Chapter 6

2707 Words
CHAPTER 6 Hindi pa rin natatapos ang dagdag na trabaho para sa grupo, ni hindi pa nga sila nangangahalati. Bukod sa malaking gulo ang napasok nila, isa talagang abala para kay Zeta ang mga naiisip ni Zyx na paraan ng pagtakas. Hanggang ngayon ay mas madami pa rin ang inireklamo niya sa kapatid kaysa sa totoong nagawa niya para sa plano nila. "Hindi ako sigurado, pero wala talagang mukha na kapares o kahit kahawig manlang nu'ng mukhang ginamit n'yo noong huling trabaho natin," panimula ni Zyx. Halos hindi na umaalis sa Hideout sina Wren at Cahil dahil tumulong na rin sila kay Zyx na humanap ng mga posibleng taong maari nilang magamit bilang paraan para makatakas sa sindikato. Ilang araw pagkatapos nilang bumisita sa park ay ito na ang inatupag nila. Pero hanggang ngayon, ang tanging suspetsa palang nila ay maaring tama nga si Zeta: wala pang ganoong mukha na maaring nag-e-exist na sa mundong ito. Hindi man sigurado, pero gusto na ring panghawakan ng tatlong binata ang posibilidad na iyon dahil aminado sila pare-pareho na pagod na silang tumingin ng paulit-ulit sa internet. "Kung ang inaalala n'yo ay hahanapin nila ang mga mukhang ginamit natin, ayaw n'yo bang mabaliw at masayang lang din ang oras nila kakahanap sa wala? Ang dami na nating oras para makatakas kapag ganoon nga ang nangyari," sagot naman ni Zeta sa kanyang kapatid. Nakaupo silang apat sa sala ng Hideout, gabi na at oras na rin ng pahinga nila mula sa maghapong trabaho. Tanging si Zeta lang ang walang ginawa maghapon dahil hindi niya naman kayang gawin ang ginagawa ng mga kasama niya, at ayaw niya rin kasing matuto nito. Dahil ang paniniwala niya: "Kung hindi mo alam ang isang bagay, okay lang. At least, hindi ka mapapagod gawin." Sa totoo lang, ilang beses na iyong sinabi ni Zeta kay Zyx. Paulit-ulit niyang sinasabi sa kapatid niya na mas magandang hayaan na lang iyong ganoon dahil sa pananaw niya ay mas maganda ang magiging resulta kapag nalaman ng sindikato na ibang mukha nag gamit nila, naniniwala siya na gaya ng ibang mayayaman na naging biktima rin nila ay mawawalan na ito ng pakialam sa kanila kapag nalamang hindi iyon ang totoo nilang pagkatao. Tumingin ng masama sa kanya si Cahil. "Alam mo ba ang sinasabi mo? Kapag hindi nila nakita ang mukha na ginamit mo o ginamit namin, mas mataas ang posibilidad na mahanap nila tayo dahil maiisip nilang maghagilap pa ng ibang impormasyon. Kailangan natin ang mga mukhang iyon para nga sa kanila natin ililigaw ang sindikato, ibig sabihin, doon tayo tuluyang makakalaya at makatakas," paliwanag niya sa dalaga. Isang irap ang isinagot ni Zeta sa kanya, may halos inis ang reaksyon niya dahil hanggang ngayon ay kinatitigasan pa rin ng mga kasama niya ang katwirang iyon kahit pa siya ay sumusuko na. Pero sa kabilang banda, pagod na rin siyang sabihin sa mga kasamahan niya na nakakapanghina rin ang walang ginagawa. Gusto niya rin namang may gawin para sa problemang siya ang nagsimula, pero sa oras na ito ay wala siyang maibigay na tulong kaya kahit manlang sa pagbibigay ng suhestiyon ay gusto niyang makatulong. Ang kaso nga lang ay hindi rin iyon nakakatulong. Tumingin ang lahat kay Zyx nang magsalita ito, "Hayaan na muna natin sa ngayon ang tungkol sa mga mukhang iyon. Ibang bagay na lang ang atupagin natin," aniya. Kunot noong sumagot si Wren, "Huwag mong sabihing balak mo pang magnakaw ulit tayo? Safe bang lumabas ngayon ng ganoon?" Gulat ang naging reaksyon ni Zeta sa naging tanong ni Wren. "Hoy, Zyx? Totoo? Kakatapos lang ng trabaho natin nakaraan at hindi pa nga natin naayos 'yung problemang nadulot n'on, tapos balak mo na namang magnakaw tayo ulit?" aniya. Napahawak sa noo si Cahil dahil sa mga tanong ng kasamahan niya. Nagkamot na lang siya ng ulo para hindi na makapagsalita pa ng hindi maganda. Habang si Zyx naman ay ngumiti sa kapatid. "Hindi tayo magnanakaw. Pero may isang Restaurant tayong lolooban." "Ano?!" sabay-sabay na reaksyon ng tatlo. Maski si Cahil ay nagulat sa narinig dahil hindi niya inasahan na maririnig niya ang isang ganoong ideya mula kay Zyx na sa paniniwala niya ay tanging tao sa kanilang tatlo na gumagamit ng utak sa lahat ng bagay. Tila gust niya nang bawiin iyon ngayon dahil sa narinig niya. Pagtataka ang unang naging reaksyon ni Zyx dahil sa pagtaas ng boses ng mga kasama niya. Pero nang maintindihan niya kung bakit naging ganoon sila ay natawa na lang ang binata bago ito nagsalita, "Hindi, tingin ko ay iba ang naiisip n'yo sa naiisip ko..." aniya. "Ano bang sinasabi mo? Bakit hindi mo na lang sabihin?" pang-aatat ni Cahil. Siya ang talagang pinaka hindi makapaniwala sa pagkakasabi ng kausap kauya gusto na niyang marinig ang paliwanag nito. Sumeryoso ang mukha ni Zyx nang magsimula siyang magsalita, "Dahil hirap tayong tuntunin kung may tao ba tayong magagamit bilang kubli sa kalokohan natin, nakaisip ako ng ibang paraan para malabanan natin ng patas ang Fallen Angel," aniya. Pagkatapos ay umayos siya ng upo saka nagpatuloy sa pagsasalita. "Siyempre, hindi natin sila kayang labanan ng harapan dahil hindi pa natin alam ang kaya nilang gawin lalo na sa mga gaya nating may malaking atraso sa isang miyembro nila. Confidential din ang mga impormasyon tungkol sa kanila at masasabi kong maingat talaga sila sa lahat ng bagay na konektado sa kanila..." pagtutuloy niya. Sa totoo lang, sa tuwing haharap si Zyx sa desktop niya para mag-research ng mga bagay tungkol sa sindikatong iyon ay nanlalamig ang kamay niya. Pigil ang hinga niya at halos nanginginig ang kamay niya tuwing magtitipa siya ng letra. Doble o triple ang ginagawa niya sa bawat pagpasok sa mga site na nakikita niya at talagang mabusisi siya sa nilalaman nito. Pero may kinaganda rin naman ang ginawa niyang ito, dahil sa ganitong uri ng pag-iingat niya ay sigurado siya ngayon sa bagay na ipapakita niya sa grupo. Inilabas niya ang kanyang cellphone at ipinakita ang isang picture ng lalaki. "Ang taong ito ay may-ari ng isang Restaurant na may kalayuan dito sa atin. Aksidente ko lang nakita ang mga impormasyong tungkol sa kanya. Pero lahat ng nabasa ko tungkol sa kanya ay may makikita kang bakas na konektado siya sa sindikatong iyon. Parehong-pareho rin sila ni Karl kung paano siya biglang yumaman," paliwanag niya. Tingin at kunot lang ng noo ang naging tugon nina Zeta at Wren sa mga sinabi ng binata. Tila kulang pa para sa kanila ang mga sinabi nito dahil hindi nila alam kung anong koneksyon ng lalaking iyon sa unang bagay na ipinagawa sa kanila ni Zyx. "Anong kinalaman ng taong 'yan kay Karl?" tanong ni Cahil, may ideya man siya sa kung anong ibig ipahiwatig ni Zyx ay hindi rin ito ganoon kalinaw sa kanya. Isang ngiti ang sumilay sa labi ng binata dahil sa naging tanong sa kanya ng kausap. Tila ba naramdaman niyang napakainam ng naiisip niyang ideya. "Siyempre, ang hinala ko ay miyembro siya ng sindikatong iyon. At ang naiisip ko... ay pasukin ang Restaurant niya para maghagilap ng dagdag impormasyon tungkol kay Karl o 'di kaya ay sa mismong sindikato," suhestiyon niya. Agad na nagtinginan ang tatlo nang marinig nila iyon. Alam nila na delikado talaga ang naiisip ni Zyx lalo pa kung pinaghihinalaan niya ang lugar na iyon na kabilang sa Fallen Angel. Tila ba lalo silang nalalapit sa gulo. Pero alam din naman nila na kahit hindi man nila gawin ang sinasabi ni Zyx, nalalapit pa rin sila sa gulo. Yumuko si Wren. "Talagang nag-iiba na ang takbo ng buhay natin..." aniya. Tumingin sa kanya ang tatlo at ganoon din ang iniisip nila, ibang-iba na ang mga nangyayari sa dati at tahimik nilang paraan ng pagnanakaw. Dati pa naman silang nasa panganib, sa tuwing gagawa sila ng kalokohan para pasukin ang isang bahay, alam nilang may kapalit na karma ang ginawa nilang iyon o 'di kaya ay maaring isa sa kanila ay mahuli o makulong. Pero sa ganoong uri ng trabaho, sanay na sila... alam na nila ang dapat gawin. Hindi kagaya ngayon na hindi nila alam kung tama bang ginagawa pa nila ito. Nagpapalit-palit ang tingin ni Zeta sa mga kasama at pansin niya ang panlulumo ng mga ito sa bagay na sinabi ni Wren. Maging siya ay apektado at aminado siyang nakokonsensya sa nangyayari, pero wala naman siyang ibang magagawa kundi pangatawanan na lang na kailangan nilang lusutan ang gulong napasok nila. "Ano ba kayo, wala namang pinagkaiba sa dati nating ginagawa ang sinasabi ni Zyx. Kaya natin 'yon!" ani Zeta para bigyan ng lakas ng loob ang mga kasama. Kahit paano, alam naman ng tatlong binata na may punto siya sa sinabi niyang iyon. Kaya dahil doon, nag-angat ng tingin si Wren na saktong tumingin kay Zyx saka nagsalita, "May plano ka na bang naiisip para sa balak mo?" Isang ngiti ang isinagot sa kanya ng kausap. Iyon na lang din ang naging tugon ni Wren, tumingin pa siya sa dalawang kasama para humingi at sumporta. Hindi naman siya binigo ng dalawa kaya gaya niya ay nagbigay din sila ng isang matamis na ngiti. Wala mang salitang lumabas sa mga labi nila, alam nilang naniniwala ang isa't isa sa magagawa nilang apat bilang grupo. Pasasaan pa't malulusutan din nila ang gulong napasok nila. *** Hindi nila maaring pasukin ng gabi ang restaurant dahil sa oras na sarado ito ay wala na rin silang makukuhang impormasyon. Kaya sige na naman ang reklamo ni Zeta na maaarawan na naman siya. Para sa pag-disguise na gagawin nila ngayong araw, si Cahil ang papasok sa opisina. Sina Wren at Zeta naman ay magpapanggap bilang magkasintahan na kakain lang sa Restaurant. At siyempre, si Zyx ay nasa bahay at magsisilbing mata nila mula sa malayo. Sa pagitan ng katahimikan sa byahe, kumunot ang noo ni Wren na nakaupo sa harapan nang mapansin niya sa rearmirror ang ginagawa ni Zeta. "Anong ginagawa mo?" tanong niya pagharap niya rito. Inihinto ni Zeta ang pagwawasiwas sa kanyang kaliwang kamay. Tumingin sa binata saka sumagot, "Wala lang, nagpa-practice lang ako paano kita sasampalin mamaya," aniya. "Siraulo," tugon ni Wren. Ilang saglit pa ay nakarating na sila sa lugar. Kagaya ng nakasanayan ay nag-park sila sa pwesto na malayo sa mismong lugar na target. [Wren, mauna ka nang pumasok sa loob. Nag-book na ako ng magiging date ninyo kahapon pa para sa araw na 'to. Sabihin mo lang 'yung pangalan na sinabi ko sa 'yo kanina,] paalala ni Zyx mula sa kabilang linya. Kahit pa Restaurant ang pupuntahan nina Zeta at Wren, nagsuot pa rin sila ng damit na bagay sa headset, 'yung tipng hindi mahahalata ng ibang tao na may kakaiba sa pagsuot nila nito. Kagaya ng ibinilin ni Zyx, nauna na si Wren sa loob para sabihin sa Waiter ang detalyeng sinabi sa kanya ng kausap. Naupo si Wren sa mesang itinuro sa kanya, animo'y naghihintay talaga siya sa kanyang makaka-date sa araw na ito. Samantala, naiwan sa sasakyan sina Zeta at Cahil. Walang nagsasalita sa pagitan nilang dalawa at wala ring sinasabi sina Wren at Zyx sa kabilang linya. Kaya bilang pagbasag sa katahimikan, si Zeta na ang nagsalita, "Orange, mag-iingat ka r'on, ha. Kapag namatay ka wala na kaming pari," biro niya sa kausap. Pinilit ng binata na huwag mapikon sa sinabi ng kasama niya, alam niya namang nag-aalala lang din ito at ayaw lang din niyang maasar siya ni Wren kapag nagsalita siya ng medyo seryoso. Pero mas pinili na lang niyang huwag nang sagutin ang sinabi nitong paalala, bagkus ay ibang bagay ang kanyang sinabi, "Huwag mo na sana kaming ipapahamak muli ngayon, Zeta," ani Cahil saka bumaba sa sasakyan dahil oras na para siya naman ang pumunta sa posisyon. Dahil hindi na nagkaroon ng pagkakataon ang dalaga na makasagot pa sa sinabi nito sa kanya, iniyuko na lang niya ang kanyang ulo para mapigil ang luhang nagbabadyang pumatak sa mga mata niya. Alam naman niyang kasalanan niya ang mga nangyayari, alam niya rin naman na ganoon talaga kung manalita iyong si Cahil. Pero hindi niya itatanggi na naapektuhan talaga siya nito. Ramdam na ramdam niya ang paninisi ng kasama niya sa kanya dahil nalagay sila sa ganitong problema ngayon. [Zeta, mag-ready ka na. Bababa ka na rin ng sasakyan,] paalala ni Zyx. Naging hudyat ang boses niyang iyon para punasan ng dalaga ang mata niya dahil nangilid ang luha niya. Alam niyang hindi siya dapat magpadala sa emosyon lalo na sa pagkakataong ito. Hindi na niya sinagot ang nagsalita sa kabilang linya, kumilos na lang siya sinunod ang sinabi ng kapatid. Ilang segundo lang ang nakalipas nang sinabi ni Cahil na nakapwesto na siya ay iyon naman ang hudyat ng pagbaba ni Zeta sa sasakyan. Ginawa niya ang magagagawa niya para magkaroon ng ngiti sa labi, kailangan niya munang isipin ang trabaho sa ngayon at dapat niyang isantabi ang personal na alalahanin. Para sa dalaga, nakakatawa lang isipin na tinuturing niya itong trabaho kahit pa hindi naman talaga ito dapat tingnan ng ganoon. "Good afternoon, Ma'am, do you have any reservations?" Isang Waiter ang bumati sa kanya pagpasok niya sa Restaurant. Ngiti ang isinukli niya rito. "No, I am with—" "Babe!" Hindi na natapos ni Zeta ang kanyang sinasabi dahil sa tawag na iyon ni Wren. Sabay sila napalingon ng Waiter sa binata. In-assist siya nito para ihatid sa mesa na inuupan ng kasama. Agad silang inabutan ng menu, pagtapos ay binigyan ng oras para makapag-order. [O-order na ba kayo?] tanong ni Zyx sa linya. "Oo," pasimple at tipid na sagot naman ni Wren. Siya ang may hawak ng menu, tila nagbabasa sa nasa loob nito. Pero ang totoo ay naghihintay lang siya ng sasabihin ni Zyx. "Babe, do you want something?" ani Wren pagtingin kay Zeta habang nakangiti. Dahil natatagalan sa pagsasalita ang nasa kabilang linya, kailangan nilang magpanggap na para bang nagdedesisyon talaga sila ng kanilang kakainin. Alam naman ng dalaga kung ano ang ginagawa ng kaharap niya, dahil maski siya ay naghihintay lang din sa iuutos ni Zyx. Ang kailangan na lang niyang gawin ay sumakay sa pagtatanong nito. Ngumiti siya sa kaharap. "Ikaw nang bahala, alam ko namang masasarap ang foods dito and may tiwala naman ako sa taste mo, Babe," aniya. Nagpalinga-linga sa paligid si Zeta pagkatapos niyang sabihin iyon. Hindi na siya mapakali dahil hindi niya pa naririnig na magsalita si Cahil simula kanina nang maghiwalay sila sa kotse. Habang si Wren naman ay hindi na makapaghintay sa dikta sa kanya ni Zyx, tila nag-iisip na rin kung bakit biglang natagalan. [Wren, Zeta, pasensya na hindi ko na kayo nasabihan. Bigla kasing nawala sa linya si Cahil, sinubukan ko siyang i-track pero hindi ko mahanap—] Napatayo sa gulat si Zeta. Walang ibang tumatakbo sa isip niya ngayon kundi takot at kaba na baka may kung ano nang nangyari sa kasama nila. Ito ang unang beses na nangyari ito sa lahat ng naging trabaho nila kaya hindi sanay ang dalaga na magkontrol ng emsyon sa ganitong pagkakataon. "Babe, may problema ba?" agad na tanong ni Wren. Tumayo na rin ito ang nilapitan ang dalaga. "Kumalma ka, huwag mong sirain ang plano. Ayos lang si Cahil, maghintay lang tayo ng ilang sandali," bulong ng binata sa kanya. Sinubukan ni Zeta na ikalma ang sarili niya, ginawa niya ang makakaya niya para makabalik sa karaktek na ginagampanan niya. Nang maging ayos na siya ay ngumiti siya sa kasama. "I'm sorry, Babe. Can I go at the Ladies Room? I have something... you know..." aniya na para bang tinutukoy niya na ramdam niyang dumating ang dalaw niya. Naintindihan ni Wren ang arte nito kaya ngumiti rin siya kay Zeta. "Ah, I see. Sige, you may go. Akala ko naman kung anong nangyari sa 'yo." Binitawan niya ito, agad namang nagmadali si Zeta paalis. Bago maupo si Wren, hinarap niya muna ang Waiter 'di kalayuan sa kanya. "Can I order after she come back? Alam mo naman siguro kung ano ang nangyayari sa babae kapag umaarte ng kakaiba," aniya saka pagak na tumawa. Ngumiti ang Waiter at saka tumango. "Okay, sir. You can take your time," aniya. Ibinaling naman ng binata ang tingin sa kung saan pumunta si Zeta. Nakaramdam na rin siya ng pag-aalala dahil alam niyang hindi maganda ang nangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD