Chapter 34

2725 Words
CHAPTER 34 "Cahil! Anong lagay ninyo rito?" salubong na tanong ni Dawin nang makarating na siya sa pwesto ng counter. Nakikita niya ang lagay ni Wren, pero wala siyang ibang alam na dapat itanong sa dalawa niyang kaibigan kundi ang bagay na iyon, dahil kahit manlang doon ay marinig niya sa kausap na magiging ayos lang ang lahat. Naabutan niya si Wren na nakahiga, habang si Cahil naman ay nakaupo at nakaalalay sa kasama niya. Nakatago sila sa parte ng counter kung saan hindi sila tatamaan ng ligaw na bala kung sakali mang magkaroon muli ng shoout-out. Wala siyang sawa sa paghiling kanina na sana ay maayos ang lagay ng dalawang binata, pero ngayong nakikita na niya mismo ang lagay ng isang kaibigan niya... ang sunod naman niyang hinihiling ngayon ay sana hindi malala ang naging tama sa kanya. Tumingin si Cahil kay Dawin, tapos ay bumaling din ito agad kay Wren. "Hindi maayos..." aniya. Mula kanina, ngayon lang nito nagawang makapagsalita, tila hindi pa rin niya matanggap ang nangyari sa kaibigan. Para bang nakakita siya ng kaunting pag-asa na lumitaw sa harap niya ang binata. Hinawakan ni Dawin ang pulso ni Wren, kabado siyang pinakinggan ang pulso nito. Pero agad siyang napangiti dahil naradaman niya pa ang pulso nito. "Huwag kang mag-alala, hindi pa nababawasan ang grupo ninyo, tama lang 'yan. Kaya niya 'yan," aniya. Sinabi niya rin iyon para palakasin ang loob niya. Napabuntong hininga na lang si Cahil, ginawa niya ito para subukang pakalmahin na ang sarili dahil sa narinig. Naging alisto naman sa paligid si Dawin, ngayong natingnan na niya ang lagay ng kasamahan niyang may tama ay panibagong pagsubok na ang kailangan niyang harapin: paano sila lalabas nang ligtas. Hindi niya alam kung nananatili pa si Karl sa posisyon niya kanina, kaya ngayon ay kailangan niya munang kumpirmahing muli ang lokasyon nito. Hindi niya kasi ito nagawang masdan kanina dahil ang tanging laman lang ng isip niya ay ang malapitan ang dalawa niyang kaibigan. [Dawin! Kumusta ang lagay ni Wren?] ani Craig, nasa kabilang linya pa rin siya. Humawak si Dawin sa kanyang headset. "Medyo ayos, medyo hindi," sagot niya. [Huh?] naguguluhang tanong ng kausap. Bumaling ang tingin ng binata kay Wren. "May pulso pa siya, pero walang malay. Madami na ring dugo ang nasayang sa kanya. Kaya dapat siya agad na madala sa Hospital," paliwanag niya. [Kanina pa ako nagpatawag ng ambulansya, maya-maya lang ay nariyan na sila. Dawin, kailangan ninyong mailabas sa Grocery Store si Wren para madala na siya sa Hospital,] sagot naman ni Craig. Alam ni Dawin ang dapat gawin, pero ang hindi niya alam ay kung paano. Isang tao lang ang kalaban nila, pero hindi ganoon kadaling takasan ito dahil mautak si Karl. Ginagamit niyang advantage na puro shelf lang ang maaring taguan sa loob ng tindahan kaya mas nagiging maingat sila. Ibig sabihin, madali lang tatagos ang mga bala rito dahil hindi ganoon katigas ang mga shelf para maging taguan. Limitado rin ang pagtataguan dahil nga ito lang ang narito. Idagdag pa na marami sila kaya mas madali silang mahanap ni Karl, hindi gaya niya na kapag nalaman ang lokasyon niya ay madali na lang siyang makakalipat para lituhin ang kalaban. "Saan kami lalabas?" tanong ni Dawin, habang sinisipat ang paligid, sinusubukan niya pa ring hanapin si Karl. [Sa front door na, may mga pulis din doon kaya mako-cover din nila kayo,] ani Craig. "Nakikita mo ba si Karl?" Bago sumagot si Craig, sinilip niya muna ang bawat anggulo ng CCTV monitor na may access siya. Napakagat siya ng labi dahil hindi niya ito makita kahit saan. "Mag-iingat ka, Pare. Alam niya kung paano itago ang sarili niya," iyon na lang ang nasabi niya sa kaibigan. Buntong hininga na lang ang naisagot ni Dawin sa kanya. Tapos ay nag-check siya ng dala niyang magasin at bala, walang ibang hiling ang binata kundi ang sana ay umabot ang kanyang baon na panlaban. Bumaling ang tingin niya kay Cahil. "Kaya mo bang buhatin ang kasama mo palabas dito? May naghihintay nang ambulansya sa kanya sa labas," ani Dawin. Tumingin naman si Cahil sa kaibigan, mula pa kanina ay wala pa ring malay ang kaibigan niya at talagang nanginginig pa rin siya sa takot sa maari nitong sapitin. Alam niya kung ano ang sinapit ni Mirabel noon sa kamay ni Karl at alam niyang hindi marunong magbiro ang taong iyon. Hindi nito babalaking sugatan lang sila isa-isa, alam niyang balak talatga sila nitong patayin basta magkaroon lang ito ng pagkakataon gaya na lang ng nangyari ngayon. "Kakayanin ko, mailigtas ko lang si Wren," ani Cahil. Halata sa kanyang boses at nginig at takot sa kung ano pa ang puwedeng mangyari, pero pilit niyang pinapalakas ang loob niya dahil ayaw niyang mawalan ng isa pang kaibigan... sa pananaw niya ay hindi dapat sa ganitong paraan mawala ang isa sa pinaka importanteng tao sa buhay niya. Tumango si Dawin sa kanya. Tapos ay humawak ito sa kanyang headset. "Men, locate the target's area. Isa-isa lang ang gawin ninyong lapit sa kanya, magtipid kayo sa bala," utos niya. [Copy, Sir!] sagot naman nila. Ang tanging paraan lang na naiisip ni Dawin para maisahan si Karl ay hintaying maubusan ito ng bala, hindi siya papayag na malugi at maisahan sila gayong marami sila at iisa lang ang kalaban. Ang tanging nilamang lang ng kalaban sa kanila ay hindi ito nag-aalangang pumatay. [Men, I order you to shoot to kill!] "Craig!" agad na pigil ni Dawin sa kanya. "Ano bang sinasabi mo? Gusto mo na naman bang malagay tayo sa alanganin?! Kaso 'yan!" giit niya. [Dawin, kung hindi ito ang gagawin natin, puwede pang madagdagan ang taong mamamatay. Isa na sa mga tao natin ang napatay niya, tapos may tama pa si Wren. Kung hindi natin siya mapapatay, tayo ang papatayin niya!] paliwanag ng kaibigan. Napakamot ng ulo si Dawin. "Hindi natin puwedeng patayin ang iisang tao maari nating pagkuhanan ng impormasyon tungkol sa Fallen Angel. Akala ko ba gusto mong mapabagsak ang sindikatong iyon? Bakit padalos-dalos kang magdesisyon ngayon?" nasa tono na ng kanyang boses ang inis sa kausap. Napalunok si Craig, alam niya naman ang maaring maging kapalit ng order niya. Pero hindi niya mapigilang hindi maihalo ang personal niyang galit kay Karl sa trabaho, dahil hindi naman biro ang mamtayan ng kaibigan lalo na kung ito ay mula sa kamay ng taong parang walang kaluluwa. [Dawin, kahit mahuli natin ng buhay ang taong 'yan... tinitiyak ko sa 'yong wala rin tayong mapapalang impormasyon sa kanya. Ang mga ganyang klaseng tao ay hindi na dapat binubuhay, hindi na siya dapat pang magtagal sa mundo!] ani Craig, galit na rin ang tono ng kanyang boses. Napapikit si Dawin dahil sa inis, hindi niya sukat akalain na maririnig niya kay Craig ang ganoong salita. Nakilala niya ito na pawang trabaho lang ang iniintindi at ni minsan ay hindi nagtanim ng sama ng loob sa kriminal na kanilang gustong mahuli. Kahit pa gaano kahirap ang kaso at kahit gaano pa kabigat ang kasalanang nagawa nito ay hinding-hindi naging option para kay Craig noon ang patayin na lang ang suspek, dahil gusto ng binata na dumaan ito sa 'due process.' Pero ngayon, tila ibang Craig na ang kausap niya. "Pare, huwag mo naman sanang kalimutan kung ano ang totoong misyon natin dito. Kapag nawala si Karl, mawawalan tayo ng lead kung anong sindikato ang hinahanap natin. Kapag nawala si Karl, mawawalan din tayo ng rason bakit tayo nagpapakapagod dito. Isipin mo nga ang mga plano natin!" giit ni Dawin. Napaisip si Craig dahil sa mga sinabi ni Dawin, ang tanging naintindihan niya lang na punto ng kausap ay ang pagtatapos ng imbestigasyon. Gusto niyang patunayan sa batas lalo sa kanilang C.O. na ang taong hinahabol nila ngayon ay isang miyembro ng sindakato na dapat mapatumba. [Hindi mo ba naiisip kung ano pa ang kayang gawin ng taong 'yan kapag nabuhay pa 'yan? Alam ko ang punto mo, pero alamin mo rin sana ang punto ko! Puwedeng umusad ang kaso kahit mawala si Karl, puwede tayong magsimula muli ng pag-iimbestiga nang hindi siya ang hawak natin. Kasi tiyak naman na kapag nahuli natin 'yan, gagawa lang ulit 'yan ng lusot at tayo na naman ang mapapahiya!] "Kung iyon pala ang inaalala mo, sana una pa lang 'yan na ang inisip mo! Sinamahan kita sa misyong ito kasi nagtiwala akong alam mo ang ginagawa mo, ngayon aasta ka na para bang gusto mo na lang mabilisang paglabas sa problema? Bahala na kung ano ang mangyayari basta makalusot lang? Craig, ano bang nangyayari sa 'yo?!" sigaw ni Dawin. Hindi na niya mapigilan ang sarili na sigawan ang kausap dahil sa inis. Hindi iyon ang tunay na punto ni Craig, hindi niya lang maamin na kaya siya nagkakaganito ay dahil hindi niya na makayanan pa ang takot na baka hindi lang si Mirabel at si Wren ang maging biktima ni Karl, natatakot siya na baka may iba pa sa kanilang magkakaibigan ang sumunod. Kaya para maiwasan na iyon, gusto niyang tapusin na lang si Karl. [Hindi mo ako naiintindihan, Dawin,] iyon na lang ang naging sagot niya. Napabuntong hininga naman ang binata, hindi niya intensyong sigawan si Craig o magkaroon man sila ng pagtatalo. May kutob naman siya kung bakit nagkakaganito ang kaibigan, alam niya ang personal nitong galit kay Karl at ngayong may nabiktima na naman ito ay tumindi na ang galit ni Craig sa kanya. Pero ano pa man ang rason nito, hindi papayagan ni Dawin na kainin siya ng galit at makalimutan ang tunay nilang plano. Kailangan niyang mapalinaw muli ang isip ni Craig. "Ganito na nga ang nangyayari, nakuha n'yo pa talagang magtalo?" kunot noong tanong ni Cahil. Tila bumalik na ang isip niya sa kasalukuyan. Ngumisi si Dawin sa kanya. "Acting lang 'yon, para gisingin ka," aniya. Narinig ni Craig ang sinabing iyon ni Dawin, narinig din niya ang tanong ni Cahil sa kasama nito. Natauhan na rin siya na hindi nga naman tama na ito ang pag-usapan nila gayong may isang buhay ang nanganganib mawala kapag hindi ito agad naagapan. "Ugh..." isang mahinang ungol ang kanilang narinig. "Wren!" ani Cahil. Pero walang naging sagot mula kay Wren, tila nanghihina pa rin ito at parang nagkamalay lang. Hindi na inintindi ng magkaibigan kung hindi ito sumagot, masaya na sila na marinig na gising ito at lalo silang nabuhayan ng pag-asa na magiging ayos lang si Wren. "Pare, nagkakamalay na siya!" ani Dawin, sinabi niya ito kay Craig. Nabuhayan din ng loob si Craig dahil doon, lalo itong nagbigay ng rason sa kanya na ituloy ang misyon nila at mamaya na intindihin ang ibang bagay. Naghihintay lang ng tunay na order ang mga pulis, tila hindi nila magawang sundin sina Craig at Dawin dahil narinig nila ang pagtatalo ng dalawa. Pati sila ay naguluhan kung bakit naging ganoon ang naging usapan, nauwi na sa debate. [Men, standby. Tuloy ang unang plano, bulabugin ninyo ang target,] utos muli ni Dawin. [Siguraduhin ninyong gaganti ng putok si de Guzman sa inyo, huwag ninyong bigyan ng pagkakataong makapagtago o makapag-reload 'yan!] dagdag naman ni Craig. [Copy, Sir!] sagot ng mga pulis. Napangisi si Dawin dahil bumalik na sa huwisyo ang kaibigan niya, ngayon ay magagawa na nilang lumabas dito para madala na sa Hospital si Wren. [Dawin, nariyan na sa labas ang ambulansyang hinihintay natin. Puwede na nating ma-corner si de Guzman ngayon, papapasukin ko na rin ang mga pulis na nasa labas. Sa pagkakataong abala sila sa suspek, iyon na rin ang oras para ilabas mo si Wren,] paliwanag ni Craig. Tumango si Dawin. "Copy!" aniya. [Men, move!] sigaw ni Craig. Agad na kumilos ang mga pulis. Lahat ng nasa loob ay sabay-sabay na pinagbabaril ang posisyon na tingin nila ay naroon si Karl. Tapos ay mabilis naman na pumasok ang mula sa labas, pinaligiran ang lugar kung saan nila nakita ang mga kasama nilang nagpapaputok. Naging hudyat na iyon para tumayo sina Dawin at Cahil, inalalayan nilang dalawa ang pagkarga kay Wren para makalabas sa loob ng tindahan. Hindi muna nila inintindi ang mga nangyayari, ang tanging binigyan nila ng pansin sa ngayon ay madala si Wren sa labas sa ambulansya. Hindi naman ganoon kalayo ang pinto mula sa counter, pero hindi rin naman ganoon kadali na lumabas doon kung may mabigat kang dala na kailangan din ng alalay. Idagdag pa ang pangamba nila kay Karl. Nang makalapit na sila sa pinto ay agad na may sumalubong sa kanilang mga taga-medic. Halos magdiwang ang dalawa dahil mayroong tutulong na sa kanila. Naisakay na si Wren sa stretcher at mabilis siyang inasikaso ng mga taga-medic. Hinawakan ni Dawin ang balikat ni Cahil. "Ikaw na muna ang bahala sa kaibigan mo, babalikan ko lang si Karl sa loob para masigurong nahuli na nga siya," bilin niya. Nakatulala lang si Cahil sa katawan ng kaibigan niyang isinasakay sa ambulansya, tila hindi agad naproseso ng utak niya ang pagpapaalam ni Dawin. Pero bago makaalis ang binata ay natigil ito nang magsalita si Cahil, "Salamat, pare." Isang ngiti at tango na lang ang isinagot niya. Tapos ay pinanood na lang ni Dawin si Cahil na pumasok sa loob ng ambulansya hanggang sa makaalis ito. Nang makalayo ang ambulansya, doon nawala ang ngiti sa labi ni Dawin. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na pumasok muli sa loob ng Grocery Store, lumabas na ang mga kasama niya at bitbit na nila si Karl. Nang makita ito ni Dawin ay agad niyang hinarap ang mga medic na nasa kabilang ambulansya. "May isa pang nabaril sa loob," aniya. Tumango ang mga kinausap niya at mabilis silang pumasok sa loob, alam na nila kung ano ang dapat gawin. Kahit nakaposas na at kahit napapaligiran na ng mga pulis si Karl, nakuha pa rin nitong ngumisi kay Dawin nag magtama ang tingin nilang dalawa. "Hindi ko alam kung sira na ba ang ulo ninyong mga pulis, kayo lang ang kilala kong pulis na pumanig sa mga magnanakaw para hulihin ang biktimang gusto lang naman ng hustisya dahil naging biktima ng pagnanakaw," ani Karl, tatawa-tawa pa ito, pero diretso pa rin ang tingin kay Dawin. Nananatiling diretso ang tingin ni Dawin sa kanya, alam niyang walang saysay kung ipapaliwanag niya pa kung ano ang papel ng mga sinasabi ni Karl na magnanakaw. At hindi na rin naman nito dapat pang malaman ang paliwanag niya dahil wala naman itong dapat pang malaman tungkol sa trabaho nila o sa kasunduan nila tungkol dito. Isang bagay pa, nasa opisina na ang perang ninakaw ng kanilang grupo kay Karl. Isinauli nila ito bilang patunay ng pakikipagtulungan nila sa mga pulis para lalong bumaba ang kanilang kaso. "Sa pagkakaalala ko, hindi iyan ang sinasabi mo sa akin kanina. Bumahag ba ang buntot mo dahil naisahan ka ng pulis na minamaliit mo?" tanong ni Dawin. Gustong ipamukha ng binata na kung noon ay nagawa silang takasan ni Karl dahil may mga kasama siya noon, ngayon ay hindi na niya magagawa. Dahil kahit tumawag pa siya ng backup kanina, hindi na nito magagawang rumesponde sa kanya dahil madami ngang pulis ang nagkalat sa paligid. Isa pang bahagi ng plano nila ay mula nang makapasok si Karl sa loob ng Grocery Store ay nagsagawa sila ng Checkpoint, para haranging ang mga taong may dalang baril. Bahagi rin ito ng imbestigasyon. Ideya ito ni Zyx, kailangan nilang maharang ang mga magiging backup ni Karl para hindi na nito magawang makapalag pa. Nawala ang ngisi sa mukha ni Karl, tila asar na asar siya na nagawa siyang isahan ng mga kalaban niya ngayon. Hindi niya matanggap na dahil lang sa pagiging kampante niya na hindi na muling uungkatin ng mga pulis ang sarado nang kaso ay hindi na siya muling guguluhin ng mga ito. Hindi manlang sumagi sa isip niya na maiisip ng mga pulis na makipagtulungan sa mga magnanakaw para mahuli siya. "Pagbabayaran mo itong ginawa mo sa akin, kayong lahat!" pagbabanta ni Karl. Isang mapang-asar na ngisi ang sumilay sa labi ni Dawin. "Iyon ay kung may magiging laban ka sa korte. Para sabihin ko sa 'yo, nanalo ka lang nu'ng una dahil hindi kami ang may hawak sa kaso mo. Pero ngayon? Sinisiguro ko sa 'yong sa kulungan ka na mabubulok," sagot niya. Pagkatapos ng malalang titigan, ipinasok na rin ng mga kasamahan ni Dawin si Karl sa mobil. Sumama siya na dinala ang kriminal sa kulungan para masigurong makukulong na talaga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD