Chapter 35

2717 Words
CHAPTER 35 "Congrats, nahuli mo ulit si de Guzman," ani Sir Ocampo. Nakaupo ito sa swivel chair ng kanyang opisina, kaharap sina Craig at Dawin. Maaring natural lang ang tono ng boses niya, pero buhay na buhay ang tono ng boses niya para iparating sa kausap na totoong nagdidiwang siya sa bagay na nagawa ng mga tauhan niya. Inabot ni Craig ang kamay ng kanyang C.O. nang makipagkamay ito. Ngumiti siya ng tipid nang tanggapin niya iyon saka nagpasalamat. Pagbitiw nila ay lumipat ang kamay ng kanyang C.O. kay Dawin para ito naman ang kamayan at ginaya lang ng binata ang sinabi ng kasama niya. Sabay din silang naupo pagkatapos n'on. Masaya rin naman ang magkaibigan para sa bagay na nagawa nila ngayon lang, pero alam nilang hindi pa ito ang oras para tuluyan silang magdiwang. "Ngayong hawak mo na ang taong pinakamalaking lead mo sa kaso, siguro naman ay may mga plano ka ng nakahain sa kung ano ang susunod mong gagawin," sabi muli ni Sir Ocampo, seryoso pero malumanay ang kanyang boses. Tila hindi na siya makapaghintay sa susunod na magiging hakbang ng kausap. Inasahan na naman niyang magagawa talaga nito ang sinasabi niya, pero hindi niya maiwasang bumilib ngayong tuluyan na niya itong nagawa. Sa paniniwala niya, kakaiba talaga ang galing at talino ng pulis na kaharap niya. Hindi niya maitatanggi na isa na talaga si Craig sa pinakamagaling na pulis na nakilala niya. Masaya siya na nagawang patunayan ni Craig ang mga sinabi niya noon na gagawin niya laban kay de Guzman. Pero gaya ng dalawa ay hindi niya rin magawang magdiwang ng husto dahil nalagasan sila ng isang tao at isang silbilyan ang napuruhan pa. Ayaw na niyang banggitin na may kamalian si Craig doon, pero alam niyang alam na rin iyon ng binata. Halata naman niyang gaya niya ay hindi nito magawang magdiwang ng husto, alam niya kung gaano kahigpit at kadedikado si Craig sa trabaho. Ang pagkakamaling gaya noon ay parang isang sampal na rin para sa kanya. "Yes, Sir. Hindi ko na palalampasin pa ang pagkakataon na ito para masigurong mabubulok na sa kulungan ang de Guzman na iyon. At isasama ko pa ang buong sindikatong kinabibilangan niya," sagot ni Craig. Napalunok si Ocampo, hindi niya kayang tagalan ang marinig mula kay Craig ang mga ganoong kabigat na salita dahil sa pag-aalala sa kung ano pa ang puwedeng mangyari. Alam niyang hindi ganoon kadali ang mga kahaharapin nitong pagsubok, sa una pa nga lang ay nakita na nila kung gaano kahirap hulihin ang isang taong gaya ni de Guzman. Tiyak na mas malala pa r'on ang mga susunod pang mangyayari. "Dominguez, ipinapaalala ko lang sa 'yo na huwag kang masyadong magpapakampante dahil lang nasa kulungan ngayon ang taong iyon. Madaming koneksyon ang gaya niya, hindi mo alam kung ano pa ang kaya niyang gawin. Ingatan mo lang na mabaliktad ka niya," paalala ni Ocampo. Sa pagkakataong ito ay si Craig naman ang napalunok, alam niya ang sinasabi ng kanyang C.O. at pinaghandaan niya na rin naman iyon noon pa bago pa niya isagawa ang plano niya kay Karl. Pero ang nagbibigay kay Craig ng kaba ay hindi tungkol sa kaligtasan niya o kay Dawin, kundi para kay Zeta at sa mga kasama nito. Hindi niya maiwasang hindi mag-alala para sa grupong iyon, dahil alam niya na kung galit si Karl sa kanya dahil sa paghuli o pangingialam niya rito ay tiyak na mas malala ang galit nito para sa mga magnanakaw na muling naging daan para umabot na naman siya sa puntong nakulong siyang muli. Tiyak na ngayon pa lang ay nag-iisip na iyon ng paraan paano makakaganti sa kanila. "Sir, hindi ba natin puwedeng ilagay sa Witness Protection Program ang apat na magnanakaw na asset ko sa kasong ito? Tiyak na pati sila ay damay na rito, hindi natin sila puwedeng pabayaan dahil may parte pa sila na kailangang gampanan," giit ni Craig. "Puwede naman, alam ko rin naman ang mga ginawa nila para sa 'yo at para sa kaso. Lalo na 'yung lalaking nabaril," sagot ni Ocampo. Napalunok muli si Craig nang maalala ang lagay ni Wren. Hindi pa niya nabibisita ang binata, dinala agad ito sa Hospital nang mailabas siya sa Grocery Store pero hindi niya ito nagawang puntahan nang mismong pagkakataon na iyon dahil maraming bagay na inasikaso si Craig para sa kaso, lalo na sa mga naiwan nilang gulo pagkaraan ng nangyaring shoot-out sa loob ng tindahan. Pagkatapos mahuli si Karl, agad na pinuntahan ni Craig ang location at kinumusta ang mag-asawang Solis. Agad niya itong hiningian ng pasensya dahil sa naging perwisyong naidulot ng plano sa kanila maging sa kanilang tindahan. Swerte na lang sila na mabait ang mag-asawa at hindi ito humingi ng kahit anong kapalit dahil sa nangyari, masaya na raw sila na prinotektahan sila ni Dawin at nahuli ang kriminal na maaring kumitil pa sa kanilang buhay. Bukod pa roon ay nagsagawa pa si Craig ng karagdagang imbestigasyon sa paligid ng tindahan, gusto nilang tiyakin na walang ibang nadamay sa nangyari. Kinausap din ng binata ang kaanak ng isang pulis na namatay sa nangyaring shoot-out. Labis ang paghingi niya ng pasensya sa mga ito, mahirap man tanggapin ay wala na lang din silang nagawa kundi intindihin kung anong klaseng trabaho ang pinasok ng kanilang kaanak. Madaming bagay pa ang inasikaso ni Craig, dalawang araw ang naubos para maayos niya ang lahat bago siya nakaharap sa kanyang C.O. Tumango si Craig sa kanyang kausap. "Yes, Sir. Sa kanila galing ang halos lahat ng ebidensyang hawak ko laban kay Karl, tinitiyak ko sa inyong wala na siyang takas ngayon. Hindi niya na magagawang paglaruan ang batas gaya ng ginawa niya noon," paniniguro niya. Napayuko si Ocampo, isang bagay lang ang gusto niyang itanong ngayon sa kausap: "Anong balak mo sa grupo ng mga magnanakaw na 'yon pagkatapos ng kaso mo kay de Guzman?" Tila hindi agad nakasagot si Craig. Aminado siyang wala pa siyang plano tungkol sa bagay na iyon. Pero sa totoo lang, gusto niyang ma-abswelto na sa kaso ang grupo dahil nagawa naman nitong isauli ang perang ninakaw nila kay Karl. Isa pa, wala namang ibang demanda laban sa kanila tungkol sa mga dati nilang ninakaw. Ang tanging problema na lang ni Craig ngayon ay ang kasong isinampa ni Karl sa kanila, hangga't nakahain iyon ay wala siyang laban doon. Maliban na lang kung mailalaban nila sa korte na wala talaga silang kasalanan—bagay na sobrang labo na nilang magawa. "Ah, Sir... hindi ko pa kasi napag-iisipan ang sagot sa tanong na iyan. Gusto ko munang masiguro ang pagkakakulong ni Karl, saka ko haharapin ang tungkol diyan," ani Craig. Napabuntong hininga si Ocampo nang marinig niya ang sagot na iyon. Palaisipan sa kanya kung bakit ganoon ang naging sagot sa kanya ng isang pulis na nakilala niya bilang taong dedikado sa kanyang trabaho. Ang akala niya kasi ay madali lang nitong masasabi na ikukulong niya ito pagkaraan ng kaso. Pero ang sabihining 'pag-iisipan,' tila isang kakaibang bagay iyon para sa kanya. Tila ramdam ni Ocampo na may kung anong meron sa grupong iyon na nagbibigay kay Craig ng rason para huwag itong makulong. "Sige, kung 'yan ang desisyon mo, ikaw ang bahala. Basta huwag ka lang gagawa ng bagay na hindi ko nalalaman, maliwanag?" "Yes, Sir!" ani Craig, saka sumaludo sa kausap. Sinabayan naman siya ni Dawin. Tapos ay lumabas na sila sa opisina ng kanilang C.O. Habang naglalakad ang magkaibigan, hindi maiwasan ni Dawin na mapatingin kay Craig. Tila inaalala niya kung ano nga ba ang balak ng kaibigan niya as grupo ng magnanakaw na kasama nila ngayon. Kumpara kay Ocampo, alam ni Dawin kung ano ang koneksyon ni Dawin sa mga ito. At kahit hindi sabihin ng kaibigan niya ay alam niyang may posibilidad na hindi na niya ito ipakulong. Sa sagot pa lang nito kanina ay parang pansin na niyang may binabalak itong kakaiba. Hindi naman tutol si Dawin kung sakaling balakin man ni Craig na huwag nang ipakulong ang grupo, pero ang inaalala niya lang ay kung ano ang magiging epekto ng gustong mangyari ng kaibigan niya. Hindi madaling gawin ang gusto nito lalo pa't ongoing pa ang kaso ng mga ito, malaya lang naman sila sa ngayon dahil sa kasunduan na magtutulungan silang mapabagsak ang Fallen Angel. Pero kapag nagawa na nila iyon, ano nang gagawin ni Craig? "Pare, nabisita mo na ba si Wren sa Hospital?" tanong bigla ni Craig sa kanya, patuloy lang silang naglalakad papunta sa opisina nilang dalawa. Nakatingin pa rin sa daan si Craig kahit kinakausap niya ang kaibigan niya, habang si Dawin naman ay laging may pasimpleng tingin sa kasama niya. Pero dahil sa pagtanong nito ay hindi na siya muli tumingin sa binata. "Hindi pa, Pare. Hinihintay kitang mag-aya para sabay tayo, nakakahiya magpunta mag-isa, eh," sagot ni Dawin. Pagak na natawa si Craig. "Bakit ka naman mahihiya? Kakilala mo naman na silang lahat?" tanong niya. Kahit natawa ang kausap, hindi nagawang matawa ni Dawin. "Kasi pakiramdam ko, kasalanan natin bakit siya naroon," aniya. Agad na nawala ang ngiti sa labi ni Craig. Halos nakalimutan na niya ang tungkol sa bagay na iyon, ramdam niya ang guilty ng kaibigan niya dahil tama naman talaga ito... bahagi man ng plano na sila ang dapat humarap doon dahil silang dalawa lang ang may kakayahanrg gumanap gaya ng ginawa nila ay isa pa ring dagok na may napahamak dahil sa ideyang iyon. Napahinto sa paglalakad si Craig. Naging dahilan din iyon para mapahinto na rin sa paglalakad si Dawin. Magkaharap ang magkaibigan at parehong seryoso ang tingin nila sa isa't isa, tila naghihintayan kung sino ang unang magsasalita. "Isang tao lang ang dapat sisihin sa mga nangyaring ito," ani Craig. *** "de Guzman, may bisita ka." Hindi na ito sumagot, kusa na lang itong naglakad palabas sa kanyang selda para sundan ang pulis na sumundo sa kanya. Habang naglalakad, blangko lang ang reaksyon ng mukha niya. Walang kahit na sinong nagtangkang tumingin o pumansin manlang sa kanya. Para bang lahat ng narito ay kilala nila ang isang Karl Christian de Guzman. Agad na kumunot ang noo ni Karl nang hindi siya dalhin ng pulis sa lugar kung saan naghihintay ang bisita, hindi siya pamilyar kung saan siya dadalhin ng pulis pero napangisi na lang siya dahil may ideya na siya kung sino ang bisita niya. Nang makita niya kung sino ang dalawang lalaking nakaupo sa interrogation room ay hindi na nawala ang ngisi sa mukha niya, tila gusto niyang ipamukha sa dalawang pulis na kay seryosong tingin sa kanya na masaya siyang sila ang unang bumisita sa kanya. Pag-upo niya, agad siyang nagsalita, "Hindi ako tumatanggap ng sorry, ha," aniya. Patuloy na nakangisi sa kanilang dalawa. Sumama ang tingin ni Craig sa kanya, tila ipinapakita nitong labag din sa loob niya ang puntahan dito ang kriminal na kumitil na naman ng isang buhay. "Huwag kang magpatawa, gusto ka lang naming makita na nakasuot ng orange na damit. At i-congrats dahil bagay pala talaga sa 'yo," sagot naman ni Dawin. Bumaling ang tingin ni Karl sa kanya, hindi pa rin naaalis ang ngisi sa kanyang mukha. "Gusto mo rin bang makapagsuot ng gaya nito?" tanong niya, malumanay ang kanyang boses. Pero halatang may pagbabanta ang tunog nito. "Ayoko nga, mas bagay sa akin ang blue. Sa 'yo lang bagay 'yan," sagot ni Dawin habang nakangiwi sa kausap. Hindi na siya sinagot ni Karl, bagkus ay bumaling na ang tingin nito kay Craig. "I-enjoy n'yo lang ang panalo n'yo ngayon, kasi sandali n'yo lang matatamasa 'yan. Pagbabayaran ninyo lahat ng ginawa ninyong ito sa akin!" pagbabanta niya, ramdam sa kanyang boses ang galit at gigil sa kausap. Seryoso pa rin ang tingin ni Craig sa kanya. "Akala ko, kapag nakita mo kami, may kaunting pag-asa akong makikita na pinagsisisihan mo ang mga ginawa mo. Akala ko, makakaramdam ako ng awa sa 'yo at baka sakaling babaan ko pa ang kaso mo. Pero sa inaasta mo, parang ikaw pa ang dapat naming katakutan. Ano bang magagawa mo pa kung sabihin ko sa 'yong sigurado na ang pagbagsak mo?" aniya, mahinahon ang kanyang boses. Pero bakas din ang kanyang galit at gigil sa kausap. Humalakhak si Karl, isang halakhak na akala mo ay si Craig na ang may pinaka nakakatawang sinabing biro sa buong mundo, tila isang malaking insulto ang tunog ng tawang iyon. "Ganyan ka talaga kakumpiyansa sa desisyong ginawa mo? Hindi mo pa ako kilala, Sir. Hindi mo alam kung ano ang maaring maging kapalit ng ginawa mo," aniya. "Magbanta ka lang hanggang gusto mo, kasi 'yan na lang ang magagawa mo. Huwag kang mag-alala, hindi ka naman masyadong maiinip dito. Dahil paglipas lang ng ilang linggo, magkakasama na kayo rito ng mga kasama mo sa bulok ninyong sindikato," ani Craig. Hindi na niya hinintay ang sagot ni Karl sa kanya, tumayo na siya at naglakad palabas ng Interrogation Room, tila ayaw na niyang marinig kung ano pa ang isasagot sa kanya ng kausap. "Masyado kang mabigat kung magsalita, Sir! Gawin mo muna, para hindi ka mapahiya!" habol na sagot ni Karl. Pero hindi na niya sigurado kung narinig pa ito ng pulis na kausap niya dahil mabilis itong naglaho sa paningin niya, bagay na nagbigay sa kanya ng matinding inis. *** Mula sa pag-alis ng dalawa sa Interrogation Room ay wala nang nagsalita sa kanila, tila pareho silang nawala sa mood dahil sa nakita nilang inasta ni Karl. Pareho silang nagsisisi na pinuntahan pa nila ang taong iyon sa halip na dumiretso na lang sila sa Hospital para bisitahin si Wren. Nahihiya sila na kasalanan nila kung ano ang nangyari sa binata, pero hindi rin naman tama kung hindi nila ito bibisitahin dahil kahit paano ay may pinagsamahan naman sila. Gusto rin nilang malaman kung ano na ang lagay nito. Nang araw na mangyari ang pagbaril kay Wren, nawala si Zyx sa linya dahil hindi niya nakayanan ang nangyari kay Wren. Maging si Cahil nang araw na iyon ay tila natulala na lang nang makitang nakahandusay ang kaibigan niya. Kaya hindi na rin nagtataka si Craig kung bakit bumalik ang trauma ni Zeta nang makita niya ang nangyari noon kay Mirabel—ganoon sila magmahal sa mga kaibigan nila. Tila napapaisip din si Craig kung ano na rin ang lagay ng tatlong iyon, ang tanging hiling lang ng binata ay sana hindi matulad kay Zeta ang dalawang binata dahil mas malaking problema ang kakaharapin nila kapag nangyari iyon. Pagdating nila sa Hospital ay itinanong muna nila sa nurse station ang room ni Wren, mabuti na lang at nakilala ng Nurse ang dalawa bilang pulis kaya binigay niya ang information tungkol sa pasyente. Nasa third floor ang kwarto ng binata, hindi naman na sila nag-aksaya ng oras at pinuntahan agad nila ang pakay nila. Bago pumasok sa loob ng kwarto ay kumatok muna ang magkaibigan sa pinto nito, pagkatapos ay pumasok din sila dahil bukas naman ang pinto. Gaya ng inaasahan nilang dalawa na aasahan nilang kasama ni Wren sa kwarto ay sina Zyx, Cahil, 'yung babaeng nag-alaga kay Zeta, at si Zeta. Laking pasasalamat ni Craig dahil kalmado na ngayon sina Zyx at Cahil, nakampante siyang makita ang dalawang iyon na normal at hindi natulad kay Zeta. Habang si Zeta naman ang pinaka malapit na nakaupo sa tabi ni Wren, gising na ang binata at nakangisi pa sa kanya. Naging rason naman iyon para mapangiti na ng tuluyan si Craig. Nakumpleto ang saya niya dahil nakita niyang maganda ang lagay ng bago niyang kaibigan. "Akala ko hindi n'yo na ako bibisitahin, eh," bati ni Wren, mahina lang ang kanyang boses, halatang masakit pa ang kanyang tama na kung mapapansin ay nasa bandang gilid ng tiyan. Hindi nawawala ang ngiti sa labi ni Craig, ganoon din si Dawin. Tila nabura ni Wren ang bad trip nilang dalawa dahil nakita nilang maayos na ito. Nagkatinginan pa silang dalawa bago sinagot ni Craig si Wren, "Pasensya na kung natagalan ang pagpunta namin dito, alam mo namang inasikaso muna namin ang mga naiwang trabaho. Siniguro ko ring nakakulong na talaga ang taong gumawa niyan sa 'yo." Bahagyang lumapit si Craig sa kanya bago itinuloy ang sinasabi niya, "Kumusta ka na? Maayos na ba—" Hindi na niya naituloy ang sinasabi niya dahil sa hindi niya inaasahang pangyayari... Si Zeta... lumingon si Zeta sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD