Chapter 48

2723 Words
CHAPTER 48 Hindi pa natatapos ang araw para sa magkaibigan, dahil ang sunod naman nilang inasikaso ay ang puntahan ang lugar kung saan nagsilbing Crime Scene noong araw na mawala si Shaira Delos Reyes, ang anak nina Marcel at Rita Delos Reyes. Minsan ay mas makakapag-isip ka sa mga bagay-bagay kung babalikan mo ang lugar kung saan nagsimula ang lahat. Kaya sa paniniwala ni Craig, may makukuha rin sila kapag inaral nila ang lokasyon kung saan huling nakita ang bata o kung saan ito napabalitang naroon. "S-in-end na sa akin ni Zyx ang location," ani Craig at saka ipinakita iyon kay Dawin na ngayon ay nagmamaneho na papunta sa lugar. Hindi sapat ang internet para malaman ang lahat ng dapat nilang malaman tungkol sa nangyaring k********g limang taon na ang nakakalipas. Madami ang hindi kayang ipaliwanag ng internet pero magagawa nilang masaksihan kapag nakita nila ang mismong lugar. Alam ng binata na mas makabubuti pa rin kung makikita nila ito ng personal, dapat din namang ma-maximize nila lahat ng impormasyong hawak nila. Ang posisyon ng isang abandonadong bodega kung saan dinala noon ang bata ay medyo malayo sa kabihasnan. Mapuno ang paligid ng lugar at dumaan din sila Craig sa tulay bago makarating sa mismong lugar. Halatang liblib ang lugar na pinagdalhan sa bata na hindi nga naman pansinin ng kung sino. Ibig lang sabihin, malayo talaga ito sa mga tao at bihirang-bihira may makakapunta rito. Lalong nakaramdam ng awa ang binata para kay Shaira dahil napaka imposible para sa isang batang gaya niya ang makatakas kung ganitong lugar ang pagdadalhan sa kanya. Nang makarating ang magkaibigan sa lugar ay agad nila itong nilibot, habang sinusuyod ng tingin ni Craig ang lugar ay parang naiisip niya na rin ang naranasang takot ng batang si Shaira. Tiningnan nila ang paligid kung may bagay ba silang maaring makita rito bilang isang clue sa nangyaring k********g noon. Pero sa kasamaang palad, walang kahit ano ang naroon kundi mga sira at lumang gamit. Samahan pa ng mga ilang basag na bote. Ang tanging napala lang nila ay nakita nila ang lugar. "Walang kahit manlang lubid sa lugar? Parang ang linis naman masyado ng lugar na ito para matawag na crime scene," komento ni Dawin. Hindi agad sumagot si Craig, nilibot lang niya ang tingin sa kabuuan ng paligid. At kahit hindi siya sumagot sa kaibigan ay sang-ayon ito. Parang simpleng abandonadong bodega lang ang lugar, walang kahit ano rito. "Pero hindi naman dahil wala tayong makita rito na kahit ano ay mali na ang lokasyon natin," iyo na lang ang sinabi ng binata. "Para sa akin, perpekto pa rin ang lugar na ito para pagtaguan ng dinukot na bata. Malayo sa mga bahay, at isang lugar na hindi na pupuntahan pa ng kahit na sino," dagdag pa niya. Ang bodega ay malapit din sa isang ilog, hindi na nga lang ito malinis tingnan at marami na ring basura ang nakalutang sa nasabing ilog. Bukod pa roon ay hindi kaaya-aya ang amoy nito. "Teka nga, bakit pala kay Zyx ka humingi ng address ng bodega? Hindi ba ito alam ng mag-asawa?" tanong ni Dawin. "Hindi ko naalalang itanong kay Marcel ang lugar na ito, at kay Rita naman ay hindi na niya masyadong maalala ang mismong address. Kaya ibinigay ko na lang kay Zyx ang lugar na naalala ni Rita at ito nga ang nag-iisang abandonadong bodega sa lugar na ito na malapit sa ilog," paliwanag niya. Tumango na lang si Dawin sa kanya at ibinalik ang tingin kung saan. "Sa tingin mo ba, kung dito nga talaga dinala ang bata. May posibilidad ba na naunang pumunta ang sindikato para kunin ito o talagang walang balak na isauli ni Joshua ang batang isinauli niya?" Bumaling ang tingin ni Craig sa kanya. "Ngayong binanggit mo 'yan, parang gusto kong makausap ang lalaking iyon. May ilang bagay akong gustong linawin sa kanya," aniya. Napabuntong hininga si Dawin, lumapit siya sa kaibigan bago ito sumagot, "Para sa akin, wala tayong dapat linawin sa kanya. Alam ko na ang isasagot lang ng taong 'yan sa 'yo ay hindi niya alam, o di kaya ay paiikutin ka lang gaya ng ginawa sa atin ni Karl. Wala talaga akong tiwala sa dalawang kriminal na iyon, tingin ko ay makakadagdag impormasyon lang iyon sa sindikato nila kung lalapit tayo sa kanila. Malalaman nila kung ano ang iniimbestigahan natin," paliwanag niya. Habang ang kausap niya ay hindi na mapakali, kanina pa nakatingin sa paligid na animo'y nakikiramdam sa paligid. Kumunot ang noo ni Dawin nang mapansin niya ang ikinikilos ng kaibigan niya. "Pare, may problema ba?" usisa niya. Naging malikot ang tingin ni Craig sa paligid. "Naalala mo ba 'yung bagay na sinabi ko kanina?" "Alin doon?" "Na hindi ito ang uri ng lugar na maiisip ng tao na puntahan." Tumango naman si Dawin. "Oo, naalala ko nga. Anong meron doon? Huwag mong sabihing may nakita kang multo rito? Aba, Pare, tanghaling tapat pa lang. Wala pang multo." Hindi na sumagot si Craig sa kanya, patuloy lang ito sa pagtingin at pakikiramdam sa paligid. Hanggang sa bumunot na ito ng baril, bagay na ikinagulat ni Dawin. Walang nagawa ang binata kundi bunutin na rin ang baril niya. At ginaya ang kasama na makiramdam sa paligid. "Ngayon ko lang napansin na masyadong tahimik ang lugar na ito, mas madaling maramdaman kung may masamang elemento ang naligaw dito," bulong na lang ni Dawin. Seryoso ang naging tingin ni Craig sa kasama. "Hindi lang masamang elemento ang naramdaman ko, Dawin." Kumunot ang noo ng binata. "Demonyong nanggaling sa impyerno?" Hindi pinansin ni Craig ang sinabi niya, kusa na lang na lumikot ang mata nito at sinabing, "Kapag nagkabiglaan... magtago ka na lang—" Hindi na nagawa pang matapos ni Craig ang sinasabi niya, may kung sinong nagpaulan sa kanila ng limang putok. Mabuti na lang at nagawa pa silang iligtas ng swerte at walang tumama sa kanila. Mabilis silang nagtago sa mga sirang gamit na nakakalat lang sa paligid. "Hindi ata tumatanggap ng bisita ang mansyon ng mga demonyo, eh," komento ni Dawin. "Ang isipin mo, paano nila nalamang narito tayo?" Muling may nagpaputok sa kanilang dalawa mula sa parehong direksyon kung saan nanggaling ang bala. Agad na sinilip iyon ni Craig para tingnan kung nasaan banda ang taong nagpaputok sa kanila. Sinubukan niyang bantayan ang pwestong iyon para abangan kung muling lilitaw ang tao, at sa oras na magkaroon siya ng pagkakataon ay hindi siya nag-atabuling gantihan ng putok ang lalaking nakita niyang lumitaw na handang muling pumutok. Ang bodega ay may hagdan paakyat, mga sirang gamit lang din ang naroon at hindi ito kataasan sa ibaba nito. Pero mula sa pwestong iyon ay mainam itong posisyon para makita ng mas malinaw ang galaw ng kalaban. Ibig sabihin, mas lamang ang kalaban sa kanilang dalawa. Sa tingin ni Craig ay limang tao rin ang kalaban nila. Hula lang niya ito dahil limang beses din silang pinaputukan kanila bago sila makapagtago. Bukod doon, hindi niya pa alam kung may iba pang nakakalat na kasamahan ng mga ito. "Galing tayo sa kainan, si Rita lang naman ang huling nakasama natin. Sa tingin mo ba ay siya rin ang nagsabi sa kalaban kung nasaan tayo? Posible bang miyembro rin siya ng sindikato?" tanong ni Dawin. Napakagat ng labi si Craig. "Ewan ko, nakakainis mang sabihin pero... posible bang nagkamali tayo ng hinala?" Kumunot ang noo ni Dawin sa kanya. "Paanong nagkamali ng hinala? Saan?" "Sa kung sino ang totoong miyembro ng Fallen Angel. Paano kung si Rita ang tunay na miyembro at hindi si Marcel?" Tatlong putok ang muling pinakawalan ng kalaban mula sa parehong posisyon nito. Iniiwasan ng magkaibigan na gumanti ng putok hangga't maari dahil ayaw nilang magsayang ng bala, isang bagay pa ay hindi rin nila sigurado kung gaano karami talaga ang kalaban. Pareho nilang alam na dapat silang mag-ingat sa bawat ganti nila. Hindi pa rin nila alam kung napapalibutan ba sila o hindi. "Hindi sa dinidepensahan ko ang una mong hinala, pero sinabi ni Rita na si Marcel ang nag-uwi ng display nilang leon na may pakpak. At si Marcel din ang nag-react nang marinig niya ang Fallen Angel," ani Dawin. Kabado si Craig, pero hindi dahil sa nahaharap sila sa laban ngayon. Kabado siya sa maaring pagkakamali niya ng tingin sa mag-asawa. Ngayon ay parang nagsisisi pa siya na kinausap nila ng sarilinan si Rita para itanong ang tungkol sa display na iyon. Kung siya man ang tunay na miyembro ng Fallen Angel, parang sinabi na rin niya sa ginang na alam nila ang tungkol sa simbolo ng kanilang sindikato. "Paano kung sinabi lang iyon ni Rita para maipasa sa asawa niya ang tingin natin na ito ang miyembro ng sindikato at hindi siya? Kwento lang niya ang narinig natin tungkol sa display, hindi natin alam ang kwento ni Marcel!" giit ni Craig. "At paano kung totoo ang sinasabi ni Marcel na narinig niya lang talaga ang tungkol sa Fallen Angel pero ang totoo ay wala talaga siyang alam sa grupong iyon? Dawin, maraming puwedeng mangyari!" Hindi maiwasan ni Craig na sisihin ang sarili niya, sa pakiramdam niya ay sa kada maling desisyon at maling pagpili niya ay nababawasan sila ng pag-asa na mahuli pa ang sindikato at mas lalo silang nalalagay sa panganib. Alam niyang hindi lang ang buhay niya ang nalalagay sa peligro sa kada kilos nila, maging ang buhay ng grupo ni Zeta ay nakasalalay din dito. Napalunok si Dawin, tila sinusubukang pakalmahin ang sarili niya para makatulong din na mapakalma ang kaibigan niya. "Pare, matagal na tayong magkaibigan. Mula noon, malaki na ang tiwala ko sa lahat ng desisyong ginagawa mo sa buhay mo man o sa trabaho. Kaya nga kahit panay pa ang reklamo ko sa mga bagay na ginagawa mo ay nananatili pa rin ako sa tabi mo, 'diba? Ginagawa ko pa rin kung ano ang sinasabi mo dahil naniniwala akong wala kang desisyong papalpak tayo. Dahil sa ating dalawa, alam kong ikaw ang may mas utak sa ganitong bagay. Kaya ngayon ko lang ito sasabihin sa 'yo... tama man o mali ang maging desisyon mo, nakasuporta pa rin ako sa gagawin mo," aniya. Hindi alam ni Craig kung ano ba ang dapat niyang isagot sa kaibigan pagkatapos niyang marinig ang mga sinabi nito. Ang tanging bagay lang na tumatakbo sa isip niya ngayon ay ang mailigtas muna ang buhay nila. Mas importante iyon kaysa sa kung ano man ang totoo. Pumunta ang tingin ni Craig sa kanilang sasakyan. Nakaparada ito sa tapat ng bodega, halos sa gitna ng pwesto nila at sa pwesto ng kalaban. Sa madaling salita, hindi ganoon kadaling lapitan iyon. Bumaling muli ang tingin niya kay Dawin saka ito tumango. "Tumawag ka ng backup. Habang papunta sila, subukan nating makalapit sa sasakyan. Sa ganoong paraan ay hindi nila maiisip na may hinihintay tayong reinforcement, magiging abala sila sa atin," suhestiyon niya. Agad na ngumiti si Dawin sa kanya at hindi nag-atubiling sundin ang sinabi ng kaibigan. Kaya habang abala ito sa pag-contact sa backup ay muling sumubok si Craig na magpaputok sa kalaban. Ginantihan siya nito dahilan para lumitaw ito sa pinagtataguan at muling matamaan ni Craig ang lalaking iyon. Sa muling pagbagsak ng pangalawang lalaki ay naningkit ang mata ng binata. Pero agad din siyang bumalik sa pagtatago para alamin sa kasama kung nakatawag na ba ito ng backup. "Papunta na sila," ani Dawin. Tumango si Craig. "Hindi ko alam kung ilan pa ang kalaban, pero sa kada taong gaganti ng putok sa atin ay parang hindi nila iniisip na iligtas manlang ang buhay nila. Para bang handang-handa na silang mamatay. Kung miyembro sila ng sindikato at ang trabaho nila sa loob nito ay maging isang pulis para sa grupo, hindi ba dapat marunong silang tumiyempo kung kailan dapat magpapaputok at kailan dapat magtatago?" Kumunot ang noo ni Dawin sa kanya. "Ano bang punto mo? Hindi kita maintindihan." "Bilang isang pulis, dapat mabilis ang reflexes mo. At tiyak kong ang mga gaya nila ay ganoon din. Pero sa nakikita kong ginagawa nila, parang sinasadya nilang matamaan ko sila... sinasadya nilang mamatay. Naka-droga ba sila o talagang gusto na nilang mamatay?" Hindi kaagad nakasagot si Dawin, tila sumilip lang ito sandali na para bang tiningnan kung ilan na ang napapatumba ni Craig. Nang makumpirma niyang dalawa lang ito ay humarap siyang muli sa kaibigan. "Sa tingin mo, ilan pa sila?" Isa lang ang naiisip na raso ni Craig bakit nagtatanong ang kaibigan kung ilan pa ang natitirang kalaban—ito ay ang subukan silag pasukuin na lang bago pa dumating ang backup. Pero sa tingin niya naman ay hindi ang tipo nila ang susuko, kung handa silang mamatay para sa misyon nila—kung ano man ang pakay nila sa ginagawa nila ngayon—ay hindi sila ang tipo ng taong basta-basta na lang susuko. "Hindi ko alam, pero hindi naman siguro sila magpapakamatay ng ganyan para sa Fallen Angel kung wala silang plano sa atin, 'diba?" tanong ni Craig. "Iniisip mo bang gaya natin ay may hinihintay din silang backup?" Naningkit ang mata ni Craig. "At maaring ang plano nila ay kunin tayong dalawa ng buhay," aniya. Ngisi ang unang sumilay sa labi ni Dawin bago ito sumagot. "Sikat na tayo! Gusto tayong makilala ng personal ng Fallen Angel. Baka naman i-recruit pa nila tayong sumali sa pagyaman nila, ha," biro niya pa. Ngumisi lang din si Craig sa kanya. "Ituloy na natin ang plano, subukan nating makalapit sa sasakyan," suhestiyon niya. Tumango ang kausap niya. "Una ka." Wala nang naging pag-uusap ang dalawa pagkatapos n'on, pareho silang naging listo sa paligid dahil hindi nila sigurado kung ano talaga ang pakay ng kalaban sa kanila. Maaring tama ang iniisip nilang handang mamatay ang sinoman sa kalaban kapag hinihingi ng pagkakataon, maaring paraan nilang isakripisyo ang sarili nilang buhay para sa grupo kaysa mahuli sila ng buhay at may malaman ang kapulisan sa kanila tungkol sa sindikato. Isang bagay pang mahalaga ngayon ay ang posibilidad din ng plano ng kalaban: ang kunin sila ng buhay. Pero ganoon pa man, hindi ibig sabihin na may balak ang kalaban na kunin sila ng buhay ay hindi na sila nito babarilin. Maari pa rin sila nitong barilin sa parte ng katawan na hindi sila mamamatay at hindi sila makakatakas, iyon ay sa parteng ibaba nila. Kaya iyon ang dapat pag-ingatan ng dalawa. Hanggang sa biglang tumakbo si Craig sa pinakamabilis na kaya niyang itakbo palabas sa bodega. Hindi naman ganoon kalayo ang labasan, ang kailangan lang gawin ay magawa niyang makatawid doon ng ligtas. Habang tumatakbo siya ay si Dawin naman ang nagsilbing mata niya para bantayan ang mga kalaban kung sakaling paputukan nila si Craig habang sinusubukan nitong makatawid palabas. At hindi nagkamali ng akala ang binata, dalawang lalaki ang muling lumabas mula sa pinagtataguan nila at pareho itong nakatutok sa kasama niya. Ginawa ni Dawin ang makakaya niya para hindi masyadong mapuruhan ang dalawa para magawa pa nila itong makunan ng statement pagkatapos ng engkwentrong ito. Pero sa kasamaang palad ay isa lang ang nagawa niyang tamaan at nakapagtago pa ang isa. Dahil nga hindi niya intensyong patayin ang mga kalaban ay nagawa ring makapagtago ng isa pa nitong kasama. "Dawin, go!" rinig niyang sigaw ng kaibigan niya. Naging hudyat iyon para siya naman ang mabilis na tumakbo palabas at palapit kay Craig. Gaya ng ginawa niya kanina ay ganoon din ang ginawa ng kaibigan niya ngayon, siya ang nagsilbing mata nito habang patakbo itong lumalapit sa kanya. At siyempre, bago niya pinatakbo ang kasama ay tiniyak niya munang walang ibang tao sa labas. Dito ay nakumpira niyang ang tanging tao lang na kalaban nila ay ang mga nakatago sa bandang itaas ng bodega. Walang nagtangkang lumabas sa pinagtataguan nila hanggang sa tuluyan nang makalabas si Dawin. Nakaramdam man ng pagtataka si Craig dahil parang napakadali para sa kanila ang malusutan ang labang iyon ay hindi na niya nagawang makapagsalita pa dahil ilang sandali lang ay dumating na rin ang backup na tinawag ni Dawin. Agad na nagsikalat sa paligid ang nasa dalawampung kapulisan para suyurin ang bawat sulok ng bodega. Habang sina Craig, Dawin, at ang ilang pulis naman ay hinarap ang mga taong nasa loob ng bodega para pasukuin. Nang mahuli nila ang mga ito ay hindi nga nagkamali si Craig, lima lang ang kalaban nila. Dalawa ang patay, isa ang may tama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD