Chapter 27

2731 Words
CHAPTER 27 Mag-iisang buwan na rin nang makilala ni Kristel ang magkakaibigan na sina Zyx, Wren, Cahil, at Zeta. Mula nang araw na makilala niya ang mga ito ay naging malapit na siya sa grupo dahilan para lagi na siyang makasama ang mga ito. Naging daan ang paghahatid niya ng pagkain mula sa kanilang karinderya hanggang doon sa shop para lalong lumalim ang pagkakaibigan nila to the point na nagkukusa na siyang alagaan at bantayan si Zeta. Kita naman sa kilos niya na isa siyang mabuting tao at totoo ang pakikipagkaibigan niya sa grupo, kaya hindi rin naman naging mahirap para sa tatlong binata pa pagkatiwalaan ng ganoon kadali si Kristel. At hindi rin naman nila itatanggi na kailangan talalaga nila ng dagdag na tao sa bahay na maaring mag-alaga ngayon kay Zeta. Dahil sa parehong abala sina Wren at Cahil sa dalawang shop, wala nang nag-aasikaso sa dalaga dahil madalas na wala si Zyx sa kanila. Hindi na nagtanong pa si Kristel kung saan nagpupunta ang binata dahil alam niyang masyado na itong personal, at ayos lang din naman sa kanya na samahan si Zeta dahil hindi naman iyon mabigat na gawain, ang totoo pa nga ay nagiging daan ito para malibang siya. Sa loob ng halos isang buwan, may iilang bagay na siyang napapansin na pagbabago kay Zeta mula nang makasama niya ito. Natututo na ang dalaga na tumingin sa tao na para bang ipinapakita niya na sinusubukan niya ring gumaling sa sarili niyang paraan. Para kay Kristel, malaking bagay na iyon kumpara sa dati na lagi lang itong tulala. Sa paniniwala niya at ito rin naman ang bagay na sinabi niya sa mga kaibigan ng dalaga, malaking tulong na may nakikita siyang bagong mukha sa paligid niya. Naging daan ang pagpasok niya sa buhay nilang apat para magkaroon ng bagong kikilatisin nag dalaga. Nagsilbing pag-asa rin iyon sa kanila na kapag tumagal na makasama ni Zeta si Kristel ay maaring buksan niya muli ang puso niya para sa mga tao sa paligid niya. Malaki ang pasasalamat ni Wren na dumating ang dalaga sa buhay nila, wala siyang masabi sa kabaitan nito dahil ni minsan ay hindi ito nagduda o nag-usisa kung bakit ganito ang nangyari kay Zeta at bakit wala rin si Zyx. Hindi pa kasi nila kayang aminin sa dalaga ang totoong nangyayari. Labag din naman sa loob nila na hayaan si Kristel na mag-alaga kay Zeta dahil alam nilang responsibilidad nila iyon. Pero dahil ayaw nilang pareho ni Cahil na pabayaan ang shop, wala silang magawa kundi kapalan na lang din ang mukha at iasa sa kanya ang pagbabantay kay Zeta. Hindi na rin kasi nila maasahan si Zyx ngayon, mula kasi nang makilala ng grupo ang pulis na si Craig ay kinailangan nito na manatili sa dati nilang hideout para siya ang haharap sa pulis kung sakling ito ay bibisita ulit doon. Isa pa, tinatrabaho na rin kasi ng binata ang paghahanap ng mga impormasyong kailangan nila laban kay Karl at sa sindikatong kinabibilangan nito. Aminado ang grupo na hirap na hirap na sila sa buhay, maski may pera sila para kumuha ng yaya ay hindi nila ginagawa sa takot na baka may malaman itong hindi dapat at maging mitsa pa iyon ng kanilang kapahamakan. Tanging si Kristel lang ang kilala nilang maari nilang lapitan sa ngayon. Wala rin namang problema sa pamilya ni Kristel kung palagi siyang nasa shop nina Wren, alam na rin kasi nila ang sitwasyon ni Zeta at ng mga kaibigan niya. Bilang regular customer naman nila ang mga binata at ramdam naman nilang mababait ang mga ito, hinayaan na lang nila si Kristel na maging malapit sa grupo. niya kasi ay baka lalo itong nahihirapang tanggapin ang bago niyang buhay mula nang mawalan siya dahil lagi itong nakakulong sa bahay nila.Minsan pa ngang dinala ng dalaga sa bahay nila si Zeta dahil naniniwala siyang maaring makatulong sa mabilis na paggaling ng dalaga ang makipaghalubilo sa ibang tao o makakita ng ibang tanawin. Dahil sa ideyang ito, naisipan na rin ni Kristel na ipaalam kina Wren at Cahil kung puwede niyang dalhin sa malapit na park si Zeta para makalanghap ng sariwang hangin at malibang na rin sa tanawin doon. Gusto niyang subukan kung maari itong maging paraan para lalong matanggap ni Zeta ang mundo, hindi 'yung laging nakakulong na lang ito sa bahay. Linggo ng umaga ang napiling schedule ni Kristel para ipasyal si Zeta, libre kasi siya sa araw na ito at walang masyadong kailangan gawin. Dahil ang ginagawa niya lang naman kapag free time niya ay magbasa ng libro, puwede niyang maisabay ito sa pagbabantay sa dalaga. Hinahatid silang dalawa ni Wren sa park. Pagkatapos ng dalawang oras ay susunduin naman sila. Sapat na iyon para makahinga si Zeta. Pagdating sa park, inupo ni Kristel si Zeta sa isang upuan kung saan matatanaw niya ang kabuuan ng park kasama ang ibang tao na kanya-kanyang ginagawa. Nang makaupo ito ay nagsimula na ring magbasa si Kristel. "Tititigan mo na lang ba siya? Hindi mo ba lalapitan?" tanong ni Dawin sa kaibigan. Lingid sa kaalaman ni Kristel na mayroon na palang dalawang binata na lihim nang nakatanaw sa kanila. Tila ba pinagmamasdan lang nila si Zeta habang nakaupo, sinusuri kung ano na lagay niya. Nanatili lang sa kotse sina Craig at Dawin matapos nilang sundan ang kotse ni Wren papunta rito sa park. Gusto lang namang makita ni Craig ang kababata niya at wala siyang balak magpakita kay Wren, wala rin siyang balak manggulo o gumawa ng maaring sumira sa usapan nila. Inalis ni Craig ang tingin kay Zeta nang tanungin siya ng ganoon ni Dawin. Hindi niya alam ang isasagot niya, kasi hindi niya rin alam kung tama bang lapitan ang dalaga. Napansin ni Dawin ang pag-aalinlangan ng kaibigan, alam niya iyon base sa ikinikilos nito. "Ang sabi ni Zyx, ikaw lang ang maaring makapagpabalik ng sigla ni Zeta, 'diba? Kung nandito na rin naman tayo, bakit hindi mo subukan kung tama ba siya?" suhestiyon niyang muli. Ibinaling na ni Craig ang tingin niya sa kausap. "Ilang taon na kaming hindi nagkikita, anong malay natin kung ano ang maging reaksyon niya kapag bigla na lang akong lumitaw sa harap niya. Gusto mo ba ng gulo?" aniya, nasa boses ang pag-aalala sa posibleng mangyari. Napabuntong hininga ang kausap niya at napakamot pa ito sa ulo, tila hindi niya maintindihan ang kaibigan niya kung bakit pa nito gustong patagong pagmasdan si Zeta gayong narito naman na sila at abot-kamay na niya ang dalaga. "Pare, hindi naman dahil hinarap mo na si Zeta ay agad-agad makakapagsalita na siya. Ano 'yun, magic? Dati nga 'diba, ang sabi mo, ilang buwan din iyon bago siya nakapagsalita mula nang makilala ka niya. Ganoon lang din iyon ngayon," muling saad ni Dawin. Hindi sumagot si Craig, bumalik lang ang tingin niya kay Zeta habang ang dalaga ay inosente pa ring nakatingin kung saan. Sa ilang minutong pagtingin ng binata sa kanya, may bigla siyang naalala... "Siya 'yung babaeng tinutukan ko ng baril," ani Craig. Agad na kumunot ang noo ni Dawin. "Huh? Anong sinasabi mo?" aniya. Tumingin ang binata sa kausap saka sumagot, "Naalala mo ba 'yung sinasabi ko sa 'yong babaeng magnanakaw na bumaril kay Santos? Siya 'yon!" bulalas niya. Hindi na alam ni Dawin kung ano pa ang isasagot niya kay Craig, hindi niya kasi alam kung bakit bigla-bigla ay sasabihin ito ng kausap niya. Dahil naalala iyon ni Craig, hindi niya maiwasang hindi mapangiti... mapangiti na nakita na pala niya ulit ang dalaga. Pero sa kabilang banda, malungkot din dahil hindi manlang nila nakilala ang isa't isa. *** Isang linggo ang muling lumipas, patuloy pa rin si Zyx sa pagbabantay ng galaw ni Karl at ng sindikato. Tila ba inaaral niya ang bawat galaw nito para makalkula niya kung paano ba sila dapat aatake. Hindi naman ganoon kahirap para kay Zyx ang ganitong trabaho, ganito rin naman ang ginagawa niya para sa lahat ng target nila bago nila ito nakawan. Ang pinagkaiba lang, kung dati ay sina Wren, Zeta, at Cahil ang sumusubaybay sa kilos ng target, ngayon ay sina Craig at Dawin na. Limatado na ang bagay na mahahagilap nilang impormasyon sa internet, si Zyx mismo ang nagsabi na kailangan na nilang bantayan ng personal mismo ang kilos ni Karl. Ang bilin ng binata, dapat ay picture-an o ilista nilang dalawa ang bawat ginagawa ng kriminal na iyon para malaman nila kung paano ito mahuhuli. "Hindi ako makapaniwala na sunud-sunuran tayo sa isang magnanakaw," reklamo ni Dawin. Nasa byahe sila at kasalukuyang sinusundan si Karl. Naka-focus lang ang tingin ni Craig sa kotseng sinusundan nila para hindi ito mawala sa kanilang paningin. "Magmaneho ka na lang diyan, dami mo pang reklamo. Mabuti nga at hindi na sasakit ang ulo natin kaka-trace kung saan ang punta ng lokong iyon, may tao nang magtuturo sa atin kung saan," aniya. Gamit ang GPS ng cellphone ni Karl, malaya nilang namo-monitor kung saan ito pupunta. Iyon ang binabantayan ni Zyx sa loob ng isang linggo. Ngayon naman ay sinusubukan nila Craig na huliin o panoorin mismo kung ano ang ginagawa ni Karl sa mga lugar na pinunpuntahan nito. Buntong hininga na lang ang naging sagot ni Dawin, wala na rin naman siyang magagawa dahil kasalukuyan na rin siyang nagmamaneho. Habang tahimik ang magkaibigan, tahimik na rin na nagbe-brainstorm si Craig sa mga lugar na pinupuntahan nila. Tiwala siya na gaya ni Karl ay hawak din ni Zyx ang pag-monitor sa GPS location nilang dalawa para maging reference sa rotation nila. [Craig, check n'yo mabuti 'yung lugar kung may makikita kayong leon na may pakpak gaya nu'ng nasa kwarto ni Karl,] suhestiyon ni Zyx na nasa kabilang linya. Hindi nila puwedeng sundan na lang araw-araw si Karl sa kung saan man ito pupunta, alam nilang malakas ang pakiramdam ng taong iyon at tiyak na kung dadalasan nila ang pagsunod ay makakahalata ito. Kaya ngayon linggo ay isang beses lang nila itong gagawin. Nang matapos ang araw, bumalik na sina Craig at Dawin sa hideout para r'on ay i-print at pagdikit-dikitin ang mga pictures na kinuhanan nila. Nasa isang lamesa ang tatlo. Tahimik na pinagmamasdan ang mga picture para tingnan o pagdikit-dikitin kung ano ang ginagawa ni Karl base sa mga lugar na pinupuntahan niya. "Kung isang maliit lang na miyembro si Karl sa Fallen Angel, malamang isa sa ginagawa niya ay maghatid ng impormasyon sa mga pinupuntahan niya," ani Dawin. "Anong impormasyon naman ang kailangan niyang ipasa sa kung saaan-saang lugar? Kita n'yo naman ang mga pinuntahan ninyo at kayo na ang nagsabi na walang simbolo ng grupo nila ang lugar na iyon. Isa silang sindikato na nangloloko ng tao para hikayating sumali sa kanila. Ano namang mapapala niya sa pagbisita sa mga lugar na hindi naman kasali sa sindikato nila?" tanong naman ni Zyx. Tahimik lang si Craig habang nakatingin sa bawat picture. Kanina pa gumugulo sa isip niya ang isang bagay at ito ang nagbibigay sa kanya ng sakit ng ulo. Nang mapansin nina Zyx at Dawin na hindi pa umiimik ang kasama nila ay tumingin lang sila rito hanggang sa magsalita ito. "Paano kung hindi siya nagpapasa ng impormasyon? At hindi siya pumupunta roon para sa lugar, kundi para sa tao mismo?" ani Craig. "Ano namang pinagkaiba n'on, pare?" kunot noong tanong ni Dawin. Tumingin si Craig sa kanya habang nakangisi. "Pansinin n'yo ang mga lugar, walang sense at walang clue. Kahit anong gawin mo, wala silang koneksyon sa isa't isa." Bumaling ang tingin niya kay Zyx bago nagsalita muli. "Ibig sabihin, may kung ano lang siyang ginagawa para maghanap ng magiging biktima." Agad na nalinawan si Zyx. Sa buong pag-iimbestiga nila kay Karl, wala silang ibang inisip kundi: "Ang mga lugar na pinupuntahan ni Karl ay kasama sa sindikato." Nawala sila sa isa pang posibleng rason na ito na pala mismo ang mga biktima. Hinarap ni Zyx ang ilang picture sa kanya. "Kung ganoon, iyon pala ang rason kung bakit wala tayong nakikitang mga simbolo ng sindikato sa mga lugar na ito." Nakangisi itong humarap kay Craig. "Ang tanging kasabwat niya lang sa lugar ay ang restaurant!" dagdag pa niya. Napangisi na lang din si Craig sa bagay na naisip ni Zyx, hindi niya maiwasang matuwa dahil may kasama na siyang mag-isip sa mga ganitong usapan. Habang si Dawin ay tumingin na lang sa kanilang dalawa, wala itong imik nang ibalik niya ang tingin sa mga picture. "Hindi rin listahan ng mga kasama nila sa sindikato ang nakuha ninyo sa restaurant," ani Craig pagharap kay Zyx. "Listahan iyon ng puwede nilang sunod na biktima," dagdag niya. "Kung ganoon, dapat nating sunod na gawin ay bisitahin ang mga lugar na pinuntahan ni Karl. Kailangan natin silang balaan sa masamang balak nito sa kanila," suhestiyon ni Dawin. Bumaling ang tingin ni Zyx sa kanya. "Hindi puwede 'yan, kapag ginawa natin 'yan, mahahalata tayo ni Karl dahil tiyak na tatanggi na ang mga nakausap niya. Malalaman niya na sinusundan natin siya at maaring masira ang buong plano natin." Huminto siya sandali at bumaling ang tingin kay Craig bago itinuloy ang sinasabi niya. "Kailangan natin malaman kung ano ang common reason para maging tipo ni Karl na isali sa Fallen Angel, tapos iyon ang gagamitin nating paraan para i-trace kung paano sila manguha ng biktima," dagdag pa niya. Isang ngiti ang isinagot sa kanya ni Craig. Tapos ay ibinaling ng binata ang tingin niya kay Dawin na para bang sinasabi niyang hindi maling desisiyon ang pakikipagtulungan kay Zyx na mahuli si Karl. "May ideya ka pa ba tungkol sa bagay na iyan?" tanong ni Craig kay Zyx. Umiling ang binata. "Hindi ako sigurado, hindi naman kasi namin binigyan ng pansin ang mga bagay na sinabi ni Karl nu'ng araw na ninakawan namin siya. Pero kung makakatulong sa kaso, puwede nating kausapin si Wren. Siya ang humarap kay Karl nang araw na iyon, maaring may mga sinabi ito sa kanya," aniya. "Puwede rin naman nating gawin ang ginagawa nilang istilo, kumuha tayo sa mga pulis na maaring magpanggap na may negosyo. 'Diba iyon ang kalimitang biktima ni Karl?" muling suhestiyon ni Dawin. "Oo, iyon ang kalimitan. Pero hindi tayo sigurado, baka masayang lang ang effort natin. Alamin muna natin 'yung mga posibleng rason paano papasa sa panlasa ni Karl bilang biktima. Tapos kapag kabisado na natin, saka natin balikan ang ideya mo," sagot naman ni Zyx sa kanya. Hindi na muling umimik si Dawin, hindi niya maiwasang hindi mainis dahil parang hindi na siya isinasali sa usapan. Kaya habang nag-uusap muli sina Craig at Zyx, lumabas na lang si Dawin at sinubukan libangin ang sarili sa pagtanaw sa paligid. Ngayon lang siya nakaramdam ng inis na may kausap na kriminal si Craig para sa kasong hawak nila. "Saan pupunta iyon?" ani Zyx nang mapansin ang ginawang paglabas ni Dawin. Tumingin din si Craig sa direksyon ng pinto kung saan lumabas ang kaibigan niya. "Hayaan mo siya, baka masakit na ang ulo sa pinag-uusapan natin kaya naisipan nang lumabas," aniya. Tiwala naman si Zyx na walang problema si Dawin dahil sa sinabi ni Craig sa kanya. Kaya hindi na siya muling nagtanong pa hinggil sa binata, alam niya namang mas kilala ito ng kausap kaya kampante siyang paniwalaan ang sinabi nito. Bumaling na lang ang tingin niya kay Craig habang nakangiti. "Oo nga pala, nagagawa na ng kapatid ko ang lumingon sa tao kapag kinakausap siya. Dati kasi, para ka talagang nakikipag-usap sa hangin dahil kahit anong sabihin mo sa kanya ay nakatulala lang siya. Malaking tulong talaga 'yung bagong kaibigan ni Wren, siya ang nagbabantay kay Zeta ngayon," ani Zyx. Hindi alam ni Craig ang sasabihin, nakaramdam lang siya ng guilt dahil bago pa sabihin ng kaharap niya ang bagay na iyon ay alam na niya iyon dahil nga galing na siya roon at nakita na niya si Zeta. "Dadalhin ko na siya rito bukas, para makita mo na siya ulit." Natulala si Craig nang marinig iyon kay Zyx. "T-talaga? Payag ka nang makausap ko na siya ulit?" aniya. Halata ang sabik sa kanyang boses. Ngumiti na lang si Zyx sa kanya bilang sagot. Naisip kasi niyang ito na ang tamang pagkakataon para magharap ang dalawa, bumalik na ang komportableng pakiramdam niya sa binata at alam niya ring gusto na talaga nitong makita ang kapatid niya. At sa totoo lang, umaasa siyang kapag nagkita ulit ang dalawa, iyon na talaga ang oras na gagaling na ang kapatid niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD