Chapter 9

2706 Words
CHAPTER 9 Ilang araw ang ipinahinga ng grupo bago sila muling lumabas ng bahay. Sa katunayan, kung hindi lang naubusan ng mga gamit at pagkain sa bahay ay hindi talaga babalakin ni Zeta na lumabas ng bahay para mag-grocery. Hindi talaga siya komportable na lalabas gamit ang totoo niyang mukha, lalo pa kung ang kasama niya ay si Wren. Bihira lang nilang gawin ang ganito kadelikadong paraan, pero minsan kasi ay kailangan din nilang gawin ito lalo kung lalabas sila sa paligid ng bahay nila. Paraan nila ito para hindi sila pagdudahan ng mga kapitbahay nila. Nakakalungkot man isipin, pero kahit sa mismong bahay nila at sa paligid nito ay kailangan nilang magpanggap at kailangan nilang maging mabuting tao sa paningin ng nakakarami. Sandaling napalingon si Zeta sa kasama niya na para bang kinukumbinsi niya ang kanyang sarili na si Wren nga ang kasama niya. Sa tatlong lalaking kasama niya sa bahay, sa binatang ito siya pinakawalang tiwala na kasama dahil madalas siya nitong pag-trip-an. Tipong maiiyak ka na lang sa inis dahil nagawa na naman niyang sirain ang araw mo. At kung kailangan niyang mag-ingat sa tingin ng nakakarami sa paligid nila, sa pakiramdam niya ay mas dapat siyang mag-ingat sa kasama niya. Sa pananaw ni Zeta ay bunga ng kamalasan ang nangyari kung bakit si Wren ang naging kasama niya sa pagkakataong ito, siya lang kasi ang maari niyang isama na lumabas. Si Zyx ay abala sa patuloy na paghahanap ng kailangan nilang impormasyon para sa pagtakas, lalo na ngayong nakahanap sila ng dagdag impormasyon galing sa huli nilang ginawang misyon. At si Cahil... ramdam pa rin ng dalaga na hindi pa rin sila ayos—na para bang may kung ano sa pagitan nilang dalawa na pumipigil na mag-usap sila. Si Zeta ang talagang nakatoka sa pagbili ng mga gamit nila sa bahay dahil siya lang naman ang babae. Saka isa pa, mas gusto niyang siya talaga ang gumagawa nito para mapili rin niya ang gusto niyang kainin. Hindi lang talaga niya gustong gawin ito ngayon dahil sanay siyang lumalabas ng bahay pagkaraan ng isang buwan na nakapagnakaw sila. Pero dahil sa mga pangyayari, napaaga ang paglabas niya ng bahay. Mabilis din naubos ang pang-isang buwan nilang pagkain ni Zyx sa Hideout dahil doon na rin kumakain sina Wren at Cahil, mula nang sinimulan nila ang paghahagilap ng impormasyon tungkol sa Fallen Angel. Madaming ganap ang nabago sa buhay nilang apat na hindi rin nila akalain na magagawa nila ngayon. Kagaya na lang ng pagbanggit ni Zyx kay Zeta na napag-usapan daw nila ni Cahil na nagbabalak silang magtayo ng negosyo kapag nagawa na nilang makatakas sa sindikato. Ang katwiran daw ng binata ay nararamdaman na niya ang pagsikip ng mundo nila, na parang bang kapag itinuloy-tuloy pa nila ang pagnanakaw ay lalo silang malalagay sa kapahamakan. Kaya ang dapat nilang gawin para patuloy na mabuhay ay gamitin na lang ang naipon nilang pera mula sa pagnanakaw para makapagsimula ng bagong buhay. Tila nakikita niya raw ang nangyari bilang isang blessing in disguise para magbago na. Hindi sigurado ni Zeta kung tama bang tawaging tama ang gustong mangyari ni Cahil, dahil unang-una na riyan ay hindi naman sila marunong mag negosyo at ang tanging buhay na sanay sila ay ang pagnanakaw lang. Isa pa, hindi rin nila alam kung talaga bang magagawa nilang makatakas sa sindikato... na para bang hindi pa ito ang tamang oras na banggitin o isipin ang tungkol sa bagay na iyon dahil mas dapat intindihin ang kasalukuyan at maari namang uliting pag-usapan iyon sa hinaharap. Si Wren ang nagmaneho ng kotse at pinili nilang mag-grocery sa malapit lang din sa Hideout, dahil ang itong barangay lang na ito ang tanging lugar na hindi nila ginagawan ng kalokohan. Ibig sabihin, ligtas silang maggala rito at walang nakakaalam ng ginagawa nila. Pagdating sa Grocery Store na napili nila ay agad na kumuha sina Zeta at Wren ng tag-isang cart. At sa totoo lang ay kulang pa iyon, balak kasi ni Zeta na damihan na ang bibilhin dahil sa tingin niya ay matatagalan pa ang paglalagi nina Wren at Cahil sa Hideout. Habang naglilibot sa loob, hindi mapigilan ni Wren na mapatingin kay Zeta dahil pansin niyang kakaiba ang kilos nito. "May boyfriend ka na ba at nalaman niya 'yung ginawa natin nu'ng nakaraan kaya inaway ka?" bati nito sa dalaga. Agad siyang tiningnan ni Zeta, tinawanan niya ang sinabi ng binata saka sumagot, "Sira! Kapag tahimik, boyfriend agad? Paano naman ako magkakaroon ng boyfriend kung kayo ang lagi kong kasama at hindi naman ako lumalabas ng bahay kung hindi trabaho ang dahilan o 'di kaya ay ganitong mag-grocery tayo?" paliwanag niya. Si Wren naman ang natawa. "Ang dami mo namang sinabi, oo o hindi lang naman ang sagot," aniya. Habang nagkukulitan ay kumukuha sila ng mga items na madadaanan nila. "Pero hindi nga, anong problema? Hindi pa rin ba kayo nag-uusap ni Cahil?" tanong niyang muli. Alam ng binata na iyon lang ang maaring maging rason kung bakit nagkakaganito ni Zeta. Hindi man sila magkasama palagi ay alam niya ang nangyari dahil narinig niya sa headset ang sinabi ni Cahil kay Zeta nu'ng araw na pinasok nila ang Restaurant. Sigurado siyang dinamdam niya ito ng husto lalo pa't alam niyang sa kanya naman talaga galing ang ideyang nakawan si Karl. Kahit naman si Wren ay gustong isisi kay Zeta na siya ang dahilan bakit wala silang pahinga ngayon at bakit kahit umaga ay may trabaho sila na umaabot pa hanggang magdamag. Pero para sa kanya, wala na ring saysay kahit sisihin niya ito dahil tapos na. Isa pa, hindi lang naman si Zeta ang nagdesisyong nakawan ang Karl na 'yon, kasama si Zyx na nagdesisyon n'on at umamin siyang nasilaw siya sa pera. Hindi lang niya maintindihan si Cahil kung bakit hanggang ngayon ay hindi niya pa rin makalimutan ang nangyari. Hindi nakatakas sa tingin ni Wren ang naging paglungkot ng mukha ni Zeta. Kahit hindi siya sagutin nito ay alam na niyang 'oo' ang sagot sa tanong niya. Napabuntong hininga na lang siya saka muling nagsalita, "Hayaan mo na, maganda naman naging resulta ng huling lakad natin, 'diba? Tuwang-tuwa nga kapatid mo sa acting natin, walang nakahalata sa nangyari," aniya. Imbes na ikatuwa ang narinig, lalo pang nadismasya si Zeta. "Ikaw lang naman magaling d'on. 'Diba nga, muntik ko nang masira ang plano nu'ng nag-cr ako," ani Zeta, bakas sa boses ang lungkot. Walang balak si Wren na sukuan ang balak niyang pangitiin ang dalaga. Kaya't ginulo niya ang buhok nito bilang pang-asar nang mabuhay naman ang dugo ni Zeta. "Tumigil ka nga, sobrang galing mo sa pag-iyak. Puwede ka ngang mag-artista, eh!" masigla niyang sambit. Wala sa mood ang dalaga na patulan ang pang-aasar ni Wren sa kanya, kaya imbes na sagutin ang sinabi nito, tahimik na lang niyang inayos ang buhok nito. Patuloy lang din siya sa pagkuha ng mga bibilhin nila. "Oo nga pala, anong masasabi mo r'on sa balak nu'ng dalawa na magtayo tayo ng negosyo paglipat natin?" muling tanong ni Wren. Isang buntong hininga ang pinakawalan ng dalaga, lumiko muna sila sa sunod na shelves na iikutan nila bago siya sumagot, "Hindi ko alam... kasi hindi pa nga natin naso-solve 'yung problema, eh," aniya. Isang diretsong tingin ang unang reaskyon ni Wren sa sagot ng kasama, para kasi sa kanya, kahit anong maging desiyon ng grupo ay sasama lang siya. "Siyempre, matik nang uunahin ang problema. Saka, huwag ka nang nega riyan... narinig mo naman ang sinabi ng kapatid mo, madali na tayong makakapili ng lugar kung saan tayo puwedeng lumipat kasi may listahan tayo kung nasaan ang ibang miyembro. Makakaiwas na tayo sa sindikato," aniya. Hindi na lang sumagot si Zeta, kasi alam niya rin naman na walang pupuntahan ang usapan nila. Hindi lang talaga niya maiwasang mag-isip ng hindi maganda, dahil sindikato ang nabangga nila... posible ba talaga ang pagtakas? At isa pa, sigurado ba talagang lahat ng lugar na nasa listahan ang tanging lugar lang na nasakop na ng Fallen Angel? Paano kung ang nasa listahang iyon pala ay mga lugar lang na alam ni Peter, pero hindi pa lahat? Madaming bagay ang gumugulo sa isip ni Zeta na halos wala na siyang ilaban pa ang katwiran niya. Muling nagsalita si Wren, "Saka gusto ko naman ang lugar na napili niya, hindi pa natin napupuntahan iyon at mukhang tahimik. Bagay doon ang naiisip nilang negosyo," aniya. Ang negosyong naiisip nina Cahil at Zyx ay dalawa: Computer Shop at Repair Shop. Iyon kasi nang tingin nilang bagay na negosyo dahil madali lang at alam na nila ang gagawin. Isa pa, patok sa panahon ngayon ang ganoong negosyo kaya tiyak ni Zyx na kikita sila r'on. "Wren, ni minsan ba... hindi ka nanliit sa dalawang kasama natin?" Napahinto sa paglalakad ang binata nang bigla niyang marinig ang tanong na iyon sa kasama... alam niya ang ibig nitong sabihin, pero ayaw niyang bigyan ito ng pandagdag na alalahanin. "Bakit naman ako manliliit sa kanila, matangkad kaya ko lalo na kay Zyx—" "Kasi naman, eh! Seryoso kasi muna, Wren!" medyo tumaas ang boses ni Zeta. Huminto na rin siya sa paglalakad at hinarap ang kasama. Kumunot ang noo ng binata. "May regla ka ba? Bakit ba ang dalas mong mag-overthink ngayon—aray!" Isang mabilis na hampas ang natamo ni Wren mula kay Zeta. Pagkatapos ay tinalikuran na siya ng dalaga, bumalik sa kanyang ginagawa na pamimili. Gustong matawa ni Wren dahil nagawa niyang asarin muli ang kasama, pero ginawa niya ang makakaya niya para pigilan ang sarili na magbigay pa ng panibagong rason para maasar ito lalo. Gusto lang namang maglabas ni Zeta ng sama ng loob niya sa mga nangyayari, alam niya kasing bukod sa kasalanan niya ang nangyaring nanakawan nila si Karl... may ibang bagay pa siyang nagawang mali sa kanilang grupo. Para sa kanya, siya talaga ang pinakawalang ambag at silbi sa kanilang apat... na parang siya lang ang nag-iisip na siya ang itinuturing na leader ng grupo. Dahil kung tutuusin, order ni Zyx ang sinusunod nila kapag nasa field na sila. Tanging suporta lang naman ang naidadagdag niya rito. Nasa kalagitnaan siya sa pag-iisip ng kung anu-ano, pero natigil ito nang maramdaman niya ang biglang pag-akbay ni Wren sa kanya. "Ayos lang ang minsang mag-isip kung ano ang silbi mo sa buhay, pero sana... huwag mong kakalimutan na hindi ka naging pabigat kahit kanino sa amin. Kung wala ka, walang magbabalanse sa grupo," aniya tapos ay binitiwan na siya nito. Agad na napangiti ang dalaga. Dahil sa totoo lang, sa tuwing malungkot siya, si Wren ang nagpapasaya sa kanya at nagbabalik ng sigla niya. Natapos sila sa paglilibot ng buong Grocery Store. Habang nakapila sa Cashier ay nakipagkulitan na muli si Zeta kay Wren, biglang nawala ang topak. "Bili tayo ice cream," ani Zeta nang mailabas nila ang mga pinamili. Bagot na tumingin sa kanya ang binata. "Ngayon mo 'yan naisip kung kelan nandito na tayo sa labas?" reklamo nito. Dala pa nila ang mga cart na pinaglagyan ng pinamili nila hanggang dito sa parking lot dahil hindi nila ito madadala sa pagbitbit lang. Tinulungan na rin sila ng ilang Bagger para madala rito ang anim na cart. Kasalukuyan na nila itong sinasakay sa kotse. Nagpameywang si Zeta bago sumagot. "Alangan namang habang hila-hila natin ang mga cart at kasunod ang ibang mga Bagger ay bibili tayo ng ice cream! Sira ka ba?" aniya. Napakamot na lang ng ulo si Wren. "Sige na, sige na! Bilisan mo na lang diyan para makabili na tayo at makauwi na. Ikaw 'tong ayaw nang nagtatagal sa labas pero ikaw din ang madaming—" Hindi na nagawang matapos ni Wren ang inirereklamo niya dahil bigla na lang siyang hinila ni Zeta dahilan para mapaupo silang dalawa. "Ano bang trip mo—" "Huwag kang maingay! Nakita ko si Karl!" bulong si Zeta sa kanya nang takpan nito ang kanyang bibig. Halos manginig ang boses ni Zeta sa kung paano siya magsalita, hindi niya alam kung paanong nakarating si Karl sa lugar na ito dahil may kalayuan ang location nila ngayon sa location ng condo nito. Natatarantang hinarap ni Zeta ang kasama niya, habang si Wren naman ay halos humaba ang leeg para lang kung tama ba ang nakita nito. "Anong ginagawa niya rito?!" halos paiyak na ang boses ng dalaga dahil sa takot, ilang hampas na rin ang natamo ni Wren sa kanya. Muling sumilip si Wren, nakita niyang nakahinto ang lalaking dati nilang nanakawan. Tila may kung ano itong pinagkakaabahalan sa kanyang cellphone. "Hindi ko rin alam, malay ko ba sa schedule ng buhay niya?" aniya. Isang hampas muli ang natamo niya mula sa kasama. "Anong gagawin natin, sira ka talaga!" aniya. Kahit inis siya sa inaasta ng kasama ay pilit niya pa ring hinihinaan ang kanyang boses sa takot na baka marinig ito ng tinataguan nila. Iba ang takot na nararamdaman ni Zeta ngayon, parang triple pa ito sa takot na naramdaman niya noong hindi nila mahagilap si Cahil sa huling trabaho nila. Dahil bukod sa hindi pa nila alam kung hinahanap na ba sila ng sindikato, hindi rin nila alam kung may ideya na ba sina Karl sa totoo nilang mukha at pagkatao. At ang pinaka nagbibigay kay Zeta ng malalang kaba ay ang katotohanang wala silang dalang pang-disguise ngayon. Dahil nagdadala lang naman sila n'on kapag may trabaho sila. Swerte na lang sila na hindi pa rin umaalis sa pwesto si Karl. Idagdag pa na nasa cellphone pa rin ang atensyon niya. Pinagmasdan ni Wren ang mga balot ng pinamili nila na hanggang ngayon ay nasa cart pa at ang iba ay nasa lapag pa. "Bilisan mo, ituloy natin ang pagsasakay sa mga binili natin. Para makaalis na tayo," utos nito. Hindi na sumagot si Zeta, walang anu-ano'y sinunod niya ang sinabi ng kasama niya. Mabilis nilang ipinasok ang lahat ng plastic. At sa buong tanang buhay ng dalaga sa pamimili sa Grocery Store, ngayon lang siya nagsisi na ang dami ng binili niya. Hindi na nila inintindi kung anong lagay ng mga ito sa loob ng kotse, ang mahalaga lang ay wala silang maiwang bakas na may pinamili sila rito. At habang abala pa rin si Karl, nagawa pa ni Zeta na burahin sa handle ng cart ang finger print nilang dalawa gamit ang dala niyang wipes. Nang matapos na nila ang mga kailangang gawin, muli silang naupo at nagtanong si Zeta, "Ano nang gagawin natin?" aniya. Hindi alam ni Wren kung tama bang lumabas mula sa pwesto nila para maglakad papasok sac driver seat. Kaya kahit mahirap ang naiisip niyang paraan, sinamantala niyang hindi kita ang parte ng passenger seat, don sila dumaan ng mabilis papasok ng sasakyan. Maski sa paglapit sa unahang pinto ay nakaupo sila. Ilang sandali lang ay nagawa naman nilang makapasok ng ligtas sa kotse. Pero kahit nasa loob na ng kotse at kahit hindi na sila kita sa loob ay kabado pa rin si Zeta hanggang ngayon. "Umalis na tayo rito!" tarantang saad ni Zeta sa kasama. "Madadaanan natin si Karl," ani Wren. Napatulala si Zeta dahil tama naman iyon. "Hayaan mo na, mas ayos na iyon kaysa magtagal tayo rito. Bilis!" Wala nang nagawa pa si Wren kundi ang paandarin ang sasakyan. Nang matapatan nila si Karl, hindi maiwasan ni Zeta na hindi titigan ang lalaking iyon. Para bang nag-slow motion ang paligid nang mapatingin din sa kanila si Karl. Parang binuhusan ng malamig na tubig ang dalaga nang maramdaman niyang nagtama ang tingin nilang dalawa. Nang tuluyan silang makalabas ng parking lot, alam nilang dalawa na ligtas na sila sa panganib na maaring dala ni Karl Christian de Guzman. Wala pa rin silang ideya kung bakit narito ang taong iyon, pero nagsilbing babala para sa kanila na makita na nakakarating ito kahit saang parte ng mundo. At dahil sa nangyari, alam nilang hindi na sila ligtas sa lugar na ito... lumiliit na talaga ang mundo nila at dapat na silang makalayo rito sa lalong madaling panahon. Sa isang iglap, nawala ang pag-aalinlangan ni Zeta sa plano nina Zyx at Cahil na magnegosyo sa paglipat nila. Ngayon ay hindi na siya makapaghintay na makalipat sila roon para tuluyan nang makalayo sa takot at kaba sa panganib na pilit nilang tinatakasan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD