuntahan." Tapos ay bumaling muli ang tingin niya kay Dawin. "At siyempre, kasama ka," aniya. Ilang araw pagkatapos ng pag-contact ni Zyx kay Craig, dumating na nga ang araw na ito na magkikita na sila. Dahil handa naman na ang lugar, ang kailangan na lang gawin nina Zyx ay pumunta ng mas maaga sa oras na pinag-usapan nila. Dahil sa pag-iingat nila, kahit ilang araw na ang nakalipas nang pag-uusap ng dalawang panig, kaninang umaga lang sinabi ni Zyx kay Craig kung ano ang address ng hideout. Ang hindi nila inaasahan, pagdating nila sa lugar, isang kotse na ang nakaparada sa harap ng kanilang hideout. Napalunok na lang si Cahil dahil pareho sila ng inisip ng pulis na iyon—ang kumilos ng maaga para mahuli kung ano itinatago ng kalaban. "Buti na lang talaga at naihanda natin ng maaga 'yung lugar, wala na silang makikita riyan kahit anong hagilap nila," komento ni Wren nang huminto sila sa likod ng kotseng nakaparada sa harap ng hideout. Hindi na umimik ang dalawa, halata sa kanilang reaksyon ang kaba na haharap sila ngayon sa panganib. Habang si Wren, parang wala lang sa kanya ang nangyayari. Siya ang unang naglakad at naunang pumasok sa loob ng hideout, buong tapang niyang hinarap ang dalawang binata na ngayon ay abala na sa paglilibot sa loob ng lugar. "May dala ba kayong search warrant para maglakas ng loob na libutin ang teritoryo namin?" ani Wren. Nagkatinginan na lang sina Cahil at Zyx na nasa likuran niya. Dahil sa pagdating nila, inihinto na nila Craig at Dawin ang pagkatikot sa mga gamit na nakikita nila sa paligid. "Saan kayo galing?" kaswal na tanong ni Craig sa grupo nang pumasok sila sa hideout. Bago sumagot, prente munang naupo ang grupo sa couch at saka hinarap ang dalawang pulis na nakatayo pa rin hanggang ngayon. Si Zyx ang sumagot, "Hindi ganitong oras ang pinag-usapan natin at hindi rin kasama sa usapan na pasukin ninyo ang hideout namin nang walang permiso," reklamo niya. Nakaupo siya sa gitna ng dalawa niyang kasama. Seryosong tumingin si Craig sa kanya. "Wala ka naman nang magagawa dahil nangyari na. Ang tanong ko ang sagutin ninyo, saan kayo galing?" may diin sa tono ng boses niya. Naglabas naman ng isang papel si Dawin. "Kung search warrant ang hinahanap ninyo..." Inilapag niya iyon sa lamesa na kaharap nilang tatlo. "hindi ko lang nailapag agad kasi baka liparin," dagdag pa niya. Tiningnan muna ni Cahil ang nakalapag na papel, pero wala ni isa sa kanila ang sumubok na hawakan iyon. Nang ibaling ng binata ang tingin niya sa dalawang pulis ay sinabi niyang, "Sa ginawa ninyo, pinatunayan n'yo talagang hindi kayo tao kausap. Akala pa naman namin, malinaw sa inyo na tayong lima lang ang dapat mag-uusap ngayon," aniya. Halata sa tono ng boses niya ang irita nito sa kausap. Ngumisi si Craig, pero halata sa ngising iyon na inis na rin siya. "Lalaki akong kausap, wala kaming ibang kasama nang magpunta kami rito. Wala ngang nakakaalam na makikipagkita kami sa inyo," lalong naging halata ang inis niya dahil sa pagsasalita niya. Halata sa mukha ng tatlo na hindi sila kumbinsido sa sinabi ng pulis na kausap nila. Pero hindi sila nagpakita ng kaba dahil sa posibilidad na maaring napapaligiran na sila ng mga ibang pulis ngayon. Kailangan pa rin nilang ituloy ang pakikipag-usap nila sa mandayarang pulis para sa kaibigan nila. "Uulitin ko ulit ang tanong ko sa inyo, saan kayo galing?!" ani Craig. Hindi nagbabago ang ekspresyon ni Zyx, seryoso pa rin ito nang tumingin siyang muli sa kababata niya. "Itinago namin si Zeta, bilang pag-iingat—" "Pare, hindi mo kailangang sabihin sa kanya 'yon!" putol ni Wren sa sinasabi niya, nakaupo ito sa kaliwa niya. Ang sinabi niya ay parte lang din ng palabas nila. Kumunot ang noo ni Zyx nang harapin niya ang kaibigan niyang nagsalita. "Wren, sabihin ko man iyon o hindi, aalamin din naman niya kung nasaan si Zeta." Tapos ay bumaling na ang tingin niya kay Craig para ituloy ang sinasabi niya. "Saka para malaman ng lalaking ito kung sino ang taong inisahan niya ngayon," aniya. "Huwag mo akong simulan, Sergio. Wala akong ideya na kayo ang mga nakasama ko sa ampunan! Nu'ng makumpirma kong kilala ko kayo, hindi ko na kayo mahagilap," ani Craig. Medyo naging malambot na ang tono ng boses niya. Nakarinig ng tawa ang apat na binata mula kay Wren. Nang mapansin niyang nakatingin sa kanya ang lahat tinakpan niya nag bibig niya at sinabing, "Pasensya na, kapag naririnig ko kasi ang totoong pangalan mo natatawa ko, eh. Pogi yarn?" biro niya pagtingin kay Zyx. Umikot ang mata ni Zyx nang ibalik niya ang tingin niya kay Craig. "Magulo ang naging pagkikita natin, natural lang na magtago kami dahil hindi mo ako nakilala. Kaligtasan lang namin ang iniisip namin kaya kami nagtago," katwiran niya. "Hindi ko kayo masisisi kung nagtago kayo sa batas. Maswerte lang talaga kayo dahil nagawa n'yo pang makatakas," sabi naman ni Dawin. "Isang taon na ang nakakalipas mula nang mamatay si Mirabel. Mula noon, sinubukan ko kayong hanapin. At masasabi kong magaling talaga kayong magtago dahil hindi ko kayo nahanap. Sa tingin ko nga, kung hindi kayo ang kusang lumantad, maaring hindi ko na talaga kayo nakita. Kaya ano ba talagang rason bakit bigla kayong lumantad?" ani Craig. Ngumisi siya bago itinuloy ang sinasabi, "Huwag n'yong sabihing sawa na kayong mamuhay nang malaya kaya gusto n'yo nang sumuko na lang bigla?" tanong niya. Napabuntong hininga si Zyx nang magtanong siya ng ganoon. Umiwas naman ng tingin si Wren dahil binitiwan na niya ang iniisip niyang patulan ang kasama ni Craig. Habang si Cahil naman ay hindi inaalis ang tingin sa dalawang pulis na nakatayo pa rin hanggang ngayon. "Craig, bumalik ang trauma ni Zeta," iyon lang ang tanging narinig ng binata na sinabi ni Zyx, pero halos mawala siya sa sarili nang marinig iyon. "Anong sabi mo?" tanong niya, mahina pero tama lang para marinig ng kausap. "Nakita niya kung paano binaril ni Karl si Mirabel. Mula noon, hindi na ulit siya nagsalita at nakatulala na lang siya palagi." Napayuko si Zyx nang ikwento niya iyon sa dati niyang kaibigan, tila bumaolik sa alaala niya ang mga panahon na bata pa lang sila. Pinigilan niya ang sarili niyang maluha sa harap ng kausap. Muli siyang nagsalita, "Hindi ko na alam ang gagawin ko, eh. Ikaw lang ang taong kilala ko na maaring makatulong sa kapatid ko. Wala akong pakialam kung hindi mo na kilalanin 'yung samahan nating dalawa, pero si Zeta, sana subukan mo siyang kausapin na para bang hindi ka pulis at hindi siya isang kriminal sa paningin mo. Ikaw na lang ang pag-asa ko para maibalik siya sa dati," dagdag ni Zyx. Tila nagkaroon ng linaw sa isip ni Craig kung bakit sinabi nito kanina na itingo nila si Zeta, iyon pala ay may kondisyon na ito na dapat ngang pag-ingatan. Sa ilang araw na pag-iisip niya sa maaring rason ng grupo bakit bigla itong lumantad at ginustong makipag-usap sa kanya, ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya na ito ang rason. Hindi kaagad nakasagot si Craig, tila bumalik muna ng paunti-unti sa alaala niya ang itsura ni Zeta nang bata pa ito. Halos madurog ang puso ng binata nang paulit-ulit niyang narinig sa loob ng ulo niya ang kondisyon ng dalaga. Sa buong buhay niya, matagal niyang inasam na makita muli ang kababata niyang iyon, pero kahit kailan... hindi niya inakalang ganito pa pala ang mangyayari bago sila muling magkita. Samantala, naningkit naman ang mata ni Dawin nang matitigan niya ang kaibigan niya. Kitang-kita niya ang pagbabago ng ekspresyon nito. Agad siyang nabahala na baka gumagawa lang ng kwento ang grupo dahil alam nila ang naging pagkakaibigan ni Craig at ng babaeng si Zeta. Kaya ano man ang mangyari, nagdesisyon ang binata na hindi niya hahayaan si Craig na kumilos ito nang hindi ayon sa ugali niya bilang isang pulis. Bumaling ang tingin ni Dawin kay Zyx. "Anong ibig mong sabihin na huwag isipin ni Craig ang tungkol sa katotohanang kriminal kayo at pulis siya? Umaasa ka bang palalampasin ng kasama ko ang kasalanan ninyo sa batas dahil sa drama ninyo?" aniya. Agad na sumama ang tingin ng tatlong magkakaibigan sa kanya. Alam naman nilang hindi magiging madali ang pag-uusap na ito, pero sa tono ng boses ng nagsalita ay halata nilang parang may balak pa itong sirain ang plano nila kay Craig. "Puwede ba, wala kang alam sa pinagdadaanan ni Zeta. Kung ituturing ni Craig na kriminal ang kapatid ko kapag nakaharap niya ito, hindi rin siya makikilala ni Zeta kahit pa magharap sila. At kapag nangyari iyon, balewala lang ang lahat. Huwag ka na lang magsalita kung wala ka rin namang sasabihing maganda," sagot ni Zyx. "Anong sabi—" "Pare, ibalato mo na 'to sa akin," pigil ni Craig kay Dawin. Wala na lang nagawa ang binata kundi magtiwala sa balak ng kaibigan niya. Muling hinarap ni Craig si Zyx. "Kung si Zeta ang rason bakit gusto n'yo akong makausap, bakit sinabi n'yo kaninang inilayo n'yo siya rito?" aniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD