Chapter 8

2752 Words
CHAPTER 8 Si Peter Robles ay isang mamamayang kagaya ni Karl Christian de Guzman na sa isang iglap lang ay yumaman at nagkaroon ng isang malaking negosyo. Walang ibang nagtaka sa pagyaman nila dahil ibinalita rin ang pagsali niya sa Fallen Angel. Aminado ang grupo na magaling gumawa ng taktika ang sindikatong ito para malayo sila sa issue. Tunay na isang karangalan para sa isang indibidwal ang makita ang sarili na magkaroon ng isang malaking negosyo sa isang iglap, sino ba ang may ayaw na makaahon sa hirap? Pero ang lahat ng nakikita ng iba na natamo ng taong hinahangaan nila ay isang pakitang tao lang. Wala silang kaalam-alam na ang taong napabalitang biglang yaman ay miyembro pala ng sindikato... mga taong gumagawa ng masama para manatili sa tuktok ng isang tatsulok. Hindi alam ni Zeta kung paano nagawa ng sindikatong ito na mapaniwala ang mga tao na ang grupo nila ay isang magandang ehemplo sa mga miyembro. Hindi niya rin alam kung paano nila naipakita ang biglang pagyaman ng miyembro na walang kaduda-duda sa mga nangyari. Pero ang tanging sigurado lang niya... ano man ang bagay na 'yon ay hindi na niya dapat pang alamin. Dahil ang bilin sa kanya ng kuya niya, "Mas kaunti ang alam, mas malayo ka sa panganib." May kuryosidad man siya sa sagot sa mga tanong niyang iyon ay mas nangingibabaw pa rin ang takot niya sa grupo, kaya bilang pag-iingat ay mas pinili niyang sundi na lang ang kapatid niya. Iyon naman sana ang gagawin nila, huwag nang panghimasukan ang mundo na ginagalawan ng sindikatong nakabangga nila ng hindi sinasadya. Ang tanging dapat lang naman nilang atupagin ay kung paanong maalis sa kanila ang mata ng sindikatong iyon at paanong masisiguro nilang hindi na sila nito hahanapin pa. Dahil alam nilang kapag natunton sila ng mga ito, wala na silang puwang sa mundo. Ang problema lang, hindi na nila magagawang makaalis sa gusot na ito dahil habang tumatagal ang paghahanap nila ng paraan para makatakas, ganoon naman ang paglapit nila sa mas nakakatakot na panganib. Hindi man nila gustong panghimasukan ang grupo ay nakapasok na sila rito mula nang oras na nanakawan nila si Karl Christian de Guzman. At hanggang hindi nila nagagawan ng solusyon ang paglabas ay patuloy silang madidikit sa maduming mundong iyon. Ayaw man nilang makaharap ang ibang miyembro ng Fallen Angel, ito lang ang tanging paraan nila para makita kung ano ang pinaplano ng mga ito tungkol sa kanila. Kailangan nilang makasiguro na hindi na sila mahahanap ng mga ito maski pa hindi na nila habulin ang perang nakuha na nila kay Karl. Mahirap man intindihin, pero ito na ang uri ng sitwasyon kinalalagyan nila. Sa ngayon, kaya pa nilang maging panatag at masabi ligtas pa sila sa ngayon dahil wala pa silang nararamdamang kilos ng grupong iyon. Pero ayon kay Zyx, hindi sila dapat magpakampante. Maari raw kasing naghahanap pa ito ng sapat na impormasyon tungkol sa kanila, dahil kung sila na walang malakas na grupo ay nagagawang aralin ang bawat target na napipili nila... tiyak nilang doble niyon ang kayang gawin ng grupo. Walang nakakaalam kung pinagpaplanuhan na ba sila ng mga ito o may nakatakda nang panahon kung kailan sila nito aatakihin, pero hindi na iyon dapat pang hintayin; dahil sa oras na dumating ang pagkakataong iyon ay tiyak na talaga ang katapusan nilang apat. Laking pasasalamat na lang din nila dahil bago sila nagsisimula sa pagnanakaw ay nagtatago sila ng totoo nilang mukha, laking tulong ng ginagawa nilang pagdi-disguise dahil natatagalan ang grupo na matunton sila. Halos mahulog ang puso ni Zeta nang tuluyan nang makalapit si Peter Robles sa kanila—ang ipinatawag ni Wren na Manager ng Restaurant na ito. Siya ang susi para makuha nila ang pakay nila sa Restaurant, dahil pag-alis niya sa loob ng opisina ay siya namang pasok ni Cahil dito. Kabado man ay kailangang pilitin ng dalaga ang sarili na pangatawanan ang karakter na ginagampan niya ngayon. Hindi na inalam pa ni Zyx kung paanong nangyaring isang Manager ang posisyon ng taong tunay na may-ari ng Restaurant na ito dahil wala naman na iyong kinalaman sa kailagan nila rito. May palagay lang siyang paraan niya ito para maitago kung gaano siya kayaman. Maaring ito na rin ang paraan nila para hindi masyadong bumango ang pangalan ng Fallen Angel at para hindi na maisip ng karamihan ang sumali pa rito. Mababasa at makikita sa balita ang tungkol sa grupo ng Fallen Angel, pero ang ginawa nilang iyon ay para lang hindi sila pagdudahan ng batas. Pero bukod doon, wala talaga silang balak na humatak ng maraming miyembro. Alam ni Zyx ang tungkol doon dahil isa iyon sa mga nalaman niya tungkol sa grupo. Kagaya ng napagplanuhan, ang pag-alis ng Manager sa opisina niya ang pagkakataon naman ni Cahil na pasukin ito at hagilapin ang impormasyong kailangan nila kung saan nakalista ang mga lugar na mayroong miyembero ng Fallen Angel. Maingat niyang binuklat lahat ng papeles at folder na makikita niya. Madaling paghahanap man ang ginagawa niya ay kailangan pa rin niyang panatilihin na maibabalik niya ito sa dating puwesto bago umalis si Robles, nang sa ganoon ay hindi nito mahalata na may ibang taong pumasok sa loob ng opisina niya bukod sa kanya. Kailangan nila ang listahan na iyon para maiwasan ang lugar kung saan may makakasalubong silang muli na panibagong miyembro ng Fallen Angel, o 'di kaya ay para tuluyan na nilang matakasan nag sindikato. Habang hinahanap pa kasi nila ang parehong mukha na ginamit nila nang nakawan nila si Karl, importante rin asikasuhin nila ito. "Sir, mabuti po dumating na kayo," agad na bati ng isa pang Waiter kay Peter. Nilingon lang siya ng may edad na lalaki, seryoso lang ito pero may pagtataka ring makikita sa reaksyon ng mukha niya. Hindi niya sinagot ang empleyado niya, hinarap niya lang ang magkasintahan na 'di umano ay may reklamo sa isang Waiter—walang iba kundi sina Wren at Zeta. "Ano ba ang concern ninyo? Baka puwede naman nating pag-usapan na lang ito ng maayos sa opisina ko—" "Magkaharap na tayo rito, hindi na kailangan pang magsayang tayo ng oras para pumunta r'on," pigil ni Wren kay Peter nang bigla itong humarap sa daan pabalik ng opisina niya. Napalunok naman si Zeta dahil sa kaba, natatakot siyang baka ipilit ng Manager na bumalik sa opisina niya dahil ayaw nitong gumawa pa ng mas malaking eskandalo rito. Kapag nangyari iyon, tiyak na masasayang ang hirap at oras nila rito. [Zeta, sabayan mo si Wren. Kailangan masiguro n'yong mabigyan n'yo ng sapat na oras si Cahil na mahanap 'yung kailangan natin,] paalala ni Zyx sa kabilang linya. Dahil hindi makasagot ang dalaga, ginawa na lang niya ang tingin niyang pagsunod sa bilin ng kapatid niya. "Babe, wala naman sigurong masama kung pupunta tayo sa loob ng office niya para r'on na ituloy ang usapan, 'diba?" ani Zeta, ibinaling niya pa ang tingin sa mga customer na hanggang ngayon ay kumakain pa rin. "Nahihiya na kasi talaga ako rito," dugtong pa niya pagbalik ng tingin niya kay Wren. Nakakapit pa rin sa braso ng binata si Zeta at kaharap nilang dalawa ang Manager at tatlong Waiter ng Restaurant. Kasama sa tatlong iyon ay ang Waiter na kanina pa pinag-iinitan ni Wren. Seryoso sila at ang tanging gusto lang ng magkabilang panig ang intindihin ang punto ng bawat isa. Tumingin si Wren kay Zeta saka nito sinagot ang dalaga, "Babe, kung hindi mo ako naiintindihan, puwede bang hayaan mo na lang ako?" aniya. "Kung sa 'yo ay ayos lang ginawa ng Waiter na 'yan, sa akin ay hindi," dagdag pa niya. Kumpara kanina, mahinahon na ang boses niya. Kasama naman sa plano na dapat ay pipilitin ni Zeta na pumanig sa kampo ng Waiter na magiging biktima ng eksena nila. At sa totoo lang, sa isip ng binata ay natutuwa siyang nagagampanan ni Zeta ang papel niya para sa eksenang ito. Hindi ito ang unang beses ng dalaga na masabak sa pagharap sa mga taong magiging biktima nila, pero alam niyang mahirap gampanan ang isang karakter na malayo sa katauhan mo kung ang laman lang ng isip mo ay pag-aalala sa kasama mo. Hindi man niya magawang sabihin, pero gusto niyang iparamdam kahit papaano na nagagawa pa rin niya ang bahagi niya sa plano. "Naiintindihan ko na Waiter namin ang may fault dito, pero ano ba talagang gusto mong mangyari, Mister? Bakit ayaw mong pag-usapan ito ng maayos?" singit ni Peter sa usapan. [Nabuksan ko na ang Deskstop ng target, hinahanap ko na ang file na kailangan natin sa documents niya,] singit naman ni Cahil bilang update sa mga kasama niya. Kahit ganoon ang narinig nila ay kailangang panatilihin pa rin ng dalawa ang kanilang arte para walang makahalata na may kausap sila. Sabay na lumingon sina Zeta at Wren sa may edad na lalaking kumakausap sa kanila. Laking pasasalaman na lang ng dalaga dahil hindi niya kailangang kausapin ang lalaking ito, malalayo siya sa nerbyos at sa posibilidad na masira ang buong plano nila. Mabuti na lang din at si Wren ay isang Ace Player sa pagpapanggap. Kumunot ang noo ng binata bago ito sinagot, "Tinatanong pa ba 'yan? Siyempre, gusto kong parusahan n'yo 'yang Waiter na pabaya, para matakot umulit sa pagkakamali niya!" aniya, tumaas muli ang boses niya. Bumuntong hininga ang Manager bago sumagaot, "Mister, ang ginawa ninyong pamamahiya sa tao ko sa harap ng ibang customer ay puwede nang matawag na parusa sa pagkakamaling sinasabi ninyo." [Zeta, be ready. Nasa kalagitnaan na si Cahil ng pag-copy sa file, puwede mo nang si simulan ang way para makaalis na rin kayo riyan,] singit naman ni Zyx. Dahil sa narinig, nagpalit-palit ang tingin ni Zeta kay Wren at sa Manager, kasama na rin ang mga Waiter. Animo'y ipinapakita niyang gusto niyang sumingit sa usapan. Ngumisi na may halong inis si Wren, patuloy lang na ginagampanan ang kanyang parte. "Wow, ganyan ba kayo magbigay ng disiplina sa mga tao ninyo?" Bumaling sandali ang tingin niya sa mga Waiter na ngayon ay masama na ang tingin sa kanya. Pagtingin niyang muli sa Manager ay nagsalita siyang muli, "Kaya pala sanay silang gumawa ng pagkakamali, kasi hindi naman pala nadidisiplina—" "Babe, stop it! Lalo mo lang pinapalala ang nangyayari, eh! Napaka simple lang ng issue, huwag mo nang palakihin pa lalo. Umuwi na lang tayo, please lang. Sira na nga ang date natin simula umpisa pa lang, lalo mo pang sinira. Ayoko na." Kinuha ni Zeta ang bag niya. "Let's go home na lang, please," sabi pa niya. Isang napakaperpektong arte para sa paghahandang tumakas. Tiningnan lang siya ni Wren na para bang ipinapakita niya na isa talaga siyang boyfriend na hindi makapaniwala sa inaasal ng girlfriend niya. Alam na agad niya ang dapat gawin sa pagkakataong ito. "Seryoso ka riyan, Babe? Ano 'yan, mas kumakampi ka sa kanila kaysa sa akin?" tanong ng binata. Nagpakita ng gulat at nagtatakang reaksyon si Zeta sa kanya. "Babe, wala akong sinasabing ganyan! Ang akin lang, gusto ko na itong matapos at gusto ko nang umuwi. Mahirap bang intindihin 'yon?!" tumaaas na ang kanyang boses. Hinarap siya ng tuluyan ng binata. "Ngayon naman sa akin ka na galit?! Gusto lang kitang bigyan ng surprise para sa anniversary natin, hindi ko naman kasalanang nasira 'yon, ah?!" giit niya. [Done! Handa na akong tumakas, puwede na rin kayong lumabas diyan, Zeta at Wren,] sabi muli ni Cahil sa kabilang linya. Pinilit ni Zeta na umiyak... para bang isang drama sa pelikula ang eksena. "Kaya nga, eh. Anniversary natin ngayon. Pero nakita mo nangyari? Nakakahiya!" Isang mapait na ngiti ang ipinakita ni Wren sa kanya. "Sinasabi mo bang ako pa ang nakakahiya?" aniya. Tumingin si Zeta sa mga taong naging biktima nila ngayong araw, gusto man niyang ngumiti na nakikita niyang naaawa talaga sa kanya ang mukha ng mga taong ito ay hindi niya magawa. Kailangan niyang mas magmukhang nakakaawa sa puntong ito. Ibinalik ni Zeta ang tingin sa binata. "I'm done. Napapagod 'yung araw na 'to, gusto ko na lang talagang umuwi." Nagpaikot-ikot si Wren sa pwesto niya na parang kinakalma niya ang kanyang sarili dahil sa inaasta ng girlfriend niya. "Naku naman talaga! Nakuha mo pang mag-inarte ng ganyan!" iritang saad ng binata. Itinuro ni Zeta ang kanyang sarili, patuloy lang ang pagbuhos ng kanyang luha. "Kung nakakairita ako, pwes ikaw nakakahiya ka!" aniya at itinuro rin niya si Wren, saka ipinagpatuloy ang sinasabi, "At ang mas nakakahiya, ay 'yung inuna mo pa talagang makipag-away kaysa bawiin 'yung singsing sa kanila para ulitin na lang sana 'yung proposal. Puwede namang mag-propose ka pa rin kahit iabot mo na lang sa akin 'yung singsing, hindi na kailangang dumaan pa sa gusto mong mangyari. Nasira na nga, 'diba? So, dapat, show must go on na lang! Pero hindi, eh! Sinira mo pa lalo!" Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan ng Manager, mga Waiter, at ni Wren. Tila umarte na lang ang binata na para bang naisip niya ang pagkakamali niya. Pare-pareho na silang hindi alam kung ano ba ang dapat gawin. Hikbi na lang ni Zeta ang nairirinig sa pagitan nila. Pareho si ni Wren na naghihintay ng update mula kay Zyx at Cahil kung ano na ang dapat nilang gawin ngayon. [Nakalabas na ako, papunta na 'ko sa kotse. Sunod na lang kayo,] ani Cahil. Isang magandang balita na kanina pa nila hinihintay! Huminahon si Wren, saka nilapitan si Zeta. "Okay, I'm sorry," aniya saka napabuntong hininga. Pinunasan ang luha sa mukha ng dalaga, tila walang pakialam kung may ibang tao silang kaharap. Habang umiiyak pa rin, masama ang naging tingin ni Zeta kay Wren. "I'm done with this." Pagkatapos ng salitang iyon, patakbong umalis si Zeta sa Restaurant. "Babe. Sandali, Babe!" pigil ng binata. Pero tuluyan nang nakalabas si Zeta sa lugar. [Lumabas ka na rin, bilis!] ani Zeta, dahil nagawa niyang makapagsalita ng ganoon ay alam niyang oras na talaga ng pagtakas. Kumamot siya ng ulo saka hinarap ang mga biktima. "I'm not going to apologize for what happened. Hindi ko na rin hahanapin 'yung singsing sa inyo dahil kaya ko namang bumili ulit n'on—kung pakakasalan pa 'ko ng girlfriend ko after nitong nangyari." Naglabas ng wallet si Wren at naglapag ng pera sa table nila, saka prenteng lumabas ng Restaurant na parang walang nangyari. Wala na ring nagawa ang mga biktima nila, pare-parehong walang ideya sa kung anong kalokohan ang ginawa ng grupo nila Zeta. Wala mang nanakaw sa kanila, nakuhanan naman sila ng impormasyon. Nang makalayo sa Restaurant si Wren ay isang ngisi ang sumilay sa kanyang labi at sinabing, "Mision accomplished! Best actress award goes to Zeta! Grabe lupet ng iyak mo men!" aniya at tatawa-tawa pa. Nang mga oras na naglalakad na si Wren papunta sa sasakyan nila ay sakto namang kakasakay lang ni Zeta. Naabutan niya si Cahil na tiyak niyang kanina pa nandito. Hindi siya nito kinibo kaya hindi na rin niya ito inimik. Sa isip ng dalaga, maaring may inis pa ito sa kanya dahil sa nangyayari sa kanila ngayon. Ang hindi alam ni Zeta ay kasalukyang binabasa ni Cahil ang message sa kanya ni Zyx kanina nu'ng bigla siyang nawala sa linya. Sinabi ni Zyx sa message niya kung gaano nag-aalala si Zeta para sa kanya na halos gusto na niyang iatras ang misyon, masiguro lang ligtas siya. Pero ganoon pa man, mas pinili na lang niyang manahimik nang tuluyan, isang nakakahiyang bagay para sa kanya kung aamin siyang may pagkakamali siya sa mga sinabi niya kanina bago nagsimula ang misyon nila. Hanggang sa napansin na lang ng dalawa ang pagdating ni Wren. Agad niyang hinarap si Zeta. "Lupet mo talaga, idol!" aniya saka nakipag-appear sa dalaga. Pagkatapos n'on ay nakangisi pa siya pagharap niya kay Cahil. "Ano ba nangyari sa 'yo kanina? Halos himatayin na sa kaba si Zeta nu'ng bigla kang mawala. Galit na galit ka sa kanya na may palpak siyang trabaho, samantalang ikaw din naman ay nagkakamali rin. Easy ka lang din kasi, tao lang din 'yan," aniya. Aminado si Cahil sa pagkakamali niya, pero hindi niya kailanman babawiin ang nasabi na niya. Kaya imbes na patulan pa si Wren, pinaandar na lang niya ang makina. [Bumalik na kayo rito, huwag na kayong magtagal diyan dahil baka may makapansin pa sa inyo,] sabi naman ni Zyx sa kabilang linya. Wala nang nagsalita pagkatapos n'on. Sa puntong ito ay alam ni Zeta na hihintayin na lang niyang kausapin siya ni Cahil para matapos ang naging maliit na issue sa pagitan nilang dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD