Chapter 5

2721 Words
CHAPTER 5 Isang pagsubok para kay Zeta ang tanggapin na kailangang madagdagan ng trabaho niya ngayon. Akala niya ay sapat na 'yung nakinig lang siya sa pag-uusap nina Wren at Zyx kahapon, iyon pala ay may kadugtong pa iyon. Ngayong umaga naisipan ng grupo na simulan ang plano nila na tumakas sa sindikatong kinabibilangan ng taong nanakawan nila noong isang araw. Ang parte ng planong ito ay subukang hagilapin sa mga karatig lugar ang parehong mukha na ginamit nila bilang disguise noong makaharap sila ni Karl— lalong-lalo na ang dalagang si Zeta, dahil higit kanino man ay siya lang naman ang nakausap ng taong iyon sa grupo nila. Samakatuwid, siya ang nasa pinakamalapit na posibilidad na mapahamak. Halos ayaw kumilos ng dalaga dahil masamang-masama ang loob niya na sa halip ay araw ng pahinga ngayon, kailangan niya tuloy lumabas ng bahay para maggala sa kabilang Barangay batay sa utos ng kapatid niyang si Zyx. Siyempre, bago pa man siya lumabas ay naka-disguise na siyang muli. Wala mang katiyakan na makikita nila ang taong hinahanap nila at kahit sabihin pang tamad na tamad siyang kumilos, may parte pa rin sa kanya na nagpapaala na kailangan niya itong gawin kung gusto pa niyang mabuhay at kung gusto pa niyang matupad ang mga pangarap niya. Dahil kung hindi nila seseryosohin ang nagawa nila sa sindikato, sila ang seseryosohin ng mga ito sa pamamagitan ng pagpatay sa kanila. Kagaya ng trabaho nila bilang team kapag sila ay nagnanakaw, magkakasama sina Wren, Cahil, at Zeta na sasabak sa field. Habang si Zyx naman ay naiwan sa kanilang bahay. Mas madali kasing maghanap kung lahat sila ay maghahagilap sa paligid. "Kailangan ba talagang ganito ang maging effort natin para hanapin ang mukhang iyon? Hindi ba 'yon puwedeng hanapin na lang sa internet?" reklamo ng dalaga, kausap niya ang kanyang kapatid sa headset na nakakabit sa kanyang tainga. Nakaupo ang dalaga sa backseat ng kotse. Nakataas ang kanyang dalawang paa na animo'y parang nasa bahay lang kung maupo. Hindi niya alintana kung nakakalat lang sa sahig ng sasakyan ang sapatos niya, panatag naman kasi siyang hindi iyon mawawala. [Zeta, kung puwede ko namang gawin 'yan, hindi ko na iiutos sa inyong subukang maghanap sa paligid. Ipinaliwag ko naman na sa iyo kanina na sinubukan ko nang maghanap kagabi, 'diba? Ang kaso nga, wala akong nakita. Kaya iyan ang naisip kong back-up plan,] paliwanag namang ni Zyx sa kabilang linya. Napairap ang dalaga dahil sa naging sagot sa kanya ng kausap. Labag talaga sa kanyang loob na maarawan dahil sanay siya sa panggabing trabaho. Idagdag pa riyan na inasahan niyang tuwing natatapos silang magnakaw, magkakaroon sila ng mahabang pahinga at hindi nila kakailanganing lumabas ng bahay. Hindi alam ng dalaga ang inis na nararamdaman ni Zyx, pakiramdam niya kasi ay biglang nagpatong-patong na ang problema nila sa hindi maipaliwanag na dahilan. Sa tagal na niya sa pangangalikot sa internet ay ngayon niya lang naranasan na walang mapala rito. "Kalma ka lang, Zeta. Isipin mo na lang na roadtrip natin ito," dagdag naman ni Wren. Nakaupo siya sa passenger seat na katabi ng nagmamanehong si Cahil. Sumabat sa usapan si Cahil, "Hindi tayo maglalakwatsa. Parte ng trabaho natin ngayong araw ay maghanap din ng ibang mukha o personalidad na maari nating magamit bilang dagdag paraan ng pagtakas kapag nagkaroon ng biglaan," aniya. Kahit hindi kita ng binata, kumunot pa rin ang noo ni Zeta habang nakatingin sa kanya. "Anong sinasabi mo riyan, Orange? Ano pang silbi ng utak ni Zyx kung mano-mano rin nating hahanapin ang mga susunond na mukha na gagamitin natin?" tanong niya, tapos ay ibinalik ang tingin sa tanawin ng bintana ng kotse. Napabuntong hininga si Cahlil para pigilan ang sariling pagalitan si Zeta sa inaasta nito. Naiintindihan din naman niyang biglaan ang nangyayaring ito at tunay na hindi inisahan ng dalaga na ganito ang magiging trabaho nila ngayon. "Ang ibig kong sabihin, kailangan natin ng taong gagamitin bilang disguise na taga-rito lang. Para kapag halimbawang may maligaw na sindikato rito, iyong mukhang iyon ang gagamitin natin. Kumbaga, paraan natin iyon bilang panibagong panglito sa kanila. Gets mo na ba?" medyo naging tunog iritable ang kanyang boses, hindi niya iyon maiiwasan dahil talaga namang mabilis mag-init ang ulo niya. "Oo na," bagot na sagot ng dalaga. Patuloy pa ring nakatingin sa labas ng bintana. Hindi naman nakatiis si Wren, alam niyang badtrip ito at para sa kanya ay ito ang tamang oras para mang-asar. "Kasalanan mo naman ito, eh. Kung hindi mo pinili 'yung target na iyon, sana nasa bahay lang tayo pare-pareho ngayon," aniya saka nagpakita pa ng ngisi pagharap kay Zeta. Hindi siya pinansin ng dalaga, hindi rin ito nagsalita. Halatang inis talaga siya sa naging opinyon ni Wren. Idagdag pa ang naiisip niyang alam niyang nasa katwiran ang narinig niyang sinabi ng binata. Dahil itanggi niya man o hindi, malaki ang bahagi niya sa rason kung bakit sila nagkaganito ngayon. [Tama na nga 'yan, huwag na tayong magsisisihan. Trabaho muna,] sabi naman ni Zyx sa kabilang linya. Naririnig ng tatlo ang sinasabi niya. [Nasaan na kayo banda?] tanong niya, hindi siya nagbanggit ng pangalan kaya kahit na sino sa kanilang tatlo ay puwedeng sumagot doon. "Malapit na sa park na sinabi mo. Sigurado ka bang mas magandang humanap doon?" si Cahil ang nagsalita. [Oo, madalas na maraming tao sa lugar na iyan. Idagdag pa na ang halos nagpupunta riyan ay malapit lang din sa park ang bahay. Saktong-sakto para sa plano,] sagot ni Zyx. Wala nang umimik pa pagkatapos ng naging pag-uusap na iyon. Hanggang sa makarating sila sa lugar, sa isang sulok ng parking lot huminto ang grupo. Hindi na kailangan pang paalalahanan ang isa't isa sa kung ano ang dapat nilang gawin. Alam nila na ang una ay dapat nilang isuot ang disguise nila at isa-isa silang lalabas sa sasakyan. Hindi naman problema ang suot nilang headset o kung may makapansin man sa kanilang may kausap dahil hindi naman iyon kakaiba para sa ganitong lugar. Naunang lumabas ng sasakyan si Wren. "Kita-kits sa makakasalubong ko, ingat!" paalam niya. Pag-alis niya, wala pa ring umimik kina Zeta at Cahil. Alam nina Zyx at Cahil na may topak ang kasamahan nilang babae dahil ganito ang inaasta niya. Walang balak na batiin ni Zy ang kapatid para pagsabihan, alam niya kasing sayang lang ang laway niya dahil kapag ganito na ang ipinapakita ng dalaga, wala nang saysay ang anomang paalala sa kanya. Pero iba si Cahil, alam niyang walang ibang makakapagsalita sa dalaga kundi siya lang. Kaya mula sa rearview mirror ng sasakyan ay sinilip niya ang dalaga. "Wala tayong magagawa kundi tanggapin ang nangyari, hindi ka naman namin sinisisi," aniya. Ilang segundo ang nakalipas bago sumagot si Zeta, "Alam ko naman 'yon, eh. Naiinis lang ako na ganito ang magiging kapalit ng desisyon ko," aniya. [Hayaan mo na, bumaba ka na lang diyan at sumunod sa akin para mawala inis mo,] sabi naman ni Wren mula sa kabilang linya. Malayo na sa kotse ang pwesto niya ngayon, prente siyang nakaupo sa isang bench na para bang namamahinga mula sa pagtakbo. Ang disguise kasing napili niya ay isang lalaking nagja-jogging dito sa park. Hindi muling umimik si Zeta. Bagkus ay ginawa na lang niya ang sinabi ng mga kasama niya na bumaba na siya sa kotse para gawin ang trabaho. Wala naman talaga siyang ibang magagawa kundi tanggapin ang naging resulta ng nagawa niyang pagkakamali. Ang iniisip na lang niya ngayon ay ang mahalaga... hindi siya mag-isang magdurusa. Nang nasa kalagitnaan na ng paglalakad si Zeta ay doon niya lang napansin na madami nga palang tao sa paligid. Ang ingay na nangingibabaw ay mga tawanan at sigawan mula sa mga batang naglalaro sa Playground. Nagmasid pa sa paligid si Zeta, napangiwi na lang siya nang may mamataan siyang babae at lalaking naglalampungan sa isang gilid. Halata niyang bata pa ang dalawa at hindi niya talaga gusto ang nakikita niya. Sabi niya sa kanyang isip ay, "Ang aga-aga, kalandian ang ambag nila sa lipunan." "Seryoso, dito n'yo talaga napiling maghasik ng kalokohan?" tanong ni Zeta sabay gala ng mata niya sa paligid. Ang disguise niya ay tila isang estudyante na maghahanap ng mesa at upuan dito para mag-aral. Kaya iyon na ang unang bagay na binalak niya—ang maghanap ng mesa. Bukod sa mainit, hindi talaga niya gustong maglakad-lakad habang may hawak na mga libro at may sukbit pang bag. [Huwag ka nang umangal riyan. Humanap ka na lang ng target,] sagot naman ni Cahil na nasa kabilang linya. Ilang minuto na rin siyang nakababa at ngayon ay para lang siyang isang Guwardiya na nagmamatiyag sa paligid. Ang trabaho niya lang kasi ay tingnan ang mga taong narito, tiyakin na walang kakaiba sa mga ito na animo'y gaya lang din nilang hindi gagawa ng mabuti. Napairap na lang si Zeta dahil sa narinig niyang naging sagot nito sa kanya. Hindi na lang siya umimik at napasabi na lang sa kanyang sarili na, "Kahit kailan talaga, ang pangit ka-bonding ni Father Orange." Dahil ang orihinal na plano nila ay mangolekta ng mukha ng kung sino, palihim lang na pagkuha ng stolen shot ang ginagawa ni Zeta at Wren. Wala silang pinipili, basta kahit sinong makita nilang may malinaw na maaring makuhanan ang mukha ay pini-picture-an nila. [Zeta, gusto mo maglaro mamaya pagkatapos natin dito?] tanong ni Wren. Kasalukuyang may kinukuhanan ng litrato ang dalaga nang marinig niya iyon. Kaya tinapos niya muna ang ginagawa niya bago sumagot, "Ano na naman 'yan, Tukmol?" tanong niya sa kausap. [Tapos ka na ba sa ginagawa mo riyan?] muling tanong ng kanyang kausap. Bago sumagot, iginala muna ni Zeta ang tingin sa paligid, "Tingin ko, oo. Pare-pareho na lang ang mukha na nakikita ko rito, eh," aniya. [Tara dito sa bike lane. Tanggalin nating 'yang bored mo,] ani Wren. Bakas sa kanyang boses ang excitement dahil sa naiisip na kalokohan. Pabuka palang sana ang bibig ng dalaga para sagutin ito pero naunahan siyang magsalita ni Cahil, [Tigil n'yo nga 'yang kalokohan na 'yan. Trabaho 'to, hinahaluan ninyo ng laro? Tapos kapag pumalpak maiinis.] Alam ng dalawa na ganoon talaga kung magsalita ang binata, kaya imbes na tamaan si Zeta sa pagalit nito ay tinawanan niya na lang ito. "Ayaw mo bang kumita kahit konti? Libre kita after!" masigla niyang sagot. Hindi na nagreklamo pa si Cahil, dahil alam niya namang matigas ang ulo ng kasama niyang iyon. [May nakita na 'kong puwedeng target. Pumunta ka na lang dito, Zeta,] ani Wren. Pagkatapos ay binanggit niya na rin kung saan siya pumwesto. Agad na kumilos ang dalaga para puntahan ang lugar na gagawan nila ng kalokohan. Alam nina Zyx at Cahil na pagdating sa ganitong usapan, nagkakasundo talaga ang dalawang iyon at pareho na lang din silang walang magawa kundi suportahan na lang din dahil hindi man nila aminin, alam nilang kailangan din ng bawat isa sa kanila ang mga ganitong bagay para makahinga sa kanilang uri ng trabaho. Ilang sandali pa ay nakarating na si Zeta sa pwesto ng mga nagtitinda ng mga snacks, ito ang pwestong sinabi sa kanya ng kausap niya. Hanggang sa nakita niya si Wren na kumakain doon na may katabing lalaki na kapwa kumakain din. "Dito na ko sa likod mo," bulong niya, bilang pag-iiwas na baka may makarinig sa kanya. Hindi na sumagot si Wren. Ang tanging ginawa na lang niya ay pasimpleng inihulog ang isang wallet. Napangisi na lang ang dalaga dahil alam na niya ang dapat gawin. Mula sa pwesto ni Zeta ay naglakad siya palapit sa kanilang dalawa. Pinulot niya ang inihulog ng kasabwat niya at kinalabit ang biktima. "Kuya, excuse me po," aniya na tunog inosente ang boses at seryoso rin ang kanyang mukha. Nang humarap na ang lalaki sa kanya, muli siyang nagsalita nang iprinisinta niya sa lalaki ang isang wallet. "Sa inyo po ba ito? Napulot ko po kasi sa tapat ninyo." Hindi niya lang basta iprinisinta ang wallet, binuklat niya ito at ipinakita sa lalaki ang laman nito. Hindi man bilang ang pera ay tiyak na madami ito at puro tig-iisang libo pa. Gulat ang naging reaksyon ng lalaki nang makita ang dami ng pera na laman nito. Walang halong pagpapanggap naman ang naging reaksyon ni Zeta. "Ang dami naman nito!" Sa bigla ay napaisip na lang ang dalaga na, "Siraulo talaga si Wren, bakit ganito karami ang laman nito?" Pero sa kabilang banda, lihim na napangiti ang dalaga dahil kitang-kita niya sa mukha ng lalaki na interesado siya rito. Pero bago siya makapagsalita ay naunahan siya ni Wren. "Ah... Miss, sa akin ang wallet na 'yan," aniya pagtayo sa inuupuan niya at lumapit pa kay Zeta. Hindi man kasing galing ni Wren ang abilidad ni Zeta sa pagpapanggap gaya nito ay sinikap niya pa rin. "Huh? Pero nakita ko po ito sa tapat ni kuya, eh. Hindi po sa tapat ninyo," aniya. Ngumisi sa kanya si Wren. "Ano naman? Hindi dahil sa tapat niya nahulog ay sa kanya na 'yon. Kahit kapain mo pa ang bulsa ko ay wala ang wallet ko rito, dahil nga nahulog ko." Inilayo ni Zeta sa kanya ang wallet. Sinilip niya sandali ang target para tiyakin na nakikinig pa rin ito sa usapan nila. "Paano mo naman po mapapatunayan na iyo nga ito? Kasi hindi talaga ako kumbinsido." Inilagay niya sa bag na dala niya ang wallet para pa-simpleng ipalit ito sa isa pang wallet na puro papel lang ang laman. Hindi niya inaalis sa loob ng bag ang kanyang kamay. "Bakit inilagay mo pa sa bag ang wallet? Huwag mong sabihin na style mo 'yan para nakawin ang wallet ko?" pagalit na tanong ni Wren. Sumama ang tingin ni Zeta sa kanya. "Kuya, hindi ka ba tinuruan ng magulang mo sa tamang asal? Inilagay ko sa bag ang wallet para dalhin ito sa pulis o guwardiya rito. Kaysa iabot sa iyo na hindi ako sigurado kung iyo nga." "Teka... huwag naman paabutin pa sa ganyan." Umarte si Wren na parang hindi mapakali. "Kung gusto mo, babayaran na lang kita para ibigay sa akin ang wallet—" "Babayaran? Akala ko ba wallet mo ang napulot ng babae? Paano mo 'yun gagawin kung wala kang wallet?" Sabay na napalingon sina Zeta at Wren sa lalaki nang magsalita siya. Tumayo na rin siya para makisali sa usapan ng dalawa. "Sa akin nga ay wallet na 'yan," aniya at inilahad pa ang kamay niya para iabot ko iyon sa kanya. Lihim na natuwa ang dalawa dahil kumagat na sa patibong ang lalaki... "Pasensya na kuya, hindi na rin ako kumbinsido na sa 'yo 'to. Puwede kasing tama ang lalaking ito na maaring nahulog lang ito sa tapat mo pero hindi talaga ito sa 'yo," sagot ni Zeta sa kanya at itinuro pa si Wren. "Teka, Miss. Bakit ba ayaw mo na lang ibigay sa akin? Sa akin naman talaga 'yan. Wala sa akin ang wallet ko pero may pera akong nakabulsa." Naglabas ng dalawang libo si Wren. "Heto, ibibigay ko 'to sa 'yo bilang reward kaya akin na ang wallet ko." Ngumiti si Zeta bago sumagot, "Sabagay, ayoko na rin ng abala. Hindi na masama ang dalawang libo. Wala naman akong pakialam kung sino sa inyong dalawa ang may-ari talaga nito, hinihintay ko lang talaga na may mag-abot sa inyo ng bayad sa akin. At least hindi ako nagnakaw—" "Sandali, miss!" Akmang magpapalitan na sana sina Zeta at Wren ng pera at wallet nang sumingit sa usapan ang lalaki. Sabay na napatingin ang dalawa sa kanya. Naglabas siya ng limang libo. "May pera rin ako na nakabukod sa wallet kong nahulog. Ito ang reward ko sa pagpulot mo." Ngumisi si Zeta saka inabot sa lalaki ang wallet na puro papel ang laman. "Ayos, deal!" aniya. Agad na tumakbo palayo si Zeta nang makuha niya ang pera. Tuwang-tuwa siya dahil kumita na naman siya ng ganoon kadali kahit pa maliit lang iyon kumpara sa nakukulimbat nila sa pagnanakaw. Ganito kasi sila gumawa ng kalokohan ni Wren, harapang pangloloko sa kapwa. "Marami pa tayong puwedeng pagkakitaan dito," ani Zeta, kausap niya ang tatlo sa earphone na suot niya. [Parang kanina lang ay umaangal ka pa,] sagot ni Cahil. Umirap ang dalaga habang patuloy na naglalakad kahit pa hindi siya nakikita nito. "Shut up, Father Orange," sagot niya. [Tama na 'yan, bumalik na kayo. Hindi kayo puwedeng magtagal diyan,] sabi naman ni Zyx.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD